CHAPTER 9
CHAPTER NINE
Santong Paspasan At Santong Dasalan
Maaga akong gumising kinabukasan para maghanda kung paano malulusutan ang mga lalaking iyon at kung paano magtatagpong muli ang landas namin ni Asher Miguel.
Suot ang isang puti't simpleng t-shirt, itim na pantalon at puting sneakers ay tumulak na ako. Ang aking mga gamit ay iniwan ko nalang sa resort kung saan ako naka check in. Tanging telepono lang ang dala ko at ang aking camera.
Hindi na ako kumain ng breakfast dahil baka magkasalisihan kami ni Asher. Isa pa, mamaya ay may energy na ang dalawang lalaking 'yon para harangan ang landas ko patungo sa kanya kaya tumulak na ako pabalik sa Paraiso De Vergara Tan.
Binagalan ko ang aking sasakyan ng mapalapit na ako. Maaga pa at halos pasikat palang ang araw pero nakita ko na ang dalawang gwardiya na naglalakad-lakad at alerto na.
"Hay! Ang aga naman ng mga 'to!" Nang mapalapit na ako ay huminto sila sa ginagawa pagkatapos makilala ang aking sasakyan kaya wala na akong nagawa kung hindi ang hintuan sila.
Ililiko na sana ulit ang sasakyan ko pero gaya kahapon ay para silang mga sundalong mabilis ulit akong hinarangan!
Inis kong ibinaba ang aking salamin pero imbes na ipakita ang pagkairita sa nangyayari ay matamis ko silang nginitian. Sabi nga ni Zyd, kill them with kindness!
"Good morning sainyo! Magandang magandang umaga!" Masigla kong bati pero imbes na batiin ako pabalik ay nakita ko ang pagkakamot ng ulo ng isa.
"Ikaw na naman?"
Tumango tango ako.
"Gising na ba si Asher? Diyan ba siya natulog kagabi? Sa kanya ba 'yung sasakyang itim?"
Napailing naman ang isa habang palapit sa aking sasakyan. Dalawang beses akong napalunok pero wala na akong dapat ikahiya ngayon! Life is short at hanggat hindi naman nila ako mapapatay ay ayos lang! I'll do everything just to see Asher! God, I really hate to think that I'm becoming this person who is so desperate for something! Kahit kailan hindi ako naging ganito! Is this change?
"Miss, pasensiya na talaga. Gustohin ka man naming tulungan pero baka mawalan kami ng trabaho-"
"Kuya, sige na. Kahit sabihin niyo nalang na may naghahanap sa kanya? Sabihin niyo ang pangalan ko. I'm Karsyn-"
"Kahit pa Miss, Karsyn. Malinaw ang bilin sa amin na walang papapasukin o kakausaping kahit na sino pwera nalang sa pamilya ng mga Tan."
Sasagot pa sana ako pero nawala ang atensiyon nila sa akin nang may umibis na isang pulang kotse patungo sa loob ng resort. Gaya ng pagkukumahog nila sa akin ay mas doble ang ginawa nila sa bagong dating.
Kung hindi lang talaga ako pinalaki ng tama ni Daddy ay baka pinasok ko na ang resort na 'yon lalo na't binuksan na ang malaking gate! Kung hindi lang talaga ay baka pinaharurot ko na ang sasakyan ko hanggang sa kinaroroonan ni Asher Miguel!
Pinanuod ko ang dalawang makipag-usap sa bagong dating. Humilig ako sa sa nakabukas na salamin at hinintay silang matapos kaya naman nang bumukas ang nasa harapan kong bintana ng kotseng iyon kasabay nang agarang pagdungaw ng isang lalaking fresh na fresh at nakasuot pa ng aviator ay para na akong pinaglaruan ng kung ano dahil sa pagkataranta!
"Who is she?" The guy asked, napatuwid ako sa pagkakaupo ng tanggalin niya ang kanyang salamin pagkatapos sagutin ng guard.
Nahihiya akong napakaway ng balingan niya ako at ngitian! Ang makakapal na kilay na iyon at ang parehong ayos ng buhok na gaya nang kay Asher maging ang mga matang kung tumitig ay tumatagos sa buong pagkatao ay natiyak kong kalahi ito ni Asher.
"You're his fan too?" Nakangisi niyang tanong.
Hindi ko alam kung tatango ba ako o iiling para makuha ang loob niya't maawang isama nalang akong makapasok sa loob para makita si Asher pero sa huli ay hindi naman na iyon mahalaga dahil ibinalik na niya ang tingin sa mga gwardiya at may sinabi lang.
Magsasalita na sana ako para magtanong rito pero nalunod na ang aking mga salita sa aking lalamunan sa muling pagbaling niya sa akin.
"Good luck with what you're doing, Miss." Muli siyang ngumiti pero imbes na sumagot ay natulala nalang ako sa kanya.
Tuluyan na akong nawalan ng pagkakataon dahil sa pag-angat ng salamin ng kanyang sasakyan at ang pag-andar nito papasok sa loob ng resort! Lutang kong sinundan ng tingin ang kotse ng lalaki. Kung hindi pa ako nilapitan ng mga gwardiya ay baka nabaliw nalang ako.
Wala na. Hindi ko na alam kung paano pa magiging posible ang chance na magkita kami ulit.
"Ma'am, natulala ka na yata kay Sir Eros?" Tumatawang sabi ng naunang gwardiya. "Pinsan 'yon ni Sir Asher-"
"Maning! Ano ka ba, puro ka tsismis!"
Tamad na nilingon nito ang papalapit sa gawi namin.
"Nagkukwento lang naman, Lito! Ito naman!"
"Totoo ba Kuya Maning?! Pinsan iyon ni Asher?!" Tinaasan ko ang tono ng boses ko para mas lalo akong magmukhang excited, baka sakaling dito ko mahuli ang loob niya at pagbigyan ako.
Kahit kaunting tyansa ay papatusin ko na ngayon. Wala namang mawawala kung susubukan ko.
"Oo!"
"So ibig sabihin nandiyan si Asher sa loob?!"
Ang malaking ngiti niya ay mas lumawak pa.
"Oo," Aniya pagkatapos ay mabilis na sumimangot. "Pero hindi mo pa rin siya makikita." Aniyang nagpanguso sa akin.
Bigla kong na-miss si Zyd. Kung siguro'y narito lang siya ay baka kahapon pa namin nakita si Asher! Susuko na sana ako pero dahil sa hindi pagkawala ni Zyd sa aking utak ay muli akong nagsalita.
"James 3:16, for where you have envy and selfish ambition, there you find disorder and every evil practice."
Tinabihan noong si Kuya Lito ang kausap kong si Kuya Maning. Sabay na kumunot ang mga noo nila dahil sa sinabi ko. Kung hindi sila madaan sa santong paspasan, baka makuha ko sila sa santong dasalan!
"Kuya, kahit sa bible sinasabing huwag maging madamot. Sige na naman please? Sabihin niyo nalang kay Asher ang pangalan ko, kilala ako no'n!"
"Miss Karsyn-"
"Romans 15:2," I cut them off. "Each of us should please our neighbors for their good, to build them up. So please help me meet him? Kahit ngayon lang? Please?"
Sabay silang napabuntong hinga dahil sa pamimilit ko. Dahil sa bigo nilang mukha ay wala na rin akong nagawa. Siguro nga hindi pa ito ang oras na magkita kami. Siguro nga wala sa tadhanang magkita ulit kami...
Umalis ako sa resort hindi dahil sumusuko na ako kung hindi dahil kumakalam na ang sikmura ko. Sa isang simpleng kainan ako kumain. Doon ko na rin sinimulan ang unang vlog ko ngayong araw.
"Hola, it's KF!" Ibinahagi ko sa kanila ang aking kabiguan sa tangkang paghahanap kay Asher pero sinabi kong hindi naman ako susuko kahit na bigong bigo pa rin ako at wala nang pag-asa sa ngayon.
"This is not the end. I will still find him, sasamahan niyo pa rin ako kaya alam kong kakayanin ko 'to." Pagdating ng pagkain ay ipinakita ko rin sa kanila ang in-order ko.
This looks yummy. Hindi gaya sa restaurant na mukhang mga ininit lang. Nilingon ko ang paligid. Simple lang ito at ma-presko dahil gawa sa mga kahoy at ang bubong ay gawa naman sa nipa. Malamig rin ang simoy ng hangin at maraming kumakain na parang isa na ito sa mga dinadayo sa lugar.
"Thank you!" Nakangiti kong sabi sa babaeng naghatid sa akin ng bottled water.
Nahihiya siyang ngumiti pabalik sa akin na parang maraming gustong sabihin pero hindi naman ginawa.
Hindi nga ako nagkamali. Kung ano ang bango ng pagkain ay gano'n naman kasarap ang lasa nito na dahilan para makaramdam ako ng lungkot. Their food taste like home. Na miss ko si Mommy na hilig ang pagluluto kahit na may mga taga-luto naman kami sa bahay. Sinabi niyang gusto niyang siya mismo ang magpapakain sa amin.
Nahinto ako sa pagkain nang maramdaman ko ang pangingilid ng luha sa aking mga mata. Being alone and away from home is difficult. Lalo na para sa akin na nasanay na isinusubo nalang ang lahat ng mga pangangailangan sa buhay.
Nagpatuloy ako sa pagkain habang nag-iisip ng mga dahilan para makumbinsi ko silang papasukin ako.
"Sige na mag-break ka na muna. Ako na dine." Narinig kong sabi ng isang waiter sa kasama nito sabay kuha ng hawak na tray.
Tama! Kung sila ay may break, sigurado akong may pahinga rin ang mga gwardiyang iyon! Binilisan ko ang pagkain sa abot ng aking makakaya dahil baka mapalampas ko ang tyansang ito!
Kumunot ang noo ko, pero kung makakapasok nga ako at makakasalubong naman ang ibang trabahador sa resort, ano naman ang sasabihin ko kapag nahuli nila akong nag-trespass?
Napabuga ako ng hangin sa ere at mabagal na nginuya ang pagkain. Maaga pa naman. Siguro ay babalik nalang ako doon bago ang tanghalian. Mag-iisip nalang ako ng mga paraan ngayon. I need to think...
Pinagmasdan ko ang mga taong naroon, baka sakaling may maisip ako pero wala. Bukod sa matatakaw sila at enjoy na enjoy nila ang pagkain ay wala na akong maisip. Natapos na akong kumain at nalinis na rin ang aking lamesa pero hindi ako umalis. Alam kong makakaisip ako. Makakaisip pa...
Pakiramdam ko'y nagliwanag ang lahat ng bumbilya sa aking utak ng makita ang mag-asawang pumasok sa kainan! Right! Ito ang tama! Alam kong hindi makakatanggi ang lahat kapag ito ang ginawa kong dahilan!
Hindi ko napigilang batiin ang mag-asawa sa sobrang tuwa habang palabas na ako doon. Na-weirduhan man sila sa akin pero ginantihan rin nila ang ngiti ko.
Bumalik na ako sa resort pero gaya kagabi ay hindi ako doon mismo pumarada. Tumabi lang ako sa gilid kung saan natatanaw ko sila. Sinulyapan ko ang aking orasan, pasado alas dose na pero naroon pa rin sila at tutok kung magbantay.
Napatuwid ako ng upo ng makita ang parehong pulang sasakyan na lumabas sa resort pagkalipas ng dalawang oras na paghihintay. Naalarma ako ng bumagal ang kanyang takbo habang palapit sa akin. Ibinaba ko ang aking salamin matapos niyang ibaba ang sa kanya.
Huminto siya ng matapat sa akin. Naiiling ngunit nakangiti niya akong hinarap.
"H-Hi." Nakangiwi kong bati.
"You're still waiting for him, huh?"
Nahihiya man pero tumango nalang rin ako. He chuckled, parang hindi makapaniwala sa lakas ng loob ko.
"I can't help you with that but he is inside the resort and he's not going anywhere today, I think."
Lumawak ang aking ngiti.
"Thank you!" Nilakasan ko ang boses ko.
Tumango siya at ngumiti nalang ulit bago iangat ang kanyang bintana at iwan na ako.
Ang maliit na pag-asa sa aking puso ay nadagdagan dahil sa sinabi ng pinsan ni Asher! Sa pagbalik ng mga mata ko sa resort ay nakita kong iisa nalang ang gwardiya doon pero imbes na mag-drive papunta ay nagmamadali akong lumabas ng aking sasakyan para pumuslit papasok!
Walang humpay ang naging pagwawala ng aking puso sa loob ng aking dibdib habang palapit ako ng palapit. Binuksan ko ang aking camera nang makatawid ako at makagilid sa kabila ng kalsada.
"I'm running guys!" Itinutok ko ang camera sa resort na ngayon ay wala nang gwardiya kahit isa! Nanlalamig ang aking buong katawan gawa ng kaba pero hindi ko iyon ininda. This is my chance at hindi ko na alam ang gagawin kapag nabitiwan ko pa ang pagkakataong ito!
"Susubukan nating pumuslit doon kaya bahala na! So help me God!" Isinukbit ko ang aking camera sa aking leeg at hinayaan lang iyong i-record ang lahat ng kabaliwang ito!
Pakiramdam ko ay sasabog na ang puso ko at kusa nalang akong magse-self destruct habang pigil ang paghingang pumasok sa gate na bahagyang nakabukas!
"We're in. We're officially inside the Tan's property." Bulong ko habang walang humpay ang pagkalampag ng aking puso.
Ramdam ko rin ang mabilis na pagdaloy ng aking dugo sa aking katawan. Nilakad takbo ko ang pababa ng resort at kahit na pilit akong inaakit ng kumikinang na dagat at magandang tanawin sa lugar na iyon ay lumaban ako para hindi ako mahinto!
"Hoy!"
Napapikit ako ng mariin ng marinig ang boses na iyon!
"Miss?! Bawal nga sabi rito eh!"
Kumaripas na ako ng takbo at hindi na inintindi ang sasabihin niya! Ilang libong dasal ang paulit-ulit na sinambit ng aking utak na sana ay makasalubong ko nalang bigla si Asher para matapos na ang lahat ng ito!
Hinawakan ko ang aking camera dahil nasasaktan na ako sa kada bundol nito sa ibaba ng aking dibdib. Maging ang aking puso ay nasapo ko na rin!
"Daddy, ikaw na ang bahala kapag nakulong ako!"
"Miss!"
Lumiko ako kaagad ng makita ang reception area. Nakita ko ang pagkalito at pagkaalarma ng isang babaeng naka-duty doon pero hindi ako tumigil!
Pakiramdam ko kasi ay siya na ang finish line pero bago pa ako makalapit sa kanya ay mabilis na akong nahuli ng lalaking kanina pa ako hinahabol!
"Kuya, please?! Isa lang! Sandali lang!" Hinihingal kong pagmamakaawa sa kanya pero kung gaano kataas ang determinasyon ko ay doble naman ang sa kanya.
"Miss! Hindi nga pupwede kasi-"
"Kuya! Nandito na ako kaya sige na!" Sinubukan kong humakbang palayo sa kanya pero hinigit niya lang ako palayo sa reception area.
Nilingon ko ulit ang babae pero wala na ito doon! Oh my God! Tumawag na nga kaya ito ng pulis para hulihin ako?!
Napabalik ang tingin ko kay Kuya Lito nang muli niya akong hilahin!
Sa paglalakad niya ay gumaganti rin ako kaya para kaming naglalaro ngayon ng hatakan lubid!
"Wala kang awa, Kuya! You're too cruel!"
"Ikaw ang walang awa, Miss! Baka mawalan na ako ng trabaho ngayon dahil sa ginagawa mo. Kailangan ako ng pamilya ko at kapag natanggal ako dito ay wala kaming makakain. Mamamatay sa gutom ang mga anak ko at maliliit pa ang mga iyon." Dinig ko sa boses niya ang purong pagmamakaawa kaya para akong nahimasmasan kahit paano.
Ang pagtanggi ko ay nabawasan pero nang maisip kong ito nalang ang natitira kong tyansa ay muli akong pumiglas sa kanya!
Nakita ko ang ilan pang mga lalaking palapit na sa akin at sa pagkakataong iyon ay para na akong sinasampal ng malalakas sa katotohanang malaking gulo na ang ginagawa ko!
Oh my God! Anong kabaliwan ba ang nasa isip ko! I'm going to jail! No! I can't go to jail at hindi ito dapat malaman ni Daddy!
"Kuya please! Sandali lang talaga promise na promise!"
"Hindi pwede ang kulit mo!"
"At ang damot mo! Ang dadamot niyo!"
Isa, dalawa, hanggang sa tatlo o marami na ang nagpupumilit sa aking lumabas sa property. Medyo rumarahas na rin ang paghawak nila sa akin kaya wala na akong nagawa kung hindi ang ilabas ang huling baraha ko.
Huminga ako ng malalim at pagkatapos ay sumigaw ng malakas!
"Buntis ako! Buntis ako kay Asher Miguel Vergara Tan at kapag namatay ang anak namin ay malalagot kayo!"
Naramdaman ko kaagad ang sabay sabay nilang pagtigil at pagtitig sa akin upang kilatisin ako kung nagsisinungaling ba o hindi. Imbes na magpahalata ay madiin kong kinurot ang sarili ko dahilan para agad na tumulo ang aking mga luha.
Pakiramdam ko ay ilang malalakas ang loob na kaluluwa ang sumapi sa akin para gawin ang lahat ng ito.
"Buntis ako! Parang awa niyo na! nasasaktan na ako!" Nanginig pa ang balikat ko hindi dahil sa totoong pag-iyak kung hindi dahil natatawa nalang ako sa aking sarili.
Doon na nila ako tuluyang binitiwan pero ni isa sa kanila ay walang nagsalita.
Maarte kong pinunasan ang aking mga luha at pagkatapos ay hinaplos ang aking tiyan.
"Buntis ako.... Buntis ako kaya parang awa niyo na! Ipakita niyo na sa akin si Asher! Karapatan ng anak kong malaman na may tatay siya habang maaga pa!" Humagulgol na ako.
Again, hindi dahil sa arte ko lang ito kung hindi dahil totoong masakit ang ginawa kong pagkurot sa aking sarili.
Magsasalita pa sana ako pero ang lahat ng kabaliwan ko ay mabilis na naputol ng sabay sabay silang humanay habang nakatutok sa kung anong nasa aking likuran. Pupungas pungas kong hinawi ang patuloy na pagdaloy ng mga luha sa aking mukha.
"Baby... Oh my God, kumapit ka ha? Malapit na. Malapit na nating makita si Daddy..."
Okay, now this is too much! Pang award winning ang arte ko pero hindi ko pa sana iyon ititigil kung hindi ko lang narinig ang pagsasalita ng dalawang lalaking nasa harapan kong agad namutla dahil sa tinawag nilang ma'am na siguro'y may mataas na posisyon sa resort.
Ihahanda ko na sana ang muling pang-award winning na iyak habang papihit paharap sa babae para makumbinsi rin siyang ilabas si Asher pero ang mga paa ko ay parang bigla na akong iniwan ng marinig ang mariing pagsasalita niya galing sa aking likuran.
"Ano ito?! Sinong buntis? Sinong nabuntis ng anak ko?!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro