Kabanata 3
Boyfriend.
Wala ako sa sarili hanggang sa makauwi ako. Nakatipid pa ako ng dalawang sakay sa jeep dahil di ko namalayan na naglakad ako simula sa school hanggang sa bahay. Hindi naman malayo ang bahay namin sa Keio, nagiging dalawang sakay lang dahil hindi tugma ang ruta noong isang jeep na sinasakyan ko.
"Ay jusko kang bata ka! Bakit ganyan ang itsura mo? Pawis na pawis ka ah!" Ibinaba ni Mama ang walis tingting at iniwanan ang mga dahon na nalaglag mula sa puno ng makopa sa harap ng aming bahay. Ngumiti ako ng pilit pero bakas pa din sa mukha ni Mama ang pag-aalala.
"Naglakad lang po ako." Sambit ko.
"Oh eh bakit? May baon ka nam---" Huminto si Mama sa pagsasalita at pinanliitan ako ng mata.
"Hindi mo na naman kinuha ano? Inihalo mo na naman ang baon mo sa pamalengke na ibinigay sa akin ng Papa mo?"
"Nandyan na po ba yung mga stuffed toys ni Ate Ailyn?" Pag-iiba ko ng usapan.
"Dumating na kanina. Nalagyan ko na ang kalahati--"
"Ma.." Protesta ko. Hindi ko talaga gusto kapag ginagawa ni Mama ang trabaho ko. Kaya nga ako nagtatrabaho para makatulong tapos parang dinadagdagan ko pa ang gawain nya.
"Maria.. Hindi mo naman kailangang gawin---"
"Ma, okay lang po ako.." Pagpapanatag ko sa kanya.
"Ay sige, kapag nagalit sa akin si Ma'am." Napangiwi si Mama ng makapasok kami sa bahay.
"Ma naman, ako po bahala sa inyo." Tinapik ko ang likod ni Mama at dumiretso ako sa salas kung saan nakita ko ang malaking plastic ng mga stuffed toys na lalagyan ko ng maliliit na damit.
Nagsimula na akong bihisan ang mga stuffed toys ng sumilip si Mama mula sa maliit na kusina at mayroong dalang juice at sandwich. Hindi ko maiwasan ang hindi mapangiti sa klase ng pag-aalaga nya sa akin simula pagkabata.
Sya ang matyagang nagturo sa akin na mag-pray saka pinakilala nya sa akin ang mga Saints kaya nagpapasalamat ako sa kanya.
Nang matapos ko ang ginagawa, nagtungo ako sa kwarto ko para gawin ang mga assignments ko nang tumunog ang phone ko.
Unknown Number: So how's the stuffed toys?
Kinabahan ako sa isang mensahe na natanggap ko.
Nagtipa ako ng reply.
Ako: Sino to?
Unknown Number: Hulaan mo..
Ako: Mmm.. Hindi ko mahulaan eh.
Unknown Number: I am watching you.
Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko! Nagpalinga linga ako at baka napunta nga si Gaelan sa kwarto ko. Isa lang naman ang magtetext sa akin ng ganito pero paano nya nalaman ang number ko?
"Maria, kain na.." Sumilip si Mama sa kwarto ko kaya tumayo na ako at sumunod. Naabutan ko si Papa na nakaupo sa lamesa kaya nagtungo ako doon para mag-mano.
"Kaawaan ka ng Diyos. Umupo ka na.."
Nag-pray muna si Papa bago kami kumain, ilang minuto ko nang naririnig ang pag-galaw ng mga kubyertos pero nakatingin pa din ako sa pagkain sa harap.
"H-hindi mo ba gusto ang pagkain, Maria?" Nagtatakang tanong ni Mama. Ngumiti ako at sumubo ng isa.
"Aba, kumain ka.. Hindi ka maaring pumayat, ano na lang ang sasabihin ni Ma'am."
"Buding, hayaan mo nga si Maria baka nagdi-dieta na. Dalaga na yan. Magiging debutante na pagkalipas ng dalawang taon."
Sumimangot ako sa sinabi ni Papa kaya humalakhak si Papa. Hindi naman ako nagda-diet eh! Kinakabahan kasi ako kaya hindi ako makakain ng maayos. Iniisip ko pa yung mga sinabi ni Selene, paano na lang kung bugbugin ako ni Gaelan? Mag-aaalala tyak si Mama.
Dapat umiwas ako sa taong yon. Tama! Iiwas ako.
Kinabukasan, normal ang lahat sa Keio. Normal, ibig sabihin pinipintasan pa din nila ako habang dumadaan ako. Dinig ko ang malakas nilang pagtawa sa bawat paghakbang ko. Humawak ako sa rosary ko habang bumubulong ng prayers sa utak ko at hindi ko sila pinansin.
'The agony of---'
Isang bagay ang tumama sa likod ko kaya napalingon ako sa paligid ko. Nakita ko sa paanan ko ang isang papel na nakalamukos, mukhang sinadyang ibato sa akin kaya naman pinulot ko iyon at binasa ang nakasulat.
MAG-IINGAT KA.
Pula ang ginamit na tinta. Tapos may nakalagay sa baba na simbolo ng letter Y.
"Hala! May warning sya mula sa Yukan'na!" Di ko napansin ang paglapit sa likod ko ng ilang mga schoolmates ko.
"Oh, very unfortunate! Tsk tsk.." Iiling iling na sabi ng babae na nasa gawing kanan ko. Malapit sya pero hindi nya hinahayaang magkadikit ang balat namin. Hindi ko sila pinansin at tinapon sa pinakamalapit na basurahan ang note. Napasinghap ang mga nakakita.
"Itinapon nya lang?"
"Binabalewala nya ba ang warning?"
"Naku, simula na ng malas nya. Wag na nating asarin, kawawa na yan sa pito."
"Ayan na! Ayan na!" Tumili ang isa at mula sa di kalayuan nakita kong naglalakad ang F6 papalapit sa direksyon ko. F6 dahil wala si Gaelan.
"Ice.. Ikaw ba ang nagbigay ng note?" Kunot noong tanong ni Yuki pero sa akin sya nakatingin. Huminto sila sa tapat ko.
"Ako agad?" Reklamo nya. Tinapik sya ni Zeus si Ice sa likod. "Oh? Bakit ako ang pinagbibintangan nyo? Kanina pa tayo magkakasama ah."
"Grabe! Nilapitan sya ng Yukan'na!!!" Tili ng isa sa nanonood sa amin.
"Baka si Gaelan, Yuki." Seryoso ang boses ni Rye at nakapamulsa lang. Wala syang direktang tinitingnan.
"Tsk." Napailing si Yuki.
"May ginawa ka ba sa kanya?" Tanong sa akin ni Yuki. Mabilis akong umiling.
"Kausapin ko na lang. Ingat ka, Ria." Pagkasabi nya non, sunod sunod silang naglakad. Lalo akong natakot!
Pakiramdam ko talaga malapit na ang katapusan ko!
"St. Peter, wag mo muna akong ilista sa Book of Life. Amen."
"Grabe sya. Parang hindi man lang sya nasindak sa Yukan'na!"
Hindi ko pinansin ang mga naririnig kong nagsasalita. Naglakad akong muli patungo sa classroom ko. Kinailangan kong dumaan sa lumang building ng Keio dahil yon ang pinakamalapit sa Room 1508 ayon sa maps na binigay sa akin ng school.
Nakayuko akong naglalakad ng nakita ko sa gilid ng mata ko ang naglalakad kasabay ko.
"Tch, hindi ka pa din lumalayo sa lugar na to? Inaantay mo bang makita ulit ako?" Nanigas ako sa boses na narinig ko. Hinarap ko si Gaelan sa aking gilid. Nakasuot sya ng itim na tshirt at jeans. Nakapamulsa sya habang pinanliliitan ako ng kulay kape nyang mga mata.
.Ang kulay nya ay katamtaman. Maputi sya pero hindi kakulay ng papel. His biceps are evident, parang madalas mag-gym, yan ang brasong sasakal sa leeg ko panigurado!
Hindi ko sya pinansin at nagdirediretso ako sa paglalakad, ang totoo natatakot ako sa kanya pero anong magagawa ko kung nakita ko na ang kalokohan nila ni Miss Farrah?
Hinila ako ni Gaelan at ipinaharap sa kanya. Agad kong iniiwas ang ulo ko dahil akala ko sasapakin nya ako.
"Una, bawal ka dito sa building na to." Malamig nyang sabi.
"O-oh, sige h-hindi na m-mauulit.." Sagot ko at akmang kakawala para umalis.
"Pangalawa, gusto kong ipaalam sayo na hindi maganda ang aaabutin mo kapag may nakaalam sa nakita mo, at pangatlo---" Tumingin sya diretso sa mga mata ko, ilang saglit syang nakatitig doon pagkatapos ay nag-iwas agad sya ng tingin.
"P-pangatlo, alipin na kita simula ngayon." Umayos syang tayo at binitawan ang braso ko.
"A-alipin? G-grabe naman y-yun.." Maliit ang boses ko ng pagpoprotesta, muling nagsalubong ang makakapal na kilay ni Gaelan at halatang hindi nagustuhan ang pagtutol ko.
"O sige na, alipin na. Alipin." Pagpayag ko kahit labag sa loob.
"Bilang paunang utos, pumunta ka dito ng lunchbreak. Sa tapat ng room na yan--" Itinuro ni Gaelan ang classroom kung saan ko sila nakita kahapon.
"Manonood ulit ako? Ayoko na--"
"Tsk! Hindi ka manonood. Babantayan mo ang hallway kung mayroong dadaan habang magkasama kami ni Farrah." Aniya.
"Eh pero paano ako kakain?" Tanong ko.
"Hindi ka kakain. Kumain ka ng mas maaga pero hindi sa lunchbreak dahil yon lang ang oras ni Farrah."
"Bakit ako ang mag-aadjust sa date nyo?" Napakapit akong muli sa gilid ng mahaba kong palda. Takot na sigawang muli ni Gaelan dahil sa walang preno kong pagtatanong.
"Dahil alipin kita. At ang alipin, sumusunod sa utos ng amo nya. Sige na. Alis na. Kapag hindi ka dumating dito sa lunchbreak, I. WILL. K---"
"Oo dadating! Dadating ako!" Natatarantang sabi ko.
Pinakawalan din ako ni Gaelan pagkatapos. Wala ako sa sarili habang nagdidiscuss ang Professor namin. Paulit ulit akong tumitingin sa orasan dahil nag-aalala ako na hindi dumating sa oras sa lumang building. Baka magwala si Gaelan at totohanin nga ang pagpatay sa akin.
"Hi Ria!" Nakangiting kumaway si Selene sa akin mula sa malayo. Kumaway ako pabalik at sumenyas sa kanya na may pupuntahan ako. Tumango sya at tinuro naman ang library, mukhang magrereview sya.
Pagkadating ko sa lumang building nakarinig na agad ako ng ingay mula sa loob ng classroom. Mas malakas kaysa sa kahapon. Alam ba nila na nandito ako? Bakit mas malakas pa kaysa kahapon? O baka naman kampante na sila dahil alam nilang may nagbabantay sa hallway.
Kinuha ko ang earphones ko mula sa bag ko at nakinig na lang sa malakas na music. Gusto ko sanang magnovena kaya lang hindi magandang destinasyon ang kinalalagyan ko ngayon.
Pabalik balik ang tingin ko sa kaliwa at kanan. Mukhang wala naman talagang napapagawi dito. Ilang sandali pa bumukas na ang pinto. Nakita ko si Miss Farrah na inaayos ang kanyang damit. Si Gaelan naman ay parang lasing na nakatitig lang sa magandang mukha ni Miss Farrah.
"Hi Maria!" Kaswal na bati sa akin ni Miss Farrah. Tumango lamang ako sa kanya. Sinilip ako ni Gaelan gamit ang gilid ng kanyang mga mata, ako ang nag-iwas ng tingin. Sakto namang tumunog muli ang bell tanda ng simula na ng afternoon classes. Tumayo agad ako para magtungo sa classroom ko sa Philosophy. Sa kabilang direksyon ako dumaan.
"Maria!" Narinig kong tawag sa akin ni Gaelan. Lumingon ako saglit at tumingin muli sa dinadaanan ko. Sinasabayan ako ni Gaelan sa paglalakad.
"Binabalaan kita--"
"Wala akong pagsasabihan." Mabilis na sagot ko. Kailan ba sya titigil sa pag-babanta sa akin? Takot ko na lang mamatay hindi ba?
"Okay, bilhan mo ako ng bottled coffee sa Food Alley." Mabagal syang naglakad kasabay ko. Tiningnan ko sya at hindi man lang sya nag-aabot ng pera!
"Nasaan ang pambili mo?" Tanong ko ng malapit na kami sa quadrangle at wala pa din syang ibinibigay.
"Bakit mo ako hinihingian ng pera? Alipin nga kita di ba?" Nakataas ang kanyang kilay na parang naiinis sa akin.
"Alipin mo nga ako pero hindi ako ang magulang mo. Hindi ako ang magbabayad sa mga luho mo." Matigas na sabi ko.
Pinanlakihan nya ako ng mata pero hindi ako nagpatinag, "Sumasagot ka agad? Anong klaseng alipin ka?" Iritado nyang tanong.
"Alipin na walang pera. Gaelan, kapag ibinili kita ng hinihingi mo, ako ang mawawalan ng baon."
"It's just 80 pesos!" Nakahalukipkip na sabi nya.
"Oy girl, kinakausap sya ni Gaelan!" May narinig akong boses ng babae na nakatingin pala sa aming dalawa ni Gaelan pero mukhang hindi naman iyon alintana ni Gaelan.
Napabuntong hininga ako.
"80 pesos ang hinihingi mo, ang baon ko 100 pesos lang. Ang 20 pamasahe ko sa jeep pauwi at ang 60 pesos ang pambili ko ng pagkain." Pag-rarason ko. Napaawang ang labi ni Gaelan at ginulo gulo ang kanyang buhok.
"Paano ka nakapasok sa Keio kung wala kang pera?!" Inis nyang tanong.
"Scholar ako."
"Ilang minuto na silang magkausap?" Boses na naman ng babae ang narinig ko.
"Girl, 5 minutes na!" Halos mangiyak ngiyak na sagot naman nung isa.
"O sige na, sige na." Kinuha ni Gaelan ang kanyang wallet sa bulsa at naglabas ng isang libo at winagayway sa harapan ng mukha ko. "Bilhan mo ako." utos nya.
Kinuha ko ang pera at nagmadaling magtungo sa Food Alley. Mayroon na lamang kasi akong 5 minutes para magtungo sa susunod na klase.
Nang mabili ko na ang kape ni Gaelan, natagpuan ko syang nakatayo doon sa lilim ng puno ng mahogany, nakahalukipkip na naman sya at pinagmamasdan ang bawat pagkilos ko.
Inabot ko sa kanya ang bottled coffee pati na din sana ang sukli pero tumalikod na sya at binuksan ang bote ng kape nya.
"Gaelan, sukli."
"Keep the change." Sagot nya bago uminom. Kumunot ang noo ko. Nagtatapon sya ng pera.
"Hindi ko tatanggapin." Nilapag ko sa lupa ang sukli at mabilis na naglakad pagpapalayo.
"Hoy Maria!" Narinig ko pang sigaw nya ng makalayo na ako.
Hindi na ako lumingon dahil nag-aalala akong ma-late.
Tumunog ang sikmura ko habang nagkaklase kami. Mukhang kailangan ko nang masanay na hindi manananghalian. Ayoko naman humirit kay Mama na ipagluto din ako ng baon dahil tiyak na mawawalan naman ako ng gana sa pakikinig ng ingay ni Gaelan at Miss Farrah doon sa bakanteng classroom.
Hay Ria! Ano bang pinasok mo!
Ang mga sumunod na mga araw ay ganoon din. Hindi nagsasawa si Gaelan at Miss Farrah sa kanilang ginagawa. Kahit sa Math Class nga namin mahahalatang pinapaboran ako ni Miss Farrah, tingin ko ay para mapagtakpan ko sila sa hindi tama nilang ginagawa.
Araw araw ko ngang inihihingi ng tawad ang pangungunsinte ko sa kanila kaya lang natatakot naman akong suwayin si Gaelan kundi baka mawala na lang ako sa mundo.
"Hindi ka na naman magla-lunch?" Ngumuso si Selene sa akin. Ilang linggo na nya akong inaabangan sa classroom ko tuwing lunchbreak pero lagi kong sinasabi na hindi ako makakasabay dahil may ginagawa akong importante. Nakakasabay ko naman sya tuwing snacks kapag may klase ako ng 3PM.
"Mamaya na lang tayo mag-sabay." Nakangiti kong sabi sa kanya.
"Naku, Ria. Ang payat mo na agad! Tingnan mo o, ang luwag na ng damit mo. Hindi ka kasi kumakain ng lunch." Puna nya sa akin.
Hindi ko naman napapansin ang pagpayat, pero ang kawalan ng gana, oo. Nakukunsensya kasi talaga ako!
Ang Gaelan talaga na yon!
Naiinis na napakamot ako ng ulo dahil sa naiisip. Wala naman akong maaaring sabihin may Selene dahil malalagot ako kay Gaelan!
"O sige na. Kay Zeus na naman pala ako sasabay. Mamaya ah." Ngumiti si Selene at kumaway sa akin habang papalayo. Sinalubong naman sya ni Zeus at sabay na silang naglakad.
Ako naman sa opposite direction patungo sa lumang building.
"Tingnan mo o, pupunta na naman sya sa lumang building." Nakarinig ako ng bulungan sa may kiosk doon kung saan ako dumadaan patungong lumang building.
"Ano kayang mayroon doon? Sabay ba silang naglulunch ni Gaelan? Kasi paglabas nila doon, lagi silang magkasama.."
Napapikit ako ng mariin habang naglalakad.
Kita mo na! Kita mo na!
Ang kalokohan ni Gaelan ako pa talaga ang napagdudahan.
"Iba din pala ang taste ni Gaelan sa mga babae."
"Pero medyo pumayat na sya ah."
"Baduy pa din! Tingnan mo ang buhok, laging nakapusod sa taas! At ang paborito nyang kulay, brown!"
"Girl, wag kang magsalita ng ganyan. Kung totoo ang sa kanila ni Gaelan malalagot tayo!"
"Imposibleng totoo yon! Eh last month nya mayroong note mula sa Yukan'na ang isang yan!"
Binilisan ko pa ang lakad ko, ayoko ng marinig dahil naiinis lang ako.
Pagdating ko doon sa lumang building kinabit ko muli ang earphones ko at pabalik balik na lumingon sa kaliwa at kanan. Nakahinga ako ng maluwag ng magbukas na muli ang pinto sakto sa pagkatunog ng school bell for afternoon classes. Noong minsan kasi nahuli ako sa klase dahil nagtagal sila ng husto.
Dating gawi, sumunod si Gaelan sa akin sa paglalakad. Kinuyom ko ang palad ko at kinagat kagat ang labi ko at bago maubos ang pasilyo ng lumang building, buong tapang kong hinarap si Gaelan.
"Diyan ka lang." Sambit ko. Kumunot ang noo ni Gaelan, napaawang ng kaunti ang mapupula nyang labi.
"Anong sabi mo?" Iritadong sabi nya.
"Diyan ka lang at wag tayong sabay na maglalakad." Yumuko ako at pumikit. Inaantay na sigawan nya ako.
"Ano bang problema mo? Bibilhan mo pa nga ako ng pagkain sa Food Alley!"
Napatiklop agad ako sa kanyang sigaw. Ayan Ria, panindigan mo yan!
"Eh k-kasi bago a-ko pu-pumunta d-dito n-n-nakari--nig ak-ong b-ulungan." Nahihirapan na sabi ko, nakakatakot talaga si Gaelan kapag galit!
"Ayusin mo nga!" Naiinis na sigaw ni Gaelan.
"Iniisip nila na may relasyon tayo. Kapag sabay na naman tayong umalis dito, ganoon na naman ang iisipin nila."
Natigilan si Gaelan, hinangin bahagya ang kanyang buhok at mataman akong tiningnan.
Hindi sya nagsalita at maya maya pa lumapad ang kanyang pagkakangiti na parang may ideyang pumasok sa kanya. Natulala ako sa pantay pantay nyang ngipin. Grabe, bagay sa kanya ang nakangiti. Parang hindi sya gagawa ng masama.
"Aha! Tama!" Aniya.
??
"Maria, magpanggap ka na girlfriend ko!" Hinawakan nya pa ako sa magkabilang balikat ko at niyugyog ako paulit ulit.
???!!!!
"That way, they wouldn't think na kami ni Farrah. That way it would be easier." Nakangising sabi nya na nagniningning pa ang mata.
"A-ayoko." Sunod sunod at mabilis ang pag-iling ko.
Tumingin na naman sya sa akin ng nagbabanta at diniinan ang paghawak sa balikat ko, masakit....
"Wala kang magagawa, Maria. Do as I say." Mariin nyang sabi.
Kaya bago matapos ang araw na yon. Boyfriend ko na si Gaelan Blake Ancheta ng ganun ganon na lang.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro