Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 1: Nice To Meet You

April, 2004

NAKASILIP AKO sa bahagyang nakabukas naming pinto; pinapanood ang tatlong kalalakihan na kanina pa nagpapabalik-balik sa katabi naming apartment. Naghahatid ang mga ito ng mga kagamitang pambahay. Naroon naman sa labas ang isang magandang ginang na wari ko’y nasa mid 40’s, ito ang nagmamando sa mga ito.

Sila yata ang sinasabi ni mama na bagong uupa rito sa apartment namin. Mabait naman mag-utos ang ginang at maamo rin tingnan ang mukha. 

Hinabol ko ng tingin ang kulay pulang bola na nagpagulong-gulong. Tumigil iyon sa mismong tapat ng aming pinto. Lalabas na sana ako para kunin iyon pero naunahan ako ng isang lalaki. Pinatalbog niya pa iyon sa sahig. 

Mataman kong pinagmasdan ang lalaki na kung hindi ko kasing edad ay baka matanda lang ng ilang taon sa akin. Matangkad ito, gwapo at maganda ang pangangatawan. Hindi naman siya payat pero hindi rin ganoong kataba. Nakatirik ang buhok na kahit hindi ko hawakan ay alam kong matigas dahil sa ginamit na gel. Makapal ang mga kilay, may katangusan ang ilong, at may kakapalan ang pang-ibabang labi. Mas nakatawag pansin nga lang sa akin ang maliliit na nunal niya sa mukha. 

“Sa’yo ‘yan?” masigla kong tanong. Itinuro ang bolang hawak niya gamit ang nguso. Doon lang siya nag-angat ng tingin sa akin.

“Ah, oo. Pasensya na.”

Tumango ako. “Kayo ba ang lilipat diyan?” pang-uusisa ko pa.

Tumingin siya sa gawi ng apartment na iyon bago ibinalik ang tingin sa akin. “Oo.”

Mukhang tahimik siyang tao base sa mga tipid niyang sagot. O baka naman nahihiya pa dahil bago lang siya rito at hindi pa kami magkakilala. Ganoon din naman ako kapag bagong kakilala ko ang isang tao, tahimik sa una pero kapag nakapalagayan ko na ng loob ay nagiging maingay rin.

“Kami naman ang nakatira rito.” Turo ko sa pinto namin habang nasa kanya pa rin ang paningin. Sinulyapan niya iyon. Tumango lang siya nang ibalik ang tingin sa akin. “Kami rin ang may-ari nitong apartment. Kung may kailangan o tanong kayo magsabi lang kayo sa amin,” nakangiting ani ko. 

“Sige, salamat!” tipid ang ngiting aniya.

“Ako nga pala si Katelyn Paner. Pwede mo akong tawaging Kate.” 

“Nathaniel Laya,” pakilala niya kasabay ng pag-abot sa kamay ko. 

Napangiti ako nang maramdaman ang malambot niyang kamay. “Ano’ng palayaw mo?”

Nagsalubong ang mga kilay niya. Doon pa lang ay alam ko nang hindi niya alam ang itinatanong ko. 

“Pa... layaw?”  may pagtatakang tanong niya. 

Mahina akong natawa. “Palayaw. Nickname ba.”

Nakanganga siyang tumango-tango. Mayamaya ay itinikom ang bibig at tumikhim. Kita ko ang dumaang hiya sa mukha niya.“Nate.”

Nakaramdam ako ng kilig nang marinig ang palayaw niya. “Kate. Nate.” Turo ko sa sarili ko at sa kanya. “Ang cute! Magkatunog pa ang palayaw natin.”

Kumunot muli ang noo niya pero isang segundo lang ay sumilay na ang isang matamis na ngiti sa labi. Naoangisngis ako dahil sa ngiti niyang iyon.

"Nate!"

Sabay kaming napalingon sa gawi ng apartment nila nang marinig ang pagtawag sa pangalan niya. Nakatingin na sa amin ang magandang ginang. Natitigan ko ang gwapong bata na nakayakap sa binti nito. Malaki ang pagkakahawig nito kay Nate.

“Come here! Mag lunch muna tayo sa labas. Gutom na ang kapatid mo.”

“Opo. Pupunta na po riyan,” sagot ni Nate. 

Nang dumapo ang tingin sa akin ng ginang ay binigyan niya ako ng isang magandang ngiti na ginantihan ko naman. Magaan ang loob ko sa ginang. Hindi kasi siya mukhang matapobre.

“That’s my mom, Olivia Laya. And my brother, Neil.”

“Ilang taon na ang kapatid mo?”

“Ten.”  

Tumango-tango ako habang na kay Neil ang paningin. Matangkad ito para sa edad na sampu. Nakita ko ang pagpadyak nito; nakasimagot na rin ang mukha. Mukhang mainit na ang ulo dahil sa gutom.

“Mauna na ako. Nagwawala na naman ang batang ‘yon.”

Mahina akong natawa sa sinabi niya. Napatingin ako sa kamay niya nang ilahad niya iyon sa harap ko.

 “Nice to meet you, Kate.”

Ngayon, ako naman ang tumanggap sa pakikipagkamay niya. Abot tenga ang ngiti ko.

“Nice to meet you, Nate!”

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro