Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 6: A Dream

PAST. Late 2009.

Mula sa sala ay nanonood kami ni mama ng TV habang nakapatong ang ulo ko sa kanyang hita at marahan niyang  sinusuklay ang buhok ko gamit ang mga daliri niya.

"Mama, noong nabubuhay pa po si papa saan kayo madalas magpunta?"

Naramdaman ko ang paghinto ng mga daliri niyang humahaplos sa buhok ko nang itanong ko ang tungkol sa bagay na iyon.

"Kami ng papa mo?" Napaisip siya. "Madalas kaming pumupunta ni Theodore sa parke at naglalatag ng sapin sa damuhan para doon kumain at magpahinga."

Inilingon ko ang aking ulo at tumingin ako sa kanya ng nakatingala. "Sa parke po? Mukhang masaya po kayong dalawa noon, mama."

Ibinaling ni mama ang paghaplos sa noo ko pababa ng aking ilong.

"Kapag nakikita ko nga ang mata't ilong mo ay naaalala ko ang papa mo. Kamukhang-kamukha mo talaga si Theodore." Marahan niyang isinulat pabilog ang kanyang daliri sa pisngi ko.

"Ano'ng kinakain niyo roon mama?"

Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. "Marami," tugon niya. "Lahat ng paborito ko ay nilalagay niya sa maliit na basket. Masarap siyang magluto ng empanada dahil maraming sahog iyon at nag-uumapaw sa keso ang gawa niya. Isa pa, hindi nawawala ang puto at kutsinta na gawa ng lola mo. Iyon ang pinaka-paborito ko sa lahat." Hindi mawala ang ngiti sa kanyang mga labi habang nagku-kwento. Tila ba binabalikan ni mama ang masasayang alaala nila ng tunay kong ama. "Ang sabi niya sa akin noon na alagaan kita at papalakihin nang maayos. Ginagawa ko naman pero hindi ko maawat minsan si Bernardo, nasasaktan ka niya at napagsasalitaan ng masama."

Panandaliang nawala ang malawak na ngiti sa kanyang labi.

"Hayaan niyo na po, mama. Kaya ko namang tiisin si papa, basta't magkasama po tayong dalawa."

"Pasensya ka na anak, ha. Pakisamahan na lang natin ang papa mo, magbabago rin siya. Babait din iyon at ituturing tayong tunay na kapamilya." Punung-puno ng pag-asa ang mga mata ni mama.

"Sheryl! Patayin n'yo nga iyang TV! Hindi naman kayo ang nagbabayad ng kuryente rito."

Napabalikwas ako ng upo nang dumating si papa at bakas sa boses niya ang pagkalasing.

Kinuha agad ni mama ang remote control ng TV at mabilis itong pinatay.

Nawalan ito ng balanse sa pagkakahawak sa pinto at tuluyang bumagsak si papa sa sahig dahil sa sobrang kalasingan nito.

"Bernardo, uminom ka na naman? Hindi mo ba talaga susundin ang pinayo sa iyo ng doktor noong na-ospital ka? Sayang ang mga iniinom mong gamot para r'yan sa atay mo! Gusto mo ba talagang maubos iyang pera mo sa kakapagamot? Puro alak na ang laman niyang katawan mo!" Inalalayan ni mama si papa na makatayo mula sa pagkakaupo sa sahig.

"Bitiwan mo nga ako! Hoy, ikaw... wala kang pakialam kung gusto kong uminom ng alak. Buhay ko ito, katawan ko ito at higit sa lahat pera ko ang pinanggagastos ko roon. Gusto kong magsaya at makalimot. Kaya p'wede ba, huwag kang umasta na parang sa iyo lahat ng perang ginagastos ko? Tumabi ka r'yan! Baka hindi kita matantya." Hinawi ni papa ang kamay ni mama at tinanggihan itong alalayan siya.

Agad itong nagtungo sa sala at ibinaba ang bag na nakasukbit sa kanyang balikat.

Gusto kong tulungan si papa at alam kong sobra na ang kalasingan niya. Dumiretso ako sa kusina at kumuha ng palanggana't bimbo. Mamaya'y titimplahan ko siya ng kape para mahimasmasan siya.

"Papa, gusto n'yo po bang punasan ko kayo?" alok ko nang pabagsak niyang ihiniga ang kanyang katawan sa sofa. Malalim ang mga paghinga niya habang pinagmamasdan ko ang mukha niya.

Pupungay-pungay ang kanyang mga mata at tila ba ang lakas ng tama sa kanya ng alak na ininom niya.

Napalunok-lunok siya.

Hindi siya umimik at piniga ko ang bimbo, saka banayad na ipinunas sa mukha niya.

"Ano'ng ginagawa mong bata ka?!" Mukhang nagising siya sa ginawa ko.

"Papa, pinupunasan ko po kayo."

"Sinabi ko bang gawin mo ang bagay na iyan?" Napaupo siya at pinanlakihan ako ng mga mata.

Napansin ko ang ibang bahagi ng kanyang mukha at leeg na namumula.

"Ikaw na bata ka, kahit na ano'ng gawin mong pagmamalasakit sa akin, hinding-hindi ko matatanggap iyan lalo na't galing ka sa unang asawa ng mama mo. Hindi ko maaatim na alagaan ako ng salot at malas sa pamamahay ko. Sa kagaguhan ko, hindi ko alam kung bakit pinatulan ko ang mama mo! Marami namang babae r'yan na mas bata, dalaga at hindi pa pamilyadong tao. Matalino naman ako pero bakit ko kayo tinanggap kahit na alam ko na una palang ay kayo na ang sisira sa buhay ko?"

Kinuha niya ang palanggana sa tabi ko at ibinuhos sa akin ang tubig na laman niyon.

"Umalis ka sa harapan ko." Itinuro niya ang pinto at pinaaalis ako.

Nanlaki ang mga mata ko nang paliguan niya ako. Nagulat ako sa ginawa niya at naramdaman ang malamig na tubig na biglang bumalot sa aking katawan.

"Bernardo! Ano bang ginagawa mo? Nagmamalasakit na nga sa iyo ang bata tapos ganito pa ang gagawin mo? Ano bang nagawa sa 'yoni Taliyah para parusahan mo siya nang ganyan? Kahit na hindi ikaw ang tunay na ama ng bata ay tinanggap ka niya at tinuring na tunay niyang ama subalit anong ginagawa mo?" Nagsimula nang umiyak si mama habang pinagsasabihan si papa.

Nagsimula na ring tumulo ang luha sa aking pisngi.

"Hindi ko kailangan ng malasakit ng anak mo. Hindi ko siya kailangan at wala akong pakialam sa kanya. Hoy, Sheryl," asik niya at dinuro si mama. "Ikaw, ilayo mo itong bastarda mo sa akin. Kapag hindi ako nakapagtimpi hindi lang iyan ang matitikman niya sa akin." nagtatangis ang bagang niyang sabi.

Naramdaman ko ang paghimas ni mama sa likuran ko.

"Taliyah, pumasok ka na sa kwarto. Magpalit ka na ng damit, baka malamigan at magkasakit ka pa. Ako na ang bahala sa papa mo. Magpahinga ka na." Mahinahong sabi sa akin ni mama.

Tumango ako sa sumunod sa kanya.

Huminga ako nang malalim. Namumuo pa rin ang sama ng loob sa dibdib ko. Hindi ko magagawang makatulog nang ganito. Iisipin at iisipin ko pa rin ang tratong ginawa sa akin ni papa kanina.

Bago ba tuluyang pumikit ang aking mga mata, bumagsak ang mga luha na kanina pa nagbabadyang tumulo.

✦✧✦✧

PRESENT. August 2017.

"Hija, ayos ka lang ba?"

Nasa cafeteria ako ng Inn at kasalukuyang kumakain ng almusal. Naibaling ko ang tingin kay Mr. Frederick nang magsalita ito sa harapan ko habang dala ang tray ng mga pagkain niya.

Napansin niyang nakatulala ako. "Uhm, opo." Tumango ako sa kanya at bumati ng magandang umaga.

"Napansin ko kasing kanina ka pa nandito at hindi man lang ginagalaw iyang pagkain mo. May sakit ka ba?" Ipinatong niya ang tray na tangan niya sa mesa kung saan ako nakapuwesto.

"Pasensya na po. May naalala lang po talaga ako Mr. Frederick." Saka ko sinimulan ang pagkain.

Alam kong matagal nang naka-check in si Mr. Frederick dito sa Inn. Kaya't sa tingin ko ay alam niya kung may mga bagay man akong itatanong sa kanya tungkol sa lugar na ito. Kung may itatanong ako, sa tingin ko ay kaya niya iyong sagutin tungkol sa lugar na 'to.

Tutal magkaharap na kami ngayon, gusto kong itanong sa kanya ang tungkol sa kung ano ang nakita ko kahapon sa campground. "Uhm, Mr. Frederick, napapansin n'yo po ba iyong luma at maliit na k'warto sa dulo ng campground?" nahihiwagaan kong tanong.

"Maliit na k'warto sa dulo ng campground? Iyong may pulang pinto ba ang sinasabi mo?" tugon nito at sumimsim sa mainit niyang kape.

Tumango ako at nakatuon lang ang atensyon sa ipapaliwanag niya.

"Noon pa man ay napapansin ko na ang maliit na bodegang iyon. Bakit mo naman naitanong kung ano ang mayroon doon, hija? May nangyari ba?"

Isa lang palang bodega? Para sa akin ay may kakaiba sa bodegang iyon. Hindi ko maintindihan pero iba ang pakiramdam ko noon makita ko iyon.

"W-wala po." Umiling ako. "Napansin ko lang po kahapon. Hayaan nmyo na po." Ngumiti ako sa kanya at hindi na nagtanong pa.

"Mr. Frederick, luto na po ang empanada,"tawag ng babaeng staff mula sa kabilang counter ng cafeteria.

"Luto na pala ang empanada. Ikaw, hija, gusto mo ba ng empanada? Ikukuha na kita," alok sa akin ni Mr. Frederick, hindi na niya hinintay ang pagsang-ayon ko at kinuha ako ng isa.

Nang maalala ko ang empanada ay panandalian akong nanahimik. Ang tunay kong ama ay masarap magluto ng empanada ayon kay mama. Palagi silang kumakain sa parke. Masaya silang dalawa noon.

Theodore ang pangalan niya base sa mga k'wento ni mama. Kamukhang-kamukha ko raw siya lalo na sa parteng ilong at mata.

Kumusta na kaya si mama? Kumusta na kaya siya kasama ni papa? Sana maayos pa rin siya at sana hindi na sila nag-aaway ngayong wala na ako sa tabi nila.

Binigyan ako ni Mr. Frederick ng empanada at inilagay sa maliit na plato na kinuha niya sa counter.

"Maraming salamat po."

Ngumiti na lamang ako sa harap niya at hindi na ipinahalata na marami akong naaalala at iniisip. Ayokong magmukhang problemado sa harap niya. Ano pang silbi nang pagpunta ko sa lugar na ito kung puro problema at puro na lang masasamang alaala pa rin ang iisipin ko?

Nang sumapit ang hapon ay muli akong naglakad-lakad sa campground patungong lakeside. Mula sa tapat ng lawa ay umupo ako sa bakanteng bench para pagmasdan ang ganda ng buong lugar. Payapa ang tubig ng lawa at makikita ang mga koi na lumalangoy sa ilalim ng tubig.

Napakasariwa ng hangin at kahit ilang oras kong titigan ang makapigil-hiningang tanawin ay hinding-hindi ako magsasawang pagmasdan ang ganda niyon.

Hindi ko napansin ang oras dahil naka-idlip ako sa kinauupuan ko. Sumapit na ang alas sais ng gabi. Bumaba ang maliwanag na kulay kahel na araw mula sa kanluran at hindi iyon mapagmamasdan dahil nasa likod iyon ng mga nagtataasang puno.

Kanina maraming tao rito na naglalakad-lakad kasama ko. Dumidilim na rin ang kalangitan at ako na lang mag-isa ang natira doon.

Tumayo na ako at nagsimulang maglakad pabalik ng Inn bago pa ako abutan ng dilim sa campground.

Nagsimula na ring mag-ingay ang kuliglig mula sa itaas ng puno. Marahang sumasayaw ang mga ito dahil sa makakapal na dahon na sumasangga sa malakas na hangin.

Mula sa dulo ng campground ay nakita ko ang isang matingkad na kulay asul na ilaw. Para itong maliit na bombilyang lumulutang sa ere habang dinadala ng hangin.

Napalingon-lingon ako para suriin kung ako na lang ba ang taong naririto at kung ako lang ba ang taong nakakakita niyon.

Wala na akong kasama. Ako na lang talaga mag-isa.

Tumaas ang aking mga balahibo at tila ba inaakit ako ng liwanag na iyon na sumunod sa kung saan man ito magpupunta.

Wala akong ibang pagpipilian dahil kung saan siya pumupunta ay roon din ang daan pabalik ng Inn. Wala akong nagawa kung hindi ay sundan ito.

Madilim na ang paligid at tanging ito na lang ang umiilaw sa gitna ng campground. Nanlaki ang mata ko habang sinusundan ang liwanag na iyon na mabilis na tumagos sa bodegang pinag-uusapan namin ni Mr. Frederick kanina.

Nawala iyon na parang bula nang pumasok iyon sa loob ng lumang bodega.

Dahan-dahan akong naglakad at binuksan ang pinto kahit na natatakot ako sa mga posibleng mangyari sa akin.

Pumasok ako sa loob at napatigil panandalian.

Nang makita ko ang loob ng lumang kwarto. Mali si Mr. Frederick dahil hindi iyon isang bodega lang. Isa iyong lugar na napaka-pamilyar sa akin.

Nakikita ko roon ang bahay namin noon. Noong araw na nagsimulang magsama si mama at si papa Bernardo.

"Taliyah, a-anong ginagawa mo r'yan? Pumasok ka na sa loob at kakain na tayo."

Nagsalubong ang kilay ko.

Kinukuha ni mama ang lahat ng mga damit sa sampayan. Pinanonood ko ang loob niyon na parang isang projector na naka-flash sa dingding.

Lumingon akong muli sa labas at tuluyan nang pumasok doon. Kusang sumarado ang pinto ng maliit na bodega.

Hindi pa rin ako makapaniwala sa lugar kung nasaan ako ngayon. Tila ba isang lagusan patungo sa nakaraan o sa isang panaginip na maaari mong balik-balikan.

Ano ba itong napuntahan ko?

Kumunot ang noo ko at nahihiwagaan sa mga nangyayari. Muli akong lumingon at tatangkaing buksan ang pinto sa likuran ko, subalit naglaho ang pinto at napalitan na lang ng makapal na dingding.

Nasaan na ba ako? Nasaan na ang campground na nilalakaran ko kanina?

"Taliyah, bilisan mo. Halika na at pumasok ka na sa loob. Naghihintay roon ang papa mo."

Naglakad na si mama papasok ng bahay dala ang mga damit mula sa sampayan. Kailangan ko na agad sumunod at baka magalit na naman sa akin si papa.

Hindi ako makapaniwala nang makita ko si papa na nakatayo at naghahain sa mesa. Hindi ba dapat ay nakaupo na siya sa wheelchair niya ngayon?

"Taliyah, umupo ka na at sabay-sabay na tayong kumain."

Panandalian akong napahinto dahil sa mga hindi pamilyar na nangyayari.

Noon pa man malaki na ang galit sa akin ni papa. Hindi niya maatim na kumain kasabay ako at ni minsan, hindi naging ganoon kahinahon ang boses niya.

Ano ba talaga ang nangyayari?

Sinunod ko na lang ang sinabi niya at tila ba hindi akma ang mga nangyayari sa kung ano nakasanayan ko noon at maging ngayon. Hindi ako komportableng umupo at tingnan ang masasarap na pagkain sa mesa.

Hindi kapani-paniwala ang lahat lalo na noong nakita ko ang malawak na ngiti na umukit sa mga labi ni papa.

Nananaginip lang ako. Nananaginip lang ako. Nananaginip lang ako. Napapikit ako at paulit-ulit na sinasabi iyan sa aking sarili. Kinukurot ko ang aking balat at hindi ako magawang magising kung panaginip man ito.

"Bernardo, kumusta na ang paghahanap mo ng trabaho?" Mula sa aking gilid ay umupo si mama at kinausap si papa.

Ngumiti ito.

Mas lalo akong hindi nagiging komportable kapag ginagawa niya iyon. Noon pa man, suntok na sa buwan kung ngumiti si papa. Himala na lang ang nangyayari ngayon.

"Nakahanap na ako ng trabaho sa isang malaking kompanya sa Montserrat. Kaya nga bumili ako ng puto't kutsinta na paborito mo."

Hindi ako makapagsalita. Wala akong masabi sa mga nangyayari, ultimo ang reaksyon ko ay hindi ko na alam sa mga nangyayari.

Ito ang mundo na kabaligtaran ng mundo ko noon.

"Talaga? Sige, kakainin ko iyan mamaya." Masayang tugon ni mama sa harap ni papa. Magkasundo silang dalawa.

Kap'wa sila masaya at bakas ang malawak na ngiti sa kanilang mga labi. Samantalang ako ay hindi makakibo dahil sa mga nangyayari. Hindi pa rin ako makapaniwala.

"Pagtapos nating kumain may mga bagong palabas mamaya sa TV, sabay-sabay tayong manonood." Marahan, malambot at masarap sa tainga ang boses ni papa. Nanunuot iyon sa aking pandinig.

"Taliyah, bakit hindi ka pa kumakain? Busog ka pa ba?" tanong ni mama.

Ngumiti ako sa kanya.

Magaan ang pakiramdam kong magkasundo sila sa harapan ko. Masaya ako at maganda ang turing sa akin ni papa ngayon.

Ito ang pinapangarap kong pamilya noon pa man at kahit sa panaginip ay hindi ko maranasan.

Sana kung isa man itong panaginip, hindi malabong manatili na lang ako rito habambuhay.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro