Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

3-The Maid

"ABA'Y nag-asawa ka na pala, Walter. Kainam na bata, ano? Mahusay kang pumili."

Nilingon ni Walter ang kasabay na si Annika. Papunta sila ng talipapa para bumili ng ulam nang mapadaan sila sa grupo ng matatanda sa kanilang lugar. Isa sa mga iyon si Lolo Tiyago, ang may-ari ng kapirasong lupa na nabili nila.

"Hindi ko ho asawa 'yan, 'Lo. Maid ko."

"Kainam namang maid niyan. Mahusay ba namang mangusina?"

"Hindi nga ho, eh. Konting-konti na lang at malapit ko na itong masisante."

"Aba'y huwag. Iyong ganyan kaganda, kahit tutong ang araw-araw ipakain sa akin ay ayos lang."

Nagkatawanan ang grupo. Si Annika ay mabilis na naglakad at iniwan siya.

"Nakow, habulin mo at mukhang nagtampo na ang Misis mo. Awtsayd de kulambo ka n'yan, bata."

Tatawa-tawang nagpaalam na siya sa mga ito.

Malapit na sa talipapa si Annika nang maabutan niya. Kaagad niya itong dinikitan nang mapansin niya ang grupo nina Brando.

Bagama't hindi siya binabangga ng mga ito ay kilalang maloko ang mga ito pagdating sa mga bagong mukha. Alam niya dahil minsan na siyang napag-trip-an ng mga ito noong bagong lipat pa lang sila ng Ate Willa niya. Akala yata wala siyang ibubuga. Ang hindi alam ng mga ito, sanay siyang makipagbasag-ulo.

"Huwag kang masyadong dumikit sa akin at baka mapagkamalan na naman tayong mag-asawa," sikmat sa kanya ni Annika.

"Napikon ka dahil do'n?"

Inismiran lang siya nito.

Napangiti siya.

"Boss Pogi."

Kumaway siya sa grupo nina Brando.

"Tss. Boss Pogi."

"Bakit? Pogi naman talaga ako, ah?"

Umismid lang ulit ito at ipiniksi ang braso palayo sa kanya.

"Huwag kang lumayo sa akin kung ayaw mong mapag-trip-an dito ng mga tambay."

Mukhang natakot naman ito sa babala niya. Bigla itong nag-menor sa mabilis na paglalakad. Inabot niya ang kamay nito at pinagsalikop ang kanilang mga palad.

"Boss Pogi, ganda ng bebot natin, ah," sigaw ng isa sa mga katropa ni Brando, si Egay.

"Ulol, huwag kang maki-natin," sagot niya.

Tawanan ang grupo.

"Sabi ko nga, sa'yo lang."

"At hindi ko 'to bebot. Maid ko 'to," tiningnang mabuti ni Walter ang magiging reaksyon ni Annika. At hindi siya nabigong makita ang panlilisik ng mga mata nito sa kanya.

Pero kahit ganoong nanlilisik ang mga mata nito ay maganda pa rin. Nagkukulay-makopa ang mga pisngi nito sa tila tinitimping inis. At siguro kung hindi lang ito nag-aalala sa sinabi niya kanina, bumitaw na ito sa pagkakahawak niya.

"Naks naman, Boss Pogi. Asensado ka na talaga. Ang ganda naman ng maid mo. Arbor ko na lang," kantiyaw ni Hapon. Para kasing ginilitan lang ng blade ang mga mata nito.

"Gago, baka gusto mong mang-arbor ng mukha sa aso."

Nagkatawanan na naman ang mga ungas. Nang magkatinginan sila ni Brando ay sinaludohan lang siya nito saka isa-isang pinagbabatukan ang mga nangangantiyaw sa kanya.

"Matuto kayong gumalang sa babae, mga timawa!"

Pagdating sa talipapa ay namili na sila ng bibilhing ulam. Alam ni Walter na sanay si Annika sa karne at mamahaling isda. Pero pasensya na lang ito kung ano ang kayang bilhin ng hawak niyang pera. Isa rin sa mga rules na inilatag niya rito ay bawal itong gumastos ng sariling pera nito, lalo na kung para sa kanya. Ayaw niyang pag-isipan siya ng pamilya nito na pini-perahan niya ito.

Dinampot niya ang isang balot ng tinapa, isang taling okra at dalawang pirasong kamatis.

"Heto, bayaran mo," binigyan niya ito ng singkuwenta pesos.

"I-ito ang ulam na gusto mo?" parang hindi makapaniwalang tanong nito habang nakatikwas ang mga daliri sa pagkakahawak sa plastik ng tinapa.

"Oo. Hindi ka ba kumakain n'yan?"

Hindi ito sumagot.

"Kaya nga sabi ko sa'yo doon ka na sa mansion ng Mommy mo, di ba?"

"This is okay," sabi nito at binayaran na sa tindera ang pinamili nila. "Salamat po."

"Salamat din. Napakaganda mong bata," puri rito ng may-ari ng tindahan na si Aling Osang. "Buti na lang pogi iyang si Walter. Kung hindi'y inireto na kita sa anak ko."

Nagsalubong ang mga kilay ni Walter sa sinabi ng babae.

"Tara na," kinuha niya ang plastik na pinaglagyan ng kanilang binili sabay hagip sa kamay ni Annika.

"Ito 'yong sukli."

"Itabi mo. Mula ngayon, ikaw na ang magba-budget ng pagkain natin. At dapat kada-meal, hindi lalampas sa kuwarenta pesos ang presyo ng ulam."

"Forty pesos?"

"Oo. Hindi ka nakakaintindi ng Tagalog?"

Tumikom lang ang bibig nito. Muli nilang nadaanan ang grupo nina Brando ganoon din ang grupo ng matatanda. Hindi na siya nakipaghuntahan sa mga ito katulad ng madalas niyang gawin kapag nagtutungo siya sa talipapa. Pagdating sa bahay ay inutusan niya itong magsaing.

May isang linggo na rin silang magkasama sa bahay. Sa loob ng mga araw na iyon ay mukhang natuto na itong magsaing nang maayos. Iyong una ay hilaw. Ang sumunod, tutong hanggang ibabaw. Sa ikatlo, lugaw. Sa ikaapat at ikalimang saing, medyo sablay pa rin pero napagtiyagaan. 'Yong sumunod ay ayos na. Talagang binantayan nito nang husto.

Ang nakakatawa ay parang ignorante ito sa kalan noong una. Palibhasa siguro iyon pa lamang ang unang pagkakataong naharap ito sa kalan sa buong buhay nito. Pero matiyaga niya itong tinuruan. Mahigpit din ang bilin niya rito na titiyaking sarado parati ang tangke ng gasul para maiwasan ang aksidente. Anupa't para itong estudyante na matamang tinandaan ang lahat ng sinabi niya.

"Pagkatapos mong magsaing, iprito mo 'yong tinapa," aniya. Single burner lang kasi ang kalang naipundar niya. Naisip niya, mag-isa lang naman siya kaya ayos na iyon.

"Okay."

"'Yong okra, alisan mo ng ulo saka mo isapaw sa kanin habang ini-in-in."

"H-how will I do that?"

Napabuntong-hininga siya at saka kumuha ng kutsilyo. Tinanggal niya ang gomang tali ng okra saka ipinakita rito kung ano ang tinutukoy niya.

"Oh. Okay, I get it."

"Hiwain mo na rin 'yong kamatis at budburan mo ng kaunting asin."

"Okay."

Pinanood niya ito sa ginagawa. Paminsan-minsan ay napapailing siya.

"Ang alam ko, sabi mo ay pagsisilbihan mo ako. Pero sa nakikita ko, daig pa natin ang nasa training camp. Lahat kailangan ko pang ituro sa'yo."

Napayuko ito sa parunggit niya. Hindi naman niya intensyong ganoon ang maging dating. Pero lumabas pa ring parang naiinis ang tono ng pagsasalita niya.

Napansin niya ang likidong pumatak sa kamay nito. Kasunod noon ay nakita na lang niyang daliri na nito ang nakatapat sa kutsilyo at hindi na ang okra! Bago pa niya itong naagapang mapigilan ay nahiwa na ang hintuturo nito!

Napasinghap ito sabay bitaw sa ginagawa.

"Patingin."

"Hindi na," mabilis itong tumalikod sa kanya.

"Patingin sabi," sapilitan niyang kinuha ang kamay nito at tiningnan ang nahiwang daliri. Medyo malalim iyon at dumudugo.

Hindi na nag-isip si Walter at isinubo ang daliri ni Annika. Napasinghap ito sa ginawa niya. Tinangka nitong bawiin ang kamay ngunit mahigpit niyang hinawakan iyon. Habang nakasubo ang daliri nito sa bibig niya ay nagkatagpo ang kanilang mga mata. Parang may sariling isip ang isang kamay niya na tumaas sa mukha nito at pinalis ang bakas ng luha sa magkabila nitong pisngi.

Nang sa palagay niya ay ampat na ang pagdurugo ng daliri nito ay tinanggal niya iyon sa kanyang bibig. Pinaupo niya ito sa silya.

"Dito ka lang. Huwag kang kikilos."

Tumango lang ito.

Lumabas siya ng bahay at kumuha ng talbos ng bayabas. Nginuya niya iyon hanggang sa maging pino. At dahil may punit na rin naman ang damit niya, pumunit siya ng kapiraso sa laylayan niyon. Itinapal niya sa sugat ni Annika ang nginuyang talbos ng bayabas at saka iyon tinalian ng pinunit niyang tela.

"Huwag mo munang babasain."

"T-thank you."

"Sige, maupo ka na lang. Ako na ang magluluto."

"No, ako na. I need to learn these things so I can serve you better."

"E, di panoorin mo na lang ako. Mabilis ka namang matuto, eh."

"Walter."

"Huwag matigas ang ulo," sabi na lang niya. Pero sa totoo lang ay gustong-gusto niya ang paraan ng pagkakabigkas nito sa pangalan niya. Parang paungol na malambing ang dating. At may nagre-react na kung ano sa katawan niya. Anak ka ng teteng, Walter. Umayos ka!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro