Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

ᴾᴬᴿᵀ ⍭ ꜰᴏᴜʀ

𝗡𝗮𝗿𝗿𝗮𝘁𝗼𝗿'𝘀 𝗣𝗲𝗿𝘀𝗽𝗲𝗰𝘁𝗶𝘃𝗲
⋅▫⋅⋅⋅⋅𝘥𝘪𝘳𝘵𝘺 𝘭𝘺𝘪𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨𝘦𝘭𝘴⋅⋅⋅⋅▫⋅

"Nakikita ko na si Kiria," saad ni Jhulia sabay turo sa direksyon kung nasaan ang kanilang kaibigan, "Kiria! Kiria!"

Nang marinig ni Kiria ang tinig ni Jhulia ay lumingon siya sa kanila't nakangiting kumaway. Isa-isa niyang pinagmasdan ang kanyang mga kaibigan habang ito ay papalapit sa kanya. Hindi na nagtaka si Kiria kung gaano kaganda si Jhulia sa asul na offshoulder dress na suot nito. Ang hindi niya inaakala ay ang itim na bistida ni Luella. Umangat ang karikitang itinatago ng dalaga sa suot niyang iyon.

"Hoi, Kiria, umamin ka muna bago mo harap-harapang pagnasahan 'tong kaibigan natin," nagbibirong puna ni Jhulia nang mapansing napatigalgal si Kiria kay Luella.

"Umamin sa ano?" agad na baling sa kanya ni Kiria, "Saka grabe 'yung word a. Pagnasahan talaga?"

Hindi na tumugon si Jhulia at nagkibit-balikat na lamang. Sinamaan tuloy siya ng tingin ni Kiria at mukhang may sasabihin pa, ngunit tinapik na siya sa balikat ni Luella.

"Bago ka umamin, siya muna ang paaminin mo na may gusto sa 'yo at sinasangkalan lang ang pangalan ko para hindi mahalata," nakangiting banat naman ni Luella.

"Wala nga akong aami—"

"What?! May pinatataman ka ba? Sino 'yan? Sino 'yan?" eksaheradang tanong ni Jhulia na sinapawan ang sinasabi ni Kiria.

At kagaya nang ginawa ni Jhulia, hindi rin tumugon si Luella at nagkibit-balikat lang. Hindi mapigilang mapanguso ni Jhulia dahil do'n kaya napatawa na rin si Kiria.

"For your information, tropa-tropa tayong tatlo no. Baka may makarinig tapos 'di na ako ligawan. Bahala kayo d'yan!" nag-aktong nagtatampo si Jhulia at nagsimula nang maglakad.

"Tignan mo 'yon, asar-talo..." naibulong ni Kiria.

Sinundan na rin nila si Jhulia sa paglalakad matapos no'n. Bagamat muling nagbangayan sina Jhulia at Kiria, tahimik lang na nanonood sa likuran nila si Luella.

Nakangiti siya dahil tumatawa ang dalawa niyang kaibigan. Ngunit malamig pa rin ang kanyang mga mata. Matamis ang pagkakakurba ng kanyang labi. Subalit matabang ang repleksyon ng nakikita ni Luella sa kanyang mga mata.

"Sino'ng tinitignan mo r'yan?" biglang tanong ng isang lalaki sa kaibigan niyang nakatanaw sa tatlong magkakaibigang papalayo.

Ang kanyang kaibigan ay nanatiling nakatingin sa kanila at hindi sumagot. Nagkamot naman ng batok ang lalaki habang sinusundan ng tingin ang tinatanaw ng kanyang kaibigan.

"Sino? Sina Luella? Kaibigan niya 'yon," ang sagot naman ng isang babae na kararating lamang at narinig ang tanong ng lalaki.

"Friends?" ang hindi makapaniwalang tanong ng lalaki sabay lingon sa tatlo na halos hindi na nila matanaw.

"Well, friendship over na sila simula mamayang gabi," natatawang saad ng babae at makahulugang tumingin sa kaibigan nila na hindi pa rin inaalis ang mata kina Luella.

Tumaas ang isang kilay ng babae nang hindi man lang sila pinansin ng kanilang kaibigan. Napa-irap ang mga mata ng babae bago nito nilapitan ang kaibigan.

"Don't tell me you wouldn't kill her once yo—"

"Let's go..." madiing putol ng kanilang kaibigan sa sinasabi ng babae.

Tumalikod ang kaibigan nila at walang lingun-lingong naglakad. Ni hindi nito pinansin ang naiiritang tawag sa kanya ng babae o ang pasaring na narinig niya mula sa lalaki. Diretso lamang siyang naglakad palayo sa lugar kung saan magsisimula ang laro na sisira ng kani-kanilang buhay.

Mabilis na lumipas ang oras. At ang kaninang kakarampot na tao sa auditorium ay halos hindi na mabilang ngayon. Ang parating mga nakasalansang kulay pula na stacking chairs ay nagkapapatong ngayon at nakatabi sa gilid ng auditorium. Pinalitan ito ng mga itim na bar table kung saan may tatlong flameless candles sa bawat gitna nito.

Kanina pa nag-umpisa ang seremonya. Tumugtog sa entablado ang ilan sa mga banda ng paaralan at umawit ang bawat pambato ng kani-kanilang baitang. Ang mga ilan na hindi raw nabiyayaan ng ginintuang tinig ay nagsipagsayaw na lang sa saliw ng iba't ibang musika.

"Wala bang pumuslit ng empi lights?" bulong ni Sam kay Mark na narinig ni Patricia.

Napangisi si Patricia sa narinig kaya nagpasya siyang lumapit sa kanila. Dahil natugtog pa rin ang nakakaindak na musika, pasayaw na nilapitan ni Patricia sina Sam at Mark. Pumagitna siya sa dalawa at inakbayan si Mark.

"Ano'ng problema mo?" nagtatakang tanong ni Mark sabay alis sa pagkakaakbay ni Patricia.

Bumungisngis lamang si Patricia at lumipat kay Sam. Ngunit hindi katulad ni Mark, hinayaan lamang ni Sam ang panglilingkis sa kanya ni Patricia.

"Alam ko kung nasaan ang hinahanap n'yo, guys," masaya ngunit mahinang sabi ni Patricia.

Hindi man sinabi ni Patricia kung ano ang tinutukoy niya, agad na nagkatinginan sina Sam at Mark. Ito ay hindi nakalagpas sa mga mata ni Patricia kaya lalo siyang napangisi. Wala siyang sinayang na pagkakataon, bago pa man may makakita ay ninakawan niya ng halik ang leeg ni Sam. Agad na napaatras si Sam at nanlalaki ang mata na napatitig kay Patricia.

"Nakainom ka ba, Pat?" hindi makapaniwalang tanong ni Mark matapos hawakan sa braso si Patricia.

"Ano'ng ginawa mo sa leeg ko?" gulat na tanong ni Sam habang hinihipo ang parte ng leeg niya na hinalikan ni Patricia.

Salungat sa gulantang na mga reaksyon nina Sam at Mark, masayang nakangiti sa kanila si Patricia. Sumayaw-sayaw pa ito bago muling nilapitan ang dalawa at inilapit sa kanya.

"Ako ang bahala sa iinumin n'yo... Pero kayo ang bahala sa kakainin ko," nang-aakit na bulong ni Patricia sa kanila.

Nanigas ang dalawa sa ibinulong ni Patricia. Bagamat hindi ito ang unang beses ay hindi nila maiwasan manginig sa tuwing nangyayari ito kay Patricia. Ramdam na ramdam nina Sam at Mark ang init ng katawan ni Patricia dahil sa magkadikit nilang mga braso.

Naikuyom ni Mark ang kanyang kamao at nag-iwas ng tingin. Subalit kumikislut-kislot naman ang labi ni Sam. Napansin ito ni Patricia at nang makita niya na makailang beses na napalunok si Sam, alam na niya kung sino ang pupuntiryahin.

"Tigilan mo na 'to, Pat. Hindi tama. Hindi na rin namin kailangan ng inaalok mo," buong pilit na pagkalas ni Mark sa pagkakaakbay ni Patricia bago puwersahang hinila palayo si Sam at sinabing, "Tara na, Sam. May iced tea akong nakita ro'n."

Hindi nakapagsalita si Sam nang hilahin siya palayo ni Mark kay Patricia. Sinubukan pa niyang lumingon ngunit binatukan na siya ng kaibigan. Nakangisi namang pinanood ni Patricia ang papalayong sina Sam at Mark. Bagamat nanghihinayang dahil hindi pa niya natitikman ang pagkain ng dalawang magkaibigan, agad din siyang nakabawi sapagkat naniniwala siyang may iba pang tatanggap sa inaalok niya ngayong gabi.

"So you were rejected?" biglang sulpot ni Veronica sa tabi ni Patricia.

Inilingkis niya ang kanang braso sa baywang ni Patricia na siya namang nakangiting lumingon sa kanya. Nagsayaw muna sila saglit at nagtawanan sa hindi tiyak na kadahilanan.

"Nasaan si Ellie?" tanong ni Patricia matapos nilang magsayaw.

Ngumisi naman si Veronica at ikinulong na ang baywang ni Patricia gamit ang dalawa niyang braso. Dahan-dahang inilapit ni Veronica ang kanyang bibig sa tainga ni Patricia at hiningahan ito. Naramdaman agad ni Veronica ang panginginig ni Patricia kaya napatawa siya.

"Ellie is on cloud nine right now. She's eating with Anthony, Aries, Rioja and Jefferson," masayang tugon ni Veronica.

"What a feast! I'm jealous..." nakangusong saad naman ni Patricia.

Napangisi si Veronica dahil dito. Bumitaw siya sa pagkakayakap kay Patricia at makahulungang tinignan ang mga mata nito. Walang salita ang namayani sa dalawa ngunit agad silang nagkaintindihan. Pawang nagsitanguan at bumungisngis sa isa't isa. Muli silang nagsayaw saglit bago nagtungo sa hindi malamang lugar.

"Ayan umalis na tuloy! Ang bagal mo kasi, Dan! Tagal na nating magkaklase tapos ganyan ka pa rin," pangaral ni Sherwin sa katabi niyang si Dan nang matanaw nilang wala na sina Patricia at Veronica sa kanilang puwesto kanina.

"Yayakagin mo lang sumayaw, Dan! Ga-graduate na tayo o! Kailan ka pa aamin? Sa mismong graduation day?" sermon naman ni Kenneth na kakatapos lang tumungga sa basong may laman na kulay golden brown na inumin.

"Tapos balita ko hindi pa kayo parehas ng college na papasukan. Ano na? Paano ka na niyan? Amin-amin din bago mahuli ang lahat, Dan!" segunda pa ni Sherwin.

Makailang beses pang nakatanggap ng sermon ang nanlulumong si Dan habang pilit hinahanap sa karamihan ng tao ang babae na matagal na niyang hinahangaan. Ngunit hindi na talaga mahanap ni Dan si Veronica.

Dahil sa masaklap na katotohanan at sa panggagatong ng kanyang mga kaibigan, napuno na si Dan kaya sinamaan na niya ng tingin ang dalawa.

"'Di kayo titigil o sisilaban ko kayo ng buhay mamaya pagtulog n'yo?" seryoso at nakakatakot na pagbabanta ni Dan kina Kenneth at Sherwin.

Natahimik ang dalawa dahil sa masamang tingin niya. Nang makita ni Dan ang iniinom ni Kenneth ay walang anu-ano na kinuha niya ito at tinungga. Agad na kumunot ang noo nito matapos makaisang lagok at padabog na inilapag ang baso sa bar table.

"Ano 'to? Iced tea?" tila naiinis na tanong ni Dan.

"Bad trip agad? May bukas pa, Dan. Kami bahala sa music, basta maisayaw mo lang at maamin kay VJ na crush mo siya," hindi pinansin ni Sherwin ang tanong ng kaibigan kaya nasiko siya ni Kenneth.

"C2 'yan. Mas mukhang alak ang C2 kaysa sa iced tea rito e. Ano? Gusto mo bang maglasing?" ang hindi malaman kung seryoso o nanunuksong sagot ni Kenneth.

Naalala ni Kenneth ang narinig niya kanina. Kasa-kasama niya noon sina Aries, Anthony, Jefferson, Rioja, Katrin at Wayne nang lapitan sila ni Ellie. May ibinulong si Ellie kay Anthony at dahil katabi niya ito'y narinig niya ang sinabi nito. Magpapainom daw si Ellie sa kanila basta sagot nina Anthony ang pagkain niya.

Pumayag ang magkakatropa pero dahil hindi umiinom sina Katrin, Kenneth at Wayne ay hindi sila sumama.

Hindi man alam ni Kenneth kung nasaan na ngayon sila, sigurado siyang may ideya rito sina Patricia at Veronica. Imumungkahi sana niya na hanapin ang dalawa para magtanong tungkol sa alak, ngunit ang totoo ay upang maka-score na si Dan kay Veronica.

"O bakit nandito kayo? Nasaan sina Jefferson?" gulat na tanong ni Courtney nang sumama sa table nila sina Katrin at Wayne.

"Naku, girl, kinakain na si Elli—A! Bakit ba?" sa huli'y daing ni Katrin nang kurutin siya sa tagiliran ni Wayne.

"Kumakain kasama ang katropa niya, Courtney," paglilinaw ni Wayne.

Nagkatinginan si Wayne at si Dianne na kasa-kasama ni Courtney kanina pa. Nag-iwas naman ng tingin si Katrin nang tingnan siya ni Courtney.

"...E bakit 'di kayo sumama kumain?" nagtatakang tanong ni Courtney.

"Ewww! Hindi ako—"

"Hindi na sila makakakain pa kasi kanina ko pa nakikitang pabalik-balik ang dalawang 'yan sa food station," pagputol ni Dianne sa tauli ni Katrin bago pasimpleng sinenyasan ang mga bagong dating.

May hinala sina Dianne, Katrin at Wayne sa kasalukuyang ginagawa nina Jefferson kasama si Ellie. Grade 8 pa lamang silang tatlo nang aksidenteng malaman ang tungkol sa pa-alak nina Patricia, Ellie at Veronica.

Katulad ng mga sariwa at hindi na gaanong kainosenteng pananaw ng mga sumapit pa lang sa kanilang kabataan, gusto rin nina Dianne makatoma ng alak para malaman ang lasa nito. Nakarating sa kanila ang pa-alak nina Patricia at nang itatanong na sana nila ang tungkol dito, aksidenteng namulat at nabahiran ang kanilang mga mata't tainga sa katotohanan ng alok na pa-alak na 'yon.

Simula noon ay naging tikom na ang bibig at mata ng tatlo pagdating sa pa-alak nina Ellie, Patricia at Veronica. Ngayon nga ay hindi nila masabi-sabi kay Courtney ang tungkol dito.

Ang relasyon nina Courtney at Jefferson ay kasing labo ng paningin ng isang tao tuwing may makapal na hamog. Ayon kay Courtney ay gusto nila ang isa't isa. Ngunit wala namang sinasabi si Jefferson tungkol sa totoong namamagitan sa kanila ni Courtney. Hindi tuloy malaman ng tatlo kung 'In a Relationship' na talaga o 'Tayo na Hindi Tayo' ang status ng dalawa.

Magkakaibang tagpo, magkakahalong emosyon. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi maintindihan ni Luella. Tahimik lang siyang nagmamasid-masid habang masayang nagkukuwentuhan sa tabi niya sina Kiria at Jhulia.

Nakita niya kung paano lumapit si Ellie kina Anthony at kung saan sila nagtungo sa huli. Nahagip ng kanyang mata ang panlalandi ni Patricia kina Sam bago sila magsayaw ni Veronica. Nasilayan din ni Luella ang nanghihinayang na mukha ni Dan at ang natutuwang panunukso nina Kenneth. Hindi rin nakaligtas sa mga mata niya ang makahulugang tingin ni Courtney kina Dianne.

Silang lahat ay mga kaklase ni Luella sa Section V. Wala siyang pakialam kung anu-ano ang naganap sa mga tagpong iyon, ngunit isa lang ang napansin niya. Ni isa ay walang nakihalubilo sa kanilang taga-ibang pangkat.

Saglit niyang nilibot ang tingin. Ang lahat ay nagsasaya at halos pawang mga nakangiti't nakatawa. Ngunit nakararamdam na naman si Luella ng isang hindi nakikitang pader sa pagitan nila at ng lahat ng mag-aaral sa Immaculate Conception Private School.

'May isa pa pala... Ang mga mata nila,' ang naidagdag sa isipan ni Luella.

Hindi sila nakikipag-usap sa Section V. Ngunit ang mga mata nila ay malimit masupil ni Luella na tumitingin sa kanila. Hindi ito maintindihan ni Luella.

"Hoi, Luella! Hinahanap mo na naman ba si Ashil?" nagpantig ang tainga ni Luella sa sinabi ni Jhulia.

Humarap na si Luella sa kanyang mga kaibigan. Nanunukso ang ngiti ni Jhulia samantalang tila naghihintay si Kiria sa kung ano ang magiging reaksyon dito ni Luella. Sa huli'y hindi ito pinansin ni Luella at uminom na lang sa baso niyang naglalaman ng iced tea.

Nang mapunta sa iniinom ni Luella ang mata ni Jhulia, napabuntong-hininga ito at bumaba ang tingin sa iniinom niya. Inikut-ikot niya iyon habang pinagmamasdan ang laman nito.

"'Yung itsura mo ngayon, Jhulia, para kang problemadong girlboss sa isang bar habang nilalaro 'yang iniinom mong beer," seryoso ang pagkakasabi nito ni Kiria pero ikinatawa naman ni Jhulia.

"Bakit kasi hindi na lang nila tinotoo. Maski man lang wine o, ICPS! Ga-graduate na tayo pero ang school tinatrato pa rin tayong bata," reklamo ni Jhulia bago ngumuso.

Nababagot na si Jhulia dahil walang ibang magawa sa auditorium kundi magsayaw, kumain, uminom ng iced tea at magwala. Hindi kasi pinalalabas ang kahit sino sa auditorium hangga't hindi natatapos ang celebration party. Ni hindi nga nila alam kung anong oras na at kung kailan matatapos ang seremonya.

Nang magbago ang masayang tugtugin at napalitan ng nakalulungkot na kanta, nakaisip ng pilyong ideya si Jhulia.

"Kiria, isayaw mo naman si Lu—"

"Isayaw mo si Jhulia. Para malimutan niya 'yung beer, Kiria," malakas at buong utos ni Luella na sumapaw sa sasabihin dapat ni Jhulia.

Naguluhan naman si Kiria dahil halos sabay na nagsalita ang dalawa. Nang mahagip ng paningin niya si Ashil na nakatingin sa kanila at mukhang papalapit, kinuha agad ni Kiria ang kamay ni Jhulia at nagtungo sa gitna.

"Hoi! Bakit ako? Chance mo nang isayaw si Luella tapos ako 'tong kinuha mo?" sermon ni Jhulia nang mag-umpisa silang magsayaw.

"Si Ashil dapat ang first dance niya," tipid na sagot ni Kiria.

'So paano ako? Naging ikaw naman ang first dance ko...' sa una'y isasatinig dapat ni Jhulia ngunit nanatiling nasa isipan na lamang niya ito.

Pinapanood lamang ni Luella ang pagsasayaw ng dalawa niyang kaibigan. Hindi mahinuha ni Luella kung dapat ba siyang ngumiti o hindi dahil pawang hindi malaman ang itsura ng dalawa habang nagsasayaw.

Hindi rin niya mawari ang nararamdaman. Dapat ay tulad din siya ng marami. Masaya, nakangiti at tumatawa. Subalit hindi mapakali si Luella at para siyang kinakabahan sa hindi malamang kadahilanan.

"Nakakainggit ba? Gusto mo bang isayaw kita?" isang pamilyar na tinig ang narinig ni Luella.

Naramdaman niya ng pagtabi nito at halos ang mga braso nila ay magkadikit na. Nilingon na ni Luella ang bagong dating at hindi nga siya nagkamali. Ang nag-iisa sa paaralang ito para sa dalaga. Ang bukod-tanging matatawag niyang kaibigan bukod sa pangkat na kanyang kinabibilangan.

"Kyle," ang pagbati ni Luella sa kanya.

Ngumiti ang binata at marahang hinaplos ang patilya ni Luella. Bagamat hindi naman mahaba ang patilya ni Luella, nakaugalian na ni Kyle ang ganitong gawi na nakasanayan na rin ng dalaga.

Si Kyle ay hindi kasama sa Section V at ang tanging mag-aaral na nakikihalubilo sa kanilang pangkat—O mas tamang sabihin na nakikipag-usap kay Luella. Sa lahat ng mag-aaral ng Immaculate Conception Private School, si Kyle ang pinakamalapit kay Luella.

Matagal na silang magkaibigan ng binata. Kay Kyle lang nararamdaman ni Luella na walang pader sa pagitan nilang dalawa. Nakakakuwentuhan din ng Section V si Kyle ngunit hindi mapagkakaila na kay Luella ito pinakamalapit.

"So wala man lang sagot? Kahit hindi, okay lang," pabirong saad ni Kyle nang hindi na muling umimik si Luella pagkasabi nito sa pangalan niya.

"Samahan mo na lang ako rito. Ayokong sumayaw... Kahit ikaw pa ang kapareha ko," sagot ni Luella matapos niyang lingunin si Kyle.

"Okay lang. Ang mahalaga gusto mo akong makasama," tugon pa ng binata bago magpalubay sa pagkakatayo.

Dahil sa ginawa ni Kyle ay naramdaman ni Luella na tumuon ito sa kanya. Umayos tuloy siya ng tayo at tumindig upang makahilig ng ayos si Kyle. Ikinatuwa ito ni Kyle at hindi inalis ang ulo sa pagkakatuon niya sa ulo ni Luella.

Walang gumalaw o nagsalita man lang. Habang tumatagal ay unti-unting kumukurba ang labi ni Luella. Ang nangyayari ngayon ay nagpapakita na talagang malapit ang loob ni Luella si Kyle.

Inaamin niya ang katotohanang may gusto siya sa binata noon pa. Buong akala niya na imposibleng makaramdam ng tunay na pagmamahal ang kanyang puso. Ngunit nang makilala niya si Kyle, namulat siya sa katotohanang may posible pa rin pala para sa isang makasalanang tulad niya.

Ilang beses ng napatunayan ni Luella na hindi iba ang turing ni Kyle sa mga taga-Section V. Ngunit ang talagang nagpatibok sa kanyang puso ay nang malaman ni Luella na nalalaman ni Kyle ang iniisip nito parati. Tulad kanina, alam ni Kyle na kaya ayaw makipagsayaw ni Luella sa kanya ay hindi dahil ayaw nito sa kanya. Kung hindi ayaw ni Luella na maging sentro ng atensyon ng marami.

'Naiintindihan mo talaga ako... Huwag mo lang malaman ang kasalanan ko,' ang nasa isip ni Luella.

Natutuwa si Luella na may ibang tao na nakakaintindi sa kanya higit sa sarili niya. Maliban sa isa, ang kanyang pagkakamali. Patuloy siyang magpapanggap na anghel na huwad nilang pagbabalat-kayo hangga't natatamasa nila ang naipangakong paraiso na nagligtas sa kanila mula sa impyerno.

"Luella... Nalalapit na ang paghuhukom," mahinang bulong ni Kyle na halos hindi narinig ng dalaga.

"Ano? Hindi kita narinig," pag-uulit ni Luella.

Umalis sa pagkakakiling sa kanya si Kyle. Inaasahan ni Luella na haharap ito sa kanya ngunit laking gulat niya nang bigla siya nitong yakapin. Sa mga tagpong ito, ang alam ni Luella ay dapat ibalik ang yakap na kanyang natanggap. Kaya dahan-dahan at may pag-aalinlangan niyang itinaaas ang kanang kamay upang yakapin si Kyle.

Lingid sa kaalaman nila, pinagmamasdan ni Ashil sina Kyle at Luella. Lalapitan na sana niya si Luella kanina nang bigyan siya nang pagkakataon ni Kiria. Ngunit hindi siya agad kumilos dahil hindi malaman ni Ashil ang sasabihin.

May iba siyang pakiramdam sa celebration party na ito. Hindi siya mapalagay at para siyang nawawalang paslit sa gitna nang nagkakasiyahang mga tao. Ni hindi nga niya magawang magbiro o ngumiti man lang dahil sa hindi malamang nararamdaman.

Nang muling lingunin ni Ashil ang puwesto kung nasaan si Luella, tumalim ang tingin niya nang makitang hindi na nag-iisa roon ang dalaga. Tuluyan na siyang natigil sa kinatatayuan at tahimik na lamang napinagmasdan ang nangyayari sa pagitan ng dalawa.

Naikuyom ni Ashil ang dalawang kamao nang makitang ipinatong ni Kyle ang kanyang ulo sa uluhan ni Luella. Matagal na niyang alam na kaibigan nito ang binata at ang tanging kaibigan ni Luella sa labas ng kanilang pangkat. Ngunit kailanman ay hindi sila nagkausap ni Ashil. Ramdam nina Ashil at Kyle na hindi nila gustong makausap ang isa't isa.

"Kung makakapatay lang ang tingin, kanina mo pa napatay si Kyle," biglang sabi ng kung sinuman na umakbay kay Ashil.

"Name of victim? Kyle Eduard Ybañez. Cause of death? Murdered by Ashil Constantine Yago because of jealousy," dagdag pa ng kasama niya.

"Bago ko siya patayin, kayo kaya unahin ko?" seryosong banta ni Ashil matapos lingunin sina Anthony at Rioja.

Dahil sanay sila sa kuwela at masiyahing pagkatao ni Ashil, inakala nilang nagbibiro lamang ang kaibigan kaya tinawanan nila ito. Agad din namang nahinto ang lahat nang tumigil ang musika. Inalis ni Anthony ang pagkakaakbay kay Ashil at kapwa sila humarap sa entablado.

Nasa gitna nito ang kapapanhik lang na presidente ng kanilang paaralan. Ang ngiti na nakapaskil sa mukha ng ginoo ang lalong nagpatalim sa mata ni Ashil. Nagpalakpakan ang lahat nang makita nila sa gitna ang kanilang kapita-pitagang presidente. Maliban kay Ashil at Luella na kapwa tahimik lang na nakatitig sa kanya.

"Great evening, my dearest grade 12 students! Ito na ang pinakahinihintay ng lahat sa huli ninyong taon dito sa ICPS. Nagpapasalamat ako sa lahat dahil patuloy ninyong sinusuportahan ang isa't isa. Ngayon nga ay nandito kayo't ilang buwan na lang ang nalalabi at lilisanin n'yo na ang paaralang ito," nahinto sa pagsasalita ang presidente dahil nagsihiyawan ang mga mag-aaral.

"That's right! Konting paghihintay na lang and tutungtong na kayo sa college! The school does, however, wishes to leave you some unforgettable memories that you will take to your graves!" pagkatapos na pagkatapos na sabihin ito ng presidente ay lumitaw mula sa malaking screen ang isang one minute timer.

Pagkakita ng timer ay lalong nagwala at naghiyawan ang lahat. Maliban sa Section V na pawang mga mangmang sa nangyayari.

"Get ready to rejoice as the Larua Festival of Year 2021 kicks off right at midnight! Who's thrilled to bring out their inner monster? Don't fret! This year's edition promises to be even more intense and bloodcurdling than before! Let the festivities begin!" ang malaman at nasasabik na anunsyo ng presidente.

Muli na namang napuno ng sigawan at kasiyahan ang buong auditorium. Halos dinaig na nga nila ang background music na tumutugtog. Nakararamdam na naman ng hindi nakikitang pader ang Section V sa gitna ng kasiyahang ito. Wala silang nalalaman sa nangyayari. Ang ilan sa kanila ay nakisabay na lang sa hiyawan na ikinatawa nang nakakakita sa kanilang kamag-aral.

"...Kailangan nating makaalis dito," ang narinig ni Luella na sabi ni Kyle sa kanya bago nito kunin ang kamay niya at hilahin palayo sa mga nagwawalang ka-schoolmates.

Matapos nang sinabi ng presidente ay na kay Luella lang ang tingin ni Ashil. Nanatili siya sa kanyang kinatatayuan kahit gusto niyang lapitan ang dalaga. Hinayaan niyang kunin ni Kyle ang kamay ni Luella dahil alam nito na ilalayo niya ang dalaga roon.

Mababakas sa mata ni Kyle ang pangamba at pag-aalala sa kung anuman ang magaganap sa pagsapit ng madaling araw. Hindi maintindihan ni Luella kung bakit ganoon ang hilatsa ng mukha ng kaibigan. Hindi nabibilang sa pangkat nila si Kyle kaya bakit parang mas nag-aalala pa ito kaysa kanya.

Ten.

Nine.

Eight.

Seven.

Ang bawat pagbibilang ay isinisigaw nang lahat. Nakakabingi at nakakahilakbot kung pakikinggan. Tila binibilang din nila ang bawat tibok ng kanilang dibdib.

Five.

Four.

"Bakit parang may sasabog kapag natapos na ang countdown?" pagbibiro ni Jhulia na katabi si Kiria.

Nahiwalay sila kay Luella sapagkat nang magsalita ang presidente ay nagdagsaan sa gitna ang karamihan sa kanilang kamag-aral. Kampante naman sila dahil habang nagsasayaw ay sinabi ni Kiria na nakita niya si Kyle na sinasamahan si Luella.

"Two," bilang ni Luella nang lumingon siya at makita ang numero sa malaking screen.

"One..." ang bilang ni Ashil nang magtama ang mga mata nila ni Kyle.

Kasabay nang nasasabik at nagwawalang hiyawan ay ang pagkamatay ng ilaw. Sa dilim ay walang makita ang lahat dahil maski ang mga flameless candles na nasa bawat bar tables ay nangamatay din.

Hindi nagtagal ay umalingawngaw ang tawanan at sigawan. May mga nanunulak o nantatalisod sa kung kanino. Akala ng Section V ay pakana lamang ito ng ilan na nagkakatuwaan.

Ngunit hindi nila napapansin ang mga ngisi at titig ng lahat. Ang mga tawanan at sigawan ay bigla na lamang naging nakakangilabot sa pandinig ng Section V. Sa tulakan at patiran ay nagkakasakitan na hanggang sa maramdaman na lang ng iba na sinasakal na sila, o hindi naman kaya'y tinatakpan ang ilong ng panyo na may kakaibang amoy.

Walang nakaligtas sa natatanging pangkat sa nalalapit na paghuhukom. Ito na ang simula ng kanilang sumpa at sunud-sunod na ang mangyayaring trahedya. Ang naipamana ng nakaraang henerasyon ay muli na namang mamamalas ng kasalukuyang salinlahi ng mga makasalanan.

▫..▫ ᵒ ᴼ ᵒ ⋅▫⋅ₒₒ⋅▫⋅ ∔ ⋅}∋≀∊{⋅ ∔ ⋅ ⋅▫⋅ₒₒ⋅▫⋅ ᵒ ᴼ ᵒ ▫..▫

Ang kuwentong ito ay hindi pulido at maaaring makakita ng wrong spelling of words, wrong grammar in a sentence at typographical errors. Maaari akong itama sa bawat pagkakamaling makikita ninyo, salamat sa pag-unawa.

Mahigpit na pinaaalahanan ang lahat ng mambabasa na ang tema at nilalaman ng kuwentong ito ay napakaselan at hindi angkop sa bata. Patnubay, gabay at pang-unawa ang kailangan kung nais ninyong ipagpatuloy ang pagbabasa.

彡Exrineance

ʿʿ I fought to ̶k̶i̶l̶l live, not to ̶l̶i̶v̶e̶ ̶kill... ʾʾ
Luella Ursula Narvaez

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro