Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

PHASE 16


Napabuntong-hininga ako ng malalim ng masiguro kong tapos na ang mga gawain ko dito sa bahay. Ako lamang natira sa bahay dahil si Nanay at Tatay, naroon pa sa ospital. Nakapagtataka nga at hands-on sila Nanay sa pag-aalaga kay Chichi at talagang hindi muna sila nagtrabaho magmula kahapon nang masugod na naman sa ospital ang kapatid ko.

Pinauwi rin ako ni Nanay at sinabi niyang siya na lang raw magbabantay kay Chichi nung dinalhan ko lang sila ng pagkain at damit nila kahapon. Doon na talaga sila nagpaabot ng gabi at natulog. Hindi talaga sila umuwi sa bahay nung araw na 'yon.

Tila natatakot itong mawalay sa kanyang paningin kaya isa itong palaisipan din sa akin. Maging si Tatay ay ganun rin. Halos parehas silang hindi hinahayaang iwan si Chichi. Nagsimula na naman kaming mangutang dahil nga walang-wala na naman kami.

Si Kuya naman nasa school na, kanina nga pinipilit namin papasukin dahil sobra rin siyang nag-aalala sa kapatid namin. Mabuti at hindi siya tuluyang lumiban dahil alam kong mahihirapan siya. Halos ipilit kong pumasok na at sinabi kong pagkatapos na lang siya ng klase dumalaw. May klase pa rin siya ngayong buwan, second sem na rin nila bilang first year college. Mas maaga lang kaming nagkabakasyon matapos ng graduation dahil ang pasok ko naman noon ay buwan ng Hunyo. So ayun nga, ayaw naming nadi-distract siya sa pag-aaral kaya naman pinanatag namin ang loob niya na kaya namin ito, para hindi siya lalong mag-alala at makaliban sa klase. Ang hirap rin kasi ng aralin niya, mabuti nga at napaka tiyaga niya sa course niya, at kung nasa posisyon niya ako baka ikabaliw ko na.

Kasalukuyan akong naghahanda sa Tupperware ng pagkain upang idala kina Nanay. Alam kong gutom na rin sila dahil sa pagod at puyat na nadadanas nila sa pagbabantay kay Chichi, dati ako madalas nagbabantay ngunit hindi na tulad noong magdamag. Kapag umaalis sila Nanay para magdilihensya, o kaya umuwi saglit sa bahay ay sa ospital agad sila didiresto.

Sa ngayon.. hindi ko pa rin talaga alam kung ano ba talaga kalagayan ni Chichi. Nagtataka nga ako kung bakit hindi pa rin sa amin ito sinasabi nila Nanay magmula ng kinausap sila ng Doktor.

Hindi ko maiwasang mag-alala ng husto sa kapatid ko. Napapadalas na kasing kapitan siya ng sakit. Medyo mahina kasi ang resistensya nito at hindi ganun katakaw kumain dahil may pagkapihikan ang batang 'yon sa pagkain, maraming bawal na pagkain sa kanya dahil minsan inaatake rin siya ng allergy niya. Aware din naman kami na inaatake siya ng asthma, lalo na kapag sobrang nagpapagod ito sa paglalaro, lalo na sa sobrang paglalabas ng emosyon kapag ito ay umaatungal ng iyak at kahit na sobrang saya. Aware kami na may kakaiba sa puso niya... at aminado kaming napagsawalambahala namin ito.

Akala namin ay simple lamang ito at normal. Na maaaring matanggal din kalaunan ngunit hindi pala basta-basta iyon nawawala.

Nakakalimutan namin ang lagay niya dahil bibong bata talaga ang aming bunsong kapatid. Siya lang yung nagbibigay ng aliw sa aming pamilya. Napaka lambing at napaka masunurin. Siya rin ang dahilan kung bakit sa bawat nakakaramdam kami ng pagod sa aming ginagawa ay dagling natatanggal. Na kahit nababalot kami ng kadiliman sa aming pinagdadaanan, nandiyan siya... siya yung nagsisilbing matingkad sa magulo at madagim naming buhay.

Namimiss ko na rin ang masayahin niyang mukha, mahilig din kasi ito tumawa. Mabilis siyang sumaya kahit sa maliit na bagay. Madalas rin kami maglaro noon, sinusuotan ko siya ng mga damit na ginagamit ko sa pageant noon at aayusan ang mukha, tapos ilalagay ko ang inuuwi kong korona dahil yun ang gusto niya, magmukha siyang prinsesa. Pero hindi ko alam na sa pagiging masayahin niyang mukha ay sa loob-loob nito ay may iniinda palang karamdaman. Napakabata at napakabait ni Chichi para bigyan siya ng mga karamdaman.

Hindi ko alam kung bakit ganito ang mga nangyayari sa kapatid ko. Kwento ni Nanay ay nagluluto lang daw siya ng tanghalian nang makita niya si Chichi, hindi pa bumabangon sa kwarto. Hanggang sa nadatnan na lang raw niya itong umiiyak habang sapo ang dibdib, hinahabol ang paghinga habang tumatawag ng 'Nanay'. Masakit raw ang puso niya.

Hindi naman siya madalas atakihin ng asthma pero kapag nasusumpungan ay grabe talaga ang epekto nito sa batang-batang katawan niya.

Minsan nga iniisip ko... bakit kaya hindi na lang ako? Tutal, hindi naman ako mabuti sa mundong 'to.

Sinungaling ako. Matigas ang ulo. At hindi matalino.

Kaya bakit sa kapatid ko pa nangyari ito? Sa kapatid ko na walang kamuwang-muwang? Diyos ko... ano pa ba? Ano pa ba mga dadanasin ng pamilya namin? Kailan ba giginhawa ang buhay namin? Ginagawa naman namin ang lahat para makaahon, pero bakit parang walang nangyayari? Parang 'di makausad. Bakit parang lalong lumalala ang sitwasyon namin ngayon?

Karma ko ba ito? Sa pagtanggap ko ng pera sa taong 'yon? Pero hindi ko naman tinanggap 'yon! Nagamit lang dahil... wala kaming choice dahil nakita ni Nanay! At alam kong may kasalanan rin ako kasi hanggang ngayon, sinungaling pa rin ako. At hinayaan ko. Mas pinili ko muna ilunok ang pride ko kaysa pagmasdan sila na nahihirapan. Pero sinisigurado ko na hanggang dito na lang ito. Hindi na mauulit pa at aayusin ko na ang pagdedesisyon sa buhay ko. Pipilitin kong maging tama lang lahat.

"Nay, nagdala nga pala ako ng pagkain. Mabuti pa kumain na kayo, teka, nasaan ho pala si Tatay?" tanong ko habang nilalapag ang mga pagkain sa maliit na mesa.

Nakatulala lang si Nanay sa bunsong kapatid namin. Sabi niya ay gising raw ito at mukhang maayos naman, ngunit nang napakain na ng pananghalian ay agad rin nakatulog, siguro dala sa kabusugan. Nanghinayang naman ako at hindi ko man lang nakausap si Chi-chi.

"Nasa labas lang. Mamaya darating na 'yon." sagot niya ng hindi ako tinitingnan.

"Kumain na kayo habang mainit pa itong luto ko." anyaya ko.

"Mamaya na. Hihintayin ko muna ang Tatay mo, sabay kaming kakain." malamig na sagot niya.

Tipid akong napangiti at naupo rin sa gilid. Halos balutin kami ng katahimikan at tanging tunog lang ng aircon ang nadidinig ko. Sa kaalamang dito sa private room naka confine si Chichi, alam kong hindi biro ang halagang magagastos rito. Hindi pa ulit ako nakakapangutang kina Ate Barbs at Kakay. Pero hindi ko naman alam kung makakapangutang pa ba ako gayong hindi ko pa nababayaran ang huling utang ko sa kanila.

Hindi naman sa, hindi sila nagpapautang kapag may utang ka pa. Para kasi sakin, nakakahiya na. Mas mabuti siguro magbayad muna ako bago mangutang ulit para naman makaulit ako sa kanila.

Naisip ko rin kung maghanap na lang muna kaya ako ng trabaho? Tutal eh bakasyon ko pa naman, sa August pa ang pasukan namin, nalaman ko lang nung magpunta muli ako sa University na sana papasukan ko kanina. Nakapag-asikaso na rin naman ako para magpasa ng scholarship sa CHED. Nawa'y matanggap nga lang ako dahil ang dami namin, nag-try rin ako magpasa sa may munisipyo, nagbabakasakali. At syempre, sa ibang Mayor mismo na rin.

Tatlong buwan. Sa loob ng tatlong buwan, naisip ko na maghanap ng mapagtatrabahuhan nang sa gayon ay makatulong ako kina Tatay sa pagbabayad ng hospital bill kay Chichi. Alam kong magagawa ko na ang magtrabaho muna dahil hindi mahahati ang oras ko sa maraming bagay. At kung may raket man, pipilitin ko pa ring kunin para pang dagdag kahit na pageant pa 'yan. Sa sideline ni Ate Barbs? Hindi ko alam kung makakabalik pa ba ako kasi ilang linggo na ako hindi nakakadalo. Nauunawaan rin naman 'yon ni Ate Barbs dahil nga sa nangyayari sa kalagayan ng kapatid ko.

Hindi ko rin kasi alam kung... nakautang ba sila Tatay sa mga kakilala niya. Mas mainam na rin yung mag-work muna talaga ako para hindi laging utang na lang utang. Na yung mga binabayad namin, kahit na kinakain namin halos galing na lang puro sa utang. Ayoko na non kasi alam kong mahihirapan lang lalo kami kapag kami ay tuluyang nabaon sa utang. Tsaka, para na rin hindi kuba si Nanay kakalabada kung kani-kanino gayong hindi naman sapat ang nababayad sa kanya.

Siguro bukas, maghahanap na ako ng maayos na trabaho na kahit papaano sapat yung magiging sahod ko sa lingguhan o buwanan.

Sa totoo lang awang-awa na ako kay Nanay habang pinagmamasdan ko siyang nakatalikod. Napansin ko ring lalong namamayat ang pangangatawan nito. Maging ang mga kamay niya ay halatang may mga paknit-balat dahil sa tapang ng baretang sabon na gamit niya kapag naglalaba siya, kaya naman halatang gaspang tingnan ito, may mga maliliit na sugat-sugat rin dahil siguro sa pagkukuskos ng mga damit na hindi naman amin. Ganun si Nanay kapulido sa kanyang labadang trabaho.

Hindi siya tulad ng ibang ginang na nagpapalinis at nagpapakulay ng kuko. Mabubura rin naman daw kasi kapag naglaba siya. Pero para sa akin, pinaka maganda pa rin ang kamay niya.

Hindi ko na alam kung anong masasabi kong pampalubag sa loob niya. Kasi alam kong isa lang ang kagustuhan niya.. katahimikan. Katahimikan ang sandaling pahinga niya. Ngunit hindi ako nakakasigurado kasi kahit alam kong tahimik siya, pagod naman ang utak niya. Kakaisip sa aming mga problema kung paano malalagpasan at na mga dapat solusyunan.

"Emma." sabay kaming nalingon ni Nanay sa pinto ng bumulaga sa amin si Tatay at si Kuya papasok rito sa loob.

Napatayo naman ako habang si Nanay naman ay nanatiling nakaupo, na agad naman dinaluhan ni Tatay. Agad naman akong dumalo kay Kuya at napakunot sa kanya. Bakit parang ang aga naman niyang nakauwi? Wala na ba siyang klase?

"Kuya, bakit ang aga mo naman yatang napunta rito? Akala ko ba hanggang hapon ang klase mo?"

Dinig kong napabuntong-hininga ito habang natutok ang mata nito kay Chichi.

"Kuya..." untag ko pa ulit dahil hindi ako nito sinasagot.

"Ha? Ah o-oo. Hanggang hapon ang klase ko sa isa naming Major, Prina. Eh mabuti nga at ginawang half-day ng prof namin dahil nagkataon na may mahalaga raw siyang pupuntahan."

Agad naman ako nakahinga ng maluwag at tumango sa kanya. Akala ko naman kasi nag-cut na siya ng klase. At kung gagawin man niya yon, magugulat talaga ako kasi hindi naman niya gawain yon.

"Kamusta si Chichi?" tanong niya.

"Nung dumating ako kakaidlip, lang niya sabi ni Nanay. Siguro mamaya gigising na din siya."

Dahan-dahan naman siyang napatango.

©piedraijada

"Ano, naka bale ka ba sa mga kumpare mo, Primo?" dinig kong tanong ni Nanay na ikinalingon namin parehas ni Kuya.

Napapikit ng mariin si Tatay habang nagkakamot sa ulo. Mukhang iritado dahil napamura ito ng malutong.

"Hindi nga, eh. Hindi ko na alam kung saan tayo mangungutang, Emma. Yung mga inuutangan natin noon, hindi na nagpapautang sa atin ngayon dahil hindi raw tayo ng nagbabayad ng ayos."

"Anong hindi nagbabayad!?" napatayo si Nanay. "N-Nagbabayad din naman tayo, ah! Hindi nga lang agad-agad!"

"Wala akong magagawa. Nangungutang lang tayo Emma, sila ang nagpapautang. Wala tayong karapatang magreklamo."

Napahilamos sa mukha gamit ang sariling palad si Nanay. "Eh paano na iyan? Hindi naman natin sila tatakasan. Diyos ko naman... p-paano na? Saan na tayo uutang? Eh halos nga sa paglalabada ko, kakarampot lang nakukuha ko, eh sa pamamasada mo pa kaya? Tingin mo, kaya natin makuha 'yon kung ganito lang kinikita natin?! Alam mo namang hindi pa pwedeng agad na makalabas si Chichi dahil sa k-kalagayan niya..." sa pagiging irita sa pagsasalita ay napiyok si Nanay sa huli. Nakitaan ko na bumalatay na sakit sa kanyang mukha dahilan na matigilan kami ni Kuya.

"Primo, alam mo yan..."

"E-Emma, alam ko. Maging ako hindi ko na alam. Wala na akong kilalang mautangan. Eh kung tawagan kaya natin ang magulang mo para—"

"Naku tigil-tigilan mo 'ko dyan, Primo! Huwag na huwag mong babanggitin sa akin iyan! Alam mong matagal na nila akong itinakwil magmula nung nagtanan tayo! Wala tayong maasahan sa kanila!" agad na kastigo ni Nanay habang umiiling.

Sa wari ko ay tinutukoy ni Nanay ay ang mga magulang niya. Ang lolo at lola namin na hindi pa namin nakikita simula't-sapul mula nang pinanganak kami. Sabi kasi ni Tatay ay may 'kaya' naman daw ang pamilya ni Nanay. Hindi tulad sa side ni Tatay, nakasama naman namin nung bata pa kami pero yun nga... sa katandaan na ay parehas pumanaw na.

"Hanggang ngayon ba naman masama pa rin loob mo sa kanila? Magbabakasakali lang naman tayo—"

"Nakalimutan mo ba yung una tayong nanghingi ng tulong kila Mama!?" may hinanakit na tanong ni Nanay kay Tatay." Unang kapanganakan ko kay Premi, ni piso wala silang ibinigay! Kasi hindi nila tanggap! Kaya wag na wag mo ng iuulit sakin 'yan dahil matagal na akong walang pamilya! K-Kayo na lang meron ako... kayo na lang!" napaupo si Nanay at tuluyang naluha.

Parang napipiga ang puso ko habang nakikita ko ang nangyayari sa sitwasyon ng aming pamilya. Bakit ba... napakahirap ng pera pagdating para samin?

"Emma... gagawan natin ito ng paraan. Wag ka mag-alala. Ilang beses na tayo nagkakaroon ng problema, nasosolusyunan naman natin, ah. Tayo pa ba?" agad siyang dinaluhan ni Tatay at niyakap kasabay ng pagtapik nito sa balikat ni Nanay.

Nasasaktan ako at naaawa ako sa kalagayan namin.

"Diyos ko... pero iba ito. Iba ito sa mga napagdaanan natin. Alam mo 'yan. Bakit ba laging nangyayari ito sa buhay natin? Hindi na tayo mawalan ng p-problema, Primo. Karma ba ito sa mga naging desisyon natin noon?"

"At hindi ko 'yon pinagsisisihan, Emma. Makakaahon rin tayo." pagpapagaan agad ng loob ni Tatay kay Nanay.

Agad naman siya pinatahan ni Tatay. Halos makita ko ring manubig ang mata ni Tatay ngunit pinipigilan lang nito.

"Makakaahon rin tayo. Kaya nga nag-aaral ng mabuti mga anak natin dahil alam kong balang araw, makakaahon tayong lahat. May mga pangarap rin sila sa atin. Magtutulungan tayo." dagdag pa ni Tatay.

"Oo nga, Nay. Kaunti na lang, matatapos na rin ako..." tugon din ni Kuya upang gumaan pa lalo kahit papaano ang kalooban ni Nanay.

Naluluhang napangiti ako. "Tama! Magtatalungan tayo. Magagawan natin ito ng paraan. Sya nga pala, Nay, Tay, Kuya..." halos isa-isa ko silang tiningnan dahilan ng pagbaling nila sa akin. "...gusto ko lang ibalita sa inyo na nakapasa ako sa University na papasukan ko. Makakapag college ako!" natutuwang balita ko.

Halos parehas ng reaksyon sila Tatay at Kuya na nagulat. Si Nanay naman ay natigilan sa pag-iyak.

"Anong sabi mo?" seryosong tanong ni Nanay habang nakapukol sa akin ng tingin.

Lalo akong napangiti dahil alam kong matutuwa siya. "Isa po ako sa mga nakapasa, nakita ko sa list yung pangalan ko, Nay. Scholarship na lang iniintay ko para wala na kayong poproblemahin sa akin kapag nag-kolehiyo na ako." paliwanag ko.

Tama. Nakapasa nga ako, nung makita ko kasi kanina ang website nila para tingnan ang resulta, hindi ako makapaniwalang napabilang ako. Kasi ang ine-expect ko talaga ay hindi ako makakapasok dahil bihira lang makapasok sa ganong University lalo na't public ito. Ang plano ko kasi, kung hindi man ako mapabilang dun sa una kong sinubukan, magbabalak naman ako sa ibang State University. Hindi ako titigil kung hanggan saan ako matanggap.

Pero dahil nga natanggap agad ako... labis naman ang tuwa ko. Pakiramdam ko hawak ko na magiging kapalaran ko... namin dahil alam kong magiging maayos din kinabukasan namin. Tila nag-fast forward lahat ang mga plano ko sa pangarap ko. Sa amin. Kaunti na lang.

"T'saka, kung nag-aalala po kayo sa magiging allowance ko, wag po kayong mag-alala, tuloy pa rin po ako sa pagpa-partime. Kukuha na lang rin po ako ng murang makukuhanan ng dormitoryo para po hindi po ganun kalaki mababawas na pera na ibinabaon ko sa araw-araw dahil mas magastos kung palaging babyahe pa ako. Wag kayong mag-alala, padadalhan ko rin kayo sa tuwing sasahod ako. Dodoble pa ho iyon kapag natanggap ako sa scholarship, may ibinibigay sila tuwing natatapos ang semestre. Dagdag gastusin niyo na rin dito sa bahay." natutuwa ko pang paliwanag. Sa sabik na nararamdaman ay napadami tuloy ang sinasabi ko. Hindi lang ako makapaghintay.

Ilang minuto akong tinitigan ni Nanay bago siya muli magsalita.

"Hindi ka papasok." simple niyang sagot ay parang nagyanig ang mundo ko.

Nanuyot ang lalamunan ko. Ang aking ngiti ay unti-unting nawala. Agad siyang tumalikod sa akin at dinaluhan na lang ang natutulog na si Chichi na parang walang nangyari. Hindi ko na halos mapansin ang mga presensya nila Tatay at Kuya dahil nakatuon lang ang mata kong nagtataka kay Nanay.

"A-Ano, Nay?"

Bayolente siyang napabuntong-hininga bago muling lumingon sa akin.

"Narinig mo ako, 'diba? Ang sabi ko hindi ka papasok! Titigil ka muna, Prina."

"A-Ano, ho?" kahit na pakinig ko ay halos mabingi pa rin ako.

"Titigil ka muna. Mas mabuti pang huwag ka na munang magkolehiyo sa taong ito at magpatuloy ka muna sa iyong trabaho..." napaiwas siya sakin ng tingin nang ikinakunot-noo ko. "Hindi ba't sabi mo nagmomodelo ka? Tutal at medyo malaki naman ang iyong kinikita doon, edi yun na muna ang atupagin mo ngayon. Sa kabilang taon ka na lang mag-aral."

"P-Pero, Nay..." halos manginig ang aking labi. Mahihimigan ang pagkadisgusto sa suhestiyon niya para sa akin. Muntik ko na ring sabihin ang totoo ngunit mabuti na lang ay nakagat ko ang labi ko.

T'saka, bakit napakadali lang sa kanya na huwag muna ako mag-aral? Samantalang noon si Kuya... gumagawa at gumagawa siya ng paraan para lang makapagkolehiyo at hindi mapag-iwanan. Pero bakit pagdating sa'kin...

Agad na bumalot ang sama ng loob ko sa puso ko. Hindi ko maiwasang magtampo.

"Mainam na rin 'yon. Para naman 'di tayo mamomroblema sa mga gastusin." anito na parang ang simple lang sa kanyang sabihin 'yon samantalang sa dating ko, ay parang unti-unting nadudurog ang puso ko.

Ang pangarap ko.

Halos hindi ako makapagsalita agad. Hindi ko matanggap. Na titigil ako na ganun na lang. Nagtiyaga ako para lang makapasa. Inasikaso ko, planado ko. Bumawi rin ako katulad ng gusto niya, pero ngayon, gusto niyang tumigil ako na ganun-ganun na lang?

Napapikit ako ng mariin at sa pagpikit ko ay lumandas ang mainit na luha ko. "P-Pero..." napapasinghap, umiling-iling ako. "gusto ko pong pumasok. Ayoko... ayoko pong tumigil! Ayoko pong mapag-iwanan, Nay."

"Naririnig mo ba ang sinabi mo?" asik niya sa akin.

Napahinga ako ng malalim at hindi ko na natiis. "Oo, Nay! Rinig na rinig ko kayo! Pero ako na lang ba palagi, ha? P-Paano naman ako? Paano ako? Naiintindihan ko kayo... ang kalagayan natin, pero ito ba talaga ang tingin niyong solusyon sa mga problema natin? Pwede naman akong mag-aral habang nagtatrabaho, ah! At hindi ko kailangan tumigil! Kaya kong mag-aral habang nagta-trabaho kung yun ang gusto niyo! Hindi ko kayang tumigil... ayokong tumigil... gusto kong magkolehiyo!" pagmamatigas ko.

Napaamang siya sa akin at bahagyang tumalim ang kanyang tingin. "Kung naiintindihan mo talaga, hindi mo magagawang suwayin ang sinasabi ko, Prina! At anong sinabi mong palagi na lang ikaw!? Sinabi ko sayo... na hindi nga kakayanin! Huwag mong ipilit ang hindi pa oras sayo! Anong gusto mo, ha? Na ang Kuya mo na lang ang patigilan ko habang nasa kalagitnaan na siya ng taon ng pagkokolehiyo? Nag-iisip ka ba? Hindi ka pa naman nagsisimula sa kolehiyo kaya ikaw na lang ang magsakripisyo!"

Sa oras na ito ay hindi ko na naiwasang mapahikbi.

Gusto kong ibulalas na, bakit? Isigaw sa mukha nila ang mga bakit! Bakit kailangan na ako na lang palagi ang dapat na magsakripisyo!? Bakit hindi nila magawan ng paraan padating sa'kin huwag lang ako makatigil katulad ng ginawa nila kay Kuya? Bakit hindi nila magawang magsakripisyo rin para sakin? Bakit? Bakit hindi nila ako magawang isalba man lang kahit isang beses maramdaman ko man lang... na may pakialam sila sa akin? Ni minsan, wala akong nakitang pagkukusa at pagsuporta ni Nanay sa mga bagay na gusto ko.

Hindi ko nakikita. Hindi ko maramdaman.

Bakit... Bakit ganun lang kadali kay, Nanay? Ang dali lang niya akong isantabi, pero pagdating sa mga kapatid ko... hindi!

Hindi ko maiwasang masaktan. Punung-puno ng hinanakit ang puso ko dahil hindi ko matanggap. Ang pangunahan nila ako ng desisyon sa buhay ko. Hindi... hindi man lang niya naisip kung ano ang mararamdaman ko. Ginagawa ko naman ang lahat huwag lang akong maging pabigat sa kanila, ah. Sa tingin ba niya, hindi ko magagawan ng paraan na tulungan sila, ha? Ganun na ba sila kabulag para hindi nila mapansin ang mga ginagawa ko?

Bakit kailangan, puro na lang ako? Paano naman ako? Kailangan ko rin sila, ang suporta nila, suporta ni Nanay, pero anong ginagawa niya? Ano itong pinararamdam niya?

"Nay nakikiusap h-ho ako... wag niyo naman akong patigilin." halos lumuhod na ako at halos patayuin naman ako ni Kuya ngunit sinampal ko ang kamay niyang lalapat sana sa akin.

Nagulat siya sa ginawa ko. Hindi ko magawang mahinahon.

Hindi maiwasang umusbong ang galit ko. May pangarap ako. Sana naman hindi sila ang maging hadlang sa mga pangarap ko!

"H-Hindi ho ba't ito ang gusto niyo sa akin? Ang bumawi?" tumingala ako sa kanya.

Nakita ko rin ang sakit at awa sa mata niya ngunit biglang naging malamig ulit ang tingin niya sa akin. Samantalang patuloy lang ang iyak ko habang nagmamakaawa.

Sana magbago ang isip niya. "Heto na nga oh, Nay oh... bumabawi na nga ho ako. Nay, hayaan niyo naman ako bumawi. Inaayos ko na nga pag-aaral ko, eh. A-At mas aayusin ko pa kapag nagkolehiyo na ako. Hindi ko pababayaan kahit na magtrabaho ako. Pangako ho 'yon. Gagawin ko lahat, wag niyo lang ako patigilin. Diba gusto niyo ito?" umaasang sambit ko.

Napapikit siya ng mariin at umiwas sa akin. "O-Oo gusto ko. Pero hindi muna sa ngayon, Prina. Sana..." humugot muna siya ng malalim bago muling magsalita. "Sana maunawaan mo kung bakit pinatitigil muna kita."

Umiling ako habang patuloy lang ang pagdaloy ng luha ko. "Nay, hindi ko t-talaga maunawaan. Parang wala kayong pakialam sa pangarap ko." nanghihinang sambit ko dahil sa paninikip ng nararamdaman ko.

Parang ni minsan, ako, wala ako naramdaman na nagawa niyang unawain.

Puno ng hinanakit at pait ang mahihimigan sa boses ko. Sinubukan kong sulyapan sila Kuya at Tatay ngunit parehas silang napailag ng tingin sa akin. Baka sakaling matulungan nila ako na makumbinsi si Nanay na bawiin niya ang sinabi niya. Ngunit hindi. At mukhang hahayaan lang ako ni Kuya at Tatay rito hanggang sa mapagod na magmakaawa ako.

Nadinig kong napatikhim si Nanay. "May pakialam ako, Prina. Pero mas may pakialam ako sa sitwasyon ng pamilya natin. Lalo na sa kapatid mo. Unawain mo sana. Unawain mo na kailangan natin ng mahalagang pera dahil... d-dahil..." nakita ko nanginig ang labi nito at nagsimulang manubig ang mata nito. "dahil kailangan operahan si Chichi..."

"Ano?" halos mamaos naman ang boses ko.

"M-May heart failure ang kapatid mo." halos mapasinghap ako sa sinabi ni Nanay nang manginig boses nito sa sinabi niya. Halos kilabutan naman ako nang makita kong hindi siya mukhang nagbibiro dahil nakita ko sakit sa kanyang mata.

"P-Paanong..." natitigilang sambit ko. "Paano nangyari 'yon? Mukhang siyang malusog! At hindi na siya nag-iinda na masakit ang dibdib niya! Nung makausap ko si Chichi, nakakatawa na siya! At bakit nandito pa siya sa ospital? Hindi ba't maayos na ang lagay niya? Pwede na natin siyang iuwi!"

Napapikit ng mariing umiling ito. "Sa ngayon. Sana nga totoo yang sinasabi mo. Hindi mo naintindihan pero kahit anong oras, maaaring bumalik ang sakit na iniinda niya. At kahit anong oras, pwede ring tumigil ang tibok ng puso niya.. Sa sobrang laki ng butas sa kanyang puso kaya siya nahihirapang huminga dahil sabi ng D-Doktor... kailangan ng palitan ang puso ni Chichi." nakakunot habang nakatungo na sa akin si Nanay. Namumula at nagsisimula na naman mamuo ang luha sa kanyang mata. "Sana maunawaan mo..." napatakip siya ng palad sa kanyang mukha. "sana maunawaan mo... na kailangan natin makahanap ng heart donor sa kapatid mo sa lalong madaling panahon, dahil hindi ko kakayanin kung hindi siya makakaabot sa heart transplant! Hindi...Hindi ko kaya, Prina! Hindi ko kaya! M-Maawa ka sa kapatid mo! Maawa ka!" doon na lalong napahagulhol si Nanay.

Agad na naman nagsimulang mamalisbis ang luha ko sa nadinig. Napatingin ako kila Kuya at Tatay na pare-parehas maluha-luha ang kanilang mga mata.

"Alam niyo ang mga ito, Tay? Kuya?" hindi sila nakasagot.

Ang pananahimik nila ay senyales siguro na alam na rin nila. Kaya pala napansin ko na kakaiba ang mga inaasta nila. At nagmukha akong tanga! Pakiramdam ko ang sama-sama kong anak at kapatid dahil sa inasta ko kanina! Bakit wala man lang akong alam? Ano ba ako sa pamilyang 'to?

"B-Bakit hindi niyo sinabi agad sa akin..." napapikit ako ng mariin, mahigpit na napailing, nagsimula na naman akong napahikbi sa nalaman.

Oh, Diyos ko! Yun na lang paulit-ulit ang aking naiusal mula sa isip at sa bibig ko habang patuloy na umiiyak.

"Sa ayaw at sa gusto mo, titigil ka sa pag-aaral. Magtrabaho ka. Isantabi mo muna ang pangarap mo. Tapos ang usapan." giit ni Nanay bago niya ako tinalikuran.

P I E D R A I J A D A

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro