Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

KABANATA 1


"Sino na ang ready para bukas?" tanong ni Shane, class mayor namin sa Philippine History subject. Humagikhik pa ito dahil sa excitement.

Ito rin ang naging dahilan kung bakit mas umingay pa lalo sa loob ng classroom. Dahil 'di sumipot ang instructor namin sa Financial Management, malakas ang loob nitong umupo sa harap at tanungin kami tungkol sa field trip namin na mangyayari bukas. Lahat naman ng mga kaklase ko ay interesado sa pupuntahan namin bukas maliban sa akin. Hindi ako interesado na pag-usapan nila ngayon dahil inaantok ako. Gusto kong manahimik sila para makatulog ako.

Oo, ganoon ako ka-attitude.

Nagsitaasan naman ng kamay ang iba kong kaklase na nasa harapan at sinabayan naman ng malalakas na hiyaw ng mga lalaki na nasa likuran. Hindi tuloy ako makatulog dahil sa ingay na namamayani sa loob ng room. Gusto kong magdabog!

Respeto naman sa antukin nilang kaklase.

"Excited na talaga ako!" sigaw ni Kaleela na nasa harap ko lang.

"Mas excited ako makilala 'yong transferee mamaya kaysa bukas!" May halong tili at kilig ang boses ni Isagn. Nilingon ko ang kaibigan ko at tiningnan ito nang masama. Ang harot-harot ng bruha!

"What? Ang sabi kasi nila gwapo, eh. Balita ko pa, isa raw siyang Architecture student," panlaban niyang sagot sa akin.

Inirapan ko siya.

Basta usapang gwapo, isa siya sa nangunguna sa pila. Hindi ko na lang siya pinansin. Yumuko na lang ulit ako sa arm chair at pinilit matulog. Hindi pa ako nakakapikit nang may yumugyog naman ngayon sa balikat ko. Medyo naiinis na ako dahil kanina pa may humahadlang sa pagtulog ko.

"Zariya, look at this. Baka gusto mong sumama sa amin after sa Casa Gorordo Historical Landmark?" Boses 'yon ni Kaith.

Ayaw ba talaga nila akong patulugin? Antok na antok na ako! Kahit naiinis ay tiningnan ko pa rin ang picture na nasa phone ng isa ko pang kaibigan.

Tinitigan ko ito nang mabuti. Familiar ang picture na ipinakita niya. Pakiramdam ko ay alam ko ang lugar na 'yon at tila nanatili ako roon nang mahabang panahon.

"Kasi 'di ba, nasa Cebu na tayo kaya lubusin na natin. Maganda raw dito, eh. Based sa picture na rin, maganda nga talaga. Ano sa tingin mo? Puntahan ba natin?" Bakas sa boses nito na sobra siyang na-e-excite.

Imbes na sagutin siya, mas tinitigan ko lang lalo pa ang picture. Baka sakaling maalala ko kung paano ako nakapunta roon. "Saan ito?" interesado kong tanong sa kaniya.

Nawala bigla ang antok ko nang makita ang picture ng simbahang ito na mala-palasiyo ang disenyo. Kahit pa may pagkaluma ay 'di maitatangging napakaganda pa rin nito, sobra! Ang buong simbahan ay pinintahan ng kulay puting pintura kaya mas nagmukhang modern castle. Sa harap ng simbahan ay may tila hardin at sa gitna nito ay maliit na lawa na lalong nagpaakit para sa mga turista. Malawak rin ang espasiyo sa harap ng simbahan.

Napakagandang lugar!

"Simala Shrine ito, the Miraculous Castle Church in Cebu," sagot ni Kaith.

"Nakapunta na ako riyan," bulalas ko. Hindi ko pa rin inaalis ang pagkakatitig sa picture.

Kumunot naman ang noo ni Kaith. Nagtataka itong bumaling sa akin. "Akala ko ba ay first time mong makakapunta sa Cebu bukas kaya paano ka naman nakapunta na roon, aber?"

"Oo nga, first time ko pa lang makapuntang Cebu bukas," pagsang-ayon ko. "Pero ramdam kong nakapunta na ako sa lugar na iyan."

Maging ako ay 'di ko rin maipaliwanag. Basta I have this kind of feeling that I already visited that Church. 'Di ko nga lang matandaan kung kailan at kung paano.

Hindi pa ako nakakapuntang Cebu at bukas pa lang ang kauna-unahang punta ko roon dahil sa field trip namin sa Philippine History. Sa Casa Gorordo Historical Landmark ang napagdesisyunan na pupuntahan namin at ang sabi ni Ma'am, if may natitirang oras pa ay p'wede kaming gumala sa malapit na historic sites. Basta mag-iingat lamang kami at bumalik sa napagkasunduang oras.

"Ang gulo mo naman!" Napakamot ng ulo si Kaith at binawi ang nakalapag na phone niya sa harap ko. "Baka nasobrahan ka lang sa tulog o kaya baka naman dahil sa kakapanaginip mo sa limang Prinsipe, akala mo ito ang Kaharian nila."

Limang Prinsipe... Kaharian...

Muli na namang lumitaw sa 'king isipan ang madalas kong mapanaginipan. Nagsimula ito noong gabi ng ika-labing-pitong kaarawan ko at simula noon, wala nang gabi na 'di nila ako dinalaw sa panaginip.

Limang Prinsipe at isang maganda't napakalawak na kaharian.

Baka nga dahil sa panaginip na 'yon, inakala kong nakapunta na ako sa Simala Church kahit hindi pa talaga. Pero iba pa rin talaga ang pakiramdam ko. Tila siguradong-sigurado na akong napuntahan ko na ang lugar na 'yon.

"Oh siya, 'wag mo na lang isipin. Tara na sa kabilang room dahil alas-dos na." Kinuha na ni Kaith ang bag niya at nauna nang lumabas.

Nagsitayuan na rin ang iba ko pang mga kaklase. Tumayo na rin ako dahil wala naman akong choice. Hanggang alas-dos lang kami rito at may susunod pang mga estudyante ang gagamit sa room na ito. Philippine History ang last subject namin at sa tabing room lang ang next room namin. Ito ang subject na lagi kong tinutulugan.

Imagine, Philippine History sa oras na 2:00 PM at 1 hour and 30 minutes pa? Idagdag pa na ang hina at ang malumanay ng boses ng instructor namin, aantukin talaga ako!

Naupo na ako sa tabi ni Kaith at inilapag ang bag sa bakanteng upuan na nasa kanan ko. Ang swerte ko nga dahil nasa pinakalikod kami. Hindi tuloy ako makita ni Ma'am na natutulog at advantage rin 'yon para kumain nang palihim sa oras ng discussion.

Wala pa naman si Ma'am kaya I decided na matulog muna. Sinabihan ko sila Kaith at Isagn na gisingin ako 'pag nandiyan na si Ma'am pero yuyuko pa lang sana ako ay bigla na lang may nagsalita mula sa likuran namin. "Good Afternoon, class!"

Alam na alam ko ang boses ng Philippine History instructor namin. Si Ma'am Allado na 'yon.

Ilang segundo lang nang makarating si Ma'am sa harap, may naghagis ng bag sa mismong harapan ko at buti na lang nasalo ko 'to agad kung hindi, tumama na ito sa mukha ko. Nilingon ko ang walang hiyang gumawa sa 'kin nu'n.

Tiningala ko siya at pinagsalubungan ng kilay.

"Oh, sorry," sarcastic niyang wika. "Ito na lang kasi ang bakanteng upuan so, whether you like it or not, I will sit here beside you."

Aba, itong kupal na 'to! Napakayabang.

"Una, huwag mo akong ma-english-english! Pangalawa, p'wede mo naman iabot sa 'kin ang bag ko--"

"Mr. transferee, nandito ka na pala. Can you introduce yourself?" ani ni Ma'am Allado dahilan para maputol ang sinasabi ko.

Nagsilingon na ang lahat sa kaniya at nagsimula na rin ang bulungan ng mga kaklase kong babae. Napunta sa kaniya ang lahat ng atensiyon. Malamang ay gwapo, eh!

Nanatili siyang nakatayo sa tapat ng bakanteng upuan sa tabi ko.

"Hi! I'm Klein, an irregular Architecture student." Matapos niyang bigkasin ang ilang salita na ginamit sa pagpapakilala, naupo na siya agad.

Iyon na 'yon?

Hindi pa rin naalis ang masamang tingin ko sa kaniya. Tutok ang atensiyon nito sa instructor naming kasalukuyang nagdi-discuss ngayon kaya naman malakas ang loob kong titigan siya.

Gwapo nga, walang hiya naman! Mukha pa siyang mayabang. Dumako ang paningin ko sa buhok nito. Naagaw ng atensiyon ko ang ilang hibla ng buhok niya na kulay asul. Napamangha ako dahil parang tunay talaga at 'di lang siya bastang kinulayan lang.

"Tell me, do you have a crush on me? That's why you keep on staring at me?" tanong nito na ikinabigla ko.

Paano niya nalaman na tinititigan ko siya? Tatlo ba mata niya, ha?

"Hindi ka lang mayabang kung umasta, assumero ka pa!" bwelta ko. Nakaramdam ako ng hiya dahil nahuli niya ako kaya kailangan kong umasta na hindi siya tinititigan nang palihim.

"Crush your face."

Inalis ko ang paningin ko sa kaniya at ibinaling na lang ito kay Ma'am. Nasa kalagitnaan na siya ng seryosong discussion. This is it! Makakatulog na ako.

Nakayuko na ako nang marinig ko ulit ang bulong ng katabi ko. "Sleeping while your teacher is busy on discussing the topics? Until now, you have this kind of attitude. Tsk, pasaway kahit kailan!" He smirked.

Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy o kausap niya. Kung ako nga ang pinaparinggan niya, wala pa rin akong pakialam kaya hinayaan ko na lang ito. Ang mahalaga, makakatulog ako. Huwag niya akong pakialaman.

"Ipatawag ang lahat ng Kharim dahil maghahanda tayo ng isang malaking piging!" maawtoridad na utos ng Hari.

Ang apat na kawal ay agad tumalima sa sinabi ng kanilang Hari. Yumuko muna sila bilang pagbibigay respeto bago tuluyang umalis.

"Ngunit para saan ang piging? May okasyon po ba?" tanong ng isang lalaking 'di malinaw ang mukha. Gaya sa suot ng Hari, magara rin ang kasuotan nito. Bakas na mayroon siyang mataas na posisyon sa Kaharian. "Tila hindi yata kami nasabihan na maghanda."

"May mahalaga tayong panauhin na darating bukas. Sa tagal nating naghintay ay sa wakas, babalik na siya!"

"At sino naman ito, Ama?" tanong pa ng isang lalaki na nasa tabi lang din ng Hari. Tinawag niyang Ama ang Hari kaya napagtanto kong sila ay ang mga Prinsipe.

"Ang isang binibini na magpapabago ng takbo ng ating tadhana sa pangalawang pagkakataon. Siya ay si--"

"Zariya!" Napamulat ako dahil sa lakas ng sigaw ni Kaith. Nakailang hikab muna ako bago iniangat ang aking ulo. Nakita kong wala na ang mga iba kong kaklase at kaming dalawa na lang ni Kaith ang natira sa loob.

"Siguro kung 'di pa kita gigisingin, tulog ka pa rin hanggang sa makauwi na ang lahat ng estudyante at faculty teachers dito sa University at malamang sa malamang, dito ka na rin matutulog," nakapameywang na usal nito.

Hindi na ako umimik pa. Kinusot-kusot ko na lang ang mata ko at inalala ang napanaginipan ko. Wala na namang bago, tungkol na naman 'yon sa mga Prinsipe. Tumayo na ako at kinuha ang bag ko at saka sumunod kay Kaith na tuluyan na ring nakalabas.

Napahinto ako sa pinto nang makita ko 'yong assumerong transferee na nakatayo ro'n sa tabi, tila may hinihintay. Tiningnan niya lang ako. Tinapunan ko naman siya nang masamang tingin at inirapan bago tuluyang lagpasan.

Nagpaalam na si Kaith na hihintayin niya na muna ang pinsan niyang isang Engineering student. Madalang ko lang makita ang pinsan niyang iyon at 'di ko pa nakakausap pero napakafamiliar ng mukha niya.

Ako naman ay mauuna nang umuwi. Inaantok pa rin ako. Sa bahay ko na itutuloy ang naudlot kong tulog, walang istorbo roon.

Nagsimula na akong humakbang nang mapansing naglakad na rin ang kupal na 'yon at kasunod ko lang ito. Mas binilisan ko ang paglalakad dahil ayoko siyang masabayan.

Pero dahil sa pagmamadali, may 'di sinasadya akong nabunggo. Nahulog tuloy ang dalawang Accounting books na dala ko. Sabay kaming yumuko para damputin ang libro kong nahulog.

"Ano ba 'yan? Hindi kasi nag-iingat!" ani nito na bakas sa boses ang pagkainis.

"I'm sorry," sambit ko nang madampot ko na ang dalawang libro ko. Tumayo ako at hinarap siya.

Infairness, may hitsura ang lalaking nasa harap ko ngayon.

"I'm not accepting sorry, Miss."

I raised my right eyebrow. "So, what do you want?"

"Date with me and then, you'll be forgiven." He winked at me.

Nagsalubong ang dalawang kilay ko na dahilan naman ng pagguhit ng ngiti sa kaniyang labi. Ang mga ngiting 'yon, familiar. Parang nasilayan ko na 'yon!

"I'm just kidding." He chuckled. "I can't believe that you're still the girl I met before. The only girl who can resist my charm."

Pinagsasabi niya? May saltik ba ang isang'to?

"Ewan ko sa 'yo! 'Di naman kita kilala, boang!" singhal ko. Nilagpasan ko na ito at nagpatuloy ulit sa paglalakad.

Bakit tila ang malas ko ngayong araw? Dalawang kupal ang sumira ng araw ko. Kailangan ko na talagang umuwi para wala nang dumagdag pa.

Walking distance lang ang bahay namin. Mga 10 minutes lang ang layo nito sa University na pinapasukan ko kaya araw-araw, naglalakad ako. Sayang naman ang pamasahe kung sasakay pa ako. Makalipas ang sampung minuto, nasa tapat na ako ng bahay. Nadatnan ko sa kusina si Mama na abala sa paghahanda ng hapunan namin. Maaga kasi akong kakain para maaga rin akong magising dahil kailangang 6 o'clock in the morning bukas ay nasa University na dapat kami.

Matapos kumain, inayos ko na ang bag at gamit na dadalhin ko bukas at saka nahiga na sa kama. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang litratong ipinakita sa 'kin ni Kaith kanina, ang Simala Shrine. Pakiramdam ko ay nakapunta na talaga ako roon. Idagdag pa ang excitement na nararamdaman ko ngayon. Hindi na ako makapaghintay na makapunta sa simbahang 'yon.

Kinaumagahan, saktong alas-sais ay nasa gate na ako ng University. Pumunta agad ako sa tabi ni Kaith, Isagn at Kaleela. Hinihintay namin ang susunod na bus kung saan kami sasakay. Bale lima lahat ang school bus na gagamitin. Hindi lang kasi Accountancy department ang sasama, maging ang ibang department din na may Philippine History subject.

Ilang saglit lang ay huminto na ang bus sa harap namin. Sumakay na ang mga ibang estudyante. Sumakay na rin sila Kaith at susunod na sana ako kaso natigil ako nang may sumigaw sa pangalan ko.

"Miss Cortez!" Nilingon ko ito. Isang lalaking estudyante na nakasuot ng department shirt na gaya ng suot ko. Kaklase ko ba 'to? Familiar ang mukha niya, eh.

"Nahulog ang ID mo. Here..." Iniabot niya sa 'kin ang isang ID. Tiningnan ko muna ang suot kong ID para makasiguradong akin nga 'yon. ID lace na lang ang mayroon at mukhang nahulog ko nga ang ID ko mismo. Kinuha ko 'yon at nagpasalamat.

"Masaya akong babalik ka na ulit. Sana sa pangalawang pagkakataon, ako naman ang piliin mo," an'ya bago ako tinalikuran. Hahabulin ko sana siya para tanungin kung ano ang ibig niyang sabihin pero baka maiwanan ako ng bus kaya mas pinili kong sumakay na lang.

Saka ko na lang siya tanungin kapag nagkita kaming muli. Madali ko lang naman siyang mahagilap dahil same department kami.

Bago sumakay, may isang student council officer ang kumukuha ng ticket sa bungad ng pinto ng bus. Binigay ko sa kaniya agad ang ticket ko nang nasa tapat na niya ako.

"Nawa'y maging masaya ang iyong paglalakbay, binibini," ani nito sabay ngiti.

Ha? Iyon ba ang parang quote nila sa mga estudyanteng sasakay? Weird.

Nang makasakay na ako, nakita kong magkatabi sa unahan sina Isagn at Kaleela. Hinanap ko si Kaith para sana siya na lang ang katabi ko pero naunahan na ako ng pinsan niya. Humingi ito ng pasensya pero sabi ko, okay lang dahil maghahanap na lang ako ng ibang mauupuan. Nginitian naman ako ng pinsan niya bago ko sila lagpasan. Ewan ko ba, 'di naman kami gano'n ka-close nu'n pero sa t'wing nagkakasalubong kami, nginingitian niya ako. Friendly lang siguro talaga ang pinsan ni Kaith.

Ilang saglit lang na paghahanap ng bakanteng upuan, sa wakas ay may nakita na ako. Sa may bandang likod ito at kung sinus'werte nga naman ako, tabi pa ng bintana ang bakanteng upuan na 'yon. Agad akong naglakad patungo roon.

"Excuse me," saad ko sa lalaking kasalukuyang nagbabasa ng libro. Hindi kasi ako makadaan dahil nakaharang ang binti niya.

Kasabay nang pagtingala niya ay ang siya ring paglaki ng mata ko. "Ikaw na naman?"

"So? Kung ayaw mo akong katabi, maghanap ka ng ibang upuan." Walang ganang binalik nito ang paningin sa librong hawak niya.

Nagpalinga-linga ako pero wala na akong makitang bakanteng upuan pa. No choice, tatabihan ko pa rin itong mayabang na transferee na ito! Klein yata ang pangalan niya kung 'di ako nagkakamali ng rinig kahapon.

"As if I have a choice!"

Binigyan niya ako ng space para makaupo sa tabi niya. Okay na 'to, at least nasa tabi ako ng bintana. Nang umandar na ang bus, isinandal ko na rin ang ulo ko sa bintana para matulog. Itutulog ko na lang buong biyahe kaysa mainis dito sa katabi ko. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang ginawa niya kahapon sa akin. Muntikan niyang natamaan ang mukha ko!

Wala pa yatang sampung minuto ay nag-preno nang sobrang lakas ang driver. Tila may tumulak sa likod ko nang sobrang lakas na halos tumama na ang mukha ko sa upuang nasa harap ko. Ang ipinagtaka ko, naramdaman kong may humawak sa kaliwang kamay ko at imbes na matigas na bagay ang dumapo sa noo ko, tila may sumalo na palad upang protektahan ito.

Kahit inaantok at nahihilo, pinilit kong iminulat ang aking mga mata para malaman kung ano ang nangyayari.

"Anong ginagawa mo?" Inagaw ko ang kamay ko mula sa kaniya. Kasi naman, may balak pa yata siyang halikan ang kamay ko.

"Bakit, binibini? Akala ko ay may pagtingin ka sa 'kin kaya hanggang dito sa sinasakyan kong kalesa ay sinundan mo ako."

Hindi maalis sa labi niya ang ngiti.

Mapulang labi, nakakaakit na ngiti, matangos na ilong, mapupungay na mata, makapal na kilay at...

Kulay kahel na buhok?

"Alam kong biniyayaan ako ng mala-anghel na mukha ngunit binibini, baka malusaw ako niyan sa sobrang pagtitig mo."

Tiningnan ko siya na parang nandidiri. Oo, cute siya pero masiyado siyang mahangin kaya ekis pa rin!

"Ang kapal mo naman! Pero t-teka, sino ka ba?"

Lumingon ako sa paligid. Wala na ako sa bus. Nasaan ako ngayon?

Hindi ko alam kung nasaang lugar ako. Dali-dali akong tumalon mula sa kalesa. Ilang beses ko ring kinurot at sinampal ang pisngi ko dahil baka nananaginip na naman ako pero nakaramdam lang ako ng sakit.

"Binibini, sandali!" Sumigaw ang lalaking may kulay orange na buhok. Tiningnan ko ito, namangha ako sa suot niya. Nakasuot siya ng eleganteng damit na tulad ng isang Prinsipe na nasa panaginip ko.

Nang akmang bababa na siya sa kalesa ay tumakbo na agad ako. Baka kung ano pa ang gawin niya sa akin.

"Zariya, ano ba? Gumising ka na! Nananaginip ka na naman," wika ko sa 'king sarili habang tumatakbo.

Huminto ako nang makaramdam ako ng pagod. Nilibot ko na naman ang paningin ko sa paligid. Napapatingala ako at napapayuko dahil hindi pantay-pantay ang mga tao. May mga higante at mayroon ring hindi katangkaran, mas maliit pa sa 'kin. Tumabi ako sa isang puno dahil baka maapakan ako ng mga higante. Kakaiba ang mga taong nakikita ko ngayon. Ibang-iba sila sa mga normal na tao na gaya ko.

"Maligayang pagbabalik, Prinsesa Amity!"

Napaatras ako nang makita ko sa sanga ang isang kakaibang ibon. Hindi ko matiyak kung owl ba ito o tarsier dahil ang anyong pangtaas niya ay owl samantalang ang pang-ibaba naman ay gaya sa isang tarsier. May pakpak ito at nagsasalita pa! Anong klaseng hayop ito?

Natatakot man ay pinilit ko pa ring magtanong. "Saang lugar po ito?"

"Nasa Kaharian ka ng Norland. Ang Kaharian na laging laman ng iyong panaginip."

Kaharian ng Norland?

"Ano po bang pinagsasabi niyo? At paano niyo nalaman ang tungkol sa panaginip ko?"

Lumipad ito sa isa pang sanga na mas malapit sa 'kin. "Dahil ako ang dahilan kung bakit naririto ka ngayon."

Mas lalo pa akong naguluhan. Ano bang nangyayari sa 'kin? Nasa bus lang ako kanina tapos biglang nandito na ako? And worst, nasa Kaharian daw ako ng Norland?

Ang Kaharian na lagi kong napapanaginipan!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro