Chapter 17: Pain
PRESENT. October 2018.
Apat na araw na akong naririto sa hospital simula noong araw na nagising ako sa isang taong pagkakatulog, ayon sa kanila.
Naninibago si Jayce sa akin dahil hindi naman kami ganito noon bago ako pumasok sa kakatwang mundong iyon. Tila ba lumayo ang loob ko sa kanya o dahil lang sa mga gamot na iniinom ko kaya nag-iiba ang pakiramdam ko. Halos siya lang ang nakakausap ko kapag mabigat ang loob ko. Siya ang sandalan, ang takbuhan ko lalo na kapag miski si mama ay pawang sa akin na rin sumasandal kapag nagkakaalitan sila ni papa.
Nakaupo ako sa puting silya malapit sa bintana. Malalim akong nakatingin sa mga puno at ganda ng aliwalas ng langit mula sa labas.
"Gusto mo bang lumabas?" tanong ni Jayce sa akin.
Napalingon ako sa kanya at ngumiti.
"Alam kong mainipin ka kaya tinanong ko ang doktor mo kanina kung maaari kang lumabas at mag-ikot-ikot muna dito hospital. Pumayag naman siya, para malibang ka at mas makatutulong pa raw iyon sa pagpapagaling mo," dagdag niya.
Kabisado ni Jayce ang pagiging mainipin ko dahil nangyari na sa amin ito dati noong hinihintay namin ang resulta ng entrance exam sa eskwelahan na papasukan ko para sa kolehiyo. Imbes na maghintay kami sa tabi ng bulletin board, habang hinihintay namin ang resulta ay mas minabuti niyang maglakad-lakad muna kami para malimutan ko ang tensyon at kabang nadarama para sa resulta.
Mabuting tao si Jayce at bilang kaibigan niya, nagpapasalamat ako dahil nakilala ko siya. Siya ang tipo ng tao na iingatan at pahahalagahan mo dahil kakaunti na lang ang tulad niya sa mundong ito.
Mabuti na ang pakiramdam ko at nakakalakad na ako nang maayos. Marami pa ring tanong ang bumabagabag sa isipan ko. Paano na ang mga bayarin dito sa hospital kapag umalis na ako?
Inayos ko na ang IV pole stand at hinila kasama namin. Noong oras na lumabas kami ni Jayce ay tangka niya sanang hawakan ang braso ko para aalalayan papasok ng elevator, ngunit biglang nag-alangan siya sa posible kong maging reaksyon kaya hindi na niya itinuloy.
Mula sa ikaapat na palapag ng hospital kung saan naroroon ang kuwartong tinutuluyan ko ay laking ginhawa kung gagamit kami ng elevator.
Nakaramdam ako bigla ng kaunting pagkahilo noong nagsimula nang bumaba ang elevator hanggang sa ikalawang palapag.
"Ayos ka lang?" may pag-aalala sa tanong niya nang mapansin akong biglang napayuko. Nag-angat ako nang tingin at simpleng ngumiti sa kanya.
Maaalalahanin si Jayce at halos ituring na niya akong bata dahil ginawa niyang doble ang pag-aalaga sa akin.
Ako ang may hawak sa IV pole stand nang makarating kami sa hospital garden. Malaki ang sakop ng hospital dahil halos naging parke na ang garden sa lawak at dami ng pasyenteng naglilibang at naglalakad-lakad doon. Sariwa ang hangin at maganda sa paningin ang mga berdeng-berdeng mga halaman at damong ga-sakong ang taas. Maaliwalas ang langit at hindi gaanong kainitan ang sikat ng araw. Tama lang para sa alas otso ng umaga.
Naramdaman kong may pumigil sa pole stand na hawak ko. "Ako na ang magdadala nito," pagmamagandang-loob ni Jayce sa akin.
Binitiwan ko ang stand at ibinigay sa kanya ng may ngiti.
Kanina pa kami magkasama pero bakit parang limitado lang ang mga salitang gusto kong sabihin sa kanya? Parang wala akong maik'wento o maikumusta man lang simula noong nawala ako.
Nanatiling patay ang koneksyon sa pagitan naming dalawa. Nakakapanibago.
Habang naglalakad kami at naghahanap ng mauupuan ay napukaw ng aking pansin ang isang lalaking nakatalikod.
Pamilyar na pamilyar sa akin ang mga kilos, tindig at galaw niya. Lalo na iyong hitsura ng lalaki kapag nakatalikod, malapad, mataas ang balikat at itim na itim ang buhok.
Inagaw ko kay Jayce ang stand na agad niyang ikinagulat.
"Saglit lang Taliyah, saan ka pupunta?"
Hindi ko siya inintindi at naglakad ako nang mabilis upang puntahan ang lalaking iyon.
"Ikaw ang nakakaintindi sa akin at ganoon din ako sa iyo, naiintindihan kita. Paano na lang kung nawala ka?"
Napapikit ako nang rumehistro sa akin ang boses na iyon. Mababa, banayad at solido. Iyon tipong tunay at tapat ang nais niyang iparating.
Hinawakan ko ang braso ng lalaking iyon.
"Saglit lang, Reece," tawag ko.
Hindi ako maaaring magkamali. Kuhang-kuha niya ang kilos at galaw ni Reece.
Nang lumingon ito sa akin ay nakakunot ang noo niya akong tiningnan. Nagtataka ito sa ginawa.
Napaatras ako at nanlaki ang mga mata. Hindi siya si Reece. Hindi siya ang lalaking nakilala ko sa sarili kong panaginip. Mukhang namalik-mata lang ako.
"Pasensya na," nakatungo kong paghingi ng dispensa sa kanya.
Ano ba itong naiisip ko? Bakit bigla ko namang mapagkakamalang si Reece ang lalaking iyon? Naiwan ko si Reece sa sarili kong panaginip, nakakulong siya roon at hindi alam ang gagawin kung paano makakalabas. Paanong makakapunta siya rito sa reyalidad?
Umiling ako at napapitik ng dila. Imposible.
"Taliyah, ayos ka lang ba? Kilala mo ba ang lalaking iyon?"
Gulong-gulo ang isipan ko. Nanghihina ako at tila ba bumabalik sa akin ang mga alaala noong nasa loob pa ako ng panaginip na iyon. Ito ba talaga ang reyalidad na binalikan ko? Bakit naninibago ako nang malala? Bakit hinahanap-hanap ko na ang mundong iyon kumpara sa mundong dapat ay naroroon ako?
Nakaramdam ako ng pagkahilo at sakit ng ulo. Kaya kong tiisin. Gusto ko lang munang huminga at mag-isip.
Napasulyap ako kay Jayce.
"Jayce," mahina kong banggit sa pangalan niya. Naglakad ako at naupo sa bakanteng bench malapit sa may mahabang lamp post. "Gusto ko munang mapag-isa..." matamlay kong sabi.
Alam kong maraming gustong itanong sa akin si Jayce. Kung iniisip niya ang kalagayan ko, okay lang ako. Gusto ko lang talagang mapag-isa sa mga oras na ito.
"Kung may kailangan ka, naroroon lang ako sa may waiting lounge. Hihintayin kita." Iniwanan niya ako ng ngiti.
Bakit ko ba pinaparusahan nang ganito si Jayce? Wala siyang alam, ngunit bakit ganito pa rin ang ipinapakita kong pag-uugali sa kanya?
Nang mabagot ako ay bumalik ako sa kuwarto. Nakahiga at nagpapahinga lang ako sa hospital bed habang hinihintay si Jayce. Bumili kasi siya ng kakainin naming dalawa para sa gabing ito.
Alam kong hindi tama ang ipinapakitang ugali ko sa kanya nitong mga nakaraang araw. Hindi kami ganito noon.
Malalim lang talaga ang iniisip ko at naguguluhan sa mga bagay-bagay.
Dahan-dahan akong tumayo at hinila ang IV pole stand. Lumapit ako sa bintana at sinilip ang ganda ng mga ilaw sa ibaba.
Madilim na ang kapaligiran at matatanaw mo rito ang mga naglalakihang gusali mula sa syudad. May mga kotse ring labas-pasok sa parking lot at maraming tao ang nagsisidatingan.
"Taliyah, narito na ang pagkain mo. Binilhan kita ng mga pagkaing gusto mo kasi sabi mo sa akin kanina hindi mo gusto ang mga pagkain dito sa hospital dahil walang lasa."
Hindi ako lumingon sa kanya at nanatili lang akong nakatitig sa labas.
"Naririto na pagkain mo. Kung may kailangan ka nasa labas lang ako. Ayokong ma-istorbo ka sa pagkain mo."
Muli kong narinig ang pagbukas ng pinto.
"Sandali, Jayce," pagpigil ko. Lumingon ako sa kanya. "Sabay na tayong kumain," sambit ko.
Natigilan siya. "Sige. Kung 'yan ang gusto mo," naiilang niyang tugon.
Mainit pa ang sopas na binili niya mula sa labas ng hospital. Nanatiling tahimik kaming dalawa habang sabay na kumakain.
"Jayce, hanggang kailan ako mananatili rito sa hospital?" tanong ko.
"Ang sabi ng doktor mo... mga isang linggo pa. Hangga't hindi ka pa fully recovered ay hindi ka pa papayagang umalis dito. May mga test pa silang gagawin sa iyo para masigurong okay ka na talaga," paliwanag niya. "At sa tingin ko ay kakailanganin mo ng therapist."
"Habang nagtatagal ako rito mas lalong tumataas ang hospital bill ko, bukod pa ang mga gamot. Wala akong ipambabayad," nakayuko kong pagtatapat sa kanya. Napasinghap ako.
"Huwag mo nang intindihin ang bayarin dito. Ang isipin mo ay ang pagpapagaling mo. Nasabi ko na kay daddy ang lahat at tutulungan ka niya."
Ngumiti ako sa kanya. "Maraming salamat sa 'yo pati na sa daddy mo. Huwag kamo siyang mag-alala, babayaran ko rin ang lahat ng utang ko kapag nakalabas at nakahanap na ako ng trabaho."
"Hindi ka naman namin sinisingil, saka tinutulungan ka namin at bilang kaibigan mo, hindi na kita sisingilin."
"Ah, basta, magbabayad ako," pagmamatigas ko, pero nakangiti lang si Jayce sa akin at ngumingisi.
Kilala niya ako pagdating sa ganito. Utang ko ang buhay ko sa kanila at dapat suklian ko iyon. Magtatrabaho ako at magbabayad sa kabutihan nila.
"Kung mapilit ka, sige, pero hindi kita bibigyan ng palugit. Kung kailan mo gustong magbayad... ikaw na ang bahala. Basta ang isipin mo ngayon ay ang pagpapagaling mo, okay ba?"
Malapad ang ngiti sa kanyang mukha.
Tahimik lang ang buong kuwarto at halos wala kang maririnig na kahit na ano.
"Ah, Jayce..." Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Binasag ko ang panandaliang katahimikan bumalot sa pagitan namin.
"Hm?" Nagtaas ang kilay niya.
"Pasensya ka na nga pala. Masyado yatang nagiging malamig ang pakikitungo sa iyo nitong mga nakaraan araw. Para bang hindi na ako iyong Taliyah na nakilala mo. Marami lang kasi talaga akong iniisip at siguro epekto na rin ng mga gamot na iniinom ko."
"Naiintindihan ko naman. Huwag mo nang isipin iyon. Basta magpagaling ka para makalabas ka na rito at makapaglakad na ulit tayo sa parke na palagi nating ginagawa noon."
Kahit na nanibago siya sa pakikitungo ko nitong mga nakaraang araw ay naging positibo pa rin siya at inintindi ang sitwasyon.
Maraming salamat sa kanya. Pati na sa pag-aalaga at pagmamalasakit sa akin.
Lumipas ang dalawang linggo at mas naging maayos na ang pakiramdam ko. Tila ba nanumbalik na ang lakas na noo'y mayroon ako. Nagsimula na rin akong ganahan sa pagkain at naging ma-kuwento na rin kay Jayce.
Madalas kaming magtawanan lalo na kapag pinag-uusapan namin ang mga bagay noon. Pati na ang mga pangyayaring hindi namin malilimutan.
Pinuno ni Jayce ang mga pangangailangan ko habang ako'y nagpapagaling. Ang sabi ng doktor para mas maging okay ako ay kailangan ko pa raw manatili ng isa pang araw pero maaari na rin naman daw akong lumabas na. Ipapahinga ko na lang siguro ito sa bahay.
Napapansin na rin siguro niya ang pagiging mainipin ko rito sa hospital.
Sinabihan ko si Jayce na sa oras na makalabas ako rito sa hospital ay agad kong yayakapin si mama na halos sa dalawang linggo kong pananatili rito ay hindi man lang siya dumalaw sa akin.
Pinangako ni Jayce sa akin ang lahat at may importante siyang bagay na sasabihin sa akin mamaya.
Masaya ako, masayang-masaya sa kung ano man ang sasabihin niya.
Maayos na ang mga papeles ko sa hospital at maaari na talaga akong makalabas.
Dumiretso kami sa magarang kotse ni Jayce.
Pinagbuksan niya ako ng pinto at pinasakay sa loob. Agad siyang nagtungo sa driver's seat, nagkalapit ang mga mukha namin ng abutin niya ang seat belt at isuot sa akin. Pagkatapos ay pinaandar niya ang kotse.
"Kailan ka pa nagkaroon ng kotse? Big time na talaga itong kaibigan ko!" pagmamalaki ko. Hindi mawaglit ang galak sa aking mukha.
"Niregalo lang sa akin 'to ni daddy six months ago," tugon niya habang nagmamaneho sa kahabaan ng kalsada.
Maingat siyang magpatakbo. Hindi ka matatakot o kakabahan.
"Masaya ako para sa iyo." Nakatagilid ako at nakaharap sa kanya.
Nakangiti lang siya at nakatuon ang atensyon sa kalsada.
Naglipat ako ng tingin mula sa labas ng bintana. Mabagal lang ang pagpapatakbo ni Jayce habang natatanaw ko ang mga naglalakihang gusali rito sa Norwester, syudad ng Brandenton.
Maraming tao ang naglalakad at nakakapukaw ng pansin ang mga naglalakihang mga pailaw, billboard at promotions. Maganda talaga ang sentrong bahagi ng Brandenton, lalo na ang mga establisyimento na naririto.
Nang muli akong tumingin kay Jayce ay may naalala ako.
"Ano nga pala iyong importanteng sasabihin mo sa akin, Jayce?" nakangiti kong tanong.
Naramdaman ko ang biglang paghinto ng kotse at ang pagtigil niya.
Bigla akong kinabahan sa ginawa niya. Dahil hindi ko inaasahan iyon.
Tila ba natigilan siya sa tanong ko.
"M-may problema ba?" may takot sa boses ko.
Hindi siya makatingin sa akin. Mas lalo akong kinabahan. Hindi ko alam kung may nasabi ba akong hindi maganda para matigilan siya.
Tumingin siya sa akin. Nakikita ko ang lungkot at takot sa mga mata niya. Magiging ganoon din ba ang mararamdaman ko kapag narinig ko na ang importanteng bagay nasasabihin niya?
"T-taliyah..." Ginagap niya ang mga kamay ko. Mariin niya itong hinaplos at para bang pinapakalma ako nito. "Gusto kong ihanda mo ang sarili mo rito sa sasabihin ko."
Bumibilis ang kabog ng dibdib ko. Bakit ba parang sobrang seryoso naman niya? Natatakot na ako.
"T-taliyah... W-wala na ang mga magulang mo."
Hindi agad naiintindihan ng utak ko ang sinabi niya. Para bang nabingi ako. Hindi ako makahinga. Nahihilo ako.
"Patay na sila..."
Napahawak ako sa sintido ko. Napatungo ako at hindi alam ang gagawin. Hindi totoo ang sinabi niya. Nagbibiro lang siya. Walang katotohanan ang sinabi niya. Hindi iyon totoo!
Gustong kumawala ng puso ko sa loob ng dibdib ko. Gusto nitong sumabog sa sobrang bilis ng tibok. Nanlalamig ang mga kamay ko. Nanlalambot ang pakiramdam ko.
Ito na yata ang pinakamasakit na mga salitang narinig ko. Mas masakit pa sa mga salitang narinig ko kay papa.
Ayoko siyang paniwalaan, ngunit kung totoo man ang sinasabi niya... hindi ko yata 'yon magagawang tanggapin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro