Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Eight - Keep You Safe

"Nathan, ano'ng kalokohan na naman iyan?" Pabulong na tanong ni Ice. Hindi sumagot si Nathan, mahinang pinisil lang niya ang balikat ni Ice pero na kay Castor pa rin ang tingin nito.

Imbes na maasar sa tila naghahamong tono ng boses ni Nathan, ngumiti ng malapad ang kapatid ni Ice na si Castor. "Ganyan dapat ang mga sagot. Ok na 'tol, hatid mo na si ate sa loob."

"We'll talk about it later," mahinang bulong ni Nathan kay Ice nang tumalikod na si Castor para pumasok sa loob ng bahay. Inaalalayan siya ni Nathan habang nilalakad ang direksyon patungo sa kuwarto niya. Nakasunod sa likod nila ang nanay ni Ice samantalang nagpaiwan sa sala ang dalawa niyang kapatid at ang ama nila. Nang makaupo siya sa kama niya ay lumuhod si Nathan at ito ang nag-alis ng sapin niya sa paa. Walang imik na pinagmasdan lang ni Ice ang binata sa ginagawa. Nasa may pinto rin ang nanay niya, nagmamasid sa kanilang dalawa.

"Maghahanda lang ako ng meryenda iho. Ikaw na muna ang bahala kay Ice," paalam ng nanay niya.

"Huwag na po, nag-agahan naman po kami. Doon nga po nadisgrasya itong anak ninyo. Lalampa lampa kasi." Kunwari ay paninisi nito kay Ice.

"Mukha lang matigas 'yang anak ko pero ang totoo malambot iyan. Babae pa rin iyan kahit na kung kumilos minsan ay daig pa ang maton diyan sa kanto."

"Nay!"

"Sabi ko nga maghahanda na ako ng meryenda. Maiwan ko na kayo," tumalikod na ang nanay niya.

Naihilamos ni Ice ang magkabilang palad sa mukha dahil sa frustration. Una, pinagtulungan ng mga kapatid at tatay niya si Nathan. Tapos, ang nanay naman niya may kung anong banat na hindi niya maintindihan kung saan nito pinagpupulot. Siya itong hiyang-hiya sa pinanggagawa ng pamilya niya. Kaya nga ayaw niya sana na magawi si Nathan sa kanila kung puwede lang, naubusan lang talaga siya ng options sa araw na ito dahil sa nangyaring pagkakatapilok niya.

"Sorry." Hingi niya ng paumanhin kay Nathan.

"Para saan?"

"Sa pinanggagawa ng pamilya ko. Kaya nga ayaw kong magpunta ka dito, isa lang iyon sa maraming dahilan." Ani Ice.

Umiling si Nathan at nakiupo na rin sa kama niya. Pinagsalikop nito ang dalawang kamay bago bumaling sa kanya. "I like your family. Magulo na masaya."

"Nasasabi mo lang iyan dahil hindi ikaw ang nasa lugar ko." Pabagsak na nahiga si Ice.

"So hindi ka masaya with the kind of family that you have?"

Napaisip si Ice. Hindi nga ba? May mga kapatid siyang maiingay, tatay na parang naiwan sa late twenty's ang mentalidad kung mag-isip at nanay na bagamat hindi palakibo ay ni minsan hindi niya naringgang nagtaas ng boses kanino man sa kanila kahit gaano sila kakukulit habang lumalaki. Higit sa lahat, nakikita niyang nagmamahalan ang mga magulang nila kahit umabot na sila sa ganoong edad.

"Masaya. Minsan nga lang nakakairita. Nakilala mo na rin naman ang mga kapatid ko." She admitted.

"Be thankful for having a family na kumpleto. You have something most of us don't have."

"Hindi ba kayo kumpleto?" Tanong ni Ice. Umiling si Nathan bilang sagot.

"I'm sorry. Tama ka, wala akong karapatang magreklamo gayung marami ang hindi buo ang pamilya."

"Kalimutan mo na iyon. Let's just focus on the present. Speaking of which, kamusta na ang paa mo? Sigurado kang hindi na natin kailangan ipatingin sa doktor iyan?" tanong ni Nathan.

"Ang kulit mo, sinabi nang hindi." Inirapan niya ang binata na nakatunghay sa kanya.

"Alright, if you say so."

Pumagitna ang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Naging abala si Nathan sa pagmamasid sa kabuuan ng silid ni Ice. Kulay krema ang pintura ng dingding at maroon ang kurtinang nakasabit sa may bintana. Wala siyang nakikitang kahit na anong poster na nakasabit sa dingding. Malinis ang kabuuan ng silid, maayos ang pagkakasalansan ng mga libro at iba pang gamit ni Ice. Kung mayroong nakatawag ng pansin sa kanya sa silid iyon ay ang floor to ceiling bookshelf ni Ice na inokupa ang buong dingding sa isang bahagi ng kuwarto. Punong-puno iyon ng mga libro mula sahig hanggang kisame.

"You read a lot," it was a statement from Nathan.

"Collection ko iyan mula sa mga book sale."

"How long have you been collecting those?" Na-curious na tanong ni Nathan.

"Mula noong seven years old ako. Dating college professor ang tatay ko. Sa kanya ko namana ang hilig sa libro dahil bata pa lang ako karay-karay na niya ako sa mga book sales para maghanap ng mga second hand na mga libro."

"I see."

"Nathan?"

"Yes?"

"Yung sinabi mo kanina?" paalala ni Ice.

"Ah yes. That was a joke to get back at your brother." Nakangiting pag-amin ni Nathan.

"Mabuti naman. Muntik na ako atakihin sa puso kanina. Sa susunod huwag ka nang magbibiro ng ganoon."

"Yes ma'am." Tila nakakaloko ang ngiti nito. Hinampas ni Ice ng unan ang mukha ni Nathan na umani naman ng halakhak mula sa binata.

Nang humupa na ang hampasan at tawanan nila, bumaling si Ice sa kaibigan. "Hindi ko madalas ginagawa ito pero gusto kong sabihin sa iyo na naaapprecicate ko ang mga bagay na ginagawa mo para sa akin. Thanks."

"That's the least I can do for a friend. Don't mention it."

Umuwi si Nathan pagkatapos nitong ubusin ang meryendang dinala ng nanay ni Ice. Bago magtanghalian ay bumalik ito, may bitbit na saklay para kay Ice. Ayon dito ay umuwi lang ang binata sa kanila at naligo pagkatapos ay bumili ng saklay para magamit ni Ice dahil may pasok sila mamayang hapon. Mukhang natuwa ang mga magulang at kapatid niya kay Nathan, patunay ang pag-imbita ng mga ito na doon na lang magtanghalian ang binata. Hindi nila ito binigyan ng pagkakataong tumanggi kaya napilitan na lang ito na saluhan silang kumain.

Dahil may saklay na, hindi na kailangang buhatin pa ni Nathan si Ice. Nakaya na ng dalaga na maglakad papuntang truck ni Nathan. Nasa kabilang dulo ng kalye naka-park ang truck ni Nathan kung kaya kailangan pa niyang tumawid. Bitbit ang backpack ni Ice, nagpatiuna na si Nathan sa sasakyan. Nakasunod naman si Ice sa binata. Hindi naman siya nag-alala na tumawid dahil residential area ang lugar at walang gaanong sasakyan sa oras na iyon, hindi naman kasi highway ang kalsada.

May ilang hakbang na lang ang layo ni Ice mula sa pinto ng truck ni Nathan nang maulinigan niya ang tunog ng paparating na sasakyan. Dahil malawak naman ang kalsada, tiwala siyang maiiwasan siya ng kung sino man ang nagmamaneho. Tamang-tama namang umikot si Nathan mula sa kabilang bahagi ng sasakyan para alalayan sana siyang makasampa sa truck. Nagulat na lang si Ice nang biglang sumigaw si Nathan. Hindi maproseso ng utak niya kung ano ang nangyayari dahil sa pagkabigla.

Ang tanging narinig niya ay ang boses ni Nathan na nagbabala sa kanya, pagkatapos ay nakita niya ang paparating na sasakyan na tila siya ang tinutumbok. Humahagibis ito, bagay na nakapagtataka dahil ipinagababawal sa lugar na iyon ang mabilis na pagpapatakbo ng kahit na ano'ng sasakyan maliban na lang kung emergency. Hindi na siya nakagalaw, ang tanging nasa isip niya ay siguradong mabubundol na siya kung kaya natulala si Ice. Ipinikit niya ang mga mata, naghintay na lang siya sa pagsalpok ng sasakyan sa katawan niya.

Pero walang nangyaring ganoon. Naramdaman niya ang paghaklit ni Nathan sa kanya palayo sa kapahamakan. Narinig niya ang pagmumura ni Nathan sa kung sino man ang driver ng sasakyang muntik nang makabundol sa kanya pero hindi man lang tumigil iyon. Sa halip, tuloy-tuloy itong sumibad papalayo para makatakas.

Noon lang niya na-realize kung ano ang posibleng nangyari kung hindi siya nahatak ni Nathan. Nakapikit pa rin si Ice, nakasubsob sa dibdib ni Nathan at nag-uumpisa nang manginig. Hindi niya mapigilan ang pangangatal ng katawan.

"Ice? Are you alright?" sapo ang mukha niyang tanong ni Nathan kay Ice. Naramdaman nito ang panginginig niya, niyakap siya uli nito. "Damn! Who was that asshole? Ang lapad-lapad ng kalsada, puwede ka niyang iwasan kung ginusto niya."

Iyon din ang nasa isipan ni Ice. Bakit hindi siya iniwasan ng driver? Bakit parang sinadya nito ang muntikang pagkakabundol sa kanya?

"Baka may emergency lang."

"Kung emergency nga, bakit hindi man lang bumusina?" Tiim-bagang na tanong ni Nathan. Dahil sa bilis ng pangyayari ay hindi niya nabasang mabuti ang plate number ng sasakyan. Ang tanging tumimo sa isipan niya ay ang huling dalawang digit nito.

"Hindi ko rin alam Nathan." Parang nahahapong tugon ni Ice.

"Huwag ka na lang kaya munang pumasok? Magpahinga ka na lang muna. You've had enough excitement for one day."

"Hindi. Kasama naman kita, ok lang ako." Tanggi ni Ice.

Isang tingin sa mukha ng dalaga ay nagpasya si Nathan na buhatin ito at ipasok sa truck nito. Pagkatapos ay pinulot niya ang nalaglag na saklay ni Ice sa kalsada at inilagay sa back seat. Ini-start na niya ang truck at nagsimulang mag-drive papunta ng St. Francis de Sales University.

Samantala, nagpupuyos sa galit ang driver ng sasakyang muntikan nang bumundol kay Ice. Kaunti na lang sana tapos na ang problema niya. Mawawala na sa landas niya ang haliparot na babaeng iyon. Pero minalas siya, hindi man lang niya nasagi ito kanina. Kung bakit ba naman kasi naroon din si Nathan. Ang galing din ng timing nito, saktong dadaan na siya tapos doon naman ito sumulpot mula sa gilid ng truck nito. Tuloy nakaligtas pa si Ice.

Matagal niyang pinlano ito, ngayon lang siya nakasilip ng pagkakataon. Madalas kasi kasama ni Nathan ang babaeng iyon. Kung hindi man si Nathan, ang dalawang kaibigan nito ang laging nakabuntot dito. Una niyang nakitang magkasama si Nathan at si Ice noong gabi ng acquaintance party ng department nila. Hindi siya nabahala noong una dahil sadyang lapitin naman talaga ng mga babae ang binata. Isa pa, hindi ang tipo ni Ice ang klase ng babaeng pinapatulan ni Nathan kung kaya nakampante siya na hindi ito magiging problema.

Pero nagkamali siya. Ang unang pagkakataong nakita niyang magkasama ang dalawa ay nasundan pa. Sa bench malapit sa university open field, parking lot sa university, sa bahay nina Nelson, sa Pancake House at ngayon naman hanggang sa bahay ng babae nagpupunta na rin si Nathan. Hindi na niya gusto ang nangyayari kung kaya gumawa na siya ng hakbang para mapigilan ang tuluyang paglalapit ng dalawa.

Naniniwala siyang sa oras na mawala sa landas niya si Ice ay maiisip ni Nathan na silang dalawa ang nararapat sa isa't-isa. Nabubulagan lang ang binata sa ngayon kaya nakasalalay sa kanya ang pagliliwanag ng isipan nito. Siya lang ang puwedeng tumulong kay Nathan kaya hindi siya dapat sumuko. Para sa kanilang dalawa rin ni Nathan ang lahat ng ginagawa niya. Pasasalamatan siya ni Nathan kapag na-realize nito na tama siya.

Tapos na ang klase nila Ice at Nathan. Iniwan muna siya saglit ni Nathan dahil may kailangan daw ito sa Chess Club. Siya na lang ang mag-isa sa classroom nila, nagsilabasan na ang mga kaklase. Sina Julienne at Laurie naman ay nauna nang malamang ihahatid siya ni Nathan pauwi. Tinukso pa nga siya ng mga kaibigan, solong-solo daw niya si Nathan.

Naiihi na siya kung kaya nagpasya siyang magpunta saglit sa CR tutal wala pa si Nathan. Wala nang masyadong estudyante sa third floor ng College of Engineering, kung meron may ay pawang may mga klase pa kung kaya mangilan-ngilan lang ang nakikita niya sa hallway. Nasa dulo ng pasilyo ang mga palikuran sa building na iyon pero kaya naman niyang lakarin.

Tapos na siya at kasalukuyang naghuhugas ng kamay nang biglang sumara ang main door ng CR. Napapitlag si Ice. Lumapit siya sa pinto at sinubukang pihitin ang doorknob pero ayaw. She'd been locked up. Nagkamali lang kaya ang janitor?

"May tao pa po dito, pakibuksan po ang pinto!" pagbabakasakaling sigaw ni Ice. Pero alingawngaw lang ng boses niya ang kanyang narinig, walang sumagot sa kanya.

Pawang laboratories ang tatlong magkakasunod na silid malapit sa CR at wala siyang namataang may tao sa loob nito kanina nang mapadaan siya kaya posibleng walang nakarinig sa kanya.

Maya-maya ay nakarinig siya ng kaluskos na nagmumula sa labas ng pinto. Nakahinga siya ng maluwag, may nakarinig naman pala sa kanya.

"Hello? Please pakisabi sa janitor na may tao pa dito. Nai-lock na nila ang pinto." Pakiusap ni Ice sa kung sino man ang nasa labas. Naghintay si Ice na sagutin siya ng tao sa labas pero ang ipinagtaka niya ay ang hindi nito pagkibo.

Sinilip niya ang ilalim ng pinto, may tao nga dahil may nakikita siyang isang pares ng sapatos na pambabae. Pagkatapos noon ay may isang piraso ng papel itong isinuksok sa pagitan ng espasyong naghihiwalay sa pinto at sahig. Ang sumunod na narinig ni Ice ay ang mga papalayong yabag.

Kinabahan na si Ice, hihingi ba ito ng tulong o iniwanan na siya nito? Noon niya napagtuunan ng pansin ang kapiraso ng papel sa sahig. Dahan-dahang pinulot niya ito at binuklat. May nakasulat sa papel at sigurado siyang patungkol iyon sa kanya.

Consider this your first and final warning. Stay away from Nathan.

Pakiramdam niya ay nanlaki ang ulo niya sa nabasa. Agad na bumalik sa isipan niya ang nangyari kanina bago sila pumasok ni Nathan sa klase. May pakiramdam siyang may koneksiyon ang pagkakakulong niya sa CR ngayon doon sa muntikan niyang pagkabundol. Pero sino ang may kagagawan?

Bago pa siya lamunin ng kaba, huminga siya ng malalim. Pilit niyang pinanaig ang katatagan ng loob. Siya si Ice Zuniga, hindi siya basta-basta matatakot sa mga ganoong pagbabanta. Kinapa niya ang bulsa ng pantalong maong na suot niya kung nasaan na ang cellphone niya. Gaya ng dati, butas-butas ito sa bandang tuhod dahil sa kalumaan. Maayos pa naman ang pantalon niya, sadyang sa bandang tuhod at hita lang talaga may diperensya. Pero paborito niya ang mga luma niyang pantalon kaya gusto pa rin niyang suotin.

Imbes na cellphone ang matagpuan, pakete ng sigarilyo at lighter niya ang nakapa ng mga daliri niya. Humugot siya ng isa at sinindihan. Nakatatlong hithit-buga na siya nang maramdaman ang pagkalma ng pagkabog ng dibdib. Nang masigurong maayos na kahit paano ang kanyang pakiramdam, hinanap niya uli ang cellphone sa mga bulsa niya. Natagpuan naman niya iyon.

Naka-off pala ang cellphone niya, naglow-bat na kasi. Wala pang isang minutong nai-on niya iyon ay siya namang pag-ring nito. Si Nathan ang tumatawag.

"Nasaan ka? Kanina pa kita hinahanap." Nag-aalalang tanong nito.

"Ladies' room. May nag-lock ng pinto hindi ako makalabas."

"What? Are you okay? Teka lang pupunta ako sa janitor's office."

"Ok na ako. Pero bilisan mo, low-bat na ang cellphone ko."

"On it." Iyon lang at tinapos na ng binata ang tawag.

Ilang sandali pa ay nabuksan na ang pinto sa CR. Sabi ng janitor, sadya ang pagkaka-lock ng pinto dahil sa labas lang puwedeng gawin iyon sa pamamagitan ng susi. Ang nakapagtataka, nasa pangangalaga nila ang mga susi sa bawat silid sa University. Pagkatapos nilang magpasalamat sa janitor ay inakay ni Nathan si Ice palabas ng building.

Papasok na si Ice sa truck nang tawagin siya ni Nathan. "I'll keep you safe."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro