Mahal kita, magtiwala ka
Chapter Twenty-Four
"HI, Chan-chan!"
Mabilis na gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Chantal nang bumungad sa pinto si Boogie at masiglang bumati sa kanya.
"Kumusta ka na?" anito.
"I'm feeling better now, thanks. It's good to see you, Bogs."
"Naks naman talaga. Kaya pala halos dito na gustong tumira ni boss amo, eh. Parang estrelyang nagliliwanag ang paligid sa ngiti mo, Chan-chan."
Natawa siya.
Hindi man niya masyadong naunawaan ang mga sinabi ni Boogie ay natawa pa rin siya. He's amusing that way. His facial expression and the way he spoke were perfect elements for a comedy show.
"Tsk."
Narinig niya ang pagpalatak ni Jethro. Nagsasalubong ang kilay at masama ang tingin kay Boogie.
"Haay, talaga naman. Ang seloso ng taon," pailing-iling na sabi at dagdag na pang-aasar ni Boogie sa kababata. "Nasungkit mo na nga 'yong pinapangarap kong bituin nagseselos ka pa rin? Kunsabagay, hindi kita masisi, Jet. Isang paligo lang naman talaga ang lamang mo sa akin, eh."
"Kumain ka na ba?" di-kawasa'y tanong dito ni Jethro.
"Bakit, pakakainin mo ako? Sabi ko na nga ba mahal mo rin ako, eh. May Jollibee malapit dito, doon na lang tayo mag-deyt."
"Ul-ol. Nalipasan ka na ng gutom kaya kung anu-ano na naman ang lumalabas sa bibig mo. Kumpleto ba 'yang mga dala mo?"
Kinuha ni Jethro mula rito ang Frank Clegg travel duffle bag na natitiyak ni Chantal na naglalaman ng personal niyang gamit. Kay Marcy ang bag na iyon at marahil doon na lamang inilagay ng PA ang mga damit na ipinadadala ni Jethro kay Boogie kasama ng mga gamit nito upang pareho silang magkaroon ng pamalit na bihisan habang naghihintay ng araw na siya'y ma-release ng doctor.
"Siguro naman kumpleto 'yan. Sina Marcy at Andeng ang naghanda n'yan. Pero kung gusto mo tsetsekin kong isa-isa para mas makasiguro. Malay natin, nakalimutan ka pala nilang padalhan ng brief. O, di habang naririto pa ako puwede kong hubarin 'yong suot ko para ipahiram sa'yo."
"Gago!" sinimplehan ito ng kutos ni Jethro.
"Araykup...! Mapanakit ka talaga. Chan-chan, o."
Sinamaan ng tingin ni Chantal ang nobyo.
"Daplis lang."
"Hindi, ah. Ang sakit-sakit."
Kinawit ito ni Jethro sa leeg.
"Jellyboo, you're hurting him."
"Huwag kang mag-alala, hindi 'to marunong masaktan. Siya si Boogie Manhid."
"Teka-teka, dyelipo. Tama ba ang narinig ko? Dyelipo o dyelipis?"
"Ang ingay mo. Halika na at ihahatid na kita sa labas. Bawal dito ang maingay."
"Teka, magpapaalam muna ako kay Chan-chan."
Gusto pa sana niyang manatili roon si Boogie dahil naaaliw siyang kausap ito. Ngunit kawit-kawit na ito ni Jethro sa leeg. Talagang hindi ito bastang makakawala.
"Bye, Chan-chan," hirap man ay pumihit pa ring paharap sa kanya si Boogie at kumaway.
"Bye, Bogs. You take care."
"Ikaw rin. Pagaling ka na."
"Magaleng na talaga ako."
"Aba, kung gano'n ay tara na. Itatakas na kita rito. Si Jet na lang ang iwan natin, siya ang ibayad natin sa ospital."
"That won't be a bad idea," nangingiting pakikisakay niya sa pang-aasar ni Boogie.
Tumigil si Jethro sa paghila kay Boogie patungo sa pinto at hantarang sinimangutan si Chantal. Pinigil ng dalaga ang mapahalakhak at iningusan na lang kunwa ito. Ang totoo ay may tampo siya rito. At kung hindi pa dumating si Boogie ay mapapanisan na ito ng laway dahil ayaw niya itong kausapin. Napipikon pa rin kasi siya sa huling bahagi ng kanilang pag-uusap. Na kung dumating daw ang sandali na kailangan niyang mamili ay willing itong pawalan siya.
Disappointed siya dahil hindi iyon ang inaasahan niyang maririnig mula rito. She was expecting him to tell her that he will stay by her side, that they will weather the storm together no matter what happens. Pero kabaliktaran niyon ang sinabi nito. Gusto niyang unawain ang stand nito sa mga bagay-bagay. Na maaaring deep inside, kahit mahal siya nito ay nasa likod ng isipan nito na aabandonahin niya ito katulad ng ginawa rito ng sariling ina. O ni Sofia. It hurts her to think that he no longer believes in a happy ending. Na kahit ang pagmamahal ng mga taong nakapaligid dito ay pinagdududahan nito. Even her love.
Huminga siya nang malalim.
I will make him believe.
"Ihahatid ko muna sa labas si Boogie," tila masama ang loob na sabi nito, may himig-pagtatampo. "May gusto ka bang ipabiling pagkain?"
"Jollibee." Narinig niya kasi iyong nabanggit ni Boogie kaya iyon na rin ang nasabi niya. At hindi pa rin siya nakakakain doon kaya gusto niyang matikman.
"Sige, saglit lang ako."
Tinanguan niya lang ito at lumabas na ang dalawa.
~0~
HINDI naman masyadong lumayo sa labas ng silid sina Jethro at Boogie. Gusto lamang talagang makausap nang pribado ng binata ang kababata dahil sa importanteng bagay na ibinilin niya rito.
"Dala mo ba?"
"Oo, naro'n sa sasakyan. Iniwan ko, baka makapkapan ako ng guwardya, kalaboso ang bagsak ko."
"Salamat."
"Gano'n ba talaga ka-seryoso ang banta sa buhay nina Chan-chan?"
"Oo. Ilalayo ko muna sila rito paglabas ng hospital ni Chan-chan. Kapag nasiguro ko na ang safety nila, ako mismo ang ha-hunting sa mga taong gustong manakit sa kanya."
"Putsa naman, 'tol. Isama mo naman ako. Magsosolo ka na naman, eh."
"Kasama ka naman talaga. Ikaw ang gagawin kong pananggalang sa bala."
"Ayos! Huwag kang mag-alala, 'tol. Kahit gawin mo pa akong pambala sa kanyon, kung para sa ikaliligaya mo, walang problema. Ganyan kita kamahal."
"Gago," naantig man sa sinabi ng kaibigan ay bahagya pa rin itong kinutusan ni Jethro.
Kung anu-ano ang sinasabi nito. Siyempre ay biro lang naman sa kanya na gagawin niya itong shield. Ang totoo ay balak niya itong iwan kasama nina Chantal pagdating nila sa probinsya. May kapurulan man ang utak ni Boogie, pagdating sa pagiging isang loyal na kaibigan ay walang makakapantay rito.
"Baka nagugutom na si dyelipis, este si dyelipo mo, ibili na natin ng pagkain. Pakainin mo na rin tuloy ako."
May pag-aatubiling nilingon muna ni Jethro ang silid na kinaroroonan ni Chantal.
"Puwede namang ako na lang ang bumili," boluntaryong sabi ni Boogie nang mapansin ang pag-aalangan niyang iwanan si Chantal nang matagal.
"Sige. Kumain ka na rin. Sasaglitin ko 'yong sasakyang dala mo," inabutan niya ito ng pera. Ito naman ay ibinigay sa kanya ang susi ng SUV.
"Me itatanong sana 'ko, Jet. Konsyus lang ako."
"Conscious o curious?"
"Ano nga ba ang kaibahan no'n?"
Itinaas ni Jethro ang isang kamay. Parang batang takot na umilag si Boogie. Ngunit kaagad itong nakawit ni Jethro sa batok at inakbayan.
"Magtanong ka na bago pa magdilim ang paningin ko."
Napangisi si Boogie. "Iba talaga ang epekto sa'yo ni dyelipo."
"Tsk."
Narating nila ang parking kung saan iniwan ni Boogie ang SUV.
"Paano mo naging kaibigan si Zenith?"
Natigilan siya sa tanong. "Hindi ko siya kaibigan."
"Hindi mo siya kaibigan, eh, bakit ka pinahiram ng ganyan kagarang sasakyan? Sa totoo lang nagulat ako nang makita siya at 'yong mga bata niyang mukhang orangutan. Kaya naisip ko na baka..."
"Baka ano?"
"Baka sumapi ka na sa grupo nila."
Hindi lingid sa kanya kung anong klaseng grupo ang sinasabi ni Boogie. Matunog sa lugar nila na lider ng isang drug syndicate ang lalaki. At ang Purok 6 ay isa lamang sa pinamumugaran nito. Ngunit kumpara sa mga nauna rito na dating naghahari-harian sa kanilang Purok, tahimik lang ito. Kaya alam niyang hindi ito pipitsuging drug dealer. Idagdag pa roon na kaibigan ito ni Vengeance Liu.
Sa totoo lang ay ayaw niyang humingi ng tulong kay Vengeance. O kahit na anupamang pabor mula rito. May kung anong misteryong nagkukubli sa likod ng malalamig nitong mata. Oo at tumatawa ito sa labas, ngumingiti, nagbibiro. Ngunit kung pagmamasdang mabuti ang mga mata nito, walang mababakas na emosyon doon. Isa itong malaking palaisipan sa kanya. At kahit pa sinasabi nitong magkaibigan sila, sa likod ng isip niya ay naroon ang pagdududa. Magkaibigan nga ba sila?
Three years ago...
"Hindi ko kailangan ang tulong mo. Kaya kong protektahan ang sarili ko," supladong tinampal ni Jethro ang kamay ng lalaking sumaklolo sa kanya nang mapag-trip-an siya ng ilang preso habang nagsha-shower.
Sargo ang bibig at nakapikit na halos ang isa niyang mata nang matapos ang laban. At oo, sanay siyang makipaglaban nang mano-mano. Pero iyong kuyugin siya ng limang lalaki na pare-parehong maskulado, sa mga action movies lang nangyayari 'yon na puwede siyang manalo sa ganoong laban. Hindi naman siya si Superman o si Jackie Chan. Na kahit sampung kalaban ay kayang pabagsakin. Ni wala siyang alam sa martial arts. Ang tanging training niya sa pakikipaglaban ay away sa kalye. Teknik sa tamang depensa at atake, hindi iyon itinuro sa kanya. Sa halip ay nakabisa iyon ng katawan niya sa dalas niyang napapasabak sa away. Pero aminado siya, kung walang sumaklolo sa kanya sa laban na iyon tiyak na bangkay na siyang ilalabas doon ng mga guwardya.
"Gago pala 'to, boss, eh. Gripohan ko na," sabi ng lalaking kasama ng tumulong sa kanya.
Itinaas lang ng tinukoy na boss ang isang kamay nito. Siya naman ay iika-ikang tinalikuran ang mga ito habang nakatapi ng tuwalya.
"Jethro Duque."
Kusang tumigil ang mga paa niya nang tawagin ng lalaki ang buo niyang pangalan.
"Ako si Vengeance Liu. Kung gusto mo pang makalaya nang buhay sa impiyernong ito, hindi sapat ang tapang lang. Use your head, huwag puro emosyon." Iyon lang at tuloy-tuloy siyang nilampasan nito kasunod ng dalawang alalay.
Nakakuyom lang ang mga kamao niya nang sundan ito ng tingin.
Iyon ang naging simula. Kahit anong iwas niya sa gulo ay parati siyang nilalapitan. Hanggang sa lumaon ay wala na siyang napagpilian kundi ang tanggapin ang proteksyong ibinibigay ni Vengeance. Alam niyang hindi ito isang ordinaryong preso. VIP ang trato rito.
"Bakit?" minsan ay tanong niya rito.
"Why I offered you protection?"
"Oo."
"Hm, let's say I owe someone a favor."
"Sino?"
Isang anino ng ngiti ang nagkahugis sa isang sulok ng mga labi nito at hindi na siya sinagot.
"Huwag kang mag-alala. Hindi mangyayari ang iniisip mo," ani Jethro kay Boogie matapos ang maikling sandali ng pagbabalik sa nakaraan.
"Magtitiwala ako sa sinabi mo."
"Oo naman. Ako pa ba? Sige, bumili ka na at baka nagugutom na si kumander."
"Kumander?" muntik ng humagalpak ng tawa si Boogie. "Tsk, tsk. Matindi talaga ang mga Talisayin. Napapaamo kahit ang pinakamababangis na tandang."
Akmang uupakan ito ni Jethro ngunit mabilis na itong nakatakbo. Naiiling na binuksan niya ang nakahimpil na SUV. Bulletproof iyon ayon sa pagkakasabi ni Vengeance. Kung hindi lamang siya nag-aalala sa buhay ni Chan-chan, nunca na manghiram siya ng imported na sasakyan para sa biyahe nila patungong probinsya.
Binuksan niya ang glove compartment. Tulad ng inaasahan niya ay naroroon ang bagay na ibinilin niya kay Boogie. Ang kanyang Glock 43. Hindi pa niya nagamit iyon para kumitil ng tao. Ngunit nagamit na niya iyon sa target practice. May nagregalo niyon sa kanya nang araw na lumaya siya. Akala niya nga noong una ay ang kanyang tiyuhin. Pero ayon kay Andeng, imposibleng ang Tatay nito ang magbigay sa kanya ng baril na iyon dahil matagal-tagal din itong naratay habang siya'y nakakulong. Imposible raw na habang may sakit ito ay maisip pa siyang regaluhan ng baril. Lalo pa at ang tanging hiling ng kanyang tiyo ay mamuhay siya nang maayos at muling magsimula sa sandaling siya'y makalaya.
Tsinek niya ang baril pati na ang magazine na naroroon. Tiningnan niya rin kung malinis iyon at nasa tamang kundisyon. Matagal-tagal na rin simula nang huling beses niyang mahawakan iyon. Ilang beses niyang itinutok at ikinasa iyon para tiyaking hindi siya magkaka-problema sakali man at mapasubo siyang gamitin iyon. Nang matiyak na ayos naman ay muli niya iyong ibinalik sa compartment. Pababa na siya ng sasakyan nang muli niyang mamataan ang dalawang lalaki na nakita niyang nakasunod ng nagdaang araw sa nurse. Mukhang may inaabangan ang mga ito. Kinuha niya ang kanyang cellphone at kinunan ng picture ang mga lalaki.
Umibis na siya ng sasakyan at pumasok ng ospital.
Pagpasok niya ng silid ni Chantal ay biglang dinunggol ng takot ang dibdib niya. Wala ito sa kama!
"Chan-chan?!"
Pipihit na sana siyang palabas ng kuwarto nang bumukas ang pinto ng banyo at lumabas mula roon si Chantal, bagong hilamos.
"H-hey."
Nagulat ito nang mabilis niyang tawirin ang kanilang pagitan at mahigpit itong yakapin.
"Jellyboo."
"Akala ko kung ano na ang nangyari sa'yo. Tinakot mo ako."
"I-I just brush my teeth and wash my face. Ang tagal mo kase."
Hinigpitan niya pang lalo ang pagkakayakap dito. 'Yong tibok ng puso niya ay halos magpagiba na sa kanyang rib cage.
"J-Jellyboo, I can't... b-breathe."
Mabilis namang niluwagan ni Jethro ang pagkakayakap sa nobya.
"Sorry, sorry." Tinunghayan niya ito at hinagod ang pisngi.
Ngumiti ito. Ang puso niya ay napuno ng mainit na emosyon. At tama si Boogie, parang estrelyang nagliliwanag ang paligid dahil doon.
"Mahal kita, magtiwala ka. I am not going to break your heart, and I am not going to leave you either."
"Chan-chan."
"Mahal kita."
Parang nagbara ang kanyang lalamunan at naumid ang kanyang dila. Banayad na lamang niya itong kinabig at hinagkan sa noo.
"Mahal na mahal din kita, Chan-chan. Ikaw lang ang nag-iisang kumander ng buhay ko."
-
kayo na ang in love. hmp!
frozen_delights
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro