Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Dambuhalang Lagim

DAMBUHALANG LAGIM

"WALA na bang may pera sa inyo?" lango na ang boses na sabi ni Loonie habang dumudukot ng pera sa bulsa. "Naku! E, wala na rin pala akong pera, eh! Paano na 'yan!"

Nakakadalawang case pa lang sila kaya bitin na bitin sa inuman ang apat. Nais man nilang pahabain pa ang kanilang session ay pare-pareho nang butas ang mga bulsa nila.

"Hindi na bale! Buti na lang naalala ko. Tirahin na lang natin 'yung alak na binigay sa 'kin ng pinsan ko." Tumayo sa kinauupuan si Donnel at pasuray-suray na pumasok sa loob.

"Ang gagaling n'yo talaga, e, 'no? Pupunta-punta kayo rito wala naman pala kayong pang-ambag! Sa susunod magpatupad na tayo ng batas na bawal nang sumama sa session ang mga walang pera!" lango na rin ang boses na sermon ni Armon sa mga kasama.

Sa kanya na kasi galing ang pera na pinambili sa dalawang case kanina. Kahit gipit sa buhay hindi niya nakakalimutang maglaan ng budget para sa mga emergency sessions gaya nito.

"Sayang lang at hindi na natin kasama si Pareng Magnus," pakli sa kanila ni Ram, ang pinakamatibay sa kanila at hindi agad nalalasing kaya tuwid pa ang boses.

Apat na lang sila ngayon na magkakasama sa inuman. Wala na ang kaibigan nilang si Magnus na mag-iisang taon na sa mental hospital matapos masiraan ng ulo sa hindi malamang dahilan.

"Shit, oo nga, eh! Nakakapanghinayang talaga!" sagot dito ni Armon sabay tungga sa huling laman ng bote niya.

Labis silang nasasayangan sa sinapit ng kanilang kaibigan. Sa kanilang lima kasi, si Magnus lang ang pinaka nakaaangat sa buhay.

Isa itong magaling na pintor at mas malakas pang kumita ang lalaki sa mga commission nito kaysa sa minimum wage na mga sahod nila.

Kaya naman ganoon na lang ang panghihinayang nila sa nangyari. Ang huling balita nila rito, nagwala raw ito sa loob ng isang museum at nagbasag ng mamahaling gamit. Nakasugat pa raw ito ng mga empleyado na naging dahilan ng pagkakakulong nito.

Hindi roon nagtapos ang malagim na kapalaran ng lalaki. Mas lalo pa raw lumala ang kalagayan nito habang nasa kulungan. Umabot sa puntong nakapanakit na rin ito ng mga kapwa preso at isang pulis.

Kaya sa huli, inilipat na ito sa isang mental hospital upang mas matutukan ang kalagayan.

"Heto 'yung sinasabi ko sa inyo mga p're!" biglang pakli ni Donnel. Halos matisod pa ito sa paglalakad pabalik sa puwesto nito.

Inilapag nito sa mesa ang alak na may tatak na Devil's Breath. Isa raw ito sa pinakamatapang na alak na nagmula sa Russia. Pinadala ito ng pinsan ni Donnel na nasa US.

"Hindi ko pa natitikman 'to, eh. Ni-reserve ko talaga 'to para sa session natin. Pero sabi ni insan masarap daw talaga 'to at matapang!"

"Gaano ba katapang 'yan? Mapapatumba ba natin si Mayweather d'yan?" natatawang biro ni Loonie, tinutukoy ang paborito nitong boksingero.

Nasa isang malaki at bilog na bote ang alak. Sa packaging at disenyo pa lang ng bote nito, halatang mamahalin na.

Isa-isang tinagayan ni Donnel ang mga barkada bago naglagay sa sariling baso nito. Si Armon naman ang unang tumikim. Nagulat siya; mamahalin din ang lasa. Medyo mainit lang sa dila pero masarap sa pakiramdam.

"Gago! Ang tapang nga!" komento niya rito at itinaas pa ang baso.

Sabay-sabay na ring tumikim ang iba. Lahat sila nagustuhan ang pinaghalong tapang at sarap nito. Balanse ang pait at tamis na may halong kakaibang aroma na napakasarap sa bibig at ilong.

"Kaso isang bote lang ito, pare! Mabibitin tayo rito!" asik ni Loonie pagkatapos tumungga sa baso nito.

"Oo nga. Mukhang mapapaiksi lang ang session natin ngayon, ah!" singit uli ni Armon at muli pang tumungga.

Hindi na inabot ng isang oras ang alak. Naubos agad nila ito sa lakas nilang uminom. Kuwentuhan na lang nila ang medyo napahaba.

Pero di nagtagal ay nagkasukahan na hanggang sa magkayayaan na ring umuwi. Bago mag alas dyes kailangan tapos na sila upang hindi mahuli ng tanod.

Mag-isa na lang si Armon sa kanyang pag-uwi. Siya lang kasi ang may pinakamalapit na bahay kaya nilakad na lang niya ang madilim at tahimik na kalsada.

Sina Loonie at Ram naman ay napilitan nang sumakay nang tricycle para lang makarating sa bayan kung saan sila sasakay ng bus pauwi.

Naisipang pumito ni Armon habang pasuray-suray sa daan. Hanggang sa pumukaw sa atensyon niya ang kakaibang ingay sa kanyang paligid. Kasabay niyon ang bahagyang pag-uga ng daang tinatahak niya.

Iginala niya ang paningin sa paligid para hanapin ang ingay. Ganoon na lang ang pamimilog ng mga mata niya nang makakita ng higanteng kabayo na naglalakad sa gitna ng damuhan sa bandang kaliwa niya.

Halos abot hanggang langit ang laki nito. Mabalasik ang hitsura ng kabayo, gawa sa bungo ang mukha at may mga galamay pang gumagalaw na nakapalibot sa buong leeg nito!

Nawala ang kalasingan ni Armon sa nakita. Nang maligaw sa kinaroroonan niya ang mata ng halimaw na kabayo, awtomatiko siyang kumaripas nang takbo.

Bigla ring bumilis ang mga hakbang ng dambuhalang kabayo na lalong nagpayanig sa paligid. Tila hinahabol siya! Halos lumipad na ang mga paa niya sa bilis ng kanyang takbo.

Lalo siyang nangilabot nang makakita ng dambuhalang mga aso sa kabilang panig ng kanto. Ito ang mga asong gala na karaniwan niyang nakakasalubong sa gabi. Pero sa mga oras na iyon, lagpas na sa mga gusali ang laki ng mga ito!

Sunod-sunod na tahol ang pinakawalan ng mga aso nang makita siya. Halos malaglag ang puso niya nang mag-unahan ang mga ito patungo sa kanya. Pumaiba siya ng direksyon at sinadyang itago ang sarili sa matataas na mga damo.

Isa pa naman ang mga aso at kabayo sa mga alam niyang hayop na napakabilis tumakbo. Kung hindi lang malawak ang lugar nila at walang maraming pasikot-sikot, baka kanina pa siya nahabol ng mga ito.

Nang medyo humina ang pagyanig pati ang ingay na nililikha ng mga ito, doon pa lang siya nakasiguradong malayo-layo na ang distansya niya sa panganib.

Pero nang maligaw ang mga mata niya sa isang bahay sa di kalayuan, isang dambuhalang pusa naman ang bumungad sa kanya. Nasa taas ito ng bubong at nakalabas ang mga pangil. Pulang-pula ang mga mata at tila gutom na gutom habang nilalamon siya sa napakatalim nitong titig.

Nang magpakawala ito ng napakalakas at nakaririnding ungol, napilitan na siyang basagin ang bintana ng isang abandonadong gusali at doon pumasok. Dali-dali siyang lumabas sa bandang likuran at doon ipinagpatuloy ang pagtakbo.

Kung hindi lang dahil sa adrenaline, baka kanina pa siya nahimatay sa daan at nagkaroon na ng pagkakataon ang mga dambuhalang halimaw na malapa ang katawan niya.

Tumakbo lang siya nang tumakbo hanggang sa makarating sa kabilang barangay. Akala niya, matatahimik na ang mundo niya dahil wala na siyang naririnig na mga higanteng hayop sa paligid.

Doon naman siya nakarinig ng tila malalalim na paghinga. Dahan-dahan siyang nag-angat ng ulo. Tumambad sa harapan niya ang matataas na puno sa paligid na may kasuklam-suklam na mukha! Gumagalaw pa ang sanga ng mga ito habang nanlilisik ang mga mata sa kinaroroonan niya!

Muli siyang kumaripas nang takbo ngunit hindi nagtagal ay natumba rin siya nang may mapansin sa langit. Laksa-laksang kilabot ang umakyat sa kanyang sistema nang makita ang Planetang Jupiter na papalapit na sa mundo! Palaki ito nang palaki sa paningin niya hanggang sa masakop na nito ang buong kalangitan!

Kitang-kita na rin niya sa paligid ang epekto ng nalalapit na pagbangga ng gas giant na ito sa mundong ginagalawan niya.

Bukod sa unti-unti na nitong sinisira ang atmospera ng mundo, nararamdaman na rin niya ang napakalakas nitong magnetic field na naghahatid ng matinding radiation sickness sa kanya.

Nagsimula nang umikot ang kanyang paningin, bumaligtad ang sikmura, nakaramdam ng pagkahilo, panginginig, pagkombulsyon at iba pang epekto ng matinding radiation!

Nasa balintataw na niya ang unti-unting pagkawasak ng mundo habang lalo pang sinasakop ng Jupiter ang kalangitan. Nagdulot na rin ito ng matitinding pagkidlat at pagkabutas ng mga lupa.

Sunod-sunod na rin ang pagbagsak ng mga bulalakaw na dala-dala ng higanteng planeta na ito. Bukod pa ang dulot nitong tidal heating na nagpagising sa lahat ng mga bulkan.

Kasabay niyon ang paglitaw ng iba pang mga dambuhalang nilalang sa paligid niya. Mga dambuhalang gagamba, alakdan, alupihan at praying mantis! Lahat sila papalapit sa direksyon niya!

Sa sobrang takot ay hindi na siya nakatayo. Hindi na rin siya nakasigaw pa. Napapikit na lang si Armon at tinanggap na ang kapalaran niya. Ganap na ring nagdilim ang kanyang paningin bago pa niya maproseso sa utak ang mga sumunod na kaganapan.

Kasunod niyon ang tuluyang pagbangga ng Jupiter sa Earth na nagdulot ng matinding pagyanig at pagsabog sa buong mundo!

GULAT na gulat ang mga kasama ni Armon sa bahay nang bigla na lang siyang magsisigaw at magwala sa kama niya.

Tagaktak ng pawis ang buo niyang katawan nang maimulat ang mga mata. Doon lang niya napagtanto na isang panaginip lang pala ang lahat. Isang napakasamang panaginip.

"Ano ba'ng nangyari sa 'yo, Armon? Tinakot mo kame!" sigaw sa kanya ng kanyang ama.

"Saan ka ba kasi galing kagabi? Sabi ko naman sa 'yo huwag kang magpapagabi sa alak! Ayan ang napapala mo! Kung wala pang nakakita sa 'yo, hindi ka namin mauuwi rito!" sermon naman sa kanya ng nanay niya.

"A-ano po ba ang nangyari?" matamlay ang boses na tanong niya sa mga ito. Panay rin ang paglunok niya dahil parang natuyuan siya ng lalamunan.

May nakakita raw sa kanya na tumatakbo at sumisigaw kagabi mag-isa sa gitna ng daan. Kung saan-saan daw siya nakarating. Sinubukan daw siyang habulin para tulungan pero lalo lang daw siyang nagtatakbo na parang hinahabol ng aso.

Hanggang sa bigla na lang daw siyang natumba malapit sa kabilang barangay at ilang minuto raw nakatingin sa langit bago siya unti-unting nahimatay.

Ayon sa mga residenteng sumunod sa kanya, parang may nakikita raw siya na hindi nila nakikita. Tila iba ang tingin niya sa paligid nang mga oras na iyon.

Dito napagtanto ni Armon na ang mga higanteng hayop na nakita niya sa paligid ay ang mga tao palang nakasalubong niya sa daan. Ibig sabihin, hindi panaginip ang nangyari kagabi, pero hindi rin niya alam kung ano ang ibig sabihin niyon.

"Uminom ka na naman siguro nang walang kain kagabi, ano! Magpahinga ka muna d'yan at titingnan ko lang 'yung niluluto ko. Tapos kumain ka na rin agad para magkalaman 'yang tiyan mo!" sabi pa ng nanay niya bago ito lumabas ng silid. Sumunod din dito ang kanyang ama.

Napabuga siya ng malalim na paghinga saka hinagod ang ulo sa dalawang kamay. Hindi pala panaginip ang nangyari. Tunay ngang gising pa siya at nasa labas pa nang mangyari ang tila pag-iba ng paningin niya sa paligid.

Ang hindi lang niya maunawaan ay kung bakit naging ganoon ang paningin niya. Ano kaya ang nais nitong ipahiwatig?

Hanggang sa bigla siyang may maalala. Hindi siya sigurado kung may kinalaman ba iyon. Pero agad niyang kinuha ang cellphone at binuksan ang group chat nilang magbabarkada para sabihin ang nangyari sa kanya.

Magtatanong pa lang sana siya nang bumungad sa kanya ang conversation ng mga ito ngayong umaga lang.

Pinag-uusapan ng tatlo ang tungkol sa alak na ininom nila kagabi—ang Devil's Breath. Suspetsa ni Donnel, baka ito raw ang may gawa niyon sa kanila.

Pagkapasok kasi nito sa bahay nang gabing iyon, bigla na lang daw itong nakakita ng higanteng mga rebulto na isa-isang nagbagsakan sa paligid nito. Winasak pa raw ng mga rebultong iyon ang bahay nito. Nasilayan din daw nito ang buwan sa napakalaking anyo na parang ang lapit sa mundo habang ginagapangan ng dambuhalang gagamba!

Maging sina Ram at Loonie ay nakaranas din ng kakatwang pangyayari habang nakasakay sa bus. Lahat daw ng mga sasakyang nadaanan nila ay biglang lumaki at naging higante.

Hanggang sa magkabanggaan daw ang mga ito at lumikha ng napakalaking delubyo sa daan. Naging mala-final destination ang pangyayari sa paligid. Sunod-sunod ang pagliparan ng mga dambuhalang sasakyan hanggang pati ang bus na sinasakyan nila ay lumipad na rin!

"Pucha mga p're! Kung alam ko lang na ganito pala katapang 'yung alak na binigay ni insan, hindi ko na lang sana tinanggap 'yon! Lintik na 'yan! Kaya pala gustong-gusto niya na inumin ko ito mag-isa! Ganito pala ang epekto nito! Hayop talaga ang Joey na 'yon!"

Gulat na gulat si Armon sa mga nabasa. Hindi lang pala siya ang dinalaw ng kakatwang ilusyon kagabi. Pati na rin mga barkada niya.

Dito lumakas ang kanyang hinala na may kinalaman nga rito ang alak na ininom nila. Ayon pa raw sa pinsan ni Donnel, may kakaibang epekto raw sa tao ang alak na ito kapag nalasing. Nagbibigay raw ito ng isang napakalaking experience.

Hindi nila akalaing ganoon pala ang experience na tinutukoy nito. Literal na nakapagpapalaki ng mga nilalang sa paligid!

Walang nakakaalam kung saan gawa ang mga sangkap ng alak na ito. Ang alam lang nila ay galing ito sa Russia, isa sa mga major exporter ng pinakamatatapang na alcoholic beverages sa mundo.

Doon napaisip si Armon. Hindi kaya ang mga ilusyon na dumapo sa kanilang utak kagabi ang mismong epekto ng Devil's Breath?

Kung gayon, tunay ngang matapang ang alak na ito! Sa sobrang tapang, hindi na pagkalasing ang idinudulot nito. Kundi mga ilusyon na mas matindi pa sa bangungot at kamatayan!

SA IBANG bansa naman, tuluyang pina-ban sa lahat ng merkado ang pagbenta sa Devil's Breath matapos matuklasan ang kakaiba nitong epekto sa tao.

Lahat ng taong nalalasing sa alak na ito ay tinatamaan ng Megalophobia, isang uri ng anxiety disorder kung saan nakakaranas ng matinding takot sa dambuhalang mga bagay, lugar at hayop ang biktima.

Bukod sa matinding takot na mararamdaman kapag napalapit sa malalaking bagay, maaari ding maging dambuhala sa paningin ng biktima ang mga lugar, hayop, rebulto, at iba pang bagay sa paligid!

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro