Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

PHASE 6


"Kuya bayad po," sabay abot ko ng pera mula sa wallet ng makababa ako ng tricycle sa tapat ng malaking gate na pag mamay-ari ng isang Mayor Juarez.

Muntik pa akong matumba sa pagkatapilok ko nung sumabit ang takong ko habang bumababa pa ako, mabuti na lamang ay agad ako napakapit sa bubong ng tricycle ni Manong. Napabuntong-hininga pa ako ng malalim at mabuti na lamang rin ay hindi niya nakita dahil nakakahiya, mawawala ang poise ko pagka ganon. Mga ilang minuto bago ko pa mahanap ang mismong bahay gayong halos sila ay magkakahawig, matataas at pasosyalan ng tindig.

Sinabi rin naman sakin ni Ate Barbs ang exact address nung mismong bahay para di ako mahirapang manghagilap, 'tsaka kilala rin naman siya ni Manong driver nung pinakita ko ang address at sinabi kong sa bahay ako ni Mayor Juarez bababa.

Agad na sumaludo ang aking tingin. Halata naman na nagsusumigaw sa karangyaan kahit na malaking puting gate pa lamang ang nakikita ko. Halos hindi ko pa alam kung ano ang itsura ng kanilang bahay na paniguradong alam kong maganda ito.

"Salamat, ganda. Anong okasyon dyan at dito ka kay Mayor?" padaldal sa akin ni Manong driver, habang ako ay kanyang sinusuklian ng barya na kinukuha mula sa toolbox.

Kailangan kong hintayin ang sukli at paniguradong mamaya ay baka lakad ako makauwi. Mukha nga akong elegente, pero poor na poor naman ako ngayon dahil 200 pesos lang at ilang barya ang laman ng gutay na wallet ko. Medyo malayo-layo pa naman ito sa bayan kaya medyo may kamahalan ang bayad ko sa pamasahe.

"Ah, wala naman po, Manong. Nag anyaya lang si Mayor ng... uhm...." napakamot ako sa aking batok at hindi alam ang sasabihin.

Teka, ano ba kasing klaseng anyaya ni Mayor bukod sa baka bigyan ako ng scholarship? Ang tanga ko lang na sa sobrang sabik ko ay hindi ko man lang naitanong kay Ate Barbs kung ano ba talaga ang isa pa sa mga dahilan kung bakit inanyayahan ako sa tahanan ni Mayor.

Bakit kaya? Ano nga bang okasyon? At sino naman kaya ang makakasalamuha ko ron 'pag nagpunta ako ron? Mga ilan kayang mga kandidata ring tulad ko ang mga naroroon? Parang party ba na may tugstugan?

Napangiti ako sa aking sarili. Hindi na ako makapaghintay sa pag-asang nasa harap ko. Baka nga tama talaga si Ate Barbs. Baka ito na ang simula na makapagpapabago sa buhay ko dahil... may posibilidad na matupad ang pangarap ko kung makakakuha ako ng scholarship. Hindi naman masama humingi ng tulong dahil ito namang gagawin ko ay hindi lang naman para sakin, kundi ay para na rin sa magiging kinabukasan ko at lalo na sa pamilya ko.

Kaya naman maaga pa lang, maganda na sa pagtatapos ko sa aking senior-high ay may sasalubong sa aking kolehiyo na alam kong makakapasok ako. Hindi na rin mamomroblema sila Tatay kakaisip kung saan nila ako papapasukin. Sa totoo lang ay wala naman akong pake kahit saan pa ako magkolehiyo, ang mahalaga sakin ay makapasok at makakuha ng scholarship. Simple lang kung isipin pero alam kong hindi iyon magiging madali. Sana nga lang talaga...

"Neng, sukli mo!" untag ni Manong habang inaabot sa akin ang ilang barya.

Muntik naman ako mapaigtad sa lakas ng boses kasabay ng pag-start ng tricycle ni Manong driver habang nakatingin sa akin.

"Salamat po." ani ko kasabay ng lagay ko ng ilang barya sa pouch ko.

Napasapo pa ako sa dibdib ko sa boses ni Manong dahilan ng paglakas ng tibok ng puso ko. Medyo kinakabahan rin ako dahil frist time kong makakapasok sa loob ng mayamang bahay... at sa bahay ni Mayor pa!

"Walang anuman. Ah, eh... ingat ka dyan hija, ah? Ang alam ko kasi wala kaanak dyan si Mayor at nasa ibang bansa. Kaya nagtataka lang ako kung anong ganap diyan ah... pasensya ka na at ang daldal ko! Taga dito lang kasi ako. Hindi ko lang maiwasang magtanong dahil mukhang hindi ka naman taga dito." sabay tawa nito at kamot sa batok.

Napakamot na lamang rin ako at tumango sa Manong driver.

"Sige po, salamat, Manong!" paalam ko saka ito tumango kasabay ng paharurot ng tricycle nito paalis.

Napahinga ako ng malalim ng ako na lamang nag-iisa rito sa kanto. Sa Village kasi ito kaya naman hindi ganun ka-ingay at pribadong lugar talaga dito at hindi basta-basta makakapasok. Mabuti nga at nakalusot ako, inakala siguro ng guardia na mayaman ako dahil sa suot ko at mukhang nakatira dito pero hindi naman talaga.

Maging ang mga bahay na magkakatabi sa Village ay halatang mga mayayaman ang nakatira, puro mga two-storey ang istilo at tindig ng bawat bahay, ni walang makikitang simpleng bahay na bungalow style.

Pumihit naman ako paharap at agad na lumapit para lapitan ang malaking gate. Inayos ko muna ang aking mahabang buhok at nag-spray ng kaunting pabango. Hindi na ako nag-abala pang kumatok dahil baka 'di naman nila maririnig kaya naman mabuti na lamang ay nakita ko ang doorbell sa gilid at namamanghang pinindot iyon. Muntik ko na rin paglaruan at takbuhan.

Napangiti ako habang sinasaludo ang mga bahay na nakikita ko.

Wala lang... humahanga lang kasi ako sa mga nakapagpapatayo dahil sobrang blessed na sila at masasabing may napatunayan na at kaya sa buhay. Iniisip ko nga kung balang araw ay magagawa ko rin kaya ang mga bagay na 'yan? Siguro oo, ngunit alam kong matagal-tagal pa. Pero kung pagpapalain ako, edi sobrang thank you lord. Balang-araw kasing laki rin nito ang bahay na matitirhan ko kasama ang pamilya ko... balang-araw makapagpapatayo rin ako ng mas bonggang-bonggang bahay!

Sa unang pindot ay siguro wala pa nakapansin, kaya naman ang padalawang pindot ay agad na bumukas ang maliit na gate kasabay na pagbungad ng isang guardia sa akin.

Nakakunot ang noo nitong nakatingin sa akin habang pinapasadahan ang aking kabuuan at nakapamaywang. Mataba ito at maitim, kalbo, naka-uniporme pang guardia at may baril-barilan na nakasabit sa gilid ng kaniyang sinturon, may hawak itong fried chicken sa kaliwang kamay na wari ko'y nanananghalian pa lamang.

Nakaramdam naman ako ng hiya ng mukhang kumakain pa si Manong, kung alam ko lang ay sana mamaya na lang pala ako nag doorbell.

"P-Pasensya na ho sa abala, Manong guard."

Napatikhim ito saglit at ako naman ay marahan siyang nginitian kasabay ng pagbagsak ng tingin ko sa fried chicken na hawak nito habang ngumunguya.

Napalunok ako sa sariling laway kasabay ng maramdaman ang pagkalam ng aking sikmura. Natanto kong hindi pa nga pala ako nanananghalian. Pero 'dibale na, mukhang masarap naman ang ihahain ni Mayor kung sakaling may pakain siya, 'diba?

"Sino po sila?" sabay kagat muli ng fried chicken ni Manong guard habang lumulutong sa bibig nito kapag ngumunguya.

"Pahingi po."

"Ha? Ano kamo, hija?" nalilito nitong tanong na ikinakunot ng noo nito.

Agad naman ako napailing at natauhan. "E-Este, magandang a-araw po!" pagbati ko agad.

"Sino ka? Anong kailangan mo rito?"

"A-Ahm, inanyayahan po ako ni Mayor. Nandito ho ba—"

Napakunot lalo siya sa akin na parang hindi makapaniwala.

"Inanyayahan? Ikaw? Sigurado ka? Para saan? Anong appointment mo sa kaniya? Pasensya na hija, ah. Hindi kami basta-basta nagpapasok ng kung sinu-sino lang dito sa bahay ni Mayor." masungit na sinabi nito habang sumusupak na ito ng soft drinks.

Mabuti pa si Manong guard, naka Jollibee. Nung huli ko kasing kain niyan, sampung taon palang yata ako. Sana all.

Sandali akong nag-isip ng paraan para sya ay maniwala na totoo ang sinasabi ko.

"Ah... inanyayahan niya po kasi ako dahil sinabihan niya yung friend ko na pumunta raw ako dito---"

"Alam mo hija, sa dami ng manloloko ay hindi mo ako maiisahan kahit na ano pang ganda mo. Wag ka ng gumawa pa ng kwento dahil halatang-halata ka. Baka mamaya, iba pa pala ang pakay mo. Pasensya ka na, ah? Ginagawa ko lang ang trabaho ko. Ayoko rin masisante. Makakaalis ka na." aamba na agad sana nito ang gate para pagsarhan ako ngunit agad ko namang hinarang ang aking kamay ng ikinaangat at iritadong tumingin sa akin.

"Uh te...t-teka lang po, Manong! Naiintindihan ko po pero... wala naman po akong pakay na masama! T-totoo po ang sinasabi ko... Nandyan po ba si Mayor ngayon?" malumanay kahit na natataranta ko pa ring sagot.

"Oo nandito sya ngayon, at ayaw niya ng may umaabala sa kaniya." sabay tango at tumungo siya sa sariling mesa na ikinatungo ko rin ng makita kong isang bucket pala na chicken ang kinakain nito.

Napapalunok sa sariling laway ay dumampot muli siya ng isa at kumagat sabay baling muli sa akin.

"Pakagat po—este!" mahigpit akong napailing. "Manong, sige na naman po. Pasuyo naman po Manong baka pwede pong—"

"Hija, ang mabuti pa ay umuwi ka na lamang kaysa ituloy mo pa 'yang gagawin mo. Sino bang nag-utos sayo? Mukhang bata ka pa—"

Napapakit na napabuntong-hininga ako ng malalim. "Manong, para maniwala po kayo sa akin. Sige, ganito na lang po. Pwede po bang pakitawagan na lang si Mayor? May telepono rin naman po kayo dyan, kita ko po oh..." turo ko pa roon sa loob ng guardhouse niya. "...nasa may tabi ng gilid ng mesa niyo. Makikisuyo na lang po at sana pakibanggit na lang din po sa kaniya na nandito na po mismo si Ms. Phryne Malataitai, kilala niya po ako! Ako po yung nanalo sa pageant na Miss Binibining Cebu nung nakaraan, pasabi na lang po na ako'y gutom na e-este! n-nandito na." paliwanag ko.

Napakunot siya at napabuntong-hininga ng malalim. Agad naman ako napabuntong-hininga rin at inangatan siya ng kilay. Grabeng timpi ko dahil nabibilad na ako sa init ng araw, ayoko pagpawisan at magmukhang haggard sa harap ni Mayor lalo na sa mga taong naroroon, nakakahiya pa naman! Nagugutom na rin ako, inaasahan kong may ipapakain rin naman sa amin si Mayor. Makapal na ang mukha, pero gutom na talaga ako at hindi ko ipapahalata.

"Maaari po ba?" tinaasan ko siya ng kilay.

Bayolente muli itong napabuntong-hininga habang naningkit ang kaniyang mata sa akin. Ilang segundo niya akong pinupukulan ng nanunuring tingin, ngunit kalaunan ay napapailing itong tumalikod at kinuha ang telepono na wari ko'y para tawagan na si Mayor.

Napabuntong-hininga naman ako. Salamat naman at ako'y napagbigyan.

Hindi ko alam mararamdaman ko kung sakaling tuluyang pauuwiin niya ako. Mabuti na lang talaga at may pagka matigas ang ulo ko.

"Hello Sir... Opo... hanap po kayo... Miss Mali...tae... daw po—"

"Ehem. Manong, Malitaitai po, hindi tae. Ginawa niyo naman pong mabantot ang apilyedo ko." ngiwi kong sabat habang nadidinig ang sinasabi ni Manong Guard.

©piedraijada

Kumunot siya sa akin at sinenyasan na tumahimik ng ikinanguso ko na lamang.

"A-Ah, Malitaitai daw po ang ngalan...ah ganun po ba? Naku, sige po ser... opo nandito po... pasensya na po...opo... pasenya na po talaga... sige sige.." anito sabay tatango-tango ang kalbo nitong ulo.

Nang matapos niyang matawagan ay napalingon siya sa akin at agad na napakamot sa kalbo niyang ulo. Mukhang guilty base ang nakikita ko sa kaniyang ekspresyon. Tumikhim muna ito bago siya magsalita.

"Pasensya na sa asta ko, hija. Sige, makakapasok ka na..." sabay luwag ng bukas ng gate nito sensyales na pwede na akong papasukin.

Napapangising tumango ako habang nagmartsang pumapasok.

"Ayos lang po, Manong! Salamat po."

"Gusto mo bang ihatid pa kita papasok, hija?"

Napailing na lamang ako. "Hindi na po, salamat na lang."

"Naku, baka hindi mo agad makita si Mayor sa laki ng bahay niya! Teka lang..." agad siyang lumingon-lingon sa paligid at sumigaw. "Vicky!" tawag nito sa kung sino man habang may kinakawayan.

Nilingunan ko naman ang tinitingnan nitong babaeng naglalakad na wari ko ay mukhang katulong dahil sa suot na puting uniporme nito habang may hawak ng pampalispis sa alikabok.

"Oh, Rencio, bakit?" pagkalapit na tanong nito ay saka siya bumaling sa akin at marahan akong nginitian ng babaeng may kaedaran na din.

"Halika! Pasuyo naman pakihatid si hija kay Mayor," sabay nguso ni Manong sa akin at lingon muli sa akin nung babae.

"Aba't may magandang dilag pala bisita si Mayor! Halika hija, nasa loob si, ser." anyaya agad nito papasok kaya sumunod na lamang din ako.

Hindi nga ako nagkamali na magara ang bahay na ito. Dahil ang unang bungad sa akin ay puting malaking bahay na may dalawang palapag at sa harap nito ay malawak na halamanan at fountain sa gitna. Masyadong tahimik rito at wala akong nadidinig na ingay, sumusunod lang ako sa babae na tahimik lang rin naglalakad paakyat patungo yata sa may living area, nabubungaran ko mula rito sa malawak na terasa dahil sa malaking nakaawang na sliding door.

Napatigil naman ako ng biglang humarap ito sa akin. Binigyan niya ako ng tipid na ngiti at sinenyasan na welcome akong pumasok.

"Maaari ka munang maghintay rito, aakyatin ko lang si Mayor at sasabihin kong nandito ka na. Maupo ka muna, hija," sabay turo nito sa may pahabang mesa.

"Salamat po..." tumango ito sa akin saka siya umalis sa harapan ko at biglang sumigaw sa isa pang katulong para pagdalhan daw ako ng maiinom.

Habang nakaupo ako, hindi ko maiwasang mapamangha sa mga muwebles na nakikita ko, mga makabagong gamit at malinis na paligid ay hindi pinalampas ng pagtuon ko ng pansin, kasabay naman sa paglinga-linga ko sa paligid ay hindi ko maiwasang mapakunot habang napapainom ng juice, napapabuntong-hininga ng malalim at hindi mapakali sa pagtataka dahil wala akong ibang makitang tao na tulad ko na baka isa rin sa mga naanyaya ni Mayor dito sa bahay niya.

Ngunit tanging mga katulong lamang ang nasusulyapan ko na napapadaan sa gawi ko dahil abala ang ilan sa kanilang mga gawain.

Nasaan na ang iba? May kasama kaya ako? Hindi kaya... mag-isa lang ako? Oh, baka naman napaaga ako!? Shuta. Nakakahiya naman pag ganon! Putangina, kung ganon ay maitext muna pala si Ate Barbs na baka--

"Glad you're here, Miss Malitaitai!" muntik na akong mapaigtad sa umalingawngaw na baritonong boses at malakas na yabag pababa ng hagdan.

Sa bawat yabag ng nadidinig ko pababa, ay unti-unting lumalakas sa pandinig ko, kasabay ng pagkabog ng puso ko sa kaunting kaba at sabik na nararamdaman. Agad naman ako napatayo kasabay ng pagtalon ng puso ko sa pagkabigla at pagkaparte ng aking labi nang makita kong si Mayor na nakangisi ang bumababa patungo sa akin, mukha lamang kagigising base sa nakikita ko sa kaniyang ekspresyon dahil sa namumula niyang mga mata.

Nakakahiya naman at mukhang naabala ko pa. Baka naman napaaga talaga ako ng dating at mamaya pa talaga?

"M-Mayor!" mabilis siyang nakapunta sa harapan ko ng hindi ko namamalayan.

Dinig ko ang malakas ng pagkuwala niya ng malalim na buntong-hininga habang malaki ang ngiting iginagawad sa akin.

"Finally... mabuti at nakarating ka at tinanggap ang pag anyaya ko rito sa bahay ko." anito sabay upo nito sa sofa habang nakikita kong pagpasada nito sa kabuuan ko.

Nagtama ang aming mata at lalong lumaki ang kaniyang ngisi kasabay ng tipid ko naman siyang ginantihan ng ngiti. nahihiya.

"Maupo ka," sabay nguso niya sa inuupuan ko kanina.

"A-Ah," tumango ako at agad na umupo.

Hindi ko naman maiwasang mapakapit sa likod ng aking leeg kapag nakakaramdam ng hiya sa harapan ni Mayor. Para akong nakuryenteng bulateng tuod at ayokong gumalaw. Nanatili lamang akong nakapirmi at inabala ang sarili sa pag-inom ng juice na inihain sa akin kanina.

"You're so stunning today, Miss Malitaitai. No wonder na ikaw ang napili ko maging Miss Cebu nung nakaraan. Akala ko talaga hindi na kita makikita pang muli sa malapitan at hindi ka makakapunta sa aking anyaya."

Nahihiya naman ako napatawa upang tanggalin ang hiyang bumabalatay sa aking sistema. Bahagya siyang natawa habang nakatitig sa akin, panay tungo naman ako dahil baka guni-guni ko lang iyong nababasa ko. Ayoko naman maging judegemental agad.

"W-Wala po yun Mayor, hehe. Sa katunayan nga po eh... a-ako nga po dapat magpasalamat sa inyo dahil hindi ko po inaasahan na aanyayahan niyo ako rito sa tahanan niyo. Malaking karangalan po sa akin." magalang na sagot ko.

"Really?" umangat ang labi nito na parang nagugustuhan ang kaniyang nadinig dahil sa aking sinabi.

Nahihiyang napatango naman ako kay Mayor. "O-Opo. Hindi ko po alam kung bakit ako pa napili niyo na isa sa anyayahan rito sa magarang bahay niyo. Hindi ko rin pong inaasahan na matatandaan niyo pa rin ako, matagal-tagal na rin magmula nung nangyaring pageant uhm... matanong ko po pala, Mayor." muntik na mawala sa isipan ko.

"Ano yun?"

"Uh... B-Bakit parang ako lang po yata naanyayahan niyo dito sa inyong mansyon? Nasaan po ang iba? Napaaga po yata ang pagpunta ko dahil wala pa yung iba. Nakakahiya naman po sa inyo." sabay linga ko sa paligid habang nahihiyang natawa.

Ilang segundo siya natigilan bago siya muling natawa dahilan ng pagbaling ko. Halos mamula ang kaniyang mukha sa kakatawa. Hindi ko alam kung kailangan ko rin bang sumakay o makitawa sa lakas ng tawa ni Mayor gayong parang wala namang nakakatawa na. Wala naman sa sariling nangingiwing siya ay aking sinabayan sa pagtawa kahit na wala naman sigurong dahilan.

May nakakatawa ba sa tanong ko?

Maluha-luha ang mata nito matapos matawa. "I'm sorry, it's just that, you look so innocent. Hindi ko alam kung alam mo na o nagkukunwari ka lang. Pero bago yan, kumain ka na ba, Miss Malitaitai?" biglang tanong niya.

Napaamang naman ako at nalilito."Po?"

"Mabuti pa samahan mo ako, may ipapakain ako sayo."

P I E D R A I J A D A

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro