Kras
Chapter Five
"KAKAIN na!" malakas na anunsyo ni Boogie na maririnig hindi lang sa loob ng bahay kundi sa buong compound.
Napailing na lang si Jethro. Bumangon na siya sa kama at sinuklay ng daliri ang mamasa-masa pang buhok. Pahapyaw na sinipat ang mukha sa salamin na nakakabit sa likod ng kanyang pinto bago inabot ang seradura. Pagbukas niya ng pinto ay eksakto ring bumukas ang katapat niyang silid. Nagkatinginan sila ng babaing lumabas mula roon. Tila naaasiwa itong nagbawi ng tingin saka nauna na sa kanyang maglakad patungo sa komedor.
Nalanghap niya ang gamit nitong pabango. O sabon? Hindi siya sigurado. Ngunit awtomatikong sininghot iyon ng kanyang ilong. Napakabango, bangong walang katulad.
"Ano 'yong sinisinghot mo, pinsan? Mukhang gustong-gusto mo ang amoy, ah?" bakas ang pang-aasar na tanong ng kanyang pinsang si Andeng.
"'Yong ulam, mabango. Ano ba ang niluto mo? Amoy-masarap. Kanina pa ako nagugutom," pagpapalusot na tugon niya.
Ipinaghila niya ng upuan si Chantal. Parang nag-alanganin pa itong maupo kung hindi niya pa bahagyang ikiniling ang ulo bilang pahiwatig dito na para talaga rito ang upuang hinila niya.
"T-thank you."
Nang makaupo ito ay saka siya humila ng upuan para sa kanya. Pabilog ang mesa nila na pang-apatan lang. Pero dahil kasalo nila si Boogie at may nadagdag na dalawa sa kanilang hapag, biglang naging masikip ang kanilang mga puwesto. Nasa kaliwa niya si Chantal at katabi nito ang kasamang babae habang siya naman ay katabi ang pinsan sa kanan niya kasunod si Boogie.
"Kanin?" Inabot niya ang bandehado ng kanin at unang inalok ang katabi sa kaliwa.
"I--um, h-hinde akow kumakayen ng--"
"Heto ang kanya," maagap na sabi ng babaing katabi nito. May inilapit itong maliit na lagayan sa babae at isinalin iyon sa plato ni Chantal.
Napakunot ang kanyang noo na medyo nagtaka. Para iyong dinurog na kung ano. Ganoon pa man ay minabuti na lang niyang huwag magtanong. Kung hindi kumakain ng kanin ang mga ito, wala siyang pakialam doon. Naglagay na lamang siya sa sarili niyang plato atsaka umabot ng ulam na tinola. Inilapit ni Andeng ang sawsawang kalamansi at patis na may sili. Awtomatik na napatakip ng ilong atsaka parang biglang naduwal si Chantal.
"Ano ang problema?" baling niya rito.
"W-what's that smell?" lukot ang mukhang tanong nito, tila pinipigilan lamang ang sarili na hindi masuka.
"Patis. Huwag mong sabihin sa aking ngayon ka pa lang nakakita nito?"
"Y-yes."
"Seryoso ka? Saang planeta ka ba galing?"
"A, ano kasi. Nagtrabaho kami dati sa hotel sa UK, receptionist siya ro'n at ako naman chambermaid," 'ika ng babaing katabi nito. "Matagal-tagal siyang nagtrabaho at nanirahan doon kaya mas nasanay siya sa mga pagkain ng Puti."
Nang lingunin niya si Chantal ay alanganin ang ngiti nitong tumango.
"Hanggang kelan naman kayo rito?" prangka niyang tanong.
Nagkatinginan ang dalawa.
"Siguro, mga isang buwan," sagot ng babae.
Tumango si Chantal bilang pagsang-ayon.
"Mabuti," aniya.
Nagsimula na silang kumain. Paminsan-minsan ay nagkikiskisan ang mga braso nila ni Chantal dahil nga masikip ang kanilang kinauupuan.
"Ayos ka lang? Gusto mong sa kuwarto na lang kumain?"
Nang lingunin niya ang dalawang magkatabing babae ay nakita niyang parang nagkukulay green na si Chantal. Nasusuka yata ito ngunit pinipigilan lang.
"C-can I be excuse? Mamaya na leng ako kakayen."
Bago pa sila nakasagot ay tumayo na nga ito at nagmamadaling umalis sa harapan ng hapag. Mayamaya pa ay may narinig silang dumuduwal.
"Excuse lang, ha?" pasintabi ng babae.
"Sige lang, Marcy. Kung kelangan niyo ng gamot, meron ako," ani Andeng.
Tiningnan ng masama ni Jethro ang pinsan.
"O, bakit? Libre 'yon. Hindi ko sinabing ibebenta ko. Ang judger mo talaga."
Hindi na lang siya nagsalita at nagpatuloy na sa pagkain.
"Iinom ba tayo, Jet?" ani Boogie.
"Oo, bah. Hayan sa gripo, o. Dumating na yata ang tubig. Mag-ipon ka ng isang drum at mag-inuman tayo, kahit magdamag."
"Grabe naman 'to. Ikaw ba ang nawawalang anak ni Tita Cory? Ang laki-laki ng kinita natin magkukuripot ka na naman."
"Hindi ako nagkukuripot. May pinaglalaanan lang."
Parang batang napasimangot si Boogie.
Mayamaya pa ay bumalik na sa hapag si Marcy at ipinagpatuloy ang naudlot na pagkain.
"Ayos lang ba 'yong kasama mo?" aniya rito pagkatapos uminom.
"Uuy, concern," tudyo ni Boogie.
Pinukol niya ito ng masamang tingin. Mabilis iyong yumuko na halos sumubsob na sa kinakainang plato.
"Ayos lang. Medyo sensitive lang kasi ang pang-amoy no'n," sagot ni Marcy.
Napatingin siya sa sawsawang patis.
"Dahil dito?"
Tumango-tango ito na nakangiwi.
Napapalatak siya saka umiling-iling. Napaka-arte naman pala ng babaing 'yon. Mukhang ang taste nito sa pagkain ay kasing-sosyal ng pangalan nito. Hindi na nakapagtataka kung bakit ang payat-payat ng katawan.
Tahimik na lang silang nagpatuloy sa pagkain. Nang matapos ay sandali siyang nanigarilyo sa beranda. Magkatulong na nagligpit ng pinagkainan ang dalawang babae at ganoon din si Boogie. Mayamaya ay lumabas din ito ng beranda habang may iniinom na kape.
"Gusto mo?" alok ng kababata sa kanya.
Masarap ang amoy ng kape. Parang kakaiba sa nakasanayan nilang inumin.
"Mukhang masarap nga ang amoy."
"Siyempre, imported. Teka, ikukuha kita."
Imported?
Hindi naman nagtagal at muling lumabas ng beranda si Boogie dala ang isang puswelo na may umuusok na kape.
"Heto na ang kape mo, boss amo."
Ipinatong ni Boogie ang tasa sa tabi niya, sa pasimano ng beranda. Pinalamig-lamig niya muna iyon bago inumpisahang inumin. At masarap nga. Natural na natural ang lasa ng kape. Ang alam niya lang na kape ay instant at three-in-one na nabibili sa tindahan.
"Saan galing 'to?"
"Binili ng hawsmeyts mo. Pati 'yong parang garapon na isinasaksak sa kuryente at pinagpapakuluan niyang kape."
"Percolator?"
"Oo, ewan. Pero 'yon nga yata 'yon."
Hindi na siya kumibo at ipinagpatuloy na lang ang pag-inom ng kape. Diskarte ng pinsan niya ang pagpapatira roon ng ibang tao. Kung tumaas man ang mga monthly bills nila at mga gastos sa bahay ay huwag itong magrereklamo sa kanya at talagang babatukan niya ito.
"Uwi na ako, Jet. Gusto ko pa sanang masilayan ang kagandahan ni Chantal. Kaso masama yata talaga ang pakiramdam. Nakatulog na."
Nagsalubong ang mga kilay niya sa lahat ng sinabi ni Boogie. Pero sa halip na sitahin na naman ito ay iba na lang ang sinabi niya sa halip.
"Agapan mo ang punta sa talyer bukas," aniya bago ito tumalikod.
"Linggo bukas, may tupada kami."
"Uunahin mo na naman ang sabong bago ang trabaho?"
Napakamot ito sa ulo.
"Oo na, aagapan ko na. Kung gusto mo dito na ako mag-aalmusal, eh. Tama, dito na ako kakain para masilayan ko si kras," napahagikhik pa ang tukmol na parang kinikilig.
"Sa talyer ka na dumiretso," matigas niyang wika rito.
"Ayoko. Hindi mo na nga ako pinayagang magsabong pati ba naman ang munting kaligayahan ko ipagbabawal mo pa rin?"
"Tsk."
"Babu."
"Ila-lock ko ang gate."
"Mababa lang ang bakod niyo, kayang-kaya kong akyatin," nakangising sagot nito.
Hindi na lang siya sumagot at hinayaan na lang ito sa trip nito.
Crush? Napangiti siya nang wala sa loob. Wala naman sigurong masama sa pag-i-ilusyon nito.
Nang maubos ang iniinom na kape ay pumasok na siya sa bahay dala ang pinag-inuman nilang tasa ni Boogie.
Nadaanan niya sa sala sina Marcy at Andeng na nanonood ng isang sitcom. Pagbungad niya sa kusina ay nadatnan niya roon si Chantal. Kumakain ito ng tinapay at isang hita ng pritong manok.
"'Yan na ba ang hapunan mo?" Kaswal niyang tanong dito.
"Heypunan?"
"Ha-pu-nan. Sa English, dinner."
"Oh," napatango ito. "Oo. This is my he-poo-nan."
Napa-tsk na lang siya at dumiretso sa lababo. Inilagay niya roon ang dalawang tasa na ininuman nila ng kape ni Boogie. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa isip niya at nanatili pa siya roon. Parang ayaw kumilos ng mga paa niya paalis sa harapan ng lababo. Kaya ang ginawa niya ay hinugasan na niya ang dalawang tasa atsaka itinaob sa lagayan.
Pagharap niya ay sandali siyang napamata sa babaing tahimik na kumakain.
Maingat nitong hinihimay ang hita ng manok gamit ang tinidor.
"Alam mo, mas mapapadali ang pagkain mo kung kakamayin mo na lang 'yan."
"Um."
"Huwag mong sabihin sa aking hindi ka rin marunong magkamay?"
"O-of course not."
Nang maunawaan niya kung bakit hindi ito nagkakamay sa pagkain ay kaagad niyang sinabi: "Maghugas ka na lang ng sabon na may kalamansi. Mawawala na 'yong amoy ng anumang kinain mo sa iyong kamay."
"S-salamat."
Napangiti siya. Iyon yata ang kauna-unahang salita nito na hindi slang. Nang mapatingin siya rito ay mukhang ito naman ang natitigilan sa pagkakatitig sa kanya.
"May dumi ba ako sa mukha?"
Mabilis itong umiling.
"Tsk."
"I'm sorry about what happened earlier," sabi nito na bahagyang napayuko.
"Alin do'n?"
"Huh?" Nag-angat ito ng tingin.
Napangiti na naman siya nang makitang namumula ang mukha nito.
"Sabi ko, alin doon sa dalawa mong atraso sa akin ang inihihingi mo ng sorry?"
"Artaso?"
"Kasalanan. Dalawa ang kasalanan mo sa akin. Una, ayaw mo akong papasukin kanina sa sarili kong teritoryo. At pangalawa, sinilipan mo."
"I did not!" awtomatikong nag-alsa-boses ito kasabay ang panlalaki ng mga mata. "It was your fault. You forgot to lock your door."
"Na sinamantala mo naman. Pinagpiyestahan mo ang aking dangal."
"W-w-what?"
"Pinagsamantalahan mo ang kainosentehan ko."
"Peynagsementalahan? You mean, rape?"
"Oo. Ni-rape mo ng iyong mga mata ang katawan ko."
"H-h-how dare you! I did not!"
"Oo. At 'yon ang pinakamalaki mong kasalanan sa akin."
Namula nang husto ang buong mukha nito at mahigpit na hinawakan ang gamit na tinidor. Muntik na niyang matutop ang tiyan sa pagpipigil na mapahalakhak. Ang pula-pula ng mukha nito at kita niya na pikon na pikon na ito sa kanya. Isang maling salita pa niya at halos natitiyak niyang hahagis sa kanya ang mga kubyertos na hawak nito.
"Joke lang. Kumain ka na."
Inirapan siya nito nang pagkatalim-talim.
Nangingiting lumabas na siya ng komedor. Nakasalubong niya ang nagtatakang tingin nina Andeng at Marcy.
"Ano ang ginawa mo?" tanong ng pinsan.
"Wala."
"Sigurado kang wala?"
"Wala nga. Sige, matutulog na ako."
Hanggang sa makapasok siya sa kanyang silid ay hindi na napagkit ang ngiti sa kanyang mga labi.
-
style mo, Jethro. una dadaanin sa pang-aasar, tapos, tapos...
frozen_design
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro