Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

labing dalawa

"Nasaan si Prinsipe Keitaro? Nais ko siyang makita." Nakangiting tanong ko sa isang dama.

Hindi ko alam ngunit may parte sa'kin na gustong balitaan kaagad si Keitaro tungkol sa nangyari. Nais kong ikwento sa kaniya na hindi ako hinayaang ipakasal sa Hari ng Peham ni Ryuu.

Saksi naman siya ro'n... ngunit iba pa rin kung maikukwento ko sa kaniya ang aking emosyon at kung ano ang aking naiisip noong nag-simula ang laban.

Aminado naman akong siya lang ang lalaking gusto kong kwentuhan tungkol sa sarili kong kwento. Alam ko kasing gusto niya rin ang pakikinig sa himig ko.

Nakakabaliw... maaari ko ba 'tong ba maramdaman sa kaniya? Bahala na.

"Nako, prinsesa, hinahanap din ho kayo ng Prinsipe," Luminga siya sa direksyon ng norte at tumuro doon. "Sa pagkakatanda ko ay doon siya tumulak para hanapin ka."

Hinahanap niya ako?

Isang ngiti ang gumuhit sa aking labi. Nagpasalamat ako sa dama at naglakbay sa direksyon na kaniyang tinuturo.

"Prinsesa Aurora!"

Napahinto ako sa pag-lakad nang marinig ang boses nila Iyana at napapihit paharap sa kanila. Tumatakbo sila patungo sa'kin habang ang labi ay may malalawak at nagkikintaban na mga ngiti.

"Prinsesa! Ayos na ba kayo ni Ginoong Ryuu?"

"Carmela, hindi natin maaaring tawaging ginoo ang prinsipe na 'yon. Kapag may nakarinig sa 'yo'y paniguradong mararamdaman mo agad ang init sa impyerno!" Suway ni Cynthia sa kaibigang babae.

Natawa naman ako.

"Ano naman? Hindi mo ba nasaksihan ang pagiging ma-ginoo ng prinsipe kanina?!" Tanong pa ni Carmela, halata sa mukha ang pagpapantasya sa lalaki. "Pakiramdam ko tuloy ay gusto ko na siya!"

Natigilan ako at napanguso.

Totoo ngang nakakamangha ang ginawa ni Ryuu kanina. Hindi ko naman siya kinausap na kailangan n'yang manalo sa laban para hindi ako ipakasal sa hari ng Peham. Buong kusa niya iyong ginawa kahit na sinasabi niya sa'kin na gusto niya akong ipakasal sa hari ng Peham para hindi na ako masilayan pang muli.

May parte tuloy sa'kin ang hindi maiwasang mag-taka.

Ano naman kaya ang kapalit ng ginawa n'ya? Paniguradong may kapalit 'yon. Hindi kaya... buhay ko?

Nahagip ng mata ko ang pag-busangot si Iyana. "Prinsesa, maaari mo bang paalalahanan si Prinsipe Leon na hindi sa 'yo galing ang liham na 'yon?"

"Hah?"

"Ano ka ba naman, Iyana. Hindi naman oras ng pag-ibig mo kay Prinsipe Leon ngayon. Hayaan mo munang makapagpahinga ang prinsesa dahil paniguradong hindi niya rin nagustuhan ang biglaang pagpapakasal sa kaniya sa hari ng Peham." Ani Carmela.

Umikot ang mga mata ni Iyana. "Dapat talaga'y nagpakasal ka na lamang sa hari ng Peham-"

"Nagseselos ka ba kay Prinsesa, Iyana?!" Nakatakip pa ang bibig na sigaw ni Cynthia.

Nagseselos? Kanino? Kay Ryuu? O dahil kay... Keitaro?

Natawa si Carmela. "Kahit langit at lupa ay magseselos lalo na't inakala ni Prinsipe Leon na si Prinsesa Aurora ang sumulat ng liham kaya't ang laman ng liham ni Prinsipe Leon ay tungkol sa pag-amin ng lihim na nararamdaman niya kay Prinsesa Aurora."

Ang prinsipe na si Leon ay may lihim na pagtingin sa'kin?!

Nako, Katana... gulo ito.

"Baka nagkakamali ka lamang, Iyana. Paniguradong para sa 'yo talaga ang liham at hindi para sa'kin!-"

"Kasalanan din naman kasi ni Iyana dahil pangalan niya'y hindi niya tinatak sa liham." Pang-aasar ni Cynthia sa babae at bumaling sa'kin. "Prinsesa, manghingi ka ng pasasalamat sa prinsipe na si Ryuu!"

Mabilis na tumapyas ang lukot sa'king noo at umiling.

Hinding-hindi ako magpapasalamat sa lalaking 'yon. Hindi pa nga magkatumbas ang mga ginawa niyang kasalanan at kasamaan sa'kin para sa ginawa niyang isang kabutihan sa'kin. Hindi niya pa nababayaran ang ginagawa niya.

Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko ninanais, Binibini."

"Bakit naman hindi?" Singit ni Carmela. "Ito ang buslo ng mga prutas na pinagkaabalahan naming bilang pasasalamat sa prinsipe. Ibigay mo ito sa kaniya at magpasalamat, Prinsesa."

"Siguro'y hindi niya tipo ang prinsipe dahil ang prinsipe na si Leon ang kaniyang nais."

Umarko ang kilay ko sa mga binitawan na salita ni Iyana sa hangin. Akala siguro niya'y hindi ko maririnig ang kaniyang binubulong sa ere.

"Hindi ko nga gusto ang lalaking 'yon. Ni hindi ko pa nga nadadapo ang aking mga mata sa kaniya! Kung ayaw mong maniwala, mas mabuti pang ibulsa mo na lamang ang iyong iniirog para hindi sa'kin magkagusto."

Napansin ko ang pag-yuko ni Iyana habang ang dalawang kaibigan ay nasa gilid lamang, natikom din at mukhang naiinis na kay Iyana. Napasinghap naman ako. Ayaw ko naman magkaroon ng hidwaan sa pagitan naming lalo na't natitiyak akong matatagal na silang magkaibigan ng totoong Aurora.

"Akin na ang buslo, Cynthia. Ibibigay ko lamang iyan sa Prinsipe dahil patungo rin ako ro'n para hanapin ang Prinsipe na si Keitaro,"

Kaagaran na inilahad ni Cynthia ang buslo sa aking kamay.

"Mauuna na muna ako. Kausapin niyo iyang kaibigan niyo na h'wag akong pagselosan dahil iba ang gusto ko at hindi ang Prinsipe na si Leon." Malamig kong tugon at tumalikod na.

"Prinsesa? May natitipuhan ka?! Sino?!"

Hindi ko na sila pinansin at tumulak patungo sa direksyon kung nasaan madalas magtambay ang mga prinsipe. Malakas ang kutob ko na nandito si Prinsipe Keitaro.

Nasasabik na akong makita siya.

"Anong ginagawa mo rito?"

Mariin akong napapikit at kusa na lamang pumihit paharap sa lalaki na nag-salita. Prente itong nakahiga sa isang kahoy habang ang kanang kamay ay nagsisilbing unan at ang kaliwang kamay ay may hawak sa kan'yang binabasang libro.

"Hinahanap si Prinsipe Keitaro-"

Nag-alis siya ng tingin sa'kin at bumulong sa hangin. "Akala ko'y ako."

Naningkit ang aking mga mata sa narinig. "At bakit naman kita hahanapin?"

"Hindi ba't para sa'kin ang buslo na 'yan?" Tanong niya, ang mga mata ay nasa binabasang libro.

"Ang kapal din naman ng iyong mukha, ano? Paano mo naman nasabing para sa 'yo 'to?"

Sinarado niya ang libro na hawak gamit ang isang kamay at marahan na umupo mula sa pagkakahiga. Napalunok naman ako nang itagilid niya ang kaniyang ulo sa'kin at unti-unting nahulog ang mga mata sa hawak kong buslo.

"Maraming salamat, Prinsipe Ryuu..." Bulong niya.

Bumaba rin ang mata ko sa hawak at mabilis na napapikit nang mariin nang mapagtanto ang nakasulat sa buslo. Ito ay nakasulat sa baybayin kaya't hindi ko alam kung ano ang nakasulat dito.

Nakakainis! Paano kung napaglaruan ako ng aking mga kaibigan at kung ano-ano ang mga sinulat sa wikang baybayin na iyan!

"Ano naman?!" Padabog kong binaba ang buslo ng prutas at nanggigilaiting napatingin sa lalaking nasa harapan nang sumilay ang maliit na ngisi sa kaniyang labi.

"Ayan! Para sa 'yo talaga iyan. Salamat, ha! Kung wala ka'y paniguradong hindi ko na makikita ang sarili ko sa lugar na 'to-"

Umiling siya na nagpatikom sa aking bibig. "Ipakita mo naman ang iyong pagka-senseridad,"

Natawa ako at napairap sa kawalan. "Hindi ko naman kasi hiniling na ako'y iyong iligtas, prinsipe. Hindi ko kailangan magpasalamat dahil nag-kusang loob ka naman... hindi ko nga alam kung bakit. Maari mo naman akong hayaan na lang-"

"Ang ingay mo,"

Nagpamaywang ako at mariin na pinaglapat ang mga ngipin sa inis. Handa na akong mag-salita ngunit napatikom din ng bibig nang mapansin ang dumudugo niyang braso. Panigurado akong isa iyon sa mga daplis ng hari sa kaniya.

Ang tanga talaga... nakabukas lang ang sugat na iyon at hinahayaan niyang tumulo ang dugo.

Saglit akong lumabas at pagbalik sa kaniyang harapan ay dala-dala na ang piraso ng tela at mga dahoon.

"Umupo ka, gagamutin ko 'yang sugat mo," Utos ko sa lalaki.

Lumukot ang kaniyang noo at umiling. "Hindi kita kailangan-"

Hindi ko s'ya pinansin at tumabi sa kan'yang inuupuan. Kinuha ko ang kaniyang braso at agad na pinunasan ito ng katas ng dahon. Ni hindi man lang siya nagpakita ng tanda na nasasaktan siya sa ginagawa kong pagpahid ng mahapding gamot sa kaniyang sugat.

Nakakainis... para bang wala siyang kahinaan at nagawa niya pang tumahimik.

Kung ako siguro ang nasa kalagayan niya'y nagsisisigaw at tumitili na ako sa hapdi ng sugat.

"H'wag kang gumalaw, Ryuu. Kita mong hindi pa ako tapos, hindi ba?"

"A-Ayos lang naman kasi ako,"

Idiniin ko ang dahon sa kaniyang sugat na nagpapikit sa kaniya at nagpabalik sa kinauupuan. Natawa naman ako nang mapagtanto na tila ba isa siyang maamong tuta na ginagamot ang kaniyang sugat.

Marunong naman pala s'yang sumunod sa'kin...

Inilagay ko na ang tela sa kaniyang braso at tumayo sa kaniyang harapan. Napansin ko ang pagdaan ng gulat sa kaniyang mga mata dahil sa ginawa ko. Tatayo sana siya ngunit hinampas ko ang kaniyang balikat.

"Ang kulit mo. Sabing umupo ka nga lang diyan... tinitingnan ko pa kung nasan ka nagalusan," Suway ko ulit sa kaniya at nakinig naman siya. "Nga pala, nasaan si Prisipe Keitaro?"

"Anong rason para hanapin mo siya?"

Isinara ko ang kaniyang sugat at tumuwid sa pagkakatayo. "May nais akong sabihin at wala ka ng pake roon."

Hindi ko alam kung bakit si Prinsipe Keitaro ang hanap ko ngunit si Prinsipe Ryuu ang nakita ko. Sa totoo lang, plano kong ibigay ang buslo ng prutas kay Prinsipe Keitaro sa halip na ibigay sa tunay na pagbibigyan.

Pakiramdam ko kasi ay mas karapat-dapat si Prinsipe Keitaro makatanggap ng mga ito kaysa sa isa na animo'y kampon ni Satanas.

"Sana'y hindi mo siya makita," bulong niya sa hangin na narinig ko naman.

Kampon talaga ni Satan.

Kinuha ko ang buslo ng prutas at sinukbit ang takas na buhok sa likod ng tainga. "Nag-bago na ang isip ko. Ibibigay ko na lamang ito sa ibang Prinsipe. Mukha namang ayaw mong tanggapin."

Tumango-tango lang siya at hindi man lang nagdalawang isip harangin ako para kuhanin muli ang buslo. Pinanood ko pa siyang bumalik sa pagkakahiga at pagbabasa ng aklat bago tuluyang inis na lumabas ng lugar.

Agad kong nilapitan ang isang dama nang makasalubong ito. "Nakita niyo ba si Prinsipe Keitaro?"

"Oho... hinila siya ni Prinsipe Sath mag-tungo sa kaharian para mag-makaawa na h'wag nang ituloy ang pagsasanay sa Matis na gaganapin bukas."

Matis? Magmakaawa? Pagsasanay?

"Ano 'yon?"

"Prinsesa, ikaw ang nagpatupad ng aktibidad na 'yon at ikaw ang mangunguna... paanong nakalimutan mo ang-"

"Ang ibig kong sabihin ay bakit sila magmamakaawa kung tunay n-na matutuloy ang pagsasanay dahil ako ang mamamalakad no'n, hindi ba?" Peke akong ngumiti at napa-buntong hininga na lamang.

"Maraming salamat... mauuna na ako."

Nag-desisyon akong bumalik sa Ventnor upang tanungin kung ano ang sinasabi nilang pagsasanay na gaganapin si Matis. Bukas ko na lamang hahanapin si Keitaro... paniguradong matatagpuan ko kaagad ang lalaki.

"Hindi ba't isa sa iyong plataporma ang pag-sasanay ng tatlo hanggang dalawang araw sa Matis? Kung saan ang mga prinsipe ay kailangan maging handa sa iyong pagsubok na nakahanda?"

Mariin akong napapikit, hindi nagustuhan ang mga naririnig.

Mahilig ako sa mga aksyon ngunit hind isa parte na aabot ako sa ganitong bagay. Mas gusto ko ang naririnig at napanonood lamang, hindi iyong masasaksihan ko sa totoong buhay.

Kilala ko ang sarili ko... kilala ako bilang Aurora ngunit ang nasa loob ko pa rin ay si Katana.

Mahina ako... mahina ang loob ko at laking dormitory lamang. Hindi ako hasa sa mga paglaban o paggamit ng mga gamit sa digmaan. Libro lamang ang hawak ko sa buong buhay ko... at hindi ang espada.

Iba ako kay Aurora. Ibang-iba.

Napabuntong-hininga ako at humiga sa damuhan katulad ng ginagawa ng tatlong kaibigan. Kasalukuyan kaming nasa hardin ng bahay, nakahiga sa damo at tinatanaw ang bilog na buwan.

Sa nangyayari ngayon... marami akong napagtanto.

Hindi lahat ng tao ay may pantay na lakas at kahinaan. Hindi lahat ay may magkakaparehong hilig at pinaniniwalaan. Kaya't... mahirap pala ang manghusga lalo na't hindi kilala ng lubusan ang isang tao.

"Ano ba ang pagsubok na iyong ibibigay sa mga prinsipe, Prinsesa?" Tanong ni Cynthia.

Tumikhim ako at nag-angat ng kilay. "Hindi ko pa alam... muntik ko na ngang makalimutan ang tungkol sa pagsasanay na 'to. Kung hindi pa sinabi sa'kin ng dama, tiyak na mapapagalitan ako ng military na si Noel dahil sa pagkalimot."

"Masakit pa rin ba ang iyong ulo dahil sa pagka-untog, prinsesa? Dahil ito ang pinaka-inaabangan mong lakbayin bilang tagapagsanay sa mga prinsipe. Imposible ang iyong pagkalimot!" Hudyat naman ni Carmela.

Agad naman akong umiling. "Hindi naman sa gano'n... marami lang talaga akong isipin kaya't nakalimutan-"

Tumayo mula sa pagkakahiga si Iyana at pinaningkitan ako ng mga mata. "May iniibig ka na ba, Prinsesa?"

Napahiyaw ang tatlo at nagsisipa sa ere. Natawa naman ako at umupo rin. Pumalibot sila sa'kin, handa nang pakinggan ang nais kong sabihin.

Ngayon lamang ako naging malaya ng ganito. Iyong tipong hindi ko kailangan dumaan sa bintana ng dormitoryo para lamang makalanghap ng sariwang hangin sa labas. Ngayon ko lang din naranasan ang pagkakaroon ng kaibigan.

Si Violet lang kasi ang mayroon ako... hindi pa kami gaanong lagi magkasama dahil mas inuuna niya ang kasintahan niyang si Casper.

Masakit pa rin pala sa'kin ang pagkamatay niya. Akala ko pa naman ay makakalimot kaagad ako sa oras na mapunta ako sa taon na ito. Hindi pa pala... sariwa pa pala ang lahat sa isip ko.

"Ang totoo niyan ay mayroon..." Humalukipkip ako at gano'n din ang tatlo.

"Sino?! Kapag kami ay niloko mo at ang totoo ay wala, malalagutan ka sa'min!" Banta ni Iyana at agad naman siyang sinang-ayunan ng dalawa.

Ngumuso ako. "Hindi pa ako sigurado sa nararamdaman ko ngunit-"

"Gusto mo ba lagi siyang makita at masilayan? Gusto mo rin ba ang pagkausap sa kaniya? Lagi ba siyang laman ng iyong isipan? Dahil kung oo, h'wag ka nang magalumihanan dahil tunay ngang may nararamdaman ka para sa ginoong iyon!"

Napakagat ako sa ibaba ng aking labi at napaisip. Halos lahat ng kaniyang tinanong ay tumutugma sa aking nararamdaman para sa Prinsipe na si Keitaro...

Patay na... gusto ko na nga ang lalaki.

"Ayos lang ba ang magkagusto sa prinsipe?" Tanong ko at agad namang sumagot si Iyana.

"Hala! Sino 'yan, prinsesa?! Nais naming malaman!"

"Oo naman! Isa kang prinsesa at siya ay prinsipe. Paniguradong tamang-tama para sa perpektong tambalan," Bungisngis ni Carmela. "Sino ba sa sampung prinsipe ang iyong natipuhan?"

Handa na akong mag-salita ngunit tinikom din ang bibig nang lumabas mula sa loob ng bahay ang matandang si Rowan. Kaagad na nag-sitayuan ang tatlo at tinulungan din akong makatayo.

"Hindi pa kayo natutulog? Pasadong alas-dose na ng gabi, umuwi na kayo,"

"Mamaya na po, ginoong Rowan... kinukwento pa ni Prinsesa Aurora sa'min kung sino sa mga prinsipe ang kaniyang natitipuhan!"

Pinandilatan ko ng mga mata si Cynthia.

Paano na lang kung istrikto si Rowan at ayaw ang ideya na may gusto ang anak niyang si Aurora sa mga prinsipe? Patay na.

"Sino? Iyon ba ang prinsipe na nakasulat sa buslo?"

Agad na nagbungisngisan ang tatlong babae dahilan upang pangkunutan ko sila ng noo. Mag-sasalita sana ako upang depensahan ang sarili nang matandaan ang sinabi ni Prinsipe Ryuu.

Siya lang naman ang nakasulat sa buslo!

"Hindi. Hindi siya, a-ama. Nagkakamali kayo."

"Umamin ka na, Prinsesa Aurora," Lumabi si Cynthia at kumurap sa aking harapan. "Natatakot ka ba na hindi ka magustuhan ng prinsipe na si Ryuu?"

Napasapo ako sa aking noo at humugot ng malalim na hininga. Nag-alis ako ng tingin sa kanila nang marinig ang pag-ugong ng tuksuan at agad na nahagip ng mga mata ang pagdilim ng ekspresyon ni Rowan.

Sabi na nga ba't hindi niya gusto ang ideya na pagkakaroon ng kasintahan si Aurora.

At saka, hindi ko rin naman nais ang Prinsipe na si Ryuu. Mas pipiliin ko na lamang maging anay kaysa naman sa magkaroon ng nararamdaman sa kaniya.

Hindi ko tipo ang lalaki. Malayong-malayo siya sa'king gusto.

Mas mauuna pa yata ang aking kamatayan kaysa sa pagkagusto ko sa kaniya.

Ngumiti ako sa kanilang apat.

"Nagbibiro lamang ako. Wala akong natitipuhan sa mga prinsipe. Lahat naman sila ay mangmang at kailangan pang sanayin sa paghawak ng espada. Alam niyo naman siguro ang tipo ko, iyon ay ang hasa sa pakikipaglaban..." Depensa ko sa sarili at bumaling sa tatlo. "Matutulog na ako."

Tumango-tango ako sa aking ama at naglakad patungo sa aking silid.

Nako, Katana. Ito na ba ang pagsisimula ng iyong pagtakas mula sa bintana ng bahay ni Rowan para lamang makapunta sa palasyo ng Humilton at makita si Keitaro?

Kinabukasan, maaga akong nagising dahil sa pag-alog ni Cynthia sa aking magkabilang balikat. Natataranta niya akong ginigising habang hinahanda ang mga gamit na aking gagamitin.

"Bilisan mo, Prinsesa! Ngayon na ang inyong pagpunta sa Matis! Paniguradong hinahanap ka na ng military na si Noel!"

Tila ba'y nagising ang buong diwa ko at agad na dumiretso sa banyo. Sinuot ko ang kulay pulang kapa at ang damit na saktong-sakto sa aking katawan.

Nakakatuwa dahil hindi lamang puro saya ang aking kasuotan dahil may kasuotan din pang-laban. Ang ganda nito tingnan sa'kin... ang angas. Maging ang sarili ko'y hindi ko kayang tingnan sa salamin dahil sa madilim nitong awra.

Ang ganda ni Aurora.

Sandali akong nakipag-usap sa tatlong kaibigan na nasa Ventnor bago magpaalam at tumulak patungo sa Palasyo ng Humilton. Mabuti nga't hinatid ako ni Rowan gamit ang kaniyang Karo.

Ngunit pansin ko ang kaniyang pagiging mailap... Hindi ko pa naman siya gaanong nakakausap dahil hindi ko pa rin makalimutan ang itsura niya sa kasalukuyan. Ang laki ng kaniyang pinagbago marahil na lang dahil sa kaniyang sobrang katandaan.

Ano nga ba talaga ang pakay niya sa Kagubatan ng Argyll noong araw na 'yon?

Nakakapagtaka.

"Prinsesa, kanina ka pa hinahanap ni Noel,"

Tumango-tango ako at hindi na nag-abalang sagutin ang prinsipe na si Leon. Nag-tungo ako sa silid ng mga militar kung nasaan nagaganap ang pagtitipon ng mga taga-pag ensayo at iba pang militar.

"Heneral, nandito na ang prinsesa," Tawag ng military na si Noel sa Heneral. Agad na dumagundong sa kaba ang dibdib ko nang makita ang makikisig nitong braso at nakakatakot niyang awra.

Kung siya ang magtuturo sa'kin, mas pipiliin ko na lamang ang magpakamatay sa kagubatan ng Argyll.

Yumuko sa'kin ang heneral at saka ako kinausap. Sinabi niya ang tungkol sa gaganapin na pag-sasanay. Tanging tango lamang ang aking nagawa habang nakikinig at nang matapos ay saka kami tumulak patungo sa asotea ng palasyo kung nasaan matatanaw ang mga prinsipe sa kasuotan ng pakikipag-laban.

Lahat sila ay may kanya kaniyang grupo at mukhang abala sa pagrereklamo.

Agad na hinanap ng mga mata ko si Keitaro at natagpuan itong nakatayo ng tuwid, nakatingin sa'king direksyon at mukhang malalim ang iniisip. Hindi ko tuloy maiwasang mangiti kaya't nag-iwas agada ko ng tingin.

Ano ba naman... bakit ganon siya? Nakatitig na siya sa'kin bago pa lang ako tumingin sa kaniya.

"Bakit ka nangingiti, prinsesa?"

Halos malagutan ako ng hininga nang marinig ang bulong ng military na si Noel sa aking tabi. Mabilis akong umayos mula sa pagkakatayo at umiling.

"May naalala lamang,"

"Sige, kung iyan ang sinabi mo ay paniniwalaan ko na lamang... kahit na hindi naman totoo."

Pinandilatan ko ang militar dahilan upang matawa siya.

Halata ba ang kilos ko masiyado? Nakakahiya naman kung mapagtanto nila na may gusto ako sa prinsipe na si Keitaro.

"Handa!" Sigaw ng Heneral na nagpatuwid sa pagkakatayo ng lahat. Agad silang tumingala sa direksyon namin, hindi na nagawa pa ang pagrereklamo dahil wala na talaga silang magagawa.

"Magsisimula na tayo, Heneral? Ngunit hindi pa sila kumpleto-"

"May oras na pinag-usapan. Hindi natin maaring hintayin ang isa." Anas ng Heneral.

Naramdaman ko ang pag-tingin sa'kin ng heneral, tanda ng ako na ang kaniyang pagsasalitain. Nilinis ko ang bara sa aking lalamunan at tiningnan sila isa-isa.

"Lahat kayo ay mag-sasanay sa Matis at mananatili ro'n ng dalawang araw kasama ang inyong magsasanay," Malakas ang boses na anunsyo ko. "Bawat isang prinsipe ay may karapatang pumili kung sino ang kanilang tagapag-sanay sa paglalakbay sa Matis."

Kusa akong napahinto nang marinig ang malakas na lagabog ng malaking pintuan at niluwal nito ang prinsipe na nakasuot sa itim na kasuotan at nakasakay sa kan'yang kabayo.

Lumunok ako at pinanood itong bumaba sa sinasakyan bago humarap sa'kin.

Tumatama ang sinag ng araw sa kan'yang mukha kaya naman kapansin-pansin ang kaniyang mat ana animo'y blanko ngunit ang tunay ay puno ng emosyon.

"Kasama pa ba ako sa gaganapin na pagsasanay?" Pabalang at antok niyang tanong sa'kin.

Napakurap ako at tinaas ang kilay. "Malamang, hindi ba't kawani ka at isa ring Prinsipe?"

Ang engot talaga ng isang 'to.

"Lahat ng Prinsipe sa kahit anong ranggo ay magsasanay at walang liliban," Anunsyo ko sa kalahatan. "Hindi ko kayo hahayaang maliban dahil lamang sa dahilan na hasa na ang indibidwal."

Karamihan sa kanila ay galak ngunit mas timbang pa rin ang pagbuntong-hininga ng ibang prinsipe sa aking anunsyo. Nangunguna pa nga ro'n si Prinsipe Sarathiel na animo'y ayaw sa ideya na aking ipinatupad.

Ngunit... kung siya ang aking hahawakan at sasanayin ay baka makuha ko ang kasagutan sa katanungan ko patungkol sa tigreng-ibon.

Isang ngiti ang sumilay sa aking labi. "Hayaan niyo akong pumili ng prinsipe na nais kong sanayin-"

"Kung ganoon..." Pag-singit ni Ryuu sa aking sinasabi. Napa-ismid ako sa kawalan at pinanood ang lalaki sa ginagawa niya. Inilibot niya ang kaniyang paningin habang nakasandal ang katawan sa pader at naka-krus ang braso.

"Ikaw ang gusto ko, Aurora."

^_________________^

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro