Bisita
Bisita
MAY bagong dating na bisita. Pero hindi ito tao. Hindi rin hayop. Kundi isang bagong planetang napadpad sa kalawakan at ngayo'y papalapit na sa direksyon ng mundo.
Wala sanang pakialam si Magnus sa mga balita sa TV. Matagal na siyang walang pakialam sa mga kaganapan sa mundo. Binubuksan lang niya ang TV para magkabuhay ang malungkot niyang bahay.
Pero masyadong inagaw ng balitang ito ang atensyon niya kaya napilitan siyang ihinto ang pinipinta at ibinaling sa TV screen ang paningin.
Ayon dito, kamakailan lang nadiskubre ang bagong planetang nakapasok sa solar system. Wala pang nakakaalam kung kailan ito nabuo. Pero nakatitiyak ang mga eksperto na bagong silang pa lang ito sa kalawakan.
Bagama't medyo malayo pa ang kinaroroonan nito, papalapit daw sa direksyon ng Earth ang planetang ito. At hindi magtatagal, maaari nitong mabangga ang mundo.
Kung magpapatuloy ito, lahat ng buhay sa mundo at lahat ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ay tuluyang mawawala dahil walang laban ang Earth sa ganitong uri ng sakuna.
Imbes na mabahala, na-bad trip lang si Magnus sa balita. Kung kailan sineseryoso na niya ang pangarap na maging pintor, saka pa may mangyayaring ganito sa mundo.
Napilitan na siyang patayin ang TV pagkatapos ng balita. Pinagmasdan muli niya ang surreal painting na tinatrabaho sa harap ng canvas niya.
Nawalan na tuloy siya ng ganang magpatuloy. Nabali na ang creativity na bumabalot sa kanya kanina. Kailangan muna niyang ipahinga ang utak para manumbalik ang tawag ng imahinasyon niya.
Hindi siya makakalikha kung may bumabagabag sa isip niya. Napilitan siyang magbanlaw ng katawan at mamasyal sa labas. Pero hanggang sa pag-uwi, ayaw pa ring umandar ng utak niya.
Nangalay na lang ang dalawang mata niya sa kakatitig sa larawan ay wala pa rin siyang maumpisahan.
Napilitan siyang ilabas ang telescope niya at nagtungo sa likod ng bahay. Parang nagkainteres tuloy siyang hanapin sa kalawakan ang bagong planetang sinasabi sa balita. Masyado nitong ginugulo ang isip niya. Pati sa mga social media ito ang palaging pinag-uusapan.
Inayos niya ang kanyang tent kung saan nakapuwesto ang Sky-Watcher Skymax-180 Pro niya na naka-connect sa kanyang monitor.
Nang mahanap niya ang tamang puwesto para makita ang kinaroroonan ng planeta, agad niyang ifinocus ang telescope doon at kinuhanan ito. Saka niya ito pinalinaw sa software ng kanyang monitor hanggang sa makita niya nang detalyado at malapitan ang misteryosong planeta.
Pinagmasdan niya ito nang mabuti. Saka niya naalala ang balita noong nakaraan na nasa thirty eight million miles pa lang daw ang distansya nito sa mundo. Ngunit unti-unti iyong nababawasan habang papalapit pa ito.
Hindi niya maiwasang mangilabot at mamangha sa berde nitong kulay na binabalutan ng tila asul na mga ulap. May parang usok din na nahagip ang kanyang telescope na tila lumalabas sa atmosphere nito.
Di kalaunan, ang kanyang pagkamangha ay napalitan ng kaba.
Paano kung totoo ngang babangga sa Earth ang planetang ito sa susunod na mga buwan? Ano na lang ang mangyayari sa buhay nilang lahat dito? Paano na ang pangarap niya?
Hindi naman problema sa kanya kung kailan gustong kunin ng Diyos ang kanyang buhay. Pero huwag naman sana sa ganitong paraan. Ayaw niyang maabo nang buhay sa kalawakan kasama ang sariling mundo. Masyado naman yatang brutal iyon.
Ayon pa sa mga nakaraang balita, kasing laki raw ng Neptune ang planetang ito. Dahil sa berde nitong kulay at mga asul na ulap, tinawag ito ng mga eksperto bilang Mold Planet.
May pagkakahawig kasi sa kulay ng amag ang kulay nito. Para itong nasirang planeta na ngayon ay inaamag at sinasalot ng bakterya. Lalo tuloy silang nahiwagaan kung ano kaya ang hitsura ng mundo sa planetang ito.
Ngunit ang labis na ikinababahala ng mga eksperto ay ang bumibilis na galaw nito. Maaari daw itong tumama sa mundo sa loob lamang ng isa hanggang dalawang buwan.
Sa takot ay inalis na niya ang mata sa eyepiece ng kanyang telescope. Naupo siya sa isang tabi at napaisip.
Saan nga ba nagmula ang planetang ito? At paano ito nabuo?
Hindi siya eksperto sa study of space pero may kaunti siyang nalalaman tungkol dito dahil minsan na rin niyang nakahiligan ang pag-aaral sa kalawakan. Kaya nga siya may telescope ngayon.
Sa pagkakaalam kasi niya, kapag may planetang nabuo sa loob ng solar system, aabutin ito ng one hundred million years bago maging ganap na planeta.
Marami pa kasi itong pagdadaanang mga proseso na daan-daang taon ang aabutin. Magsisimula ito bilang gas cloud na unti-unting paiikutin ng gravitational pull ng araw hanggang sa mabuo ang mga dust and rocks dito.
At habang nabubuo ito, maaari din itong magdala ng mga asteroids at space debris sa Earth at iba pang panig ng kalawakan.
Kapag masyadong malaki at malapit ang distansya ng nabuong planeta sa Earth, malaki ang tsansa ng pagkasira ng mundo dahil sa mga delubyong dadalhin nito.
Kaya nga para sa kanya, hindi na puwedeng magkaroon ng bagong planeta sa solar system dahil masisira lang nito ang maayos na orbit at formation ng mga planeta kabilang na ang Earth.
Hindi tuloy siya nakatulog nang gabing iyon. Kaya kinabukasan, napilitan siyang mamasyal sa National Museum na nagsisilbi niyang libangan para makalikom ng mas maraming ideya at konsepto sa utak niya.
Binalikan niya ang ilan sa mga obra ng iniidolo niyang pintor na si Antonio Crisostomo. Ito ang inspirasyon niya sa mga artwork na ginagawa niya ngayon.
Kakaiba kasi ang tema ng mga paintings nito. Karamihan ay mga surreal images na may kakaibang mensahe na napakahirap i-decipher o bigyang-paliwanag.
Hanggang sa mapadpad siya sa gallery sa bandang dulo kung saan naka-display ang iba pang mga paintings na hindi pa niya napupuntahan.
Nagulat siya dahil halos lahat ng nandoon ay mga paintings din ni Antonio Crisostomo. Mas kakaiba at medyo nakakatakot ang mga artwork na nandito. Ngayon lang niya nalaman na may ganito rin palang mga obra ang hinahangaang pintor.
Mayroong higanteng mukha ng leon na may katawan ng ahas, at ang nagsisilbi nitong balahibo ay ang mga kamay na nakapalibot sa ulo nito.
Mayroong halaman na may dikit-dikit na mga mukha at bawat mukha ay may kanya-kanyang ekspresyon.
Mayroon ding dambuhalang makina na hugis ulo ng toro at may mga wire na nakakonekta sa isang ulo na may nakakakilabot na ekspresyon, na para bang may pinagdadaanan itong walang kapantay na hirap.
Ngunit ang pinakatumukso sa balintataw niya ay ang oil painting na nasa dulo. May imahe iyon ng isang planeta na kulay berde, may mga asul na ulap, may nakakatakot na mukha, at sa bandang bibig nito ay tila may sinusubo itong maliit na planeta.
Nag-iba ang titig niya sa artwork na iyon. Pumasok agad sa isip niya ang tungkol sa Mold Planet na isang malaking banta ngayon sa kanilang mundo. Agad niya itong nilapitan at hinanap ang description ng painting.
Pero ang tanging nakalagay roon ay isa lang daw ito sa mga lumang obra ng pintor na nakalkal lang sa kuwarto nito nang araw na matagpuan itong wala nang buhay.
Ang painting daw na ito ang nakitang nakapatong sa harap ng katawan nito at walang nakakaalam kung ano ang mensahe sa likod ng larawan.
Ginapangan ng kakaibang kilabot ang katawan niya. Napilitan siyang kuhanan ng litrato ang painting at nilisan sa pinakamabilis na paraan ang silid na iyon.
Sinubukan niyang manaliksik sa internet pero wala siyang makitang impormasyon tungkol sa naturang painting.
Napilitan na siyang pumunta sa National Library at naghanap ng mga lumang libro tungkol sa kasaysayan ng buhay ni Antonio Crisostomo.
Hanggang sa madiskubre niya ang isang libro na naglalaman umano ng mga sikreto ng pintor na nabunyag lamang pagkatapos ng kamatayan nito. Kabilang na ang mga unreleased artwork nito, mga diary, at mga kagamitan na kadalasang ginagamit sa itim na mga ritwal.
Kahit noong nabubuhay pa raw ito, madalas umanong banggitin ng lalaki sa mga panayam ang tungkol sa mga nalalaman nito sa itim na ritwal. Hindi nga lang ito gaanong sineryoso ng mga nakarinig dahil sa pag-aakalang nagbibiro lang ito.
Pero nang pumanaw ito, nadiskubre mismo sa loob ng silid nito ang mga aklat at iba pang kagamitan na ginagamit nga sa paggawa ng itim na mga ritwal.
Noon pa man ay kilala na raw si Antonio Crisostomo sa pagiging wirdo mag-isip at magsalita. Kaya siguro ganoon na lang ito kahusay lumikha ng mga wirdo at nakakatakot na obra.
Sa halos sampung taon na pag-idolo ni Magnus sa pintor na ito, ngayon lang niya natuklasan ang tungkol sa bahaging iyon ng talambuhay nito.
Hindi pa niya narinig na pinag-usapan sa panahon ngayon ang tungkol sa itim na mga ritwal na ginagawa umano nito sa hindi malinaw na dahilan. Kahit ang libro ay walang sinabing paliwanag kung saan ginagamit ng pintor ang mga ritwal.
Ayon pa rito, malaki raw ang galit ni Antonio Crisostomo sa mundo dahil sa pagkamatay ng kaisa-isang tao na minahal nito. Ngunit ang mas ikinagulat niya ay hindi iyon babae kundi kapwa rin nitong lalaki.
Silahis daw ang naturang pintor na hindi lubos matanggap ng sariling magulang kaya pinalayas ito. Patuloy namang naging masaya ang pintor sa piling ng irog nito. Halos itinurin nitong mundo ang lalaking iyon.
Kaya naman nang mawala ito dahil sa isang sakit, parang nawasak din ang mundo nito. Dala ng matinding galit at emosyon, napilitan si Antonio Crisostomo na baguhin ang istilo ng mga obra nito.
Ang dating mga surreal paintings na ginagawa nito ay napalitan ng mga tema at anyong kababalaghan. Gaya ng mga halimaw, demonyo, viruses, weird creatures at iba pang nilalang na hindi kaaya-aya sa paningin.
Binuhos nito sa mga obrang iyon ang nalalabing mga panahon sa mundo. Nagkasakit na nga ito dahil hindi na kumakain at natutulog. Wala itong ibang ginawa kundi ang lumikha nang lumikha ng mga nakakatakot na obra.
Lahat ng kasuklam-suklam na hindi magugustuhan ng tao ay iginuhit nito. Kabilang na roon ang painting nito tungkol sa halimaw na planetang may nakakatakot na mukha.
Pagkatapos magbasa ay muli niyang pinagmasdan sa cellphone ang nakuhang larawan sa museum. Hindi siya maaaring linlangin ng pakiramdam. Ito nga ang Mold Planet na nasa solar system ngayon gaya ng nakasaad sa mga nakuhang detalye. Ang planetang unti-unting nabuo pagkatapos ng kamatayan ni Antonio Crisostomo.
Ngayon ay tila malinaw na sa kanya ang lahat. Dahil sa labis na galit nito sa mundo, maaaring ginawa nito ang obrang iyon para dito ibuhos ang nagbabagang emosyon na umaalipin sa buong pagkatao at kaluluwa nito.
Ang matinding galit at kalungkutan na sa sobrang bigat ay naging literal na mundo na rin at tahimik na nabuo sa paglipas ng panahon mula nang mamatay ang pintor.
Taong 1898 namatay si Antonio Crisostomo. Maaaring doon din nagsimula ang pagkabuo ng planetang ito nang hindi nalalaman ng marami.
Ang isa pang gumugulo ngayon sa isip niya, ano kaya ang puwede niyang gawin para pigilan ang nalalapit na pagbangga ng planetang ito sa mundo? Paano kaya niya maililigtas ang mundo sa paparating na pagkawasak?
Dahil sa mga natuklasan, parang nagbago na ang tingin niya kay Antonio Crisostomo. Hindi siya makapaniwala na ang taong naging inspirasyon niya sa pagpipinta ay naging kampon pa ng dilim nang dahil lang sa ipinagbabawal na pag-ibig.
Napilitan uli siyang silipin sa kanyang telescope ang naturang planeta nang gabing iyon. Halos lumuwa ang mata niya sa lumitaw sa monitor matapos i-enhance sa software ang nakuhang larawan.
Ang berdeng planeta ay mayroon nang mukha! Isang pares ng nagngangalit na mga mata, isang napakalaking bibig na punong-puno ng mga pangil at mga usok na nakapalibot sa buong bahagi nito!
Isa itong mukha na kahit sa imahinasyon ay hindi niya gugustuhing makita. Sa sobrang takot ay napatakbo siya sa loob ng bahay at iniwan na ang telescope sa labas.
Binuhay niya ang lahat ng ilaw para hindi tuksuhin ng dilim ang utak niya. Binuksan din niya ang TV at nilakasan ang volume para umingay ang bahay.
Sa isang midnight news na napadaan, isang bagong update sa Mold Planet ang inilabas ng mga eksperto. Mas lalo pa raw bumilis ang galaw ng planetang ito at baka hindi na umabot ng isang buwan ang pagbangga nito sa mundo!
Nagsimula nang mabahala ang lahat ng tao sa iba't ibang panig ng mundo. Halos lahat din ng simbahan ay bumuo na ng mga misa at taimtim na dasal para subukang pigilan ang pagdating ng malawakang delubyo.
Maging ang mga eksperto ay wala nang nakikitang paraan para maisalba pa ang mundo sa panganib na dala-dala ng paparating na planeta.
Parang siya naman ang mababaliw ngayon. Hindi siya pinatulog ng balitang iyon sa buong gabi. Palagi siyang nakabantay sa langit kung lilitaw na ba roon ang mukha ng planeta. Natatakot talaga siyang mamatay kung ang sanhi ng kamatayan niya ay dahil sa pagkagunaw ng mundo.
Dahil sa labis na takot at emosyon, napilitan siyang balikan kinabukasan ang painting na iyon ni Antonio Crisostomo sa National Museum. Binigyan niya ng matalim na titig ang larawan ng halimaw na planeta.
"Hindi mo puwedeng wasakin ang mundo! Ako ang wawasak sa 'yo!"
Gulat na gulat ang mga tao sa paligid nang makita ang ginawa niya sa painting. Binato niya ito ng kanyang sapatos hanggang sa magkaroon iyon ng kaunting pinsala. Hindi pa siya nakuntento at sinipa-sipa ito hanggang sa mahulog sa kinalalagyan.
Sinuntok-suntok niya ito, tinapak-tapakan at pinagbabato ng mga bagay na mahagip ng dalawang kamay niya.
Bago pa siya naawat ay tuluyan na niyang nawasak ang painting. Sinigurado niyang pati mukha ng planeta ay wasak na wasak din. Pagkatapos niyang masira ang obra, wala sa loob na nailipat niya ang galit sa mga guwardyang umaawat sa kanya.
Ang isa ay nasugatan niya sa mata. Ang isa naman ay inagawan niya ng baril. Tila nawala siya sa katinuan dahil sa matinding takot at galit na sumabog sa kanyang systema. Dahil dito, napilitan ang management na dalhin siya sa pinakamalapit na istasyon ng pulis.
Hanggang sa mga araw na lumipas ay walang nagbago sa kilos ni Magnus. Mas lalo pa siyang naging agresibo habang nasa loob ng presinto. Kaya nga hiniwalay na siya sa mga kapwa preso at binigyan ng sariling kulungan.
"Pakawalan n'yo 'ko! Hindi n'yo 'ko naiintindihan! Ginawa ko lang 'yon para mailigtas kayong lahat! Balang araw pasasalamatan n'yo rin ako sa ginawa ko!"
Nang sumunod na araw ay dinala na siya sa pinakamalapit na mental hospital para masuri ang kanyang kalagayan. Mas lalo pa kasi siyang lumala. Nahigitan na niya ang kilos ng isang taong sinasapian.
Dahil dito, hindi na niya nalaman ang tungkol sa bagong balita na inilabas. Kataka-takang naglaho na raw ang berdeng planeta sa kalawakan. Kahit saan maghanap ang mga eksperto ay hindi na nila ito mahagilap. Sa isang iglap ay tila nabura ito sa existence at walang iniwang bakas.
Habang nagdiriwang ang mga tao sa iba't ibang panig ng mundo, patuloy pa ring sinasaktan ni Magnus ang sarili sa loob ng kanyang silid. Kinagat-kagat niya ang daliri hanggang sa dumugo iyon.
Habang malakas pa ang tagas ng dugo, wala sa loob na gumuhit siya ng larawan sa napakaputing pader. Larawan ng isang dragon na may napakalaking bibig at mga galamay na gaya ng sa pugita. At sa bandang harapan nito, may tila isang planeta na binabalak nitong isubo nang buhay!
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro