Wakas at Simula
Chapter Forty-One
SA kadiliman ng gabi ay dalawang anino ang tahimik na tinungo ang nakahilig na structure ng lumang gilingan ng palay. Sumenyas si Zenith na sa bandang kaliwa ito at si Jethro naman ay sa kanan.
"Okay," tugon ng binata kasabay ang pagtaas ng isang kamay.
"You should say, copy," tila natatawang sabi nito na malinaw na narinig ni Jethro sa gamit na earpiece.
Napailing na lang siya. May ilaw sa loob ng planta ganoon din sa labas mula sa dalawang kahoy na poste. At kahit hindi ganoon kaliwanag ay kita ang bilang ng maraming tauhan ni Kano na naroroon. Naunawaan niya kung bakit humingi ng reinforcement si Zenith. Marami-rami ang makakalaban nila. Alam nitong tapang lang ang baon niya. Ngunit kung ikukumpara sa kakayahan ng lalaki, mukhang sanay na ito sa ganoong bagay. Napapaisip tuloy siya kung may military background ba ito.
Maingat siyang kumilos hanggang sa makarating siya sa likuran ng bakod na yero. Ang bakod na nakapaligid sa planta ay pinagtagpi-tagpi lamang na yero at mga lumang plywood mula sa pinagpormahan ng semento. At tulad sa lumang planta, isang mahinang ihip lang ng hangin at tatangayin na ang mga iyon.
Sumilip siya sa siwang at nasilip ang dalawang lalaki na nag-uusap. Nag-abutan ng sigarilyo ang mga ito at nagsindi.
"Darating pa ba ang hinihintay natin?" tanong no'ng isa matapos humitit at bumuga.
"Naiinip na nga rin si Boss," tugon ng kausap.
"Hindi kaya nagka-onsehan na?"
Natawa ang lalaki. "E, di hindi sila nabayaran?"
"Ano ang malay natin, nakipag-areglo 'yong si Ms. Karan at dinoble ang bayad sa serbisyo nina Gardo?"
"Kahit triplehin pa, duda akong kakagat si Gardo. Alam niyang malawak ang koneksyon ni Boss. May kalalagyan sila."
"Kunsabagay."
Tinapik ng lalaki sa balikat ang kasama. "Dyinggel muna ako."
"Sige."
Nang magsimulang maglakad ang lalaki palapit sa pinagkukublihan niya ay mahigpit na nahawakan ni Jethro ang kanyang glock. Hangga't maaari sana ay si Kano lang at 'yong gunman ang balak niyang itumba. Pero dahil wala siyang choice, kailangan niyang tapusin ang lahat ng haharang sa daan niya.
"If you pull the trigger, don't hesitate, okay?" sabi ni Zenith. "Kapag binuhay mo maski isa sa mga makakasagupa natin, siguradong buhay mo ang magiging kapalit."
"C-copy."
"Good."
Tatlong hakbang... dalawa, isa. Itinutok niya ang baril na may silencer sa kanyang target atsaka kinalabit ang gatilyo. Gulat na bumulagta ito sa kinatatayuan habang tutop ang dibdib. Iniwas ni Jethro ang tingin dito nang tila ito manok na sandaling nangisay bago nawalan ng buhay. Hindi na niya binigyan ng oras ang sarili na mag-isip o makunsensya. Itinatak na lang niya sa isipan na kung mabuting tao ang mga ito, wala sila roon. Hindi iisipin ng mga ito ang easy money at sa halip ay mag-iisip ng ibang paraan para kumita nang walang ina-agrabyado o sinasaktang tao.
Sumugod na siya, nagpakubli-kubli sa nakaparadang mga sasakyan at kapag may natiyempuhan ay walang pag-aatubili niyang kinakalabit ang gatilyo. Kung hindi sa ulo ay sa dibdib ang tama. After his first kill ay parang nagsara ang emosyon niya at wala na siyang naramdaman sa dalawa pang sumunod.
"You really are a natural," boses ni Zenith. Kung amusement o pagkamangha ay hindi niya masabi, mukhang sinusubaybayan nito ang galaw niya.
Wala na siyang panahong hanapin pa ito. Bago matapos ang gabing 'yon ay kailangan niyang makaharap si Kano. Aalamin niya kung sino ang nag-utos dito para patayin si Chantal. Sumilip siya sa gilid ng van nang maramdaman niya ang malamig na bakal na nakatutok sa kanyang batok.
"Dapa!" ani Zenith.
Walang pag-aatubili niyang ginawa iyon. Dumayb siya sa lupa. Paglingon niya ay nakita niya ang paglagos ng bala sa noo ng lalaki. Mabuti na lamang at mabilis siyang nakagulong sa lupa nang pumutok ang baril nito. Gayunma'y nadaplisan pa rin siya nang mag-ricochet ang bala. Gumuhit ang hapdi sa kanyang balat nang humaging iyon sa kanyang noo.
Hindi pa man siya nakakabawi sa nangyari ay narinig na niya ang mga paparating na yabag ng nabulabog ng mga kalaban.
Tangina! sa isip ay malutong na mura niya at kaagad na nagkubli.
"Fuck," narinig niyang mura ni Zenith. "Get out of there. Pumunta ka sa may likuran ng tangke sa kaliwa mo. May sampung paparating!"
Dinig nga niya ang mga yabag. Maingat siyang kumilos at nagkubli sa tangkeng tinutukoy ni Zenith. Hindi nagtagal at narinig niya ang isa-isang pagtumba ng mga kalaban. Nang sumilip siya ay nakita niyang nagkumahog sa pagkubli ang mga natira.
"Putang ina! May uma-atake sa atin!"
"Ano ang nangyari?" tanong ng isang lalaki na lumabas mula sa loob ng planta. Ngunit kaagad ding napaurong iyon nang salubungin ito ng bala.
Nang dahan-dahan iyong silipin ni Jethro ay tila literal na sumulak ang kanyang dugo. Ang lalaki'y walang iba kundi ang gunman na pumasok sa hospital room ni Chan-chan. Hindi niya napigilan ang bugso ng galit. Lumabas siya sa pinagkukublihan at pinaputukan ito.
Nagulat man ang lalaki ay kaagad itong nakapagkubli. Ngitngit na muli niya itong pinaulanan ng bala. Sa pagkakataong 'yon ay titiyakin niyang hindi na ito makakawala sa kanya. Tumakbo siya sa kabila ng mga balang humahabol sa kanya. Ang mga mata niya ay nakatuon lamang sa lalaking puntirya. Wala siyang pakialam kung tamaan siya. Ang mahalaga'y mapatay niya ito. Mahigpit siyang kumapit sa bakal at tinalon ang may apat na talampakang railing.
Para siyang tinurukan ng kung anong enerhiya. Ang tanging nasa isip niya ay mapatay ang lalaking 'yon. Kailangan niyang protektahan si Chantal kahit na ano ang mangyari. At magagawa niya lamang iyon kung mawawala ang mga nagbabanta sa buhay nito.
"What the hell is happening here?!"
"Boss, dapa!"
Lumabas din sa lungga ang taong hinahanap niya. Si Kano. Pareho niyang pinaulanan ng bala ang dalawa. Mabuti naman at hindi na siya mahihirapan pang suyurin ang buong planta para hanapin ang mga ito. Sila na rin ang kusang lumapit sa kamatayan nila. Naramdaman niya ang pagsigid ng kirot sa kanyang braso.
Tangina! tinamaan siya sa kaliwa.
Mabilis siyang nagtago para makapagpalit ng magazine. Napangiwi siya nang maramdaman ang pagsigid ng kirot sa braso niya.
"Are you fucking insane?!" narinig niyang sigaw ni Zenith. "Chill down, will you? Ayaw kong magbitbit ng malamig na bangkay pag-alis natin dito."
Napahinga siya nang malalim. Mukhang kailangan nga niyang kalmahin ang sarili.
"Do you want them dead or alive?"
"Si Kano lang ang gusto kong mahuli nang buhay."
"Copy that. Did you hear that, beastie?"
"Copy."
Natigilan siya. May iba na silang kasama?
"We have your back, kiddo," ani Zenith. "Ingatan mo lang na hindi tamaan ng bala ang ulo mo sa taas para makalabas ka pa nang buhay. Pero pinaka-importante sa lahat, ingatan mo 'yong ulo mo sa baba para kay Ms. Karan."
"Tsk," sagot niya.
Kung hindi lang ito inglesero ay makakasundo niya ito. Pero masyadong konyo. Sa kumander niya pa nga lang ay nagno-nosebleed na siya, dadagdag pa ito.
"Where are you?" ani Zenith.
"Nasa loob na ako ng planta," aniya.
"Copy, I'll be right there. Don't die, alright?"
"Hindi mangyayari 'yon," mag-aasawa pa ako, hindi na lamang niya naidugtong. Pakakasalan ko pa ang mundo ko.
Mahigpit niyang hinawakan ang assault rifle. Sa kabila ng kirot na nararamdaman sa kabilang braso ay pinilit niyang balewalain iyon. Malayo sa bituka. At higit sa lahat, malayo sa ulo.
"Putang ina ka! Sino ka ba? Ano ang kailangan mo sa akin?"
Napangisi siya sa tanong ng lalaki. Kahit hindi nakikita ay nahulaan niyang si Kano ang nagtanong.
"Kasabwat ka ba nina Gardo? Hindi mo ba alam kung sino ako?" mayabang na tanong ng lalaki.
"Alam ko kung sino ka. Pero ako ang hindi mo kilala kaya huwag mo akong angasan, putang ina ka." Kapag naaalala niya ang takot sa mukha ni Chantal dahil sa kagagawan nito ay nanggigigil siya. At gusto niyang malaman kung sino ang utak sa likod nito para ipaligpit ang kanyang nobya.
"Ikaw siguro 'yong lalaki sa ospital, tama?"
Nangati ang daliri niya sa gatilyo pagkarinig sa boses ng isa pang lalaki. Ang gunman.
"Mukhang magaling ka, bata."
"Hindi ako magaling, pulpol ka lang talaga," pang-iinsulto niya rito.
Narinig niya ang malutong na pagmumura ng lalaki. Lumabas ito sa pinagkukublihan nito at nagpaputok sa direksyon niya. Iyon ang inaasahan niyang gagawin nito. Patagilid niyang ibinagsak ang sarili at inasinta ito. Natamaan niya ito sa balikat. Bago pa man ito makaganti ay muli niya iyong pinaputukan, ulo ang kanyang puntirya. Dilat ang mga matang bumagsak ang lalaki.
Nagkukumahog na kinuha ni Kano ang baril na nabitiwan ng tauhan nito. Lumabas si Jethro sa pinagkukublihan at hinarap ang lalaki. Kaagad na tumutok ang baril nito sa binata.
"Sino ka ba? Kung sino ka man ay nakahanda ak--aah!" binaril niya ito sa kamay. Nabitiwan nito ang hawak na baril. "Son of a bitch!"
Sinipa ni Jethro palayo rito ang baril.
"Ano ba ang kailangan mo sa akin?!"
"Sino ang nagbayad sa'yo para sa patayin si Ms. Karan?"
"Oh, so this is what it's all about? Look, it's nothing per--ah!"
Muli itong binaril ni Jethro. Sa pagkakataong 'yon ay sa binti naman.
"Fuck you, fuck you!"
"Tinatanong kita, sino ang nagbayad sa'yo para sa ulo ni Ms. Karan."
"We brokers have our own rules of the trade. We are no--aah! Putang ina mo, fuck you, fuck you!"
Binaril ito ni Jethro sa kabila namang binti.
"Ingles ka nang ingles, marunong ka namang mag-Tagalog na hijo de puta ka! Ang tanong ko lang ang sagutin mo!"
"Ang alam ko lang ay babae siya. Babae ang kliyente ko. Gumagamit siya ng alias. Vixen. Lahat ng transaction namin ay thru back channel."
"Paano ko siya makokontak?"
"Paano ako makasisiguro na hindi mo ako papatayin?"
Itinutok niya ang hawak na baril sa pagitan ng mga hita nito. Nanlaki ang mga mata ni Kano. Napalunok ito at tila sinusukat kung gagawin nga niya ang banta. Tumaas ang isang sulok ng kanyang mga labi at kinalabit ang trigger. Umalingawngaw ang malakas nitong palahaw habang sapu-sapo ang hita.
"Tsk. Nabitin, dapat yata itinaas-taas ko nang kaunti."
"You will pay for this! Sa akala mo ba ako lang ang binayaran niya para burahin si Ms. Karan? Marami kami. At kahit patayin mo ako ngayon ay wala kang magagawa para mailigtas ang buhay niya!"
Ubos na ang pasensya niya sa lalaking ito. Muli niya itong binaril sa kabilang hita. Muli ring umalingawngaw ang malakas na palahaw nito.
"Kahit u-ubusin... mo pa ang b-bala mo sa k-katawan ko ay w-wala kang mapapala s-sa akin..."
"Kill him," ani Zenith.
Nagtagis ang kanyang mga bagang.
"I know someone who can hack a computer. If he's using a back channel like he said, may kilala akong tao na puwedeng makatulong sa'yo."
Itinutok niya ang baril sa ulo ni Kano at walang pagdadalawang-isip na kinalabit niya ang gatilyo. Napatay niya nga ito at ganoon din ang gunman. Pero bakit pakiramdam niya ay lalo pang lumala ang sitwasyon?
"Let's go. The coast is clear, puwede ka ng lumabas. We should hurry, any minute ay baka may rumesponde ng mga pulis."
Nadidismaya man sa kinalabasan ng lahat ng iyon ay lumabas na nga siya ng planta. Sa gitna na ng palayan sila nagkatagpo ni Zenith.
"Were you shot?"
"Oo. Sa braso."
"Shit."
"Malayo naman sa bituka."
"That's not it. May maiiwan kang ebidensya."
Ebidensya?
"Hey, beastie? Can you fire it up?"
Bago pa siya makapagtanong ay may narinig siyang mahinang pagsipol sa hangin kasunog ang malakas na pagsabog ng pinanggalingan nilang rice mill plant! Napamaang na lang siya. Sino ba talaga itong mga taong nakakasama niya?
"Tara. Daan tayo sa vet para matingnan 'yang tama mo."
"Vet? Ano ang tingin mo sa akin, aso?"
"Gusto mong doktor ng tao ang tumingin n'yan? Sige, puwede rin. Para diretso na tayo sa kulungan."
Napahinga siya nang malalim sa sinabi nito.
Nang makarating sila sa pinagparadahan nito ng sasakyan ay pinauna na siya nito. Di-kalayuan ay isa pang sasakyan ang nakita niya. Ngunit anino lamang ng isang tao sa loob ng sasakyan ang nakita niya. Ito ba ang tumulong sa kanila para mapatumba ang mga tauhan ni Kano? Naglakad patungo roon si Zenith. May ilang sandali itong nakipag-usap sa taong iyon. Pagkatapos ay tinapik nito ang bubungan ng sasakyan ng huli at sumibad ng paalis doon ang sasakyan.
Pagbalik nit Zenith ay kaagad nitong inokupa ang driver seat at pinatakbo na ang Mustang.
"That was my friend back there, by the way. He prefers a long-distance hunting, masyado kasi 'yong suplado sa personal," may himig-birong sabi nito.
Tumango lang siya. "'Yong tungkol doon sa sinabi mo kanina. Maaasahan ko ba?"
"The hacker?"
"Oo."
"Sure, don't worry about it."
"Babayaran kita."
"Tsk. Saka mo na isipin 'yan. Simula pa lang ito ng totoo mong laban, Jethro Duque."
Kung ano ang ibig nitong sabihin ay hindi na siya nakapagtanong. Dahil sa pagod at sa katatapos lamang na pangyayari sa araw na iyon ay hindi niya napaglabanan ang pamimigat ng talukap ng mga mata. Naalimpungatan na lang siya nang gisingin siya ni Zenith. Tinulungan siya nitong bumaba ng sasakyan at inalalayan papasok sa isang makipot na klinika. At katulad nga ng sinabi nito, dinala siya nito sa isang beterinaryo. Tinanggal nito ang balang nakabaon sa kalamnan niya. Mabuti na lamang daw at hindi nahagip ang kanyang buto. Makaraan ang ilang sandali ay umalis din kaagad sila roon. Hanggang doon na lamang ang natatandaan niya.
Nang magising siya ay umaga na. Nakahiga siya sa kama at may nakakabit na IV sa braso niya. Magtataka sana siya kung nasaan siya nang bumukas ang pinto at pumasok si Mang Damian na may dalang tray ng pagkain.
"Mabuti naman at gising na kayo, Sir."
"A-ano ho ang nangyari?"
"Napataas daw ho yata ang dosage ng ibinigay sa inyong gamot kaya ang lalim ng tulog niyo. Pinagtulungan na lang namin kayo ni Sir Zenith na dalhin dito sa guest room."
Kahit papaano ay nakampante siya. Tiningnan niya ang braso na may maayos na benda. Nahubad na rin ang ibang mga damit niya maliban sa boxers. Mukha ring hindi kanya ang suot niyang asul na kamiseta.
"Magpahinga raw ho muna kayo. Umalis si Sir Zenith, meron lang daw siyang aasikasuhin ngayong araw."
"Salamat ho."
Paglabas ng katiwala ay inut-inot siyang bumangon ng kama at pumasok ng banyo. Nakita niya ang hitsura ng kanyang mukha pagharap sa salamin. Meron siyang ilang galos sa mukha. Nang tanggalin niya ang gasang nakatakip sa kanyang noo ay nakita niya roon ang sariwang sugar na nadaplisan ng bala. Napabuga siya ng hangin at nanghihinang napatuon ang dalawang kamay sa lababo. Tiyak na magtatanong ang kanyang kumander.
"Tsk." Hindi pa siya makakauwi sa ganoong kalagayan.
Napatingin siya sa kanyang braso. Napabuntong-hininga siya nang maisip na hindi niya alam kung paano iyong ipaliliwanag dito. Bigla niyang naalala ang kanyang cellphone. Nagmamadali siyang naghilamos at nagmumog. Nakita niya ang kanyang hinahanap sa side table ng kama. Napamura siya nang pagbukas ay makitang marami ng missed calls doon. Meron na ring ilang texts.
Jellyboo, are you busy?
Call me after work.
I love you. Are you still busy?
I guess you are.
If you're too busy just text me.
Jellyboo.
Jet, you're making me worry!
Ang huling text nito ay bandang ikasiyam ng gabi. Pagkatapos noon ay sunod-sunod ng missed calls. Naramdaman kaya nito na nasa panganib ang buhay niya?
Huminga muna siya nang malalim bago tumawag.
"Jellyboo..."
"Kumander."
-
next na lang ang sweet moments :)
frozen_delights
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro