Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 20: Hurry, Before It's Too Late

PRESENT. Lucid Dream.

Hindi ako nakatulog noong gabing iyon. Halos iniisip ko pa rin ang mga sinabi ni Reece sa akin.

Nagsisimula na raw...

Nagsisimula nang mawasak ang mundong ito at halos hindi pa tiyak kung makakalabas kami bago pa tuluyan itong mawala.

Nagpaalam si Reece kagabi kay mama na kung maaari siyang matulog dito sa bahay kahit ngayong gabi lang. Pumayag si mama at pinatulog siya sa sala kung saan naroroon ang sofa. Para maging komportable rin ang pagtulog niya.

Pinangako niya sa akin na babantayan at poprotektahan niya ako laban kay Jayce at sa mga posibleng mangyari sa mga oras na lilipas.

Nakaidlip lang ako sandali at nagising na malabo ang paningin.

Walang kulay ang buong kuwarto. Itim at puti lang ang nakikita ko, lalo na sa mga bagay na nakapalibot sa akin.

Hindi naman ganito dati ang kulay ng paligid. Nasa mundo ako ng panaginip at ni minsan ay hindi nawalan ng kulay ang mga bagay na naririto.

Naging mahina na ba ang aking mga mata ko o nagising na akong colorblinded?

Lumabas ako ng kuwarto.

"Mama," mahinang tawag ko.

Napalinga ako sa paligid at makulay na ang sala hindi tulad sa loob ng k'warto na puro itim at puti lang ang makikita.

Nakakunot ang noo ko at nagtataka. Iniisip kung ano ba talaga ang nangyayari.

Nakita ko si Reece na natutulog sa sofa at dahan-dahan akong lumapit sa kanya para ayusin ang kumot na dapat ay nakapatong hanggang dibdib niya.

Napangiti ako.

Sa ngayon, siya na lang at si mama ang mayroon ako rito. Hindi ko na alam ang gagawin ko kung pati sila ay maglalaho rin tulad ng iba.

Nakatagilid siya ng higa at nakatago ang kaliwa niyang kamay. Kahapon ay napansin ko ang paglaho ng kaliwa niyang braso na parang nabubura.

Mabubura rin ba kami kapag hindi kami nakalabas dito sa lalong madaling panahon?

Malamig ngayong umaga lalo na kagabi. Naglakad ako sa kusina nakahalukipkip bakuran ng nakahalukipkip.

Umaga. Mataas ang sikat ng araw. Walang gaanong ulap ang kalangitan. Malakas ang hangin. Maaliwalas na kapaligiran.

Tumalikod ako para balikan si Reece, subalit napahinto ako sa paghakbang.

Sandali lang...

Muli akong lumingon, sinuri ang sa labas at nag-angat muli ng tingin sa kalangitan.

Totoo ba itong nakikita ko?

Ang liwanag ng araw na dating may kulay na matingkad na dilaw ay naging asul at ang buong kalangitan ay tila ba naging lila?

Hindi ako makagalaw. Nabato ako sa kinatatayuan ko. Ultimo ang paghinga ko ay hindi ko magawa sa pagkamangha, subalit nananaig ang takot.

Maging ang pagkurap ng mga mata ay nawala sa aking sistema. Gusto ko lang makita ang paligid. Hindi ito ang normal na nakikita ko sa araw-araw. Hindi ito ang tamang mga kulay na nakabase sa kinalakihan ko at pagkakakilanlan nito. Mas naging lugar talaga ng panaginip ang nakikita ng mga mata ko ngayon.

Ang mga damo ay naging kulay pula. Ang mga dahon sa puno na dating berde ay naging itim, puro at parang uling habang nalalagas ang iba pabagsak ng lupa.

Nakaramdam ako ng pananakit ng dibdib. Sumisikip at nahihirapan akong huminga. Nanghihina ako kaya naman napasandal ako sa bukas na pintuan.

Napahinuhod ako habang hawak ng isang kamay ko ang aking dibdib. Alam kong hindi normal ang tibok ng puso ko simula nang bumalik ako sa lugar na ito. Nararamdaman ko na iyon, napapansin at ikinubli dahil hindi magawang indahin ito sa harap nila.

Hindi ko na kaya ang sakit. Napahiga ako sa malamig na sahig habang kumikirot ang puso kong parang pinipiga.

"Taliyah?"

Narinig ko ang boses niya. Ang boses ni Reece.

"Taliyah, ano'ng nangyayari sa iyo?" nag-aalalang tanong nito.

Narinig ko ang mga yabag ng kanyang mga paa papalapit sa akin.

Mariin ang pikit ng aking mga mata habang iniinda ang sakit na dala ng aking dibdib.

Inalalayan niya ako, ngunit nabalot na ng kadiliman ang paningin ko. Hindi ko na nalaman ang mga sumunod na nangyari nang mawalan ako ng malay na nakahiga sa mga hita niya.

✦✧

"R-reece..."

Umaalingawngaw lang ang boses ko sa madilim na kapaligiran. Tanging ako lang ang naroroon.

"Reece, nasaan ka?"

Kapag nagsasalita ako, uulit at uulit lang ang boses ko. Para itong nagpapatong-patong. Tila ba bumabanda sa kadiliman.

Madilim ang paligid at wala akong ibang nakikita bukod sa repleksyon ko sa ibaba dahil sa tubig. Nakayapak lang ako habang nakababad ang mga paa ko sa malamig na tubig.

Walang ibang naririto kung hindi ako. Ako lang.

"Mama..."

Ganoon pa rin. Walang sumasagot sa tawag ko. Boses ko pa rin ang pilit na tumitining, lalo na sa mga tainga ko.

Nasaan ako? Ano ang ginagawa ko sa lugar na ito? Paano ako makakalabas dito?

Kung bangungot man ito, paano ako magigising? Paano ako makakatakas dito?

Ilang saglit lang ay napukaw ng aking pansin ang isang ilaw. Kulay asul. Pamilyar ang ilaw, subalit kakaiba ang liwanag na tinataglay nito.

Itinaas ko ang aking kamay para abutin ito sa itaas, pero mabilis itong gumalaw sa ere at pinapasunod ako kung saan nito gustong pumunta.

Tumatalon ako para pilit itong abutin, subalit hindi ko ito magawang maabot. Mailap at mahirap mahawakan.

Napagod lang ako kasusunod. Gusto kong sumigaw, ngunit walang boses ang gustong kumawala sa aking bibig.

Mabilis akong napagod. Dahil ba naririto ako sa nakakatakot na lugar na ito?

Napaupo ako at naramdaman ang lamig ng tubig na bumalot sa aking katawan.

Tumigil ang ilaw. Unti-unting bumaba sa harapan ko. Hindi ito gaanong matingkad ngayon kumpara noong gabing nasa campground ako na halos tanggalan ako ng paningin sa sobrang liwanag.

Bumaba pa ito nang bumaba hanggang sa magtagpo ang taas nito sa aking puso.

Inilapit ko ang aking kaliwang kamay habang bahagyang iginalaw ang aking mga daliri palapit dito.

Nang malapit ko na itong mahawakan ay napapikit ako.

✦✧

Dahan-dahan akong dumilat at nakita ang walang kulay na kisame.

"Taliyah, mabuti naman at nagising ka na." Napalingon ako kay Reece at nag-aalala ang reaksyon ng kanyang mukha para sa akin. Inilapit niya sa akin ang isang baso ng tubig. "Heto, uminom ka muna." Pinainom niya sa akin iyon. "Nawalan ka ng malay kanina. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko at dinala agad kita rito sa k'warto mo," k'wento niya dahil simula ng mawalan ako ng malay kanina, wala na akong naalala pa.

"Hinahanap ko ang mama mo kaso mukhang wala siya rito sa bahay n'yo kaya ako na ang nagbantay sa iyo."

Inilihis ko ang tingin sa maliit na bintana ng aking kwarto.

"Ano ba'ng nangyari sa 'yo?" muling tanong niya, bakas pa rin ang matinding pag-aalala.

"Nanaginip ako," mahina kong sagot. "Mula sa madilim na mundo ay nagpakita sa akin ang asul na ilaw. Noong una ay hindi ito nagpapahuli, naging mailap ito sa akin hanggang sa napagod ako." Huminga ako nang malalim.

"Naging malalim na ang panaginip mo. Nananaginip ka sa loob ng iyong panaginip," aniya.

Tumango ako. Tama siya. Malalim.

"Ang asul na ilaw na iyon. Ito ang kusang lumapit sa akin at hinawakan ko ito kaya ako nagising."

Posible ba akong makulong doon kung hindi lumitaw ang asul na ilaw na iyon?

Dalawang araw na ang lumipas. Hindi ko na nakita si mama simula nang magbago ang kulay ng kapaligiran.

Hinahanap namin siya. Hindi na rin ako pumasok sa eskwelahan para mag-ingat. Nanatili lang ako sa bahay habang hinihintay ang asul na ilaw.

Gabi-gabi na ring natutulog si Reece sa bahay. Pinayagan ko na rin siyang matulog sa loob ng aking k'warto at alam niya ang limitasyon niya. Naglalatag siya ng banig sa ibaba ng aking kama kahit na maaari naman siyang matulog sa tabi ko.

Nag-iisip ako kung ano na ang mangyayari sa amin. Umiyak din ako kagabi dahil alam ko, tulad ni papa ay mukhang naglaho na rin si mama gaya nito. Gaya nina Toby, Madam Esperanza at Patricia.

Isa-isa na silang nawawala sa mundong ito.

Napalingon ako habang nakaupo sa sofa sa sala. Hindi ko nakita si Reece ngayong umaga simula paggising ko.

Saan naman kaya siya nagpunta?

Naglakad ako patungo sa aking kuwarto. Baka nagpapahinga lang siya o nagtuloy ng pagtulog.

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at nakita siyang nagbibihis sa loob ng k'warto. Napaatras ako ng bahagya. Nakasuot na siya ng shorts habang isinusuot niya ang kanyang sando.

Sumilip ako. Nakita ko ang kanan niyang braso, hindi ko aakalaing maganda pala ang pangangatawan ng isang ito. Lalo na ang korte ng kanyang likod. Malapad at malaman na akala mo batak sa trabaho at pagbubuhat.

Hindi ko na nakita nang maigi ang kanyang dibdib nang maisuot na niya ang kanyang sando. Ngunit nang humarap siya sa kabilang banda ay napahawak ako sa bibig ko.

Ang kaliwa niyang braso... halos wala na. Burado na.

Nang mapalingon siya sa may pinto kung saan ako nakatayo ay nagtagpo ang aming mga tingin at agad akong nagtago.

Napasandal ako sa pader at napapikit.

"Taliyah.""

Nakatakip pa rin ang palad ko sa aking bibig sa pagkabigla.

"Hindi... hindi ito maaaring mangyari sa iyo," natatakot kong sabi sa kanya nang lumabas siya habang suot ang jacket.

Hinawakan niya ang braso ko. "Hindi na natin maibabalik ang braso ko. Huwag mo na akong intindihin, ang importante ngayon ay ang asul na ilaw para sa iyo."

"Pero Reece... paano ka?"

"Huwag ka nang mag-alala pa para sa akin. Ang mahalaga ay ikaw at ang paglabas mo rito." Nababasa ko ang mga mata niya, pinatatapang niya ang loob ko. "Umidlip lang ako saglit at nagpalit ng damit dahil binantayan kita buong gabi," dagdag pa nito.

"Hindi ka maaaring maiwan dito Reece. H-hindi kita p'wedeng iwan dito! Magkasabay tayong lalabas sa lugar na ito, naiintindihan mo?" Hindi ko masabi nang maayos ang ibang mga salita dahil naiiyak ako sa harap niya.

Sa aming dalawa, mas may karapatan siyang makalabas kaysa sa akin. Hindi ko sinunod ang sinabi niya at matigas ang ulong bumalik pa rito.

Mas karapat-dapat siya.

"Isa lang ang asul na ilaw, Taliyah. Iyon ay para sa iyo at sa iyo lamang. Matagal na akong naririto sa mundong ito. Mas kailangan mo ang oportunidad na iyon kaysa sa akin. Dahil ginawa mo lang namang takasan ang reyalidad mo kaya ka nagtungo rito at para makalimutan ang masalimuot na nangyayari sa buhay mo. Huwag mo na akong intindihin at hayaan mo na rin akong maglaho kasama ng mundong ito."

"Hindi! Makakalabas ka rito. Makakalabas tayong dalawa sa mundong ito! Hindi man tayo magkakasabay, ngunit ipinapangako kong dalawa tayong makaaalis dito."

Niyakap ko siya. Mahigpit na mahigpit. Sa tingin ko nararamdaman niya ang tibok ng puso ko sa lakas ng kabog nitong nakadikit sa dibdib niya.

"Hindi mo kailangang magsakripisyo para lang sa akin," mahina kong bulong malapit sa tainga niya habang umaagos ang luha sa aking mga mata. "Wala ng rason para manatili ka pa rito. Matagal ka nang nagtiis at nalungkot sa lugar na ito. Magwawakas na ang k'wento mo rito at wawakasan lamang iyon kapag nakalabas ka na. Pinapangako kong makababalik ka sa reyalidad mo at matatagpuan ang kasiyahang matagal mo nang ninanais."

Isa lang ang brasong yumakap sa akin pabalik.

"Gagawin ko ang lahat, pero ikaw, ikaw ang prayoridad ko. Ikaw muna... bago ako." Halos manuot sa tainga ko ang malambot niyang bulong.

Nang alisin niya ang pagkakayakap ko ay tinitigan niya ako sa aking mga mata. Nakaangat lang ang tingin ko sa kanya saka niya ako biglang hinalikan na dahilan ng pagpikit ko. Malambot ang kanyang mga labi na dumikit sa labi ko.

Makakalabas kami rito. Makakalabas kami ng dalawa.

Kinabukasan ay nagtungo kami sa parke ni Reece dahil napansin niyang nalulungkot ako at umiiyak tuwing gabi sa takot at pangamba.

Gusto niya lang akong tulungan na mapagaan ang loob ko kahit papaano. Ginagawa niya ang lahat para sa ikabubuti at kasiyahan ko.

Sabay kaming naglalakad at tahimik lang na namamasyal.

Nakakapanibago ang kakaibang kulay ng mga damo, puno, ulap at ang buong kapaligiran. Maging ang araw sa kalangitan ay hindi nagpahuli sa pagbabago ng kulay.

Lumalabo na rin ang paningin ko sa paligid. Parang bumaba ang hamog mula sa itaas. Maging si Reece ay nakikita rin at napapansin ang mga bagay na napapansin ko.

Tumigil siya sa paglalakad. Nagtaka ako at napahinto gaya niya.

"May problema ba?" kunot-noo kong tanong.

Umiling ito. "W-wala naman. Napansin ko lang na parang kanina pa may sumusunod sa atin," aniya.

Napahawak ako nang mahigpit sa jacket niya. Natatakot ako.

"Taliyah, bumalik na tayo sa inyo. Hindi ko na gaanong nakikita ang paligid sa labo dulot ng mababang hamog."

Napalingon ako sa kabilang banda nang maaninag ang anino ng isang tao. Pamilyar ang tindig at mga katangian nito.

"Jayce?"

Napaligon si Reece dito.

"Taliyah, halika na!" sigaw nito.

Naalarma ako at naramdaman ang mahigpit na kamay ni Reece na kumapit sa palad ko. Sabay kaming tumakbo pabalik ng bahay. Hindi na alintana ang tsinelas kong suot ng makalas ito sa aking paa sa bilis ng aming takbo.

"Tumakbo ka lang. Huwag kang hihinto! Wala na tayong oras!" singhal nito sa akin habang kap'wa kami hinihingal sa pagtakbo.

Napansin ko ang aking paligid. Ang mahabang kabahayan patungo sa aming bahay ay naglalaho na. Parang gumuguho, ngunit nawawala.

Nabubura na rin unti-unti ang mga puno't halaman. Maging ang lupa na pinaglalagyan ng mga nito.

Unti-unti nang nabubura at naglalaho ang buong kapaligiran. Tanging ang daanan namin na lang ang bukod na natitira.

Mula sa aming likod ay naririnig ko ang mabilis na pagtakbo niya. Hinahabol kami ni Jayce. Hindi niya kami titigilan hangga't hindi niya nakukuha ang gusto niya.

"Taliyah, huminto ka! Ibigay mo sa akin ang asul na ilaw! Taliyah!" pagsisigaw nito, ngunit hindi ako huminto gaya ng gusto niyang mangyari. Hindi ako nagpaapekto sa kanya.

Isa lang ang susundin ko. At iyon ay ang mga payo at sasabihin lang ni Reece. Wala ng iba.

"Huwag kang makikinig sa kanya, Taliyah. Tumakbo ka lang! Huwag na huwag kang hihinto!"

Tumango lang ako sa sinabi ni Reece.

Mabilis akong napapagod lalo na nitong mga huling araw. Parang humina ang puso ko. Mabilis akong hingalin.

Napatingin ako sa mga paa ni Reece na walang humpay sa pagtakbo. Tulad ko ay wala na ring tsinelas ang nakasuot sa kanya at ang ikinatakot ko... nabubura na rin unti-unti ang mga daliri niya rito.

Malapit na kami sa bahay.

"Kapag nakarating na tayo sa inyo, dumiretso ka sa bakuran ninyo at pumasok ka agad sa loob ng maliit na bodega. Makikita mo ang asul na ilaw roon, gaya noong unang araw na nakapunta ka rito. Huwag ka nang lilingon..." Mabilis ang kabog ng dibdib ko. Nahihirapan na ako sa paghinga at sumasakit na ang mga hita ko kakatakbo. "Huwag ka nang magdadalawang-isip pa."

Tumining ang mga salitang iyon sa akin mula sa kanya.

Napasigaw ako nang may humablot sa isa kong kamay.

"Halika rito! Huwag mo nang tangkain pang umalis sa mundong ito. Mas may karapatan ako kaysa sa iyo!" asik ni Jayce. Nahuli niya ako at naputol ang kapit ko sa kamay ni Reece.

"Reece! Tulungan mo ako!" sigaw ko at humihingi ng tulong.

"Ibibigay mo ang asul na ilaw sa akin at sa akin lamang at wala ng iba!"

Tumawa ito na parang nasisiraan na ng bait. Baliw na ang isang ito!

"Bitiwan mo ako!" Pilit ko mang kalasin ang mga kamay niya sa braso ko ay hindi ko magawa. Lalaki siya, malakas at hindi kaya ng lakas kong galing sa mahabang takbuhan.

Binalikan ako ni Reece at agad na sinuntok si Jayce sa mukha na dahilan para matumba ito sa sahig.

Nagiging puti na ang kapaligiran. Naglalaho na ang lahat. Ito na ang katapusang sinasabi ni Reece.

Wala na kaming oras!

Hinawakan muli ni Reece ang aking kamay, nagpatuloy sa pagtakbo at iniwan si Jayce.

Nauuna ako sa pagtakbo at hindi inaasahang makakahabol si Jayce sa amin para sa huling pagkakataon.

Hinawakan niya si Reece at agad na ipinulupot ang braso nito sa leeg niya.

Huminto ako.

"R-reece..." natatakot kong banggit sa pangalan niya.

"Taliyah, tumakbo ka na! Wala ka nang oras! Takbo!" sigaw ni Reece habang hindi siya makawala sa bisig ni Jayce.

"Takbo!"

Paano na si Reece? Paano na siya?

Mas lalo akong pinahihina kapag nakikita ko siyang ganoon. Sa ganoong sitwasyon

"Huwag ka nang lilingon... huwag ka nang magdadalawang-isip pa."

Rumihistro sa isip ko ang sinabi niya.

"Taliyah! Ano pa'ng hinihintay mo?! Takbo!" muling singhal nito na halos maputol na ang litid sa sobrang pagmamalabis na marinig ko ang boses niya at pakinggan ito.

Tumalikod ako. Tinalikuran ko siya. Gaya ng sabi niya... tumakbo ako. Mabilis na mabilis at nagtungo agad sa aming bakuran na halos hindi ko na makilala ang lugar dahil unti-unti nang nabubura ang lahat.

Wala na akong ibang makita kung 'di ang mahamog at mausok na kapaligiran.

Sa aming maliit na bodega, naghihintay roon ang asul na ilaw. Naroroon na ito.

Huminga ako nang malalim at napapikit.

Reece, maraming maraming salamat sa iyo. Ayoko mang magwakas tayo sa ganitong paraan... pero, ito na siguro, dito na matatapos ang lahat. Ito na ang huling sandali. Paalam.

Nang imulat ko ang aking nga mata ay dahan-dahan kong inabot ang aking kamay sa ilaw na iyon at lumiwanag na ang buong kapaligiran... kasama ako.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro