5-Dope
Chapter Four
"TITO Walt!"
Nagulat si Walter nang pagdating niya ay sumalubong ang pamangking si Samantha.
"Prinsesa ko." Mabilis niya itong binuhat at inikot. Napahagikhik ang paslit. "Ano ang ginagawa mo rito? At sino ang kasama mo?"
"Si Nanay po."
"Ang bigat mo na, ah. At parang ang laki-laki mo na yata. Ikaw pa ba ang prinsesa ko? Parang hindi na ikaw 'yon, ah."
"Tito Walt, ako pa rin po 'yon."
Naaaliw na pinisil ni Walter ang maliit na ilong ng pamangkin. Na-miss niya ito. At ganoon din ang kanyang kapatid.
"Ibaba mo na ako, Tito. Paiinumin ko pa ng juice ang mga langgam."
"Ano?"
Ibinaba niya nga ito at pinanood ang ginagawa nitong laro nang dumating siya. Pinapatakan nito ng juice ang bahay ng langgam na nasa may pintuan ng bahay nila.
"Prinsesa, ingat ka sa mga langgam na 'yan, ha? Masakit mangagat ang mga 'yan."
"Hindi nila ako kakagatin, Tito Walt. Gagawin ko silang pet."
"Pet? Sa dami ng puwedeng maging pet, bakit naman langgam pa?"
"Ayaw akong ibili ni Tatay ng pusa or dog," parang nagsusumbong na sabi nito.
Nangingiting naupo siya sa tabi nito. "Kasi nga, Prinsesa, bawal sa'yo ang mababalahibong hayop dahil sa sakit mo. Kapag magaling na 'yang asthma mo, sigurado ako maski sampung pusa o kahit anong asong magustuhan mo ay bibilhin ng Tatay mo para sa'yo. Mahal ka lang namin kaya kapag bawal, bawal talaga, okay?"
"Okay."
"Pansamantala, magtiyaga ka na nga lang muna sa mga langgam. Pero huwag kang magpapakagat, papangit ang kutis mo. Magkakapeklat ka."
"Opo."
"Pasok na ako sa loob. Huwag kang lalayo."
Iniwan na niya ang pamangkin at pumasok sa loob ng bahay.
Pagbukas ng pinto ay saglit na napatda si Walter sa kinatatayuan. Mukhang nagkamali siya ng bahay na napasukan. Lalabas sana ulit siya nang marinig niya ang boses ng kanyang Ate Willa.
"Walter."
"Ate. Ano ang nangyari sa bahay? Nilooban ba kami? Bakit nawala 'yong dalawang pilay na monoblock?"
"Baliw. Dito raw matutulog ang pamangkin mo. Nagdagdag lang ako ng ilang muwebles at ilang appliances para naman maging komportable siya."
"Ilang muwebles at appliances? Meron pang ref at oven. Ate, alam mo ba kung magkano aabutin ang electric bill namin n'yan?"
"Ako ang magbabayad."
"Wow. Iba na talagang magsalita ang mga mayayaman."
"Gano'n? Kung pinipingot kaya kita para umayos-ayos 'yang tabas ng dila mo, ha?"
Bago pa nakailag si Walter ay naabot na ng panganay na kapatid ang tainga niya at napingot.
"Aray, aray, Ate. Masakit."
"Masakit talaga para ramdam mo."
"Tama na, tama na."
Nakita niya si Annika na lumabas mula sa kuwarto. Bahagya itong nakangiwi habang nakatingin sa kanya.
"I have nothing to do with it," sabi nito na para bang inaakusahan niya.
"Alam ko." Nakiskis ni Walter ang tainga nang bitiwan iyon ng kapatid. "Pero bilib ako sa'yo, Ate, ha? Kalahating araw lang akong nawala naayos niyo nang mabilisan ang mga gamit."
"Kailangan talagang bilisan. Dahil kung dumating kang hindi pa ayos ang lahat, malamang ipabuhat mo sa akin pabalik."
"Magagawa ko ba naman sa'yo 'yon," malambing na nahipo ni Walter ang malaking umbok ng tiyan ng kapatid. "Ilang buwan na ba 'to? Sumisipa na?"
"Six months."
"Lalaki o babae?"
"Lalaki."
"Mabuti at may lawit. Sana magmana sa kapogian ko."
"Ay sus, ang yabang mo talaga."
"Pogi naman."
"Oo na."
NANGINGITI lang si Annika habang pinagmamasdan ang pag-uusap ng magkapatid. Natutuwa siyang tingnan si Walter habang hinihipo ang tiyan ng kanyang hipag. Maging ganoon din kaya ito kalambing sa magiging asawa nito?
Nag-init ang mga pisngi niya nang biglang makita ang sarili na buntis at ito ang ama.
OMG.
But she doesn't mind. Not at all. Because deep down, she knows he will be a good father to his own child.
Hindi na rin naman nagtagal si Willa. Ibinilin na lamang nito si Samantha. Ang mga vitamins na dapat inumin ng bata at ang mga bagay na ipinagbawal dito ng doktor.
"Magbabait anak, ha? Pag-uwi mo, may surprise sa'yo si Tatay."
"Opo, Nanay."
"'Yong mga reviewers mo nai-save ko sa USB. Patulong ka kina Tito Walt o kahit kay Tita Annika. Puwede mo 'yong panoorin sa halip na cartoons. Nagkakaintindihan ba tayo, my life?"
"Yes po."
"Good. Kiss na kay Nanay. Kapag gusto mo nang umuwi, patawagan mo na lang ako kay Tita. Susunduin kita."
"Puwede namang ako na lang ang maghatid, Ate, para hindi ka na mapagod," ani Walter. "Matatagtag ka pa sa biyahe."
"Aba'y sige. Isama mo si Annika."
Nang lumingon sa dako ni Annika si Walter ay tumango lang ang dalaga.
"Sige."
Inihatid ni Walter hanggang sa sasakyan ang kapatid.
HABANG naglalakad patungo sa sasakyan ay ilang kakilala ang nangumusta at bumati kay Willa. Lalo raw gumanda ito. Mukha raw sinuwerte ito sa napangasawa. Ang alam lang ng mga kakilala nila ay simpleng maykaya ang napangasawa ng kanyang Ate Willa. At hindi na iyon itinuwid ni Walter. Sari-saring klase ng tao ang naninirahan sa lugar nila. Baka malagay pa sa alanganin ang buhay ng pamangkin niya at ni Annika kung malalaman ng lahat na kabilang sa pinakamayamang tao sa Pilipinas ang apelyidong nakakabit sa mga ito.
"Hanggang kailan mo ba pahihirapan si Annika?" malapit na sila sa sasakyan nang ungkatin iyon ni Willa sa kapatid.
"Ate, ano bang pinahihirapan ang sinasabi mo? Mukha ba siyang minamaltrato?"
"Alam mo kung ano ang sinasabi ko? Hindi mo pa rin ba siya napapatawad?"
"Two weeks, Ate. Two weeks pa lang siyang nakatira sa bahay. Ilang taon ba tayong naghirap bago tayo nakabangon? Ikaw, hindi mo na ba naaalala ang panlilibak sa'yo ng mga tao noon?"
"Walt," sinapo ng kapatid ang mukha niya sa pagitan ng dalawang palad nito. "Kahit maaga tayong naulila sa mga magulang, hindi nila tayo tinuruang magtanim ng galit sa kapwa. Matuto kang magpatawad."
"Iisipin ko."
"Walter," pinandilatan siya ng kapatid.
Nginitian niya lang ito.
"Sige na. Uwi ka na. Gumagabi na, o. Baka hinihintay ka na ni Kuya Zeke."
"May nakita akong sariwang paso sa kamay ni Annika. Tingin ko rin nagsugat ang mga daliri niya sa paglalaba."
"Huwag mo nang alalahanin 'yon. Malayo sa bituka."
Muli na naman siyang pinandilatan ng kapatid.
Mabilis niya itong hinagkan sa noo at saka ipinagbukas ng pinto ng kotse.
"Ingat."
Umiling-iling na lang ito nang ilapat niya ang pinto ng sasakyan.
Naglakad na siyang pauwi. Sa isip ay nagpapabalik-balik ang mga sinabi ng kapatid.
Sariwang paso sa kamay... nagsugat ang mga daliri niya sa paglalaba.
"Walter."
Nang lingunin niya ang tumawag ay nakita niya si Ruschelle.
"Kumusta?" matamis ang ngiting bati nito.
Ngumiti siya. "Kumusta rin. Matagal-tagal din kitang hindi nakita, ah. Saan ka nagsuot?"
"D'yan lang sa tabi-tabi," pa-misteryosang sagot nito.
Magkasing-edad lang sila nito. Maganda, morena at may nagmumurang future. At sa lugar nilang mga taga-squatter, balitang may reputasyon ito. Dinig niya ay ibinabahay ito ng isang matandang mayaman. Kung ano ang nangyari at muli itong sumulpot sa lugar nila ay hindi niya alam. At wala siyang interes na alamin. Bagaman hindi miminsang nagpakita ito sa kanya ng motibo. Kaso hindi niya type.
"Sige, uwi na ako."
"Daan ka muna. Inuman tayo. Kuwentuhan na rin."
"Hindi puwede, eh. May naghihintay sa akin."
"Kung gano'n ay totoo pala ang bali-balita."
"Balita?"
"Na nag-asawa ka na."
"Ah." Hindi siya tumanggi. Mas mabuti na ring isipin nito na may asawa na siya para mawalan na ito ng interes sa kanya. Lalo pa nga at alam niyang pinormahan ito dati ni Brando. Hindi naman sa takot siyang makipagbangasan ulit ng mukha. Respeto na lang sa isang kabaro.
"Totoo nga?"
"Oo. Sige, kanina pa naghihintay ang misis ko. Baka magalit 'yon. Alam mo na, baka sa labas ako ng kulambo matulog."
"Takosa?" parang nang-aasar na sabi ni Ruschelle sa kanya.
Pero hindi niya ito pinatulan. Wala siyang pakialam sa iniisip nito. Nang maharang siya sa tagayan ay nakitagay siya at mabilis ding nagpaalam.
Pagdating niya ng bahay ay magkatulong nang naghahanda ng hapunan sina Annika at Samantha. Natuwa siyang pagmasdan ang mga ito.
"Tito Walt."
Nilapitan niya ang pamangkin at pinanggigilan itong halikan sa pisngi.
"Eww, amoy-alak ka."
"Ang suplada naman ng prinsesa ko."
Kinusutan lang siya nito ng ilong. Pumunta na siya ng lababo para magmumog at maghilamos. Pag-angat niya ng tingin ay inabutan siya ni Annika ng maliit na tuwalya.
"Salamat."
Misis na misis talaga ang dating nito. At kahit hindi aminin, gusto niya iyon. Gusto niya ang pakiramdam na para silang mag-asawa.
Shit! Isang shot lang ng alak, kung ano-ano na ang pumapasok sa utak ko. Umayos ka, Walter!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro