Sana Nga'y Ikaw Na
Chapter Twenty
SANA nga ay ikaw na, tahimik na nasabi ni Jethro sa sarili habang pinagmamasdan ang babaing nahihimbing pa rin sa mga bisig niya.
Aminado siyang sariwa pa ang sugat na iniwan ni Sofia sa puso niya. Ito ang kauna-unahang babae na minahal niya ngunit trinaydor lang siya. Ngayon ay muli niyang binubuksan ang kanyang puso sa panibagong pag-ibig. At sa pagkakataong 'yon ay alam niyang mas malaki ang itinaya niya kumpara sa una.
Maraming pagkakatulad sina Sofia at Chantal, ngunit marami rin silang kaibahan. Tipikal na kimi si Sofia at madalas ay hinuhulaan niya lang kung ano ang nasasaloob nito. Habang si Chantal bagama't medyo kimi rin ay prangka ito, sinasabi kung ano ang nasa isip.
Tumaas ang kanyang kamay at maingat na hinawi ang ilang hibla ng buhok na bumagsak sa noo nito. Napakaganda nito sa kabila ng maliliit na mantsa sa balat. Noong una niya itong makita ay napagkamalan niya talaga itong anghel. Ang amo kasi ng mukha.
Nag-vibrate ang cellphone sa bulsa ng kanyang pantalon. Maingat siyang bumaba ng hospital bed at dinukot ang cellphone sa kanyang bulsa. Bahagya siyang lumayo upang hindi makaistorbo sa tulog ni Chantal. Nakita niya ang pangalan ni Boogie sa caller ID.
"Boogie."
"Jet, pinuntahan ako ni Mang Norman. Baka raw puwedeng tingnan mo 'yong dyip niya at ilang araw ng sira ang pasada."
"Sana sinabi mong hindi ako puwede. Alam mo naman, di ba?"
"Sinabi ko na 'yon. Kaso nakakaawa, eh. Alam mo naman, marami ring binubuhay 'yong tao at pamamasada lang ang ipinantutustos niya sa pamilya."
"Matagal ko na kasing sinabi sa kanyang idispatsa na lang ang jeep na 'yon at kakarag-karag na."
"Sa mga isang kahig at isang tuka, mahirap basta pagpasyahan ang mga ganoong bagay."
Napahinga siya nang malalim sabay hagod sa buhok.
"Oo na. Sige, pupunta ako. Hintayin niyo na lang ako sa talyer."
"Sige."
"Sandali, pakisabi kay Marcy na kung puwede mauna na siya rito. Hindi ko puwedeng iwan mag-isa si Chan-chan."
"Okey, sabihin ko."
Nang dumating ang nurse para i-check si Chantal ay pinakiusapan niya ito na may bibilhin lang siya sandali. Lumabas siya ng ospital at naghanap ng flower shop. Nagtanong-tanong siya dahil hindi naman pamilyar sa kanya ang mga establishments doon ngunit nasa kabilang bayan daw ang flower shop na alam ng mga ito.
Noon niya nakita ang isang halaman sa loob ng bakuran ng taong kausap niya. Katulad iyon ng bulaklak na ibinigay niya kay Chantal. Hitik sa bulaklak ang pantay-taong puno kaya hindi na siya nagdalawang-isip.
"Ate, puwede mo ba akong pagbilhan na lang ng mga bulaklak na 'yan?"
"'Yong rosal?"
"Oho."
"Aba'y sigurado ka? Baka ibato 'yan sa'yo pabalik ng pagbibigyan mo."
Napangiti siya. "Hindi ho mangyayari 'yon. Gustong-gusto niya ang bulaklak na 'yan."
Nakita niyang inilagay ni Chan-chan sa basong may tubig ang bulaklak na ibinigay niya rito. Tila raw naging air freshener sa silid ng mga ito ang bulaklak na iyon dahil napakabango.
"Kung 'yan ang gusto mo, sige."
Kaagad siyang ipinanguha ng babae ng bulaklak. Nang abutan niya ito ng pera ay ang lawak ng ngiti nito.
"Salamat ho."
"Salamat din at may pambili na kami ng ulam."
Tumawa lang siya saka mabilis na tinungo ang kinahihimpilan ng kanyang owner-type jeep. Kung may pakpak lang ang kanyang mga gulong ay pinalipad na niya iyon para makabalik kaagad ng ospital.
"Uy, Sir. Ang bilis niyo," parang nagulat na reaksyon ng nurse pagpasok niya. Mabilis nitong isinuksok sa bulsa ng uniporme ang hawak na cellphone.
Bahagyang kumunot ang noo niya. Hindi ba dapat bawal sa mga ito ang cellphone kapag naka-duty?
Pero ipinagwalang-bahala na lang niya iyon.
"Kailangan niyo ho ba ng flower vase para sa mga bulaklak?"
"Oo. Meron ba kayo?"
"Oho, meron. Ako na ang maglalagay."
"Salamat."
Tumalikod na ang nurse at pumasok ng banyo. Gayunma'y may pagdududa pa rin itong sinundan ng tingin ni Jethro. Naupo siya sa katabing upuan ng higaan ni Chantal. Halos hindi ito bumago ng posisyon mula nang iwan niya. Hahawakan niya sana ang kamay nito ngunit pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang umalis na gising ito dahil parang laging nagmamakaawa ang mga mata nito na huwag niyang iwan. Na para bang napakatagal niyang mawawala.
"Nurse, puwede bang makahingi ng isang piraso ng papel?"
"Puwede ho, Sir. Sandali at ikukuha ko kayo."
Lumabas sandali ng kuwarto ang nurse. Pagbalik nito ay may dala na itong isang bond paper. Pinahiram na rin siya nito ng ballpen kahit hindi pa niya sinasabi.
"Iiwan ko na ho sa inyo ang ballpen, Sir. Kung wala na ho kayong kailangan babalik na ako sa trabaho ko."
"Sige, salamat."
Mabilis siyang sumulat ng maikling mensahe at pagkatapos ay itinupi iyon sa tatlo at bahagyang inipit sa ilalim ng unan ni Chantal. Nang dumating si Marcy ay kaagad na siyang nagpaalam dito.
"Ikaw na ang bahala kay Chantal. Kapag may problema o may kailangan kayo na kahit na ano, tawagan niyo lang ako."
"Walang problema. Huwag kang mag-alala, ako na ang bahala sa kanya. Mayamaya ay susunod na rin dito si Andeng."
~0~
HINDI pa man nagmumulat ng mga mata ay gumuhit na ang matamis na ngiti sa mga labi ni Chantal. Pakiramdam niya, anytime ay puwede na siyang tumakbong palabas ng pagamutang iyon. Binuksan niya ang mga mata at kaagad na hinanap ang lalaking naging laman ng kanyang panaginip.
"Jet." Pagpihit niya sa kanyang likuran ay wala na roon ang taong inaasahan niyang magigisnan. He's probably in the bathroom.
Naghintay siya at nakiramdam. May narinig siyang kaluskos sa loob ng banyo kaya nakampante siya na naroroon si Jethro. Pinaraanan niya ng suklay ng mga daliri ang kanyang buhok at hinagod ang kanyang mukha. Bumangon na rin siya at sumandal sa headboard ng higaan.
Bumukas ang pinto ng banyo.
"Good morning!" masiglang bati sa kanya ni Marcy.
"Wha--ahm, where is Jet?"
"Mukhang may emergency siyang tawag na natanggap kaya umalis muna sandali."
Na-disappoint siya ngunit itinago na lamang niya iyon. Noon niya napansin ang mabangong halimuyak ng bulaklak. Awtomatikong naguhitan ng matamis na ngiti ang kanyang mga labi nang makita ang isang crystal vase sa side table ng hospital bed na puno ng puting bulaklak.
"You brought this?"
"'Andito na 'yan nang dumating ako."
"Oh." Para na namang mapupunit ang mga labi niya sa malapad na ngiti. "He's so sweet."
"Natikman mo na?"
"What?"
"Si Jethro 'kako. Natikman mo na ba kaya nasabi mong matamis?"
Namula ang magkabilang pisngi niya, sigurado siya roon. Ngunit isang irap lamang ang itinugon niya kay Marcy.
"Huu, mukhang natikman mo na nga. Pulang-pula ang mukha mo, eh. Hindi makapagkakaila."
"Do you think I'm heading too fast?"
Matamang napatitig sa kanya si Marcy.
"Mahal mo ba?"
Tumango siya.
"Sigurado ka?"
Sunod-sunod na tango ang tugon niya.
"O, iyon naman pala, eh. Walang problema. Sa pag-ibig naman hindi importante kung ngayon o kahapon o noong nakaraang milenyo pa kayo nagkakilala ni Jet. Ang importante kung ano ang nararamdaman niyo para sa isa't isa."
"I... I love him. I'm sure of it now more than ever. I have never felt this before with anyone."
"Good."
"You think?"
"Oo naman. Sa kislap pa lang ng mga mata mo, alam ko ng magiging masaya ka sa kanya. At sa taas ng pride ni Jet, may palagay akong malayo siya sa mga katulad ni Gareth na treasure hunter--if you know what I mean."
"I know."
"Pero, kuwidaw ka. Baka isa rin 'yan sa maging problema niyo kaya dapat maging handa ka na."
"What do you mean?"
"May mga lalaki kasi na sa sobrang taas ng pride ay ayaw na ayaw nang natatapakan ang kanilang mga ego."
"I'll keep that in mind."
"So, kayo na ba?"
Itinikom ni Chantal paloob ang mga labi saka marahang tumango.
"Ang bilis, ha?" namimilog ang mga matang sabi ni Marcy.
"I sort of, a-asked him."
"Tsk, tsk," napailing-iling si Marcy. "Pero kunsabagay, laking-Tate ka kasi kaya straightforward ka."
"I'm not sure if it's okay with Jet, though. I just want everything to be clear between us. Ayokong nang... uh, nagkakapa?"
"Nangangapa."
"Yeah, something like that."
"Bakit? Ano ba ang naging reaksyon niya?"
"He was, uhm... flabbergasted, I think?"
"I bet that was an understatement."
She shrugged her shoulders. "Then he said, he will court me."
Napabungisngis ito. "He's really serious about you."
Pinagpantay niya ang mga tuhod sa kanyang dibdib at ipinatong doon ang kanyang mukha saka niyakap ang mga binti. Nakangiting pinagmasdan niya ang mga bulaklak sa gilid ng kanyang hinihigaan. Walang duda na galing nga kay Jethro iyon. May napansin siyang papel sa ilalim ng kanyang unan. Nakalabas ang kalahating bahagi niyon kaya kaagad niyang nakita.
Binuklat niya ang nakatuping papel nang makitang may nakasulat doon. Isang maikling mensahe mula kay Jet.
Chan-chan ko,
Sana nagustuhan mo ang mga bulaklak. Huwag kang mag-alala, hindi
ko pinitas 'yan sa bakuran nang may bakuran. May-ari ang pumitas at binayaran ko.
Mahal kita, kumander.
Jethro
May luhang nanungaw sa kanyang mga mata sa mainit na emosyong hatid niyon sa kalooban niya. Hindi pa siya nakatanggap ng love letter na damang-dama niya ang nakapaloob na mensahe. She felt so cherished and cared for.
I love you, too, Jellyboo.
Pinansin niya ang handwriting nito. Maganda iyon at malinis. May nabasa siya dati na ang personalidad daw ng isang tao ay mababasa sa sulat-kamay nito. Kung pagbabasehan niya ang handwriting ni Jethro ay masasabi niyang akmang-akma iyon sa binata. He always act tough on the surface, but inside he's very gentle and sweet.
My Jellyboo. Napangiti siya, naisip na bagay na bagay lamang dito ang endearment na naisip niya. Although for the life of her she couldn't see herself as a domineering or controlling girlfriend to be called commander.
Saka niya naalala ang sinabi ni Jethro na muling nagpangiti sa kanya.
"Mula ngayon ikaw na ang kumander ng buhay ko."
Pagkuwa'y napatingin siya sa kanyang harapan.
"Kahit sampung boobs na gano'n hindi ko papatulan. Mas cute kaya ang halos walang boobs."
Tinakpan niya ang bibig nang muntikan na siyang mapahagikhik sa kilig.
"Alam mo, baka mag-trending ka bukas sa social media dahil d'yan sa ginagawa mo."
She tried to keep a straight face and look at her PA. Iyong tinging-painosente.
"Huwag mo akong tingnan ng ganyan."
"Why? What did I do wrong?"
"Aba'y para kang mentally unstable riyan. Mamaya niyan ay mabinat ka sa kilig."
"Nah. I feel like I can run a full marathon right now," confident niyang sabi rito. "By the way, can you ask the nurse to remove this?"
Ang tinutukoy niya ay ang kanyang suwero. Noong nakaraan kasi ay bubuhatin sana siya ni Jet ngunit naging sagabal ang IV na nakakabit sa kanya. Hindi rin tuloy siya makayakap dito habang magkatabi silang natutulog. Hindi siya komportableng kumilos.
"Hindi makapaghintay, teh? I'm sure kapag puwede ng tanggalin 'yan ay aalisin din 'yan ng nurse. Huwag makulit."
Napalabi siya. Paano siyang hindi magiging makulit pakiramdam niya nakagapos ang isa niyang kamay.
Mayamaya pa ay dumating si Andeng. Marami itong dalang pagkain, padala raw ni Jethro. Natuwa siya. He's acting like a real boyfriend now. Ngunit ang katuwaan niya ay kaagad ding naputol sa sumunod na sinabi ni Andeng.
"Hindi nga pala makababalik mamaya si Jethro. May biglaang trabaho, eh. Hindi niya lang matanggihan dahil matagal na raw niyang suki."
"I-it's okay," kahit kabaliktaran niyon ang nararamdaman ay iyon na lamang ang sinabi niya.
Ano ba naman iyong isang gabi? Sa sandaling ma-discharge na siya ng pagamutan ay araw-araw na sila nitong magkakasama.
Soon.
-
sige na nga, hindi ko na aawayin si Chan-chan.
frozen_delights
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro