Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Panganib

ilang kembot pa😁😁 inip ka na? pasyal ka muna, labyu😘 bumalik ka, ha?


Chapter Fifty-Four

KALALABAS lamang ni Jethro sa shower nang may mapansin siyang tila komosyon. Nakisilip siya. Wala na sana siyang balak na mag-abalang maki-usyoso pa nang marinig niya ang pangalan ng taong pinagkakaguluhan doon.

"Putsa, tulungan niyo si Mang Tasyo. Mukhang delikado ang lagay niya."

Sukat nang marinig ang pangalang iyon ay hinawi niya ang mga miron. At halos manlaki ang kanyang ulo nang makita ang nangyari sa matandang lalaki.

"Tabi!" Lumuhod siya sa tabi ng matanda na hawak ang tapat ng nagdurugong tiyan nito. Malakas ang pagtagas ng dugo roon at kung hindi maaagapan ay natitiyak niyang manganganib ang buhay nito.

Kinuha niya ang tuwalyang nakasampay sa kanyang balikat at kaagad na idiniin sa tiyan nito. Inilipat niya ang dalawang kamay nito roon atsaka niya ito binuhat sa kanyang mga bisig para itakbo sa infirmary. Halos mangatog ang mga tuhod niya. Hindi ito puwedeng mamatay.

Tinagaktakan siya ng pawis kahit kapapaligo niya pa lang. Nang marating nila ang infirmary ay kaagad na ipinalagay ng naroroong nars sa nag-iisang hospital bed ang pasyente. Kahit nars ito ay parang nagulantang ito sa kalagayan ni Mang Tasyo. Halos matigmak ng dugo ang suot-suot nitong unipormeng pang-preso.

Nang akmang lalayo na si Jethro para ipaubaya sa nars si Mang Tasyo ay mahigpit siyang hinawakan ng matanda sa braso.

"J-Jet..." hinang-hinang sabi nito.

"Gagaling pa kayo. Magiging maayos din ang lahat," pagpapalakas niya ng loob dito.

"M-makinig ka..."

Idinikit niya ang tenga rito habang tila naghahabol ito ng paghinga.

"Ephesians 5:15-16."

Gusto sanang ipaulit ni Jethro ang sinabi nito. Ngunit itinaboy na siya ng nurse. Paparating na raw ang doktor na nakatalaga roon. Puwede na niyang iwanan ang pasyente. Hindi siya mapakali. Pakiramdam niya ay may mangyayaring hindi maganda kapag iniwan niya roon si Mang Tasyo.

Tulirong naisuklay niya ang dalawang kamay sa kanyang buhok. Kung hindi siya pinabalik sa kanyang selda ay hindi pa siya aalis sa labas ng infirmary. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. At hindi maganda ang kanyang kutob.

"Ano ba ang nangyari?" usisa ng isa niyang inmate pagpasok niya.

"Hindi ko rin alam, eh," tugon niya.

At iyon naman talaga ang totoo. Wala siyang ideya kung ano ang nangyari dahil natagpuan na lamang niya ang matanda na pinagkukumpulan ng mga kapwa nila preso sa labas ng paliguan. Tulad niya ay mukhang kalalabas lamang din nito ng banyo nang saksakin na lamang ito ng kung sino.

"Mula nang maka-engkuwentro niya sina Negro ay hindi na tinantanan ng tatlong 'yon si Tatang. Hindi kaya sila ang may kagagawan ng nangyari?" dagdag na wika ng nakapuwesto sa itaas ng kinauupuan niyang double deck.

"Sh," may babalang sabi ng lalaking kausap ni Jethro. "Baka may makarinig sa'yo ikaw naman ang mapag-initan."

"Pero di ba't noong nakaraang linggo lamang ay may bumugbog daw sa tatlong 'yon?" sabat noong isa sa kabilang double deck.

Sa loob ng kanilang selda ay may sampu katao silang magkakasama. Tatlo ang double deck at 'yong iba sa sahig naka-puwesto. Naglalatag na lamang ng karton. Nagpakilala naman ang mga ito sa kanya sa unang araw niya roon. Napagpapalit-palit niya nga lang ang pangalan. Magkakatunog kasi. Randy, Mandy, Zaldy, Dex, Rex, Andro, Lando, Segundo at 'yong isa... Prudencio o Tiburcio?

"Ano naman ang kinalaman do'n ni Tatang?"

Umayos na siya ng puwesto sa kanyang higaan. Kinuha niya ang naroroong lumang diyaryo at nagkunwang walang interes sa pag-uusap ng mga kasama. Binuklat niya iyon at nagbasa.

"Ephesians 5:15-16."

Tila nag-echo iyon sa isipan niya. Hindi niya alam kung ano ang kahalagahan ng mga salitang ibinulong nito sa kanya. Alam niyang isa iyong Bible verse. Pero para saan? Naroroon ba ang clue sa micro SD card na kailangan niya?

"Alam mo kasi, Rex, may bulung-bulungan dito dati. Napakinggan ko lang sa mga beterano na rito sa loob," anang lalaki mula sa nasa kabilang double deck.

Nahatak din ang kuryosidad niya.

"Baka fake news lang 'yan, ah," pabirong tugon ni Rex.

"Hindi. Legit 'to. Balita ko'y kusang nagpakulong 'yan si Tatang para pagbayaran ang mga kasalanang nagawa niya dati sa batas."

"Bakit? Ano ba siya dati? Bugaw?"

"Tarantado. Hindi. Big time raw 'yan. Lider 'yan ng labindalawang malalakas na organisasyon. Mula sa Mafia, Yakuza at Triad."

"Putsa, may amats ka ba?"

"Gago, totoo nga raw 'yon. Nasa kanya ang kontrol sa labindalawang organisasyon na 'yon. Isipin mo na lang, pare. Daig niya pa si Al Capone."

"Sino naman 'yon?"

"Hindi mo kilala si Al Capone?"

Sa pagitan ng pagtatalo ng dalawang lalaki ay nagbalik sa isip ni Jethro ang minsang sinabi sa kanya ni Vengeance. Na si Mang Tasyo ay nagtataglay ng kapangyarihan na higit pa sa isang hari. At ang micro SD card na nasa pag-iingat nito ay naglalaman ng maraming sikreto. Ngunit anong klaseng sikreto?

Hanggang sa lumipas ang maghapong iyon ay paikot-ikot ang mga katanungan sa utak niya. Dakong hatinggabi nang maramdaman niya ang pagguhit ng hapdi sa kanyang likuran. Paigtad siyang napabangon at alertong iginala ang mga mata. Nang kapain niya ang kanyang likuran ay nahawakan niya ang patalim na nakabaon doon. Napaungol siya sa sakit nang hugutin iyon kasunod ang masaganang pag-agos ng dugo.

"Tangina ka! Lumabas ka, harapin mo ako!" galit na tungayaw niya. "Wala kang bayag, tangina!"

Isa-isang nagising ang mga kasama niya sa selda. 'Yong iba ay nagrereklamong napaungol dahil sa pagka-istorbo sa mahimbing na pagtulog.

"O, Jet. Ano ang nangyari? Binabangungot ka ba?" nagkukusot pa ng matang tanong ng nasa ibabaw ng higaan niya.

"May kung sinong tarantadong sumaksak sa akin," ngitngit na sagot niya. 

Lahat ng naroroon ay suspect niya maliban sa nasa taas ng kanyang double deck. Mararamdaman niyang tiyak kung ito ang may kagagawan ng pagsaksak sa kanya dahil mauga ang double deck. 

"Boss tsip!" kaagad na tawag nito sa jail guard na nakatalaga ng gabing 'yon.

Nangagsibangon na rin ang iba pa. May kumalampag ng rehas para matawag ang pansin ng jail guard.

"Bakit nagkakagulo kayo rito? Gabing-gabi na, ah, nambubulahaw pa kayo," maangas na wika ng guwardiya habang pinaglilipat-lipat nito ang hawak na flashlight sa mga inmates.

"Si Duque, boss tsip. Sinaksak."

Sa sinabi ng isang inmate ay bumaha ang liwanag sa loob ng selda. Pinapatay kasi ang ilaw roon pagsapit na alas otso. Ini-radyo ng jail guard sa kasamahan nito ang sitwasyon. Mayamaya pa ay pinapila ng mga ito ang lahat sa isang tabi habang si Jethro ay tsinek no'ng isa ang nagdurugong likuran.

"Medyo malalim 'to, ah."

"Ano ba ang nangyari?" usisa ng ikalawang jail guard.

"May sumaksak sa akin habang ako'y natutulog." Ipinakita niya rito ang bagay na hawak-hawak niya. Toothbrush iyon na pinatulis ang dulo para maging sandata.

"Nakita mo ba kung sino?"

Umiling siya. Napangiwi siya nang gumuhit ang kirot sa kanyang likuran.

"Castro, samahan mo na muna 'to sa infirmary. Lagot tayo kay 'Torney kapag may nangyaring masama rito," anang unang guard na rumesponde.

"Sige. Tara, Duque. I-report mo na rin, p're, kay Warden."

Tikom ang mga labing lumabas ng selda si Jethro kasama ang bantay. Sa isip ay binalikan niya ang sleeping arrangement nila bago siya nakatulog. Gusto niyang malaman kung sino ang nagtangka sa buhay niya. At kung bakit.


SA infirmary na inabutan ng pag-uumaga si Jethro. Bagama't naidlip siya matapos gamutin ng doktor ang sugat niya sa likod ay mababaw lang ang kanyang naging tulog. Ayon pa sa manggagamot, mabuti na lamang daw at hindi masyadong bumaon ang pagkakasaksak sa kanya. Kung nagkataon daw na bumaon pa iyon nang husto ay baka naglagos iyon sa puso niya. Tiyak na magde-delikado ang kanyang lagay.

"Jet!"

Hangos na sumungaw ang ulo ni Meredith sa infirmary. Kita ang pag-aalala sa mukha nito nang lapitan siya at suriin ang kanyang mukha.

"Are you okay?"

"Ayos lang ako At--ah, Attorney," mas gusto niyang isipin ng mga naroroon na abogada niya lamang ito at hindi kapatid. Nahihiya kasi siya na mapulaan ang kagalang-galang nitong estado sa isang convict na katulad niya.

Ngunit inirapan siya ng kapatid.

"How is my brother, Doc?" baling ng abogada sa doktor.

Hindi na nakita ni Jethro ang reaksyon ng manggagamot dahil natatakpan ito ng bulto ng kapatid niya. At katulad ng sabi ng doktor sa kanya, mabuti na lamang at hindi malalim ang pagkakabaon ng saksak sa likuran niya.

"Good thing your brother was alert. Kung nagkataong wala siyang malay sa nangyari, delikadong maglagos iyon sa puso niya. But so far, he's in good shape, Attorney. Nothing to worry about."

Tila nakahinga nang maluwag ang abogada. Nagpaalam ang doktor na maninigarilyo muna sa labas upang mabigyan sila ng privacy.

"I am going to get you out of here, pronto," wika nito pagharap sa kanya.

"Payag na ako, Ate. Kaya lang may gusto sana muna akong ipagawa sa'yo, kung puwede."

"Ano 'yon?"

"Gusto kong alamin mo kung ano ang lagay ni Mang Tasyo at kung nasaan na siya ngayon?"

"Is he your friend?"

Tumango na lang siya para wala ng maraming tanong ang kapatid.

"What's his full name?"

"Ahm, kilala lang siya ng lahat bilang Mang Tasyo. O Pilosopo Tasyo. Nasaksak siya kaninang umaga at malala ang tama niya. Nang tanungin ko si Dok ay dinala na raw sa pagamutan sa labas. Hanggang ngayon ay wala pa siyang update kung kumusta na ang lagay ni Mang Tasyo."

Matiim siyang tiningnan ni Meredith.

"Bakit?"

"Ang Mang Tasyo bang tinutukoy mo ay si Protacio Apostol?"

"Kilala mo siya?"

"He was known also known as Amang."

Hindi siya sigurado kung pareho sila ng taong pinag-uusapan. Saka niya naalala ang usapan ng kanyang mga inmates.

"Usap-usapan dito sa loob ay lider siya ng labindalawang malalakas na organisasyon noon." At iyon din ang alam niya base sa impormasyong ibinigay sa kanya ni Vengeance.

"That's him. Siya ang dahilan kaya ka ipinadala rito ni Vengeance."

Walang dahilan para magsinungaling pa siya kaya marahan siyang tumango. Napabuntong-hininga si Meredith atsaka parang napapagod na nahagod ng mga daliri ang mahabang buhok.

"When was the last time you talked to Mang Tasyo?"

"Kahapon. Ako ang naghatid sa kanya rito nang masaksak siya."

"Did he leave any message?"

"Message? Hindi ako sigurado kung message ba iyong sinabi niya. Pero may ibinulong siya sa akin."

"Ano?"

Ibinulong niya rito ang sagot. "Ephesians 5:15-16."

-

wala po akong masyadong idea sa mga patakaran at actual scenarios sa loob ng penitentiary maliban sa mga napapanood ko sa movies at nakita ko sa YT. kaya ipagpaumanhin kung hindi ito makatotohanan para roon sa mga nakakaalam ng actual na kalakaran sa loob. 

furthermore, I wrote this story without intention or whatsoever to offend anyone.

again, this is just FICTION.

it's me again, the naughtiest of them all.

frozen_delights





Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro