Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 4

Charlie

Ano'ng nangyayari? Bakit ako hinahalikan ng lalaking ito? Alam naman niyang lalaki ako ngayon ah. Bihis lalaki naman ako.


Taena, hindi ako na-informed na lalaki rin pala ang gusto neto.


"Mmm..." Gusto kong sumigaw, pero ayaw ko namang igalaw ang labi ko dahil patuloy pa rin siya sa paghalik sa akin. Hawak rin niya ang likod ng aking ulo kaya hindi ako makaalis. Isa nalang ang naiisip kong gawin ngayon...


Bahagya kong binuka ang aking labi at kinagat ang pang-ibabang labi ng lalaki.


"Aaaah... fuuuuuck!" Agad siyang tumigil sa paghahalik sa akin.


"Hayop ka!" Marahas ko siyang tinulak palayo at pinigilan ko ang sarili kong hindi siya suntukin sa mukha.


"Aaahh..." Napahawak siya sa kanyang ulo at mukhang nahimasmasan rin siya sa pagtulak ko sa kanya.


Agad akong tumayo sa aking kinauupuan at tinaas ko ang aking mga kamao para ihanda ang aking sarili kung may gagawin pa ulit siya sa akin. "Sige! Lumapit ka! Susuntukin na talaga kita!"


Nagulat nalang ako nang bigla siyang tumawa. "Sorry, recruit, I'm just not myself whenever I'm drunk."


Pinanliitan ko siya ng mata. "Sa tingin mo ba nakakatawa ang ginawa mo? Kahit pa lasing ka, hindi 'yan excuse para pagsamantalahan mo ang isang tao, mapa-babae man o lalaki."


Hindi nakaimik ang gago.


"Ano, Commander? Aalis ka ba o hahatakin pa kita palabas?"


Tumayo na rin ang lalaki habang nakahawak sa kanyang ulo. Humakbang siya papalapit sa akin kaya tinaas ko ulit ang mga kamao ko.


"Hindi ka pa rin talaga aalis?" pasigaw kong tanong sa kanya.


Tiningala ko siya nang tumigil siya sa harap ko. "I'm really sorry. I never intended to take advantage of you. I promise to be more careful with my actions next time."


Ako naman ang hindi nakasagot sa kanya hanggang sa naglakad na rin siya palabas ng bahay.


Naiwan akong nakatayo sa aking pwesto ng ilang minuto bago rumehistro sa aking isipan ang mga sinabi niya.


Kaya naman pala niyang mag-seryoso sa buhay...


Pagkagising ko kinaumagahan, nagtungo ako sa talyer kung saan ako nagpa-part time tuwing umaga ng Sabado at Linggo. Pag-aari ito ng pamilya ng kababata ko sa probinsiya kaya agad naman akong natanggap sa trabaho.


Malapit lang rin ito sa tinutuluyan ko kaya naglalakad lang ako papunta sa talyer.


Nang makarating ako sa  talyer, binati ako ng isang lalaking nakasuot ng kulay gray na jumpsuit. Parehas ng suot ko ngayon. Ito ang uniform namin dito.


"Tol, kumusta? Ang aga mo ngayon ah," bati ni Eko sa akin na siyang kababata ko habang inaabot ang isang apretador na isang tool na ginagamit sa pagpapasikip at pagpapaluwag ng mga turnilyo.


"Utot mo. Maaga naman ako lagi ah," usal ko sabay kuha ng tool na inabot niya.


Tumawa naman siya. Magkasing-edad lang kami ni Jeriko "Eko" Lozano. Parehas na labing-walong taong gulang. Ang kaibahan lang namin, hindi na siya nag-aaral. Mas pinili niyang magtrabaho nalang dito sa talyer nila.


"Oh, Charlie, nandyan ka na pala." Kinawayan ako ni Mang Erik na tatay ni Eko habang may tinutulak itong malaking gulong.


"Tulungan ko na po kayo," ani ko habang tumatakbo papunta sa kanya.


"Masyado ka talagang masipag, Charlie. Baka mamaya ikaw ang kunin kong owner dito imbes na 'tong anak ko," pagbibiro pa ni Mang Erik.


"Tay naman," nakasimangot na sagot ni Eko sa tabi ko habang tinutulungan na ako sa malaking gulong na tinutulak ko.


Napatawa lang ako at nagsimula na kami sa pagtatrabaho. Kami lang ang mga babae dito sa talyer nila. Sabi ni Eko, kinuha lang daw nila ako dahil kilala nila ang aming pamilya. Pero kung hindi, malamang ay hindi rin ako natanggap sa trabahong ito.


Sanay naman ako sa kahit anong trabaho. Lumaki akong tumutulong kina nanay at tatay sa pagsasaka sa probinsya. Tapos dati ring mekaniko si tatay kaya natuto ako sa kanya sa mga ganitong klaseng trabaho.


"Tol, kumusta pala si Tay Carlos?" tanong ni Eko sa akin.


Napatigil ako habang pinupunasan ang pawis sa aking noo. Sa pagbanggit ni Eko sa aking tatay, naalala ko ulit kung bakit ako nagsusumikap ngayon sa pag-aaral at pagta-trabaho.


Na-diagnose si papa ng Myasthenia Gravis, isang autoimmune na kondisyon kung saan nagdudulot ng panghihina sa buong katawan. Akala namin noon ay na-stroke si papa dahil bigla nalang bumagsak ang katawan niya. Isa pala itong sakit na walang lunas. May gamot namang nireseta sa kanya, pero sobrang mahal nito at kailangan niya ito panghabambuhay.


Hindi ko alam kung hanggang kailan namin kakayaning tustusan ang mga gamot ni papa. Pero, hindi ako titigil at gagawin ko ang makakaya ko para lang mabuhay siya ng normal.


"Kaya mo pa ba?" tanong ulit ni Eko sa akin.


Bumuga ako ng hangin. "Kakayanin, tol. Kailangan eh."


Ngumiti naman si Eko. "Basta, nandito lang ako pag may kailangan ka."


Binalikan ko na rin siya ng ngiti. "Salamat."


"Luh siya, kinilig ka naman?" Pinatong pa niya ang kanyang kamay sa tuktok ng aking ulo.


"Asa ka!" Tinulak ko siya palayo habang umiiling.


Lagi akong tinutukso ng isang 'to at minsan naiisip kong may gusto siya sa akin. Pero, iniisip ko palang ay nasusuka na ako. Kaibigan lang talaga ang turing ko kay Eko at wala akong balak na sirain ito.


"Nga pala, tol, tinuloy mo ba yong plano mong pagpapanggap bilang lalaki para makapasok sa frat?" Biglang usisa pa niya.


Nasabi ko nga pala sa kanya ang tungkol dito. Siya lang ang pinagsabihan ko tungkol dito dahil siya lang naman ang pinagkakatiwalaan ko.


Siya rin ang sumama sa akin noon sa presinto para i-report ang kaso ni Kuya Chester, pero wala rin namang nangyari dahil wala akong ebidensiya at wala rin kaming pera para makakuha ng magaling na lawyer na hahawak ng kaso.


Kaya ko naisipang pumasok sa Omega Phi para makakalap ng impormasyon. Kailangang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni kuya. Hindi ako naniniwalang nagpakamatay siya. Hindi ako papayag na hindi mabulok sa kulungan ang taong pumatay sa kanya.


"Tinuloy ko," sagot ko.


"Seryoso ka ba? Baka mamaya mapano ka diyan sa ginagawa mo. Paano kung mabuko ka nila ha? Paano kung may mangyaring masama sayo? Hindi pa natin alam kung ano ang ginawa nila sa kuya mo," alalang sabi pa ng aking kaibigan.


Tumawa lang ako. "Pwede bang relax ka lang? Tsaka, kapag ramdam kong halata na nila, eh di magtatago nalang ako."


"Tapos ano? Iiwan mo pagko-kolehiyo mo?"


"Bahala na si Lord sa akin. Mabait naman ako kaya hindi niya ako pababayaan."


"Yan din ang sabi ng kuya mo noon, di ba? Kita mo kung ano ang nangyari sa kanya."


Tumahimik ako. Totoo naman ang sinabi ni Eko. Mabait si Kuya Chester kaya hindi ko talaga alam kung bakit nila siya pinatay.


Matapos ang araw ko sa talyer, kumain pa kami ni Eko sa karinderya malapit sa tinutuluyan ko. Libre naman niya kaya hindi na ako tumanggi pa.


"Ang sarap talaga ng libre," usal ko pa habang kumakain kami ng lugaw.


"Teka, anong libre? May bayad yan ah," saad naman ni Eko habang nakakunot ang noo sa akin.


Umiling lang ako sa kanya habang hinihipan ko ang aking kutsara.


"Pero, seryoso ako sa sinabi ko kanina, Cha. Itigil mo na yang pagpapanggap mo sa frat," biglang ani Eko.


Sumubo ulit ako ng lugaw bago ko siya tinignan. "Ikaw talaga. Walang mangyayari sa akin. Tsaka isa pa, marami naman kaming recruit. Siguradong hindi nila ako mapapansin."


"Basta, mag-iingat ka. Malilintikan ako sa kuya mo pag may nangyari sa'yo," sabi pa ulit ni Eko.


Maya't maya pa ay tumunog ang cellphone niya kaya kinuha niya ito agad.


"Oh tay? Bakit po?" sagot ni Eko sa kanyang cellphone. "Sige po. Balik nalang ako sa talyer."


Matapos ang pag-uusap nila, tumayo si Eko sa kanyang kinauupuan. "Mauuna na ako. Kailangan ako ni tatay sa talyer."


"Ha? Bakit raw? Kailangan niyo ba ng tulong? Pwede naman akong-"


"Hindi na. Kaya na namin. Umuwi ka na. Alam kong marami ka pang assignments na kailangan mong ipasa sa Lunes. Sige na. Bye!"


Iniwan na ako ni Eko mag-isa sa karinderya. Hindi pa niya naubos ang lugaw niya.


Tinapos ko na ang aking kinakain saka ako umalis na rin. Linggo ngayon kaya naisipan kong dumaan sa malapit na simbahan. Mabuti at naabutan ko pa naman ang misa sa hapon.


Umupo ako sa may huling row malapit sa entrance ng simbahan. Tahimik lang akong nakikinig sa sermon ng pari sa harap dahil ito ang naabutan ko.


Buong misa, taimtim kong pinagdasal na sana gumaling na si papa... na sana makayanan ko ang pagtatrabaho at pag-aaral ko dito at sana malaman ko na ang totoong dahilan ng pagkamatay ni kuya.


Sa haba ng sermon ng pari, nakailang beses ko pang kinurot ang sarili ko para hindi ako makaidlip. Sobrang napagod rin kasi ako kanina sa talyer.


"Bawal matulog dito," isang pamilyar na boses ang nakaagaw ng aking atensiyon sa aking tabi.


Bahagya akong napatingin sa aking katabi at doon ko nakita ang lalaking hindi ko inaasahang makikita ko dito sa loob ng simbahan. "Teka, ano'ng ginagawa mo dito?"


"Sshh," tinaas pa niya ang hintuturo niya sa kanyang labi para patahimikin ako.


Binaling ko nalang ulit ang tingin ko sa harap. Nawala tuloy ang concentration ko sa misa dahil sa pagdating ng lalaki. Siya pala 'yong biglang sumingit kanina dito sa tabi ko kahit na masikip na nga at halos hindi na ako makagalaw sa pwesto ko.


Dumating ang pagkanta ng Ama Namin at hindi ko na dapat itataas ang mga kamay ko pero biglang hinawakan ng katabi ko ang isa kong kamay kaya wala akong nagawa kung hindi ang sundin siya.


Pinigilan ko ang aking sarili na huwag magalit dahil nandito ako sa tahanan ng Panginoon.


Nang matapos ang misa, agad akong naglakad palabas ng simbahan habang ramdam ko ang pagsunod ng lalaki sa likuran ko.


"Recruit!" tawag niya sabay hawak ng aking kamay.


"Bakit ka nandito? May ipapagawa ka na naman sa akin?" Pigil na pigil ang galit ko habang nakatingin sa lalaki.


"Gusto ko lang humingi ng basbas kay Lord dahil sa kasalanan ko sa'yo kagabi."


Pinanliitan ko siya ng mata. "At dito pa talaga sa simbahan dito? Wala ba kayong simbahan sa subdivision niyo?"


"Recruit, if it isn't obvious, nandito ako para mag-sorry ulit sa'yo. I know I shouldn't have done that."


Tinaasan ko siya ng kilay habang nakatingin sa kamay niyang hawak pa rin ang braso ko.


"Hey, sorry na!" Agad niya akong binitawan sabay taas ng kanyang mga kamay. "Hindi ako makakatulog nang maayos, not until you forgive me wholeheartedly."


"Okay na nga, Commander, di ba?" Sarkastikong sagot ko.


"Hindi naman 'yan wholeheartedly," reklamo pa niya.


Ang arte. "Basta huwag mo nalang uulitin sa akin at sa kahit na kaninong walang permiso. Okay, Commander?"


Sumaludo ang lalaki. "Duly noted, signed and stamped!"


Umiling lang ako at nagsimula nang maglakad pauwi.


"Malapit ka na dito?" Biglang tanong ng lalaki habang sinusundan ako.


"Bakit? Ihahatid mo pa ako? Grabeng konsensiya naman 'yan."


Napatawa ang lalaki. "Hindi. Maglalakad-lakad lang ako. Sightseeing dito sa lugar niyo."


"Sightseeing? Eh wala namang makikita dito ah."


Ngumiti lang siya at nagpatuloy sa pagsunod sa akin. Ilang minuto ang lumipas at nakarating rin kami sa tapat ng apartment ko.


"Pasok ka na," pautos na sabi ng lalaki.


"Papasok naman talaga ako," binuksan ko ang pintuan habang nakatingin sa lalaking nakatayo pa rin sa harap ko. "Di ka pa aalis? Hindi kita papapasukin dito ha, 'kala mo."


Tumawa ulit siya. "Goodnight, recruit. Don't miss me too much." Kumaway siya sa akin bago ko siya sinarahan ng pinto.


Parang tanga 'yon.


Kinuha ko ang cellphone sa bulsa ng aking pantalon at nakita ang isang text mula sa unknown number.


"We know your secret. You can't hide from us, Charleston."


Muntik ko pang mabitawan ang aking cellphone sa aking nabasa. Agad akong napalingon sa aking likuran dahil parang biglang tumaas ang balahibo sa aking batok.


Napalunok ako nang ilang beses bago ako pumasok sa aking kwarto. Hindi ako nakatulog ng gabing iyon.


Taena. Sino itong nagtext sa akin? Si Commander ba? Alam na ba niya ang identity ko?

A/N: Sino kaya ang nag-text sa kanya? Hmm... may idea ba kayo?

Sorry, medyo short update lang ngayon, pero sana nagustuhan niyo pa rin.

tyaa. ~f

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro