Jelly-Ace
Chapter Eight
NAG-ENJOY silang lahat sa pagbi-videoke. Hindi na nagtaka si Chantal nang hindi na siya pilitin ng mga kasama na kumanta. At siyempre pa, alam naman niya ang sariling limitasyon pagdating sa ganoong bagay. Nahiya lang talaga siya dahil pinilit siya ng mga ito. Ngayong nasubukan na nila na wala talaga siyang ibubuga sa pagkanta, naging dakilang tagapalakpak at tagapakinig na lamang siya.
"And that's all, folks. See you again on our next concert. Good night!" ani Andeng sa mikropono matapos ang huling kantang kinanta nito.
Na kaagad umani ng pagpo-protesta mula kay Boogie.
"Andeng, naman. Ang aga-aga pa, mamaya na."
"Magluluto na kami ng hapunan," anang dalaga na kaagad iniwas kay Boogie ang mikropono nang tangkang agawin iyon.
"Jet," tila humihingi ng saklolong tumingin si Boogie sa kababata.
"Sa susunod na lang ulit. Bagong panganak 'yong aso nina Aling Lourdes, makakabulahaw tayo."
"Nanganak pa si Aling Lourdes?"
"'Yong aso, bingi," supla rito ni Andeng.
"Aah, akala ko si Aling Lourdes. Mas matanda pa 'yon sa Lola ko, eh."
"Sige na, umuwi ka na. Tsupi," pagtataboy rito ni Andeng.
"Uy, maalala ko. Jet, di ba ngayon 'yong birthday ni Mang Panoy?"
"Ngayon ba 'yon?" tila tinatamad itong umunat sa pagkakaupo.
"Oo, imbayted tayo. Tsibugan na 'to," excited na pinagkiskis ni Boogie ang dalawang kamay. "Tara lets. Malamang may videoke rin doon. Madalas 'yong ipaghanda ni Maita nang magarbo, eh. Tara na."
Tila saglit itong nag-isip.
"Huwag ka ng mag-isip. Kabilin-bilinan ni Maita, isama raw kita."
"Naku, pinsan. Mag-iingat ka ro'n. Baka mapikot ka nang wala sa oras at hindi ka na makauwi," mabilis na babala ni Andeng.
"Hindi mangyayari 'yon. Matinik 'yan si Jet. Halika na," tumayo na si Boogie at hinilang patayo ang kaibigan.
Nakikinig lamang at nagmamasid si Chantal sa mga nangyayari. At naging alerto ang tenga niya sa nabanggit na pangalan ng isang babae. At bakit nasabi ni Andeng na baka hindi na makauwi ang pinsan nito? Ano ba ang kahulugan ng mapikot?
Halatang napipilitan na tumayo si Jethro sa kahihila ni Boogie.
"Ahm, aalis muna kami."
Wala sa loob siyang tumango nang tumingin ito sa kanya. Na para bang obligasyon talaga nito ang magpaalam.
"Saglit lang kami," wika pa nito bago tuluyang nagpahila kay Boogie palabas ng bahay.
Napaglapat niyang paloob ang mga labi upang pigilan sa paglapad ang isang kinikilig na ngiti. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niya ang matiim na pagkakatitig nina Marcy at Andeng sa kanya.
"What?" nagtatakang tanong niya sa mga ito.
"Wala lang," ang panabay na tugon ng dalawa.
Nang makapagligpit na sila ay nagtungo ng komedor ang mga ito at magkatulong na nagsimulang maghanda ng kanilang hapunan. Sa kawalang-magawa ay sumunod na rin siya sa mga ito at nakitulong sa paghihimay ng mga lulutuin. Pritong isda at ginisang ampalaya diumano ang kanilang menu. Medyo nasasanay na rin siyang kumain ng kanin at ulam. Ngunit nang oras na ng hapunan at patikimin siya nina Andeng at Marcy ng ampalaya ay masuka-suka niyang iniluwa iyon sa lababo.
"I can't take it," nakangiwing wika niya sa mga ito.
Parang mga magulang na dismayadong umiling-iling ang dalawa. Napanguso na lang siya saka bumalik sa kanyang upuan at tinapos ang pagkain.
Matapos nilang maghapunan ay magkakasama silang namalagi saglit sa terasa habang nagpapababa ng kinain. Noon niya lamang nakita ang paglabas ng ilan sa mga tenant doon. Ilang hakbang lang naman kasi ang layo ng mga paupahan. Paglabas ng bahay nina Andeng ay ang magkakadikit ng unit ng bahay ang mabubungaran.
"Bornok," lumabas ng terasa si Andeng at nilaro-laro ang sanggol na anak ng tenant nito.
Napangiti si Chantal. Natutuwang makita na ang masungit at mataray na babae ay nagta-transform ang mukha at nagiging maamo sa harapan ng isang sanggol.
"Ano ba naman ang pisngi na 'yan, ha? Wala yatang paglagyan."
"Ate Andeng, baka mausog mo na naman," wika ng ina ng bata.
"Hindi, ah. Nagkataon lang 'yon. Wala naman akong balis."
"Aswang ka siguro kaya nausog mo," ani Marcy na nakikinig din pala sa usapan.
"Loka. Ikaw nga riyan, eh. Kamag-anak ng tikbalang. Bornok, huwag mong titingnan ang babaing 'yan, ha? At naku, baka hindi lang usog ang dumale sa'yo."
"Ang ganda ng bisita niyo, Ate Andeng. Mukhang artista," wika ng nanay ng bata.
Maarteng inipit ni Marcy ang ilang hibla ng buhok sa tenga. "Naku, ikaw naman, Ate. Masyado kang nagsasabi ng totoo."
"Hala siya. GGSS lang," ani Andeng.
"Gandang-gandang sobra-sobra?"
"Hindi. Gandang-ganda sa sarili."
"Tse. Inggit ka lang dahil walang pumupuri sa'yong maganda ka."
"PSKM, hindi ikaw ang tinutukoy niya. Kaya nga ang sabi nitong si Daday ay maganda ang bisita ko, singular. Kasi isa lang ang nakikita niyang maganda kong bisita. At hindi ikaw 'yon."
"What-ever, salamander."
Ngumiti na lang si Chantal sa palitan ng salita ng dalawang babae. Tingin naman niya ay biruan lang iyon at parehong hindi seryoso ang mga ito.
Napatingin siya sa kanyang relo. Magdadalawang oras na mula nang umalis sina Jethro. Sabi nito ay saglit lang ito pero bakit para yatang natatagalan? Pero naisip niya na marahil ay malayo roon ang pinuntahan ng mga ito. Pero kasi sa himig ng pananalita ni Boogie kanina ay nasa kabilang kalye lamang ang pupuntahan ng mga ito. Ni hindi nga nagbihis ng damit si Jethro.
Ikinaway-kaway ni Marcy ang dalawang kamay sa harapan ng mukha niya.
"Hello, anybody home?"
"What?"
"Parang ang lalim ng iniisip mo. Inaantok ka na ba? Pasok ka na sa loob, baka papakin ka ng lamok dito."
"No, I'm not sleepy yet. Ditow lang ako."
"Okay, ikaw ang bahala."
Muling tumutok ang pansin nila kina Andeng at sa sanggol na nilalaro-laro nito. Panay ang bungisngis ng bata. Napakalusog at kaybibilog ng mga hita at braso. Para itong si Baymax. Mabuti na lamang at proportion ang pangangatawan ng bata sa ulo at katawan nito.
"Ate Marcy," tawag-pansin niya sa PA.
"Hm?"
"What's uh, ma-peykowt?"
Sandaling kumunot ang noo ng babae pagkatapos ay unti-unting nabanat ang mga labi sa isang ngiti. Bumakas sa mukha ang panunukso.
"A-ha, 'yan ba ang kanina mo pa iniisip? Kaya ba panay ang check mo ng oras?"
"Just answer me, please?"
"Mapikot means, to be forced or coerced to marry someone. Alam mo naman, di ba? Na ang isa sa mga kaugaliang Pinoy ay ang pagiging konserbatibo. Ngayon, kung ang isang lalaki at babae ay mahuhuli sa isang 'very compromising situation'," kumuwit ito ng panipi sa hangin. "Then most likely ay pipilitin nila si lalaki na panagutan ang kanilang anak."
"A shotgun wedding?"
"Yes, ganern."
Nakaramdam siya ng pag-aalala kay Jethro. Sana naman ay hindi iyon mangyari sa binata, sana ay makauwi ito nang maayos.
"Huwag kang mag-alala at matinik naman daw si Jet. Malabo sigurong mapikot 'yon."
Iningusan niya ang PA. Kahit gaano pa katinik ang isang lalaki kung matinik ding magplano ang babaeng nagtatangkang pikutin ito, hindi ito makakalusot.
Hindi nagtagal at pumasok na rin ng bahay si Andeng. Nagbukas ito ng tv sa sala. Nakipanood na sila ni Marcy. Pinilit niyang itutok ang isip sa pinapanood na teledrama ng mga ito ngunit muli at muli ay parang mina-magnet ang mga mata niya sa kanyang relo.
Why isn't he home yet? saloob-loob niya.
Inabot na sila ng hatinggabi sa panonood ng telebisyon. Ngunit hanggang sa antukin na pareho ang mga kasama niya sa bahay ay wala pa rin si Jethro.
Humihikab na tumayo na si Marcy.
"Matutulog na ako. Kayo, hindi pa ba kayo inaantok?"
"Inaantok na rin ako," ani Andeng. "Ikaw, Chan-chan. Manonood ka pa ba?"
"Uh, yes. Hindi pa akow ina-antowk."
"'Ge, ikaw ang bahala." naghihikab na tumayo na rin si Andeng at tinungo ang direksyon ng silid nito.
Si Marcy ay dumiretso na sa kanilang kuwarto. Lagusan ang tingin niya sa telebisyon. Habang lumilipas ang mga oras na hindi pa dumarating si Jethro ay napag-isip-isip niya kung tama ba ang kanyang ginagawa. Bakit siya naghihintay roon na tila asawa na inaabangan ang pag-uwi ng kanyang mister mula sa pakikipagkasiyahan sa labas?
I'm watching tv. And I am not yet sleepy, defensive na katwiran ng isang panig ng utak niya.
But who is she fooling?
Nang pumitada na sa two o'clock ang oras ay tumayo na siya nang mabigat ang dibdib. Ini-off niya ang tv at patungo na sana sa silid nila ni Marcy nang may marinig siyang ingay sa labas ng bahay. Tahimik na ang paligid kaya naman dinig na dinig niya ang ingay. Maingat siyang lumakad patungo sa may bintana at bahagyang hinawi ang kurtina upang silipin kung sino ang nasa labas. Si Jethro. Ang inisyal niyang tuwa sa pagdating nito ay kaagad na napalitan ng pagkagulat at inis nang masilip niyang hindi ito nag-iisa. May kasama itong babae. At dahil maliwanag ang ilaw na nasa terasa, kitang-kita niya ang ayos ng dalawa. Halos nakasubsob na si Jethro sa dibdib ng babae na halos lumuwa na ang malusog na boobs sa suot na blusa.
Disgusting, ngitngit na saloob-loob niya.
Sa halip na pagbuksan ang mga ito ng pinto ay tumalikod na siya at pumasok sa kanilang silid. Naghihilik na si Marcy sa ibabaw ng kama. Siya naman ay ngitngit na naupo sa gilid niyon. Sa labas ay dinig niya ang pagkatok ng mga dumating. Ngunit pinili niya ang magbingi-bingihan. Dapat lamang na roon na ito matulog. Ang paalam nito ay sandali lamang ito pero inabot ng alas-dos.
Nakiramdam siya.
"'Andito na ako, yuhoo. Andalusia, buksan mo ang pinto."
Nagtiim lalo ang kanyang mga labi. Sana hindi magising si Andeng para hindi ito makapasok ng bahay.
"Chan-chan, gising ka pa ba? Chan-chaaan."
Natigilan siya. Si Andeng ang nagbigay sa kanya ng palayaw na iyon. Ngunit bakit nang si Jethro ang tumawag sa kanya ay parang nagkaroon ng ibang dating?
Ipinilig niya ang ulo. Naiinis pa rin siya. Bahala itong manigas doon. Hindi niya talaga ito pagbubuksan ng pinto.
"Chan-chaaan, Chan-chan kooo."
Literal yatang tumigil sa pagtibok ang kanyang puso. Ano raw?
Akmang lalabas na siya ng silid nang marinig niya ang boses ni Andeng.
"Hmp, mabuti naman at nakauwi ka pa?"
Maingat niyang binuksan ang pinto at bahagyang sinilip ang eksena sa sala. Tanaw mula sa kinaroroonan niya ang bungad ng pinto kaya nakikita niya ang eksena roon.
"Alam mo ba kung anong oras na, ha?" parang nanay na sita ni Andeng sa pinsan.
"Sh," inihaplos ni Jethro ang isang kamay sa mukha ng pinsan.
"Eek, kadiri ka. Baka kung saan mo na inihawak 'yan."
"Hindi pa ako umiihi, doncha worry," medyo slur na nitong sabi.
"Hindi ko na sana pinapauwi, eh. Kaso nagpumilit," wika ng babaing umaalalay kay Jethro--kung alalay nga ang ginagawa nito. Nakalingkis ang dalawang braso ng babae sa katawan ni Jethro habang nakasampay naman sa balikat nito ang isang braso ng binata.
"Aba'y dapat lang. Kasi malamang sa malamang, kung hindi 'yan umuwi ngayon hindi na siya makakauwi habambuhay."
"Wala namang problema sa amin. Tanggap naman siya ng parents ko," tila nagmamagaling pang wika ng babae.
"Maita, mukha lang maamong kordero ang pinsan ko kapag lasing. Pero kapag wala na ang tama ng alak sa utak niyan, nagta-transform 'yan sa isang mabangis na leon."
"Bagay pala talaga kami. Dahil isa naman akong babaing leon."
Sa pagitan ng pagtatalo ng dalawang babae ay pilit na kumawala si Jethro sa pagkakayapos ng mga braso ng babaing tinukoy ni Andeng na Maita. Tama pala ang hula niya na ang babaing may nag-uumapaw na hinaharap ay ang Maita na nabanggit ni Boogie kanina.
"Nakauwi na ako. Uwi ka na rin," wika ni Jethro sa babae saka pasuray-suray na naglakad patungo sa sofa.
"Ayoko, dito na ako matutulog. Tabi tayo."
"Hindi puwede," mabilis na kontra ni Andeng. Hinarang nito ang akmang pagsunod ng babae kay Jethro. "Umuwi ka na at baka kung ano pa ang isipin nina Mang Panoy."
"Ayoko. Alam naman nilang ihahatid ko si Jet kaya ayos lang na dito na ako matulog."
"Hindi nga puwede."
Sa kabila ng distansya ng sala sa kuwartong kinaroroonan ni Chantal ay kitang-kita niya ang paniningkit ng mga mata ni Andeng. Mukhang nababanas na ito sa babae.
"Uwi ka na," ani Jethro sa babae. Tumayo na ito atsaka tila sandaling tinantiya ang sarili bago naglakad palapit sa kinaroroonan ng silid nito.
"Pero, Jet. Ang dilim sa labas. Paano ako uuwi?"
Ngunit parang walang narinig na nagtuloy-tuloy lang si Jethro sa pa-ekis-ekis na paglalakad. At dahil magkaharap lamang ang kanilang mga kuwarto, dahan-dahang isinara ni Chantal ang kanyang pinto. Tahimik siyang sumandal doon habang dinig niya ang mabibigat na yabag ni Jethro. Narinig pa niya nang tila may masagi itong kung ano sa labas kasunod ang mahinang pagmumura. Mayamaya ay tumigil iyon sa tapat ng kanyang silid.
"Chan-chan."
Napatuwid siya sa pagkakatayo. Nahigit niya sandali ang paghinga nang may kung anong lumapat sa labas ng pinto.
"Nakauwi na ako."
-
yiii.
enebe, Papa Jet. nekekeleg eke :)
frozen_delights
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro