Chapter 37
Kinikilig ako
Mabigat ang naging tingin ni Lance sa akin. Pagod ko din siyang tiningnan, naguguluhan na din ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa nalaman.
"Anong pwede kong gawin?" Umiiyak na tanong ko sa kanya.
Bumagsak ang mga mata ni Lance sa sahig. Napabuntong hininga siya. "Hindi ko din alam Amaryllis, pero isa lang ang sigurado ako. Wag mong iwanan si Piero, hindi na niya kakayanin" pagpapaintindi niya sa akin.
Muling bumuhos ang aking luha habang marahang tinanguan ang sinabi sa akin ni Lance. Ayoko din namang iwanan si Piero, hindi ko kayang iwanan si Piero lalo na't ganito ang kanyang sitwasyon.
Iniwan ako ni Lance pagkatapos nuon. Nanatili ako sa tabi nang natutulog na si Piero. Ang sabi ni Lance sa akin paguwi nito kahapon galing sa Agrupación ay ganyan na ang lagay niya. Buong araw siyang tulog, kung gigising man ay sandali lang.
"Kain ka muna...kailangan mo ng lakas para alagaan si Piero" nagaalalang sabi ni Sarah sa akin. Pumasok siya sa kwarto na may dala dalang tray ng pagkain. Tipid ko siyang nginitian.
"Sasabay akong kumain kay Piero" pumiyok pang sabi ko sa kanya dahil sa muling pagbabadya ng luha.
Naramdaman ko ang paghawak ni Sarah sa akin. "Kumain ka na muna, pagkatapos pag gising ni Piero kumain ka ulit" suwestyon pa niya sa akin kaya naman wala na akong nagawa pa kundi ang mapayakap na lamang kay Sarah.
"Hindi ko na alam ang gagawin ko, naguguluhan na ako" pagsusumbong ko sa kanya. Naramdaman ko ang paghaplos nito sa aking likuran, pilit niya akong pinapatahan.
Dahil sa aking sitwasyon ay nanatili si Sarah sa aking tabi. "Nalagay din ako sa ganyang sitwasyon" paguumpisa niya ng kwento sa akin.
Tumahimik ako at kaagad na nakinig sa kanya. "Kailangan ko ding pumili nuon, kung gusto ko bang makasama pa si Lance o hahayaan ko na lang siyang mamuhay ng marangya kasama ang pamilya niya" patuloy niya. Kita ko sa mukha ni Sarah ang lungkot habang binabalikan ang mga pangyayaring iyon.
"Anong pinili mo?" Marahang tanong ko sa kanya. Napayuko si Sarah at tipid na ngumiti, ramdam ko sa kanyang mga ngiti ang pait.
"Pinakawalan ko si Lance, kasi mahal ko siya. Kung saan siya magiging kumportable yun ang uunahin ko" sagot niya sa akin kaya naman muling bumigat ang dibdib ko. Isipin kong ganuon din ang mangyayari sa amin ni Piero ay hindi ko namataim.
Nagulat ako ng hawakan ni Sarah ang aking kamay. "Nagkamali ako sa parte na iyon. Hindi ko hiningi ang opinyon ni Lance tungkol duon kaya naman pareho kaming nasaktan na pwede naman palang hindi" giit niya sa akin. Kumunot ang aking noo.
"Pagusapan niyo ni Piero. Lumaban kayo ng magkasama, hindi ba sabi nga niya mas nagiging malakas siya pagkasama ka niya" pagpapaintindi pa niya sa akin na tinanguan ko lang.
Napayuko ako. "Nagiging malakas si Piero dahil sa akin, pero ako din ang dahilan kung bakit nanghihina siya. Pakiramdam ko ang toxic ko para sa kanya..." umiiyak na sabi ko kay Sarah. Unti unting nawala ang ngiti sa kanyang labi.
"Anong ibig mong sabihin?" Naguguluhang tanong niya sa akin,.
Bayolente akong napalunok. "Dumidipende na si Piero sa presencya ko. Hindi maganda iyon Sarah, hindi habang buhay nasa tabi niya ako" pagpapaliwanag ko pa kaya naman nanlaki ang kanyang mga mata.
"Amaryllis..." nagaalalang tawag niya sa akin.
Napailing ako. Hindi ko pa kayang sabihin sa kanya ang totoo. Hind ko pa kayang sabihin sa kanila na kakailanganin ko ding umalis.
Buong gabi kong pinagisipan ang mga hakbang na pwede kong gawin para matulungan si Piero. Ginawa ko iyon habang nakatitig ako sa kanya. Piero deserve the change he want. Isang beses lang siyang napasok sa maling sitwasyong ito. Kayang kaya niyang magbago, naniniwala ako sa kanya. Kaya naman kung may kaya akong gawin para sa kanya. Gagawin ko iyon.
Magaalasotso ng gabi nang tumingin ako sa orasan. Mahimbing pa din ang tulog ni Piero dahil sa natamong bugbog sa katawan at mukha. Hindi na din siguro kinaya ng katawan niya. Tao lang din naman siya, kung nasobrahan ay babagsak at babagsak din ang kanyang katawan.
"Saan ang punta mo?" Gulat na tanong ni Lance nang makita niya akong lumabas sa aming kwarto ni Piero. Bihis na bihis ako dala dala ang aking backpack.
Napayuko ako ng hindi ko kayanin ang mabibigat na tingin ni Lance sa akin. "Amaryllis sinabi ko na sayo...kailagan ka ni Piero" may pagbabantang sabi niya sa akin na kaagad kong tinanguan.
"May pupuntahan lang ako, babalik din ako kaagad" paninigurado ko sa kanya. Hindi naalis ang makahulugang tingin ni Lance sa akin. Muling uminit ang gilid ng aking mga mata.
"Hintayin mo ako, sasamahan na kita" pahabol pa niya sa akin. Gustuhin ko man sanang tanggihan siya ay hindi ko na nagawapa dahil mabilis nang pumasok si Lance sa kanilang kwarto para magbihis.
Nahihiya akong tumingin kay Sarah. Pagkakataon sana nila ito para makapagbonding na pamilya pero nangistorbo ako. "Pasencya na Sarah" nahihiyang sabi ko sa kanya.
Tipid niya akong nginitian, lumapit pa siya sa akin para yakapin ako. "Ano ka ba, pamilya tayo dito. Hindi ko rin naman gustong umalis ka magisa" suway pa niya sa akin kaya naman naantig ang puso ko sa mga narinig.
Umalis kami ni Lance nang gabing iyon. Madaling araw ba kaming nakarating sa Apartment. Ginamit ko ang ilang oras ba natira para makapagpahinga. Pagkaputok ng araw kinaumagahan ay kaagad din akong nagayos para maghanda sa aking pupuntahan.
"IpagdriDrive kita Amaryllis" giit ni Lance sa akin nang makita niyang naghahanda na ako para umalis. Mariin ko siyang inilingan.
"Wag kang magalala, babalik din ako kaagad. Pagbalik ko uuwi tayo kaagad kay Piero kasi ayokong wala ako duon pag gising niya" emosyonal na sabi ko pa sa kanya. Kahit anong pilit kong maging matapang ay hindi ko magawa, naiiyak pa din talaga ako.
Dahil sa aking pakiusap ay hinyaan ako ni Lance na umalis. "Maghihintay ako dito Amaryllis, sigiraduhin mong babalik ka" pahabol pa niya sa akin kaya naman tipid ko siyang nginitian at tinanguan.
Inipon ko ang lahat ng tapang ko para gawin ito. Isa lang ang paulit ulit na tumakbo sa aking isipan habang nasa byahe ako. Babalik ako kay Piero, kahit anong mangyari.
Sobra sobra ang kabang nararamdaman ko nang tingalain ko ang mataas na building na pagmamay ari ng mga Dela rama. Isa sila sa mga competitor ng family bussiness ng mommy ni Piero. Mabibigat ang mga paghakbang na nagawa ko papasok duon, naglalaban ang takot at determinasyon sa aking dibdib.
"May appointment po ba kayo Ma'm? Tanong sa akin ng Secretary ni Rajiv nang dumating ako sa floor kung nasaan ang office niya.
Marahan akong umiling. "Wala akong appointment, pero pakisabi andito si Amaryllis Guevarra" malumanay na utos ko sa kanya. Nagdalawang isip ang kanyang secretary kung susunduin na ako o hindi. Sa huli ay pinindot niya ang intercom. Sinabi niya ang aking pangalan
"Let my fiance in" matigas na turan ni Rajiv mula sa kabilang linya.
Nanlaki ang mata ng babae at kaagad na yumuko sa akin para magbigay galang. "Pasencya na po Ma'm" paumanhin pa niya na hindi ko na lamang pinansin pa.
Nanginginig ang aking mga kamay ng hawakan ko ang door handle ng kanyang opisina. Sumakit ang lalamunan ko dahil sa pagpipigil sa muling nagbabadyang mga luha.
Ang mabibigat na tingin ni Rajiv ang kaagad ba sumalubong sa akin pagkapasok ko sa kanyang opisina. Nanatili siyang nakaupo sa kanyang swivel chair. Tiningnan niya ang aking kabuuan, wala sa sarili akong napayakap sa aking sarili. Naiilang ako sa klase ng tingin niya sa akin.
"I'm surprise ikaw na mismo ang nagdala ng sarili mo sa akin" mahinahon pero mapanuyang sabi niya sa akin.
Hindi ako nakapagsalita, parang biglang umurong ang aking dila. Dahan dahan akong naglakad papalapit sa kanyang lamesa. Nainip ito kaya naman tumayo na din siya at lumapit sa akin. Nanindig ang aking mga balahibo nang hawakan niya ang aking magkabilang braso.
"I miss you Amary" sabi niya na may kasamang pagsinghap. Napaiwas ako ng halikan niya ako sa aking pisngi, pagkatapos ay sa aking ulo.
"Umuwi ka na sa akin, matagal na kitang hinayaang gawin ang mga gusto mo" mariing pakiusap niya sa akin.
Hindi pa din ako nakapagsalita. Kaya naman naramdaman ko ang mabigat na paghugot nito ng hininga. Lumayo siya sa akin at tsaka marahang sumandal sa kanyang lamesa. Pinaglaruan ng kanyang mga kamay ang nakitang ballpen.
"Then why are you here?" Tamad na tanong niya sa akin.
"Please..." pumiyok na sabi ko kasabay nang pagtulo ng aking luha.
Sinalubong ko ang matalim na tingin sa akin ni Rajiv. Halos manlabo ang aking tingin sa kanya dahil sa mga nagbabadyang luha. "Please Rajiv, tulungan mo ako" pakiusap ko sa kanya.
Nanatili ang tamad niyang tingin sa akin. "For what?" Matigas ba tanong niya.
Kinain ko ang pagitan naming dalawa. Mas lalong tumalim ang tingin niya sa akin dahil sa aking ginawa. "Hayaan niyo nang umalis si Piero sa Agrupación. Hayaan niyo siyang magbagong buhay" naiyak nang pakiusap ko sa kanya.
Nagtiim bagang si Rajiv. "Please, please...hayaan niyo na siya" muling pakiusap ko pa sa kanya habang ang aking magkabilang kamay ay nakalapat sa isa't isa.
"I won't do that. Kasama iyon sa patakaran, kung kakalas siya sa Agrupación mas mabuti ng patayin na lang siya" seryosong sabi ni Rajiv sa akin kaya naman mas lalong nalukot ang aking mukha.
"Pero may magagawa ka, di ba may magagawa ka" pakiusap ko pa sa kanya.
Tumaas ang isang kilay nito. "Meron" matigas na sabi niya kaya naman nagkaroon ako nang pagasa.
Nakita ni Rajiv ang pagliwanag nang aking mata, nakita niyang nagkaroon ako ng pagasa kaya naman kaagad niyang pinutol iyon. "Pero hindi ko gagawin para sa lalaking iyon" mapanuyang sabi pa niya sa akin kaya naman napaawang ang aking bibig.
Nginisian niya sa ako. Umayos siya ng tayo at tsaka siya lumapit sa akin. Hindi ako nakagalaw dahil sa takot. Kaagad niyang ipinulupot ang kamay niya sa aking bewang.
Mula sa aking pagkakayuko ay itinaas niya ang aking baba gamit ang kanyang kamay. Nang magtama ang aming mukha ay buong lambing niyang inangkin ang aking labi. Hindi ko iyon tinugon, nanatiling bukas ang aking mga mata habang patuloy ang pagtulo ng luha mula duon. Ramdam na ramdam ko ang paggalaw ng labi ni Rajiv sa akin. Bumigat ang aking loob dahil sa mga oras na iyon ay walang ibang nasa isip ko kung hindi si Piero lang.
"Tangina" galit na asik nito ng lumayo siya sa akin. Napahilamos siya sa kanyang mukha dahil sa pagkainis.
"Hanggang kailan ba kita hihintayin Amaryllis?" Galit na tanong niya sa akin.
Nagulat ako ng haklitin niya ang braso ko. "Akin ka una pa lang. Walang ibang lalaking pwedeng umangkin sayo kundi ako lang" madiing pagpapaintindi niya sa akin. Mas lalong tumulo ang aking mga luha.
"Si Piero ang mahal ko" madiing sabi ko sa kanya kaya naman mas lalong tumigas ang kanyang mukha.
Bayolente niyang binitawan ang aking braso. Pagkatapos niyang gawin iyon ay napatawa siya. Naikuyom ko ang aking kamao habang nakatingin sa kanya. "Mahalin mo siya hangga't buhay pa siya Amaryllis. Hindi makakalabas ng buhay ang lalaking iyon sa Agrupación" mapanuyang sabi niya sa akin.
Bumilis ang tibok ng puso ko. Pinilit ko ang aking sarili na huminahon. Ako ang humihingi ng pabor sa kanya, kailangan kong magpakumbaba.
"Gagawin ko ang kahit ano..." halos pabulong nang sabi ko.
Natigilan si Rajiv. Kaagad niya akong nilingon, hindi siya makapaniwala sa aking paghamon sa kanya. Kita ko ang naglalarong ngiti sa sa kanyang mga labi.
"Alam mo kung anong gusto ko Amaryllis. Ikaw ang gusto ko.." seryosong sagot niya sa akin.
Nalukot ang aking mukha dahil sa pagiyak. "Pakasalan mo ako" madiing utos pa niya.
"Pero hindi kita mahal. Rajiv hindi kita mahal..." laban ko sa kanya, halos tumaas ang boses ko para lang marinig niyang mabuti, para marealize niya kahit papaano.
"Matututunan mo din akong mahalin" pagod na sabi niya tsaka siya nagiwas ng tingin.
Marahan akong umiling. "Wala akong ibang mamahalin kundi si Piero lang. Kahit hanggang sa huling hininga ko, si Piero lang ang mamahalin ko" mariing pagpapaintindi ko sa kanya.
Tamad niya akong tiningnan. "Then be it. Wala akong maitutulong sayo" tamad na sabi niya at akmang babalik na siya sa pagkakaupo sa kanyang swivel chair nang pikit mata akong lumuhod sa kanyang harapan.
Nagulat si Rajiv dahil sa aking ginawa. Hindi siya nakagalaw habang nakatingin sa aking nakaluhod sa kanyang harapan.
"Parang awa mo na, hayaan mo na kami ni Piero. Pakawalan mo na ako Rajiv" umiiyak na pakiusap ko sa kanya. Halos hindi ko na maintindihan ang aking sarili boses dahil sa pagiyak.
Tahimik lang siyang nakatingin sa akin. "Mahal na mahal ko si Piero. Hayaan mo namang makasama ko siya...hindi ko alam kung hanggang kailan na lang ako mabubuhay Rajiv. Please..." pagmamakaawa ko pa sa kanya.
Kita ko ang pagkislap ng mata ni Rajiv dahil sa nagbabadyang luha din sa kanyang mga mata. Pero pinilit niyang iwinaksi iyon. Alam kong sincere si Rajiv sa tuwing sinasabi niyang mahal niya ako. Alam kong totoo ang nararamdaman niya para sa akin. Pero kahit anong gawin ko ay si Piero pa din ang mahal ko.
"Gusto kong mabuhay si Piero..." pahabol ko pa sa kanya.
Napatikhim siya. "Mahal kita Amaryllis. Kaya gusto kong mabuhay ka..." madiing pagpapaintindi niya sa akin.
Napailing lamang ako kaya naman tumalim ang tingin niya sa akin. "That's my offer. Take it or leave it" madiing sabi pa niya.
Napahilamos na lamang ako sa aking mukha. Ramdam ko ng pinal na ang desisyong iyon ni Rajiv. Na kahit pa anong sabihin ko ay iyon na talaga ang gusto niya.
"Para mo na din akong pinatay pag nilayo mo ako kay Piero" pagod na sabi ko sa kanya. Tinulungan ko ang sarili ko na tumayo. Nanghihina akong tumingin sa kanya.
Nilabanan niya ang aking tingin. "Hihintayin kita. Go on, magpaalam ka na sa lalaki mo" seryosong sabi niya sa akin.
Nanghihina akong lumabas sa kanyang opisina. Wala na akong nagawa kundi ang mapahagulgol sa gilid at maupo sa may gilid. Hindi ko na inisip kung anong sasabihin sa akin ng mga taong dumaraan. Napangiwi ako at napahawak sa aking dibdib ng muli kong naramdaman ang pagguhit ng kirot.
Hindi kagaya ng dati ay mas tumagal iyon. Habol habol ko ang aking hininga habang pilit na kinakalma ang sarili. Mabilis din akong umalis duon ng makabawi. Para akong nakalutang sa ere buong byahe pabalik sa apartment kung saan naghihintay sa akin si Lance.
Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Piero. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanya ang magiging desisyon ko. Hindi ko alam kung paano ako magpapaalam.
Kaagad na napatayo si Lance pagkapasok ko ng apartment. Kita ko ang pagaalala sa kanyang mukha. Pinilit kong ngumiti sa kanyang harapan. "Umuwi na tayo" yaya ko sa kanya. Kita ko ang pagtataka sa kanyang mga tingin sa akin.
"Ayos ko lang ba Amaryllis?" Tanong niya sa akin habang nasa byahe na kami pabalik sa bulacan.
Nginitian ko siya. "Oo naman" pagsisinungaling ko.
Hindi na lamang umimik pa si Lance pagkatapos nuon. Pero ramdam ko pa din ang paminsan minsang pagsulyap niya sa akin. Nakatingin lamang ako sa malayo buong byahe. Dahil sa gustong mangyari ni Rajiv ay mas lalo kong naramdamang may taning na ang buhay ko.
Inayos ko ang aking sarili pagkapasok ng sasakyan sa gate. Pinilit kong umakto na ok lang ako. "Gising na si Piero" sabi ni Lance kaya naman kaagad kong sinundan ang tingin niya.
Tumalon ang puso ko nang matamaan ko itong nakatayo sa may veranda. Nakatanaw sa aming pagdating. Pagkahinto na pagkahinto ng sasakyan at mabilis akong bumaba. Tinakbo ko ang distansya naming dalawa.
"Piero!" Sigaw ko at kaagad na yumakap sa kanya.
Humigpit lalo ang yakap ko. Kumalma ang aking buong sistema habang yakap yakap ko siya lalo na nang maramdaman kong ginantihan niya ang yakap ko.
"Buti na lang gising ka na, sobra akong nagalala sayo" sumbong ko sa kanya mas mas lalong nagsumiksik sa kanyang dibdib.
Naramdaman ko ang paghalik niya sa akin ulo. "Sorry kung pinagalala kita" malambing na sabi niya sa akin.
Umiling ako habang patuloy na nakayakap. "Ang mahalaga gising ka na. Wag mo na ulit gagawin iyon, please...palagi mo na lang akong pinagaalala" pakiusap ko sa kanya tsaka ko siya tiningala.
Tipid na ngumiti si Piero. Nasaktan ako nang makita ang kanyang itsura ngayon. Hindi siya nakangiti ng maayos dahil sa sugat sa gilid ng kanyang labi, halos nakapikit din ang kanang mata niya dahil sa natamong bugbog. Namamaga din ang pisngi niyang may mga galos.
Marahan kong ikinulong ang kanyang mukha gamit ang aking maliit na kamay. "Ang gwapo mo pa din" malambing na puri ko sa kanya. Muntik na akong maiyak dahil duon.
Umirap si Piero, kahit nahihirapan ay nagawa pa din niya akong irapan kaya naman tinawanan ko siya. "Kumain ka na ba?" Tanong ko sa kanya.
Inilingan niya ako. "Hinihintay kita para sabay tayong kumain" sagot niya sa akin kaya naman matamis ko siyang nginitian. Kaagad ko siyang hinawakan sa kanyang kamay para sana hilahin na papasok sa bahay.
"Saan ba kayo nanggaling ni Lance?" Medyo inis pang tanong niya sa akin. Sinundan ko ang tingin niya, nakatingin ito kay Lance na nasa aking likuran pa din hanggang ngayon.
Napatingin ako dito, tumingin din siya sa akin. Naguusap ang aming mga mata. Kinabahan ako bigla dahil baka sabihin nito ang totoo kung saan kami nanggaling. "Sa peanut farm, sinama ko si Amaryllis" pagsisinungaling niya na kaagad kong tinanguan.
Akala ko ay mahihirapan kaming itago kay Piero kung saan talaga kami nanggaling. Pero kaagad din niyang tinanggap iyon kaya naman nakahinga ako nang maluwag.
Pagkatapos naming kumain ng tanghalian ay muli ko siyang inaya sa kwarto para malinis ko at malagyan ng gamot ang mga sugat niya. Dala dala ko ang medicine kit nang lumapit ako kay Piero, mariin lamang siyang nakatingin sa akin, pinagmamasdan ang aking bawat galaw.
Gumapang ako sa kama palapit sa kanya. Nakaupo ito at nakasandal sa head board. Dahil sa tingin niya sa akin ay hindi ko magawang tingnan siya pabalik. Hindi ko maatim na tumingin kay Piero gayong may itinatago ako sa kanya.
Nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko. "Bakit hindi ka makatingin sa akin, ayaw ko na ba sa itsura ko?" Seryosong tanong niya sa akin kaya naman napanguso ako.
Dahan dahan akong lumapit sa kanya para sandaling humalik sa kanyang pisngi. "Saan mo naman iyan nakuha? Sabi ko nga sayo kanina di ba, gwapo ka din" giit ko sa kanya.
Umayos siya nang upo pagkatapos nuon at muling nanahimik. Hinayaan niya akong gamutin ang sugat niya. Nanatili lamang ang titig niya sa akin kaya naman napapanguso na lamang ako minsan dahil sa pagkailang.
Itinaas ni Piero ang kamay niya para maharang haplosin ang aking pisngi. "Hindi ka ba nakatulog sa pagbabantay sa akin?" Nagaalalang tanong niya.
Hindi ako nakasagot. Marahil napansin nito ang aking eyebags. Marahan niyang kinabig ang aking batok, hinalikan ako nito sa aking noo kaya naman napapikit ako. Libo libong boltahe nanaman ng kuryente ang naramdaman ko dahil sa kanyang ginawa.
"Ako dapat ang nagbabantay sayo, ako dapat ang nagaalaga" marahang sabi niya.
Pumungay ang mata ni Piero habang nakatingin sa akin. Nang maglaon ay mahina kaming napatawa na dalawa ng hilahin niya ako para kumandong sa kanya. Hinayaan ko siya, iniyakap ko kaagad ang aking mga braso sa mga leeg. Isiniksik ni Piero ang mukha niya sa aking leeg.
Ramdam na ramdam ko ang mahinahong paghinga ni Piero habang nasa ganuon kaming posisyon. Marahan kong hinaplos ang kanyang buhok sa likod. "Pag nakapagipon na ako, papakasalan na kita" mahinahong sabi niya na ikinabato ko.
Naramdaman niya iyon kaya naman humigpit ang yakap niya sa aking bewang. "Ayaw mo?" Maypagtatampong tanong niya sa akin.
Tipid ko siyang nginitian. "Gusto ko" sagot ko sa kanya. Muling bumigat ang aking dibdib.
Naramdaman ko ang paghugot ng malalim na hininga ni Piero. "Bakit pakiramdam ko aalis ka?" Tanong niya sa akin na ikinagulat ko.
Tumingala si Piero para magtama ang aming mga tingin. "Bakit pakiramdam ko iiwan mo ako?" Punong puno ng emosyon na tanong pa niya sa akin. Titig na titig siya sa aking mga mata.
Napakagat ako sa aking pangibabang labi. Pinagdikit ko ang aming mga noo. "Kailan ko ipinaramdam sayo na iiwan kita?" Mapanghamong tanong ko sa kanya.
Napanguso si Piero kaya naman muli nanamang may kung anong kumiliti sa aking tiyan. Muli kong hinaplos ang kanyang buhok. "Di ba sabi ko sayo, palagi akong gagawa ng paraan para makabalik sayo" pahabol ko pa sa kanya.
Nagulat ako ng dahan dahan niyang kinagat ang pangibabang labi. "Is this normal?" Tanong niya sa akin kaya naman kumunot ang noo ko.
"Ang alin?" Nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Kinikilig ako" paos na sabi niya kaya naman muling uminit ang aking magkabilang pisngi.
Hindi kami nakaimik pareho. Dahan dahang inabot ni Piero ang aking labi para sandaling halikan. "Ang sabi ko sayo ubusin mo ako...wag ikaw ang maubos para sa akin" makahulugang paalala niya. Nahirapan akong makalunok dahil duon.
Naputol ang pagkabato ko nang maramdaman ko ang kiliti dahil sa paglapit n labi niya sa aking tenga.
"Mahal kita Amaryllis" malambing na bulong pa niya.
(Maria_CarCat)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro