Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 2: Best Friends

MABILIS KAMING nagkasundo ni Nate. Madalas akong pumunta sa kanila lalo kapag inaanyayahan ako ni Tita Olivia na roon mag merienda. Alam kasi nito na naiiwan lang akong mag-isa sa bahay kapag nasa trabaho si Mama na isang Certified Public Accountant at sa kapitolyo ito nagta-trabaho.

Sa saglit na panahon ay parang kilalang kilala ko na ang pamilya nila Nate. Napakabait nilang mag-iina. Kung ituring nila ako ay para bang ilang taon na kaming magkakakilala kahit ang totoo ay mag-iisang buwan pa lang naman.

Napag-alaman kong may binili silang three-storey house malapit dito sa apartment. Ni-re-renovate iyon para gawing cafe at bahay na rin mismo nila. Ang bahay nila sa katabing bayan ay ginawa namang paupahan. Dating manager si Tita Olivia sa isang malaking restaurant. Nagresign ito para sa itatayo nilang negosyo. Ang daddy naman ni Nate na si Tito Erman ay isang seaman. Ipinakilala niya ako rito noong minsan silang mag-usap through video call at nagkataong naroon ako sa kanila.

Mas lalo kong nakilala si Nate sa pagdaan ng mga buwan. Marami akong nalaman tungkol sa kanya. Matanda siya ng dalawang taon sa akin. Disi-otso anyos na at Senior High. Honor student, magaling magpinta, magaling mag gitara, kasama siya sa team ng basketball sa dati niyang school. Maging ang paborito niyang pagkain, kanta, pelikula, mga hilig gawin, mga ayaw, at mga kaartehan sa katawan—lahat ay nalaman ko na. Maski nga bilang ng nunal niya sa mukha.

Dahil iisang school ang pinapasukan, kahit noong nakalipat na sila sa bago nilang bahay ay kasabay niya pa rin ako sa pagpasok at pag-uwi. Kung hindi ihahatid ni Tita Olivia ay nag co-commute kaming dalawa. Hatid-sundo niya ako sa apartment. Naging routine na namin iyon. Nakakatuwa nga dahil kahit nagkaroon siya ng mga bagong kaibigan sa school ay hindi niya pa rin ako nakakalimutan.

“Bakit kita kakalimutan, eh, ikaw ang best friend ko?” aniya nang minsang mabanggit ko ang tungkol doon.

Patalikod akong naglakad para mas makita nang maayos ang mukha niya. Nakapamulsa siya habang naglalakad. Nasa akin ang tingin pero panaka-nakang tumitingin sa unahan.

Nakakalokong ngiti ang ibinigay ko sa kanya. “Talaga? Best friend mo ‘ko?”

“Bakit? Ayaw mo?” Nakataas ang dalawang kilay na tanong niya.

“Syempre, gustong gusto!” masigla kong ani. Malawak ang pagkakangiti ko nang muling tumabi sa kanya at ikawit ang braso ko sa kanya. “Dahil best friend mo ‘ko ibili mo ako no’n.” Turo ko sa dirty ice cream na nasa tapat ng building ng apartment.

“Buraot ka talaga, Paner!” natatawang aniya na tinanggal pa sa pagkakatali ang buhok. Agad siyang nagtatakbo nang mabilis.

“Bwisit ka talaga, Laya!” gigil na asik ko habang hinahabol siya pero masyado siyang mabilis. Natawa na lamang ako at tumigil na sa pagtakbo nang hindi siya maabutan. 

Nang makita ang pagtigil ko ay doon pa lang din siya tumigil sa pagtakbo. Mapang-asar siyang nakangiti habang pinapaikot sa hintuturo ang panali ko sa buhok. 

Habang nakatingin sa kanya, ramdam ko ang malakas na tibok ng puso ko. At hindi iyon dulot ng ginawa kong pagtakbo.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro