Chapter 14
Charlie
Free day namin ngayon matapos ang community service kahapon. Bumalik na rin ang mga kasama ko sa mansion kung saan kami tumutuloy. Pero, nanatili ako dito sa barangay namin para dalawin sina mama at papa.
Bungalow lang ang bahay namin. Walang pintura sa labas at loob ng bahay dahil kulang sa budget. Halos lahat ng pera namin ay napupunta rin sa gamot ni papa.
Hindi naman ako nagrereklamo. Minsan lang ay nahihirapan na ako, pero wala akong magagawa dahil ako lang ang inaasahan ng pamilya namin ngayong wala na si kuya.
"Ano pong ulam?" Nilapitan ko si mama na busy sa pagluluto ng umagahan sa kusina.
"Ano pa? Eh di tinapa at itlog na maalat. 'Yan lang naman ang mabibili ng pera natin," sagot naman niya habang nilalagay na ang ulam sa mesa. "Kailan mo pala mabibigay 'yong bayad ng kuryente dito sa bahay?"
Napatigil ako. Kakapadala ko lang ng pera noong isang linggo. Kasama na rin doon 'yong pambayad ng kuryente nila. "Ah, ma, di ba po kakabigay ko lang noong nakaraan?"
"Aba, sa tingin mo kasya 'yong pambili ng gamot ng papa mo doon pati na pagkain namin dito? Kulang pa nga 'yon eh," sagot naman ni mama habang umuupo sa harap ko.
"Ah, sige po. Magpapadala nalang ulit ako next week," usal ko. Hindi ko rin naman siya kayang sumbatan dahil siya na ang tumayong nanay ko simula pagkabata. Nawala raw ang totoo naming nanay ni kuya noong niluwal niya ako.
"Next week pa? Paano kung maputulan kami? Paano pa makakatulog ang papa mo kapag walang aircon? Alam mo namang mabilis 'yong mairita."
"Kumusta na po pala si papa?" tanong ko para ibaling ang pag-uusap namin.
"Siyempre ganun pa rin. Nanghihina pa rin ang katawan at madalas natutulog sa umaga."
Napatigil ako sa pagkain habang inaalala ang kondisyon ni papa. Nasa kwarto pa rin siya ngayon at mahimbing ang tulog.
Ilang taon na siyang may Myasthenia Gravis. Noong una, akala namin na-stroke siya dahil sa biglang pagbagsak ng kanyang katawan. Nahihirapan rin siyang magsalita minsan.
Isa ring sintomas ng sakit niya ay ang sobrang antok lalo na sa umaga. Kaya naman napilitan siyang tumigil sa pagtatrabaho dahil sa kondisyon niya.
Mahal ang maintenance na gamot ni papa, kaya minsan hindi siya umiinom nito.
May maliit na tindahan naman kami sa tapat ng aming bahay, pero madalas ay umuutang naman ang mga bumibili sa amin.
Ang lupa na sinasaka noon nina papa ay biglang tinangay ng isang mayamang angkan. Ang perang ibinayad nila sa amin ay napunta rin sa mga gamot ni papa. Wala kaming ibang aasahan kaya kinailangan kong magtrabaho habang nag-aaral sa Maynila... lalo na noong nawala si Kuya Chester.
"Good morning sa aking reyna at prinsesa," isang boses ang nakapukaw ng aking atensiyon.
Paglingon ko sa likod ay nakita ko si papa na nakasakay ng wheelchair na papunta sa aking direksiyon. "Pa? Gising na kayo?"
"Aba siyempre. Ngayon ka lang uuwi kaya kailangan kong magising," sabi pa niya habang ginugulo ang aking buhok. "Kelan ba tutubo ang buhok mo, anak?"
"Kapag tumubo na ulit ang iyo, pa," tumatawang sagot ko.
Napahawak si papa sa kanyang ulo na may kakaunting hibla ng buhok. "It's a tie nga pala," tumawa na rin siya.
Maya't maya pa ay may narinig kaming kumakatok mula sa sari-sari store namin.
"Ang agang mangungutang naman niyan!" reklamo ni mama habang tumatayo na sa kanyang kinauupuan.
"Pa, kain ka na rin," pag-aya ko kay papa.
"Namiss mo siguro ang tuyo 'no?" tanong pa niya habang inaabutan ko siya ng plato na may lamang ulam.
"Hindi naman po. Lagi naman kasing tuyo ang ulam ko rin doon," sagot ko.
"Kumusta naman sina Eko at Tito Erik mo?"
"Okay naman po sila. May kita pa rin naman sa talyer nila."
"Anak, pasensiya ka na at kinailangan mong magtrabaho sa talyer para sa akin."
"Pa, ano ka ba? Okay lang. Tsaka, tinutulungan naman nila ako doon. Hindi naman nila ako inaalipin."
"Mabuti naman kung ganon."
"Oh, may bisita ka," biglang sabi ni mama nang makabalik siya sa loob ng bahay.
Isang pamilyar na lalaki ang nakatayo sa likuran niya at muntik ko pang mahulog ang hawak kong kutsara at tinidor nang makita ko ang mukha ni André.
"Good morning po!" bati niya sa amin na may malaking ngiti sa kanyang mukha.
"C-Comman... ah, André, anong ginagawa niyo dito?" Agad kong tanong sa lalaki.
"Wala lang. Naisip ko lang mag-hiking," sagot naman niya.
Tinignan ko ang orasan na nakasabit sa pader. Alas-siyete palang ng umaga ah. "Sa ganitong oras?"
Tumawa naman ang lalaki. "Yeah. Why not? Gusto kong makita ang sunrise, that's why."
Umiling lang ako.
"Oh, kumain ka na ba, iho?" tanong ni papa sa lalaki. "Sabay ka na sa amin."
"Hindi pa nga po," sabi naman niya habang hawak ang kanyang tiyan. "Ano bang ulam niyo?"
Tinaasan ko siya ng kilay. "Kumakain ka ba ng tinapa?"
"Tinapa? Of course! Favorite ko yan," sagot pa ni André.
Pinanliitan ko siya ng mata. "Weh? Di nga?"
"Oh, halika na dito, iho," pag-aya ni papa sa kanya.
"Sige po. Thank you!" masayang sambit ng lalaki habang umuupo na sa tabi ko. Agad siyang sumubo ng tuyo nang bigyan siya ni mama ng plato. "Wow! Ang sarap po nito."
Pinanood ko ang lalaki habang nakaubos ito ng limang tuyo at dalawang itlog na maalat. Hindi ba kumakain ang lalaking ito at mukhang gutom na gutom?
"Thank you po," saad ni André nang matapos sa pagkain.
"Walang anuman, iho. Teka, magkaklase ba kayo netong si Cha?" usisa ni papa.
"Uh, hindi po kami classmates. Pero, friends na kami," sagot ng lalaki sabay taas ng kanyang dalawang kilay habang may ngisi sa kanyang labi.
Biglang humikab si papa.
"Inaantok pa po kayo?" tanong ni André kay papa.
Napakamot si papa sa kanyang ulo. "Oo eh. Ganitong oras talaga minsan inaantok pa rin ako."
Lumapit ako kay papa. "Ah, pa, tulog na muna kayo."
"Hindi, anak. Ngayon ka na nga lang bibisita eh. Samahan ko muna kayo dito."
Niyakap ko si papa. "Sigurado po kayo?"
"Oo naman, anak."
"Cha, maghugas ka na. Nakakahiya sa bisita," rinig kong utos ni mama mula sa kusina.
"Ako na po diyan," sagot naman ni André.
"Hindi pwede. Si Cha talaga ang taga-hugas dito," saad pa ni mama.
Agad akong pumunta sa kinaroonan nila. "Andito na po. Ako na diyan." Sinimulan ko na rin ang paghuhugas habang nakatayo pa rin sa tabi ko ang lalaki.
"Tulungan na kita," offer ng lalaki sa akin habang kinukuha ang platong nalagyan ko na ng sabon.
"Alam kong hindi ka sanay dito," ani ko.
"You really think hindi ako naghuhugas ng pinagkainan ko?"
"Andres, ano ba talaga ang ginagawa mo dito?" pabulong kong tanong.
Napatawa siya. "Nag-hiking nga ako."
Umiling ako. "Hiking raw. Maniwala ako."
"Why don't you believe me?" Tumigil siya sa pagsasabon ng pinggan na hawak niya sabay tingin sa akin.
Tinaas ko ang aking leeg para tignan siya sa mata. "Kasi hindi ka kapani-paniwala."
Nilapit rin niya ang mukha niya sa akin. "Ano ang gusto mong gawin ko para maniwala ka?"
Nandito na naman siya sa mga paandar niya. Agad akong lumayo sa kanya bago pa tumalbog ang puso kong nananahimik. "Wala! Wala kang gagawin!"
"Besides, akala ko ba friends na tayo? It's only natural that I visit your house," sabi pa niya habang pinagpapatuloy na ang paghuhugas.
"Isang araw palang tayong naging magkaibigan ah. Tsaka, in-invite ba kita? Hindi naman, di ba?"
"Charles, can you chill? Ang ganda ng umaga tapos ganyan ang mood mo?"
"Paanong gaganda ang mood ko eh bigla-bigla kang sumulpot dito sa bahay? Eh kung ako kaya ang sumulpot sa bahay mo, gusto mo yon?"
Napangisi naman ang lalaki. "Oo naman! You're very much welcome in my house anytime."
Inirapan ko siya. Hindi talaga matinong kausap ang lalaking ito.
Nang matapos na kami sa paghuhugas, akala ko aalis na si André. Pero, literal na "feel at home" siya sa bahay namin at nanatili talaga siya ng ilang oras. Buong puso naman siyang ni-welcome ni papa at binigay pa ang mga photo album ko sa lalaki.
"Oh tignan mo to. Bihis babae pa siya noon dito oh. Ang ganda, di ba?" Tinuro ni papa ang litrato ko noong naging cheerleader ako noong grade school ako. Naka-pigtails pa ang buhok ko noon.
"Maganda pa rin naman hanggang ngayon, tito," sambit pa ng lalaki sabay tingin sa akin.
Oh di ba nakiki-tito na rin siya? Close na agad?
"Ugh, kairita..." nagpanggap akong parang masusuka sa kinatatayuan ko habang nakatingin sa kanya.
Napatingin sa akin si André habang may malaking ngiti pa rin sa mukha niya. Nang kindatan niya ako, doon ako nag-walk out at lumabas ng bahay para magpahangin.
Hindi ko kinakaya ang mga galawan ng lalaking yon. Gets ko naman gwapo siya. Pero, sobrang kairita na ang mga pinaggagawa niya. Akala ba niya mahuhulog ako sa kanya?
"Anak, hindi pa ba kayo aalis?" Biglang tawag ni papa kaya napalingon ako sa kanya. "Baka gabihin na kayo pag hindi pa kayo umalis ngayon."
Napatingin ako sa relo sa aking kamay. Mag-aalas-tres na ng hapon.
"Babalik ako pa. Di bale malapit na ang bakasyon namin."
Niyakap ako ni papa. "Hihintayin ka namin, anak. Basta alagaan mo ang sarili mo doon."
"Kayo rin po dito," ani ko. "Pakisabi nalang po kay mama na aalis na kami."
"Pagpasensiyahan mo na ang mama mo. Alam kong nahihirapan lang siya sa pag-aalaga sa akin dito."
"Sorry po kung wala ako dito para alagaan kayo," mahinang sambit ko.
"Okay lang, anak. Huwag mo akong alalahanin dito," ani papa.
Matapos kong yakapin si papa, umalis na rin kami ng kasama kong lalaki. Binigyan pa ni papa si André ng ilang pasalubong kasama na dito ang ilang nakasupot na tuyo.
"Thank you po ulit, tito," sabi pa ni André sabay yakap kay papa. Kung makayakap rin talaga eh parang ilang taon na silang magkakilala.
"Balik ka dito ha?" ani papa.
"Siyempre po," masiglang sagot ng lalaki.
Sinimulan na rin namin ni André ang paglalakad pababa sa mabato at lubak na daan.
"Charles," tawag ng lalaki sa aking habang naglalakad kami kaya napatingin ako sa kanya. "Okay lang ba si tito?"
Napatigil pa ako saglit sa pagsabi niya ng tito. "Bakit mo natanong?"
"Why is he on a wheelchair?"
"Ah, yon ba. May Myasthenia Gravis si papa," pag-explain ko.
"A what?"
"Myasthenia Gravis. Isang autoimmune na sakit kung saan naaapektuhan ang katawan niya. Nanghihina ang buong katawan niya tapos laging inaantok."
"Woah. Is that an actual thing?"
Tahimik lang akong tumango sa kanya.
"What about tita? Okay lang ba kayo?" usisa ulit niya.
"Okay naman kami," tipid kong sagot.
"She didn't look too happy that you're home."
"Ah, lagi naman siyang ganun. Sanay na ako."
"Hindi ba kayo close?"
"Sakto lang. Stepmom ko siya, pero siya na ang nagpalaki sa akin. Hindi ko nakita ang totoong nanay ko dahil nawala siya noong pinanganak ako."
"Really? Parehas pala tayo."
"Hindi mo rin nakita ang totoong nanay mo?"
"I did, pero namatay rin siya after she gave birth to our youngest brother."
Tumango nalang ako.
"Now I know why you're working so hard," biglang saad niya.
Napatingin ulit ako sa kanya at nakita kong nakatingin rin siya sa akin.
"About tito's condition... maybe I can help?" offer ni André habang nakangiti.
"Help?" inulit ko pa.
Tumango naman siya. "Our family owns a biotech and pharmaceuticals company. I'll ask about tito's condition."
Umiling ako nang maalala kong baka may kapalit ito. "Huwag na, baka mahal naman ang bayad."
Napatawa siya. "Charles, we don't need your money. Besides, friends na tayo, di ba?"
Napatigil ako habang nakatingin sa kanya. Mukha naman siyang seryoso.
"Do you believe me now?" tanong pa niya.
Tumango nalang ako. Maya't maya pa ay naramdaman ko ang kamay niya sa tuktok ng aking ulo habang ginugulo pa ang buhok ko.
"Good girl," ani André habang ramdam ko pa rin ang hawak niya sa aking ulo.
At sa unang pagkakataon ay naramdaman ko ang pagtalon ng aking puso na parang gustong kumawala sa aking dibdib. Taena. Ano'ng nangyayari sa akin?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro