Chapter 22
Charlie
Hindi ko pa nababasa ang text ni André kahit na nakauwi na ako sa apartment namin. Pagkakita ko palang ng "Hey Dad" sa unahan ng text, ramdam ko na kung gaano kaseryoso ang laman nito.
Siguro hindi ko na dapat siya tinanong pa kung bakit siya galit sa stepmom niya. Hindi na dapat ako nakikialam sa buhay ni André.
Pero nang makita ko siya kanina sa restaurant, hindi ko na naman napigilan ang sarili ko. Lalo na noong narinig kong pinipilit siyang sumamang makipag-bonding kasama ang stepmom niya.
Kung anuman ang dahilan ng galit ni André sa stepmom niya, naniniwala akong galing ito sa isang malalim at madilim na lugar.
"Charlie, hindi ka naman kumakain ng cake," puna ni Fina habang kumakain kami ng hapunan. Binigay ko sa kanya ang cake na ginawa ni André.
"Himala yata at kumakain ka ngayon?" puna ko.
"Sakto nga eh dahil nagke-crave ako nito. Sino ang nag-bake nito? Si Chef Bong ba?"
Umiling ako sabay subo ng cake. "Si André."
Nanlaki ang mga mata ni Fina. "Si André? Nagbe-bake siya? Eh, pero teka, hindi ba hindi naman siya nagtatrabaho tuwing Sabado at Linggo doon?"
Sumubo ulit ako ng cake. In fairness, masarap ang timpla niya. Mukhang may talento siya sa pagbe-bake ah. "Hindi ko rin alam," sagot ko.
"Pero ang sarap talaga neto ha," sambit ulit ni Fina.
Tumango lang ako. "Ikaw? Kailan ka magpapa-checkup?"
Napatigil si Fina sa pagsubo ng cake. "Ah, hindi ko pa alam. Kailangan ko pang tapusin yong plates natin. Tapos mo na ba?"
Ako naman ang natahimik ngayon. Hindi ko pa tapos ang plates ko, pero kailangan kong magtrabaho. Sayang ang kita sa isang araw na hindi ako magtatrabaho. Pambayad ko rin ng upa ko dito sa apartment namin yon.
"Charlie, napapansin ko lang na nale-late ka na sa pagpasa ng mga plates natin. Di ba kailangan nating i-maintain ang grades para manatili tayong scholar?"
"Alam ko, Fina. Sinusubukan ko namang tapusin ang mga plates natin. Kailangan ko lang talagang magtrabaho."
"Huwag mo rin sanang pabayaan ang pag-aaral mo," paalala pa niya sa akin.
"Kaya ko namang pagsabayin," usal ko.
Bumuntong-hininga siya sa aking harapan. "Nag-aalala lang ako sa kalusugan mo. Halos hindi ka na natutulog."
Napalunok ako. May punto naman siya. Minsan, nagtatrabaho rin ako kahit weekdays pagkatapos ng klase namin. Pumapayag naman ang manager sa restaurant. Dahil kung hindi ako magtatrabaho, saan ako kukuha ng pera sa araw-araw? Wala naman akong ibang maaasahan.
"Charlie, sinasabi ko lang ito kasi kaibigan kita at ayaw kitang mapahamak."
Binigyan ko siya ng ngiti. "Salamat sa pag-alala, Fina. Pero pwedeng alagaan mo rin ang sarili mo? Kailangan mo na talagang magpa-check up sa OB."
Bumuntong-hininga si Fina. "Sige, magpapacheck na ako bukas pagkatapos ng klase."
Matapos naming kumain ng hapunan ni Fina, bumalik na ako sa aking kwarto at sinimulan ang plates namin. Wala pa akong nagagawang ni anong draft.
Sobrang ngalay ng mga braso at kamay ko at sa tuwing susubukan kong mag-drawing ay walang matinong lumalabas. Hindi rin ako makaguhit ng straight na linya kahit na gumamit ako ng T-Square ruler.
Inalog ko nang paulit-ulit ang aking mga kamay, pero nanatili ang pagnginig ng mga ito.
Nilapat ko ang aking ulo sa drafting table sabay buntong-hininga. Siguro kung itutulog ko muna saglit, mawawala na ulit ang hand tremors ko at makakabalik na ako sa pagguhit nang maayos.
Matutulog lang ako ng ilang minuto...
Tititit-tit-tit... Tititit-tit-tit... Tititit-tit-tit...
Binuka ko agad ang aking mga mata nang marinig ko ang alarm malapit sa aking ulo. Kinapa ko ang cellphone sa table habang inuunat ang aking ulo.
Bumagsak ang panga ko nang makita ko ang oras. 5:00 am.
Umaga na at wala man lang akong nagawang plate kagabi. Shutaena.
Mabilis akong naghilamos at nagsuot ng uniform ko para sa trabaho. Agad akong lumabas sa apartment habang sinusuklay ang buhok gamit ang isang kamay.
Linggo ngayon kaya walang masyadong tao at mga sasakyan at agad rin akong nakarating sa hotel.
"Good morning, Charlie," binati ako ni Bryan na nakasabay ko sa pagpunta sa staff room.
"Morning rin," sagot ko. "May trabaho ka na rin pala tuwing Linggo?"
Tumango ang lalaki. "Oo, kailangan eh."
Ngumiti ako. "Parehas pala tayo. Sige, una na ako."
"Uh, teka, Charlie..."
Napatigil ako at napalingon kay Bryan. "Bakit?"
"May gagawin ka ba mamaya pagkatapos ng shift mo?"
"Baka sumaglit lang ako sa simbahan. Bakit?"
"Sige. Sabay na tayo."
Tumango lang ako. "Sige."
Nagsimula na rin ang shift ko sa restaurant. Medyo maraming guests dahil may nagpareserved na VIP client at mukhang may mini reunion sila dito sa hotel.
Hindi ko namalayan ang oras at natapos na naman ang trabaho. Palabas na ako ng staff room nang makita ko si André na nakatayo at mukhang may hinihintay. Baka si Olivia...
"Charles, nabasa mo na?" Biglang tanong sa akin ni André nang magtama ang tingin namin.
Napatigil ako sa aking kinatatayuan at doon ko lang naalala ang text niya sa akin kahapon. Nawala ito sa isip ko saglit dahil sa pagod ko at sa inaalala kong plates na kailangan kong tapusin.
"Charlie, tara na?" Dumating si Bryan mula sa kabilang staff room habang nakatingin sa amin ni André.
"Never mind. Huwag mo nang basahin." Umalis nalang bigla si André at hindi na hinintay ang sagot ko.
"Charlie, okay ka lang?" tanong ni Bryan sa akin habang naglalakad na kami palabas ng hotel.
Tumango lang ako sa kanya habang iniisip ang laman ng text ni André. Wala akong ideya kung ano ang sinulat niya doon at kung bakit naka-address ito sa daddy niya. Napaisip tuloy ako kung nasaan ang daddy niya.
"Hindi ko alam na close pala kayo ng fiancé ni Ma'am Olivia," sambit ni Bryan sa tabi ko.
Napatigil ako sa paglakad habang umaalingawngaw sa aking isip ang mga salitang "fiancé ni Olivia." Kailangan ko na talagang maalis si André dito sa sistema ko.
"Hindi kami close," walang ekspresyong sagot ko.
"Ah, hindi ba?" tumatawang tugon ni Bryan.
Nang makarating kami sa simbahan, malapit nang matapos ang misa. Una kong pinagdasal sina mama at papa na sana ay lagi silang malusog at malakas para mabigyan ko pa sila ng magandang buhay.
Pinagdasal kong sana ay mabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ni Kuya Chester.
Pinagdasal kong sana ay makapasa ako ngayong second year ko sa Architecture at sana maka-graduate ako.
Pinagdasal ko rin si Fina na sana ay magtuloy-tuloy na ang pagbalik ng sigla niya sa kabila ng lungkot na nararamdaman niya, at kung buntis nga siya, sana ay makayanan niya ito.
Pinagdasal ko rin si André na sana ay maging masaya siya palagi... silang dalawa ni Olivia.
Hinatid ako ni Bryan patungo sa sakayan papunta sa apartment. Bago kami maghiwalay, napatigil ako nang hawakan niya ako sa braso.
"Charlie, pwede ba kitang ligawan?"
Kumurap ang aking mga mata sa tanong ni Bryan. Mas matanda siya ng ilang taon kaysa sa akin. Ang alam ko ay parehas sila ng edad ni André. Pero hindi sumagi sa aking isip na magkakagusto sa akin si Bryan. Parang kuya lang ang turing ko sa kanya.
"B-Bryan..." hindi ko alam ang isasagot ko. Wala pa namang nagtatanong nito sa akin.
"Alam kong ilang buwan palang tayong magkakilala, pero totoong gusto na kita, Charlie..." Bumaba ang kamay niya mula sa aking braso hanggang sa hawak na niya ang kamay ko.
Hindi naman siguro masama kung pumayag ako. Wala namang ibang nanliligaw sa akin. At baka wala nang ibang magkakagusto pa sa akin. Mabait naman si Bryan at may itsura rin kahit papaano.
"Hindi mo ako kailangang sagutin agad, Charlie. Maghihintay naman ako," dagdag pa niya.
Tumango nalang ako. "S-Sige."
Nakita ko ang ngiti sa labi niya. "Salamat, Charlie. Uh... sige. Ingat ka sa pag-uwi."
Ngumiti na rin ako sa kanya. "Ingat ka rin."
Nang makarating ako sa apartment, tahimik ang paligid. Kinatok ko ang kwarto ni Fina pero walang sagot. Baka lumabas rin siya kasama ang nanay at kapatid niya ngayong araw.
Agad akong nagbihis ng damit para masimulan ko na rin ang plate ko. Inunat ko ang aking mga kamay habang nakaupo na ako sa harap ng aking drafting table.
Kinuha ko ang aking cellphone para tignan ang oras. 7:34 pm.
"Okay, kaya ko to. Matatapos ko to!" pangungumbinsi ko sa aking sarili nang maalala ko ulit ang text ni André.
Umiling ako. "Hindi. Hindi ko muna babasahin. Kailangan kong tapusin tong plate ko."
Bumuga ako ng hangin saka ko sinimulan ang pagguhit. Naka-ilang erasures, inat at hikab rin ako. Tinignan ko ulit ang oras sa aking cellphone. 3:17 am.
Isa plate lang naman ang kailangan kong tapusin, pero major subject kasi tapos bukas na ang deadline. Akala ko matatapos ko agad sa isang upuan lang. Pero sa sobrang pagod ko, hindi na nagana ang utak at kamay ko.
Mag-absent nalang kaya ako bukas?
Huminga ako nang malalim. "Hindi. Ginusto ko to. Tatapusin ko to."
Nagtimpla ako ng kape para hindi na talaga ako makatulog neto.
Sa awa ng Diyos, natapos ko naman ang plate ko matapos ang ilang oras. Pumasok kami ni Fina sa klase kinaumagahan na maga ang aking mga mata.
"Charlie, pwede bang samahan mo ako mamaya sa clinic?" tanong ni Fina sa akin.
"Oo naman," sagot ko habang nagpipigil ng hikab.
"Hindi ka ba natulog kagabi?"
Nginitian ko siya. "Okay lang ako. Matutulog ako mamaya, promise."
"Baka magtrabaho ka na naman sa hotel mamaya pagkatapos ng klase."
"Kung tawagan nila ako... sayang naman kasi..." Pinilit kong ngumiti. "Tara na nga."
Umiling si Fina sa akin at dumating na rin ang prof namin sa Architectural Design. Matapos ang klase namin, agad ko siyang sinamahan sa OB-GYNE clinic sa FU Hospital. Buong araw kong kasama si Fina para kalmahin siya lalo na noong nakumpirma na nga namin na buntis siya.
"Fina, tahan na..." Kanina ko pa siya pinapakalma. Kahit na anong sigaw at galit niya sa akin ngayon, alam kong kailangan niya ng kasama.
"Charlie, hindi ko kayang buhayin ito nang mag-isa!"
"Pero hindi ka naman mag-isa, Fina," saad ko.
Naiintindihan ko naman si Fina ngayon. Siguro kung ako rin ang nasa sitwasyon niya, hindi ko rin alam ang gagawin ko.
Mabuti nalang at dumating si Dok Jale at Koleen para tulungan akong kumbinsihin si Fina na huwag ipa-abort ang baby niya. Pinatuloy na muna nila si Fina sa condo ni Koleen para mas mabantayan nila siya.
"Ikaw, Charlie? Okay ka lang? Baka gusto mong tumuloy rin dito sa condo?" Offer ni Koleen sa akin.
"Ha? Naku, huwag na, pres. Si Fina nalang ang bantayan niyo. Kaya ko na ang sarili ko," sambit ko.
"Gusto mo ihatid ka na ni Jalen pauwi sa apartment mo?"
Umiling ako. "Okay lang talaga ako, pres. Maraming salamat. Kayo na muna bahala kay Fina."
Tumango naman ang dalawa sa akin. Hindi na ako nakapagpaalam kay Fina dahil mahimbing na ang tulog niya sa kwarto. Napagod siguro siya kakaiyak simula kaninang umaga.
Natapos ang araw na sobrang bigat ng aking ulo at mga mata. Gusto ko na talagang matulog. Wala namang text galing sa manager namin sa restaurant kaya makakatulog ako agad nito.
Paglabas ko ng building, binati ako ng buhos ng ulan. Mabuti nalang at isang jeep nalang ang layo ng apartment mula dito.
Agad akong nakarating sa apartment kaya matapos kong magpalit ng tuyong damit, bumagsak ang katawan ko sa kama.
Hindi ko alam kung ilang oras akong nakatulog. Pagmulat ko ng aking mga mata, rinig ko pa rin ang buhos ng ulan mula sa labas.
Nakahiga lang ako sa kama nang makita kong umilaw ang aking cellphone malapit sa unan ko. Kinuha ko ito at nakita ang text mula kay Fina.
"Thank you ulit, Charlie."
Ngumiti ako habang nagtitipa ng reply sa kanya. Maya't maya pa ay nakita ko ang text ni André. Pinindot ko ito at nakita ang isang mahabang text.
"Hey Dad..."
Huminga ako nang malalim at inayos ko ang aking upo sa kama bago ko ito binasa.
"That woman is the reason why I'm writing this letter to you. I bet you have no idea how she was sneaking into my room at night and touching me in places I never wanted to be touched..."
Nabitawan ko ang hawak sa aking cellphone nang mabasa ko ito. Parang hindi pa rin ito pumapasok sa utak ko.
Binasa ko ulit ang nakasulat sa text.
"Yes, you read that right. She was abusing me physically... sexually."
Hindi ko inakalang ganito kalala ang ginawa ng stepmom niya. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit ganoon nalang siya kagalit dito.
Hindi ko alam kung paano nagagawang ngumiti ni André sa kabila ng mga pinagdaanan niya. Hindi ko lubos maisip kung gaano siya naghihirap mag-isa sa mga panahong iyon...
Nanginginig pa rin ang mga kamay ko nang hawakan ko ulit ang aking cellphone para ipagpatuloy ang pagbabasa ng liham niya sa kanyang daddy.
"I didn't tell anyone. I couldn't. I was too scared and embarrassed and weak. I wanted to kill myself several times, but I kept on thinking about my brothers..."
Unti-unting umakyat ang dugo sa ulo ko habang rinig ko ang malakas na kidlat mula sa labas.
Maya't maya pa ay nakita ko ang number ni Fina na tumatawag na sa aking cellphone.
"Hello, Fina? Bakit?"
"Si André. Hindi nila mahanap si André," hingal na sagot ni Fina habang pinoproseso ko ito.
"A-Anong ibig mong sabihin?"
"Narinig ko kina Dok Jalen na namatay daw ang lolo niya ngayon lang."
Agad akong tumayo at nagsuot ng jacket na bigay ni André sa akin noon. Kinuha ko rin ang aking payong at nag-martsa palabas.
Kailangan kong hanapin si André.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro