Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 10: The Unfamiliar Guy

PAST. Mid 2010.

Nang matapos ang klase namin ay agad akong lumabas ng eskwelahan para maghanap ng bagay na maaaring ipang-regalo kay papa.

Hindi ko na iisiipin pa ang gastos dahil tiniis ko namang hindi kumain kaninang recess para mabilhan si papa ng regalo.

Sinabihan ako ni mama kagabi—noong nag-uusap kami sa kwarto—na ngayon ang birthday ni papa. Siya na ang bibili ng maliit na cake at pagsasaluhan na lang namin iyon mamayang gabi kasabay ng hapunan.

Nakakita ako sa daan ng nagtitinda ng kuwintas. Pinili ko iyong manipis na kwintas at may letrang B sa dulo nito. Bagay na bagay ang kwintas na ito kay papa.

Binili ko iyon dahil ito na ang pinakamura sa mga tinda niya. Halagang singkuwenta lang naman ang halaga ng kuwintas at may maliit na kahon na itong lalagyan na kasama.

Mabilis akong naglakad para makauwi na agad. Napansin kong makulimlim ang kalangitan kaya nagawa ko nang tumakbo bago pa abutan ng malakas na ulan sa daan.

Ngumiti ako nang dumaan ako sa tapat ng bahay nina Madam Esperanza dahil tumahol sa akin si Toby na panay ang pagkawag ng buntot. Napakaamo talaga ng asong iyon.

"Bernardo, ano ba, papatayin mo na ba ang sarili mo? Nakita ko sa basurahan kanina ang mga gamot na nireseta sa iyo ng doktor! Hindi mo pala iniinom ang mga iyon? 'Tapos ngayon ay inaatupag mo pa itong alak?"

Napahinto ako nang muling marinig ang mga sigawan sa loob ng bahay. Agad na pumaltik sa tainga ko ang nakakabinging sigawan nila noong gabing iyon. Nabibingi ako at mabilis na tumitibok ang aking puso sa kaba at pag-aalala.

"Huwag kang makialam, Sheryl! Ilang buwan ko nang iniinom ang mga hinayupak na gamot na iyan at wala pa ring nangyayaring maganda sa akin! Heto pa rin ako, lumpo at walang magawa para sa sarili ko. Kaarawan ko ngayon kaya't hayaan mo muna akong gawin ang gusto ko, maaari ba? Mabuti pa itong alak, kahit isang gabi lang ay nagagawa akong makalimot sa letseng buhay na ito!"

Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa bukana ng bahay. Ngayon ang kaarawan ni papa, hindi pa ba siya nagsasawa sa ugali niya? Kahit man lang pagbigyan niya ang araw na ito na manahimik na lamang, hindi magsalita at ipagpaliban ang pagkontra sa lahat ng bagay.

"Paano ka gagaling kung hindi mo magawang pagtyagaan munang inumin ang mga gamot na nireseta sa iyo? Paano ka gagaling kung hindi ka muna susunod? Ayaw na ayaw mong nalulustay ang pera mo 'tapos tinatapon mo lang pala ang mga gamot na ibinibigay ko sa iyo? Kahit ikaw na lang sa sarili mo, huwag mo na kaming intindihin ni Taliyah. Ikaw na lang, tulungan mo na lang ang sarili mo!" pagsusumamo ni mama habang bumubuhos ang luha sa mga mata.

Mula sa pintuan ay nakikita ko siyang na umiiyak na dahilan para masaktan din ako. Lahat ng sinasabi niya ay para sa ikabubuti ni papa at sa kabilang banda ay nakaupo lang si papa at nagmamatigas na hindi pansinin ang mga sinasabi ni mama.

"Tantanan mo na ako! Hayaan mo na akong uminom ngayon, kahit ngayong gabi lang!"

"Itatago ko na ang mga alak mo, hindi makabubuti iyan sa kalusugan mo. Kapag maayos na ang lagay mo, kahit na laklakin mo na ang lahat ng boteng iyan, hinding-hindi na kita pipigilan."

Habang tumatagal, humuhupa na ang tensyon sa loob ng bahay. Gusto ko na lang munang palamigin ang ulo ni papa bago ko ibigay sa kanya ang regalo ko. Kahit na maliit na bagay lang, sana'y magustuhan niya.

Agad akong pumasok sa k'warto at nagpalit ng damit. Pumunta ako ng kusina at nadatnang umiiyak si mama roon kaharap ng maliit na cake na may nakatusok na maliit na kandila sa gitna na may sinding apoy.

Ang mga hikbi niya ay hindi mapantayan. Tila ba nasaktan siya sa pagtatalo nila ni papa kanina. Ang mga luha niya ay tumutulo na sa tabi ng cake.

"Mama," marahan kong tawag at niyakap siya patalikod.

"Hanggang kailan kaya tayo maghihintay na magbabago pa ang papa mo? Nagsasawa na rin kasi ako sa paulit-ulit na lang na sigawan naming dalawa. Nahihiya na ako sa iyo at kailangan mo pang marinig ang gabi-gabing pag-aaway namin. Hindi dapat ganito ang buhay na mayroon ka, sana noon pa lang... sana noon pa lang ay iniwan ko na ang papa mo." Patuloy pa rin ang pag-agos ng luha sa mga mata niya dahil sa sakit na kanyang nararamdaman. Alam niya sa sarili niyang bigo siya dahil kilanman ay hindi na darating ang araw na magbabago pa si papa.

Kaya kong tiisin si papa pero sa tuwing makikita kong umiiyak si mama nang dahil sa kanya, nadudurog lang ang puso ko. Mas doble ang sakit na nararamdaman ko kapag nakikita ko siyang nagkakaganito.

"Mama, hindi pa huli ang lahat. Kung hindi mo na kayang tiisin si papa p'wede naman tayong umalis sa bahay na ito. Magsimula ulit tayo. Hindi iyong nagtitiis tayo at walang kasiguraduhang magbabago pa si papa."

Hinarap ako ni mama at idinampi niya ang magkabila niyang palad sa pisngi ko.
"Hindi ko kayang iwanan ang papa mo lalo na't nasa ganoon siyang sitwasyon ngayon." Ang pagmamalasakit pa rin dito ang tumatakbo sa isipan niya sa kabila ng lahat.

"Iniisip ko ang sitwasyon ni papa pati na ang kalagayan niya. Pero mama, halos pasan na natin ang daigdig kapag naririto tayo sa bahay kasama siya. Nahihirapan siya at hindi man lang magawang tulungan ang kanyang sarili. Pinapahirapan ka lang niya... tayo."

Ngumiti siya sa akin. "Taliyah, anak, naiintindihan kita. Naiintindihan ko ang gusto mong mangyari. Ayoko nang mahihirapan ka pa. Tatawagan ko ang nag-iisang kapatid ng papa mo, siya na ang mag-aalaga sa kanya. Aalis na tayo rito bukas na bukas."

Nakakagulat ang sinabi niya. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko. Pero tila ba nabunutan ako ng tinik sa dibdib nang wakasan na ni mama ang pananatili na samahan pa si papa.

Lumuwag ang pakiramdam ko. Nagdesisyon na siya, tama ang gagawin niya para matapos na ang paghihirap naming ito.

✦✧✦✧

DAY 10. Present Dream.

Sinamahan ko si mama mamalengke ngayong araw ng Martes. Ipaghahanda namin at susurpresahin si papa dahil ngayon ang kaarawan niya.

Marami kaming biniling dekorasyon at mga pagkain para ayusin ang sala at kapag dating niya ng bahay galing sa opisina na pinagta-trabahuhan niya ay masusurpresa siya.

Inatasan si papa ng kanyang manager na mag-imbentaryo muna sa factory ng kompanyang pinapasukan niya kaya may pasok siya ngayong araw kahit na holiday at walang pasok. Pinakiusapan muna siyang mag-half day ngayon.

Mabilis kaming kumikilos ni mama. Siya na ang naghanda at nag-ayos para sa pagkain. Ako naman ang bahala sa dekorasyon sa sala.

Espesyal ang araw na ito para kay papa. Masaya ako at buo kaming pamilya na magsasaya at magsasalo-salo para sa okasyon na ito. Kailanman ay hindi namin nagawa ito noong nasa mundo ng reyalidad pa ako. Hangga't naririto pa ako sa magandang panaginip na ito, gagawin ko na ang lahat, susulitin at nanamnamin ko ang bawat segundo na tanggap at mahal nila ako.

Kapag dumating ang araw na magising ako sa panaginip na ito, at least hindi ko pagsisisihan ang lahat ng bagay na hindi ko nagawa rito. Hahanap-hanapin ko ang lugar na ito, panigurado.

Malaki ang pinagkaiba ng dalawang mundong natungtungan ko. Ang reyalidad, kung saan naroroon ang pighati't paghihirap na aking naranasan simula sa pagkabata hanggang sa lumaki ako't nagkaroon ng isip. Mula sa bahay, sa eskwelahan, sa puder ni lola at maging sa kapitbahay ay kinaaayawan ako. Itonuturing na malas at kinaiinisan. Tila ba mag-isa akong kasama ang mapanghusgang mundo. Si mama lang ang naging sandalan ko, si Jayce na tanging kaibigan ko at wala ng iba. Napakahirap noon, halos gusto ko nang bumitiw ngunit hindi sumagi sa isipan ko ang kitilin ang sarili kong buhay. Kahit na mahirap, kahit na malungkot, kahit na nasasaktan ako at sawang-sawa na sa mga taong hindi ako kayang pahalagahan ay may takot pa rin ako sa Diyos para hindi gawin ang bagay na iyon.

Samantalang sa mundong ito, sa isang napakagandang panaginip, halos lahat ng taong nakilala at nakasalamuha ko rito ay magkaibang-magkaiba ang pakikitungo nila sa akin. Tila ba kung ano ang tunay nilang pagkatao sa reyalidad ay kasalungat ng ugali nila rito sa mundo ng panaginip.

Napakahaba na ng panaginip ko, sobrang lalim na at napapamahal na ako sa mga taong naririto. Masaya ako at napuntahan ko ang mundong ito, kung sakaling mawawala man ito pagdating ng panahon, nagawa ko namang makabuo ng mga natatanging alaalang panghahawakan ko kapag bumalik na ako sa mundo ng reyalidad.

Panghahawakan ko ang alaala na minsan, sa isang mundo na hindi totoo ay naging masaya ako.

"Taliyah, may problema ba, anak?" Napatingin ako bigla kay mama at ngumiti sa kanya. Mukhang napansin niyang nakatulala ako at malalim ang iniisip.

Umiling ako sa kanya at bumaba sa bangkong tinutungtungan ko habang hawak ang mga letrang ididikit ko sa dingding.

"Iniisip ko lang po kung ano ang magiging reaksyon ni papa kapag nakita niya ang surpresa natin sa kanya," alibi ko. Ayokong masira ang kasiyahang ito dahil lang sa mga alaalang iyon.

"Naku, tiyak magugustuhan ito ng papa mo. Alam mo naman iyon, pinahahalagahan niya kahit na mga simpleng bagay lang." Napansin ko ang saya sa mga labi ni mama.

Sa mundong ito, kahit simpleng bagay lang ay pinahahalagahan ni papa. Subalit sa mundo ng reyalidad, tila ba lagi na lang niyang kalaban ang mundo. Kaunting pagkakamali lang, mainit na agad ang ulo at sasabihan ka na ng kung ano-ano.

"Kung may kailangan ka, anak, narito lang ako sa kusina."

Tumango ako kay mama at bumalik na siya sa kusina. Agad ko namang itinuloy ang pag-aayos ng dekorasyon at maya-maya lamang ay darating na si papa.

Ngayon ang ikaapatnapu't dalawang kaarawan ni papa. Masaya akong ginagawa ko ang bagay na ito para mapasaya siya.

Nang nagtungo ako sa likod ng bahay para itapon ang hindi na kailangan dekorasyon ay napatingin ako sa maliit na bodega kung saan ako lumabas. Sumagi sa isipan ko bigla ang sitsit na narinig ko noong nakaraan. Hindi ko alam ang nais nitong ipahiwatig. Kung guni-guni ko lang ba o totoong may sumitsit sa akin noong araw na 'yon.

Napakibit-balikat na lang ako at muling bumalik sa loob ng bahay.

Ako na ang inutusan ni mama na bumili ng cake dahil may natitira pa namang oras bago magtanghalian at bago dumating si papa.

Sa kahabaan ng paglalakad ko sa parke kung saan naroroon ang daan malapit sa cake shop na kakabukas pa lamang ay nahiwagaan ako sa ganda ng buong lugar.

Walang gaanong tao ang naglalakad noong mga oras na iyon. Hindi ako mapakali dahil tila may taong sumusunod sa akin. Pakiramdam ko ay binubuntutan ako ng kung sinong hindi ko kilala.

Palingon-lingon ako at tangkang hulihin kung sino man iyon, ngunit hindi ko siya matyempuhan.

"S-sandali lang..."

Napatigil ako nang may humila sa kamay ko.

Napalingon ako at nakita ko ang isang lalaking nakasuot ng gray na jacket at nakapatong ang hood nito sa ulo niya. Hindi ko gaanong maaninag ang kalahati ng kanyang mukha at napansin ko ang matangos niyang ilong at manipis na mga labi.

Binawi ko ang kamay ko na hawak niya. "S-sino ka?" tanong ko at dumistansiya nang kaunti mula sa kanya.

"Ano ang ginagawa mo rito?" Hindi niya sinagot ang tanong ko at binalikan niya ako ng sarili niyang tanong.

"Naglalakad ako at pupunta ako sa cake shop malapit sa parkeng ito. Saglit lang, sino ka ba?" kunot ang noo kong tanong sa kanya. Nakadarama na ako ng pagkailang sa kanya. Ang wirdo ng dating niya para sa akin.

Hindi ko siya kilala at kahit na alalahanin ko ang mukha niya, sa tingin ko ay hindi pa kami nagkikita.

"Huwag mo akong pilosopohin. Sagutin mo nang maayos ang tanong ko, ano ang ginagawa mo rito?" mariin niyang tanong. Napatigil ako nang lagyan niya ng diin ang kanyang tanong.

"H-hindi kita maintindihan. Ano ba'ng ibig mong sabihin?" Wala akong ideya sa mga sinasabi niya. Gusto ko nang tumakbo palayo sa kanya. Nagsisimula na akong kabahan sa inaasal niya.

Hindi ko siya kilala at hindi ako nakakasigurong ligtas ako sa tabi niya.

Tinanggal niya ang hood ng jacket sa kanyang ulo. Lumitaw ang singkit nitong mga mata, makapal at tuwid ang itim nitong buhok na nakabagsak habang itinatago nito ang kanyang noo.

Hindi siya pamilyar sa akin. Hindi ko pa talaga siya nakikita kailanman, miski na noong nasa mundo pa ako ng reyalidad.

"Ikaw ang hindi ko maintindihan. Bakit ka naririto?" Paulit-ulit niyang itinatanong ang tungkol sa bagay na iyon. Seryoso lang ang kanyang mukha at hinihintay akong sagutin siya..

"Saglit nga lang, ano ba ang kailangan mo sa akin?" Naiilang na ako sa kanya at gusto ko na siyang talikuran.

"Ano ang ginagawa mo sa mundong ito?"

Nang itanong niya iyon ay natigilan ako. Siya lang ang unang taong nagtanong sa akin nang ganoon.

Ano ang alam niya?

"Hindi ko alam ang sinasabi mo." Tumalikod ako at nagpanggap na walang alam saka nagsimulang maglakad.

Muli niya akong pinigilan nang hawakan niyang muli ang kamay ko.

"Maaari ba tayong mag-usap, please?"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro