
You're Making Me Kilig
Chapter Thirteen
"HALA siya. Sige, titigan mo na lang ang bulaklak na 'yan. Kapag nagsalita 'yan ewan ko na lang."
Inilagay niya sa isang mataas na baso ang bulaklak na bigay ni Jethro at inilagay sa ibabaw ng bedside table. Ang bango talaga niyon at humahalimuyak. Mukhang mas magugustuhan na niya iyon kaysa sa anumang klase ng pinakamamahaling bulaklak. Not even roses can compare to its fragrance. Well, come to think of it. Hindi naman talaga mabango ang roses. They smell like tea.
Hindi pa siya nakuntento sa pagtitig sa larawan, kinunan pa niya iyon ng picture. And she's not offended at all that Jethro stole the flower from someone else's garden. If anything, it was kinda romantic and sweet. And it's making her... kilig.
Excited na sana siyang i-post iyon sa kanyang social media accounts at ipagsigawan sa buong mundo kung gaano siya kinikilig sa pagkakatanggap sa bulaklak na iyon ngunit maagap na hinablot ni Marcy ang cellphone mula sa mga kamay niya.
"Stay low," nandidilat ang mga matang wika nito.
"But--"
"Ba-ba-ba-but, lobat. Hindi man sinabi ni Atty. Bradley pero sure ako na mas maganda kung lie low ka na rin muna sa social media." Pahapyaw niyang nabanggit dito ang tungkol sa napag-usapan nila ng abogado
"But my followers..."
"Will remain your avid followers kahit hindi ka regular na mag-update sa mga nangyayari sa buhay mo."
Napanguso siya sa sinabi ng PA. Gusto lang naman niyang i-share sa kanyang fans ang kilig na nararamdaman niya. Dati ay gusto niyang pribado lamang ang bawat kilos niya. Lalo na ang tungkol sa kanyang lovelife. Pero ngayon, pakiramdam niya ay gusto niyang ipagsigawan sa lahat ang mga nangyayari sa buhay niya. She has two and a half million followers on instagram and ten million on twitter. Madalas ay si Marcy lamang ang nag-a-upload ng mga updates doon tungkol sa nangyayari sa buhay niya dahil wala talaga siyang ka-inte-interes sa social media. Pero dahil nga bahagi iyon ng propesyong pinasok niya, they created an account. Na bihira lang naman niyang i-update lalo na kapag busy siya. Kaya ang nangyayari, si Marcy ang humahawak ng social media accounts niya para ito ang mag-handle. Parte iyon ng trabaho nito bilang PA niya. At kapag may mga tanong na hindi nito puwedeng sagutin nang walang pahintulot mula sa kanya, saka lamang ito magtatanong.
"Okay, fine. I'm not gonna post it," nanunulis ang mga labing sabi niya sabay lahad ng kamay upang bawiin dito ang kanyang cellphone.
Tila may pagdududa pa siyang tiningnan ni Marcy.
"I swear, okay? I'm not gonna risk our lives over this." Kahit pa nga para siyang high sa kilig ay nasa tamang pag-iisip pa naman siya para i-prioritize ang kaligtasan nilang dalawa.
"Sige, may tiwala ako sa sinabi mo."
Muli nitong ibinalik ang cellphone sa kamay niya. Nakuntento na lamang siya na titigan ang picture ng bulaklak.
"Mahaba pa ang panahon. Huwag ka ng manghinayang. Kapag naayos na ang problema mo sa walanghiyang stepsister mo na 'yon kahit araw-araw ka pang mag-post ng mga nangyayari sa buhay mo sa social media ay hindi kita pipigilan."
Isang nakakaunawang ngiti ang ibinigay niya sa kanyang PA. Nilapitan niya ito at mahigpit na niyakap.
"Thank you, Ate Marcy." Kung wala ito ay hindi niya alam kung paano makakapag-function sa araw-araw. Masyado na siyang dependent dito.
"Naku, naku. Tama na ang thank-you, baka magka-iyakan pa tayo," anito na tinapik-tapik ang kanyang likuran. "Pamilya tayo, 'yan ang madalas sabihin ng Mommy mo. At pamilya na ang turing ko sa'yo, Miss Chantal."
"Chan-chan. From now on, I want you to stop calling me Miss Chantal, Ate Marcy. After all, we're family, right?"
Namasa ang mga mata ni Marcy saka malapad na napangiti. Nang maghiwalay sila ay mabilis itong nagpahid ng mga mata.
"Ikaw talaga. Sige, Chan-chan na lang kung gano'n."
Kapag silang dalawa lang kasi ay madalas na Miss Chantal pa rin ang tawag nito sa kanya.
"Haay, tama na nga. Pupuntahan ko na muna sa kusina si Andeng at baka kung anong luto ang gawin no'n sa binili nating filet mignon. Paborito mo pa naman 'yon."
"It's okay. She can cook it any way she likes. We have to lay low, di ba? So, I'll start eating the food you guys eat."
"You mean, pagkaing pang-masa?"
"Is that what you call it? Pakaing pan-masa?"
"Food for the common people. Pag-ka-ing pang-ma-sa."
"Pa-ka-ing pang-masa."
"'Yan, 'yan ang isa mo pang kailangang aralin so you could blend in. Dapat matuto kang mag-Tagalog nang tuwid, hindi slang."
"I will try harder."
"Pag-bu-bu-ti-han ko na sa su-su-nod. Gano'n dapat."
"Peg-boo-boo-ti-han kow na sa sow-sow-nod."
"Ulit."
"Peg-boo-boo-ti-han kow na sa sow-sow-nod."
"Ulit."
"Peg--"
"Say, fog."
"Fog."
"Palitan mo 'yong f ng p."
"Pag-boo-boo-ti-han kow na sa sow-sow-nod."
"Sige na nga. Puwede na 'yon, tutal hindi mo naman kaagad mapi-perfect ang pagta-Tagalog sa isang araw lang, eh. At least you know the basics. Maraming practice lang ang kailangan."
Sunod-sunod na tango ang sagot niya bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.
"Halika na, labas na tayo. 'Yong nagbigay na lang ng bulaklak ang titigan mo. May matatanggap ka pang reaksyon, hindi tulad ng bulaklak na 'yan."
Namula ang magkabilang pisngi ni Chantal sa panunukso ni Marcy. Napasunod na lamang siya rito nang isama na nito palabas ng kanilang silid.
May kausap sa cellphone si Jethro nang lumabas siya ng sala at mapabaling ito ng tingin sa direksyon niya. Naghinang ang kanilang mga tingin nang may ilang segundo. Nakikimi siyang ngumiti habang para na namang ina-apuyan ang magkabila niyang pisngi.
"Ah, pakiulit," wika nito sa kausap.
Napilitan siyang magbawi ng tingin dito nang sa pakiramdam niya ay mabibingi na siya sa lakas ng pintig ng kanyang puso. Nakita niya si Boogie at na-curious siya sa dahong hinihimay nito.
"Hey, can I--uhm, tutulong ako seyo."
"Oo, bah. Heto, gayahin mo lang kung ano ang ginagawa ko," inabutan siya ni Boogie ng isang tangkay na maraming maliliit na dahong hugis pabilog,
"Ano ang tewag dito?" aniya na ang tinutukoy ay ang dahong hinihimay nila.
"Ito?" bahagyang itinaas ni Boogie ang hinihimay na tangkay. "Ang tawag dito ay malunggay. Paborito namin 'to ni Jet, hinahaluan ng sitaw at sili na may hinimay na isda saka gagataan nang nagmamantika. Hm, sarapen."
She smiled even though she can't picture the whole thing inside her head.
Isa-isang tinatanggal ni Boogie ang mga dahon sa tangkay kaya ganoon na rin ang ginawa niya. Nakatikwas pa ang kanyang hinliliit habang ginagawa iyon. Sinasabayan niya ang bilis ng paghihimay ni Boogie.
"Matatagalan kayo n'yan," ani Jethro na humila ng upuan at naupo sa tabi niya.
Sumikdo na naman ang dibdib niya sa hindi maipaliwanag na dahilan.
"Ganito ang pinakamabilis d'yan," anito sabay kuha ng isang tangkay.
He's wearing a muscle tee. At nadi-distract ang mga cells niya sa katawan sa magandang porma ng muscle nito sa punong-braso down to his forearms. Hindi niya maipaliwanag ang tila kuryenteng dumaloy sa kanyang balat nang magkakiskisan ang kanilang mga braso. Idagdag pa roon ang nalalanghap niyang amoy nito. He's not wearing any perfume but he smelled good. Parati itong amoy-malinis kahit madalas kapag umuuwi ito mula sa talyer ay kulang na lang maligo ito sa motor oil. Kapansin-pansin din ang linis ng mga kuko nito na maikling-maikli ang pagkakagupit. And she finds it appealing.
"Nakakatinik naman 'yan, Jet, sumasabit sa lalamunan," reklamo ni Boogie.
"Hihimayin mo pa rin naman 'yan para mas pulido. Aabutin kayo ng siyam-siyam diyan sa ginagawa mo. Lanta na ang malunggay bago pa maluto, mag-iiba ang lasa."
Ginaya niya ang ginawa ni Jethro. Sabay-sabay niyang hinila ang dahon. Pero katulad nga ng sinabi ni Boogie kasama ang maliliit niyong tangkay. Para matanggal iyon ay kailangan ulit himayin nang paisa-isa. Ngunit mukha ngang mas mabilis iyon kumpara sa pamamaraan ni Boogie.
"Kumakain ka ba ng ganito?" tanong ni Jethro.
"H-huh?" nag-apuhap siya ng isasagot. Kasi paano niya ba sasabihin dito na noon pa lamang siya nakakita ng ganoong gulay? "Uh, h-hindi?"
"Bakit parang hindi ka sigurado?" naaaliw na tanong ng binata. "Masustansya raw ang gulay na 'to, subukan mo mamaya."
"I--uh, sow-su-book-an ko." Lihim na nakagat ni Chantal ang dila.
She was a child prodigy, sisiw na lang sa kanya ang pag-aralan ang mga bagay-bagay. And she's giving herself a month para matuwid ang kanyang dila, by any means whatsoever.
"Mabuti. Tingin ko sa'yo kailangan mo ng maraming sustansya sa katawan."
"Y-you think I'm not healthy? Er, hindi akow malow-sowg?"
"Ha, a... h-hindi 'yon ang ibig kong sabihin."
"Nakow, magpaliwanag ka. Kung anu-ano pa kasing sinasa--aray!" napangiwi si Boogie.
Sinipa ito ni Jethro sa ilalim ng center table na kinapapatungan ng pinaghihimayan nila ng gulay.
"Mabuti pa siguro himayin ko na 'yong isda," mabilis na sabi ni Boogie.
"Mabuti pa nga," kaagad na sang-ayon ni Jethro.
"Huu, nahiya naman ako sa'yo. Para-paraan talaga 'yong isa riyan."
Sinamaan ito ng tingin ni Jethro kaya halos magkumahog itong napatayo mula sa kinauupuan. Natawa na lang siya nang palihim.
He really loves his friend, saisip-isip niya. Medyo may pagka-sadista nga lang.
"Andeng, nasaan na 'yong sampung kilong tulingan? Hihimayin ko na," ani Boogie.
"Magkayod ka na lang ng niyog. Gatain mo na rin, ako na ang maghihimay no'ng ga-daliri mong tulingan."
"Di ba mas masarap 'yon kung gagataan nang buo?" ani Marcy.
"'Yong malalaki sana," sagot ni Andeng. "Lalo na kung yellow fin. Kaya lang maliliit 'yong nabili ni Boogie. Tapos sasampung piraso pa."
"Pansahog lang naman," ani Boogie. "Ayos na 'yon."
"Hihimayin na rin ba itong sitaw?" tanong ni Marcy sabay abot sa isang taling gulay na nasa ibabaw ng mesa.
"Oo. Inilabas ko na 'yong karneng baka na binili natin. Ngayon na rin ba 'yon lulutuin?"
"Ay, oo nga pala. Ako na ang magluluto."
"Sige, ako na ang bahala rito sa sitaw."
May nadamang kapanatagan at kasiyahan si Chantal sa ganoong aktibidad sa loob ng pamamahay na iyon. Hindi niya maituturing na kadugo ang mga ito ngunit iyong pakiramdam na para silang isang pamilya na nagtutulungan sa isang pampamilyang gawain ay nakakapagbigay ng kakaibang init sa kanyang damdamin. The last time she experienced that kind of feeling was when her mother was still alive. And that was a long time ago.
"Ayos ka lang?" tanong ni Jethro na pumukaw sa isip niya.
"Yes."
Sinipat nito ang kanyang mukha na parang naninigurado sa sagot niya. She blushed and her heart raced wildly.
"A-ayos lang ako."
"E, bakit parang naiiyak ka na?" puna pa nito na tila may pag-aalala.
"Nami-miss ko kasi Mommy kow."
"Ah. Nasaan ba siya? Nasa abroad din?"
Umiling siya. "She's in heaven now, with my Dad."
Hindi kaagad ito nakasagot. "Ulila ka na pala."
"All lay la?"
"Wala ng mga magulang."
"Oh. Uhm, oo. All-lay-la na ako. Ikaw?"
Tila may dumaang pait sa mga mata nito bago ipinokus ang tingin sa malunggay na hinihimay.
"Hindi ko alam."
"Ano ang ibig mong sebehen?"
"Hindi ko alam kung sino ang tatay ko at hindi ko alam kung buhay pa ba o patay na ang nanay ko."
Siya naman ang hindi kaagad nakasagot. Kaswal na kaswal lamang ang pagkakasagot ni Jethro ngunit parang sumikip ang dibdib niya sa sinabi nito. She wants to say sorry. Pero minsan alam niyang hindi sapat ang sorry para mapagaan ang bigat ng dinadala ng isang tao. Lalo na kung malalim ang sugat na naiwan sa puso nito.
Sandaling naghari ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Gusto niyang magbukas ng bagong usapan para maputol ang humahabang katahimikan pero naunahan siya nang pagtunog ng cellphone nito. He took it out from the back pocket of his faded jeans. Kumunot saglit ang noo nito bago sinagot ang nag-iingay na gadget.
"Hello?" he listened to the other line. "Ako nga. Sino 'to? Vengeance Liu? Wala akong... ah."
Tumayo ito at sumenyas ng pagpapasintabi sa kanya. Tumango lang siya at ipinagpatuloy na ang ginagawa nila. A part of her wants to eavesdrop with his private conversation on the phone. Pero mukhang hindi naman babae ang kausap nito. Siguro ay magpapagawa lamang ng sasakyan.
Mayamaya ay bumalik si Jethro. Tapos na ang pakikipag-usap nito sa tumawag.
"Uhm, aalis muna ako."
"Work?"
"Oo."
"'Kay. Ingat ka."
Tumango ito. "Gusto mo bang... ah, gusto mong sumama?"
Nagulat siya. Is he asking her out?
"Baka lang naiinip ka na rito. Makalanghap ka man lang ng ibang hangin."
"I'd love to. I mean, oo. Gusto kowng sumama."
Mukhang natuwa ito sa sagot niya dahil malawak itong napangiti.
"Saglit at kukunin ko lang ang susi ng motorsiklo ko."
"Uh, do I need to change my clothes--er..."
Ngumiti ito.
"Hindi na kailangan. Ang importante'y nakapantalon ka, isuot mo na lang ang jacket ko para hindi mainitan ang mga braso mo."
"Okay," she felt the butterflies in her stomach.
Pakiramdam niya ay iyon pa lamang ang kauna-unahang pagkakataon na lalabas siya upang makipag-date.
Well, they're not really going out on a date. Or are they?
-
frozen_delights
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro