Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Luha

picture credit to Jhonefe Gonzales Bacotot 👋😊

pasensya na po kung medyo slow ang update. may problema ang net at kuryente.


Chapter Fifty-One 

DALAWANG linggo ang mabilis na lumipas. Pilit na pinaglabanan ni Chantal ang kalungkutan at pangungulila sa asawa sa pagbubuhos ng atensyon sa pagguhit. She decided to take a hiatus from work. Pero dahil wala naman siyang ibang mapagbubuhusan ng panahon para malibang, ibinuhos niya ang oras sa pagguhit ng mga bagong disenyo ng damit-pangkasal. She's planning to make an huge comeback. Most probably after the birth of her first born.

Nahipo niya ang kanyang sinapupunan. Wala pang mababakas na palatandaan doon na nagdadalantao siya ngunit dama niya sa kanyang katawan ang mga pagbabago sa bawat araw na nagdaraan. At madalas hindi niya mapigilang umiyak na sana ay naroroon ang kanyang asawa para karamay niya ito sa bawat pagbabagong nagaganap sa kanyang katawan.

Mabilis niyang pinalis ang mga luhang mabilis na namalisbis sa magkabila niyang pisngi. She missed her husband. Sa unang linggo ay araw-araw itong tumatawag sa kanya. Tinatanong pa nito kung ano ang mga gusto niyang pagkain. At kapag sinabi niya, hindi lilipas ang isang araw at may darating na special delivery sa kanya. It touched her heart and it made her missed her husband more. Nang sumunod na linggo ay sinabi nitong baka bihira na itong makatawag sa kanya dahil magiging busy raw ito sa trabaho.

Parang may pumitpit sa puso niya. Alam niya, sa kaibuturan ng damdamin ay dama niyang may inililihim ang kanyang asawa. Pero gusto niya pa ring magtiwala rito. Na sa pagbabalik nito ay lilinawin nito sa kanya ang lahat. Three months, no more, no less. Hanggang doon lamang ang panahong ibibigay niya rito para tapusin ang kung anumang mga transaksyong ginagawa nito. Mahal na mahal niya si Jethro. Ngunit kung dahil sa kanya ay mapapasama ang buhay nito, mas pipiliin na niyang magkalayo sila. Bago pa man sila nagpakasal ay ipinangako na niya iyon sa sarili. At gaano man kahirap, tutuparin niya iyon. 

Muli niyang pinalis ang pamamalisbis ng luha sa magkabilang pisngi. Nang tumunog ang cellphone sa ibabaw ng kanyang mesa ay dali-dali niyang dinampot iyon.

Unregistered number.

"Hello?"

"Kumander."

Natutop niya ang bibig nang marinig ang tila puno ng pangungulilang boses ng asawa sa kabilang linya. "Jellyboo."

"Gusto mo raw ng Kobe Beef Steak."

"Who told you that?" pigil ang paghikbing tanong niya.

"Sabi ng ipinadala kong guardian angel."

Umingos siya kahit naiiyak. "Then he probably misheard me. That's not what I want."

"G-gano'n ba? Ahm, ano ba ang gusto ng kumander ko?"

"You," her voice cracked. Kahit anong pigil niya na iparating dito ang lungkot ay hindi niya rin naawat sa pagkabasag ang tinig.

Narinig niya ang tila may garalgal na pagpapawala ng hininga ng kanyang asawa sa dulong linya.

"Eleven weeks. Pagkatapos ng araw na iyon ay iyong-iyo na ako."

Nasa dulo na ng dila niya ang sabihing umuwi na lamang ito at kung pera rin lang naman ang problema ay marami siya niyon. Puwede silang mabuhay nang marangya kahit hanggang sa magiging mga apo nila nang hindi na nito kailangan pang patayin ang sarili sa pagme-mekaniko. Pero nanatili na lamang sa isip niya ang bagay na iyon. Isa pa ay ayaw niyang pagmulan iyon ng pagtatalo nila lalo at malayo sila sa isa't isa.

"Come home soon, o-okay?" naiiyak na sabi niya.

"Okay."

"I love you."

She heard him say something inaudible on the other line.

"Jellyboo?"

"I love you, too, kumander," tugon nito sa tila nagbabarang lalamunan. "Tatawag na lang ulit ako, ha? Ingatan mo ang sarili mo at ang baby natin. Huwag kang magpapabaya sa pagkain."

"I won't."

Sa halip na gumaan ang pakiramdam niya nang magpaalam ito ay parang lalo pang bumigat. Talo pa yata niya ang may asawang sundalo na naka-deploy sa kung saang giyera. At sa bawat araw na wala ito ay tumatahip sa takot ang dibdib niya.

Scratch that. My husband is a secret agent, mapaklang saloob-loob niya nang ilapag ang cellphone. Napakarami nitong ikinukubling sikreto.

Few hours later, a special delivery came. Kobe Beef Steak, courtesy of her husband.

Hindi niya nakita kung sino ang nag-deliver dahil si Andeng ang tumanggap ng item. Ito ang kasa-kasama niya sa bahay at si Boogie. Si Marcy at ang nobyong si Dison ay nagpa-plano na ring magpakasal. Nagsasama na ang mga ito sa kubo na dati nilang tinutuluyan. At masaya siya para sa kanyang PA. Masaya siya na tulad nito ay nakatagpo rin nito ang kanyang ka-poreber.

Habang kumakain ay kausap niya ang kanyang abogado. Isang balita ang sinabi nito na nagpagulat sa kanya.

"Gareth and Ally are missing."

"Since when?"

"More than a week now." 

Nagtaka diumano ang mga co-workers ng mga ito sa hindi pagsipot ng dalawa sa mga natanguang commitments. Isang bagay na kataka-taka lalo na kay Gareth. Ito kasi ang tipong punctual sa lahat ng mga commitments nito. Puwede itong mapaaga ng dating sa set pero never na mahuli. Maging si Ally ay bigla na lang nawala sa radar ng mga taong sumusubaybay rito. 

"I hate to say this, but there's a possibility that they head south of the border to avoid prosecution," ani pa ng abogado.

"In Mexico?"

"Yes."

Unti-unti na raw kasing lumilitaw ang mga ebidensya na magkasabwat nga ang dalawa sa pagkamatay ng kanyang ama. Natagpuan din sa personal computer ni Gareth sa apartment nito ang ilang malicious thread of conversation. Nakasaad sa history log nito ang paghahanap ng guns for hire at kung paano lulusutan ang mga kasong may kinalaman sa murder.

"Good thing you're on hiatus. I am advising you not to trust anyone, especially strangers since they could pose a threat to your life."

Napahinga siya nang malalim. Dagdag pa ng abogado, ipinalagay na raw nito sa wanted list ang pareha upang mapabilis ang paghahanap sa mga ito. 

"Be careful and stay low, okay? Don't trust anyone," pag-uulit pa ng abogado bago nagpaalam.

On instinct, napahawak siya sa kanyang sinapupunan. She won't let anything happen to her baby.


HIRAP na tumayo si Jethro mula sa kinauupuan. Ramdam pa niya ang pananakit ng buong katawan dahil sa laban ng nagdaang gabi. Ngunit sinikap niyang kumilos nang normal. Pagkatapos ng maikling phone call sa kanyang asawa ay in-eskortehan siya ng nakatalagang guwardya palabas ng prison yard. Sumalubong sa kanya ang maaliwalas na langit.

May ilang sandali niyang pinanatili ang mga mata roon. Gusto niyang dayain ang sarili na nasa labas lamang siya at wala ang mataas na barbed wire fence na nakapalibot sa lugar na kinaroroonan niya ng mga sandaling iyon.

"Hindi lahat ng maaliwalas na langit ay nagbabadya ng magandang panahon," narinig niyang sabi ng isang boses may ilang dipa ang layo mula sa kinatatayuan niya.

Paglingon niya'y nakita niya si Mang Tasyo. Prenteng nakaupo sa bakanteng upuang kahoy roon at nakatingin sa kawalan. Nang magsalita ito ay tila wala naman itong partikular na kausap kundi ang sarili lamang. Weird talaga ito. Napapaisip tuloy siya kung totoo ang minsang sinabi sa kanya ni Vengeance.

"That old man used to wield an indomitable power that may even surpassed the power of a king."

Naupo siya sa bangkong inuupuan nito. Pahaba iyon at kalkulasyon niya ay may dalawang dipa ang layo nila sa isa't isa.

"Ang apoy ay isang mapanganib na elemento. Ngunit napakaraming gamu-gamo ang hindi mapigilang lumapit sa apoy," matalinghagang wika ni Mang Tasyo na may kasama pang pag-iling.

Nilingon niya ito. 

"Ano ang ibig niyong sabihin?"

Isang ngiti ang gumuhit sa mga labi ng matanda habang bahagyang nakatingala sa langit.

"Ano sa palagay mo ang higit na malubha kaysa kamatayan?"

Naguguluhang tinitigan niya ang matanda. Kung puwede niya lang itong alugin at itaktak para direktang tanungin kung saan nito itinatago ang micro SD card na ipinapakuha sa kanya ni Vengeance ay ginawa na niya. Ngunit ayon na rin sa lalaki, sa sandaling matuklasan ni Mang Tasyo ang pakay niya sa bilangguan ay lalo siyang mahihirapang makuha iyon. Kailangan niyang mahuli ang loob nito at makumbinsing ibigay sa kanya ang kanyang pakay. Ang malaking katanungan lamang ay kung paano niya iyong gagawin? Sa mga ina-akto nito ay daig pa yata nito ang nag-u-ulyanin. Nagsasalita ng kung anu-ano at kinakausap pa ang sarili.

Napabuga siya ng marahas na paghinga. Dalawang linggo pa lang silang nagkakahiwalay na mag-asawa pakiramdam niya dalawang taon na ang lumipas. Nasasaktan at nagi-guilty siya na iniwan niya si Chantal sa panahong kailangang-kailangan siya nito. Kaya nga kahit sa mumunting bagay lang ay gusto niyang iparamdam dito na kahit hindi sila magkasama ay parati niya itong inaalala, na hindi ito nawawaglit kahit na isang segundo sa isip niya. Gusto niya sanang siya ang personal na gumawa ng mga bagay na iyon para rito. Ngunit higit sa anupaman, ang kaligtasan nito ang priority niya.

Muli na naman sana siyang mapapabuntong-hininga nang makita niya paparating na si Negro kasama ang dalawang tuta nito. May naaamoy siyang gulo. Noong unang pasok niya kasi roon ay ito ang nakalaban niya sa underground fight na ginagawa roon ng mga mayayamang negosyante. Natalo niya ito. At mukhang hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin nito matanggap ang pagkatalo. Balita pa niya ay malaki ang ipinusta rito ng handler nito, kaso natalo. At kasabay ng pagkatalo nito ay nawala rito ang mga pribelihiyong ipinagkakaloob sa mga fighter ng underground ring.

Hindi sila nito nagkakalayo ng height. Ngunit kung katawan ang pag-uusapan, higit na malaki at bato-bato ito. Burdado rin ng tattoo ang buo nitong katawan. Pero dahil nangingintab sa itim ang balat nito kahit hindi naman negro, sa malapitan lamang makikita ang mga tattoo'ng nakadisenyo roon.

Eksaktong dadaan ito nang umunat ang mga binti ni Mang Tasyo mula sa pagkakaupo. At dahil hindi inaasahan, natisod doon si Negro kasunod ang dalawang tuta nito. Parang natibag na mga domino ang tatlong ungas pabagsak sa paanan ng matanda. Mabuti na lamang at maagap na nai-atras pabalik ng matanda ang mga binti nito, hindi iyon nadaganan ng tatlo.

"Putang ina!" galit na galit na tungayaw si Negro. Mabilis na bumangon ito at pinagsasapak ang dalawang alipores. "Mga gago!"

Nang makabawi ay galit na galit nitong binalingan si Mang Tasyo.

"Putang ina kang matanda ka! Hindi mo ba kilala kung sino ako?!" galit na pinitserahan nito si Mang Tasyo.

Kaagad na tumayo si Jethro para sana mamagitan. Ngunit bago pa siya makalapit ay umigkas na ang kamao nito at lumapat sa panga ng kaawa-awang matanda. Parang papel na tumilapon iyon sa lupa. Susundan pa sana ito ng upak ni Negro ngunit nakalapit na siya at kaagad na dinaluhan si Mang Tasyo.

"Ayos lang ho ba kayo?" Nakita niyang dumugo ang bibig ng matanda.

"Huwag kang makialam!" maangas na sabi ni Negro. "Tuturuan ko ng leksyon ang putang inang matandang 'yan!"

Hinawi siya ng kamay ni Negro para sana muling damputin ang tumilapong matanda. Ngunit parang nagpanting ang tenga niya at mahigpit na hinawakan ang pulsuhan nito.

"Tama na. Hindi niya sinasadya ang nangyari," aniya.

Ngumisi ito. "Huwag mo akong angasan, bata. Minsan mo lang akong napatumba sa ring pero hindi ibig sabihin no'n ay mas magaling ka sa akin. Kayang-kaya kitang durugin."

"Tumabi ka na. Huwag mong hintaying masaktan ka pa," sabi ng isa sa mga alipores ni Negro.

Nagsisimula na silang makatawag ng pansin ng ibang preso. Sa sandaling mapalibutan sila ng iba pang preso roon ay natitiyak niyang matatawag ang pansin ng mga guwardiya. At hangga't maaari, ayaw niyang mapunta sa isolation room. O 'yong tinatawag nilang bartolina.

"Hindi ba kayo nahihiya?" pang-iinsulto niya sa mga ito. "Isang walang kalaban-labang matanda ang gusto niyang pagdiskitahan?"

"Puwede namang ikaw na lang kung gusto mo," nakakalokong sagot ni Negro. "Natsambahan mo lang ako sa ring. Pero sa susunod na magkaharap tayo, titiyakin kong iyon na ang huling laban mo."

Eeksena pa sana ang mga alipores nito ngunit narinig nila ang isang matinis na silbato. Kaswal na dumistansya ang tatlo. Siya naman ay tinulungan niyang makatayo si Mang Tasyo.

"Ano ang nangyayari rito?" tanong ng jail guard.

"Bumagsak lang, tsip," 'ika ng tuta ni Negro.

"Tutulungan lang sana naming makatayo," susog namang tugon ni Negro sa sinabi ng kasama.

Nagpalipat-lipat naman ang tingin ng jail guard sa kanila ni Mang Tasyo at sa grupo ni Negro. Akmang magbubuka siya ng bibig nang maramdaman niya ang paghawak ni Mang Tasyo sa kamay niyang nakasuporta sa tagiliran nito. Tila pinipigilan siyang magsalita.

"Totoo ba?" humihingi ng kumpirmasyong tanong ng jail guard.

Labag man sa loob ay tumango na lang si Jethro.

"Mukhang napasama ang bagsak niyang si Tatang. Ang mabuti pa siguro ay samahan mo na sa infirmary," suhestyon ng guwardiya.

"Kaya niyo ho bang maglakad?" ani Jethro sa matanda.

"Oo, kaya ko."

Inalalayan niya ito. Hindi nakaligtas sa kanya ang matalim at may pagbabantang tingin ni Negro bago sila tumalikod.

"Hindi ka na sana nakialam," sabi ni Mang Tasyo.

"Tsk. At ano sa palagay niyo ang nangyari sa inyo kung hindi ako pumagitan? Baka suwerte ng matirhan pa kayo ng ribs?"

"At ano naman ang mapapala mo sa pagsagip sa akin?" makahulugang tanong nito.

Natigilan siya.

"Kapanatagan ng kunsensya ko," tugon niya.

Narinig niya ang mahinang tunog mula sa bibig nito. Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang alanganing ngiti-ngiwi sa mga labi ni Mang Tasyo.

"Kunsensya. Iyan ang katangiang naghihiwalay sa tao sa hayop," ang tila may pait sa tinig na tugon nito.

Wala siyang maapuhap itugon doon.

-

frozen_delights

                    




Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro