Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Black Stomach

Black Stomach

NANGINGINIG ang mga kamay ni Levi habang gumagapang palabas ng pinto. Wala na ang dalawang mata niya. Nagmistulang luha na rin ang sariwang dugo na tumutulo sa sisidlan ng mga iyon.

Tadtad ng malalalim na kalmot ang bawat sulok ng balat niya habang nakalawit na ang kaliwa niyang tainga at malapit nang maputol.

Kahit ganap nang nagdilim ang kanyang paningin, naaaninag pa rin niya sa natitirang pandinig ang ngumangasab na boses ng nilalang na gumawa nito sa kanya.

Pinilit niyang makagapang pababa ng hagdan kahit alam niyang wala na siyang pag-asa na makalabas nang buhay.

Ngunit muli siyang napasigaw nang maramdaman ang pagbaon ng matutulis na kuko sa kanyang balat habang ito'y gumagapang paakyat sa kanyang katawan.

Dito niya pinakawalan ang pinakamalakas niyang sigaw. At iyon na rin ang pinakahuli. Sa huling gapang niya, winasak ng nilalang ang likod ng kanyang ulo at inilusot doon ang mga kamay.

Lumabas ang mga ito sa dalawang sisidlan ng mga mata niya at patuloy na sinira ang mga iyon hanggang sa hindi na makilala ang kanyang mukha.

NATIGILAN lang sa paglalakbay ang isip ni Valerie nang marinig ang boses ni Julius. "Hey, what happened?"

Agad siyang bumawi ng tingin dito at nginitian ang lalaki. "Ah, w-wala. Naka-order ka na ba?"

"Kaya nga tinatanong kita kung ano ang gusto mo, eh." Saka nito inilapag ang menu sa harap niya.

"Ah, sorry!"

Kanina pa wala sa sarili si Valerie. Hindi talaga mawala sa isip niya ang nangyari sa nobyo. Mag-iisang buwan na mula nang masawi ito sa isang malagim na insidente. Hanggang ngayon, nangingilabot pa rin siya tuwing maaalala ang hitsura ng bangkay nito.

Ewan ba niya kung bakit ganito katindi ang epekto niyon sa kanya. Kahit umaga at maliwanag ang paligid ay hindi humuhupa ang kilabot niya. Sinusubukan na lang niyang sakyan ang lahat ng gawain ng kasama para may mapagbalingan lang ng atensyon.

"NABUSOG ka ba, Val?" tanong sa kanya ni Julius habang umaakyat sila patungo sa office.

"Ah, oo naman. Salamat."

"Are you okay now?"

"Siyempre naman. Huwag mo na akong alalahanin. Okay lang talaga ako." Pinilit niyang ngumiti para tigilan na siya ng lalaki.

Nitong mga huling linggo, napapansin niya ang madalas na paglapit sa kanya ni Julius. Parang lalo pa itong nagiging mabait sa kanya. Hindi naman ito ganoon dati.

Pantay-pantay ang turin nito sa lahat ng katrabaho. Bawat isa ay kinakausap at kinukulit nito. Pero ngayon, siya na ang madalas nitong nilalapitan at niyayayang kumain sa labas. Madalas na rin itong sumabay sa kanya sa pag-uwi.

Hindi niya alam kung sinasadya ba ito ng kapalaran niya. Mula nang mawalan siya ng nobyo, isang panibagong lalaki naman ngayon ang nagbibigay ng atensyon sa kanya.

Dahil nga rin kay Julius ay nakakapasok pa siya sa trabaho kahit gulong-gulo pa ang utak niya sa mga nangyari noong nakaraang buwan.

Kinabukasan nga, kahit wala silang pasok, panay pa rin ang chat nito sa kanya. Nangungumusta sa kung ano ang ginagawa niya, kung kumain na ba siya, at kung nangangailangan daw ba siya ng kausap.

Pansin din kasi nito ang labis na pananamlay niya. Matagal na siyang may social anxiety na dahilan ng labis niyang pananahimik sa loob ng opisina kaya halos wala pa siyang mga kaibigan dito. Pero lalo pang lumala ito ngayon dahil sa nangyari sa dating nobyo.

Kaya nga hindi siya makapaniwala na may isang tao pa sa opisina nila na magkakaroon ng concern sa kanya. Kahit hindi pa handa ang sugatan niyang puso na magmahal muli, hindi rin naman niya ito isinasara.

Isang araw nga, napilitan na siyang tanggapin ang meetup na alok ni Julius. Hindi talaga niya kinakaya ang matinding stress na lumulunod sa kanya sa bahay kaya naghanap siya ng mapagbabalingan ng oras at atensyon.

Hindi niya akalaing magiging masaya at komportable siya sa lakad nila ni Julius. Simpleng gala lang naman ang ginawa nila. Kumain lang sa isang restaurant, naglibot sa loob ng mall at tumambay sa seaside habang tinatanaw ang payapang alon ng dagat.

Marami silang napag-usapan at halos hindi mapatid ang kanilang kuwentuhan. Isang araw pa lang niyang nakakasama ang lalaki nang ganito kahaba pero labis-labis nang kaginhawaan ang namayani sa kanya.

Lagi naman silang magkasama nang walong oras sa trabaho pero iba pa rin ang araw na ito kung saan tila solo nila ang mundo. Ngayon lang din niya panandaliang nakalimutan ang bagay na umaalipin sa kanya sa rehas ng kalungkutan.

"I understand your pain, Val. It's okay, don't force yourself kung hindi mo pa kayang sabihin sa akin. Basta nandito lang lagi ako para sa 'yo. I'm always ready to listen whenever you're ready."

Napangiti siya. "Salamat, Juls. Salamat talaga!"

Umakbay pa ito sa balikat niya na nagbigay ng kakaibang pakiramdam sa kanya.

Tatlong linggo lang ang nagdaan, nagtapat na nga ng pag-ibig sa kanya si Julius na agad naman niyang sinagot. Ewan ba niya kung bakit ganoon na lang kabilis ang pagtanggap niya sa lalaki.

Kung dahil ba ito sa napakatamis na pagmamahal na ipinapakita nito, o kung dahil sa naghahanap lang siya ng tao na gagawing panakip-sugat sa kanyang puso.

Kung anuman ang dahilan, iisa lang ang alam niya. Mahal na rin niya ang lalaki at nais niya itong bigyan ng pagkakataon sa kanyang puso. Ilang beses na siyang nabigo sa pag-ibig. Umaasa siyang hindi mangyayari kay Julius ang sinapit ng mga naunang nobyo niya.

Ito na lang ang nakikita niyang paraan para tuluyang makalimot sa nangyari sa kahuli-hulihang lalaki na minahal niya.

SAMPUNG minuto na lang ang natitira bago ang out niya. Dahil hindi na makapaghintay, napilitan na siyang magpabalik-balik sa banyo para mapabilis ang takbo ng oras.

Ito na ang ikalimang beses niyang paglabas sa kanilang opisina. Bago pa siya makarating sa comfort room, narinig agad niya ang boses ni Julius na tila may kausap na mga babae sa kabilang hallway. Katawanan pa nito ang mga iyon.

Nakilala agad niya ang boses ng dalawang babae na kausap nito. Mga kasamahan din niya iyon sa opisina—sina Eva at Nattie na pareho niyang hindi ka-close.

"So, ano nga ang nangyare after that?" tanong ni Nattie sa maharot na tinig.

"Gulat nga ako, eh! Bigla ba naman akong sinagot agad! Ang dali niyang nahulog sa akin!" Kasunod niyon ang malakas na tawanan ng dalawang babae.

Hindi makapaniwala si Valerie sa mga narinig. Parang muling dinurog ang puso niya na nagsisimula pa lang sanang maghilom.

"Basta ituloy mo lang ang gimmick, ah?" saad ni Eva. "Kailangan mong mapaibig at makuha ang tiwala ni Valerie para makahanap tayo ng butas sa kanya. Gagamitin natin 'yon para masira natin siya kay boss. Hindi ko hahayaang maging masaya ang babaeng 'yan sa promotion niya! Tayo ang mas matagal na rito! Tayo ang mas deserving kaysa sa nerdy introvert na 'yon!"

Hindi kasi tanggap ni Eva na isa si Valerie sa mga na-promote bilang bagong manager sa kanilang department. Ito lang ang pinakabatang napabilang doon. Ine-expect nila na isa sa kanilang tatlo ang makukuha dahil sila lang naman ang may pinakamahabang experience dito ngayon.

Parang isang malaking sampal sa kanilang tatlo na ipinagpalit lang sila sa isang empleyado na hindi pa nakakatatlong taon para makahawak ng mas mataas na posisyon.

"Sure, ladies! Hindi ko hahayaang malagpasan tayo ni Valerie. We're going to snatch that top spot to her!" confident namang sabi ni Julius, ibang-iba ang boses nito ngayon kumpara sa napakalambing na boses na ipinapakita sa kanya.

Hindi na tinapos ni Valerie ang usapan ng tatlo. Umalis siya sa pinakatahimik na paraan at nagbalik sa opisina niya. Hindi na niya hinintay pa ang pagpatak ng alas-singko. Nag-out na agad siya at nagpaalam sa boss niya.

Ilang beses pang sumakit ang tiyan niya habang nasa biyahe siya. Tuwing makakaramdam siya ng ganito, hindi puso ang sumasakit sa kanya kundi ang tiyan.

Luhaan na naman siya pagkauwi sa bahay. Halos malabhan na ng luha ang unan niya sa dami ng inilalabas ng mugto niyang mga mata.

Hindi na siya pumasok sa trabaho mula noon. Palagi na lang siyang nagkukulong sa kuwarto, hindi dahil sa muling pagkadurog ng kanyang puso, kundi dahil sa panunumbalik ng sakit niya sa tiyan.

Araw-araw na naman siyang nahihilo, nanghihina, sinusumpong, at dinadapuan ng kung anu-anong sintomas na karaniwang nararanasan ng mga buntis. Bukod pa rito ang hindi maipaliwanag na pagsakit ng kanyang tiyan na para bang may namumuo roon sa napakabilis na panahon.

Makalipas lang ang ilang linggo, lumobo na ang tiyan niya na parang isang ganap na buntis. Muli siyang nagdadalang-tao gaya ng palaging nangyayari sa kanya tuwing nasasawi ang puso sa pag-ibig.

Isang sumpa iyon na hindi na mawawala sa angkan nila na dadalhin nila hanggang sa dulo ng kanilang buhay.

Tuwing may lalaking mananakit sa kanya at makakadurog sa kanyang puso, kusang magbubuntis ang kanyang tiyan at magluluwal ng halimaw na magpapataw ng pinakamalagim na parusa rito.

Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang nabigo sa pag-ibig, at kung gaano na rin karami ang lalaking nasawi sa sumpa ng kanyang tiyan.

Ang pagpatay ng halimaw sa kanyang sinapupunan ay nakadepende kung paano siya niloko o sinaktan ng mga lalaking dumaan sa buhay niya.

Ang dati niyang nobyo na si Jayvee, nakipagtalik sa ibang babae, pinatay ito ng sanggol sa pamamagitan ng pagputol sa pagkalalaki nito.

Ang pinakahuli naman niyang nobyo na si Levi, kung kani-kaninong babae tumitingin, kung anu-ano ang nakikita nito na palaging ikinukumpara sa mga kakulangan niya. Kaya pinatay naman ito sa pamamagitan ng pagdukot sa mga mata nito.

At pagkaraan lang ng isang buwan, isinilang na nga niya ang panibagong halimaw na nabuo sa kanyang sinapupunan dahil sa mapagkunwaring dila ni Julius.

Puting-puti ang balat nito, may makakapal na mga ugat, pula ang mga mata, tadtad ng matatalim na pangil at kasing haba ng karayom ang matutulis na kuko.

Kusa itong lumabas at gumapang pababa ng kama. Umiiyak pa ito habang may tila pagngasab na sumasabay sa lalamunan nito.

Halos tumirik ang mga mata ni Valerie matapos ang panganganak. Sa tindi ng mga nangyari ay hindi niya kinaya at nahimatay na naman siya.

NANG araw ding iyon, napilitang puntahan ni Julius ang bahay ni Valerie. Isang buwan na kasi itong hindi pumapasok sa trabaho. Nag-aalala na rito ang boss nila.

Ito na sana ang pagkakataon nila para maagaw ang isa sa mga managerial position. Ngunit dahil masyadong mahal ng kanilang boss si Valerie, halos ayaw pa itong bitiwan ng matanda kahit isang buwan na itong wala. Ayaw pa rin nitong ibigay sa iba ang posisyon ng babae na nanganganib nang mabakante.

Kaya siya nagpunta rito ay para malaman kung ano ang dahilan ng isang buwan nitong pagliban sa trabaho. Nais lang niyang makasigurado na may hindi na magandang nangyayari dito para tuluyan na itong matanggal.

Kumatok siya sa pinto pero walang sumasagot. Hanggang sa mapagtanto niyang bukas ang seradura ng pinto.

Tumuloy na siya sa loob at luminga-linga sa paligid. Napansin niyang tila matagal nang hindi nalilinisan ang bahay. Bukod sa gulo-gulong kagamitan ay halos maubo rin siya sa mga alikabok na kumapit na sa paligid.

Ano kaya ang nangyari kay Valerie at iniwanan na lang nito nang ganoon ang sariling bahay? Walang sinong babae ang hahayaang maging ganito karumi ang tahanan nito.

"Val?" sinubukan na niyang tawagin ang babae. Pero wala pa ring sumasagot.

Hanggang sa madaanan niya ang isang hagdan patungo sa ikalawang palapag. Narinig niyang may pinto na lumagitik doon.

Naisipan niyang akyatin para malaman kung may tao roon. Ngunit bago pa niya maihakbang sa unang baitang ang mga paa, nakakita na siya ng maliit na nilalang na gumapang at tumambad sa paningin niya.

Namilog sa gulat ang mga mata niya nang masilayan ang isang sanggol na puting-puti ang katawan at may mabalasik na anyo. Napaatras siya.

Ngunit bago pa siya makalikha ng aksyon, bigla itong gumapang ng pagkabilis-bilis. Hindi na niya naproseso ang pagkilos nito. Napasigaw na lang siya nang makitang nakahawak na ito sa kaliwang binti niya.

Sinubukan niya itong itaboy ngunit lalo pang humigpit ang kapit nito. Tuluyang bumagsak ang katawan niya sa tindi ng sakit na naramdaman matapos bumaon ang mga kuko nito kahit makapal na ang suot niyang pantalon.

Tuwing sinusubukan niya itong hawakan at itaboy palayo, lalo pang humihigpit ang pagbaon ng mga kuko nito na halos magpatirik na sa hininga niya.

Humandusay na lang siya sa sahig habang patuloy na namimilipit sa sakit. Lalo siyang nangilabot nang maramdamang nakaakyat na ito sa mukha niya. Mabilis na ipinasok ng halimaw ang kamay nito sa kanyang bibig.

Kasunod niyon ang mas malakas na sigaw na kumawala sa kanya. Bumaligtad ang dalawa niyang mata matapos putulin ng sanggol ang kanyang dila!

Nangisay ang buong katawan niya na daig pa ang kinuryente ng libu-libong boltahe. Patuloy siyang tumitili habang umaapaw ang sariwang dugo sa kanyang bibig.

Patuloy naman siyang kinalmot-kalmot ng sanggol hanggang sa sinukuan na siya ng sariling hininga.

Pagkatapos bawian ng buhay si Julius, nagsimulang maagnas ang sanggol na nakapatong sa harap nito. Wala na rin itong buhay. Oras na mapatay ng halimaw ang lalaking dahilan ng pagkasilang nito, awtomatiko na rin itong babawian ng buhay.

Pagkaraan ng kalahating oras, kalansay na lang ang natira sa sanggol. Ang bangkay naman ni Julius ay patuloy na nakahandusay habang kalat sa sahig ang dugo na nagmula sa nakabuka nitong bibig.

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro