Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Pag-ibig Ko'y Sa'yo

Chapter Eighteen

PAGLABAS ni Jethro ng kuwarto ay nalingunan niya si Boogie sa sala na prenteng nakaupo. Nakataas-paa pa ito sa center table at parang aliw na aliw sa kung sinumang ka-text sa cellphone. Nang makaligo siya pagdating mula sa ospital ay umidlip siya sandali. At ngayon nga ay kababangon niya pa lang, at mag-a-alas kuwatro na iyon ng hapon. 

"Umuwi ka na ba?" nahihikab pang tanong niya kay Boogie.

"Hindi. Mainit masyado sa amin kaya dito na muna ako tumambay."

Tumango na lang siya. Dumiretso na siya ng kusina at doon na rin naghilamos sa lababo para mawala ang natitirang antok. Nagpunas siya ng mukha, leeg at kamay sa nakasampay na tuwalya sa balikat. Sinuklay niya ng mga daliri ang hibla ng buhok atsaka isinampay sa likod ng upuan ang ginamit na tuwalya. Lumapit siya sa ref at binuksan iyon para ilabas ang sangkap na kakailanganin niya. Una niyang inilabas ang buto-buto at ibinabad sa isang kaserola. Pagkatapos ay isa-isa niyang inilabas ang mga gulay na kakailanganin.

"Jet, kailangan mo ba ng tulong?" tanong ni Boogie mula sa sala.

"Hindi na."

"Ge, kapag kailangan mo ng tulong magsabi ka lang."

Umoo lang siya.

Hinugasan niya ulit ang karne. Minsan kasi ay may naiiwan pa iyong mga balahibo ng baboy kaya tsinek niyang mabuti. Nahati na sa gitna ang biyas. Tinantiya niya lang ang dami ng lulutuin at isinalang iyon sa kaserolang palambutan. Nang maisalang iyon ay ibinalik niya sa ref ang natirang ilang piraso. Habang hinihintay iyong kumulo ay sinimulan niyang himayin ang mga gulay. Iniisip niya kung ano ang puwedeng ipareha sa sinigang. Para kasing hindi bagay kung karneng sinigang tapos ay pritong manok pa ang ipapares.

Inisip niyang mabuti kung ano iyong mga pagkaing nagustuhan ni Chantal. Boneless bangus na ibinabad sa suka at bawang. Napangiti siya nang maalalang meron pa niyon sa ref. Mukhang sadya iyong binili ni Marcy dahil talagang gustong-gusto iyon ni Chantal. Iyon 'yong part ng bangus na puro tiyan lang.

Tumango-tango siya sa sarili nang maisip na puwede na iyon. 

Nang masulyapan niyang umuusok na ang gilid ng takip ng kaserolang nakasalang ay kaagad siyang kumuha ng sandok at binuksan iyon. Tinanggalan niya iyon ng bula para malinis ang sabaw. Nang matiyak na wala na ang tumpok-tumpok na bula sa ibabaw ay hinalo niya iyon at muling tinakpan. Kailangang malambot na malambot na ang karne bago niya lagyan ng rekado. Kahit sabihing mekaniko ang tiyuhing nagpalaki sa kanya ay naturuan siya nito ng tamang pangungusina. Palibhasa maagang nabiyudo sa asawa kaya nag-aral talaga itong magluto para mapakain sila nang maayos ni Andeng.

Binalatan niya ang katamtamang laki ng mangga at hiniwa sa apat. Hinugasan niya iyon kasama ng dalawang kamatis na hiniwa niya naman sa gitna. Habang pinalalambot ang karne ay isinama niya roon ang mangga at kamatis.

Naramdaman niya ang pagtulo ng pawis sa kanyang noo at leeg. Basa na rin ang kanyang likuran ngunit hindi niya iyon masyadong pinansin. Nang makita niyang lampas ng ala-singko ay kinuha niya ang rice cooker at nagsalang na ng kanin. Wala sa sariling napangiti siya habang hinuhugasan ang bigas. Naalala niya na noong mga unang araw ng pagtira roon ni Chantal ay hindi ito kumakain ng kanin. Pero sa kalaunan ay mukhang natuto na rin.

Muli niyang tsinek ang pinalalambot na karne. Nakita niyang luto na ang mangga at kamatis. Inilagay niya iyon sa isang mangko at pansamantalang ibinukod. Dudurugin niya iyon mamaya at kapag luto na ang mga gulay ay saka niya ilalagay para hindi kumunat ang talbos at iba pang sahog.

"Talaga naman. Buhos kung buhos, ah?"

Hindi niya pinansin ang pangangantiyaw ni Boogie. Humila pa ng upuan ang ugok at umupong paharap doon habang pinapanood siya.

Inilabas niya ang apat na pirasong bangus fillet. Nagsalang siya ng kawali at muling tsinek ang nakasalang na karne. Malapit na iyong lumambot.

Walang kamalay-malay si Jethro na habang abala siya sa pagluluto ay naka-live feed ang bawat galaw niya. Na ang lahat ng iyon ay napapanood nina Chantal, Andeng at Marcy.

~0~

PARANG puputok ang puso ni Chantal sa tuwa habang pinapanood ang lalaking mahal niya na abalang nagluluto. Talagang buhos na buhos ang pansin nito sa ginagawa na hindi man lang napansin na kinukunan na ito ng video ni Boogie. Makalokohan talaga. Pero ang puso niya ay hindi talaga maawat ang kilig. Ganito ba talaga mag-care at mag-alaga ang isang Jethro Duque? Panay ang tukso sa kanya nina Andeng at Marcy. 

"In fairness, ang hot ni Jet kahit pawisan," komento ni Marcy.

Sinimangutan ito ni Chantal.

"Selos ka naman kaagad," panunudyo nito na marahang dinunggol ang kanyang balikat. "Hindi mo pa ba nakikita ang pruweba? Effort 'yan, bes."

"Totoo. Kahit kay Sofia ay hindi niya 'yan..." dahan-dahang naputol ang sinabi ni Andeng na parang nagbago ang isip kung tamang ituloy pa ang sinasabi nito o hindi na.

"Who is Sofia?" curious na nilingon ni Chantal si Andeng.

"Ex ba ni Jet?" panghuhula naman ni Marcy.

Tila saglit pa munang tinimbang ni Andeng ang mga sasabihin bago ito marahang tumango.

"Siya ang kauna-unahang babae na sineryoso ng pinsan ko," may pait sa boses na sabi nito.

May munting selos na kumurot sa dibdib niya sa sinabi ni Andeng.

"Transferee siya noon sa school na pinapasukan namin ni Jet. Inglesera rin at hindi tuwid mag-Tagalog dahil laking-Australia. Mayaman, maganda at solong anak. Tagarito rin siya sa bayan namin at bali-balitang lumipat lamang sila rito dahil tatakbong alkalde ang Daddy niya. Tipikal na damsel in distress si Sofia. Parang sa mga nobela at pelikula, 'yong lalamya-lamya at parating binu-bully na transferee. Gano'n siya. Siguro nakita ng pinsan ko ang sarili niya dati kay Sofia, siya ang naging tagapagtanggol nito. Naging constant companion at hindi nagtagal, naging girlfriend."

Humugot ng malalim na paghinga si Andeng.

"Pinagsabihan siya noon ng Tatay na mag-iingat sa pakikipagrelasyon kay Sofia dahil bukod sa maimpluwensya ang kanilang pamilya galing pa sa mayamang angkan. Pero likas ding matigas ang ulo ng pinsan ko. Siya ang tipo ng tao na kapag nakapag-desisyon na ay hinding-hindi iyon basta mababali ng kahit na sino. At mahal niya si Sofia. Sa panig naman ni Sofia, masasabi kong nakabuti ang pagdating niya sa buhay ni Jet. Naging masipag sa pag-aaral ang pinsan ko at naging pursigido talaga na makatapos ng pag-aaral para naman daw hindi siya maging alangan sa girlfriend niya. Umiwas na rin siya sa gulo at tumulong na lang sa talyer kay Tatay. Hindi ko gusto si Sofia, para kasing nasa loob ang kulo. Pero dahil gusto siya ng pinsan ko, maayos ko na lang na pinakitunguhan. Sino ba ako para manghusga ng kapwa?"

Napatingala si Andeng nang tila magbanta ang luha sa mga mata nito.

"Akala namin, magiging maayos lang ang lahat hanggang sa makatapos kami ng kolehiyo. Isang araw, bigla na lang hindi umuwi ang pinsan ko. Niyaya siyang magtanan ni Sofia."

"What?"

"They eloped," paliwanag ni Marcy.

"Oh."

"Isang araw may dumating na mga pulis sa bahay namin, hinahanap ang pinsan ko. Sinampahan siya ng kasong kidnapping ng Daddy ni Sofia. Gumulo ang buhay ng pinsan ko pagkatapos ng araw na iyon. Pag-uwi niya ay kaagad siyang dinampot ng mga pulis. At mula sa kasong kidnapping ay nadagdagan pa ang kasong isinampa sa kanya ng mga magulang ni Sofia. He was charged with kidnapping and attempted rape."

"Hala, grabe naman pala ang nangyari kay Jet. Mabuti at nakalaya siya kaagad. Hindi ba't mabigat ang parusa sa mga ganoong kaso?" reaksyon ni Marcy.

"Hindi ko alam kung sino ang taong nilapitan ni Tatay nang araw na iyon. Pero may abogadang dumating at umayos ng kaso ng pinsan ko. Iniurong ng pamilya ni Sofia ang kasong attempted rape. Nilitis ang kaso at nakulong si Jet nang mahigit dalawang taon. Wala akong masyadong alam sa naging proseso ng paglilitis dahil ayaw nina Tatay at Jet na um-attend pa ako ng hearing. Pero kahit na papaano ay bumaba ang sentensya ng pinsan ko."

"Ano ang nangyari ro'n sa mahaderang ex ni Jet?" tanong ni Marcy.

Si Chantal ay parang pino-proseso pa ng utak ang mga narinig na rebelasyon mula kay Andeng.

"No'ng araw na mabawi siya ng kanyang pamilya, itinago na nila si Sofia. Hanggang sa mabalitaan na lang namin na bumalik na siya ng Australia."

"Hindi na tumakbong alkalde 'yong Daddy ni Sofia?"

"Minsan, nadulas si Tatay na ang nangyari kay Jet ay posible raw na politically motivated."

"You mean, ginamit si Sofia ng Daddy niya para umani ng simpatya ng mga botante?"

"Hindi ako sigurado kung gano'n. Dati kasi..." parang nag-atubili na naman si Andeng na ituloy ang sasabihin.

"Ano? Huwag ka ng pabitin at hindi naman tayo others," ani Marcy.

"May tsismis na kumalat noon na ang tatay ni Jet ay ang dating alkalde ng bayan na ngayon ay gobernador na ng lalawigan."

"Grabedad. Gobernador ang magiging father in-law mo, Chan-chan."

"At kung totoo man 'yon, ang abogadang naging representante ni Jet noon para ipagtanggol siya ay si Atty. Meredith Zamora. Half-sister niya."

"Does Jet know?" ani Chantal.

"Hindi ako sigurado. Pero kung sakali mang alam niya ang tungkol dito, masyadong mataas ang pride ng pinsan ko para ipilit ang sarili niya na maging parte ng kanilang pamilya."

"You are his family," aniya. "I don't think he'll bother looking for another when he already have you."

Sa kabila ng nasaksihan niyang madalas na pagbabangayan ng magpinsan ay hindi maitatago ang totoong concern at pagmamahal ng mga ito sa isa't isa.

"Tama ka. Kahit magpinsan lang kami ay kapatid na ang turing ko sa kanya."

"Napaka-drama pala ng buhay ni Jet, ano? E, nasaan naman ang nanay niya?"

Nagkibit-balikat si Andeng. "Hindi namin alam. Bata pa si Jet nang iniwan na lang basta sa amin ni Tatay. Pagkatapos ng araw na iyon ay hindi na namin siya nakita. Hindi ko na nga masyadong tanda kung ano ang hitsura niya."

Naalala ni Chantal ang minsang sinabi sa kanya noon ni Jethro. Hindi nga raw nito alam kung buhay pa o patay na ang nanay nito. Siya ang nasaktan para rito. Masakit isiping wala na nga itong nagisnang ama, inabandona pa ito ng sariling ina. Mabuti na lamang at matinong pamilya ang napuntahan nito, hindi ito napariwara.

Bago sumapit ang ikapito ng gabi ay dumating si Jethro. May pagtataka sa mukha nito nang tahimik na madatnan ang tatlong babae sa silid ni Chantal.

"May problema ba?" ang may pag-aalalang tanong nito. Kaagad nitong nilapitan si Chantal at idinampi ang likod ng palad sa noo ng dalaga. "May sakit ka pa bang iba? May sinabi ba ang doktor?"

Umiling siya at binigyan ito ng ngiti upang alisin ang pag-aalala.

"Ayos lang ako," assurance pa niya rito.

"Eh, ano ang nangyari? Bakit parang ang tahi-tahimik niyo? Lalo na 'tong dalawa," turo nito kina Andeng at Marcy.

"Nasa ospital po kasi kami," pairap na sagot ni Andeng. "Inilalagay naman namin sa lugar ang aming kadaldalan."

"Mabuti naman." Pagkuwa'y binalingan na siya nito. "Nagugutom ka na ba? Ipaghahain na kita."

"Nandito pa po kami. Baka gusto mo rin kaming tanungin?" parinig ni Marcy.

"Makaramdam ka, Mars. Umuwi na raw tayo," ani Andeng.

"Ay, uuwi na ba tayo? Akala ko bukas na."

"Bawal dito ang walang lovelife."

"Ah, di ikaw lang pala ang uuwi."

"Bakit, may lovelife ka?"

Marcy flips her hair. "Oo naman, ano? Maganda kaya ako."

"Weh? Patingin nga," sinipat ni Andeng ang mukha ni Marcy sa iba't ibang anggulo. "Tumalikod ka."

Sumunod naman si Marcy.

"Hm, puwede na." Pagkatapos sabihin iyon ay tumayo na si Andeng. "Aalis na ako, Chan-chan. Babalik na lang ulit ako bukas."

"Hoy, teka. Hintayin mo ako."

"Akala ko ba magpapaiwan ka? May lovelife ka, di ba?"

"Wala rito. Maiinggit lang ako sa kanilang dalawa. Baka langgamin pa ako." Mabilis na rin itong tumayo. Ngunit bago lumabas ay lumingon ito sa kanya. "Behave. Baka mabinat ka, matatagalan lalo ang paggaling mo."

Namula siya sa konotasyon ng sinabi nito.

"Ingat kayo," ani Jet sa mga ito.

Lumabas na ang dalawa. Ngunit wala pang ilang segundo ay bumalik ang mga ito.

"May nakalimutan kayo?"

"Susi," ani Andeng sabay lahad ng kamay nito.

Dinukot iyon ni Jethro mula sa bulsa nito at lumapit sa pinsan.

"Huwag masyadong kaskasera. Wala ka sa racetrack. At maawa ka kay Marcy, may lovelife siya. Ikaw wala."

"Gusto mong masaktan ngayon, ha?" pinaningkitan ng mga mata ni Andeng ang pinsan.

Tinawanan lang iyon ng binata bago hinawakan sa magkabilang balikat ang pinsan at pinihit itong palabas ng silid.

"Sige na. Ingat kayo."

"Ewan sa'yo. Kapag ako nagka-dyowa, who you ka sa akin."

"Hihintayin ko ang araw na 'yon."

Nang makaalis ang dalawang babae ay mabilis na ipininid ni Jethro ang pinto. Lumapit ito sa kanya at tinulungan siyang makasandal sa headboard ng kama. He smells nice. At noon niya lang napansin na iba na rin ang bihis nito mula kaninang ito'y nagluluto. He smells of bath soap. At kahit alam niyang hindi mamahalin ang gamit nitong sabon ay parang gusto niya iyong singhutin nang singhutin.

"Komportable ka ba?"

"Uh-hm."

Inayos nito ang foldable table na nakakabit sa gilid ng hospital bed. Pagkatapos ay isa-isa nitong inihain sa kanyang harapan ang mga pagkaing dala nito. Parang bata na bigla siyang natakam nang ihain nito ang umuusok pang sinigang. Pagkatapos ay kanin at...

"Oh, it's my favorite."

"Bangus ala pobre."

"Iyon ang tawag dito?"

Malapad itong ngumiti na parang may bagay itong labis na ikinatuwa. "Oo. At nakakatuwang pakinggan na hindi ka na masyadong kulot magsalita."

"I'm a child prodigy. Madali akong matuto," mayabang na asta niya. Ngunit ang kanyang puso ay parang nalulunod sa tuwa dahil sa papuri nito.

"Kaya mo na bang kumain nang mag-isa?"

Nag-init na naman ang mga pisngi niya.

"O-oo naman," agad niyang dinampot ang kubyertos na inilagay nito sa tabi ng kanyang plato. Baka sa sobrang kilig niya ay magkaroon siya ng indigestion. "Let's eat."

Naglagay na rin ito ng pagkain sa sarili nitong plato.

Hindi pala masama ang magkasakit paminsan-minsan, saloob-loob niya. She get to spend some quality time with her special someone.

Tila naaasiwa itong nagpunas ng bibig. Napangiti siya. Na-conscious yata ito sa pagtitig niya.

"Humigop ka ng sabaw para magkaroon ng resistensya ang mga buto-buto mo."

Nangingiting dinampot niya ang kutsara at kumuha ng sabaw.

"Blow," inilapit niya ang kutsara rito.

Kaagad naman nito iyong inihipan.

"Thank you," hinigop niya ang sabaw. Bahagya siyang napapikit sa asim. "Yummy."

"Ang hilig mo sa maasim."

"I like sweets, too. And your sinigang is a combination of both. Masarap."

Namula ito. She covered her mouth to keep from giggling. 

Oh, he looks so cute. Kung hindi lang contagious ang sakit niya ay mahahalikan niya ito.

"Kain nang kain," namumulang sabi nito. Nakita niyang kumakalat na ang pamumula ng mukha nito sa leeg at punong tenga.

"Jet."

"Hm?"

"I want to kiss you."

Para itong natigalgal sa pagkakaupo. At lalo pang namula ang buong mukha.

"But I won't. My illness might be contagious. I don't want you to--"

Bago pa niya natapos ang sinasabi ay bahagya itong dumukwang at inilapat ang bibig sa kanyang mga labi. She stilled then closed her eyes and savor their first kiss.

-

selos ako T_T 

patayin ko na kaya si Chan-chan?

frozen_delights









Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro