Chapter 13: Escapism
PAST. Mid 2010.
Kapag hindi umaayon sa iyo ang panahon, marami kang puwedeng gawin para hindi ito manatili sa isipan mo.
Madalas akong makinig ng mga kanta at tugtugin noong gumagana pa ang radyo na mayroon si mama sa kuwarto. Dahil kahit papaano, sa pakikinig dito ay naiibsan ang masalimuot na buhay na mayroon ako.
Panandalian kong nalilimutan ang lahat sa tuwing tutugtog na ang napakagandang musika. Tila ba dinadala ako nito sa malambot na ulap habang kinakantahan ka ng mga anghel sa langit.
"Taliyah, matagal nang sira ang radyo na iyan." Napatingin ako kay mama at napansin niyang pilit kong binubuksan ang maliit na radyo na nakatago sa kabinet ng kuwarto.
"Sinusubukan ko lang po at baka gumagana pa," tugon ko.
"Hayaan mo, kapag nagkaroon ako ng ekstrang pera bibilhan kita ng radyo. Alam kong gustong-gusto mong makinig ng mga kanta," aniya.
"Sheryl! Kumuha ka ng basahan at punasan mo ito," singhal ni papa mula sa labas.
Tumayo agad si mama at lumabas para asikasuhin si papa.
Gusto ko mang makalimutan ang lahat ng mga sinabi sa akin ni papa kanina ay hindi ko agad mabubura iyon dahil tumatagos iyon sa aking puso.
Malas.
Salot.
Buwisit.
Ilan lamang iyan sa mga salitang hindi ko malilimutan. Ginagawa ko na lang ang lahat para kalimutan ang mga iyan. Kung gumagana lang sana ang radyong ito, sana ay napapalagay kahit papaano ang kalooban ko.
Minsan nagbabasa rin ako ng mga libro—lalo na sa gabi bago matulog. Minsan nanonood ng TV at naglilinis sa likod ng bahay. Gagawin ko na lang na abala ang aking sarili para hindi ko na maisip pa ang mga sinabi sa akin ni papa ngayong araw.
Kung iisipin ko nang iisipin ang lahat ng iyon. Matatalo lang ako at panghihinaan ng loob. Tama na ang sinabihan ako at nasaktan pero hindi ko dapat pananatilihin ang sakit na iyon sa aking puso.
Itutuon ko na lang iyon sa ibang bagay. Sa mga bagay na matutulungan ko pa si mama sa gawaing bahay.
✦✧✦✧
DAY 12. Present Dream.
Pinagmamasdan ko si Reece na nakaupo sa sofa habang katabi si mama. Nag-uusap silang dalawa at wala naman akong nakikitang problema dahil may pagkakataong tumatawa sila.
Noong nakita ko si Reece kanina, inaamin ko, hindi ako panatag sa kanya at tila ba hindi ko siya magawang paniwalaan. Habang tumatagal ay nakikilala ko ang pagkatao niya, mabait at makuwento base sa mga pinag-usapan namin kanina.
Nangangamba lang ako sa naging kuwento niya sa akin sa likod ng bahay kanina. Kap'wa kami may sinundang asul na ilaw bilang senyales ng lahat. Nakapagtataka lang at kung bakit nagpapakita ang ganoong klase ng ilaw sa amin.
Senyales ba ng isang panaginip? Hindi ko alam.
Isa pa, hindi ko lang maintindihan kung bakit naririto siya sa panaginip ko. Gusto niyang hanapin ang kuya niya pero bakit dito siya napunta sa panaginip ko? Wala ba siyang sariling panaginip?
Masalimuot ang naging karanasan ni Reece. Malaki ang naging epekto ng kuya nito sa kanya simula nang magpatiwakal ito sa mismong harapan niya. Matinding trauma ang naidulot nito lalo na sa kanyang pag-iisip dagdagan mo pa ang pagkakaroon niya ng sakit na psychosis.
Sumapit ang hapon at nagpaalam na si Reece kay mama at papa.
"Mama, ihahatid ko lang po si Reece." Tumango lang si mama sa akin habang naka-akbay si papa sa kanya.
"Mag-ingat ka sa pag-uwi, Reece."
"Opo, maraming salamat po. Happy birthday po ulit!" nagpasalamat siya at muling binati si papa sa huling pagkakataon.
Nagsimula na kaming maglakad ni Reece at ayaw ko pang matapos ang araw na ito. Marami pa akong gustong itanong at malaman sa kanya.
"Ah, Reece..."
Magkasabay kaming naglalakad patungong parke at tila hindi ako komportable nang basagin ko ang katahimikang pumapagitan sa aming dalawa.
Humarap siya sa akin. "Ano iyon?" nakataas ang dalawa niyang kilay na tanong.
"Saan ka pala nakatira? Napaisip lang ako kung saan ka tumutuloy."
Ngumisi ito. "Nakatira ako sa Norwester. Napadpad ako sa lugar na ito dahil iba ang pakiramdam ko rito." Iba ang dating sa akin ng mga sinasabi niya. "Iba ang pakiramdam ko rito at napag-alaman kong totoong naririto ang isang tulad mo. Alam kong hindi mo maiintindihan ang mga sinasabi ko, subalit noong nakita kita ay tama ang suspetsa ko dahil nakita kong wala kang anino at isa lang ang ibig sabihin niyon, gaya ko... parehas tayong galing sa mundo ng reyalidad."
Napatigil ako sa paglalakad sa sinabi niya. Bumilis ang tibok ng puso ko sa nalaman mula sa kanya.
Binalikan niya ako nang umabante siya at mapansin tumigil ako. "May problema ba?"
Umiling ako at napaisip. "W-wala, wala..." tugon ko.
Agad akong napatingin sa ibaba at hinanap ang sarili kong anino. Tama siya, wala nga akong anino at maging siya rin. Ngayon ko lang ito napansin at kinilabutan ako nang malaman iyon.
"Paano mo nalaman ang tungkol sa bagay na ito?" Napatingin ako sa kanya at nababalot pa rin ng katanungan ang aking isipan.
"Naikuwento ko na sa iyo ang tungkol sa akin. Naririto ako sa panaginip mo at magpahanggang ngayon, hindi pa rin ako nagigising. Matagal na ang naipalagi ko sa panaginip mo at marami akong napansing mga kakaibang bagay rito." Ibinigay ko sa kanya ang lahat ng atensyon ko. Gusto kong malaman ang lahat.
Ang ibig sabihin lang nito ay kap'wa kami nasa isang panaginip at kap'wa rin kami hindi pa nagigising sa reyalidad.
"Tulad ng?"
"Tulad ng wala tayong anino, ang asul na ilaw, ang pagbabago ng mga tao base sa kuwento mo at ang huli ay..."
Naghihintay ako sa sasabihin niya.
"...walang kasiguruhan ang muli nating paggising."
Kinakabahan ako sa mga posibleng mangyari sa amin dito. Iba na ang kutob ko.
"Kaya kapag nagpakitang muli sa iyo ang asul na ilaw na iyon, sundan mo at sumama ka sa kanya. Bumalik ka na sa mundo kung saan ka nararapat," payo niya.
Hindi ko magagawang iwan sina mama at papa rito pati na ang mga taong nagpakita sa akin ng importansya. Kahit na iba ang kutob ko rito, mahirap ang umalis na lang basta-basta.
"Ikaw ang mas nakakaalam ng lahat kaya susundin ko ang mga sinasabi mo. Pero paano ang mga magulang ko?" Nalulungkot ako kapag iisipin kong iiwanan ko sila rito. Alam kong pansamantala lang ang mundong ito ,ngunit napamahal na ako sa kanila.
"Hindi sila totoo, Taliyah. Huwag kang mahulog sa mundong ito. Kung binigyan ka ng pagkakataong lisanin ang panaginip na ito at bumalik ng reyalidad, gawin mo, huwag ka nang magdalawang isip," aniya.
Ako ay napasinghap nang malalim. Kinakabahan ako sa mga bagay na sinasabi niya. Mas 'di hamak na mas matagal na siya rito kumpara sa akin. Ngunit... dapat ba ay lubusan ko siyang paniwalaan?
"Ikaw, paano ka?" nag-aalala ko namang tanong sa kanya kung ano ang plano niya.
"Gagawin ko rin ang sinabi ko sa iyo. Matagal na akong naririto at hindi ko na alam kung ano na ang nangyayari sa tunay na mundo kung saan ay dapat naroroon ako."
"Kung narito tayong dalawa, ano ang ginagawa natin sa mundo ng reyalidad? Natutulog?" Iilan lamang ito sa mga tumatakbo sa isipan ko nitong mga nakaraang araw at sa wakas ay may mapagsasabihan na ako at mapagtatanungan.
"Sigurado akong natutulog tayo sa reyalidad. Hindi naman puwede na naririto tayo at gising sa reyalidad sa parehong oras. Kung gising tayo sa reyalidad ay wala tayo sa panaginip na ito." Alam na alam niya ang kanyang mga sinasabi.
Mabilis akong nagtiwala sa kanya dahil lahat ng sinasabi niya pawang may katotohanan at punto.
"Puwede bang manatili ka muna sa amin? Marami pa akong gustong itanong at malaman." Hinawakan ko ang kamay niya nang malapit na kami sa bus stop ng parke.
Napatingin siya sa ginawa ko. Agad kong tinanggal ang pagkakahawak ko sa kanya at dumistansya nang kaunti.
"Babalikan kita rito, Taliyah. Tutulungan kita sa mga bagay na nalalaman ko. Kailangan ko lang munang bumalik ng Norwester at baka naroroon na ang pinakahihintay ko," wika niya.
Kumunot ang noo ko. "Hinihintay na ano?"
"Ang asul na ilaw. Sa Norwester ako nanggaling noong napadpad ako rito at baka naroroon na ang ilaw na pinakahihintay ko. Isa lang ang palagi mong tatandaan, huwag ka nang magdalawang isip na magdesisyon. Kapag binigyan ka na ng pagkakataon, agad mo nang lisanin ang lugar na ito, naiintindihan mo? Habang tumatagal ka sa mundong ito, mas lalo kang napapamahal sa mga taong nakapaligid sa iyo at doon, mas lalo kang mahihirapang iwanan sila. Hangga't maaga, huwag mo nang sayangin ang pagkakataon mo, umalis ka na at iwan ang mundong ito."
Mabilis ang kabog ng dibdib ko. Pinaniniwalaan ko siya, pero bakit nakakaramdam ako ng takot at pangamba?
"Babalikan kita," aniya at hinawakan niya ang magkabila kong balikat. "At kung hindi na ako muling magpakita sa iyo, palagi mong tatandaan ang mga sinabi ko. Hangga't maaga pa, umalis ka na sa mundong ito."
Tumango ako ng tipid at pilit na ngumiti sa kanya. Natatakot ako lalo na sa mga bagay na nalaman ko sa kanya.
"Gagawin ko ang mga sinabi mo. Maraming salamat, Reece." Niyakap ko siya nang mahigpit.
Kahit ngayon lang kami nagkakilala, ipinaramdam niya sa akin ang mga desisyong dapat kong piliin. Malaking bagay siya sa akin hangga't naririto pa ako sa mundong ito.
"Magiging maayos din ang lahat, Taliyah," iyon na lang ang nasabi niya, saka siya sumakay ng bus na huminto sa harap namin.
Siya ang magiging sagot sa mga katanungan ko. At siya rin ang maaaring mga solusyon kung problema nga itong mundong pinasok ko.
Umuwi ako ng bahay na marami pa ring nakabinbin na tanong sa aking isipan. Nakahalukipkip ako habang nakatingin sa maliit na bodegang nasa likod ng bahay namin.
Naaalala ko ang mga sinabi niya.
"Isa lang ang palagi mong tatandaan, huwag ka nang magdalawang isip na magdesisyon..."
Huminga ako nang malalim at napapikit.
"Habang tumatagal ka sa mundong ito, mas lalo kang napapamahal sa mga taong nakapaligid sa iyo at doon, mas lalo kang mahihirapang iwanan sila. Hangga't maaga, huwag mo nang sayangin ang pagkakataon, umalis ka na at iwan ang mundong ito..."
Kahit na mahirap na iwan ko sila ay gagawin ko. Ayokong matulad kay Reece na matagal nang naririto sa mundo ng panaginip. Siya mismo ay gusto nang magising, ngunit hindi niya magawa.
Sa una magugustuhan mo ang lugar na ito dahil gusto mong iwan ang reyalidad at mundong nakasanayan mong puro na lang sakit, lundo at pagkamuhi sa iyo ng mga tao. Gusto ko ang nangyayari noong una, tanggap nila ako rito at noon pa man iyon na ang pinapanga-pangarap kong mangyari.
Pero bakit ngayon tila nawawala na ang kagustuhan kong iyon? Lalo na noong ipamukha sa akin ni Reece na totoong panandalian lang ang mundong ito?
"Taliyah, anak, may problema ba?" Napalingon ako nang may magsalita sa aking likuran.
Naroroon si mama at lumapit sa akin.
Umiling ako sa kanya at ngumiti. Marahan niyang inilagay ang kanyang palad sa aking ulo at bahagya itong hinaplos.
"Mukhang malalim ang iniisip mo," aniya.
"Masaya lang po ako at medyo napagod sa pag-aayos ng birthday ni papa," tanging sagot ko.
"Masaya rin ako at buo tayong nagsalo-salo kanina. Masaya rin ako at dinala mo pa si Reece dito para makilala namin ng papa mo. Boyfriend mo ba siya, anak?"
Sa kabila ng mga iniisip ko, nakuha pa ni mama na magbiro nang ganoon.
Agad akong umiling. "Hindi po, mama. Kaibigan ko lang po si Reece." Hindi ko alam kung bakit ganito ko kabilis ipagtanggol ang sarili ko.
"Nagtatanong lang ako, mabait na tao si Reece at nakikita kong maalaga siya at makuwento."
Natatawa lang ako sa sinabi ni mama. Hindi ko rin inaasahan na itatanong niya ang tungkol sa bagay na iyon.
Pumasok ako sa aking kuwarto nang sumapit na ang gabi. Marahan kong sinusuklay ang aking buhok sa harap ng salamin at pinagmasdan ang aking sarili.
Marami akong natantong mga bagay-bagay nang dumating si Reece kasama ng mga baon niyang salita para malaman ko ang mga bagay na kailangan kong malaman sa mundong ito.
Nananatili lang ba talaga ako rito dahil gusto ko o dahil gusto ko lang takasan ang reyalidad na mayroon ako?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro