Posporo
POSPORO
PAUWI na si Cosmo dala ang mga pinamili sa palengke nang makabangga niya sa daan ang isang lalaki. Nahulog ang mga dala nito kabilang na ang isang malaking backpack.
Nagmamadali yata ito kaya hindi na siya nakita. Maging siya ay nagmamadali na rin sa bigat ng mga bitbit kaya hindi na rin siya nakahinto agad.
"Pasensya na po! Hindi ko po sinasadya!" Agad niyang binitiwan ang mga dala at tinulungan ang lalaki sa pagpulot sa mga gamit nito.
Nang makitang puno na ang mga kamay nito, siya na ang nagsuot ng backpack sa likuran nito. Nagpasalamat lang sa mabilis na paraan ang lalaki at muli nang naglakad nang mabilis na tila nagmamadali talaga.
Nang makita ito sa pagsakay sa dumaang tricycle, doon pa lang niya binalikan ang mga nahulog niyang gamit at isa-isang inilagay sa bitbit na mga plastic.
Paglingon sa bandang likuran ay bumungad sa kanya ang isang sling bag na tila galing sa lalaki kanina. Agad niya itong kinuha at sinubukang habulin ang tricycle na sinakyan nito.
Ngunit lubhang napakalayo na ng narating niyon at malabong mahabol pa niya ito. Matagal niyang pinagmasdan ang sling bag saka naisipang isama na lang din sa pag-uwi. Nagbabakasakali siyang babalikan at hahanapin din ito ng lalaki kung may importante man itong laman.
Pag-uwi sa kanila, wala na namang kuryente gaya ng kanyang inaasahan. Magtatatlong araw nang pabalik-balik ang brownout sa kanilang lugar. Kung kailan sobrang init ng panahon at halos lahat ay gumagamit ng bentilador, saka pa magkakaproblema nang ganito ang supply ng kuryente sa kanila.
Sinubukan niyang buksan ang flashlight ng kanyang cellphone ngunit ayaw na nitong sumindi dahil nasa ten percent na lang daw ang battery ng smartphone niya.
Sinagad na lang niya ang brightness ng screen at ito ang ipinang-ilaw sa paligid. Hinanap niya ang lighter sa kanilang altar ngunit pagkasindi rito ay hindi na rin gumagana. Wala na palang gas sa loob.
"Putik na 'yan!"
Nasa Plaza pa nila ang pinakamalapit na tindahan at kinakailangan na naman niyang maglakad para lang makarating doon. Pero sobrang pagod na pagod na siya at hindi na kayang lumabas pa.
Sinubukan na lang niyang buksan ang kanilang kalan para doon kumuha ng apoy na ipangsisindi sa mga kandila.
Ngunit hindi iyon gumana.
Doon niya naalala na mag-iisang linggo na palang ubos ang gas ng tangke niya. Nakakalimutan lang niyang um-order ng panibago dahil sa labas na rin naman siya kumakain kaya hindi na rin niya ito nagagamit.
"Putik na 'to, oh!" iritado niyang sambit saka nagbagsak ng balikat.
Nagsisimula nang tumagaktak ang pawis niya sa labis na init. Inilapag na lang muna niya ang mga pinamili saka lumabas ng bahay para magpahangin habang naghihintay sa kuryente.
Naisipan niyang kunin ang bag na naiwan ng lalaki at sinilip ang laman niyon. Wala naman siyang balak na pagnakawan ito. Nais lang niyang makita ang laman para makasigurong wala itong laman na mahahalagang bagay.
Isang makapal na lumang libro ang unang bumungad sa kanya. Binalot siya ng kuryosidad na ilabas ito para silipin ang mga pahina.
Doon niya nakita ang isa pang laman ng bag. Parang kahon iyon ng posporo. Pagkabukas sa maliit na kahon, isang posporo nga na tila wala pang bawas.
Agad niyang binalikan ang mga kandila sa altar. Wala naman sigurong masama kung babawasan niya ng isang piraso iyon. Doon lang nagliwanag ang paligid nang masindihan na niya ang tatlo nilang kandila.
Nagbalik siya sa labas at kinuha ang libro. May mga nakasulat sa front page niyon gamit ang mga alpabetong hindi niya maintindihan. Pagsilip naman sa mga pahina, lalo siyang walang maunawaan sa nilalaman.
Lahat ng laman ay nakasulat sa mga letrang hindi pamilyar sa kanya. May mga guhit din iyon na hindi naman niya maintindihan kung ano.
Parang gusto nga niyang mangilabot dito dahil medyo hindi kaaya-aya ang hitsura ng libro. Kung hindi siya nagkakamali, parang katulad ito ng mga napapanood niyang libro na naglalaman ng itim na mga ritwal.
Biglang nahagip ng mga mata niya ang pagkamatay ng apoy ng tatlong kandila. Agad niyang nilingon ito saka binalikan para sindihan muli.
Pagkakuha niya sa posporong iniwan sa altar, doon niya napansin ang isang sulat sa kahon nito. May pagkakapareho iyon sa mga sulat na nasa loob mismo ng libro. Napaisip tuloy siya kung ano kaya ang koneksyon ng posporong ito sa librong iyon.
Kumuha muli siya ng isa at ipinangsindi sa tatlong kandila. Nang manumbalik ang liwanag sa paligid ay muli siyang lumabas at ipinagpatuloy ang pagsilip sa libro.
Kalahating oras ang lumipas ay muli na namang namatay ang mga kandila. Nagbalik siya roon para sindihan muli ang mga ito.
Ilang beses namatay ang mga kandila nang araw na iyon. Ang dami tuloy niyang nabawas sa posporo. Sana lang talaga ay hindi ito mahalaga sa may-ari.
Nagpatuloy pa ang malawakang brownout hanggang sa sumunod na mga araw kaya lalo pang nabawasan ang laman ng posporo.
Gabi-gabi tuwing umuuwi galing sa trabaho, nakakasampu hanggang dalawampung posporo siya dahil palagi na lang namamatay ang mga kandila sa hindi malamang dahilan. Wala namang hangin na pumapasok pero kusa pa ring namamatay ang mga ito.
Nagtataka man ay pilit niyang iniiwasan na mag-isip ng nakakatakot. Ayaw niyang takutin ang sarili lalo na't mag-isa lang siya sa apartment na iyon.
MALAPIT na sanang makatulog si Cosmo ngunit muli na namang namatay ang apoy ng tatlong kandila. Ayaw niyang matulog nang walang liwanag kaya kahit mabigat na ang katawan ay pinilit niyang bumangon para sindihan muli ang mga ito.
Pagbukas niya sa kahon ng posporo, isang piraso na lang pala ang natitira. Ginamit na niya ang huling stick at ipinangsindi sa tatlong kandila. Kapag namatay pa uli ang mga ito, wala na siyang maipangsisindi.
"Putik talaga! Dapat pala bumili na 'ko ng lighter kanina, eh!" anas niya sa sarili at muling nagbalik sa higaan.
Pinilit niyang makatulog upang hindi na maabutan ang muling pagpatay ng mga kandila. Ngunit hindi pa man inaabot ng isang oras ang pagkakaidlip niya, muli na naman siyang ginising ng isang napakainit na pakiramdam.
Tumatagaktak siya sa pawis at halos mahilo sa sobrang init. Pagmulat niya sa mga mata, ganoon na lamang kalakas ang nailabas niyang sigaw nang masilayan ang mga nilalang na nakalukob sa kanya. Iba-iba ang hitsura nila at lahat ay malalaking bulas na halos sakupin ang buong bahay.
May isang matangkad na lalaking nakaitim at tabingi ang maputing mukha. Nakangisi ito habang nanlilisik ang mga mata.
May isa ring ubod ng taba na halos lumawlaw ang balat sa sahig. Nakapikit ang mga mata nito habang nakangiti ang mga labi sa kakila-kilabot na paraan.
May isa namang dambuhalang bata na mahaba ang leeg at nakalawlaw ang ulo sa tiyan. Baligtad ang mukha nito at may isa pang mata sa ilalim ng labi.
Nanigas sa takot ang buong katawan ni Cosmo habang naririnig ang mumunting bulong ng mga ito na lalong nagpataas sa mga balahibo niya.
Bago pa siya makagawa ng aksyon, isa-isang sumabog ang mga nilalang hanggang sa balutin ng makakapal na usok ang buong paligid.
Ang mga usok na ito ay unti-unting nabuo at mabilis na pumasok sa kanyang bibig! Napamulagat na lang siya sa labis na pagkagimbal habang patuloy na nagwawala sa kinahihigaan. Sa sobrang dami ng mga usok na pumasok, nagawa nitong palobohin ang kanyang katawan!
Lumobo siya nang lumobo hanggang sa magputukan ang ilang bahagi ng katawan niya. Pagkuwa'y nagsilabasan doon ang mga paa, kamay, sungay at galamay ng mga nilalang na nakita niya kanina.
Tumalsik din ang dalawang mata niya saka lumabas ang dalawang maliliit na galamay roon. Ang buhok naman niya ay unti-unting nalagas at nagkaroon ng maliliit na mga butas na nilalabasan ng mga uod!
Nagulantang ang lahat ng mga residente sa paligid nang makita ang unti-unting pagkawasak ng bahay ni Cosmo. Lahat ay nagsidungaw sa kanilang mga bintana at ang iba ay lumabas pa sa kanilang tahanan.
Hindi nagtagal, tuluyang nawasak ang bahay at bumungad sa kanila ang isang dambuhalang nilalang. Ang katawan nito ay gawa sa pinagsama-samang katawan ng mga kakaibang nilalang. Para silang pinagdikit-dikit na mga kamay, paa, sungay at galamay hanggang sa makabuo ng panibagong halimaw na mas mabalasik at mas triple ang laki.
Gulat na gulat ang mga tao nang makita kung paano pumagaspas ang mga galamay nito sa paligid. Lahat ng matamaan ay natitibag, nawawasak! Sa isang atungal naman nito, halos mabulabog ang mga kulog at kidlat sa langit.
Naging marahas at malagim ang sumunod na mga eksena. Ang kanina'y tahimik na bayan ay nilukob ng matitinding sigawan at iyakan.
"RYLE, sigurado ka ba sa gagawin mo? Babalikan mo pa talaga 'yun? Umalis na lang kasi tayo!"
"Hindi puwede!" sigaw ni Ryle sa kasintahang si April. "Halos ibuwis ko 'yung buhay ko roon! Hindi ko puwedeng mawala 'yon!"
"E, saan naman natin hahanapin dito? Ang laki-laki ng lugar na 'to! Do you think makikita mo pa 'yun?"
"I have no choice but to find it! Sa akin nakasalalay ngayon ang kaligtasan ng lahat! I cannot lose that thing!"
Ilang araw naging balisa si Ryle nang mapagtanto niyang nawawala ang kanyang sling bag kung saan nakalagay ang posporo niya. Dahil napakalayo pa ng inuwian, ngayon lang siya nakabalik sa lugar na ito para hanapin iyon.
Hindi puwedeng mawala ang posporo. Doon kasi nakakulong ang lahat ng maligno at demonyong nahuli ng kanilang grupo. Kabilang siya sa grupong nagsasagawa ng paranormal mission at astral projection upang labanan at bihagin ang mga ito bago pa makapaminsala sa mga taong walang kamuwang-muwang.
Isinisilid nila ito sa isang ispesyal na posporong ginawa ng kanyang grupo para maging kulungan ng mga ito. Bawat stick ng posporo ay naglalaman ng isang elemento. Hindi puwedeng magamit o masindihan ang kahit isa sa mga iyon dahil matinding panganib ang kapalit kapag nakawala ang mga bihag.
Bago pa nila marating ang mismong lugar, nakita na nila ang mga taong nagtatakbuhan sa paligid habang kumakapal ang usok sa daan na tinatahak nila.
Pareho silang napamulagat ni April nang masilayan ang nilalang na dahilan ng kaguluhan. Isa itong dambuhalang halimaw na gumagala sa daan at winawasak ang lahat ng gusaling mahawakan!
Si Ryle ang pinakanasindak dito. "Oh no! This cannot be!" Tuluyan siyang napanghinaan ng loob habang pinagmamasdan ang nilalang.
Dahil nagsama-sama na sa iisang katawan ang mga elemento, alam niyang wala na siyang magagawa para labanan pa ito. Nakita nila sa mata ng nilalang ang pagkalat ng lagim na mas masaklap pa sa lahat ng bangungot at kamatayan!
"We need to get out of this place now!" tarantang sigaw sa kanya ni April habang nanginginig sa kinauupuan.
Bago pa makaliko si Ryle, humakbang na ng mabilis ang nilalang sa kanilang kinaroroonan at buong lakas na inapakan ang kanilang sasakyan! Kasunod niyon ang pag-atungal ng halimaw na umalingawngaw sa buong kapaligiran.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro