Chapter 26
Charlie
Sabi nila, kapag naka-graduate ka na, magiging madali nalang ang paghahanap ng trabaho at kumita ng pera.
Pero, para lang 'yon sa mga naka-graduate ng college.
At sa mga katulad ko namang bumagsak at hindi maipagpatuloy ang pag-aaral... goodluck nalang sa paghahanap ng pera.
"Tol, galaw galaw para hindi ma-stroke, uy!" Siniko ako ng isang lalaking mas malaki at matangkad kaysa sa akin.
"Aray, Eko naman!" Napangiwi ako nang tapikin niya ang aking likuran.
"Tulala ka eh! Ang dami pang sasakyang naghihintay o," ani ng kababata ko na puno na rin ng pawis ang mukha.
Napatingin ako sa kotseng katabi ko na kanina ko pa dapat tinapos. May sira ang makina nito kaya nila pinaayos dito sa talyer kung saan ako nagtatrabaho.
Matapos kong bumagsak sa isang sem last year, nawalan na ako ng ganang bumalik sa pag-aaral ko ng architecture. Third na dapat ako ngayong taon eh.
Sa dami ng mga nangyari sa buong dalawang taon ko sa college, hindi na dapat ako nagtataka kung bakit ako bumagsak.
Sa totoo lang, hindi ko naman talaga pangarap na maging isang architect. Basta ang pangarap ko lang ay ang magkaroon ng trabahong makakapagbigay ng malaking pera sa akin para matulungan ko ang mga magulang ko.
Pero, ngayon, hindi ko na alam kung paano ko pa ito matutupad. Kaya nga hindi ko rin magawang umuwi sa probinsiya dahil wala akong mukhang maiharap kina papa.
"Hindi ka na ba talaga mag-aaral ulit?" tanong ni Eko sa akin kaya napatingin ako sa kanya.
"Eh ikaw rin naman ah. Bat di ka mag-kolehiyo?" asik ko.
"Wow ah. Ang sakit mo rin sa bagang. Hindi ba pwedeng nag-iipon lang ng pang-tuition?" depensa pa ng kaibigan ko.
"Oh, eh di ganon rin ako."
"Okay. Sabi mo eh."
"Hoy, magtrabaho kayo. Huwag puro daldal," utos ni Mang Erik na tatay ni Eko.
"Ikaw kasi," paninisi ko sa aking kaibigan.
Pinandilatan ako ni Eko. "Anong ako? Ikaw kaya."
Umiling nalang ako at bumalik na kami sa trabaho. Sanay naman ako sa pag-aayos ng mga sasakyan dahil dating mekaniko si tatay. Dinadala niya ako dati sa talyer namin tapos nakikita ko yong mga magagarang kotse ng mga kliyente nila.
Simula noon, pinangarap ko ring magkaroon ng sarili kong sasakyan. Akala ko matutupad ko agad ito kapag naging architect ako.
Pero, wala eh. Malas talaga ako. Siguro magiging mahirap nalang ako buong buhay ko. Bawi nalang sa next life... kung meron man.
Pagsapit ng alas-nuwebe ng gabi ay nagtungo ako sa Soul Club kung saan nagtatrabaho naman ako bilang waitress.
Mas disente ang club na ito kumpara sa ibang club. Nakapantalon rin ako sa trabaho kaya iwas sa pambabastos.
"Let's welcome our guest DJ for tonight! Galing pa siya sa LA, guys. Let's give it up for DJ Oryx!"
Nagsigawan ang mga tao sa loob ng club nang tumuntong sa harap ng stage ang isang lalaking nakasuot ng asul na jacket habang kita ang buong dibdib at abs nito. Marami rin siyang suot na necklace at singsing na kumikinang.
Nagpatuloy na ang lahat sa pagsasayaw nang magpatugtog ito ng dance music remix.
Naglakad-lakad lang ako habang naghahanap ng pwedeng ililigpit sa mga tables. Nagawi ang tingin ko sa may gilid at nakita ang isang lalaking may kahalikan na babae. Actually, dalawang babae ang kahalikan ng lalaking nasa gitna nila. Hindi pa rin talaga ako sanay sa ganitong scenario kahit nakapagtrabaho na ako dati sa club.
Hinayaan ko nalang at tinuon ang atensiyon ko sa aking trabaho. Basta wala lang mangbabastos sa akin, okay ako. Kailangan ko lang magtiis para sa pera.
Maya't maya pa ay nakarinig ako ng malakas na pagbasag ng bote sa gilid ng kwarto.
Malakas ang tunog mula sa speakers kaya kaunti lang ang nakapansin sa dalawang lalaking nagsusuntukan sa gilid.
May mga umaawat naman na sa kanila kaya hindi na ako lumapit pa. Baka mamaya madamay pa ako.
"Pre, tara na!" awat pa ulit ng isa sa lalaki.
Nang makaalis na ang isang grupo, nakita kong naiwan mag-isa ang lalaki habang minamasahe nito ang kanyang gilid ng kanyang mukha na tinamaan ng suntok.
"André, baby, you okay?" tanong ng isang babae habang tinutulungan ang lalaki na nakaupo pa rin sa sahig.
André? Teka, huwag mong sabihing nandito siya...
Napalunok ako habang papalapit sa lalaki. Magulo ang makapal at kulay caramel niyang buhok na parang hindi naligo ng ilang araw. Nakatingin lang siya sa baba na parang malalim ang iniisip.
Yumuko ako sa harap niya sabay bigkas ng kanyang pangalan. "André..."
Inangat ng lalaki ang kanyang ulo at bahagyang napangiti sa akin. Kasabay nito ang pagsingkit ng kanyang kulay turquoise na mga mata na hindi ko nakita ng isang taon. "Oh, heeeeey nosebleed, long time. Wait, nagtatrabaho ka pala dito?"
Naamoy ko ang alak mula sa kanyang bibig kaya napalayo ako kaunti at biglang nagising ang diwa ko. "Huwag mo nga akong tinatawag sa ganyan. Tsaka, nasaan na ang mga kasama mo?"
"Why? Concerned ka sa akin?" nakangising tanong pa niya.
Isang taon ko rin siyang hindi nakita. Huling beses ko siyang nakita ay noong sinabi ko sa kanyang layuan na namin ang isa't-isa. Simula noon, hindi na ako nagpakita sa kanya at ganon rin siya sa akin. Sa pagkakaalam ko naman ay ikinasal na siya kay Olivia.
"Mukha mo!" Tatayo na dapat ako nang biglang hawakan ni André ang aking kamay.
"Charles, don't leave me... please?" pakiusap ng lalaki sa akin at doon ko lang ulit narinig ang pangalang siya lang ang tumatawag sa akin.
Napatingin ako sa kanyang mga mata at agad akong tumiklop sa mga ito. "Kaya mo bang tumayo?"
"For you, I can," sabi pa niya kaya umiling ako.
Nilagay ko ang kamay ni André sa aking balikat para tulungan siyang tumayo. Di hamak na mas matangkad siya sa akin. Huling pagkakaalam ko ay isang pulgada nalang at six footer na siya.
"Paano ka uuwi niyan? Nakainom ka tapos alangan namang ihatid pa kita sa bahay niyo," ani ko habang pinapaupo siya sa velvet na upuan sa loob ng club.
"Sa apartment mo nalang," suggestion pa niya.
Agad ko siyang inirapan. "Ano ka, hilo? Bakit naman kita papatuluyin sa apartment?"
"Please, Charles?" pakiusap ulit niya habang nakapikit na ang mga mata nito at unti-unting nawawalan nang malay.
"Hoy, Andres! Huwag kang matutulog dito. Hindi kita kayang buhatin," usal ko pero tuluyan na niyang sinandal ang kanyang ulo sa aking balikat habang nakaupo kami.
Bumuga ako ng hangin habang ramdam ko ang bigat ng kanyang ulo sa aking gilid.
Saan ko ngayon dadalhin itong lalaking ito?
Agad kong hinugot ang aking cellphone sa aking bulsa at tinext ang kaibigan kong si Fina. Matagal ko na rin siyang hindi nakakausap pero siguro naman matutulungan niya ako dito sa lalaking ito bilang boyfriend naman niya ang isa sa mga bestfriends ni André.
To Fina:
Kasama ko si André dito sa club
Lasing na lasing
Pakisabi naman kina dok na sunduin siya
Ilang saglit pa ang lumipas at nag-reply rin si Fina.
From Fina:
Charlie!
Papunta na sila diyan
Bumuntong-hininga ako. Mabuti nalang at mababait ang mga kaibigan ng lalaking ito. Paano kaya nila nakakayang pakisamahan ang lokong ito?
"Please don't leave me..."
Bigla kong narinig ang mahinang hikbi mula sa lalaking nakatulog sa aking balikat.
Umiiyak ba ulit siya? Iyakin talaga ang isang 'to.
"Please..." patuloy na sambit ng lalaki habang nakapikit pa rin ang mga mata nito.
Napaisip tuloy ako kung ano ang nangyari sa kanya ngayon. Ang kilala kong André ay laging nakangiti at puno ng positibong enerhiya.
Puro pagpa-party ang inaatupag dati at kahit na graduate na siya ngayon, mukhang hindi naman siya nagtatrabaho. Wala siyang iniisip na babayaring upa, pagkain, utang. Anak mayaman eh. Walang problema sa mundo.
Pero, mukhang malaki ang problema niya ngayon. Isang taon rin kaming hindi nagkita kaya wala na akong alam sa buhay niya... at wala na rin dapat akong pakialam sa kanya.
"Charlie!"
Napatingin ako sa tumawag ng aking pangalan at nakita ang papalapit na si Dok Jale na nakasuot ng itim na hoodie.
Kasama rin niya si Logan na nakasuot lang ng puting sleeveless na tank top at gray jogging pants na mukhang galing sa gym.
Sina Jale at Logan talaga ang mga totoong kaibigan ni André. Saksi ako sa mga pagkakataong hindi nila iniwan si André sa kabila ng mga nangyari.
"What happened to him?" tanong ni dok habang nakatingin sa lalaking tulog pa rin sa tabi ko.
"Naglasing na naman ba?" Si Logan naman ang nagtanong.
Tumango ako. "May kinaaway siya kanina kaya sabog ang mukha."
Umiling ang dalawang lalaki sa aking harapan habang tinutulungan na si André sa pagtayo.
"Dito ka ba nagtatrabaho?" tanong ni Logan.
Tumango ulit ako. Oo nga pala. Hindi nila alam.
"Teka, hindi ka na ba nag-aaral ng archi-"
Siniko ni Jale si Logan kaya napatigil ito at mukhang naintindihan naman niya ang sitwasyon.
Tumawa ako sabay kamot sa aking batok. "Bumagsak ako eh kaya dito nalang ako."
"Charlie, if you need help-"
"Hindi na, dok. Salamat. Okay lang talaga ako. Humihinga pa rin naman," palusot ko para hindi na ako kaawaan pa.
"Sige, Charlie. Salamat sa pagtulong dito. Ingat ka," sabi pa ni Logan habang karga si André sa kanyang likuran.
"We'll go ahead, Charlie," sambit ni Jale bago sila tuluyang umalis.
"Wait, Charles..." Biglang nagsalita si André sa likod ni Logan. "I still want you."
Napatigil ang dalawang lalaki habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung alam nila ang totoong nangyari sa amin ni André, pero sa pagtitig nila sa akin ngayon, mukhang sinabi nga ni André sa kanila.
Napakurap ako habang tumatawa. "Ah... ano bang sinasabi niyan? May trabaho pa ako."
"Hindi ka ba pwedeng mag-early out?" tanong pa ni Logan sa akin.
"Hindi ko alam," sagot ko.
"Kausapin ko lang manager niyo." Umalis nalang bigla si Logan at mukhang seryoso sa kanyang gagawin.
"Charlie, what happened to you and this guy?"
Napatigil ako sa tanong ni dok. Ano nga ba?
"I'm sickeningly in love with her, bro," sagot ni André habang nakapikit pa rin ang mga mata nito.
Umiling ako sa sinabi niya. Sigurado akong isa na naman ito sa mga pakulo niya para paasahin at paghintayin ako.
Okay na ako eh. Nagmo-move on na ako sa kanya. Bakit ba nag-krus pa ulit ang landas namin? May balat nga talaga ako sa pwet.
Nakabalik na rin si Logan kasama ang manager namin sa club. Pinayagan nga akong umalis nang maaga kahit na halos kakasimula pa lang ng shift ko.
Paano kaya napapayag ni Logan ang manager namin? Binayaran kaya niya?
Tahimik lang ako sa likod ng kotse kasama ang tatlong lalaki. Katabi ko si André habang nakasandal ang ulo nito sa bintana.
Bigla kong naalala yong unang beses akong nakatuntong sa penthouse nila. Hindi naman ako officially parte ng friend group nila at lalong hindi naman ako girlfriend ng isa sa mga Omega Squad.
Pero ngayong papunta na kami sa penthouse, pakiramdam ko ay unti-unti na ulit akong pumapasok sa buhay ni André.
Teka, assuming na naman ako. Hindi ko pa rin sigurado kung totoo ba o kasinungalingan lang ang mga pinagsasabi ng loko.
Nang makarating kami sa penthouse, tinulungan namin si André na makahiga sa kanyang kama.
"Charlie, doon ka nalang sa dati kong kwarto matulog. I-lock mo ang pintuan, just in case," paalala pa ni Logan sa akin.
"Teka, kami lang dalawa dito sa penthouse?" nalilitong tanong ko.
Tumango ang dalawang lalaki.
Tinapik pa ni Logan ang balikat ko. "Congrats. Hanggang ngayon, ikaw pa lang ang babaeng nakakapasok dito sa kwarto niya sa penthouse namin."
"Goodnight. Stay safe," sabi pa ni dok bago sila tuluyang umalis.
"Tsaka kung gapangin ka niya, suntukin mo lang," tumatawang advice ni Logan sa akin.
Naiwan akong nakatayo sa tabi ng kama ni André. Dapat ba matuwa ako na ako palang ang babaeng nakapasok dito?
Bumuga ako ng hangin habang nililibot ang aking mata sa buong kwarto. May tatlong desktop screen na naka-setup sa tapat ng kama niya. Umiilaw rin ngayon ng iba't ibang kulay ang mga keyboard nito.
May isang shelf naman sa gilid na puno ng maliliit na toy cars at anime figures na nakalagay pa sa mga display box. Nandito pa rin pala ang mga collection niyang ito. Walang nagbago sa loob ng kwarto niya.
Napatingin ako sa lalaki habang nakapikit pa rin ang mga mata nito.
Unti-unti akong lumapit sa kanya. Yumuko ako para tignan ang mga pasa niya sa mukha. Magang-maga ang mga ito.
Sa kabila ng mga namumula at kulay lilang pasa ay makikita pa rin ang kagwapuhan ng lalaki. Hindi nakakasawang tignan ang mukha niya. Parang anghel na nahulog mula sa kalangitan kahit na minsan ay may pagka-demonyo siya.
Kaya naman hindi nakakapagtakang maraming babae at lalaki ang di magkanda-ugaga sa kanya. Pati nga ako nahulog sa bitag niya.
Umiling ako bago pa ulit ako mahulog dito.
Aalis na dapat ako nang bigla niya akong hinila kaya napahiga ako sa ibabaw niya. "A-André, ano ba? Pakawalan mo ako."
"Charles, can we start over?" mahinang sambit ni André habang kita ko ang mga luhang kumawala mula sa kanyang mata. "Please, I'm dying..."
Ilang beses ko nang nakitang umiyak ang isang Alexandré Deux Laurent. Pero, iba ang iyak niya ngayon.
"I'm craving for you, Charles," pabulong nitong sabi sabay hawak sa gilid ng aking mukha. Unti-unti nitong nilapit ang kanyang mukha sa akin hanggang sa maramdaman ko ang pagdampi ng init sa aking pisngi mula sa kanyang labi.
Sa pagkakataong ito, gusto ko siyang yakapin nang mahigpit at sabihing nagsinungaling ako at ang totoo niyan ay gusto ko rin siya noon pa.
"Please let me love you this time," dagdag pa niya.
Pero, kailangan kong pigilan ang aking sarili. Kung kailangan kong iuntog ang ulo ko sa pader nang paulit-ulit, gagawin ko dahil alam kong kasal na ang lalaking ito kay Olivia.
"Hindi na tayo pwede, André," sagot ko sa lalaki habang tinutulak ko siya palayo sa akin.
Dahil sa mata ng Diyos, didiretso ako sa impiyerno pag pinagpatuloy ko pa ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro