Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 20

Charlie

Mabilis natapos ang summer break. Hindi ko namalayan na second year na ako sa college. Nakapag-ipon naman ako kaunti sa pagtatrabaho ko sa hotel. Ngayong balik na ulit ang klase, pumayag naman silang tuwing Sabado at Linggo nalang ako magtatrabaho, pero hindi na bilang hotel attendant, kung hindi bilang waitress sa restaurant ng hotel.


"Wala akong ganang kumain, Charlie," sabi ni Fina nang ayain ko siyang maghapunan.


Sa sobrang busy ko sa aking buhay, hindi ko na rin naisip kumustahin ang kaibgan ko. Alam kong nahihirapan rin siya ngayon dahil sa nangyaring sunog sa bahay nila at ang pagre-recover ni Kell sa States.


"Ang sama rin ng pakiramdam ko," dagdag pa niya habang napansin kong maputla ang labi niya.


Agad kong nilagay ang kamay ko sa kanyang noo. "May lagnat ka ba? Huwag ka nalang kaya munang pumasok sa restaurant bukas. Sabihan ko nalang si Olivia."


Binigyan niya ako ng maliit na ngiti. "Okay lang ako, Charlie. Nag-aalala lang ako kay Kell. Hindi ko na alam kung ano ang nangyayari sa kanya."


Nilagay ko ang aking kamay sa kanyang likod at tinapik ito nang marahan. "Magiging okay rin siya. Tiwala lang."


Tinago niya ang kanyang mukha gamit ang dalawang kamay at narinig ko ang mahinang pag-iyak nito. "Miss na miss ko na siya," pag-amin niya sa akin.


Binalot ko siya ng aking mga kamay at niyakap nang mahigpit. Hindi ko alam ang sasabihin ko kaya ito nalang ang gagawin ko. Mahal na mahal na nga ni Fina si Kell. At alam kong ganoon rin si Kell kay Fina.


"Hindi ko alam kung hanggang kailan ko makakayang hindi siya makita," humihikbing sabi ni Fina.


Napatigil ako at bigla kong naisip ang isang taong matagal ko na ring hindi nakita. Simula noong araw na nakita ko siya sa rooftop, hindi na ulit nag-krus ang landas namin ni André. Alam ko namang engaged na sila ni Olivia kaya kailangan ko na ring kalimutan kung anuman itong nararamdaman ko para sa lalaki.


Lumipas pa ang ilang araw at binuhos ko nalang ang oras ko sa trabaho.


"Nga pala, may bago kayong kasama ngayon dito sa restaurant," sabi ng manager namin isang araw.


"May bago ulit, boss?" tanong ko at ngumiti naman siya.


"Nasa loob siya ng kusina. Makikita niyo rin siya mamaya."


Tumango lang ako at sinamahan si Fina sa staff room para magpalit ng uniform. Napansin kong nitong mga nakaraang araw ay nanghihina si Fina kaya hindi ko maiwasang mag-alala. Lagi rin siyang nagsusuka. Hindi ko tuloy maalis sa isip ko ang posibilidad na buntis siya.


"Fina, mas mabuti sigurong magpa-checkup ka na. Sasamahan naman kita," pagkumbinsi ko.


"Charlie, natatakot ako..."


Hinawakan ko ang kamay niya. "Fina, nandito naman ako. Hindi kita iiwan."


"Kung... buntis nga ako... paano ko bubuhayin ang batang ito na wala si Kell?" Mangiyak-ngiyak na sambit ni Fina.


Nilapitan ko siya at niyakap nang mahigpit. "Tutulungan ka namin, Fina. Huwag kang mag-alala."


Tumango naman ang babae at pumasok na kami sa restaurant para sa shift namin. May mga guests na ring naghihintay ng breakfast buffet nila.


"Charlie, pakikuha yong birthday cake para dun sa isang guest natin sa table 3," utos ng manager sa akin kaya nagtungo ako sa loob ng kusina.


"Chef, nasan ang cake para sa guest sa table 3?" tanong ko sa isang chef namin.


Ngumuso ang chef sa akin habang tinuturo kung nasaan ito. Sinundan ko ang tingin niya at nakita ang isang lalaking nakatalikod sa amin. Mukhang hindi pa niya tapos sulatin ang dedication sa plato.


Lumapit ako sa kanya. "Uh, sorry po, pwede na bang kunin yang cake para sa guest?"


Inayos niya ang kanyang pagkakatayo at lumingon sa akin. Ilang segundong tumigil ang utak ko nang makita ko kung sino ang kaharap ko ngayon.


"A-André?" Mabilis ang pagkurap ng mga mata ko habang nakatingin pa rin sa lalaki. "Ano'ng ginagawa mo dito?"


Ngumiti lang siya sabay baba ng hawak niyang piping bag. "Sorry, bago lang ako dito," sabi pa niya habang inaabot na ang plato na may slice ng cake at dedication.


Nakaawang pa rin ang mga labi ko habang nakatitig sa mukha ni André. May kaunting bakas ng pink na icing sa kanyang pisngi at gusto kong punasan ito.


"Charlie, hinihintay ka na sa labas," sigaw ng isang staff sa akin.


Tinaas ni André ang dalawang kilay niya. "Hinihintay ka na raw, Charles."


"Teka, may..." Ngumuso ako. "Mantsa ka sa mukha."


Kumunot ang noo niya. "Huh?"


Bumuga ako ng hangin bago ko tinaas ang aking kamay para abutin ang pisngi niya at punasan ang icing.


"Ayos na," sambit ko sabay kuha ng plato ng cake mula sa kamay niya at naglakad na palabas ng kusina.


Matapos kong iabot ang cake sa guest at kumanta ng happy birthday kasabay ng tugtog ng birthday song sa buong restaurant, bumalik na ulit ako sa aking pwesto sa gilid.


Akala ko ay kakalma na ang pagtibok ng aking puso, pero hindi pa rin pala.


Taena. Ano ang ginagawa ni André ngayon dito sa restaurant?


Dumating ang lunch break at nagkasabay naman kami ni Fina. Nakita rin niya si André sa kusina at nalaman naming siya ang tinutukoy ng manager na bagong staff dito.


"Pero, bakit siya nagtatrabaho? Hindi ba mayaman sila?" tanong ko habang kumakain ng sushi na galing sa kusina.


Nagkibit-balikat naman si Fina. "Baka gusto lang niyang subukang magtrabaho para magkaroon ng experience."


Umiling ako sabay subo ulit ng sushi. "Hindi ko pa rin maintindihan."


"Charlie!" Isang matinis na boses ng babae ang tumawag sa akin.


Paglingon ko ay nakita ko si Olivia na nakasuot ng floral dress. Nang marating niya kami sa may gilid ng restaurant, umupo siya sa tabi ko.


"Ma'am Olivia, thank you pala sa pagtanggap sa akin dito," ani Fina.


"No problem. Friends naman kayo ni André, so we're friends now too," tugon naman ni Olivia. "Anyway, lunch break niyo na pala? Nakita niyo ba si André?"


Napatigil ako sa paglunok kaya nabilaukan ako. Napaubo pa ako nnang malakas kaya napatingin ang ibang guests sa aming table.


"Oh my God, are you okay?" alalang tanong ni Olivia.


"Charlie, inom ka muna," sabi naman ni Fina sa akin habang inaabutan ako ng baso ng tubig.


Uminom muna ako ng tubig bago ako nagsalita. "Salamat. Tsaka oo, nakita ko siya sa loob ng kitchen."


Tumango si Olivia. "Gusto niya kasing mag-work dito. I don't know why. His lolo offered him an internship sa company nila, but he declined. Sabi niya gusto niyang i-try muna dito."


"Kaya pala," mahinang sambit ni Fina.


Hindi pa rin ako makapaniwalang pinili niyang magtrabaho dito kaysa sa company nila. Ano naman ang matututunan niya dito?


Natapos ang shift ko ngayong araw na ilang beses kong nakita si André dahil sa pabalik-balik kong pagpunta sa kusina kung saan siya naka-assign. Hindi ko inakalang dito ko siya makikita matapos ang ilang buwang hindi ko siya nakita.


Bumuga ako ng hangin habang palabas na kami ni Fina ng restaurant. Sinalubong agad kami ng ulan kaya kinuha ko ang folded na payong ko mula sa aking backpack.


Hawak na rin ni Fina ang payong niya. "Tara?"


Maya't maya pa ay biglang may tumayo sa tabi ko. "Hatid ko na kayo."


Nilingon ko ang may-ari ng boses at nakita si André na hawak ang jacket sa kanyang ulo.


"André?" sambit ni Fina.


"Let's go!" pag-aya ulit ng lalaki habang sinusuong na ang ulan.


"Teka!" Agad ko siyang sinundan at tumigil rin siya sa pagtakbo.


Nakatitig lang siya sa akin ngayon habang hawak ko ang payong sa tuktok ng aming ulo. Basang-basa na ang kanyang mukha habang dinig ko ang paghingal niya.


"Gusto mo bang magkasakit?" angil ko sa kanya.


Nakita ko ang pag-awang ng kanyang mapupulang labi, pero wala namang lumabas sa kanyang bibig.


"Ano? Tara na?" Maglalakad na dapat ako nang bigla niyang hawakan ang kamay kong nakahawak ng payong.


"I missed you, Charles," saad ng lalaki at ako naman ngayon ang napaawang ng labi.


Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, rinig na rinig ko ang pagtibok ng aking puso.


Totoo ba ang narinig ko? Namiss niya ako? Pwede ko rin bang sabihin na namiss ko siya?


"Uh, sorry, nasan ang sasakyan?" Biglang tanong ni Fina na nakatayo na pala malapit sa amin.


Agad kaming napalingon sa kanya at naramdaman ko ang pagkuha ni André sa hawak kong payong.


Habang naglalakad na kami, hindi maalis sa isip ko ang sinabi niya. Bakit ba sinasabi niya ang mga ganito sa akin? Hindi ba engaged na siya? Ano nalang ang sasabihin ni Olivia kapag nalaman niya ito?


Ayaw kong maging kabit. Teka, porket, namiss ako kabit agad? Baka namiss lang niya akong kulitin. Yun nga siguro yon.


Ilang minuto ang lumipas at naibaba na kami ni André sa apartment namin ni Fina. Magkasama na kami ngayon ni Fina sa apartment matapos naming makahanap ng mura at malapit sa university.


"Charlie, ano yong nakita ko kanina?" Biglang tanong ni Fina sa akin habang kumakain na kami ng hapunan.


Napatigil ako ng ilang segundo habang kumukurap nang mabilis ang aking mga mata. "Anong kanina?"


"Kayo ni André."


"Kami? Anong kami?"


"Charlie, hindi ba engaged si André kay Olivia?"


"Oo, engaged nga sila."


"Charlie, kaibigan kita at susuportahan kita sa kahit na sinong gusto mo, pero ayaw rin kitang makitang masaktan."


Tumawa ako kunwari para alisin ang tensiyon sa aking dibdib. "Fina, ano bang pinagsasabi mo?"


"Gusto mo ba si André?"


Tinapik ko ang aking dibdib gamit ang aking kamao at unti-unti akong tumango. "Ha? Hindi ah! Tsaka, wala akong balak sulutin si André kay Olivia 'no," agad kong sabi. "At ano naman ang laban ko sa ganda ni Olivia?"


"Alam kong sobrang friendly ni André at maraming babaeng nahuhulog sa kanya dahil dito. Sana lang ay protektahan mo ang puso mo."


"Oo naman. Ako pa!" tumatawa kong sambit, pero sa loob-loob ko ay hindi maalis ang bigat na nararamdaman ko. Bakit ko nga ba ulit nagustuhan ang lalaking yon?


Kinabukasan, ako lang ang pumasok sa restaurant para magtrabaho. Nagpaalam si Fina na tatapusin niya ang mga plate niya para sa isang subject namin.


May nagawa na rin naman ako, pero tatapusin ko nalang mamaya paguwi ko. Kailangan ko lang talagang kumayod para may pambayad ng mga bills ko dito at para may maipadala rin ako para sa gamot ni papa.


Nakita ko lang saglit si André kanina sa kusina at mukhang seryoso naman siya sa pagtatrabaho niya dito.


"Hey," isang babae ang tumawag sa akin kaya agad akong nagtungo sa table niya. Nakasuot siya ng kulay nude na bestida na hapit sa katawan niya kaya kita ang kurba nito.


"Uh, yes, hello ma'am. May kailangan po kayo?" tanong ko sa guest.


"Just wondering, do you know if Alexandré is working here today?" Nakangiting tanong ng babae sa akin.


Napakurap ako ng aking mga mata. Si André ba ang tinutukoy niya? Huwag mong sabihing babae rin niya to? "Uh... ano po kasi..."


Tumaas ang gilid ng labi ng babae habang nakasandal ang kanyang baba sa isang kamay. "It's okay. I'm his mommy."


Namilog ang mga mata ko habang tinititigan ang babae. Mukha siyang mas matanda kaysa sa aking, pero hindi ko inakalang ganito kabata ang mama niya. Iba nga siguro ang genes ng pamilya nila.


"Are you okay?" tawag ulit niya sa akin.


Umiling ako habang tumatawa nang mahina. "Ah, sorry po. Opo, nasa loob siya ng kitchen. Tawagin ko po ba?"


Mas lumaki ang ngiti ng babae. "Yes, please, if you don't mind. Thanks."


Agad akong nag-martsa patungo sa loob ng kusina at nakita si André na naghuhugas ng mga pinggan.


Bumuga ako ng hangin bago ako nagsalita. "André, may naghahanap sayo sa labas."


Tumigil siya sa paghuhugas para lingunin ako. "Sino?"


"Mommy mo," pabulong kong sabi.


"Fuck her!" Agad niyang binaba ang hawak niyang plato at inalis ang mga gloves sa kanyang kamay. Nagmamadali siyang naglakad palabas ng kusina kaya sinundan ko siya.


Teka, bakit parang galit siyang nandito ang mommy niya?


Tumayo ako sa may gilid habang pasimpleng tumitingin sa kanilang table. Umupo si André sa harap ng kanyang mommy habang nagsasalita ito. Nakita ko ang paghawak ng mommy niya sa kanyang kamay, pero marahas itong tinanggal ni André.


Mukhang hindi maganda ang relasyon niya sa kanyang mommy. Napaisip tuloy ako kung ano ang nangyari sa kanila.


Maya't maya pa ay tumayo na rin si André at akmang maglalakad na palayo nang biglang nahulog ang baso sa table ng kanyang mommy.


"Aahh!" Napasigaw pa ang babae kaya agad akong tumakbo patungo sa direksiyon niya.


"Ma'am, okay lang po kayo?" Agad kong tanong at tumango naman siya. "Ako na po diyan," sambit ko habang pinupulot na ang mga bubog ng baso sa sahig.


"Charles, ako na," narinig ko ang boses ni André mula sa aking likuran at nakita kong yumuyuko na siya sa aking tabi.


Hindi ko siya pinakinggan at nagpatuloy ako sa pagkuha ng mga bubog nang makaramdam ako ng hapdi sa aking kamay. "Aray," napangiwi pa ako.


"Sabi kong ako na," mariing sabi ni André sa akin sabay kuha ng aking kamay para tignan ang sugat. May kaunting dugong lumabas, pero malayo naman ito sa apdo.


"Okay nga lang ako," sagot ko naman habang inaalis ang pagkakahawak niya sa aking kamay, pero mas hinigpitan pa niya ang hawak sa akin.


Nilabas niya ang puting panyo mula sa bulsa ng kanyang pantalon at binalot ang aking hinlalaki gamit ito. "Go wash your hands inside. Ako na ang bahala dito," utos niya sa akin.


Wala na akong nagawa pa kung hindi ang sundin ang sabi niya. Paano ba ako magmo-move on kung ganito ang ginagawa niya?


Natapos ang shift ko nang hindi ko nakasalamuha si André matapos ang nangyari kaninang umaga.


Pagkalabas ko mula sa staff room, nagulat ako nang makita ko ang lalaking nakatayo sa tapat ng kwarto habang nakatutok ang mga mata sa hawak niyang cellphone.


Hindi ko nalang siya pinansin at naglakad ako dire-diretso palabas ng hotel. Nang makarating ako sa labas ng building, narinig ko ang mga yapak mula sa aking likuran.


"Charles!"


Napatigil ako sa pagtawag ni André sa akin. Nilingon ko siya at nakitang humihingal na paparating sa akin. "Bakit? Yong panyo mo ba? Pwede bang labhan ko muna-"


"Hindi 'to tungkol sa panyo," sagot niya.


"Eh ano?"


Huminga siya nang malalim bago nagsalita ulit. "That woman earlier... siya 'yong stepmom ko."


"O-Okay? Bakit mo sinasabi sa akin?"


"I want you to know because..." Napatigil siya ng ilang segundo bago umiling. "Just because."


Pinanliitan ko siya ng mata. Mukhang may gusto siyang sabihin, pero hindi niya magawa. Hindi ko nalang ito pinansin. "Okay. Pwede na ba akong umuwi?"


"Hatid na kita," offer ulit niya.


Bumuga ako ng hangin at hinarap ang lalaki. "Andres, pwede bang tigilan mo na ang paghahatid sa akin? Hindi naman na tayo magkaibigan."


"But, magkatrabaho na tayo," sagot pa niya.


Lumunok ako at kinalma ang aking sarili. Kailangan ko nang ilabas ang nararamdaman ko dahil kung hindi ay sasabog na talaga ako.


"Let's go," kinuha niya ang aking kamay at hinila ako papunta sa kotse niya.


Marahas kong inalis ang kamay kong hawak niya kaya napatigil siya at lumingon sa akin. "Hindi mo ba naiintindihan? Ayaw ko ngang lumalapit ka sa akin."


Nakita ko ang paglunok ng lalaki habang nakatitig sa akin ang mga mata niya. "Charles, bakit ba ayaw mo sa akin? What did I ever do wrong?"


Napatingin ako sa malayo para hindi ako mabaliw sa titig niya. "Ayun na nga. Ayaw na ayaw kong nakikita ang pagmumukha mo. Ayaw kong tinititigan mo ako at ayaw kong lagi kang nandiyan para ihatid ako kasi nahihirapan na ako."


"Charles, I don't get it... why do you hate me so much?"


Isang mahinang tawa ang lumabas sa aking bibig kahit na puno ng tensiyon ang aking katawan. "Hindi mo talaga alam kung bakit? Kung sabagay, sobrang galing mo sa ginagawa mo. Hindi mo alam na nakakasakit ka na pala."


Nakita ko ang pag-awang ng labi niya. "For fuck's sake, Charles, diretsuhin mo nalang ako. Ano ba ang nagawa ko?"


Lumunok ako habang ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng aking puso. Kung hindi ko pa ito ilalabas, baka sumabog na talaga ako.


"Engaged ka kay Olivia, André..." Kinuyom ko ang aking mga kamay habang nakatingin sa baba.


Wala akong narinig na sagot mula sa kanya. Wala rin akong lakas ng loob na tignan pa siya sa mata kaya tinalikuran ko siya agad.


"You're the one I want to be with, Charles..." Biglang sambit ng lalaki kaya napatigil ako.


Napalunok ako sa narinig ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Nasabi na rin niya ito noon pero sa tuwing sinasabi niya ito, hindi ko alam kung maniniwala ako.


"Why do you keep resisting?" giit niya pero hindi ko pa rin siya nililingon.


"Dahil engaged ka na, André..." saad ko habang nakatalikod pa rin sa lalaki. "Kaya kung pwede lang, layuan mo na ako."


"Kung hindi ako engaged, tatanggapin mo ba ang confession ko?"


Kinagat ko ang loob ng aking pang-ibabang labi para pigilan ang sarili kong huwag magpapadala sa aking damdamin.


"Charles, just tell me that you want to be with me too, at iiwan ko si Olivia this instant."


"Sorry, André..." Huminga ako nang malalim sabay iling ng aking ulo. "Pero, hindi kita gusto sa paraang iniisip mo."


Isang malaking kasinungalingan... pero, mas mabuti na nga ito para matahimik na ang buhay ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro