Chapter 14: The Thief
PAST. Late 2010.
Akala ko noon ay hindi na ako magkakaroon ng kaibigan. Halos lahat ng mga kaklase ko ay may ayaw sa akin. Dahil lang sa nalaman nila kung anong klaseng ama ang mayroon ako. Itinuturing din nila akong malas dahil sa mahabang peklat na nakikita nila sa aking mukha.
Nang malaman nila ang tungkol kay papa at ang pag-uugali nito ay inabisuhan na siguro sila ng mga magulang nila na iwasan ako para malayo sila sa kapahamakan.
Ngunit nang makilala ko si Jayce, nagbago ang lahat. Hindi ako sanay makipag-usap sa ibang tao, lalo na iyong hindi ko gaanong kakilala. Subalit noong nagkausap kami ni Jayce sa parke at sinabayan siya papunta sa bus stop ng Montserrat habang pinagsasaluhan namin ang nag-iisang payong panangga sa ulan ay tila ba parang matagal na kaming magkakilala. Magaan ang loob ko sa kanya lalo na sa pagsasalita niyang marahan at maingat.
Naggagawi si Jayce sa Montserrat kapag nais niyang bisitahin ang daddy niya. Hindi niya alam kung saan ako eksaktong nakatira, ngunit palagi kaming nagkikita sa parke. Madalas akong maglakad-lakad sa parke lalo na kapag panandaliang gusto kong huminga at mapag-isa. Madalas akong maggawi sa mahabang daan ng parke sa tuwing mabigat ang loob ko.
Naglalakad-lakad kami ni Jayce sa kahabaan ng buong lugar at madalas din niya akong ilibre ng ice cream mula sa naglalako.
Noong muli kaming nagkita, pinasalamatan niya ako noong nagsalo kami ng payong.
Natatawa ako noong nakita ko siyang may bitbit na mahabang payong na parang tungkod sa kanyang pagkakahawak.
"Maaliwalas naman ang langit saka walang gaanong ulap. Bakit may payong kang dala?" tanong ko sa kanya at hindi mapigilan ang aking pagtawa.
"Handa lang ako sa mga posibilidad. Malay mo biglang umulan, hindi mo matatakda ang panahon," aniya habang malapad siyang ngumiti kasabay ng mga hakbang papalapit sa akin. "Kumusta ka na pala?"
Nagsalubong ang mga tingin namin.
Ngumiti ako nang pilit. "Maayos lang," tugon ko kahit na hindi gaano.
Napatingin ako sa ibang direksyon.
Ganito kami palagi sa tuwing magkikita. Kaswal at para bang marami nang pinagsamahan.
Gusto kong mahawa sa pagiging positibo ni Jayce. Ang kanyang mga ngiti, nagnining-ning ang kanyang mga mata at higit sa lahat nararamdaman ko ang kanyang positibong desposisyon. Para iyong sakit na gustong-gusto kong magpahawa sa kanya.
"Sigurado ka ba? Kumusta na ang papa mo?" Nanahimik ako panandalian nang banggitin niya iyon. Inilipat ko ang tingin sa kabilang banda ng parke kung saan naroroon ang mga puno't halaman.
"Maayos naman si papa, kaso hindi pa rin siya nagbabago."
Nai-kuwento ko kay Jayce ang tungkol kay papa. Na palagi ako nitong binubulyawan at pinagsasalitaan ng masama dahil lang sa paniniwala niyang ako ang rason kung bakit siya ngayon nakaupo sa wheelchair. Palagi ako ang may kasalanan kapag may nangyayari sa kanya na hindi umayon sa kagustuhan niya. Ang lahat ng kamalasang nangyayari sa kanya ay pawang ako ang may likha.
"Intindihin mo na lang siguro ang papa mo. Intindihin mo na lang ang sitwasyon ngayon pati na ang kalagayan niya."
Muli akong napatingin sa kanya.
Ngumiti ako sa harap niya. Iyon na lang ang kailangan kong gawin sa ngayon. Ang intindihin siya at pagpasensyahan si papa, ngunit hanggang kailan?
Tao rin ako, nagsasawa at napapagod.
✦✧✦✧
DAY 18. Present Dream.
Ngayon ang huling araw ng Nobyembre at sa pagkakaalala ko ay ngayon ang kaarawan ni Jayce.
"Taliyah, anak, may bisita ka."
Kumunot ang noo ko.
Bisita? Sino?
"Magandang umaga po, sir Bernardo." Narinig ko ang pamilyar na boses na iyon mula sa labas ng aking kuwarto.
"Mama, lalabas na po ako."
Mabilis akong nagpusod ng buhok at isinuot na ang bag ko. Mayroon akong pasok sa eskwelahan ngayon.
"Huwag mo na akong i-sir, tito na lang ang itawag mo sa akin. Magkakilala naman kayo ng anak ko kaya't huwag ka nang masyadong pormal d'yan," giit ni papa.
Napatigil ako nang makita si Reece na katabi ni papa sa mahabang sofa. Nakasuot siya ng puting t-shirt at maong na pantalon. Mukhang luma na rin ang rubber shoes na suot niya. Nagbalik siya makalipas ang ilang araw na nagdaan.
"R-reece? A-anong gina—"
"Kumain ka na ba, hijo? Gusto mo bang sumabay ka na sa amin mag-almusal?" alok ni mama sa kanya.
Ngumiti lamang ito. Kitang-kita ang kakisigan niya sa mga ngiting iyon.
Wala nang nagawa si Reece at sumabay na siya sa amin mag-agahan.
Tahimik lang akong kumakain at hindi gaanong komportable dahil mayroon kaming bisita. Hindi ko maipaliwanag kung bakit ako nagiging ganito kahit na kakilala ko naman na si Reece.
"Gaano mo na katagal kaklase itong si Taliyah?" tanong ni mama habang nagsasandok ng kanin at nagsasalin ng mainit na sabaw sa tasa.
Napatingin ako sa kanya at inaabangan ang kanyang pagsagot.
"Hindi po kami magkak—"
Nanlaki ang mga mata ko at nasipa ko ang paa niya mula sa ilalim ng mesa na dahilan para ikagulat niya.
Nagsalubong ang mga kilay ko at alam kong alam niya ang sensyas na iyon.
"M-matagal na po," tanging sagot niya na ngingisi-ngisi.
Nakahinga ako nang maluwag.
"Kumusta naman ang pag-aaral mo? May girlfriend ka na ba?"
Alam kong mangyayari ito kaya't una pa lang ay hindi na ako naging komportable.
"Mama, ano ba'ng klaseng mga tanong iyan?" Nahihiya ako sa mga posible niya pang itanong kay Reece.
"Bakit, wala namang masama sa tinatanong ko, ah?"
Napatingin ako kay Reece at miski siya ay naguguluhan at pangiti-ngiti na lang.
"Mauuna na po ako, malapit na ang klase namin. Baka ma-late pa po ako." Mabilis kong ininom ang tubig sa baso at kinuha ang bag ko.
"Saglit, anak, bakit hindi naka-uniporme si Reece?" Napatingin ako kay Reece na halatang hindi alam kung ano ang magiging reaksyon niya.
Nagtama ang mga mata namin.
"Mama, aalis na po ako."
"Ihahatid ko na po siya. Maraming salamat po sa pagkain."
Mabilis akong lumabas ng bahay at nasapo na lang ang aking noo.
Ano ba'ng pumasok sa isip ni Reece at nagpunta siya ng ganitong kaaga sa bahay?
Nakasunod siya sa akin at nilapitan ko siya nang makalayo-layo na kami sa bahay. Hinawakan ko ang kamay niya. "Halika nga rito." Hinila ko siya palapit sa akin. "Ano'ng ginagawa mo? Bakit ang aga mo namang bumisita sa bahay?"
Nakatingin lang siya sa akin.
"Noong umuwi ako sa Norwester, hinihintay ko ang asul na ilaw, ngunit nabigo na naman ako. May kahina-hinala lang akong lalaking sinusundan kaya't hindi agad ako nakabalik sa 'yo," wika niya at huminga siya nang malalim.
"Sino?"
Umiling siya. "Wala, wala." Saka tumitig sa akin. "Teka lang, bakit ganyan ang reaksyon mo? Masama bang muling bumisita sa inyo?" pag-iiba niya.
"Hindi naman sa ganoon."
"Gusto lang kitang puntahang muli. Nagbabaka-sakaling naririto ka pa at hindi pa ako iniiwan," aniya.
"Ano ba sa tingin mong gagawin ko? Aalis na lang basta-basta? Maglalaho na lang na parang bula?"
Napatingin siya sa kamay kong mahigpit na nakahawak sa kanya. Agad ko itong inalis at nakaramdam ako ng init sa aking mga pisngi.
"Baka mamaya magpakita na sa iyo ang asul na ilaw at lumabas ka na sa mundong ito. Mukhang mag-iisa na naman ako," malungkot niyang saad.
"Hindi ba't sinabi mo na kapag nagpakita sa akin ang asul na ilaw ay huwag na akong mag-dalawang isip na sundan iyon at lumabas na sa mundong ito. Bakit ngayon parang ayaw mo na akong mawala rito?"
"Hindi ganoon ang ibig kong sabihin. Ikaw lang ang nakakaintindi sa akin at ganoon din ako sa iyo, naiintindihan kita. Paano na lang kung nawala ka agad? Babalik na naman ulit ako sa dati, na mag-isa..."
"Paano naman kung ikaw ang nawala? Paano ako?" Ibinalik ko sa kanya ang tanong.
"Huwag mo nang isipin ang tungkol sa mga bagay na ganyan. Halika, sumama ka sa akin, uubusin natin ang oras na magkasama tayong dalawa." Ayokong kung ano-ano ang iniisip niya.
Ngumiti siya sa akin at muli kong hinila ang kamay niya.
May limang minuto pa akong natitirang oras nang makarating ako sa eskwelahan. Pinaghintay ko si Reece sa labas ng gate at agad akong nagtungo sa locker room ng basketball varsity team at kumuha ng ekstrang uniporme ng mga player doon. Mabuti't walang tao at madali kong nakuha ang mga gamit.
Masuwerte ako at may nakita akong school ID na nakasabit doon. Kinumpleto ko na para lusot si Reece sa pagpasok niya sa campus.
Hindi makakapasok si Reece kung ganoon ang suot niya. Mahigpit ang mga guwardiya rito pagdating sa uniporme ng mga estudyante.
Sakto sa kanya ang unipormeng nakuha ko at bagay na bagay iyon sa kanya.
"Umarte ka na para kang totoong estudyante rito. Huwag kang kakabahan at matatakot. Ako ang bahala sa iyo." Sinisiguro kong hindi papalpak ang planong 'to.
Tumango lang siya at sinunod ang mga bilin ko.
Nakahinga ako nang maluwag nang makapasok siya. Sinakto ko siya sa dagsa ng mga estudyanteng sabay-sabay pumasok sa campus.
Muli kong hinawakan ang kamay niya, mahigpit.
"Ang ganda pala ng eskwelahan ninyo," hindi makapaniwalang bigkas niya sa aking gilid habang palinga-linga.
"Happy birthday, Jayce!"
Agad akong napalingon sa pagbating iyon.
Jayce? Naririto rin si Jayce?
Maraming babae ang sumalubong sa kanya at binati siya sa kanyang kaarawan.
Napatigil ako sa aking paghinga nang makita ko siya. Ibang-iba sa Jayce na nakilala ko. Matikas ang galaw, matayog ang tindig.
Dahan-dahan niyang binuksan ang kanyang polo at napansin ko ang itim na hikaw sa kanyang tainga na walang kapares. Nakasukbit ang bag sa kanan niyang balikat habang astig kung maglakad.
Hindi magkamayaw ang mga babaeng sumalubong sa kanya.
"Girls, move!" Kumumpas pa siya para patabihin ang mga babaeng nakaharang sa daraanan niya.
Popular si Jayce sa eskwelahang ito? Paano? Matagal na akong naririto pero bakit ngayon lang siya lumabas at nagpakita?
"Kilala mo siya, Taliyah?" mula sa aking gilid ay nagtanong si Reece.
Nanatili akong nakatingin kay Jayce. "Oo, siya si Jayce... kaibigan ko siya."
"Kaibigan? 'Yang aroganteng lalaking iyan, naging kaibigan mo?"
Namilog ang mga mata ko. Agad kong ibinaling kay Reece ang aking tingin. "Arogante? Kilala mo si Jayce?" hindi makapaniwala kong tanong.
"Kung alam mo lang Taliyah kung ano ang tunay na ugali at pagkatao ng lalaking 'yan." Napapailing si Reece sa inis dito.
Napalingon ako nang dumaan sa amin si Jayce at napansin ko ang masama niyang titig kay Reece.
"Paano kayo nagkakilala ni Jayce?"
"Kilala ko siya dahil sa ugali niya at kung ano ang kaya niyang gawin sa mundong ito, Taliyah. Hindi siya isang tipikal na tao rito sa panaginip mo," aniya.
Napailing ako at napaupo sa bakanteng bench malapit sa amin. "Saglit lang, hindi kita maintindihan. Ano ang ibig mong sabihin?"
"Mayroong anino si Jayce, pero malakas ang aura na mayroon siya. Doble ang aura niya kumpara sa ating dalawa. Kaya't mag-iingat ka sa kanya. Kailangan nating mag-ingat sa kanya."
"Saglit lang, Reece. Hindi talaga kita maintindihan. Sa reyalidad ko, mabait na tao si Jayce, maalalahanin at mapagkakatiwalaan. Bakit kailangan nating mag-ingat mula sa kanya?"
"Taliyah, matagal na panahon na akong nananatili sa panaginip mong ito. Ikaw ang may-ari ng panaginip na ito at sa lahat ng bagay na naririto ay lahat ng iyon ay nasa imahinasyon at isipan mo. Kung tutuusin para lang akong maliit na bagay o puwing na nakapasok dito, ikaw pa rin ang may hawak nito. Kaya't noong nalaman kong naririto ka ay agad kitang pinuntahan. Dahil alam kong ikaw lang ang makakatulong sa akin dito." Para akong na-estatwa sa mga sinasabi niya. "Una pa lang ay naipaliwanag ko na sa iyo na magkasalungat ang ugali ng mga tao sa mundong ito at sa reyalidad mo. Kung mabait at mapagkakatiwalaan si Jayce sa iyo sa reyalidad, ibahin mo siya rito," dagdag nito.
Napatingin ako kung saan nakatayo si Jayce. Tama si Reece, ibang-iba nga si Jayce base sa kanyang kilos at mga galaw.
Tumunog ang school bell. Pinaghintay ko si Reece sa cafeteria at iniisip pa rin ang mga sinabi niya sa akin kanina. Nasa klase ako at nakatingin lang ako sa labas ng bintana at hindi nagtutuon ng atensyon sa guro na nasa harapan.
Si Jayce lang ang nakakaintindi sa akin sa reyalidad. Kahit si mama ay nagawa akong sukuan noon pero si Jayce ang taong dumadamay at nagiging sandalan ko kapag namomroblema ako lalo na kay papa.
Nang matapos ang klase ay agad na akong nag-ayos ng mga gamit. Kailangan kong puntahan agad si Reece, marami pa akong nakareserbang mga tanong para sa kanya.
"Miss Taliyah, maaari mo ba akong tulungan dito?" Napalingon ako nang tawagin ako ni Miss Cherry.
Bubuhatin ko ang mga test booklet na nasa table niya. Hati kaming nagdala niyon patungo sa faculty.
Buhat-buhay ang mga test booklets ay mabilis akong bumaba ng hagdan dahil inaalala ko si Reece sa cafeteria. Hindi niya alam ang lugar na ito, baka ay maligaw siya.
Sa pagmamadali ko ay hindi ko inaasahan na makakabunggo ako ng estudyante.
Sumabog ang booklets sa sahig at nagkalat iyon na parang basura.
"I'm sorry," paghingi ko ng tawad ng hindi tinitingnan kung sino ang nakabangga ko.
Lumuhod ako at pinagdadampot ang booklets.
"Hindi ka ba tumitingin sa dinaraanan mo?" asik nito.
Nag-angat ako ng tingin sa ianya dahil hindi man lang niya ako tinulungan. "J-jayce?"
"Sa susunod mag-iingat ka, lalong-lalo na sa akin." Tumaas ang gilid ng kanyang labi at nagsimula na siyang maglakad palayo.
Hindi niya ba ako nakikilala?
"Sandali lang Jayce?"
Agad akong tumayo at hinawakan ang kanyang braso para pigilan siya.
Tinanggal naman agad niya ang paghawak ko. "Huwag mo akong hawakan. Hindi tayo magkakilala," arogante niyang saad sa akin.
Parang nagyelo ang mga paa ko. Iniwan niya ako roon na parang hindi kami naging magkaibigan. Nasasaktan ako sa inasal niya.
Malungkot akong naglakad papuntang cafeteria para hanapin si Reece. Naroroon pa rin siya sa napag-usapan naming mesa at matiyagang naghihintay para sa akin.
Umupo ako sa kanyang tabi. "Para namang binagsakan ng langit at lupa iyang mukha mo. Ano ba'ng nangyari sa iyo? Bagsak ka sa exam mo?"
Umiling ako. "Tama ka. Totoo ngang nag-iba ang ugali ni Jayce sa mundong ito." Ngumuso ako habang bagsak ang mga balikat sa lungkot.
"B-bakit, ano ang ginagawa niya sa iyo?"
Muli akong umiling at nakuha nang pumalatak. "Ibang-iba ang ugali niya rito kumpara sa reyalidad. Naninibago ako sa kanya," tugon ko.
"Taliyah, naniniwala akong mabait at mapagkakatiwalaan si Jayce sa reyalidad mo. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay sasang-ayon ang reyalidad na nakasanayan mo sa mundong ito," muli niyang paalala sa akin.
Alam ko naman iyon. Naiintindihan ko ang punto niya.
"Saglit lang, Reece, nabanggit mo kanina na kailangan nating mag-ingat kay Jayce. Bakit? Sa paanong paraan natin siya maiiwasan?" kunot ang noo kong tanong sa kanya, medyo nag-aalala.
"Dahil hindi siya ordinaryong tao lang dito. Pabanganib siya, Taliyah. Matagal na akong naririto at base sa obserbasyon ko at nasaksihan ko kahapon lang na siya ang humaharang sa akin para makaalis sa mundong ito." Kinakabahan ako sa mga sinasabi ni Reece. "Magnanakaw siya," matigas na bigkas niya.
"Ha? Si Jayce? Magnanakaw ng ano?"
"Kahapon nakita ko siya sa Norwester. Sinundan ko siya at napagalaman kong siya ang dahilan kung bakit hindi ako makaalis-alis dito sa panaginip mo." Napailing-iling si Reece.
Napapigil ako ng hininga at nakatuon lang sa sasabihin ni Reece.
"Dahil siya ang nagnanakaw ng asul na ilaw na magsisilbing pinto ko para makalabas dito."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro