Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

One Shot Challenger #5

Author: 

Title: TWISTED

  Wala po talagang nag-inspire (?). Omg. Di ko talaga sure kasi pag-uwi ko, binuksan ko 'yung laptop at nagsulat ng plot. Medyo nahirapan pa nga akong mag-isip ng title pero ayan, meron na. "Twisted" kasi 'yung mga main characters ko, parehong fucked up. Pero ewan, malay natin, maayos nila 'yung buhol-buhol nilang buhay. Pwede nilang maayos individually pero pwede rin naman nilang gawin 'yun nang magkasama. Huhu ): Di ko talaga alam. Ang daming possibilities para sa dalawang 'to. 

T W I S T E D :

Part 1: Hers

"Kay bilis kasi ng buhay . . . pati tayo, natangay."

A l e x a n d r a

I wish everything would stop.

Saka lang ako humanap ng mauupuan pagkatapos kong bumili ng French fries. Sakto namang walang nakaupo sa may bintana. Pangdalawahang tao lang kaya iisa lang 'yong mesa. Buti na lang at medyo malapit 'to sa basurahan.

And yes, that's a good thing. Gustong-gusto ko kasing pinapanood ang mga tao ‒ kung paano sila magsalita, makinig, at magtago ng mga kahinaan. Wala rin namang kuwenta 'yong pagtatago nila, e.

Nakikita ko rin naman lahat.

Kasabay ng paglapag ko ng tray sa mesa ay ang pagkuha ko ng earphones. Sinaksak ko iyon sa cellphone ko. Umupo na ako at nagpangalumbaba.

Nilibot ko ng tingin ang buong palapag na sinakop ng fast food chain na 'to. Sinulyapan ko ang suot kong relo. Alas-otso na pala. A, kaya naman pala unti-unti nang dumadami 'yong mga nagdi-date. Pinigilan ko ang pag-ikot ng mga mata ko.

Ibinaling ko na lang sa bintana ang atensyon ko. Mahirap na at baka may makatagpo pa ako ng mga mata. Panibagong pabigat na naman 'yon para sa'kin 'pag nagkataon.

Kitang-kita ko 'yong pagmamadali ng mga tao, makasakay lang do'n sa bagong dating na jeep na walang laman. Ang ewan nga kasi parang mamamatay sila kapag hindi sila nakasakay. Kung makatulak pa, parang hindi braso ng tao 'yong natamaan, e.

Iyong iba naman, hindi man lang lumilingon sa kaliwa't kanan bago tumawid. Akala mo kung sinong mga handa nang mamatay pero kapag nandiyan na si Kamatayan, naku, parang mga santo kung magdasal na 'wag muna silang kunin.

Mga tao nga naman, oo.

Sometimes, I wonder what God thinks about us. I know that He has plans for us. Alam naman nating lahat 'yon. I just . . . wonder.

Ano kayang iniisip Niya habang pinagpaplanuhan ang existence ko? Naisip man lang ba Niya na isang malaking pabigat sa buhay ko 'tong "regalo" Niya? Hell, I'm not even sure if this is a gift.

Ni hindi nga ako sigurado kung sa Kanya nga ito galing.

Either way, this just makes my life complicated. Sometimes, I wish I was normal. Sometimes, I don't. May mga pagkakataon lang sa buhay na gusto kong maintindihan ang mga bagay-bagay pero minsan kasi, mas mabuting wala na lang akong alam.

Sabi nga nila, "ignorance is bliss".

For example, mas makabubuti siguro sa'kin kung hindi ko nakita sa utak ko 'yong pag-iyak at pagsisisi ng mga magulang ko pagkapanganak ko; 'yong pag-aaway at pagsusumbatan nila kung sino ang mag-aalaga sa'kin, at kung paano ako bubuhayin.

Saglit akong pumikit nang mariin. Inabot ko 'yong baso ng iced coffee. Napalingon ako sa may hagdan nang may marinig akong humihikbi. Isang batang lalaki ang nakaupo roon habang nakayakap sa kanang tuhod. Nadapa yata.

Hindi ko alam kung tutulungan ko o hindi. Nandiyan naman sa kung saan ang nanay niyan. Bago ko pa maialis ang titig ko sa nakatalikod na bata, lumingon ito sa'kin.

Shit naman.

Parang panandalian akong nakapasok sa ibang mundo nang magkasalubong ang mga mata namin ng bata. No'ng una, puti lang ang nakikita ko pero unti-unting may nabuong mga imahe.

Pilit kong ginalaw ang hintuturo ko.

Kalma ka lang, Alex.

Sa mata ng mga tao, walang kakaiba. Ako lang naman 'to — nakaupo at nakatitig sa mag-inang 'yon . . . nakikiusyoso, normal.

Sa tantiya ko ay wala pang dalawang segundo akong nakatitig sa batang 'yon.

Isang segundo pa lang pero ang dami ko nang nakita. Sa isang sikat na unibersidad, nakita ko 'yong bata kasama ang mga magulang niya. Napakaaliwalas ng paligid. Mukhang masaya ang lahat. Napakarami ng tao pero sa kanila lang nakapokus ang mga mata ko. Malabo na 'yong mukha ng iba.

May lumapit na isang lalaking nakasuot ng itim na toga. Kahawig niya 'yong bata, magkapatid ata sila. Bagong graduate 'yong bagong dating at kapansin-pansin ang mga medal na nakasabit sa leeg nito. Paano ba naman kasi, patakbo itong lumapit sa mga magulang at sa nakababatang kapatid.

Ang ingay tuloy sa utak ko.

Sinalubong ito ng yakap ng mga magulang. Kumuha pa sila ng litrato. Hindi nga lang bilang pamilya kasi 'yong bata ang inutusan nilang kumuha. Ngiting ngiti ang mga magulang nilang dalawa. Para ngang nagliliwanag pa 'yong mga mata ng nanay nila sa tuwing susulyapan ang bagong graduate na anak.

Akala ko no'ng una, iba 'tong nasagap ng mga mata ko. Para kasing hindi naman malungkot. Pero mukhang mali ako. 'Yong bata kasi . . . sa unang tingin, mukha siyang masaya para sa kuya niya pero sa likod no'n, may halong inggit, e.

Mukhang alam ko na ang problema ng isang 'to.

Kumurap ako nang tatlong beses. Itim lang ang nakita ko, walang kahit anong senyales ng liwanag. Medyo kinabahan pa nga ako kasi bibihira ko na lang gawin 'to. Iniiwasan ko na kasi talagang makatagpo ng mga mata ng tao at makakita ng mga ganitong bagay.

Sa isang iglap ay nakaupo na ulit ako. Sa harapan ko ay 'yong French fries na halos hindi ko pa nagagalaw pati ang kaliwang kamay ko, nakahawak pa rin doon sa baso ng iced coffee.

Hindi ko namalayang dumating na pala 'yong nanay ng batang nadapa. "Ano ba 'yan? Hindi man lang tinulungan," bulong pa nito bago ako irapan at lapitan ang anak niyang kanina pa umiiyak.

Sinundan ko lang sila ng tingin.

Gusto ko sanang matawa sa nakita kong problema ng bata kaya lang, iba rin kasi ang nagagawa ng inggit. Marami ngang nakapapatay nang dahil sa selos, e. Natatakot lang ako sa puwedeng gawin no'ng batang 'yon.

Tinuro sa'min noon na ayon kay Thomas Hobbes, mababait tayong mga tao dahil daw may mga espiritu tayong mabubuti sa loob natin. I beg to differ. Mas naniniwala pa ako sa Chinese belief na "yin yang", e.

People can be good and horrible at the same time. Kahit sino, puwedeng baguhin ang ugali nila kung gugustuhin talaga nila. Pero syempre, kailangan ng oras. Hindi naman puwede 'yong sa isang iglap, gusto nang maging pari ng isang drug lord.

Haharap na naman sana ako sa bintana nang makaramdam ako ng kilabot. Napalingon ako ulit sa may hagdan nang hindi sinasadya.

Isang lalaki ang paakyat doon. Isang hakbang paakyat, papalapit sa kinaroonan ko. Sa bawat paghakbang niya, nakikita ko ang kabuuan ng mukha niya hanggang sa . . . mga mata.

Shit naman.

Wala akong masyadong makita no'ng una pero ramdam ko agad na may kakaiba. Mukhang may kailangan akong gawin at hindi ko siya puwedeng hayaang umalis nang hindi ko nakakausap.

Ang lamig sa pakiramdam. Magkahalong kilabot at lungkot ang naramdaman ko habang pinapanood ang kuwento sa likod ng mga mata niya.

At tama nga ako. Pagkatapos kong makita ang lahat ng hinanakit niya, hindi ko siya puwedeng hayaan. Hindi ko siya puwedeng hayaang mag-isa.

Ilang segundo na ang lumipas kaya pumikit ako nang mariin. Ilang beses akong kumurap. Nanumbalik ang ilaw sa paligid, ang pagbubulungan ng mga tao kasabay ng mga mapanuring titig, pati ang imahe ng lalaking tila naestatwa na sa harapan ko.

Kailangang may gawin ako. Pakiramdam ko, pagsisisihan ko ang pagkakataong ito kapag wala akong ginawa.

Kahit ano, Alex . . . kahit ano pang gawin mo basta 'wag mo hayaang umalis .

Bahala na nga.

Tumayo ako. Parang napakalakas ng tunog ng pagtama ng bakal na dulo ng upuan ko sa sahig. Nakuha no'n ang atensyon ng lahat habang ako . . . sinubukang hawakan ang pulsuhan ng isang lalaking ngayon ko lang nakita.

Doon, sigurado ako. Ni minsan ay hindi ko pa siya nakikita pero pamilyar ang pakiramdam.

Sa sobrang pagkapamilyar, parang kilala ko na siya buong buhay ko.

Part 2: His

"Our love was made for movie screens."

A l e x a n d e r

Everything feels painful.

Napasuklay ako sa buhok ko. Nagsuot ako ng isang itim na baseball cap bago ko isinukbit ang dadalhin kong sling bag sa kanan kong balikat.

I have always wanted to live alone — be an adult, earn my own money, be stressed with my expenses.

Pero hindi ko naman alam na ganito pala 'yon kalungkot.

Totoo nga talaga 'yong "be careful with what you wish for". Hindi ko naman kasi alam na ganito pala 'yon kahirap.

Ang hirap lang kasi na wala na akong naririnig na tawa. Wala na rin akong sisigawang bumaba para kumain. Wala na.

Buhay pa ang mga magulang ko pero parang . . . mag-isa na lang ako.

Sobrang lungkot pala ng ganito.

Pinihit ko ang doorknob at saka lumabas. Sinulyapan ko ang bakanteng kuwarto bago ako tuluyang umalis.

Hindi pa ako nakakalimot sa kasalanan ko sa'yo, 'Drew. Nangako ako, 'di ba?

Sana lang maintindihan niyang hindi ko naman siya kakalimutan. Nandito pa rin naman lahat. 'Wag sana siyang magalit.

Kapag napapatingin kasi ako sa kisame, nakikita ko na naman 'yong makapal na lubid na nakatal—shit.

Kaunti na lang at baka sundan ko na siya. Masyado nang masakit lahat. Maski ang paghinga ko, parang kasalanan, e.

Minsan, hindi na ako kumakain nang buong araw. Wala lang, gusto ko lang paniwalain ang sarili kong mapapatawad ako ni 'Drew.

Napahigpit ang hawak ko sa doorknob. Mabilis kong isinara ang pinto. Habang bumababa ako ng hagdan, palayo ako nang palayo sa lugar na 'yon. Bawat hakbang, palayo ako sa mga ala-ala; sa sakit. Bigla tuloy akong nagdalawang-isip.

Hindi ba pagtakas ang ginagawa ko?

Hindi naman siguro. Magpapahinga lang naman ako, e. Babalik din naman ako pero . . . hindi muna sa ngayon.

At isa pa, kahit ilang beses kong takasan 'to, mananatili pa ring sariwa sa utak ko ang kapatid kong maputla at walang buhay.

Deserve ko naman. Wala akong karapatang magreklamo. Kung hindi ko lang kasi pinigilang tingnan siya nang direkta sa mga mata . . . baka buhay pa siya ngayon.

Tapos na, Alex. Wala ka nang magagawa.

Nagdesisyon akong dumaan muna sa isang kainan bago pumunta sa bus terminal. Pipila na sana ako at bibili ng pagkain kaya lang, medyo marami nang mga nakapila. Baka kasi maubusan pa ako ng upuan.

Umakyat ako sa second floor. Iniwasan kong tingnan sa mga mata lahat ng nakakasalubong ko. Mahirap na. Baka mamaya, hindi ko kayanin ang makita ko.

Naalala ko tuloy si 'Drew. No'ng bata pa kasi siya, pangarap niyang magkaro'n ng powers. Ang cool daw kasi. Totoo naman. Astig kasi pandagdag 'yon sa mga dahilan para mabuhay.

Pandagdag sa mga pampakalma ng kaluluwa. Dagdag na ebidensya sa ideyang espesyal ka dahil hindi lahat ng tao, may "powers".

Bumuntong hininga ako.

Sometimes, I feel like I should actually be thankful for this ability. And usually, I don't.

Minsan pa nga, hinihiling kong sana bulag na lang ako para hindi ako nakakakita ng kung anu-ano, e.

Mas lalo akong yumuko. Pumasok ako sa party area ng kainang 'yon. Dapat pala, pumila na ako. Marami naman palang bakanteng upuan. Lumabas ako roon, dala pa rin ang itim kong sling bag. Wala naman akong dalang mga alahas o mamahaling gadget na pupuwedeng nakawin . . . pero kasi, dala-dala ko ang pictures ni 'Drew kaya kailangan kong magdobleng ingat.

Pagbaba ko ay pumila na ako. French fries lang naman ang bibilhin ko. Hindi ko naman kailangang kumain nang marami kasi paniguradong pakakainin ako ni Lola Ynes pagdating ko roon.

Habang nakapila, pinanood ko silang lahat. Mula sa kasunod kong babaeng nakasalamin na mukhang naiinis na sa bagal ng service, hanggang sa nakaupong lalaki at babae sa bandang gilid na parang may sariling dimensyon.

Mga tao nga naman, oo. Napaka-oblivious sa paligid.

Hindi ko maintindihan kung paano nagagawang tumawa ng iba sa kabila ng nangyayaring kaguluhan sa paligid nila.

Hindi ko alam kung wala talaga silang pakialam o umiiwas lang sila sa gulo. Pero kahit ano pa ang dahilan nila, paniguradong para 'yon sa sarili nila. Gano'n naman kasi lahat ng tao, e.

Makasarili, walang pakialam sa nararamdaman at nangyayari sa iba.

Minsan, iniisip ko na baka kaya ganito ako mag-isi—hindi, walang dapat sisihin kundi ako.

"Good evening, sir. Ano pong order niyo?"

Umangat ang titig ko papunta sa mga mata ng babaeng kaharap ko. Kulay kape ang mga mata. Hindi nga lang gaanong halata dahil sa suot niyang salamin.

Patay na. Nakalimot na naman ako sa kapangyarihan ng mga mata ko.

Puti ang una kong nakita. Pagkatapos, itim naman. Walang laman no'ng una hanggang sa unti-unti . . . may mga imaheng nabuo, may mga narinig ako.

Kalma ka lang, Alex.

Sa mata ng iba, normal lang 'to. Ako lang 'to-nakatayo sa unahan ng pila at akmang magsasabi ng gustong pagkain sa isang crew member.

Pilit kong ginalaw ang kahit isa man lang sa mga daliri ko. Ilang buwan na rin ang lumipas no'ng huli akong makaramdam at makakita ng ganito. Medyo nakalimot ako.

Para akong hinehele na parang hindi.

Apoy ang bumungad sa akin. Hindi ko ramdam ang init pero mukhang malala. Nakarinig ako ng iyak ng isang bata. Sinundan ko 'yon papunta sa isang kuwarto. Natupok na ng apoy ang pintuan. Ang buong kuwarto rin, napapaligiran na ng apoy.

Unti-unting nawala ang iyak ng bata. Pati 'yong apoy, nawala na rin. Kumurap ako. Sa isang iglap ay nasa labas na ako ng bahay na 'yon. May narinig na naman akong umiiyak. Mayro'n ding sumisigaw at nagmamakaawa.

'Yong member ng crew na kaharap ko kanina lang, humahagulhol. Wala siyang suot na salamin. Kitang-kita ko 'yong lungkot at sakit sa kulay kape niyang mga mata habang nagpupumiglas siya. May nakahawak kasi sa kanyang lalaki. Mukhang asawa niya.

Nagpumilit siyang pumasok sa iniinspeksyon pang bahay pero wala siyang napala. Yumakap na lang siya sa asawa at bumulong, "Ang anak natin . . ."

Pagkatapos no'n, naging itim ulit ang paligid. Nawala 'yong mga iyak at 'yong amoy ng nasunog na mga kahoy ng mga bahay-bahay. Kumurap ako.

Pagdilat ng mga mata ko, nanumbalik ang mukha ng babae. "Sir, ayos lang po ba kayo?"

Tumango ako. "Isa pong large fries. Dine in."

Inobserbahan ko ang bawat pagkilos ng babae. Kung paano siya mataranta sa dami ng customer at naiiling na tumawa sa mga biro ng mga kasamahan niya.

Ang galing niyang magtago. Sa unang tingin, mukha siyang masaya at kuntento sa buhay pero sa likod no'n, may pinagsisisihan siya. May isang bagay siyang paulit-ulit na hinihiling na ibalik sa kanya—ang buhay ng kaisa-isa niyang anak.

May mga bagay at pangyayaring gustong balikan ang mga tao at lahat ng 'yon, nakikita at napapanood ko na parang pelikula.

"Here's your order, sir." Ngumiti sa'kin ang babae.

Binigay ko ang bayad bago kunin ang inabot niyang tray. Umakyat ako ulit sa second floor. Sa huling baitang ng hagdan, may batang nakaupo, yakap-yakap ang tuhod. Mukhang nadapa.

Napatigil ako sa pag-akyat nang muntikan akong maitulak ng isang nagmamadaling babae. Agad niyang tinabihan ang bata. "Diyos ko naman! Ang liit lang niyan, Carl!" rinig ko pang paninita niya sa bata.

Nanatili akong nakayuko habang hinihintay silang makaalis sa harap ko. "Ano ba 'yan? Hindi man lang tinulungan," bulong ng babae.

Pagkatapos no'n ay umalis siya kasama ng bata, pabalik sa upuan nila. Sinundan ko lang sila ng tingin. Napailing na lang ako. Humakbang ako. Dalawang baitang sa bawat hakbang, Kailangan ko na talagang bilisang kumain kung ayaw kong abutin ng traffi—shit.

Isang babae ang nakatitig sa'kin. Halos kaharap ko lang siya. Ilang metro lang ang layo. Ilang hakbang lang.

Kakaiba. May kung anong puwersang pumigil sa'king umiwas ng tingin. Ang lamig sa pakiramdam. Kulay kape rin ang mga mata niya.

Bago ko pa mabawi ang titig ko sa kanya, nawala na ang ingay ng paligid. Hindi ko na rin maramdaman ang hawak kong tray. Parang biglang naglaho. Parang bula lang.

Kumurap ako. Puti. Sabay-sabay kong nakita lahat.

Ang ingay sa utak.

Hindi ko alam kung anong uunahin. Medyo magulo pero unti-unti kong naintindihan. Nakita ko lahat.

Nanumbalik ang ingay ng paligid. Ramdam ko na ulit ang ang malamig na hangin mula sa aircon. Nakita ko na ulit ang mga ilaw. Ramdam ko na rin ang bigat ng kanina ko pang hawak na tray.

Ilang segundo na ang lumipas. Wala pa ring emosyon ang mga mata niya, parang malamig na kape. Hindi ko siya kilala. Ngayon ko lang siya nakita pero may kakaiba.

Pakiramdam ko, hindi ko siya puwedeng pabayaan. Hindi puwedeng wala akong gawin ngayon. Pakiramdam ko, madadagdagan ang mga kasalanan ko sakaling palagpasin ko ang pagkakataong 'to.

Kahit ano, Alex . . . kahit ano pang gawin mo basta 'wag mo hayaang umalis.

Bahala na nga.

Humakbang ako palapit sa kanya. Nawala na naman ang ingay ng paligid. Pakiramdam ko, tumigil ang lahat para panoorin ang paglapit ko sa kanya; para panoorin kaming dalawa.

Susubukan ko lang namang hawakan ang palapulsuhan ng isang babaeng ngayon ko lang nakita pero bakit parang tumigil ang oras?

Napakapamilyar sa pakiramdam.

May kung anong kumirot sa loob ko. Sa unang pagkakataon, sigurado ako-kailangan ko siyang makausap. Kahit hindi ko siya kilala, bakit ako nakaramdam ng saya pagkatapos makita ang mga mata niya?

Part 3: Theirs

"Please don't take my sunshine away."

Parang pelikula, parang pinagplanuhan. Anumang oras ay parang may magsisilabasang mga kamarang nag-eksperimento sa magiging reaksyon ng mga tao sa paligid nila.

Si Alexander. Maayos ang pagkakagupit ng itim nitong buhok. Kumbaga, mukhang clean cut na parang hindi. May kaunting facial hair. Kulay kape ang mga mata. Parang hindi inaalagaan ang sarili dahil sa putla ng balat. Payat din ang pangangatawan. Nakalahad ang kaliwang kamay, inaabot ang sa kaharap na babae. Naestatwa.

Si Alexandra. Alon-alon ang buhok. Kasingkulay iyon ng mga mata nito—kulay ng kapeng may halong kaunting gatas. Malapit nang mapagkamalang may hepatitis dahil sa kulay ng balat. Mas payat kaysa sa lalaking kaharap, parang hindi na kumakain nang tatlong beses isang araw. Nakalahad ang kanang kamay, inaabot ang sa kaharap. Nakakunot ang noo.

Halos isang minuto na ang nakalilipas, nanatili silang nakatitig sa mga mata ng isa't isa. Walang kumikibo. Parehong nag-aalinlangan, nangangapa kung paano ipaliliwanag ang nangyari at nangyayari. Masyado kasing kakaiba.

Alam naman nila 'yon. Pareho namang may kakaiba sa buong pagkatao at mga buhay nilang dalawa. Bakit pa ba sila magtataka?

Pareho nilang hindi ibinaba ang mga kamay na inaabot ang sa isa. Kanang kamay ng babae ang nakalahad at kaliwa naman ang sa lalaki. Kitang-kita ang naiwang marka ng mga sugat sa pulsuhan nilang dalawa—parehong pahaba at parang sinulatan muna ng lapis bilang gabay bago inukit.

Humigpit ang hawak ni Alexander sa dala niyang tray.

Napayukom ang kamao ni Alexandra.

"Hi," sabay nilang sabi.

Wala nang sumunod pa sa salitang 'yon pero pareho silang palihim na umasang mayro'n.

Ibinaba ni Alexandra ang kanan niyang kamay. "Gusto mo bang dito ka na lang umupo? Punuan na sa loob. Pati 'yong party area, binuksan na."

"A-ayos lang." Hindi na tumanggi si Alexander kahit pa nakapagtataka.

Pareho nilang gustong malaman ang kuwento ng isa't isa. Pareho nilang hindi alam kung bakit. Sa isang bagay lang sila sigurado, kailangan nilang makapag-usap. Hindi nila puwedeng palagpasin ang pagkakataong ito nang hindi sila nagkakakilala.

Lumapit ang lalaki, inilapag ang tray sa mesa, at umupo sa kaharap na upuan ng babae. Umupo na rin ang huli.

Sabay silang kumain. Wala pa ring umiimik. Nagpatuloy ang babae sa pag-inom ng iced coffee habang kumain naman ng French fries ang lalaki.

Ilang minuto pa ang lumipas. Sabay silang naghintay at nag-unahan sa kung sino ang babasag ng katahimikan.

"Alexander." Nilahad ng lalaki ang kaliwang kamay.

Inabot iyon ng babae gamit ang kanan niya. "Alexandra."

Pareho silang nagtaka sa ikinilos nila. Ni hindi nga nila alam kung bakit bigla silang nagkaroon ng matinding kagustuhang lapitan at alamin ang kuwento ng bawat isa.

Nakadagdag pa 'yong pagiging magsingtunog ng mga pangalan nila . . . halos magkapareha. Hindi na kapani-paniwala kung iisipin man nilang "coincidence" lang ang pagtatagpo ng mga mata nila.

Kadalasan, walang pakialam si Alexandra. Hindi na lang niya pinapansin ang mga nakikita. Kahit gano'n, hindi naman maiiwasang makaramdam ng bigat sa loob niya na para bang parte siya ng bawat kuwentong hindi naman niya sinasadyang masaksihan.

Pagdating kay Alexander, hindi niya maipaliwanag . . . pakiramdam niya, siya lang ang may kakayahang ayusin ang pagkatao at kaluluwa nito. Pakiramdam niya, obligado siyang maging kaagapay nito—sa sandaling nagtagpo ang mga mata nila.

Sa kabilang banda, matagal nang hindi ginagamit ni Alexander ang kakayahan niya. Ayaw kasi niya ng ganoon—dinaraya ang laro ng buhay. Kung maiintindihan at makikita niya ang regrets ng mga tao, mawawalan ng saysay ang pagkukuwento ng mga kakilala niya ng mga hinanakit nila sa buhay. Gano'n ang takbo ng utak niya . . . noon.

Sa mga mata niya ay parang isang manika si Alexandra, na isang pitik lang ay mababali ang mga buto at bibitaw na sa buhay. Naguguluhan siya. Pareho lang naman sila, halata naman sa mukha ng babae. Pagdako ng mga mata niya sa mga mata nito, may kung anong nagtulak at bumulong sa kanya na lapitan ito. Walang malay niyang sinunod ang boses na iyon na nagdala sa kanya sa harap ng babae.

"Tapos ka na bang kumain?" tanong ng babae.

"A, oo."

"Sa'n ka na pupunta?" Ibinulsa ni Alexandra ang hawak na phone.

Muling tiningnan ni Alexander ang babae sa mga mata. "Ano . . . may pupuntahan kasi ako sa Laguna. Bibisita lang naman ako kaya kaunti lang dinala ko."

"Puwede mo ba akong samahan? Kahit saglit lang." Umiwas ito ng tingin.

"Ha? Saan tayo pupunta? Malapit lang ba? Maya-maya kasi, last trip na. Baka 'di ako makaabot." Hindi rin alam ni Alexander kung bakit ganoon ang sagot niya. Sa halip na direktang sabihin sa kausap na hindi pa sila gaanong magkakilala at itigil nito ang pagtatanong, nagpaliwanag pa siya nang maayos.

Napakaraming dahilan kung bakit hindi siya puwedeng sumama. Unang-una, bakit naman siya sasama sa babaeng kakikilala lang niya? Pangalawa, wala pa ngang isang oras ang nakalilipas mula nang nagpalitan sila ng "hi" at nagbigayan ng kani-kanyang pangalan. Pangatlo, bakit siya nito inaayang umalis?

"E 'di maganda," sagot ni Alexandra na medyo pabulong. May kasama pa iyong pag-ikot ng mga mata. Tinalian niya ang buhok. Inayos niya ang pagkakasukbit ng puting earphones sa leeg, parang hinahanda ang sarili sa takbuhan.

Tumayo siya. Biglaan. Nagtataka siyang tiningnan ng lalaking kaharap.

"Aalis ka na? Akala ko ba, magpapasama ka?" Nakakunot na ang noo nito.

"Oo nga," hinawakan niya ang pulsuhan ni Alexander, ". . . at sisiguraduhin kong kasama ka." Hinatak niya ang lalaki pababa ng hagdan, palabas ng kainang 'yon.

Humahangos na sila pareho. Nagpapalinga-linga si Alexander sa paligid, tinatantiya kung gaano na sila kalayo mula sa terminal ng bus.

Si Alexandra naman, patuloy pa rin sa pagtakbo habang hawak ang kaliwang pulsuhan ng lalaki. Wala na siyang pakialam. Ni hindi na rin niya nabilang kung ilang beses silang nagpaliko-liko. Ang mahalaga, malayo na sila sa terminal.

"Teka!"

Napalingon ang babae. Nagpumiglas ang lalaki mula sa pagkakahawak.

"Sa'n ba tayo," huminga nang malalim si Alexander, pilit hinabol ang paghinga, ". . . pupunta?"

Nilingon ni Alexandra ang paligid. Nasa gilid sila ng kalsada pero dahil gabi na, bibihira na ang mga sasakyan sa kalyeng 'yon. Umupo siya at saka, pumalatak ng higa. Hindi na niya naisip ang suot niyang puting tee-shirt.

"Tumayo ka nga d'yan. Baka masagasaan ka," mahinahong sabi sa kanya ng lalaki.

Tumawa lang siya nang pagak. Inabot niyang muli ang kaliwang kamay ni Alexander—pangatlong beses na sa loob lang ng wala pang isang oras—at hinatak iyon.

Walang itong nagawa kundi tumabi sa kanya. "'Yong totoo, may balak ka bang magpakamatay?" Bakas ang pagkainis sa tono nito.

"Bakit? Ikaw ba, wala?" Nang hindi sumagot ang lalaki ay bumangon siya.

Ipinakita niya rito ang sarili niyang pulsuhang puno ng halos magkakadikit na mga linya. Pagkatapos niyon ay kinuha niya ang kaliwang kamay ni Alexander. Pinagdikit niya ang pulsuhan nilang dalawa. "Ang ganda, 'di ba? Mukha tayong nagpalagay ng tattoo tapos naubusan ng ink," pagbasag niya sa katahimikan.

Binawi ni Alexander ang kamay mula sa babae. "Saan ba tayo pupunta?"

"Kung saan dalhin ng mga paa." Inunat niya ang mga binti, walang pakialam kung may bigla mang dumaang motorsiklo.

Gumaya rin si Alexander. Huminga nang malalim bago nagtanong. "Ano bang trip mo? Sige, 'pag sinagot mo, palalagpasin ko 'yong pagkaladkad mo sa'kin."

"Ewan ko sa'yo. Gusto mo rin namang sumama, e. Lalaki ka . . . kahit ga'no ka kapayat, kaya mo akong itulak kung gugustuhin mo."

"Point taken . . . pero 'yong totoo, anong trip mo?"

"Huminga kahit saglit mula sa lahat. Ikaw ba?"

"Gan'yan din balak ko, e. Kaya nga sabi ko sa'yo kanina, pupunta akong Laguna. Hindi ka ba naiilang?"

"Saan?" tanong ni Alexandra kahit mas malinaw pa sa bilog na buwan ang gustong iparating ng kausap.

"Sa'kin. Ang alam mo lang, 'yong pangalan ko. Ni buo ko ngang pangalan, hindi mo alam, e. Alexander lang ang alam mo. Si Alexander na papuntang Laguna para huminga. Ayun lang ang alam mo."

"Alexander na papuntang Laguna para huminga, ako si Alexandra-ng nanghahatak ng kung sino lang para huminga." Sinungaling. Alam niyang hindi "kung sino lang" si Alexander. "Bakit naman ako maiilang? Kung tutuusin nga, baka mas marami pa akong alam kaysa sa mga kaibigan mo, e."

May iba siyang gustong iparating pero mukhang hindi naman paniniwalaan ng lalaki sakaling sabihin at aminin niya 'yon nang direkta.

"Wala akong kaibigan."

"Ngayon, mayro'n na."

"Magpapakamatay ka ba kanina?"

"Depende."

"Depende kung . . ?"

"Depende kung hahayaan Niya ako." Tumuro si Alexandra sa langit.

"Religious ka pala. E, bakit ka nagse-self-harm?" tanong ni Alexander. Saglit niyang pinagsisihan ang tinanong. Baka kasi lalo pa silang magkailangan.

"Para makaramdam kahit papa'no. Hindi naman ako ga'nong nagdadasal pero naniniwala akong may mas mataas pa kaysa sa tao. Naniniwala rin akong lahat ng bagay, may dahilan. Kaya nga, sa dinami-rami ng near death experiences ko, hindi ako natitinag."

"Ibig mong sabihin, hindi ka takot mamatay?"

"Hindi kasi mas malala pa 'yong nakita ko. Minsan," nagiwas ng tingin ang babae, ". . . minsan ko nang nakita kung paanong pinapatay 'yung tao nang paunti-unti. Pinaparusahan 'yong tao. Habang buhay na yata 'yon, kahit buhay pa 'yong tao. Pakiramdam ko tuloy, pati ako, pinaparusahan kaya kung puwede akong mamili, mas pipiliin kong mabulag para hindi makita 'yong gano'n."

Alam ni Alexandra na hindi siya naiintindihan ni Alexander. Malamang ay iniisip nitong masyado lang siyang nag-iisip o 'di kaya'y, nag-iimbento lang siya. Sa kabila ng walang katapusang posibilidad na iyon, nawalan na siya ng pakialam. Ang mahalaga ay nakinig si Alexander.

"Weird shit," kumento ng lalaki.

"Oo, weird shit nga."

"Ang creepy, a."

"E, bakit di ka umalis? 'Di ka ba natatakot?"

"Dati, oo pero ngayon, hindi na. I've seen worse, too. Nakita ko na rin kung paanong hilingin ng tao na sana hindi na siya nabuhay." Tumingin si Alexander sa babae nang may kahulugan.

Nangangapa na naman sila. Inasahan naman na nila 'yon kasi, sino ba namang nasa matino pang pag-iisip ang sasama sa isang taong hindi naman niya lubusang kilala?

Alam na ni Alexandra ang ipinapahiwatig ng titig nito. Hindi na siya nagsalita pa dahil kahit gusto niyang malaman kung bakit at paano 'yon nalaman ng kasama, mas nangingibabaw 'yong parteng ayaw na niyang pag-usapan.

Binilisan niya ang lakad. Kung may direksyon na ba ang daang tinatahak niya, wala na sa kanya 'yon. Ang mahalaga ay makalayo siya sa lalaki. Ayaw na ayaw niya ng pakiramdam na may nakakaalam ng mga pinakatatago niyang pangyayari sa buhay. Kahit pa si Alexander na kinatuwaan niya kani-kanila lang.

"Alexandra, alam ko . . ."

Natigilan siya. Napayukom ang kamao.

"Nakita ko kanina, no'ng nagkasalubong ang mga mata natin. Hindi mo kailangang itago," pagtatapos ni Alexander ng gustong sabihin.

"Bakit mo ako nilapitan?" tanong niya rito kahit alam na niya ang sagot. Pareho lang sila ng naramdaman nang magtama ang mga mata nila. Akala niya no'ng una, siya lang ang nakaramdam ng gano'n. Hindi pala.

"Hindi ko alam. Pakiramdam ko, kailangan ko pang malaman. Kailangan pa kitang makilala."

"Sana pumikit ka na lang, 'di ba? O kaya, sana hindi mo na lang pinansin."

"Pagod na kasi ako, Alexandra. Ayoko nang tumakbo sa ganito. Lagi akong naiinis sa sarili ko sa tuwing naiisip kong may puwede naman akong gawin—"

"Kasi hindi mo nailigtas si 'Drew. Kung tiningnan mo siya sa mata, malalaman mo sanang hindi lang siya malungkot . . . malalaman mong dinamdam niya 'yong pagsabi mo sa kanya na malungkot lang siya. E, 'di sana buhay pa siya ngayon," humarap si Alexandra kay Alexander, "Tama ako, 'di ba?"

Napahigpit ang hawak ni Alexander sa strap ng sling bag niya. "Ayoko kasing masakal siya sa pagiging kuya ko." Pagak ang boses. Hirap siyang sabihin ang mga bagay na kanyang pinakatatago at pilit na ibinabaon sa ilalim ng utak niya.

Inakala niya kasing ayos na, e. Pero nando'n pa rin ang palaisipang 'yon. Nakatago at naghihintay sumalakay.

Siya ang pumatay sa kapatid niya.

Napaupo siya sa gilid ng kalsada. Huminga siya nang malalim, kinontrol ang halu-halong emosyon, pinigil ang pag-iyak. "Alexandra, hindi mo dapat pagsisihan 'yon. Nabuhay ka, 'di ba? Katulad ng sinabi mo kanina, lahat ng bagay, may dahilan."

"Para saan pa 'yong pagkapit ko no'ng nahulog ako sa riles ng tren kung araw-araw ko namang nakikita sa utak ko na parang pelikula 'yong pag-aaway nila Mom dahil sa'kin?" napailing si Alexandra, "Walang may gusto sa'kin. No'ng ipinanganak ako, gusto akong ibigay ni Mom kay Dad. E 'di, ayun nga 'yong ginawa. Tapos si Dad, ayaw din sa'kin. Kapapanganak lang sa'kin ng nanay ko pero nagtuturuan sila kung sinong magpapalamon at magpapaaral sa'kin."

"Ni hindi man lang sila naiyak sa tuwa pagkakita sa'kin. Ni ayaw nila akong tingnan. Ni minsan, hindi ko naramdamang biyaya ako para sa kanila. Para ngang sumpa ako sa kanila, e. Kaya, para saan pa 'yong pagkapit ko? Kung tuluyan akong nahulog sa riles ng tren at nagkandalasug-lasog ang katawan ko, ano naman? Madali lang namang palabasing isang aksidente 'yon kung ayaw nila Mom ng problema."

Malayo ang tingin nilang dalawa. Hindi pa rin nila alam kung anong hinahanap nila pero siguro, natagpuan na nila sa isa't isa ang bagay na 'yon nang hindi nila namamalayan.

Hinawakan ni Alexandra ang kaliwang kamay ni Alexander. "Hindi mo kasalanan. 'Wag kang maniniwala sa mga sinasabi ng mga magulang mo. Kung nandito si 'Drew, magagalit 'yon sa'yo. Paniguradong ayaw ka niyang nakikitang gan'yan."

Tumingin si Alexander sa mga mata ng babae. "Dapat lang na kumapit ka. Gusto ko, kahit ilang beses maulit 'yong gan'on sa'yo, paulit-ulit mo ring pipiliing kumapit at 'wag bumitaw."

"Gusto mong may mapala sa mga mata mo, 'di ba? Kaya mo ako nilapitan, para intindihin, 'di ba?" paglilinaw ng babae.

"Oo."

"Alexander, makinig ka lang sa'kin, sobra-sobra na 'yon."

Ngumiti si Alexander. Tipid. Napagawi ang tingin niya sa mga labi ng babae. Nandoon naman 'yong boses sa utak niya. Ipinikit niya ang mga mata. Ilang pulgada na lang ang layo nila sa isa't isa nang matauhan siya.

Si Alexandra, bahagyang umatras nang mapansin ang binabalak ng lalaki. Napansin din 'yon ng lalaki pero hindi niya mabasa kung pareho ba sila ng iniisip o kung nainis ba ito sa kanya.

Bumalik ulit sila sa simula. Pasimpleng kumawala si Alexander sa pagkakahawak ng mga kamay nila. Hinayaan lang iyon ni Alexandra dahil may parte rin sa kanya na nag-aalinlangan.

"Malapit ka lang ba dito?" tanong ni Alexander.

"Medyo," tipid na sagot ni Alexandra.

"Ihahatid na kita." Tumayo ang lalaki. Nang mapansin nitong hindi siya kumikibo, hinawakan nito ang mga kamay niya.

Hindi na siya nagkumento. Hinayaan niyang ito ang mauna sa kanilang paglalakad. Nag-uusap lang sila kapag magtatanong si Alexander kung saan dadaan; kung kaliwa, kanan, o diretso lang.

Ramdam niya ang pagpupursigi ng lalaki na makapag-usap pa sila, bago makarating sa paroroonan nila pero . . . ramdam niyang may mali na.

Nang matanaw niya ang pamilyar na dilaw na pintuan, tumigil siya sa paglakad. Nakaramdam naman ang kasama niya. "Hindi pa naman ito ang huli, 'di ba?"

Hindi sumagot ang lalaki. Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang kanang kamay niya. Lalong kumunot ang noo niya. Hindi niya alam kung bakit iyon ginawa ng lalaki—dahil ba iyon na ang huli nilang pagkikita o dahil isa lamang 'yong paraan para hindi siya mangamba?

Bago siya pumasok sa gate ng bahay, hinalikan ni Alexander ang tuktok ng ulo niya. Walang nagpaalam pero napakalabo na magkita pa silang muli.

Hindi na niya naisipang pigilan pa si Alexander sa pag-alis nito dahil marami pa silang aayusin . . . sa buhay, sa kani-kanilang mundo.

Hindi naman siya ipokrito para magkunwaring ayaw niyang makita pa ang lalaki. Nang mawala na sa paningin niya ang pamilyar na likod ni Alexander, umupo siya sa paanan ng pinto nila. Hindi niya isinarado ang gate. Naghintay siya ng limang minuto.

Anim na minuto at wala pa rin si Alexander.

Pitong segundo makalipas ang anim na minuto, narinig niya ang nakaiiritang tunog ng gate. Tumunghay siya at lumapit dito.

Tumingin ito sa kanya, nangangapa sa sasabihin. Lumunok ito. "Alexandra, puwede ban—"

"Ayos lang na huminga ka muna. 'Wag mo akong alalahanin." Ngumiti siya. Peke, hindi umabot sa mga mata.

"S-sigurado ka ba?"

Walang pag-aalinlangang tumango ang babae.

"Shit." Parang nanghihina itong sumandal sa balikat niya. Niyakap niya si Alexander. Kasabay ng pagyakap nito pabalik ay ang pag-iyak. Hindi siya nagsalita. Hinayaan niya lang itong umiyak nang umiyak sa balikat niya.

Nanatili sila sa ganoong posisyon. Parang pareho silang walang balak bumitaw. Wala pa man siya sa bahay ng Lola Ynes niya sa Laguna, pakiramdam ni Alexander ay nakauwi na siya.

Nakarating na siya sa dapat niyang puntahan.

Ilang hakbang lang ang kinatatayuan nilang dalawa ni Alexander mula sa tinawag at kinilala niyang "tahanan" buhat pagkabata. Ibinaon niya ang mukha sa dibdib ng lalaki.

Unang beses niyang makaramdam ng ginhawa.

f i n

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro