Bulong ng Damdamin
Chapter Sixteen
HATINGGABI na nang makauwi si Jethro. Bagama't maagang natapos ang kanilang paggawa ay pinagbigyan niya ang mga kasama na maghappy-happy katulad ng gusto ng mga ito. At siyempre pa, nagpumilit na sumama si Maita. Pinagbigyan na lamang niya para wala ng mahabang pagtatalo. Nagpunta sila sa isang KTV bar na malapit lamang sa kanilang lugar. Hinayaan niyang mag-enjoy ang kanyang mga kasama. Lalo na si Boogie na ilang araw ng hindi nasasayaran ng alak ang lalamunan.
Siyang-siya ang mga ito sa pagkanta. Ang hindi lang niya pinayagan ay ang kumuha ng ka-table ang mga ito. Kahit pa nga panay ang pahaging ni Boogie na naiinggit ang mga ito dahil siya'y may ka-table. Hindi na kasi naalis ang pagka-pulupot ng mga braso ni Maita sa braso niya. Daig pa ang tuko na permanente ng nadikit sa kanyang balat. At kapag may lumalapit sa kanilang GRO ay kaagad nitong pinanlilisikan ng mga mata. Lalo na kapag malagkit ang tingin sa kanya.
Hindi siya nagpakalasing katulad ng kanyang mga kasama. Nagpatay lang talaga siya ng oras dahil gusto niya pagdating ng bahay ay mahihiga na lang siya. At paglapat ng kanyang likod ay kaagad na siyang makakatulog. Bagaman sa nakalipas na isang linggo ay hindi ganoon ang nangyayari. Daig pa niya ang nagkaroon ng insomnia. At bakit nga naman hindi kung ang babaing ayaw magpatulog sa kanya ay pinto lamang ang pagitan nila sa isa't isa.
"Baba ka na," aniya kay Maita nang makarating sa tapat ng bahay ng mga ito.
Naihatid na niyang lahat ang kanyang mga tauhan. Inuna niya si Boogie dahil halos gumapang na ito sa kalasingan. Pagkatapos ay sina Dose at Frank, magkapitbahay lang kasi ang mga ito. Panghuli si Maita dahil madadaanan lang naman ang bahay ng mga ito bago ang sa kanila.
"Maita, nandito na tayo. Bumaba ka na," muling sabi niya sa babae. Tinapik-tapik pa niya ito sa braso.
"Hm," nagtutulug-tulugang sagot ng babae.
"Pumasok ka na sa loob at baka kanina ka pa hinihintay ng tatay mo."
"Dito lang ako," yumakap ito sa braso niya.
"Hindi puwede, bumaba ka na at hatinggabi na," nakita niyang bumukas na ang pinto sa loob ng bakuran ng mga ito.
"Jet, lasing na ako, ihatid mo ako hanggang sa amin."
"Hayan lang ang pinto ng bahay niyo. At hindi ka lasing. Sige na, uwi ka na at gusto ko na ring magpahinga."
"Hmp, nakakainis naman 'to. Ihatid mo na 'ko sa amin. Hindi na ako makalakad nang tuwid."
"Bababa ka ng jeep o itutulak kita at iiwanan sa gilid ng kalsada?"
"Ang sama mo talaga," hinampas siya nito sa braso.
Hindi na lang siya nagsalita. Nahilot niya ang sentido upang ipakita rito ang pagkainip. Gusto na talaga niyang umuwi. Hindi niya maintindihan kung bakit parang may humihila sa kanyang mga paa para magmadaling umuwi.
"Kiss ko," ngumuso si Maita at dumukwang sa kanya.
Itinaas niya ang isang kamay at itinulak ang mukha nito.
"Labas na. Hindi ako nagbibiro, masakit na ang ulo ko at naghahanap na ng higaan ang likod ko."
"Malaki naman ang kama ko. Dito ka na la--"
"Maita."
Napabuga ito ng hangin sa bibig.
"Sige na nga," napilitan itong bumaba ng owner-type jeep niya.
Pagkababang-pagkababa nito ay kaagad niyang pinatakbo ang sasakyan. Sampung minuto lang naman ang layo ng bahay ng mga ito mula sa kanyang talyer. Nang maipasok doon ang sasakyan at matiyak na nakakandadong mabuti ang lahat ay dumiretso na siya ng uwi.
Hatinggabi na nang makauwi siya. Ngunit mula sa labas ay kita niyang bukas pa ang lahat ng ilaw at mukhang gising pa ang lahat ng tao sa loob. Kumatok siya sa labas ng pinto. Mayamaya lamang ay pinagbuksan siya ng pinsang si Andeng. Pagkabukas ng pinto ay kaagad din itong tumalikod at nagtungo sa kusina.
May sumpong na naman si Manang Andalusia, saloob-loob niya.
"Andeng, pakibilisan."
"Oo, and'yan na."
May pagtatakang nasundan ng tingin ni Jethro ang pinsan. May dala itong plangganita at labakarang puti papunta sa kuwarto nina Marcy.
"Ano ang nangyayari?"
Ngunit parang walang narinig na nilampasan lang siya ni Andeng at dumiretso sa silid na ginagamit nina Chantal. Napasunod tuloy siya nang wala sa oras. At dahil bukas ang pinto nakita niya kung ano ang nangyayari sa mga kasama niya sa bahay. Nakahiga sa kama si Chantal at mukhang inaapoy ng lagnat base sa pamumula ng mukha nito at tila hirap na paghinga habang pinupunasan ng basang bimpo ni Marcy.
"Chan-chan," nag-aalalang kaagad siyang napalapit gilid ng hinihigaan ni Chantal. "Ano ang nangyari sa kanya?"
"Two days na siyang may lagnat," worried na sabi ni Marcy.
"Two days na? E, bakit hindi niyo pa dinadala sa ospital?!"
"Huwag kang sumigaw, puwede ba?" mataray na wika ni Andeng. "Ikaw itong kung saan-saan nagpupunta tapos darating ka rito at aakto kang ganyan? Pupusta ako, kasama mo na naman ang babaing taga-Makati."
"Ano ba ang sinasabi mo? Itikom mo na lang ang bibig mo at dalhin na natin si Chan-chan sa ospital."
"Go... a-away," mahinang sabi ni Chantal.
"Dadalhin kita sa ospital. Sa lagay mo ngayon ay kailangan mong masuri ng doktor para mas magamot ka nila."
"I... d-don't need your h-help," bigla itong napaubo.
Nang tangkain niyang hawakan ito ay tinabig nito ang kanyang kamay.
"G-go away."
May pinong haplit sa kanyang dibdib ang pagtataboy nito. Ngunit binalewala niya iyon. Nakikita niya ang hirap nitong kalagayan. Hirap na hirap itong umubo at pati paghinga ay parang hinahabol.
"May hika ba si Chan-chan?"
"Naku, wala," sagot ni Marcy.
"Andeng, kunin mo 'tong susi. Mauna ka at buksan mo ang talyer. Nasa likuran mo lang kami, bubuhatin ko si Chan-chan. Marcy, magdala ka na ng ilang importanteng gamit. Sumunod ka sa amin."
Kaagad namang tumalima ang pinsan. Akala niya ay makikipagtalo pa ito.
"No. G-go away."
Tinangkang magpumiglas ni Chantal nang buhatin niya ito. Pero dahil nanghihina ay wala itong nagawa. Ang init-init nito. Ngunit ramdam niya na parang bigla itong nangaligkig nang buhatin niya. Banayad niya itong hinapit sa kanyang katawan.
"Sorry. Late ako."
Napahikbi ito sa dibdib niya.
"Marcy, pakisapinan ang likod ni Chan-chan. Basa ng pawis."
Kaagad na kumuha ng mahabang bimpo si Marcy at sinapinan ang likuran ni Chantal.
Hindi nagtagal at magkakasunod na silang lumabas ng bahay. At bago pa man nila marating ang talyer ay nabuksan na iyon ni Andeng.
"Sakay na kayo. Ako na ang magda-drive," prisinta ng pinsan ni Jethro.
Maingat na inalalayang paupo ni Jethro sa passenger seat si Chantal. Inalalayan niya itong hindi mahulog atsaka ito kinabig pasandal sa kanyang dibdib.
"Heto ang jacket niya," ani Marcy.
Isinuot muna iyon ni Jethro kay Chantal. Nang maayos na silang nakalulan na lahat ay iminaniobra ng palabas ni Andeng ang sasakyan sa talyer. Pagkatapos ay muli itong bumaba upang ikandado ang gate saka muling pinatakbo ang sasakyang patungong hospital.
Hinapit ni Jethro si Chantal nang maramdaman niya ang pangingiki nito.
"Malapit na tayo. Magiging okay na ang lagay mo kapag na-check ka ng doktor," bulong niya sa dalaga.
Hindi niya alam kung bakit nagkaroon ng nginig ang kanyang boses. At hindi niya rin alam kung sino ba ang gusto niyang konsolahin sa pagsasabi ng mga salitang iyon. Si Chantal ba o ang kanyang sarili?
Ang tatlumpung minutong layo ng pagamutan ay tila naging napakatagal. Kulang na lang ay kalungin ni Jethro ang dalagang may sakit sa labis na pag-aalala sa kalagayan nito. Sinisisi niya ang sarili kung bakit hindi niya man lang ito kinumusta sa mga nakalipas na araw. Palibhasa parati siyang late na dumarating mula sa talyer kaya akala niya ay natutulog na ito sa tuwing dumarating siya. Pero paano nga ba niya ito maiisip na kumustahin kung iniiwasan niya?
Muli niya itong nahapit palapit.
"Jet..."
"Sh, gagaling ka kaagad. Kahit lalawigan lang itong lugar namin, marami ring mahuhusay na doktor dito. Kaya relax ka lang, ha?"
Naramdaman niya ang marahang pagtango nito. Mayamaya pa ay natanaw na niya signange ng pakay nilang pagamutan. Private ang ospital na iyon. Pero hindi na niya naisip kung may pambayad ba sila o wala. Ang mahalaga'y mabigyan ng paunang-lunas si Chantal upang bumuti-buti ang pakiramdam nito. Nag-aalala na kasi siya sa hirap na pagtaas-baba ng mga balikat nito na tila hinahabol ang paghinga.
"Andito na tayo," ani Andeng nang ihimpil ang owner sa mismong tapat ng pagamutan.
"Chan-chan, kapit ka sa akin, ha?" Naunang bumaba ng sasakyan si Jethro at pagkatapos ay maingat na binuhat si Chantal sa mga braso.
Kaagad silang sinalubong ng health attendant at iginiya patungo sa emergency. Mabilis na inasikaso ng nakatalagang doktor ang pasyente. Sa buong sandaling sinusuri ng manggagamot si Chantal ay nakaantabay sa tabi nito si Jethro. Kahit nanghihina ay ayaw halos bumitaw ng kamay ng dalaga sa mahigpit na pagkakakapit. At ayaw rin naman ni Jethro na umalis sa tabi nito. Gusto niyang malaman kung ano ang sakit ni Chantal at kung ano ba ang nangyari rito at parang biglang-bigla naman ang pagkakasakit nito.
Maraming tanong ang doktor habang nakatapat sa bandang dibdib ni Chantal ang instrumentong ginagamit. Mabuti na lamang at babae ito. Kung naging lalaki ito ay baka kanina pa niya niya ito nasapak dahil sa palagay niya ay masyado ng napapatagal ang paglapat nito ng stethoscope sa bandang itaas ng katawan ni Chan-chan. Salitan ang pagsagot ni Chantal at Marcy sa mga tanong ng doktor. Mayamaya pa ay nagsimula itong magsulat sa papel.
"Ano ang pangalan ng pasyente?"
"Chantal Ka--"
"Duque. Mrs. Chan-chan Duque."
May pagtataka man sa sinabi niya ay hindi na lamang nagsalita si Marcy. Si Chantal naman ay mahigpit na napahawak sa kamay niya. Tumikom-bumuka ang bibig nito na parang may gustong sabihin ngunit hindi na makapagsalita dahil sa hirap na paghinga. Taas-baba ang dibdib nito at sa bibig na halos ito humihinga. At ang bawat buga nito ng hininga ay tila nagbabaga sa init.
"Huwag kang mag-alala, magiging maayos din ang lahat, hm?"
Isang nanghihinang ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Chantal.
Mabilis na nagbigay ng instruksyon ang doktor. Kakailanganing kunan ng blood test si Chantal. At sa buong sandali na ginagawa iyon ay mahigpit na nakakapit ang kamay nito sa kanyang kamay. Parang bata itong takot na takot.
"Relax lang po, Misis, mabilis lang 'to," anang technician.
"Saan mo gustong pumunta pagkalabas ng ospital?" tanong niya kay Chantal upang ma-divert ang atensyon nito. "Gusto mo bang pumunta sa beach?"
"Beach...?"
"Oo, sa beach. Ipapasyal kita kahit saan mo gusto."
"Beach. Oo, gusto ko."
"Kaya dapat gumaling ka kaagad, ha?"
Tumango ito.
Matapos ang ilan pang test ay dinala na rin sa pribadong silid si Chantal. Pneumonia. Iyon ang sakit nito. Mabilis itong inasikaso at nilagyan ng oxygen dahil sa hirap na paghinga. Habang pinapanood ang lahat ng iyon ay may nadamang inis si Jethro sa sarili. Kung mas naagapan ang sakit ni Chantal ay hindi magiging ganoon kalala ang kalagayan nito.
Nang maayos na ang lahat ay naiwan silang dalawa roon ni Marcy na tahimik na nagbabantay sa pasyente. Naiidlip na rin si Chantal. Pinaglabanan niya ang udyok ng damdamin na hagurin ang mukha nito.
"Sa palagay ko ay natuyuan siya ng pawis at nalipasan ng gutom dahil madalas lamang siyang magkulong sa kuwarto," ani Marcy. "Ramdam niya kasi na iniiwasan mo siya. At alam kong kahit hindi niya sabihin, nasaktan siya sa ginawa mo."
Nagtagis ang mga bagang ni Jethro sa narinig.
"Hindi ko alam kung ano ang mga dahilan mo. Pero kung sasaktan mo lang siya, please. Ituloy-tuloy mo na lang ang pambabalewala sa kanya. Kaunting panahon na lang naman at kapag naayos na ang lahat ay... a-aalis na kami."
"Kapag naayos na ang lahat? Ang ibig mong sabihin ay kapag wala ng panganib sa buhay niyo?" may pananalakab niyang tanong.
Nakita niya ang bumakas na gulat sa mukha ni Marcy.
"Sinabi ba sa'yo ni Andeng?"
"Alam ni Andeng?"
"Sinabi nila sa akin no'ng gabing lumabas kami para mag-shopping," tugon ng kanyang pinsan na kapapasok lamang ng pribadong silid. "Sinabi nila sa akin na ilihim lang muna sa'yo. Pero paano mo namang nalaman?"
"May duda na ako noong una kung sino talaga sila. No'ng minsan ay narinig kitang tinanong mo si Chan-chan kung prinsesa ba siya. Iyon din ang duda ko noong una. At naisip ko, kung isa siyang royalty tiyak na maski ang gobyerno natin ay ipapahanap din siya. Pero narinig ko ang sagot niya sa tanong mo, may gustong pumatay sa kanya."
"Akala ko nga joke lang 'yon," 'ika ng pinsan. "Totoo pala talaga."
"Gustong kamkamin ng stepsister niya ang kanyang mana. Pero mangyayari lang 'yon kapag namatay si Chantal."
Napakuyom ang mga kamao ni Jethro.
"Kanina. Bakit...?" sadyang ibinitin ni Marcy ang tanong.
"Sikat siya. Isa o dalawang tao sa ospital na ito ay puwede siyang makilala," tugon ni Jethro. "At kapag nalaman ng mga tao kung sino talaga siya, puwede siyang manganib sa mga taong naghahanap sa kanya."
"Alam mo ang tungkol sa mga goons na humahabol sa amin?"
"May isang kaibigan na nagbigay sa akin ng mga imposmasyon. Sa sandaling malaman ko na hindi na ligtas para sa inyo ni Chan-chan ang Purok 6, ililipat ko kayo ng lugar."
"Puwede sa probinsya nina Nanay," suggestion ni Andeng.
"Puwede. Tamang-tama dahil malapit 'yon sa beach, makakabuti 'yon kay Chan-chan habang nagpapagaling siya."
"Sino ang maiiwan sa talyer?"
"Isasara ko pansamantala. Matagal-tagal na rin naman akong walang bakasyon."
"Kunsabagay."
"Saka na natin planuhin kapag magaling na si Chan-chan," aniya. "Sa ngayon, ako na muna ang magbabantay sa kanya. Uwi na kayo, bumalik na lang kayo bukas ng umaga."
"Sigurado ka? Kaya mong mag-isa?" paniniyak ni Marcy.
"Oo, kaya ko. Isa pa, wala kayong matutulugan dito."
"Sige. Kapag may kailangan ka, text ka lang," ani Andeng.
Tumango lang siya at itinuon na ang tingin kay Chantal na medyo payapa na ang tulog.
-
frozen_delights
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro