ᴾᴬᴿᵀ ⍭ ᴏɴᴇ
Para mas ma-enjoy ninyo ang pagbabasa sa kabanata na ito ay buksan ang Spotify o anumang digital music platform at hanapin ang Requiem in D Manor ni Wolfgang Amadeus Mozart.
https://youtu.be/54h8TxJyNy0
▫..▫ ᵒ ᴼ ᵒ ⋅▫⋅ₒₒ⋅▫⋅ ∔ ⋅}∋≀∊{⋅ ∔ ⋅ ⋅▫⋅ₒₒ⋅▫⋅ ᵒ ᴼ ᵒ ▫..▫
𝗡𝗮𝗿𝗿𝗮𝘁𝗼𝗿'𝘀 𝗣𝗲𝗿𝘀𝗽𝗲𝗰𝘁𝗶𝘃𝗲
⋅▫⋅⋅⋅⋅𝘰𝘯𝘤𝘦 𝘶𝘱𝘰𝘯 𝘢 𝘵𝘪𝘮𝘦⋅⋅⋅⋅▫⋅
𝘪𝘯 𝘺𝘦𝘢𝘳 1993
Puno ng luntiang damuhan at masaganang tanawin ang paligid ng isang paaralan. Ito ang nagsisilbing tanglaw ng mga kabataang ninanais malinang ang kanilang kaunlaran.
Makikita sa alapaap ang mga saranggola. Lumalangoy ang mga ito sa ihip ng hangin. May malalaki na korteng paru-paro. Mayroon din namang tila bugwit sa liit na animo'y mga bituan sa tabi ng haring araw.
Ngunit magkakaiba man sa hugis at laki, ang mga saranggola na naglalayag sa langit ay sadyang makukulay at tila ba isang bahaghari sa mga mata ng nakatanaw.
"Tignan mo't nagkakatuwaan ang ating mga kaibigan sa dalang saranggola ni Amor," ani ng isang dalaga na siyang nakaupo sa damuhan.
"I'll tell my uncle to make me one of those. You'll see, mas maganda pa d'yan ang gagawin ni uncle," pagmamayabang naman ng katabi niyang binata habang kinakalikot ang Nokia 1011 model nitong telepono.
"Before you brag about that, gawain mo muna ang mga assignments natin," puna naman ng isa pa nilang kasamang lalaki na nakahiga naman sa damuhan.
Sasagot pa sana ang binata na may hawak-hawak na nokia nang mahagip ng kanyang mga mata ang isang babae.
"Look, ayan na siya o," natatawang saad nito sa kanyang mga kaibigan.
Sinundan ng dalaga at ng lalaking nakahiga sa damuhan ang itinuturo ng kanilang kaibigan. Nakita nila ang isang babae na nakayukong naglalakad sa gilid ng burol. Nakalugay na naman ang mahaba at itim na itim nitong buhok na tinatakpan ang kalahati ng kanyang mukha.
Tatawagin sana ng dalaga ang babae nang biglang tumunog ang isteryo ng kanilang paaralan.
"Calling the attention of Miss Lleesa Vergado, your presence is needed in the principal's office. I repeat, Miss Lleesa Vergado, please proceed to the principal's office, thank you,"
Nahinto sa paglalakad ang babae dahil sa pagbanggit ng kanyang pangalan. Hindi man siya umangat ng tingin ay ramdam ni Lleesa na maraming nakatingin sa kanya.
Napabuntong-hininga na lamang siya bago tumalima sa opisina ng kanilang punong-guro.
Ang lahat ng gusali sa paaralang ito ay gawa sa makikinis at matitibay na kahoy na galing sa puno ng narra. Masasabing ang paaralang ito ay talagang pagmamay-ari ng isang mayamang angkan dahil sa disenyo at kalidad ng mga gusali.
Nang marating ni Lleesa ang opisina ng kanilang punong-guro, una niyang napansin ang nakasabit sa pintuan nito.
𝙈𝙧. 𝙇𝙡𝙤𝙣𝙤𝙧 𝙑𝙚𝙧𝙜𝙖𝙙𝙤
𝘗𝘳𝘪𝘯𝘤𝘪𝘱𝘢𝘭
Nakaukit sa parihabang marmol ang pangalan ng kasalukuyang principal noon.
Kumatok ng tatlong beses si Lleesa bago dahan-dahang inikot ang busol ng pinto.
Pagpasok niya ay walang tao sa loob. Nilibot ni Lleesa ang paningin at nahinto ang kanyang mata sa malaking estampa na nakasabit sa gitna. Tinitigan niya ang ginoo sa estampa. Mula ulo hanggang sa matipuno nitong dibdib. Pababa sa nakaukit na pangalan ng paaralan sa kuwadro nito.
"Versalvacion High School," pagbasa ni Lleesa rito.
Muling iniangat ng babae ang kanyang paningin sa mukha ng ginoo. Maya-maya lang ay iniangat niya ang kanang kamay at inilapat sa kanyang kanang pisngi.
Naramdaman ni Lleesa ang magaspang niyang balat na natatakpan ng kanyang mahabang buhok.
Dahil nasa estampa ang buong atensyon ni Lleesa ay hindi niya namalayan na may pumasok sa opisina at lumapit sa kanya.
Nagulat na lamang siya nang may biglang nagtakip ng panyo sa kanyang bibig. Hindi niya maiwasang malanghap ang anumang iwinisik doon ng salarin. Siya'y nagpumiglas ngunit unti-unti na siyang nawawalan ng ulirat. Hanggang sa tuluyan ng lamunin ng dilim ang paningin si Lleesa.
Unti-unting nagising ang diwa ni Lleesa nang maalunigan niya ang isang klasikong instrumental. Nang tuluyan na siyang makabawi ay iminulat na niya ang kanyang mga mata. Malimlim ang paligid dahil hindi gaanong katingkad ang mga nakasinding ilaw sa loob ng kanyang kinalalagyan.
Napagtanto niya na nasa loob siya ng himnasyo. Tumutugtog mula sa isteryo ng paaralan ang klasiko ng nag-iisang Wolfgang Amadeus Mozart na Requiem in D Minor.
Alam na alam ni Lleesa ang klasikong ito dahil mahilig dito ang kanyang ina.
Nang kanyang sinubukan tumayo ay doon niya lang nakita na nakatali siya sa kinauupuang silya. Mula sa mga paa niya, sa hita, sa tiyan at sa kanyang balikat at kamay. Si Lleesa ay nakagapos sa upuan gamit ang makapal na lubid.
Nang sumapit na ang klasiko sa parte ng Sequentia: Dies Irae ay lalong lumakas ang tugtugin. Kasabay nito ang pagtingkad ng mga ilaw.
Mula sa gilid ay lumitaw ang mga taong naka-itim na damit. Ang bawat isa sa kanila ay may suot na 86 Cesar Mask.
"Sino kayo?!" may kalakasang tanong ni Lleesa sa mga ito.
Walang nagsalita ni isa sa mga naka maskara pero halata ni Lleesa na nagtatawanan ang mga taong nasa likod ng maskara.
Quantus tremor est futurus
Quando judex est venturus
Cuncta stricte discussurus
Hindi man nahihinuha ni Lleesa ang kahulugan ng mga salitang Latin na iyon na liriko ng klasiko, ramdam na ramdam naman ng dalaga ang dulot nitong hilakbot sa kanyang buong katawan.
How much trembling there will be
When the judge comes
And strictly examines all things
Tila ba nagkakatotoo nga ang nakasaad sa liriko ng Dies Irae. Sa paligid ng mga naka-itim na hukom, si Lleesa ay nangangatal sa takot habang hinihintay ang hatol nila sa kanya.
Lumamlam ang kaninang marubdob na tugtugin sapagkat sumapit na ang parte ng Tuba mirum. Bagamat humupa na ang mga naglalagablab na instrumento sa klasiko, hindi nahinto ang hilakbot ni Lleesa sa mga nangyayari.
"Ano ba 'tong ginagawa n'yo? Sumusobra na kayo sa kapilyuhan ninyo! Kalagan n'yo nga ako rito! Ano ba?!" hiyaw ni Lleesa sa kabila ng nanginginig niyang tinig.
Ngunit tila ba walang naririnig o nakikita ang lahat dahil patuloy pa rin silang nakahimpil at nakapalibot sa dalaga.
Nang matapos ang Tuba mirum ay sinundan ito ng Rex tremendae. Nabuhay muli ang masidhing instrumental at ang mga nakakangatal na tinig habang iniaawit ang liriko ng klasiko.
Rex tremendae majestatis
Qui salvandos salvas gratis
Salva me, fons pietatis
Unti-unting nahati ang mga naka-itim na hukom. Sila ay pawang yumuyuko sa pagdaan ng mga bagong dating. Sa himig ng klasiko ay tila ba mga maharlika ang iluluwa ng mga ito sa harap ng dalaga.
King of tremendous majesty
Who freely saves those that are to be saved
Save me, the source of mercy
Sa paglitaw ng mga bagong dating sa harap ay nanlaki ang namumugto nang mga mata ni Lleesa. Sanay na siya sa malamig na pakikitungo ng mga ito sa kanya. Ngunit kakaibang lamig ay naghahari ngayon sa mga mata ng dalawang tao na nasa kanyang harapan. Lamig na tila ba nagmumula sa hukay na napipinto niyang paghimlayan.
"I-In—"
"Mors tua, vita mea," ang buo at malakas na sambit ng ginang sa salitang Latin.
"Ang iyong kamatayan, ang aking buhay!" sabay-sabay na tugon ng mga naka-itim na hukom sa kahulugan nito sa Filipino.
Sinubukang tawagin ni Lleesa ang ginang na nasa kanyang harapan. Umaasa na tutugunin siya nito at ilalayo sa anumang kababalaghang mangyayari sa kanya. Ito na lamang muli ang pagkakataon na umasa siya sa mga ito. Marami nang dumating ngunit ang lahat ng iyon ay nagbuhat kay Lleesa ng kabiguan na sila mismo ang sanhi.
"Ito ang unang taon na isasagawa ng paaralan ang isang pambihirang laro. Naglalayon ito na panatiliin ang katiwasayan ng paaralan. At paigtingin ang pagkakaisa ng bawat mag-aaral ng Versalvacion," panimula ng ginang.
"Ngayong araw ang simula ng laro. Ang mga kalahok ay naririto na't dumadalo sa seremonya..." nagpatuloy ang talumpati ng ginoo na kasamang dumating ng ginang na naunang nagsalita kanina.
Ipinakilala nila ang laro sa bawat kalahok na naroroon sa himnasyo.
May dalawang grupo ng manlalaro. Ang mga hukom at ang mga salarin. Ang mga salarin ay bibigyan ng apat na minuto upang unang makalabas sa himnasyo, makapaghanap ng armas at makapagtago sa isang ligtas na lugar sa loob ng paaralan. Matapos ng apat na minuto ay lalabas na ang mga hukom upang sila'y kubkubin at litisin.
Ang mga kalahok ay may karapatang manakit ng kapwa manlalaro ngunit mahigpit na ipinagbabawal ang pagpatay. Sila ay maaaring saktan hanggang sa mawalan ng malay o hindi kaya'y sugatan upang hindi na makatayo at makalaban pa.
"Magpapatuloy ang laro mula umaga hanggang gabi at walang patlang. Ito ay magaganap hanggang sa iisa na lamang ang matitirang nakatayo. Walang kaso kung ito man ay isang hukom o isang salarin, ang matitirang nakatindig sa lupa ay tatanghaling panalo at makakatanggap ng papremyo," ang pagtatapos ng ginoo.
Nanghihilakbot na nakatingin si Lleesa sa dalawang tao na nasa kanyang harapan. Hindi rumirehistro sa kanyang isipan ang mga sinabi ng dalawa. Ito'y nasa wikang Filipino na ngunit tila ba ibang lengwahe ang binigkas ng mga ito.
"A-Ano 'yang si-sinasabi n'yo?! Nababaliw na ba kayo?! Huh?" singhal ni Lleesa sabay tulo ng mga luhang kanina pa nagbabadya sa kanyang mga mata.
"Hindi na na-nakakatuwa 'tong ginagawa n-n'yo! Kalagan n'yo ko rito!" anas pa ng dalaga pagkatapos ay sumisigaw na nagpupumiglas upang makawala sa pagkakatali sa silya.
Sa paghakbang ng ginang palapit kay Lleesa, saktong tumugtog ang Confutatis Maledictis ng klasiko. Sumilay ang nanunuksong ngisi sa labi ng ginang habang binabaybay niya ang daan tungo kay Lleesa.
Confutatis maledictis
Flammis acribus addictis
Voca me cum benedictis
Huminto ang ginang sa harap ni Lleesa. Ang dalaga ay nanlalaki ang mata na nakatitig lamang sa mukha nito. Sinubukan niyang magsalita at tawaging muli siya. Ngunit nagawa lamang ibuka ni Lleesa ang kanyang bibig at walang tinig ang lumabas mula rito.
When the accursed have been condemned
And doomed to the searing flames
Summon me with the saved
Bumaba ang tingin ng ginang sa naka-amang na bibig ni Lleesa at impit siyang napatawa. Kitang kita ng kanyang mga mata kung gaano nanginginig sa takot ang dalaga. Ito ay nagbigay sa ginang ng kakaibang tuwa na bagamat alam niyang hindi tama ay kanyang nagustuhan.
Iniangat ng ginang ang kanyang kanang kamay at mahigpit na hinawakan ang magkabilang pisngi ni Lleesa. Naramdaman niya ang mga luhang umagos at umaagos dito ngunit ipinagsawalang-bahala ito ng ginang.
"Lleesa, it's to kill or to be killed. Pumatay ka kung ayaw mong ikaw ang patayin nila," malumanay at nakangiting bulong ng ginang kay Lleesa matapos niyang ilapit ang mukha sa kaliwang tainga ng dalaga.
Magkahalong kalituhan at poot ang sumiklab sa mga mata ni Lleesa habang nakatitig sa ginang. Hindi niya lubos maisip kung ano'ng tumatakbo sa isip nito. Kung matino pa rin ba ang ginang o lumuwag na ang mga turnilyo nito sa ulo.
Pabalyang binitiwan ng ginang ang pisngi ni Lleesa at tumalikod. Nagtama ang mga mata nila ng ginoo at kapwa sila nagngitian bago tumango.
"Ang mga hukom ay naandito na ngunit hindi pa kumpleto ang mga salarin. Bring him here! Let them see each other. It'll be a befitting scene to end the ceremony, right, honey?" masiglang atas ng ginang sa ginoo.
Muling nahawi ang mga naka-itim na hukom at lumabas mula roon ang isang binata na nakagapos ang mga kamay bitbit-bitbit ng dalawa pang hukom. Dinala ng mga ito ang binata sa gitna at itinabi kay Lleesa.
"Valentin! Valentin! Mga baliw kayo! Ano'ng ginawa n'yo sa kanya?!" naghuhumiyaw na sabi ni Lleesa habang pinapanood kung paano hilahin ng dalawang hukom ang tali sa mga kamay ni Valentin.
Halatang nanghihina ang binata dahil hindi nito nagawang manlaban kahit wala nang gapos ang kanyang mga kamay.
"Alisin n'yo na rin ang pagkakatali kay Lleesa," sabi pa ng ginang sa dalawang hukom na agad namang tumalima.
Pagkaalis na pagkaalis ng tali ay agad itinulak palayo ni Lleesa ang pinakamalapit sa kanyang naka-itim na hukom at lumapit kay Valentin.
Paulit-ulit niyang tinawag ang pangalan ng binata hanggang sa maramdaman ni Lleesa ang marahang pagpisil nito sa kanyang kamay.
"I'm sorry, Lleesa. Kasalanan ko 'to... I'm sorry," puno ng kalungkutan at pagsisising sambit ni Valentin matapos yakapin si Lleesa.
Kapwa mahigpit ang pagkakayakap nila sa isa't isa. Tumatangan at humahagulgol dahil sa nalalapit na paglilitis sa kanila.
"Hindi. Wala tayong kasalanan. Nababaliw na sila kaya nila 'to ginagawa. Tayo ang mga biktima. Sila ang dapat sisihin at hindi tayo," pangungutya ni Lleesa sa gitna ng kanyang paghikbi.
"Ngayong naririto na ang lahat ng kalahok ay opisyal nang magsisimula ang laro," buo at malakas na anunsyo ng ginoo na nakatawag ng pansin ng lahat.
Saka lamang napagtanto ni Lleesa na tumutugtog na ang Sequentia VIII: Lacrimosa. Nakakaloko siyang umismid dahil dito. Tila ba nanunukso si Mozart dahil tugmang tugma ang Lacrimosa sa paghati at tigib-luhang nararamdaman nina Lleesa at Valentin ngayon.
"Sa pagtatapos ng aking talumpati mag-uumpisa ang bilang na apat na minuto. Maaari nang lumabas ang mga salarin. Sa oras na matapos ang apat na minuto ay lalabas na ang mga hukom upang hanapin ang mga salarin," sandaling huminto ang ginoo at tumindig, "This is the Year One Game of Versalvacion High School. Mors tua, vita mea!"
"Ang iyong kamatayan, ang aking buhay!" sabay-sabay muling sambit ng mga naka-itim na hukom.
Ilang segundo pa ang lumipas bago mahimasmasan si Lleesa sa mga nangyayari. Wala siyang nagawa kundi tumayo at may pwersang inalalayan si Valentin na tumayo rin.
"Kailangan nating makaalis dito. Please, Valentin," bagamat nanginginig ay nilaksan ni Lleesa ang kanyang loob.
Pinilit nilakihan ni Lleesa ang kanyang mga hakbang kahit nilalamon na siya ng matinding takot. Hindi siya lumilingon at nanatiling nakatingin sa pintuan palabas ng himnasyo hawak-hawak ang kamay ni Valentin.
Ang mga naka-itim na hukom ay nakakakilabot tignan. Ang lahat ay nakaharap kina Lleesa at Valentin. Sinusundan ng kanilang ulo't katawan ang direksyong tinatahak nila.
Nang makalabas sila ng himnasyo ay madilim na. Tanging mga ilaw sa mga daan at sa labas ng bawat gusali lamang ang nakasindi. Madilim ang mga bintana nito at kasabay ng tugtugin ng klasiko ay lalong nagpatindi sa nararamdamang takot ng dalawa.
"Sa kaliwa tayo, Lleesa. May ilang minuto lang para makapagtago tayo," hinigit ni Valentin palapit sa kanya si Lleesa na mukhang natutuliro na.
"We're going to be okay. I'm here, Lleesa. Kasama mo ako," paninigurado ni Valentin sa dalaga na pilit itinatago ang pag-aalinlangan.
Hinigpitan ni Lleesa ang pagkakahawak sa kamay ni Valentin at tumango. Sabay silang tumakbo at tinahak ang daan sa kanilang kaliwa.
Ang ilang segundo ay naging mga minuto. Hindi na alam ng dalawa kung anong oras na nga ba. Ang alam lang nila ay gabi na at siguradong pinaghahahanap na sila ng mga naka-itim na hukom.
Nakatagpo sila ng ilang maliliit na sako na naglalaman ng iba't ibang armas at mga gamit. Hindi rin sila nagtatagal sa kanilang mga pinagtataguan dahil parati silang natutunton ng mga hukom.
"Nasa likod na sila! Hi-Hi-Hindi ko na... Hindi ko na kaya..." hapong hapo na sambit ni Lleesa na nahuhuli kay Valentin.
Nanlalaking mata na huminto at tumalikod si Valentin upang tignan si Lleesa. Habol-habol na rin ang hininga ng binata at ramdam na ramdam na rin niya ang pagod. Lihim siyang nagpakawala ng malalim na hininga bago bumawi at pilit itinago ang nararamdamang hapo kay Lleesa.
Patakbo siyang lumapit sa dalaga at hinawakan ang kamay nito. Marahang pinisil upang iparating kay Lleesa na nariyan lamang si Valentin.
Muli silang tumakbo palayo sa lugar. Liko rito, liko roon. Tago rito, tago roon. Puro ganito ang kanilang ginagawa at paminsan-minsa'y bumabalik lang sila sa dati na nilang nadaanan.
Sa kanilang pagtakbo ay bigla na lamang nadapa si Valentin. Sapagkat ang binata ang nangunguna ay nauna siyang napasubsob sa lupa. Dahil magkahawak ang mga kamay nila ay nahila ni Valentin si Lleesa at parehas silang nadapa sa lupa.
May manipis palang nylon ang nakalatag sa lupa. Sa pagkabilang dulo ay may dalawang hukom at ito'y kanilang itinaas nang dumating sa tapat nila sina Valentin at Lleesa.
Lumabas mula sa anino ang hindi bababa sa pitong naka-itim na mga hukom. Mula sa anggulo nina Lleesa at Valentin ay nakakapantindig-balahibong tignan ang mga ito lalo pa't magkakaparehas na nakamaskara. May kanya-kanya itong mga dalang sandata at pawang nagbabadya na gamitin sa kanila.
May dalawang hukom na unang lumapit at kapwa sila may dala-dalang baseball bat. Agad na naalarma si Valentin sa maaari nilang gawin. Hindi alintana ang mga sakit sa katawan na nararamdaman, mabilis na nilapitan ni Valentin si Lleesa at kinulong ito sa kanyang mga bisig. Napahiga sila sa lupa na nasa ilalim si Lleesa at pumaibabaw si Valentin.
Tinanggap ni Valentin ang mga hataw ng baseball bat sa kanyang likuran. Nagpumiglas at pilit inaalis ni Lleesa sa kanyang ibabaw si Valentin ngunit hindi kaya ng kanyang lakas. Lalong tumangis ang luha ni Lleesa nang maramdaman niya ang mainit na likidong tumutulo na sa kanyang pisngi galing sa dumudugong bibig ni Valentin.
Napasigaw si Lleesa nang biglang may sumipa kay Valentin sa tagiliran sanhi upang mawala sa ibabaw niya ang binata. Bago pa man masilayan ni Lleesa ang nangyari sa binata ay may sumabunot na sa kanyang buhok at hinila siya patayo. Napapikit siya sa sakit at wala siyang nagawa kundi iwasiwas ang kanyang mga kamay at ipagpapadyak ang mga paa.
Mukhang sinuwerte si Lleesa dahil napabitaw ang sumasabunot sa kanyang buhok. Aayusin sana ng dalaga ang gulu-gulo niyang buhok ngunit nang mailapat ni Lleesa ang kanyang palad sa kanang pisngi ay natigilan siya. Nanigas ang kanyang katawan dahil ramdam na ramdam niya ang gaspang ng kanyang pisngi na pilit itinatago ng buhok niya. Ngayon ay lantad na ang bahagi ng kanyang mukha na kinakamuhian. Pakiramdam ni Lleesa ay nagtatawanan at kinukutsa siya ng mga naka-itim na hukom sa likod ng kanilang puting maskara.
"Lleesa!" narinig niya ang sigaw ni Valentin.
Nais niyang lumingon at tumugon sa binata ngunit hindi magawa dahil tila natuod si Lleesa sa kanyang kinatatayuan.
Naramdaman na lang ng dalaga ang pagyakap ng binata sa kanya mula sa likod at ang impit nitong daing. Unti-unting uminit ang likuran ni Lleesa at bahagya siyang nakampante sa pag-aakalang init iyon ng katawan ni Valentin.
Ngunit nagkakamali siya.
Si Lleesa ay napasinghap nang unti-unting lumuluwag ang yakap sa kanya ni Valentin. Maya-maya pa ay dumausdos na ang binata pababa kaya agad siyang humarap upang sambutin ang binata.
Sa pagsambot niya kay Valentin ay nakapa ni Lleesa sa likuran nito ang isang bagay. Nanlalaki ang matang sinilip niya ito at nakita ang isang bush axe na nakatarak sa likuran ng binata.
"H-Hindi... Hindi! Valentin!" ang hiyaw at pagtangis ni Lleesa sa napagtanto.
Sa itatlong palapag ng isang gusali katapat ng lugar kung saan naroroon sina Lleesa at Valentin ay may tiim-bagang na nagtitimpi ng kanyang galit.
"Hayop ka talaga, Lleesa... Pagbabayaran mo ang nangyari kay Valentin. Hindi kita hahayaang makalabas dito ng buhay," malalim at mabagsik na sumpa ng isang dalaga habang umiiyak at nanlilisik ang matang pinapanood ang nangyayari sa ibaba.
Ang dalaga ay kawangis na kawangis ni Lleesa. Ngunit hindi tulad ni Lleesa ay nakatali ng isa ang mahabang buhok ng babae. Wala itong itinatago sa kanyang mukha. Wala itong ibang kinakamuhian kundi ang babaeng umagaw at humamak sa binata na iniibig niya.
Mula rito, sa taong labing siyam siyamnapu't tatlo, naganap ang nakubling pamana na magiging sumpa sa mga susunod na henerasyon ng mga naging makasalanan.
Subukan man nila itong ibaon sa limot at takasan ay aalingasaw ang masangsang na nakaraang mumultuhin sila hanggang sa kasalukuyan.
Muling magbabalik ang salinlahi ng mga makasalanan sa lupain ng kanilang pagkakasala.
Muling tutugtog ang himno ng kamatayan sa mga kalahok ng panibagong trahedya.
At muling isasalaysay ang marumi ngunit nagniningas na kuwento ng pag-ibig sa gitna ng iba't ibang lihim at kabulaanan.
▫..▫ ᵒ ᴼ ᵒ ⋅▫⋅ₒₒ⋅▫⋅ ∔ ⋅}∋≀∊{⋅ ∔ ⋅ ⋅▫⋅ₒₒ⋅▫⋅ ᵒ ᴼ ᵒ ▫..▫
Ang kuwentong ito ay hindi pulido at maaaring makakita ng wrong spelling of words, wrong grammar in a sentence at typographical errors. Maaari akong itama sa bawat pagkakamaling makikita ninyo, salamat sa pag-unawa.
Mahigpit na pinaaalahanan ang lahat ng mambabasa na ang tema at nilalaman ng kuwentong ito ay napakaselan at hindi angkop sa mga bata. Patnubay, gabay at pang-unawa ang kailangan kung nais ninyong ipagpatuloy ang pagbabasa.
彡Exrineance
ʿʿ I fought to ̶k̶i̶l̶l live, not to ̶l̶i̶v̶e̶ ̶kill...ʾʾ
- Luella Ursula Narvaez
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro