9-I Need You
Chapter Eight
MATAAS ang lagnat ni Walter nang umuwi mula sa paaralan. Worried itong sinalubong ni Annika.
"My God. Ang taas ng lagnat mo," halos mapaso siya nang idampi ang isang kamay sa balat nito.
Inalalayan niya ang binata papasok ng kuwarto. Mabuti na lamang at kahit masama ang pakiramdam nito ay nakauwi pa ito nang maayos.
"You should have texted me para nasundo kita."
"Nilalamig ako," nanginginig ang buong katawan na sabi ni Walter.
Mabilis niya itong inalisan ng sapatos. Narinig niya ang parang nasaktang pag-ungol nito. Nagmamadaling kumuha siya ng kumot at kinumutan ito nang doble.
"Sandali at ikukuha kita ng gamot," natatarantang paalam ni Annika nang lumabas ng silid at kumuha ng paracetamol at tubig. "Gutom ka ba?"
"H-hindi. Kinain ko 'yong ipinabaon mo sa aking sandwich k-kanina," pati baba nito ay nangangatal sa sobrang pangingiki.
"Here, drink this," maingat na inalalayan ni Annika ang binata para makainom ito ng gamot na dala niya.
Nang muli itong bumalik sa pagkakahiga ay hindi nalingid sa kanya ang pagngiwi ni Walter.
"May masakit ba sa'yo? Saan banda?"
"Ang paa ko, kumikirot."
"Let me see," maingat niyang inangat ang kumot sa may bandang paanan nito. Nakasuot pa ito ng medyas kaya maingat niya iyong hinubad dito. "Oh."
Namamaga at namumula nang husto ang sugat nito sa talampakan.
"Walt, I think you need to see a doctor," labis ang pag-aalalang sabi ni Annika.
Mukhang na-infect ang sugat nito. And worst, baka may kalawang pa ang bagay na naapakan nito kagabi nang sumugod sa ulanan para sunduin siya.
"D-dahil lang 'to sa u-ulan kagabi. Hindi l-lang ako nakapagbanlaw n-nang mabuti."
"No! You need to see a doctor. Paano pala kung may kalawang na lata o yero ang naapakan mo kagabi? This can cause you a serious damage."
"Annika, h-hayaan mo lang muna akong matulog. M-mamaya lang ay a-ayos na ako. L-lagnat laki l-lang 'to."
"What are you—a kid? My God, Walt. You're killing me here."
"Shh, a-ako ang mamamatay sa p-pagna-nag mo." Kinuha nito ang kanyang kamay at ginawang unan.
"Sorry," mangiyak-ngiyak na sagot niya. "Basta mamaya kapag hindi pa rin bumaba ang lagnat mo itatawag na kita ng doctor, ha?"
"Hu-hmn."
"Walt, baby. Please? Makinig ka naman sa akin, ha? Itatawag kita ng doctor."
Kahit mukhang nahihirapan ay isang ngiti ang nakita niyang gumuhit sa mga labi nito.
"Are you delirious already?" mahinang bulong niya rito at nahagod ito sa noo.
"Siguro nga... baby."
Namula ang mga pisngi niya. That was just a slip of the tongue. Sa sobrang pag-aalala niya ay hindi na niya namalayan ang lumalabas sa kanyang bibig.
"Baby?" tawag ni Walter habang nakapikit.
"O, b-bakit? May masakit ba sa'yo? Gusto mong hilutin kita?"
"Wala. Dito k-ka lang sa t-tabi ko. Huwag kang l-lalayo."
"Of course. Rest and get some sleep, okay?"
Pinisil nito ang kamay niya at pahapyaw na dumampi ang mainit na labi sa likod niyon habang ito'y nakapikit.
Wala sa loob na napangiti si Annika sa kabila ng pag-aalala.
"Baby?" muling tawag nito.
"O?"
"Baby na ba talaga kita?"
Namula ang magkabilang pisngi niya at hindi kaagad nakasagot.
"Baby, sagutin mo naman ako, o. Baby na ba talaga kita?"
"G-gusto mo ba?"
"Gusto. Gustong-gusto."
"Then, yes. Baby mo na ako," nag-iinit ang mga pisnging sagot niya.
Akalain ba niya iyon. Nagkasakit lang ay sobrang lambing na. Samantalang noong unang araw niya rito ay ang sungit-sungit. Ipinagtabuyan pa siya.
"Baby Nik-Nik."
Napangiti siya. "Bakit naman Baby Nik-Nik?"
"Gusto ko lang, para unique."
Hinaplos niya ang pisngi nito. Gusto sanang tumayo ni Annika para kunin ang thermometer at nang ma-monitor niya ang taas ng lagnat nito. Kaso baka magreklamo ito ganoong ang higpit ng hawak sa kamay niya. Hihintayin niya na lang itong makatulog.
"Baby Nik-Nik."
"O?"
"A-ayos lang ba sa'yong maging boyfriend a-ang isang katulad ko?"
"At ano ba ang isang katulad mo?" nangingiting tanong niya. Kinikilig siya, sa totoo lang. Ganito bang manligaw ang isang Walter Ocampo? Kahit inaapoy ng lagnat ay dumidiga?
"Mahirap, i-isang hamak na working student, pogi, minsan barumbado pero malambing at mapagmahal."
"Ayos lang naman. Hindi naman ako naghahanap ng boyfriend na mayaman. Working student? Mas gusto ko nga ang mga gano'n, nakakabilib dahil marunong silang magsumikap. At siyempre, dahil isa akong diyosa, kailangan namang hindi pahuhuli ang hitsura ng magiging boyfriend ko, di ba? Dapat pogi. And you may not know this, but I really had a thing for bad boys. Sila kasi kadalasan 'yong malambing at mapagmahal."
Nakita niya ang marahang pagngiti nito habang nakapikit.
"I love you."
Hindi nakagalaw si Annika sa kinauupuan. Parang nayanig ang buong sistema niya. Totoo ba ang narinig niya o nabingi lang siya?
"Walt, ulitin mo nga 'yong sinabi mo."
Hindi na ito nagsalita. Mukhang nakatulog na ito.
"Baby? Baby Walt ko, uy." Narinig niya ang banayad nitong paghihilik.
"Ang daya."
NANG muling magmulat ng mga mata si Walter ay nasa loob na siya ng isang puting silid. Medyo nanghihina pa siya pero pinilit niyang bumangon at isandal ang sarili sa ulunan ng hospital bed. Napansin niya ang dextrose na nakakabit sa kanya.
Nag-iisa lang si Walter sa silid. At nang ilingap ng binata ang tingin sa buong silid ay napabuntong-hininga siya. Sa hitsura pa lang ng kinaroroonan niyang kuwarto ay halatang mamahalin na iyon.
Gusto niyang mainis kay Annika. Sinabi ng hindi niya kailangang magpa-ospital. Ano na lang ang ibabayad niya roon? Aasa na naman siya sa tulong ng Ate Willa niya? At kanino manggagaling ang pera? Sa bayaw niya, sa kapatid ni Annika.
Muli ay isang buntong-hininga ang umalpas sa mga labi ng binata. Nasa ganoon siyang ayos nang bumukas ang pinto at pumasok si Annika.
"Walt," isang matamis na ngiti ang kaagad na sumilay sa mga labi nito. Ngiting unti-unting napalis nang malamig niya itong tapunan ng tingin.
Napayuko ito.
"O, mabuti at gising ka na," 'ika ng kanyang Ate Willa na hindi niya kaagad napansing kasunuran ng dalaga.
"Ahm, l-lalabas muna ako, Ate," paalam ni Annika. "M-may nakalimutan lang akong bilhin."
Bago pa nakasagot si Willa ay pumihit na palabas si Annika.
Naninita ang tinging ipinukol ni Willa sa nakababatang kapatid.
"Ano ang ginawa mo?" anito kay Walter.
"Ano ang ginawa ko? Nakita mo naman at tahimik lang akong nakaupo rito, di ba?"
"Nakaupo ka nga lang pero 'yang mga mata mo talo pa ang bloke ng yelo kung makatingin. Ano ba ang masama kung dinala ka namin dito sa ospital? Alam mo bang halos nagdidiliryo ka na nang sunduin ka namin ng ambulansya?"
Napasimangot si Walter. Kung ang mga mata niya ay bloke ng yelo, ang mga mata naman ng kapatid ay parang apoy, naglalagablab. Konti na lang at malapit na siyang magbaga.
"Sabi ng doktor, mabuti na lang daw at nadala ka kaagad ng ospital. Kung hindi ay baka lumala pa ang sugat d'yan sa paa mo. Tinurukan ka nila ng anti-tetano."
Kung ganoon ay tama pala si Annika. Siguro nga ay may naapakan siyang lata o yero.
"Paminsan-minsan ay ilagay mo naman sa lugar 'yang taas ng pride mo. Alam kong ayaw mong humingi ng tulong sa akin financially dahil gusto mong magsumikap sa sarili mong pamamaraan. Pero sino ba ako? Ano ba tayo? Para que pa at naging ate mo ako kung sa oras na nagigipit ka ay hindi ka lalapit sa akin? Noong walang-wala ako, sino ba ang naging karamay ko? Hindi ba't ikaw? Magkapatid tayo, Walter. Sana huwag mong kalilimutan 'yan."
Napayuko ang binata at hindi na lamang nagsalita.
"Aalis na ako. Kung nagagalit ka kay Annika ay isasama ko na lang muna siya pauwi. Pababantayan na lang kita rito sa maid. Babalik ako bukas para alamin sa doktor kung kailan ka puwedeng lumabas."
"Huwag."
"Ano?"
"H-huwag mong isama si Annika."
"Kung aawayin mo lang siya at sasaktan—"
"Hindi ko siya aawayin," naiinis na sagot ni Walter sa kapatid. Masama lang naman ang loob niya. Pero ngayong humupa na ang tampo niya ay natatakot siyang mapalayo ito sa kanyang paningin. "Kailangan ko siya."
"Pakiulit."
"Kailangan ko siya!"
"Kailangan para ano? Para pasakitan? Hanggang kailan mo ba pahihirapan 'yong tao? Bata pa siya noon. At minsan, dala ng kabataan ay marami tayong nagagawang pagkakamali. Patawarin mo na siya."
"Tapos na 'yon. Napatawad ko na siya."
Patlang.
"At hindi ko siya kayang pahirapan. Paano ko pahihirapan ang babaeng iniikutan ngayon ng buhay ko?"
Mula sa parang galit na inahin kani-kanina lang ay unti-unting napangiti si Willa habang nakatingin sa bunsong kapatid.
"Huwag mo nga akong tingnan nang ganyan," nag-iinit ang mukhang pagsusuplado ni Walter sa Ate.
"Naku, naku, naku. Nahiya pa ito. Nagbibinata na ang kapatid ko."
"Ate!"
Napahalakhak ang kapatid niya. Parang galak na galak sa nakikitang pagka-asiwa niya.
"Hmp! Iwanan na nga kita. Naririyan lang sa labas si Annika. Matitiis ka ba naman no'n?"
Sa sinabi ng kapatid ay parang lalong nag-init ang buong mukha ni Walter. Narinig kaya nito ang mga sinabi niya sa nakatatandang kapatid?
"Annika, balik ka na rito. Aalis na ako."
Nakayukong pumasok si Annika nang buksan ni Willa ang pinto.
At bago umalis ay muli siyang nilingon ng kapatid. "Behave."
Sasagot pa sana si Walter pero lumabas na si Willa.
Naghari ang nakakaasiwang katahimikan nang maiwan sila. Pareho silang nangangapa kung sino ang mauunang magsalita.
"S-sorry," halos bulong lamang na sabi ni Annika.
"Ang layo mo. Hindi kita marinig," ani Walter.
Nasa may pinto kasi ito. Nang sumara iyon pagkaalis ng ate niya ay nanatili na lamang itong nakatayo roon na parang natatakot lumapit sa kanya.
Dahan-dahan itong humakbang palapit at tumigil sa may paanan ng hospital bed.
"Malayo ka pa rin."
Muli itong lumapit, may isang dipa ang layo mula sa kanya.
"Malayo pa rin."
Narinig niya ang paghinga nito nang malalim bago humakbang ng isa. Nang abot-kamay na niya ito ay marahan niya itong hinigit sa baywang at niyakap.
"Sorry rin."
Napahikbi ito nang sumubsob ng yakap sa balikat niya. Napangiti lang si Walter.
"Narinig mo ba ang lahat ng sinabi ko kay Ate?"
"Alin do'n?"
"Lahat."
Naramdaman niya ang paggalaw ng ulo nito tanda ng pagtango.
"Ano ang masasabi mo?"
"A-ano ba ang sasabihin ko?"
"Mahal mo rin ba ako?"
"R-rin?"
"Oo. Mahal kita kaya mahal mo rin ba ako?"
Patlang. Malapit nang mainip si Walter sa tugon ni Annika nang bumaklas ito sa kanya.
"Akala ko nagdidiliryo ka lang sa taas ng lagnat mo nang sabihin mo sa akin 'yon."
"Aling 'yon?"
"You whispered I love you before you fell asleep."
"And I do. Mahal kita."
"M-mahal din naman kita," misty-eyed na sagot nito.
"Totoo?"
Sunod-sunod ang naging tango nito. "Totoo."
Iyon lang at mahigpit silang nagyakap.
"Baby Nik-Nik ko."
"Baby Walt ko."
Nagkabungisngisan na lang sila na parang timang. Mayamaya lang ay sabay pang napawi ang ngiti sa kanilang mga labi bago unti-unti iyong naglapat sa isang banayad na halik.
"I love you, Baby Nik-Nik ko."
"I love you, too, Baby Walt ko."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro