Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter Three

Chapter Three

"Talagang dalaga na ang anak natin, Rigor..."

Emotional si Nanay habang pinagmamasdan nila ako ni Tatay suot ang sinukat kong gown. Ito ang gagamitin ko sa nalalapit naming prom.

Bumuntong hininga ako at lumapit sa kanila. "Nanay, baby ninyo parin po ako ni Tatay." sabi ko na naglalambing silang niyakap sa magkabila kong braso.

Para kaming nagkaroon ng group hug sa sala ng bahay hanggang marinig ang mga yabag ng paa nila kuya. Maingay ang mga dumating na agad din nakisali sa yakapan. Nagtawanan nalang kami nang si Nanay ang unang kumalas dahil hindi na raw siya makahinga.

"Hannah!"

Nilingon ko ang tumawag. Siya iyong partner ko sa magaganap na prom. Huminto ako sa paglalakad.

"Luis," tipid ko siyang nginitian.

Kita ko ang pamumula niya. Bahagya rin siyang nagkamot sa kanyang batok.

"Tatanong ko lang sana kung anong kulay ng gown ang isusuot mo... para ano, makabili ako ng kakulay na necktie..." mukha siyang nahihiya.

Sasagot palang sana ako nang isang braso ang umakbay sa akin. Nilingon ang bigla nalang sumulpot na si Troy. Masama agad ang tingin niya na nagdulot ng takot sa schoolmate ko.

"Troy," saway ko sa kanya.

"Kulay pink ang isusuot kong gown." sagot ko kay Luis.

Tumango ito at mabilis nagpaalam na aalis. Sinundan siya ng tingin ni Troy.

"'lika na nga!" sabay hila ko rin sa kanya paalis.

Sa gabi ng prom ay si Tristan ang dapat na susundo at maghahatid sa akin sa venue. Iyon ang sabi sa akin ni Ninong Lorenzo sa isang phone call. Ngunit imbes na si Tristan ay si Troy ang dumating para sunduin ako.

"Good evening po, Nanay, Tito..." binati niya ang mga magulang ko.

Humalukipkip ako sa presensya ng dumating. Awang ang labi at parang natutula siya nang bumaling sa akin ang tingin. Kinunutan ko siya ng noo.

Ngunit kalaunan ay hindi ko maintindihan ang init na naramdaman sa magkabilang pisngi. Suot ko ngayon iyong gown na sinukat kamakailan. Naka-makeup din ako.

Narinig namin ang tikhim ni Tatay. "Aasahan kong ikaw narin ang maghahatid sa anak ko pauwi?" aniya kay Troy.

Doon lang yata naputol ang tingin sa akin ni Troy. Agad siyang bumaling kay Tatay. "O-Opo! Sure, Tito."

"Akala ko po ba ay si Tristan?" bumaling ako kay Nanay.

Umiling ito. "May dadaluhan si Tristan at ang kanyang pamilya. Nagmagandang loob si Troy kaya dapat ay magpasalamat ka, Hannah."

Kunot-noo ko pang muling binalingan ng tingin si Troy, ngunit sa huli ay napatango narin. "Thank you."

"Siya, pumanhik na kayo at baka mahuli ka sa prom n'yo." si Nanay.

"Sige po," nilahad ni Troy sa akin ang kanyang braso para doon ako kumapit at maalalayan niya.

Nagdalawang-isip pa ako ngunit sa huli ay kumapit narin sa kanya palabas ng bahay namin. Pinagbuksan niya ako ng pinto at pumasok na ako doon.

Nang dumating sa venue ay halos mapuno na ito. Mukhang napaaga yata ang dating ng karamihan dulot narin siguro ng excitement.

Bumaling ako kay Troy nang mapunang bumaba rin siya sa sasakyan at sumasabay sa akin papasok ng grand hall. "Anong ginagawa mo?" taka kong baling sa kanya.

"Papasok," kibit balikat niya lang.

Lalong nangunot ang noo ko. "Bakit?" pinasadahan ko ng tingin ang suot niyang dark pants at simpleng white shirt.

Buntong-hininga niya lang akong binalingan. "I promised your Tatay na babantayan kita." aniya.

"Ano?" siguro ay sobrang nalukot na ang noo ko.

Umiling siya at hinigit na akong natigilan sa paglalakad, papasok ng hall.

Nanatili siyang nakaupo sa isa sa mga bilugang mesang naroon habang nagaganap ang cotillion kung saan kasali ako at ang partner kong si Luis. Naawa nga ako't ilang beses kong naapakan ang paa nito sa kawalan ng focus. Panay kasi ang pagsulyap sulyap ko sa kinaroroonan ni Troy.

Out of place man ang kasuotan niya sa event na 'to ay shameless paring nagdo-drool sa kanya ang mga babae doon. Panay ang hagikhikan ng mga ito kahit pa wala namang ibang ginagawa si Troy kung 'di ang humalikipkip habang pinagmamasdan akong nagsasayaw. Lalo tuloy akong nawawala sa focus ay na-c-conscious.

Nang matapos iyon ay lalo kong narinig ang mga bulong bulungan sa paligid na narito nga raw si Troy Lacsamana, habang palapit ako sa mesa kung saan ko siya iniwan.

"Doon ka nalang sa kotse mo mag-antay!" naiinis kong bungad sa kanya nang tuluyang makalapit. Halos pabagsak din akong naupo sa upuang katabi ng kanya.

Ngunit imbes makinig sa akin ay tumayo lang siya at hinigit ako sa puso ng dance floor.

"A-Anong ginagawa mo," naguguluhan kong baling sa kanya.

Sinusundan na kami ng tingin ng karamihan doon. Kita ko ang inggit sa mga babaeng nadaanan at nakakakita sa amin. Hindi ko alam kung bakit parang gusto kong magmayabang at ipakita lalo sa kanila na sa akin lang ang atensyon ni Troy ngayong gabi.

Tumigil kami sa gitna ng mga nagsasayawan. Nilagay ni Troy ang mga kamay ko sa magkabila niyang balikat. Humawak naman siya sa maliit kong baywang. Halos manindig ang mga balahibo ko nang maramdaman ang hawak niya.

Nagsimula kami sa marahang pagsasayaw. Halos hindi ko siya matingnan ng diretso habang siya ay sa akin lang nakatuon.

"You're beautiful..." pabulong na aniya pagkatapos ng ilang sandaling paninitig sa mukha ko.

Naramdaman ko ang init sa mga pisngi. Iginala ko ang tingin sa paligid at wala namang nakatingin sa amin dahil abala din ang mga ito sa kanilang mga kasayaw.

"T-Tigilan mo nga ako!" pilit ko siyang pinagkunutan ng noo at napanguso. Nagbaba ako ng tingin.

Narinig ko ang saglit niyang pagtawa. Nag-angat ako ng tingin at nagkatitigan kami. Bigla siyang nagbaba ng ulo at unti-unti kong naramdaman ang marahang pagdampi ng labi niya sa akin...

Nanlalaki ang mga mata ko sa nangyari. Muli kaming nagkatinginan pagkatapos. Dampi lang iyon ngunit halos mariin at medyo matagal. Ilang sandali akong natulala.

Ngunit nang makabawi ay agad dumapo ang palad ko sa pisngi niya para sa isang sampal. Kinagulat niya rin iyon at hindi siya agad nakagalaw. Walang lingon ko siyang iniwan doon sa dancefloor at tuluytuloy ang lakad-takbo ko palabas ng venue.

First kiss ko 'yon! Mariin akong napapikit. Naririnig ko ang tawag at pagsunod niya ngunit nagpatuloy lang ako sa pagtakbo.

"Hannah," hinawakan niya ako sa may siko nang maabutan.

Hinarap ko siya at marahas na binawi ang braso. Kita ko ang takot at pag-aalala sa kanya. Nag-iwas ako ng tingin.

"I'm s-sorry, Hannah—"

"Gusto ko nang umuwi!" putol ko sa sinasabi niya.

Mabilis naman siyang tumango at agad akong giniya sa sasakyan. Pumasok ako doon at nagsimulang umandar ang makina nito.

Walang sinuman sa amin ang umimik buong byahe. Nang makarating sa bahay agad akong bumaba sa sasakyan at mabilis na tinungo ang gate namin.

"Hannah," pigil sa akin ni Troy na maagap din bumaba sa sasakyan.

Pagod ko nalang siyang hinarap. "Umuwi ka na, please."

Nabitawan niya ako at napaatras ng isang hakbang. Pagkatapos ay tumango siya bilang pag-iintindi.

Tuluyan na akong pumasok at ni-locked ang gate namin. Parang nanghihina ang mga binti ko habang mabagal na naglalakad papasok sa bahay. Ramdam ang pamilyar at mabilis na tibok ng aking puso.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro