PHASE 3
Inaantok pa man ay napilitin kong patayin ang aking alarm na kanina pa tumutunog sa tabi ng aking kama habang namimikit pa ang aking mata. Hindi ko lamang maipatay ng husto kanina dahil tinatamad ako at ramdam ko pa ang pananakit ng aking buong katawan.
Sa paulit-ulit na pagtunog ay hindi ko na muling natiis. Titingnan ko sana ang cellphone ko para sana malaman kung anong oras pa nang maramdaman kong sa pangangapa ko ay biglang nalaglag ang phone ko sa sahig ng ikinamulat ko agad at gising ng aking diwa.
Napasinghap ako. "Anak ng tokwang!" agad akong napabalikwas ng bangon at tiningnan ang nalaglag na cellphone mula sa side table ko.
Napabuntong-hininga ako ng malalim habang napapahikab at kamot sa aking ulo.
"Ano ba 'yan... nasira pa!" inis na utas ko sa sarili sa aking kapabayaan habang hinahaplos ang phone at pinanunasan gamit pa ang suot ng aking damit.
Sobrang ingat ko ito tapos... I sighed.
Nakita ko ang lamat sa screen ng aking cellphone na ilang buwan ko pa lang nabili dahil sa napalalunan kong pageant sa isang mall kamakailan. Ilang taon rin akong naghangad na magka-cellphone ng maayos pero dahil hindi na nga sapat ang ginagastos sa pangangailangan, ang aking naiipon mula sa pageant ay pinangbili ko na lang na alam kong importante at araw-araw ko rin magagamit lalo na sa pag-aaral.
Si Kuya Premi lang kasi ang may cellphone sa aming magkakapatid gayong niregaluhan siya ni Nanay nung nag-graduate siyang Valedictorian nung highschool, talagang umutang pa siya sa kapitbahay namin para lang mabigyan ng magandang regalo ang Kuya ko.
At dahil wala naman akong achievement na nakukuha dahil hindi naman ako katalinuhang bata, gumaraduate ako ng hindi honor student, walang ibang nakuha karangalan kundi diploma at ganda lang yata ang naiambag... pero! masipag naman ako! pumapasok at hindi umaabsent!
Mula nun, hindi na rin ako umasa na may matatanggap akong handog nung araw na 'yon, dahil inaasahan ko namang wala akong matatanggap na regalo mula kay Nanay.
At totoo nga ang aking inasahan.
Balak pa ngang si Tatay ang magbili sa akin ngunit pinigilan ko na lamang, sayang naman at pandagdag rin sa gastusin dito sa bahay at pang bayad sa mga nagiging kautangan namin sa tindahan kapag ubos na ubos kami, dahil yun lamang ang aming takbuhan kadalasan, tsaka pagbibigay din ng pang baon sa aming magkakapatid araw-araw sa pang-eskwela, sa mga projects at kung anu-ano pa.
Bukod pa roon kapag tinatamaan kami ng sakit sa hindi inaasahan.
Pero nang tumuntong akong senior-high, masasabi kong ang inakala kong bagay na hindi na kailangan ng gadgets at libro lang ay sapat na, ngunit 'di ko inaasahan na kakailanganin ko rin pala. Kaya nagdesisyon akong bumili, nagtiyaga muna kahit paunti-unting ipon, bago ko makuha. Napabuntonghininga ako ng malalim sa isiping ito. Ang hirap talaga kapag nasa modernisasyong kasalukuyan. Lalong tumatagal, umaarte ang mga bagay-bagay. Sabayan pa ng mga taong paarte na rin ng paarte.
Kaya naman dahil sa pagpa-pageant ko madalas, dun ko nakukuha ang mga kinakailangan ko sa lahat. Madalas pa ay, hindi na ako humihingi sa aking mga magulang at kahit papaano ay nakakabili rin ako ng gusto ko na galing mismo sa aking pinaghirapan at hindi sa luho nila.
Grade 11 pero HRS (Hospitality and Restaurant Services) ang kinuha ko dahil balak kong mag HRM or kahit tourism pagtuntong ko ng college. Yes, undecided pa ako dahil marami akong option at hindi ko pa talaga ako kung alin ang mas gusto ko. Mas ahead si Kuya Premi sa akin ng isang taon kaya naman Grade 12 na siya ngayon, ibig sabihin lang non ay graduating na talaga siya at ilang buwan na lang ay magtatapos na at tuntuntong na siya sa kolehiyo. Ang kinuha naman niyang strand ay HUMMS (Humanities, Education, Social Sciences) na kadalasan ay sa matya-tiyaga at matatalino rin talaga ang kumukuha tulad niya.
Sabi niya sakin ay balak niyang mag abogado kapag siya ay tutuntong na sa kolehiyo. Suportado ko siya at lalong natutuwa ako sa pangarap niya. Habang si Chichi naman, ang aming bunsong kapatid, ay nasa ikadalawang baitang pa lamang.
At alam kong kaunti na lamang ay nakikita kong makakaraos rin kami at dadating ang araw ay sabay kami ni Kuya itataguyod ang aming pamilya.
Mabilis ang panahon.
Ganyan palagi ang iniisip ko sa tuwing may oras na napanghihinaan kami ng loob.
Mabilis ang panahon at makakaraos din.
Nang makalabas ako sa kwarto ay tulog pa ang lahat. Tumungo ako sa madilim na kusina at agad na binuksan ang ilaw. Agad naman akong nagsimulang magsaing ng kanin, pagkatapos non ay nagsimula na rin akong magwalis at maglinis muna ng aming bahay. Ten-thirty naman kasi ang pasok ko ngayong Martes, kumpara sa Kuya ko na Alas Siete lagi ang pasok tuwing umaga, mas maaga pa sa akin kaya hindi ko kailangang magmadali.
Inuubos ko ang oras ko sa paggawa at pagtulong dito sa bahay at pag-asikaso sa aking bunsong kapatid.
Matapos tingnan ang rice cooker, luto na ang kanin, agad kong kinuha ang Andoks na nabili ko kagabi mula sa ref, inalis ko ang plastic at kumuha ng lalagyan at nilagay doon ang laman, saka ko ipinatong sa ibabaw ng kanin upang mapainit. Sinimulan kong magpakulo ng tubig para hindi malamigan si Chichi, mabilis kasi siyang sipunin at ubuhin kapag nabibigla sa pagligo.
Nagtimpla na rin ako ng kape para lalong magising ang aking diwa at hindi antukin sa klase ko mamaya.
©piedraijada
Matapos kong magawa ang mga ilang gawain dito sa bahay, bumalik ako sa aking silid para kunin ang aking uniporme, pinuntahan ko rin ang silid ng aking Kuya na mukhang himbing pa sa pagtulog, nadidinig ko pa ang harok sa paghilik nito at agad na hinalungkat ang kaniyang simpleng tukador para plantsahin din ang uniporme nito na sinabay ko na rin sa akin at sa aking bunsong kapatid.
Nang makalabas na ako sa silid, saktong mag-aala singko y media na kaya naman bumalik ako sa silid para gisingin sina Kuya at ang aking bunsong kapatid para aking paliguan.
"Kuya, gising na! Tatanghaliin ka na!" sabay tapik ko sa braso nito ng ikinadaing lang nito at dapa sa kama.
"Ala singko na uy! Sige ka, baka ma-late ka niyan, finals niyo pa naman ngayon!" sabay palo ko sa puwet nito, hindi pa rin umiibo.
Kinuha ko ang kumot na nakatabon sa katawan nito at sinimulang itiklop sabay pagpag sa kama para maligpit ko na rin. Lalaki nga talaga siya, ang gulu-gulo ng mga gamit niya sa kwarto lalo na sa kama.
"Limang minuto lang, Prina. Antok pa 'ko eh. Ang balakatak talaga nyang boses mo..." anito sa antok na boses.
"Mawawala ang antok mo kapag naligo ka. Tumayo ka na at maligo! Ang baho mo na, ang baho-baho na rin ng silid mo!" sabay hampas ko ng unan sa kanya.
Maya-maya ay dahan-dahan itong bumangon habang kinukusot ang kaniyang mata, inuunat ang katawan, bumuntong-hininga ng malalim at humikab sabay kamot nito sa kaniyang ulo habang nakakunot nang sulyapan ako.
"Ang gwapo mo pero napaka dugyot mo, haynako! Sino ang papatol sayo?" naiiling ko siyang pinagmamasdan habang ang mga nagkalat niyang tubal ay pinulot at nilagay sa tabi para mamayang pag-uwi ko ay maglalaba ako.
"Ano ba naman yan... inaantok pa ako," inis na utas nito sa akin.
Napairap ako. "Yan kasi, nagpuyat ka kahit may binat pa. Bumangon ka na nga para makaligo at makapagsipilyo na rin. Ang baho ng hininga mo, naaamoy ko mula rito!" pang-asar ko sa kaniya ng ikinangiwi lang nito.
Kinuha nito ang kaniyang salamin at sinuot. "Ah ganon,"dahan-dahan itong lumapit saka ako inakbayan at hinila palapit.
"Kuya, ano ba!" sabay sapak ko sa kaniyang braso nang pilit nitong hinaharap ang mukha ko sa kaniyang mukha habang humihinga.
"Yan, langhapin mo ang hininga ng bagong gising!" saka ito huminga sa mukha ko kahit na nagpumiglas ako.
Hindi ko alam kung maiinis o matatawa ako pero mabuti na lang ay naitulak ko siya at agad akong tumakbo palayo.
"Dugyot mo talaga, Kuya!" reklamo ko.
"Ang arte mo!"
Nadinig ko lang ang pagtawa nito habang sumusunod palabas ng kwarto, habang ako naman ay pumunta sa silid at nakitang si Chichi ay nasa tapat na ng pinto at nakatayo, gulo ang buhok habang kinukusot ang kaniyang mata.
"Bagay din sayo maging singer, ang lakas talaga ng boses mo, Prina. Iba katalaga," pang-asar na pahabol pa ni Kuya.
Inirapan ko lang siya at inismiran na ikinatawa niya.
"Alam mo kung bakit? Full package na, makapal ang mukha, malakas pa ang boses. Idol talaga kita!" sabay tawa nito at hindi na lang siya ginantihan.
Ang korni niya talagang mag-joke. Minsan nga, kahit mag-joke siya, hindi ko ma-gets at hindi ako makatawa. Ganun talaga siguro ang matatalino, kakaiba mga joke nila. Mababaw rin ang kaligayahan.
"Ay si bunso si gising na..."sabay yukod ko at hinalikan ang noo nito. "Tara na, liligo na tayo bunso," anyaya ko saka inalis ang tali nito sa magulo nitong buhok.
Umiling-iling ito sa akin ng ikinatawa ko.
"Prina, ako muna ang maunang maligo bago si bunso, ah? Mas maaga ang pasok ko, eh," anito sabay nilagpasan ako.
Nakashirtless na ito at boxer habang may nakapatong na tuwalya sa kaniyang balikat habang nagmamadali ng pumasok sa banyo.
"Bilisan mo ah! Wag ng kukupad-kupad! Maaga din ang pasok ni bunso!"
He just put his tongue out while giving me a teasing look.
Ganun din ang ginawa ko at inirapan siya. Tinawanan niya lang ako. Buang talaga 'tong Kuya ko.
"Ano ba 'yan! Kay aga-aga ang ingay niyo nagsaing na ba kayo?!" irita ni Nanay na kalalabas lamang mula sa kwarto habang kasunod si Tatay.
Mga bagong gising at mukhang hindi maganda ang kanilang umaga base sa nakikita kong tamlay sa mukha ni Tatay na mukhang pagod, at si Nanay na namamaga ang mata sa iritadong mukha.
Napalunok naman ako."Gising na pala kayo, Nay. Nagluto na po ako ng umagahan. Gusto niyo bang 'pagtimpla ko kayo ng kape?" sabay tingin ko kay Tatay at tumango lang sa akin.
Tumungo muna sila sa sala na wari ko'y para manood ng balita.
"Ikaw Prina, paliguan mo na si Chichi baka mahuli na 'yan sa klase." utos ni Nanay sabay dinig ko ang pagbukas ng t.v.
"Opo Nay, pagkatapos ko pong mapainom siya ng gatas," tugon ko sabay dalo ko kaagad kay Chichi at binuhat.
Maya-maya lang ay natapos na rin si Kuya Premi sa pagligo at agad ko din isinunod si Chichi na gising na gising na ang diwa.
"Halika ka na Chichi, liligo na tayo," sabay hawak ko sa kaniyang maliit na kamay.
"Lamig," napanguso ito, kumunot ang noo, at umiling.
Agad kong kinurot ang pisngi nito at hinalik-halikan.
"Hindi pwede. Male-late ka bunso, halika na. Sige ka, mapapagalitan ka ni teacher niyan. Gusto mo bang hindi makapasok ngayon, ha?" panakot ko.
Siniguro ko namang nailagay ko na ang pinakulo kong tubig sa balde para hindi siya malamigan.
"Malamig, ate..." napabuntong-hininga ito at bagsak ang balikat ng tuluyan ng lumapit sa akin.
Masunurin kasi ito pagdating sa eskwela, madalas kasi, ako noon ang sumusundo at naghahatid kay Chichi sa eskwela kapag inuutusan ako ni Nanay sa tuwing may labada siya, eh ako, minsan ay may free time naman at malapit lang ang pinapasukan ko sa elementary school na pinapasukan ni Chichi, napupuntahan ko siya. At minsan sa pag-iintay ko, nakikita ko ang asta niya sa eskwelahan.
Napakataba nito at namimilog ang mukha sa kakyutan, sa aming tatlong magkakapatid, si Chichi ang pinaka maputi, siya ay grade two pa lamang kaya naman ganito siya mag-umasta, hindi pa kayang maasikaso ang sarili kaya naman bukod kay Nanay, ako ang madalas mag-asikaso kay Chichi sa tuwing papasok siya sa eskwela araw-araw.
"Hindi po malamig ang tubig. Nagpakulo po si Ate kaya tara na, wag matigas ang ulo," ani ko sa malambing kong boses.
Bagay na matagal ko ng pinagtitiisan, makulit ang mga bata kaya hindi dapat pinapagalitan ng husto at baka lalong magpumiglas. May pagkamatigas kasi ang ulo ng bunso kong kapatid, pero kalaunan ay napaligo ko na rin.
Matapos kong mapaliguan si Chichi ay agad kong isinuot ang kaniyang uniporme na plantsado ko na, nagsimulang ayusan sa buhok at inipitan, nilagyan ng tuwalya sa likod at baka sakaling pagpawisan ay hindi siya matuyuan at magkasakit. Habang pinapakain ko si Chichi, nauna na si Kuya na nasa banyo ulit, nadidinig kong nagsisipilyo.
Mukhang madaling-madali na rin. Malapit na kasi mag 6:30, maglalakad pa siya para maghanap ng jeep na masasakyan papunta sa school niya.
"Ewan ko sayo, Primo! May exam ang anak mo, sa tingin mo ba'y kakasya ang one hundred pesos na ibabaon mo kay Premi, ah? Akala ko ba nakautang ka kay Aling Gina? Lintek naman oh, umagang-umaga pinapasakit mo na naman ang ulo ko." iritatableng dada ni Nanay kay Tatay.
Umagang-umaga ay hindi na maganda ang kaniyang gising. Ano pa bang bago? Halos araw-araw naman... ganito.
Nadidinig kong nagtatalo na naman sila ni Tatay pagdating sa pera. Ang alam ko kasi sa bawat nakukuha ni Tatay sa pamamasada ay halos wala ng matira dahil sa baon kami sa utang sa mga tindahan at kakilala dahil sa pagbabayad, marami ng naniningil sa tagal ng hindi mabayaran, minsan pa'y nasusugod pa kami ng ilan sa kanilang kainipan. Lalo na kapag madalas nagkakasakit ang mga kapatid ko at walang pambiling gamot.
"Emma, alam mo namang may utang pa tayo kila Gina, hindi pa nga natin nababayaran nung nakaraang buwan na utang natin tapos uutang na naman tayo." kalmadong paliwanag ni Tatay.
Napabuntong-hininga ako ng malalim. Agad ko naman pinatapos si Chichi sa pagkain. Bumalik ako sa aking silid para kunin ang pera. Inabutan ko din si Chichi gayong maalam na naman itong bumili ng kakainin.
"Wow! Ang dami naman nitong baon ko, Ate!" natutuwang ani sa matinis na boses ni Chichi habang natutuwang tinanggap ang perang inabot ko na fifty pesos.
Masaya at malaki ang kaniyang ngiti kahit na bungi habang nakatingala ito sa akin.
Napangiti ako nang itap ko ang kaniyang ulo. "Basta wag kang bili ng bili na hindi pwede sayo, ah? Bawal sayo ang chichirya. Bumili ka ng mga nakakabusog at healty na pagkain, okay? Sasabihin ko kay Tiya Ana na abutan ka ng bananacue, yun ang ire-recess mo mamaya,"
Agad naman ito tumango habang nangingiti. Paborito niya kasi yun. Nakita kong nilagay agad nito ang pera sa kaniyang maliit na wallet sabay lagay sa kaniyang bag.
"Opo, Ate! Thank you!" tumango ako sabay suot ko sa kaniya ang kaniyang I.D.
"Oh, anong gusto mong gawin ko, Primo? Ako na naman ang mangungutang? Eh hindi pa nga ako nasuswelduhan nung huli kong labada dahil sa kabilang linggo pa ako mabayayaran. Pambihira naman! Hindi lang iisa ang anak natin na papasok ngayong araw, sina Chichi pa! Bakit naman ngayon pang umagang ura-urada kung kailan papasok na ang mga bata?"
Dinig kong napabuntong-hininga si Tatay. "Huwag kang mag-alala. Hahanap ako ng paraan. Baka makautang pa ako sa ilang kumpare ko. Dadaanan ko ngayon,"
Napakagat naman ako sa ibabang labi ko. Nang papunta ako sa sala para sana magsalita ay nadinig ko si Nanay.
"Ay sya, kung ganon, palibanin na muna si Prina ngayong araw. Bukas na lang siya pumasok—"
"A-Ah, Nay..." untag ko agad.
"Oh, ano?" nakakunot na baling sa akin ni Nanay. "Naasikaso mo na ba si Chichi?" tumango naman ako bilang tugon. Bumaling ulit siya kay Tatay. "Ikaw na ang maghatid kay bunso."
Napalunok naman ako ng napakamot sa ulo si Tatay habang nakatingin sa akin.
"Bakit palilibanin si Prina, eh may pasok din yan at baka may mahalagang gagawin? Emma naman, sa isang linggo kung hindi dalawa, nakakatatlong beses na liban si Prina. Nahuhuli na siya sa klase." si Tatay habang nag-aalinlangan ang itsurang nakatingin sa akin.
"Eh anong gusto mong gawin ko? Yung panganay mo ang palibanin ko? At anong mahalagang gagawin? Mas mahalaga ang gagawin ni Premi at may exam yun ngayon. Tutal yung kay Prina ay klase lang naman ang meron siya at wala naman siyang exam kaya mas mabuti pang—"
"Ah, Nay, hindi niyo na po kailangan mangutang at hindi po ako liliban. May nakatabi pa po akong pera. Eto nga po pala yung perang-"
"Isa ka pa, Prina! Saan mo ba pinagkukuha ang mga pera mo? Baka umuutang ka ng hindi namin nalalaman, ha? Matumal na nga sinusweldo ng ama mo sa pamamasada, uutang ka pa! Ang Kuya Premi mo wala pang baon na maibigay sa kaniya, dadagdag ka pang bata ka! Jusko! Primo! Ang tigas talaga ng ulo n'yang anak mo!" anito saka napahilamos sa mukha.
"Emma—"
"Lagi kasing kinukunsinte! Haynako! Mag-aama nga kayo!"
Napabuntong-hininga ako ng malalim. "A-Ah, Nay. Hindi ko po ito inutang. Ito po yung napalanunan ko kagabi sa pageant." Lalong bumalat ang sama ng tingin niya sa akin na ikinalunok ko. "N-Nanalo po pala akong Miss Cebu kaya nakuha ko yung price," sabay tipid na ngiti ko at abot ng pera sa kaniya habang nakikita ko ang unti-unti nitong pagbabago lalo ng ekspresyon na alam ko.
"Aba, anak! Talaga ba? Ang galing naman ng anak ko! Ang ganda-ganda kasi! Proud ako sayo!" natutuwang ani ni Tatay.
Kabaligtaran naman ang reaksiyon ni Nanay na wala man lang naitugon. Nakakunot lang ang noo kay Tatay.
"Nay, Tay, papasok na po ako," bungad at paalam agad ni Kuya, senyales na para mabigyan na ng baon nang makalapit siya sa amin.
"Oh anak, ito na lahat ng baon mo," sabay abot agad ni Nanay na perang inabot ko.
Napakunot si Kuya habang nakaparte ang kaniyang labi.
"Oh? Ang dami naman po nito, Nay. Baka wala ng maibaon si Prina. Kahit kalahati na lang po--"
"Kunin mo na anak." sabay abot lahat ni Nanay na pera na basta na lamang kinuha sa kamay ko ng mabilis habang marahang hinahawakan ni Nanay ang kamay ni Kuya. "Hindi ba't sabi mo na may project ka pang bibilhin at ilang aambagin sa mga kaklase mo? Pamasahe at pagkain mo pa at baka magutom ka. Gamitin mo 'yan sa lahat ng gagastusin mo ngayong araw. Huwag mo kaming alalahanin." kalmado't malambing na boses sabay ngiti niya kay Kuya Premi habang hinawi nito ang gulong buhok at inayos ang kwelyo niya.
Napasulyap sa akin si Nanay. Agad naman nag-iba ang timpla ng itsura nito.
Napapalunok na lamang ako.
"Sigurado naman na may naitatago pa at naibukod si Prina para sa sarili niya bago ibigay itong pera," agad na nagparte ang labi ko at napakamot sa batok.
Shuta...
"S-Sigurado ka ba, Prina?" nag-aalalang tanong ni Kuya sa akin. "Sayo na itong kalahati—"
Umiling agad ako sa kaniya at tipid na napangiti. Sa totoo lang ay perang lahat-lahat yun na napalalunan ko kagabi, nabawasan ko na rin nung nagbigay ako ng baon kay Chichi kanina. Dyan ko rin nabawasan ang pang-ulam namin ngayong umaga na binili ko pa kagabi. Ganun din dahil binigyan ko rin sina Ate Barbs at Kakay. Pero dahil nga sa sinabi ni Nanay na marami si Kuyang pagkakagastusan ay marapat lang na makuha niya ang lahat.
Kahit na wala ng matira sa akin.
"Hindi, sige na, Kuya. N-Naibukod ko na naman yung pangbaon ko ngayong araw," sabay kamot ko sa batok ko.
Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko upang hindi ko na mabawi ang aking sinabi.
"Sigurado ka?" naniningkit na mata nito na parang hindi naniniwala sa sinasabi ko.
Tumango ako at pilit na ngumiti nang maramdaman kong nakataas ang kilay sa akin ni Nanay.
"Oo... meron. Sige na, Baka ma-late ka na sa exams mo. Goodluck, ah?" paalala ko.
Ngumiti naman siya sa akin at tumango.
Binigay ko na lahat dahil alam kong mas mangangailangan ang Kuya ko kaysa sa akin. Graduating na siya, samantalang ako ay hindi pa naman ganun kaluho ang mga pangangailangan at isa pa, magastos talaga dahil may thesis na inaatupag si Kuya at madalas ay nag-aambagan pa. Wala rin naman akong pagkakagastusan ngayong araw bukod lamang sa ipangkakain ko buong maghapon at pamasahe.
Depende na lang kung may lab kaming gagawin, ngunit mabuti na lamang ay wala, puro mga lecture lang ang mga mangyayari.
"Salamat talaga, Prina," sabay ngiti niya bago umalis at nagpaalam sa pamamadaling pananaboy ni Nanay at baka mahuli na ito sa oras ng exam.
Maya-maya lang ay nagpaalam na rin si Tatay kasama si Chichi para ihatid sa eskwela sakay sa tricycle at para na rin magsimulang mamasada ng maaga matapos nilang mag-almusal.
Katatapos ko lang maligo ay agad akong naggayak sa sarili sabay diretso sa kusina para maghanda ng kumain. Abala ako sa pag-inom ng tubig nang may biglang sumapok sa ulo ko.
"Aray!" agad na inda ko sabay himas ko sa sakit naramdaman ko.
Pagkalingon ko ay agad na si Nanay na nanlilisik ang matang nakatingin sa akin.
Nagparte ang labi ko. "N-Nay-"
"Hanggang kailan mo ba gagawin ito, Prina? Hanggang kailan mo ako susuwayin? Akala mo ba mapapalampas ko ang ginawa mo kagabi na hindi ka na naman maagang umuwi sa bahay!?" asik niya sa akin.
Ilang beses akong napakurap sa mabilis na pamumuo ng luha sa mata ko. "Eh kasi po biglaan lang yung pagpunta k-ko—" magsasalita pa sana ako ng pasimple nitong tinulak ang mukha ko gamit ang kanyang kamay dahilan ng pagkaatras ko.
"Oh, ano? Paulit-ulit na lang! Hindi ka pa nagpapalaam! Puro ka lakwatsa imbes na umuwi ng maaga para mag-aral! Ano bang gusto mong gawin sa buhay mo? Kailan ka ba magbabago? Kahit kailan pasaway ka! Hindi ka marunong makinig sa mga sinasabi ko!"
Mabigat at napabuntong-hininga ako ng malalim.
Mabilis na huminga ako ng malalim para pigilan ang nagbabadyang emosyon sa bigat ng nararamdaman na gustong kumuwala. Kasabay ng panunubig at pamamahapdi ng aking mata ay aking ininda.
Agad ako napatingala at wala ng salitang naibulalas. Dahil alam kong kahit magsalita ako ay hinding-hindi niya mapapakinggan ang paliwanag ko. Tila sarado ang isip at tainga, at kahit siguro ang mata niya ay malabo pagdating sa akin. Puro sigaw at masasakit lang na salita ang matatanggap ko.
"Kahit na! Hanggang kailan ka ba magtatanda kang bata ka? Diyos ko, Prina! Hindi ka marunong mag-isip! Gamitin mo naman ang utak mo! Kahit minsan lang, Prina! Kahit minsan lang! Wag mong araw-arawin ang pagiging bobo!"
Naluluha ang matang agad ako napasubo ng maraming kanin at agad na lumunok upang mapigilan ang aking paghikbi. Masyadong maalat ang kanin dahil toyo lang ang inulam ko, naubusan na kasi ako ng ulam at nakain pa ng pusa namin ang kakarampot na manok na natira kanina.
Pinunasan ko ang namatak na mainit na luha sa aking pisngi dahilan na maramdaman ang pagkapaso nito. Gamit ang aking palad habang ngumuguya sa paulit-ulit na aking nararamdaman sa tuwing ginagawa ko ang bagay na gusto ko, huminga ako ng malalim at umastang parang wala lang nangyari.
Natulala sa kawalan habang sumusubo ng aking umagahan. Sa bawat lunok ko, ang sakit na aking nararamdaman sa pamimigat ng aking dibdib ay natutubunan, dahil sa bawat salitang natatanggap ko sa Nanay ko ay inilulunok ko na lamang.
Oo. Tama si Nanay, matigas nga talaga ang ulo ko.
Ito lang naman ang pangarap ko, eh. Bukod sa mga titulo at pagkapanalo sa mga sinasalihan kong pageant, gusto kong patunayan na may silbi rin ako sa bahay... kahit papaano. Na kahit ang turing niya sa akin ay bobo... gusto kong ipakita na may silbi rin ako. Na nakakatulong rin ako sa aming pangangailangan.
Kaya bakit?
Hanggang kailan ba ito makikita at maiintindihan ni Nanay?
P I E D R A I J A D A
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro