
Episode 38
Episode 38
ADI's
TULOG NA KAYA SIYA?
Ano bang pinagagagawa ng lalaking iyon ngayon? May mga naririnig kasi akong mahihinang kalabog mula sa kuwarto ko kanina. Parang ibinabalibag ang mga gamit. Parang may gera sa loob. Hindi ko tuloy maiwasang mag-alala, ang kaso ng i-try kong pumasok ay nakakandado ang pinto.
"Ayos lang kaya si aydol dun sa kabilang kwarto?"
Napadilat ako nang marinig ko ang boses ni Granny J na nakahiga lang katabi ko. Nakatitig siya sa kisame habang nangangalumata. Naramdaman niya yata na hindi rin ako makatulog. Sa kabilang gilid naman ay katabi niya si Lola Imang na nasa dulo.
Napabuntong hininga lang ako. Ipinatong ko ang aking braso sa aking noo at pinagmasdan din ang kisame. Bigla na lang akong namroblema.
Nakakapagtakang bigla na lang kasing sumulpot dito sa apartment namin si Rogue Saavedra at nagpahanda ng matutulugan. Dis oras pa ng gabi. Kailangan niya raw kasi ng matutuluyan kahit ngayong gabi lang. Kaya wala akong choice kundi doon siya patuluyin sa aking kwarto at dito matulog sa kabilang kwarto kasama sila Granny J at Lola Imang.
Ano ba kasing problema ng lalaking yun?
Para siyang hari kung makapag-utos. Hindi naman pwede yung basta na lang siya susulpot dito at wiwisikan kami ng alcohol. Kung makaasta siya akala mo siya ang may ari ng paupahan na 'to.
At paano niya kaya nalaman na dito ako nakatira? Dapat hindi niya 'to natunton e.
"Bakit daw ba siya narito, hija?" untag sa akin ni Granny J. "Kras niya ako, ano?"
Napakurap ako. "Ang sabi niya lang po sa akin ay payo raw po ito sa kanya ng doktor niya. Meron daw po siyang gustong subukan na makakapagpagaling sa sakit niya."
Nanlaki ang mga mata ng matanda sa sinabi ko kaya bahagyang naiipit ang eyebags niya. "S-sakit? May sakit si aydol, hija?"
"Takot po siya sa germs."
"Nakow, e kung takot siya sa dyerms, bakit dito siya tumuloy?"
"Iyon din po ang ipinagtataka ko. Hindi niya po ba nakita na isa po kayong malaking germs?"
"Kaya pala winisikan niya ako ng alkohol kanina sa bunganga."
Napangiwi ako. "Baka po naamoy niya ang hininga niyo."
"Aba, anong gagawin ko e wala naman akong sisipilyuhin sa bunganga ko."
Wala nga pala siyang ngipin at gilagid na lang niya ang kanyang pangnguya.
"Sayang si aydol. Ang gwapo sana kaya lang may toyo pala."
"Malala na po yata ang OCD niya." Bahagyang lumiit ang boses ko. "Mas lumala kaysa noon."
Napailing si Granny J. "Plano ko pa namang makipaghalikan sa kanya."
"Mabuti pa po at matulog na tayo. Maaga po tayong gumising bukas para makapaglinis ng buong bahay," pagbabago ko ng usapan.
"Paano naman ako makakatulog kung nakabalot ako sa tras bag?"
Oo nga pala. Parehas nga pala silang ni Lola Imang na ibinalot ni Rogue sa trash bag. Para silang shanghai na may nakaluwa sa dulo—ang kanilang ulo.
"Baka pwede mong kausapin si aydol, hija. Baka pwedeng bukas niya nalang kami balutin nito? Hindi kami makatulog ni Imang dahil dito sa tras bag." Siniko niya si Lola Imang na katabi niya lang. "Di ba, Imang?"
Napakamot ako. "E parang na-enjoy po yata ni Lola Imang yung trash bag." Ang sarap kasi ng tulog nito habang nakabalot sa trash bag. Humihilik pa ang matanda habang nakatulis ang nguso.
Napakamot si Granny J. "Tangina talaga to si Imang, mukhang tikbalang."
Marahan akong bumangon mula sa aking pagkakahiga. Hindi ko rin talaga matiis ang lalaking iyon e. Nakakainis.
"Saan ka pupunta, hija?"
"Sisilipin ko lang po si Idol. Baka hinimatay na po yun sa kwarto ko." Magulo kasi ang kwarto ko at maraming kalat. Aminado naman ako sa burara talaga ako at unorganized. Hindi kasi talaga ako sanay sa pag-aayos ng mga gamit-gamit.
"Nakow, e mabuti pa nga. Bukas ko na siya sisilipin kapag naliligo na."
Inirapan ko lang ang matanda at lumabas na ako ng pinto. Marahan akong naglakad papunta sa banyo at isinuot ang contact lense ko. Malabo kasi ang aking mga mata lalo na sa dilim.
Pagkuwan ay pumunta na ako sa aking kwarto.
"Who's there?!" tanong ni Rogue nang kumatok ako.
"Ako ito, Idol, si Adi."
"Open the door, slowly."
Maingat kong pinihit ang door knob at itinulak ang pinto.
"Show yourself." Nakatayo ang lalaki habang may hawak na alcohol spray. "Or else, babarilin kita."
"Ako nga ito, Idol." Pumasok ako habang nakataas ang dalawa kong kamay sa ere.
Nakahinga siya nang maluwag nang makita niya ako. "You scared the hell out of me." May suot siyang white gloves sa kanyang kamay at face mask sa bibig. "I thought you're with those two dirty grannies."
Napalingap ako sa paligid habang namimilog ang aking mga mata. Nakatulog ba ako? Ilang oras na ba ang lumipas? Paano niya nalinis ang kwarto ko nang ganito kalinis?!
Nawala ang mga cobwebs sa bawat sulok ng pader. Nakikita ko rin ang reflection ko sa sahig dahil sa sobrang kintab niyon. May mga notes akong nakikita sa mga papeles na nakapatong sa drawer ko. Kitang-kita na rin mula sa labas ang mga bituin dahil hindi malabo ang salamin ng bintana ng kuwarto ko.
Napatingala ako. Pati yata ang kisame ay nagawa niyang punasan. Kahit yata ang kinakalawang na turnilyo ng aking bentilador ay kinuskos niya hanggang sa kumintab.
"N-naglinis ka pala, Idol." Nahihiya tuloy ako sa kanya. Kaya pala pawis na pawis siya. At kaya rin pala nakarinig ako ng mga kalabog kanina.
"Slight." Umupo siya sa ibabaw ng kutson ko na parang plinantsa ang sapin dahil sa sobrang flat at kinis. "I'll continue tomorrow."
Loose white shirt at jogger pants ang suot niya. Kahit pawisan siya ay ang bango pa rin niya.
Tomorrow? Teka! Akala ko ba hanggang ngayong gabi lang siya makikituloy dito?
"L-linawin ko lang, Idol. Hanggang kailan ka ba makikitira dito? Hindi ka ba nagwo-worry na kapag nalaman ng mga kapitbahay na nandito ka, siguradong dudumugin ka nila dito?"
"Then they shouldn't know."
Napasabunot ako sa buhok ko. "Delikado ang gusto mo, Idol. Hindi ka isang ordinaryong tao lang na makikitulog kung saan. Wala ka man lang bang dalang bodyguard kahit isa?"
Hindi siya kumibo. Narealize niya rin siguro ang gusto kong i-point.
"Sabihin mo nga sa 'kin, Idol. Bakit ka ba talaga nandito?" napahalukipkip ako.
Hindi agad siya nakasagot. "I think... you're my cure."
"H-ha?"
"Everytime I'm with you, I forget everything that I'm afraid of." Napakalungkot ng boses niya at tumatagos iyon sa dibdib ko. "I'm learning to face my fear whenever you're around, Adi."
Lumamlam ang mga mata ko habang nakatitig sa kanya. Heto na naman kasi ang berde niyang mga mata na punong-puno ng lungkot. Nanlalambot ako sa tuwing nakikita ko ito. Nanghihina ang depensa ko.
"I know, it's a lot to ask. But... may I stay here for a while?"
Napapikit muna ako bago humakbang papunta sa kanya. Alam kong pinipigilan niya ang kanyang sarili na iwasan ako habang nararamdaman niyang papalapit ako sa kanya.
Nang makalapit ako sa kanya ay kinuha ko ang kanyang kamay. Nanginginig siya, ramdam ko. Pati ang paghinga niya ay bumibilis.
"O-okay lang bang tanggalin ko ang gwantes mo?"
Pumikit siya bago tumango. Kitang-kita ko ang pag-alon ng kanyang lalamunan.
"Hubarin ko na, ah?"
"B-be gentle, please," nangangatal na pakiusap niya sa akin.
Maingat kong bahagyang hinubad ang gwantes niya. Nakikita kong takot na takot siya dahil nanginginig ang katawan niya. Hinila ko ang gwantes niya sa kanyang kanang kamay hanggang sa matanggal ko iyon.
Napahugot siya sa kanyang paghinga.
"Ngayon, hawakan mo ako."
Napadilat siya. "Huh?"
Lumuhod ako sa harapan niya para magpantay kami. "H-hawakan mo ang pisngi ko."
"I-I can't."
"Kaya mo yan, Idol." Dinampot ko ang kamay niya at dinala ito sa aking pisngi.
Mariin siya napapikit at pigil ang kanyang pagsigaw. Napakalamig din ng kanyang palad.
"A-ayos ka lang, Idol?" Abot langit din ang kaba ko. Hindi ako sanay mahawakan ng kahit sinong lalaki.
"I-I don't know. I'm still afraid."
"A-anong nararamdaman mo, Idol?"
Umalon nang maraming beses ang kanyang lalamunan. "Your warmth... It's calming me."
"H-ha?" Bigla na lang nag-init ang pisngi ko.
Bakit nga ba parang may kumikilit sa mga ugat ko? Napalakas ng tibok ng puso ko! Wala akong nagawa kundi ang mapapikit nang mga sandaling ito.
Mayamaya ay may naramdaman akong sumusuklay sa buhok ko. Hindi ko namalayan na sinusuklayan na pala ako ni Rogue!
"I must do this." Umigting ang kanyang panga. "Hindi kasi ako makakatulog hangga't hindi ko nasusuklayan ang magulo mong buhok."
Bumagsak ang aking balikat.
...
Alas nueve na nang bumangon ako. Pinatakan ko muna ng contact solution ang aking mga mata bago ko inilagay ang aking lenses. Sinuklay ko muna ang aking buhok dahil baka suklayan na naman ako ni Rogue paglabas kong kwarto.
Nasaan na kaya ang dalawang matanda? Hindi ko na sila nadatnan na tulog dito sa higaan pagkagising ko.
Paglabas kong pinto ay sinalubong agad ako ng dalawang matanda. "Hija, dun ka lang tumapak sa may sapin!"
Nakasuot ng bestida ang dalawa na gawa sa trash bag.
"Po?" Napatingin tuloy ako sa sahig. May mga pages ng magazine na nakalatag dito.
"Diyan ka lang pwedeng tumapak, sabi ni Aydol," ani Granny J. "Naglinis na kasi si Aydol ng sahig."
Malinis na nga ang paligid. Pwede na ngang gawing pinggan ang sahig dahil sa sobrang linis niyon. Kaya siguro bawal din iyong tapakan maliban sa mga pages ng magazine na nakalatag.
Nanakbo ang dalawang matanda papunta sa mesa habang ang kanilang mga paa ay doon lang napapadaan sa nakalatag na magazine. Pagkatapos ay sumubo sila ng kanin.
Nilapitan ko sila. "Bakit po kanin lang kinakain niyo? Wala po ba kayong ulam?"
"Hayun ang ulam." Pagsubo ni Granny J ng kanin ay doon nakatutok ang kanyang mga mata kay Rogue na nasa sulok.
Kaya naman pala, walang saplot na pang-itaas ang lalaki. Nakasuot lang ito ng pajama at tahimik itong naka-upo na nakapikit habang nagyo-yoga. Sa pagkakaupo pa ay naiipit tuloy ang eight packs abs nito sa tiyan.
"Kung. Ulam. Araw. Araw. Ganto. Tayo. Tipid." Sabi ni Lola Imang habang sunud-sunod ang pagsubo ng kanin. "Ako. Araw. Araw. Busog. Din."
Napapakamot na lang ako. "Ligo lang po ako," paalam ko sa kanila.
Naglakad na ako papunta sa aking kwarto habang binabaybay ang mga nakalatag na pages ng magazine. Pagpasok ko ng kwarto ay napadilat ang isang mata ni Rogue.
"Wait!" habol niya sa akin sa aking kwarto.
"Kukuha lang ako ng damit ko. Maliligo kasi ako."
"You should see your cabinet."
"H-ha?" Lumapit ako sa aking cabinet at binuksan iyon.
"Everything inside... was now categorized."
Sobrang organized nga ng loob ng cabinet ko. Iyong mga damit ko ay nakasalansan na nang maayos. Nakahiwalay iyong mga de color sa mga puting damit. Iyong mga de color na damit ay nahati sa sa tatlong lagayan: pambahay, pang-alis at pampasok. Iyong pambahay ay nahati pa sa dalawang lagayan: sando, shirt. At iyong sando ay nahati rin sa dalawang lagayan: simple, daring. Ganun din ang shirt na nahati naman sa tatlong lagayan.
Nahihilo ako!
Sa ibaba ay may drawer ng undies ko. Napalunok ako. Wag niyang sabihin pati ang mga ito ay itiniklop niya in different categories?!
Binuksan ko ang drawer at nakatupi nga nang maayos ang lahat ng undies na nasa loob. Sa una ay nahati iyon sa dalawang category: colored, white. Sa colored undies ay nahati sa dalawa: flowery, stripes. Sa white undies naman ay nahati sa apat categories: fit, see-through, bacon, damaged.
Kumikibot ang ugat ko sa sentido. Kumukulo ang dugo ko!
Bukod dito sa mga damit ko, ano pa kaya sa mga gamit ko ang naka-organize pa? Baka pati yung pustiso ng dalawang matanda niligpit niya rin?!
Humarap ako sa kanya pero tinalikuran ko rin siya agad. "Bawal ang nakahubad dito, Idol."
"I see."
Nagsuot lang ulit siya ng shirt, medyo fitted na white shirt. At base sa basa niyang buhok ay mukhang kaliligo lang niya. Siguradong pati ang banyo namin ay nilinis niya nang husto.
"Magluluto ba ako ng ulam, Aydol?" tanong ni Granny J na sumilip lang sa pinto. "Adobo, hijo, gusto mo?"
"What kind of adobo?"
Ngumisi ang matanda. "Adobong manok na pula."
"O-order na lang ako sa online food. Baka mamaya may sahog pa yang pustisong pula."
Pumamewang ako at tiningala si Rogue. "Idol, paano ka gagaling niyan kung ganyan lagi ang gagawin mo?"
Nagsalubong ang makakapal niyang kilay. "What did I do?"
"Kulang na lang kasi ay linisin mo pati ang bakuran ng mga kapitbahay."
Lumabi siya. "Wala kasi akong magawa and I'm bored."
Tumunog ang cell phone ko at nakita kong may message sa akin si Hazel. "Aalis muna ako."
"Where are you going?"
"Pinapatawag ako ng amo ko."
"By the way, you left your laptop on."
Lalabas na sana ako ng pinto nang matigilan ako. "H-ha?" Nanakbo ako papunta sa laptop ko.
"I shut it down."
Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko ay nakita na niya ang itina-type kong story. "S-salamat." Dinampot ko ang laptop at siniguradong naka-shut down na nga ito.
"When are you planning to tell me the truth?"
Napalingon ako sa kanya. "Ha?"
"Or may plano ka man lang bang sabihin sa akin?"
"A-ng ano, Idol? Hindi kita maintindihan—"
"That Hazel is not the author." Nakapamulsa siya sa suot na jogger habang nakasimangot. "Because you're the real one."
JF
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro