Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12: Story Behind Reece

PAST. Mid 2010.

Malaki ang ipinagbago ni papa simula nang magmakaawa ito kay mama na huwag siya nitong iwan. Agad na tinawagan ni mama si tito Arnulfo na huwag nang tumuloy dahil nagbago na ang desisyon nitong hindi iiwanan si papa.

Sa totoo lang, naaawa ako kay papa noong nagmamakaawa siya kay mama. Tila ba ayaw niyang pakawalan si mama dahil ayaw niya mawalay rito.

Napag-alaman kong hindi tunay na magkapatid si papa at tito Arnulfo. Ampon lang si papa at nagmamalasakit lang si tito Arnulfo na alagaan ito dahil sa kondisyon niya.

Ilang araw silang hindi nag-away ni mama o nagpalitan ng mga sigawan. Madalas na ang pagiging tahimik ni papa at napapansin ko sa kanya ang hindi dinadaing na panghihina ng katawan nito. Nakasabit ang k'wintas na ibinigay ko sa kanyang leeg at napapangiti ako kapag nakikita ko ito sa kanya. Bagay na bagay iyon sa kayumangging kulay ng balat niya.

Nakakahiligan na rin niyang tumingin sa malayo habang malalim ang iniisip. Itinigil na niya ang bisyong pag-inom ng alak at ang paninigarilyo. Tahimik lang itong nakaupo sa kanyang wheelchair at minsa'y walang ganang kumain kahit na paborito pa niyang pagkain ang nakahain sa mesa.

Naging tahimik na ang loob ng bahay. Sobrang nakakapanibago.

Patuloy na ulit siya pag-inom ng kanyang gamot. Sa tuwing aasikasuhin ko siya ay wala na siyang nasasabi pa. Hinahayaan na lang niya akong alagaan siya, ngunit tila ba isa akong anino na dumadaan na lang sa harap niya at hindi man lang niya ako magawang kausapin o kahit na tingnan man lang.

Bumalik na ako sa pagpasok sa eskwelahan. Si mama naman ay nakahanap na rin ng trabaho bilang isang tindera sa palengke. Kaya mas may panggastos na kami sa araw-araw at maging sa mga gamot ni papa.

Kahit na ganito ang sitwasyon namin ay masaya na ang loob kong kahit papaano ay natanggap na ako ni papa. Kahit na sa paraang para akong isang ihip ng hangin sa harapan niya.

Basta't maayos siya, si mama at wala nang gulong nangyayari sa araw-araw na darating, maayos na sa akin iyon. Masaya na ako roon.

✦✧✦✧

DAY 12. Present Dream.

Kasama namin si Reece pauwi ng bahay. Siya ang nagbitbit ng kahon ng cake kahit na kaya ko naman ay nagpumilit siyang kuhanin iyon para sa akin. Tahimik lang ito sa daan habang magkakasabay kami nila papa na naglalakad.

Nang makarating kami ng bahay ay agad na sumigaw si mama sa sala nang malakas na pagbati para batiin si papa.

"Happy birthday po, papa," pagbati ko rin mula sa kanyang gilid.

Nakangiti ito at tila hindi gaanong makapaniwala. Mukhang nasurpresa nga namin siya.

May mga banderitas akong isinabit sa dingding bilang disenyo at ang makikinang na mga letra ng pangalan ni papa ay nakadikit naman sa pader. Nakasalansan naman ang pagkain sa mesa mula sa iba't ibang putahe ng ulam at matatamis na panghimagas.

"Happy birthday po," bati naman ni Reece na dahilan para mapatingin si mama rito.

Ngayon ko lang nakilala si Reece at miski ako ay katulad ng reaksyon ni mama ngayon—medyo gulat.

"Sino siya, Taliyah?" Hindi nito mamukhaan si Reece kaya naman sinusuri niyang maigi ito.

"Ako po si Reece, kaibigan po ako ni Taliyah," agad na nagpakilala nito kay mama.

"Kasamahan siya ni Taliyah at pinag-uusapan nila ang gaganaping event sa kanilang eskwelahan. Nakita ko silang dalawa sa may parke kaya inimbitahan ko nang sumalo sa atin ngayong tanghalian," sabad ni papa, nakangisi.

"Ah, ganoon ba? O siya, halina't kumain na tayo."

Sabay-sabay kaming kumain sa iisang mesa. Masarap ang lahat ng niluto ni mama. Tahimik at ngumingiti lang si Reece sa amin kapag nag-uusap kami at nagku-k'wentuhan. Mukhang naninibago pa siya sa amin dahil hindi pa naman niya kami lubos na kakilala.

Nang natapos kaming kumain ay ibinigay ko kay papa ang regalo ko. Naalala ko noon na binigyan ko siya ng k'wintas at isinuot niya ito. Sa pagkakataong ito, bibigyan ko naman siya ng relo sa kamay.

"Salamat, Taliyah." Nakangiti lang sa akin si papa nang tanggapin niya ang regalo ko. Agad naman niya itong isinuot at halata sa mukha niyang nagustuhan niya ang munti kong regalo.

Magkasama kami ni Reece sa kusina habang nanonood ng TV sina mama at papa sa sala. Naghuhugas ako ng pinggan, siya naman ang nagpupunas at nagsasalansan nito sa lalagyan.

"Reece, narito pala ang lugar kung paano ako nakarating dito." Agad ko siyang dinala sa bakuran at itinuro ang maliit na bodega.

"Sa maliit na bodegang ito?" tanong niya at agad naman akong tumango. "Hindi ba't ang k'wento mo sa akin kanina ay sinundan mo ang asul na ilaw?"

Napatingin ako sa kanya. "Oo at pumasok iyon sa k'warto tulad nito. At nang subukan ko nang lumabas, ito na ang lugar na bumungad sa akin," pagsasalaysay ko.

Bakas ang agam-agam sa mukha niya.

"Taliyah, hindi ka ba natatakot?" Bakas sa boses niya ang alinlangang ngayon ko lang narinig sa kanya.

"Natatakot saan?" kunot ang noo kong tanong, nakatitig sa kanya.

"Na baka hindi permanente ang lugar na ito," tugon niya at miski siya ay nababahala sa mga maaaring mangyari.

Minsan ko na ring naiisip ang tungkol sa bagay na iyan. Kahit na panandalian lang ay kukuhanin ko na ang oportunidad na mamuhay muna rito kahit na saglit lang. Gusto ko lang maranasan ang mga bagay na dapat kong naranasan noon pa man.

"Sumagi na sa isipan ko na maaaring hindi permanente itong mundong 'to. Para sa akin ngayon, sinusubukan ko lang na mabuhay at manirahan muna sa napakagandang panaginip na ito," tanging sagot ko. Huminga ako nang malalim at nagpatuloy, "Kahit naman sa mundo ng reyalidad, hindi pa rin permanente ang mga bagay. Panahon at oras na lang ang makapagsasabi kung kailan. Walang permanente sa mundo, dito o sa kabilang mundo kung saan ako nanggaling,

"Kung saan ka masaya at kung saan panatag ang loob mo, iyon ang mahalaga at sundin mo dahil minsan lang tayo mabuhay rito sa mundo."

Nanatili lang na nakatitig sa akin si Reece.

"Ikaw, Reece, bakit ka naririto?" Sa oras na ito ako naman ang nagtanong sa kanya.

Naglakad ito at nagtungo sa mahabang upuan na gawa sa kahoy malapit sa pinto ng aming bahay. Marahan itong umupo at huminga. "Mahabang k'wento," tipid na sagot nito.

Naglakad ako at nagtungo rin malapit sa kanya. Umupo ako sa kanyang tabi. "Makikinig ako." Interesado ako sa magiging k'wento niya.

Tamang tama ang panahon ngayon, hindi gaanong mainit. Pakikinggan ko ang kanyang k'wentong nais ibahagi.

"Bata pa lang ako ay madalas na akong managinip ng kung ano-ano. Mayroon akong masasayang panaginip, ngunit mas marami ang hindi. Sa tuwing babangungutin ako, nakikita ko ang mga bagay na maaaring mangyari sa hinaharap. Palagi akong dinadala ng mga magulang ko sa isang psychiatrist at paulit-ulit kong ikinukwento roon ang mga nagiging panaginip ko. Ang iba ay nangyayari, pero kadalasan ang iba ay nananatili na lang sa mundo ng panaginip," paglalahad niya, nakatingin lang ang mga mata niya sa isang direksyon.

Nakatitig lang ako sa kanya at nakatuon ang aking atensyon sa kanyang pagbabahagi.

"Ang sabi ng psychiatrist ay nagsu-suffer daw ako sa psychosis, isang kondisyon na pangunahing naaapektuhan ang utak mula sa normal na proseso nito. Noon pa man pinaniniwalaan ko nang maaari akong makapasok sa mundo ng panaginip para takasan ang reyalidad. Nakaririnig at nakakakita rin ako ng mga bagay na hindi nakikita ng iba. Minsan ay napapansin din ng mga magulang ko na para akong balisa at tulala na parang ang lalim nang iniisip. Madalas na rin akong magutom dahil wala akong ganang kumain. Ang paliwanag ng psychiatrist na sumusuri sa akin ay iyon ang mga sintomas kung bakit niya napangalanan ang sakit ko."

Hindi ko magawang makapagsalita sa k'wento niya. Walang mga salitang gustong kumawala sa bibig ko para magtanong. Hinayaan ko pang siyang magk'wento pa.

"Isa ang tinitingnan niyang pangunahing dahilan kung bakit ako nagkaroon ng psychosis. Iyon ay ang mabigat na trauma at stress na nakuha ko simula noong namatay ang kuya ko. Madalas kong kabiruan ang kuya ko, isinasama niya ako minsang maglaro ng basketball at pinahihiram niya ako ng mga damit niyang kasya sa akin. Nasasabihan ko rin siya minsan ng tungkol sa panaginip ko at siya lang ang nakakaintindi niyon. Ang mga magulang ko ay hindi ako magawang paniwalaan sa mga bagay na nakikita at nararanasan ko, ngunit ang kuya ko ay iba sa kanila. Naniniwala siya sa akin at naiintindihan niya ako. Namatay ang kuya ko hindi dahil may malala siyang sakit o naaksidente, namatay siya dahil pinatay niya ang kanyang sarili sa harap ko."

Nanlaki ang mga mata ko sa mga sunod niyang kwento.

Hindi ako makahinga nang maayos at nararamdaman ko ang emosyon sa bawat salitang lumalabas sa bibig niya.

"Nasa lahi na namin ang pagkakaroon ng kondisyon sa utak. Lumala na ang sakit sa kanyang pag-iisip dahil na rin sa mga naging maling desisyon niya at pressure sa mga kaibigan. Pinagsisisihan niya ang lahat ng iyon. Sa tuwing naaalala ko kung paano niya ginilitan ang kanyang leeg sa harap ko, tila ba nanunumbalik sa akin ang masamang bangungot na iyon. Nagsisimula akong kilabutan kapag naiisip ang masalimuot na alaalang iyon na kahit burahin ko man sa aking isipan ay hindi ko na magagawa,

"Ilang linggo akong nagkulong sa aking kwarto, nawalan ako nang ganang kumain at tumamlay ang katawan ko dahil malaki ang naging epekto sa akin ng nangyari sa kanya. Sinubukan kong matulog nang matulog at nagbabaka sakaling makita ko ang kuya ko sa aking panaginip, subalit hindi siya nagpakita sa akin. Sa bawat panaginip ko, katulad ng k'wento mo, palagi akong nakakakita ng nakakaakit na asul na ilaw at sinubukang sundan iyon. Napadpad ako sa isang bahagi ng aking panaginip kung saan ay normal ang aking buhay maging ang aking pag-iisip. Nag-iisa lang ako kasama ang mga taong hindi ko naman kilala, ngunit habang tumatagal ay nagkakaroon na ako ng mga kaibigan. Napapansin kong tumatagal na ang pananatili ko sa panaginip na iyon, ginawa ko na ang lahat, kinurot ko na ang sarili ko, sinampal ko na ang pisngi ko at sinawsaw ang aking daliri sa mainit na tubig..."

Malaking epekto sa kanya ang nangyari sa kuya niya. Mas nakadagdag ito ng stress. Pakiramdam ko parehas kami ng pinagdaanan.

"At magpahanggang ngayon, naririto pa rin ako at hindi pa rin magising-gising."

"Sinasabi mo bang parehas tayo ng panaginip na napuntahan?" naglakas na ako ng loob na magtanong sa kanya.

Kanina ay puro ngiti ang namutawi sa kanyang mga labi subalit hindi ko na makita iyon ngayon.

"Parehas tayo ng panaginip na napuntahan dahil sa asul na ilaw, ngunit hindi sa sarili kong panaginip, kung hindi sa panaginip mo."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro