Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

PHASE 14


"Prina... ang mabuti pa ay kumain ka na." malamig na anyaya sa akin ni Kuya.

Kanina pa kami tahimik at kanina pa rin nakaalis sina Nanay at Tatay matapos ang nakakahiyang pangyayari rito sa loob ng ospital. Maraming nagtataka dahil maraming napapagawi ang tingin, ngunit wala namang nang-usisa pa, wala na rin akong lakas para manghingi ng paumanhin dahil nabulabog ang iba.

"Hindi pa ako gutom." tipid na sagot ko ng hindi siya nalilingon habang ako'y titig na titig sa tulog na si Chichi. Narinig ko lang ang malalim niyang buntonghininga at hindi na rin nagsalita pa.

At kahit na nakatitig lang ko kay Chichi ay para bang lampas ang tingin ko, malayong iniisip. Maraming iniisip. At ang unang-una ron ay ang sapilitang pagkuha ni Nanay ng pera sa akin na inakala niyang galing mismo sa nakuha kong trabaho. Hindi niya alam na palusot ko lang 'yon. At kailanman ay wala pa akong nakukuhang magandang trabaho na may magandang sahod lalo na't nag-aaral pa lang naman ako. Akala ko ay makakalusot yung pagpapalusot ko.

Ngunit mali ako, naging taliwas sa naisip ko dahil muntik ko ng kalimutan na pera nga pala ang pinag-uusapan rito. Hindi ko man lang naisip na sa oras na makita niya ay malamang ay hihingin niya dahil sa sitwasyong nangyayari sa amin. Dahil una't sa lahat ay kailangan talaga namin ng pera.

Nagigipit kami. Baon na sa utang. Kailangan. Wala ng pera.

Malaki ang tsansang hindi ko na magagawang bawiin pa 'yon, dahil pagkakuha pa lang sa akin ni Nanay ay alam kong agad na gagamitin nila yon pangbayad sa kautangan at sa ilan pang kailangang bayaran. Hindi na ako umaasang maibabalik pa iyon sa akin... malabo na.

Hindi ko alam kung magsisisi ba ako dahil magagastos na yun o hindi. Pagsisisihan ko rin ba kung bakit hindi ko rin masabi-sabi ang totoo? At kapag sinabi ko yun, hindi ko alam kung mag-aalala ba si Nanay o lalong magagalit sa katangahan ko?

At kung sasabihin ko, alam ko namang iisipin niyang... kasalanan ko. Dahil mas iisipin niyang nagdadala ako ng problema sa aming pamilya. At ang resulta, lalo lamang siyang magagalit sa akin. Hindi ko na alam. Tila nagbarado ang utak ko sa nangyari. Walang maisip na solusyon at hindi ko alam kung ano pang maaaring mangyari.

Dapat ko na bang kalimutan ang katulad na banta ni Mayor Juarez na manahimik na lang ako? Isipin ko pa lang... ay gusto ko ng magharumentado! Paano naman ako? Nabiktima ako! At kahit kailan ay hindi ako matatahimik! Araw-araw pa rin ako uusigin gabi-gabi at hindi makakatulog ng maayos! Iisipin niya na yung binigay niyang pera ay tinanggap ko. Na para bang okay lang sakin ang nangyari dahil pera lang ang naging katapat para mapatahimik ako. Ganun siya kademonyo.

May mas idedemonyo pa kaya sa matandang 'yon?

"Prina..."untag niya ulit pagkaraan ng ilang minuto.

"Ang sabi ko hindi pa ako gutom, Kuya."

Bumuntonghininga ulit siya. Maging siya ay kanina pa rin hindi nagsasalita. Marahil ay nagulat siya at hindi makapaniwala. Inaasahan ko naman na ganito ang magiging asta niya lalo na't napansin kong malalim rin ang iniisip niya. Siguro nagtataka siya... kung paano ako nakakuha ng ganung kalaking pera. Matalino siyang tao at alam ko, ngayong oras na ito ay palaisipan pa rin yung sa kanya.

At alam kong hindi siya ganun kadaling bilugin ang ulo at magpapaniwala. Ngunit... kahit na madalas ko siyang mapagsabihan sa maraming bagay, o kahit anong sikreto, pero pagdating dito, hindi ko siya masasabihan. Parang kusang natitikom ang bibig ko. Natatakot ako. At mas natatakot ako kung isisiwalat ko. Kaya kailangan ko ng mag-ingat sa mga galaw ko sa susunod, nang sa gayon ay tuluyang maniwala siya at hindi magtaka.

"Kahit hindi ka gutom, kumain ka pa rin. Hindi magandang malipasan. Alam kong galing ka pa sa parlor na pinapasukan mo."

Ako naman ngayon ang napabuntong-hininga. Naiinis ako at hindi ko alam kung bakit. Bakit nagagawa pa rin niyang maging kalmado? Bakit hindi niya ako magawang bulyawan katulad ni Nanay? Bakit hindi niya ako pagalitan? Naiinis ako kasi kada nagiging kalmado siya ay parang pakiramdam ko kinakaawaan niya ako.

Na kapag pinagsasabihan ako ni Nanay ay pakiramdam ko kawawang-kawawa ako kapag tinitingnan niya ako. Na okay lang, kasi nauunawaan niya ako kung anuman iyon.

Naiinis ako kahit na kalmado siyang magsalita ay kitang-kita sa kanyang pagmumukha ang kairitahan na pinipigilan nito.

"Prina, kung may gusto kang sabihin ay magsabi ka lang. Mapagkakatiwalaan mo 'ko..." biglang untag ni Kuya ng ikinasinghap ko ng mahina.

"Ano namang sasabihin ko? Wala akong sasabihin." napabuntong-hininga ako. At kahit hindi ko siya lingunin ay alam kong direkta siyang nakatingin sa akin.

"Ikaw? W- Wala ka bang masasabi?" balik kong tanong sa kanya.

Ilang segundo bago siya nakasagot. "Sa totoo lang, marami akong gustong tanungin ngunit hahayaan muna kita. Ang tanging masasabi ko lang ay palagi mong tatandaan na nandito lang ako palagi, mauunawaan ka, Prina..."

Napapikit ako ng mariin. Parang gusto kong magsumbong ng hinaing, sabihing natatakot ako. Gusto kong isumbong sa Kuya ko ang nangyari sa akin para ipagtanggol niya ako. Gusto ko. Gustung-gusto kong magsabi pero alam kong hindi pwede. Ayokong madamay siya. Ayoko na lalong gumulo pa.

Napabuntong-hininga ako ng malalim at agad na tumayo.

"Saan ka pupunta?" biglang tanong niya ng ikinatigil ko saglit nung dire-diretso akong magmartsang aalis.

Kinagat ko ang sariling labi sa panginginig at napahinga ng malalim. "A-Ah, sa baba lang ako. Nagutom ako, eh. Kakain lang ako, ah?" mahinang sabi ko, matabunan ang aking pagkautal.

Hindi ko kayang magtagal rito dahil nakokonsensya ako. Baka lalo lamang ako makapagsabi ng totoo ng wala sa oras.

"Samahan na kita." suhestiyon niya ng maramdaman kong aambang tatayo para samahan pa ako.

"W-Wag na." natigilan siya. Mabilis ko siyang nilingon, at nang magtama ang aming mata ay agad akong umiwas ng tingin. "Walang magbabantay kay Chichi. Mabilis lang ako."

"Sige..." alinlangan niyang sagot. "Pero may pera ka pa ba? Heto, kunin mo na 'tong natira kanina sa baon ko. Ubusin mo na para makakain ka ng marami—"

Umiling agada ko. "Hindi na. Meron pa naman ako. Itabi mo na lang 'yan pandagdag na babaunin mo sa isang araw." sabi ko.

Akala niya siguro nung kinuha ni Nanay ang pera sa kamay ko ay walang-wala na naman ako. Mabuti na lang ay may naitatabi pa ako na nakalagay sa bulsa na pinautang sa akin ni Ate Barbs at Ate Kakay kanina. Mukhang ito na ang magagamit kong pangbaon sa susunod na araw at pangkain ngayong gabi dahil gutum na gutom na rin ako.

Bananacue at palamig lang ang kinain ko kanina, libre pa ni Ate Barbs. Nakakahiya nga at binibigyan pa ako ng pambiling pananghalian ay agad kong tinanggihan. Sobrang nakakahiya na, kaya sinabi ko na lang na nakakain na ako kahit na ang totoo ay hindi pa naman.

"O-Okay..." nakita kong napakamot siya sa kaniyang batok.

Ngayon ko lang napansin ang kanyang itsura, ni hindi pa ito nagbibihis. Ito pa rin ang suot niya magbuhat nung nakita ko siyang paalis papasok kaninang maaga sa school kanina. Nandito pa itong bag niya at ilang modules na nakapatong na madalas kong makitang bitbit niya para sauluhin, sa wari ko ay wala yata siyang balak umuwi. Sabagay, sabado naman bukas eh. Ang kanyang mata ay mukhang tamlay at kulang sa tulog, nangingitim rin ang bawat gilid nito at kulang na lang ay mamikit ang talukap nito kapag nadidinig ko itong humikab.

Hindi ko nga alam kung nakakatulog ba ito ng matiwasay. Pakiramdam ko kasi lalong tumitindi ang pagpupuyat niya dahil lalo siyang naging puspusan sa inaaral niya. At sa wari ko ay linggo lamang siya nakakapagpahinga at nakakatulog ng maayos.

"Kuya,"

"Hm?" agad na lingon niya.

Tipid ko siyang nginitian. "Okay lang ako. Ikaw? Kumain ka na ba?"

"Siguro ka? Kumain na ako kanina pa." mahihimigan ang pag-aalala sa boses nito.

Tumango ako. "Wag mo akong alalahanin. Ang mabuti pa ikaw ang magpahinga muna dyan. Tsaka wala ka bang balak umuwi? Kasi ako, dito na ako matutulog. Ako na magbabantay kay Chichi."

Tumango siya at ginawaran rin ako ng tipid na ngiti.

"Kumain ka ng maayos. Pagbalik mo rito ay mamahinga ka. Ako bahala magbantay sa inyo. Nagpaalam na rin ako kina Tatay, hindi rin ako uuwi. Sasamahan ko kayo." bilin niya.

"S-Salamat."

Agad naman ako bumaba. Sa bawat may nakakasalubong ako ay napapatakip ako ng ilong. Hindi ko kasi talaga gusto ang amoy rito sa loob ng ospital. Naghahalo ang mga amoy, lalo na ang gamot. Sa pagbaba ko, agad 'kong namataan ang malaking canteen ng hospital. Hindi ko na magagawang lumabas para kumain sa ibang kainan dahil malakas ang ulan. Wala rin akong dalang payong kaya napilitang dito na lang ako kumain.

Nahihilo na rin ako. Dala siguro ng pagod at gutom. Hindi kasi ako nananghalian at mag-a-alas nueve na rin ng gabi.

"Salamat." ani ko kay Ateng nagserba ng makakain.

Ilang minuto kong tinitigan ang pagkaing nakahain, ngunit hindi ko masimulan itong kainin. Katunayan, masarap ang inorder kong pagkain, bumili ako ng chicken at gulay, at ilan pang pagkain na halos masarap sa paningin ko para lang ganahan ako. At kahit na nakakaramdam ako ng gutom at hapdi sa tiyan ay tila wala akong ganang kumain.

'Diyos ko... baon na nga tayo sa utang, huwag ka na namang dumagdag sa problema natin!'

'Prina naman, mabuti sana kung matataas ang marka mo, e babagsakin ka rin naman. Palagi mo rin sinasabing babawi ka, pero ano 'to!?'

Sumagi sa isip ko ang nangyari kanina. Ang mga sinabi sa akin ni Nanay. Kasalanan ko na naman. Totoo naman, eh. Pagod na rin ako. Ngayon ko lang naramdaman ang pagod ko sa ginawa kong nagdaang araw. Pero ilang buwan na lang ay ga-graduate na ako, ngayon pa ba ako susuko? Wala akong karapatang magreklamo sa kanila dahil alam ko namang pare-parehas lang kami nahihirapan.

Kaya kahit na ganun si Nanay sa akin, ay pinipilit kong... unawain. Kahit masakit sa dibdib ang mga nasasabi niya sa akin. Na kahit pauli-ulit niya yun sinasabi, na parang pinapaalala kung ano ang saysay ko sa pamilyang ito... kahit masakit ay uunawain ko.

Huminga ako ng malalim, sinimulan kong sumubo at kumain dahil masasayang ang ginastos ko.

At sa bawat pagnguya ko ay ang panlalabo ng paningin ko. Ang hapdi ng nararamdaman ko sa aking mata ay sinasabayan rin kung ano ang nararamdaman sa dibdib ko.

Ganito ulit. Na naman.

Ang gusto kong isatinig ay aking ilulunok na lamang. Napatungo ako at doon na lamang namalisbis ang luha ko. Impit akong nanalangin dahil alam kong ang Diyos lang ang may alam nitong mga pinagdadaanan ko.

'Diyos ko... paano na? Bakit ba kasi lord pinanganak ako mahina ang ulo? Sana masulosyunan namin ang problemang 'to. Kayo na lang nagbibigay ng lakas ng loob ko. Wag niyo kaming pabayaan buong pamilya...'

©piedraijada

Uminom ako ng tubig upang guminhawa ang aking namimigat na kalooban. At kahit na impit na napapaiyak ay nagpatuloy akong kumain. Mabuti na lamang ay wala ng halos mga tao rito at ang mesa ay malalayo ang agwat kaya walang nakakakita sa itsura ko. Agad ko naman pinunasan ang luha ko gamit ang dulo ng damit ko.

Sa isip-isip ko ay paulit-ulit kong pinukpok ang sarili kong ulo para matauhan.

Pagkatapos nito, sisiguraduhin kong makakabawi ako. Pagkatapos nito, sana maging proud sa akin ang Nanay ko pati sina Tatay. Hahayaan ko muna ang sarili ko ngayon na umiyak, dahil bukas, imbes na lalong isipin ko ang aming mga problema, pati ang problema ko, panahon na siguro na kailangan ko ng itigil na ang pag-iisip sa mga 'yon. Dahil ang kailangan ko na lang isipin, ay kung paano ito sosolusyunan—agad.

Naalala ko lagi sinasabi sakin ni Kuya sa tuwing may dumadating sa aming problema,

'Wag mo lalong isipin ang problema, Prina. Ang isipin mo agad ay kung paano agad natin ito masosolusyunan.'

Makaraan ng maraming linggo ay normal na ulit. Dahil matapos nung isang linggo ay agad na rin nadis-charge ang bunsong kapatid namin sa ospital. Naasikaso na rin nila Nanay ang ilang papeles sa ospital para hindi ganun kalaki ang bayad namin sa ospital. Nakakatuwa naman at ang dating sigla ni Chichi ay unti-unti na ring bumabalik kahit papaano. Unti-unti na rin nawawala ang tamlay sa kanyang mukha ngunit ang laki naman ng ipinayat nito. Nakakatawa na rin ito kahit na halata itong nanggaling sa sakit.

Pinangako namin na hindi namin ito hahayaang magutom at babawian namin ito sa pagpapakain ng maraming pagkain ng sa gayon ay tuluyang lumakas siya. Patuloy pa rin ang pagpapainom namin sa kanya ng gamot at ilang vitamins. Sa awa ng Diyos ay medyo nawalan na rin kami ng kautangan dahil sa nagamit na pera... mula sa akin.

Sa paglipas ng isang linggo ay parang bumalik muli kami sa dati. Na abala sa trabaho sila Nanay at Tatay ngunit hindi na tulad noon na puspusan, si Kuya papasok sa eskwela at ako naman ay lalong nagpuspos sa pag-aaral. Ilang araw na rin akong puyat at kakatapos lang ng finals namin ngayong first sem. Mabuti nga at nagawan ko rin ng paraan ang aking incomplete na dalawang subject sa prof ko. Hindi nila hinayaang magkulang ako kaya binigyan na lang nila ako ng kahit anong task na kailangang ipasa para magka grade at mahigit rin iyon sa magiging grade ng finals ko.

Ginawa ko agad ang mga ito mula nung makabalik na si Chi-chi sa bahay. At kahit na medyo nabawasan ang aming problema, ay hindi pa rin maiiwasan ang kagipitan sa gastusin namin sa pang-araw-araw. Halos naubos rin kasi yung pera na kinuha sakin ni Nanay sa pagbabayad ng bill sa ospital. Binilin kasi ng Doktor na bumalik ulit para maicheck-up rin si Chi-chi upang isuri kung ano lagay niya ng ito ay nakalabas na.

Patuloy pa rin ako sa sideline at hindi ko alam kung kailan ko mababalikan ang pagpa-pageant. Siguro... kailangan ko na talagang tanggapin ang mga bagay na huwag ng gawin dahil mas prayoridad ko muna ang pag-aaral lalo na't malapit na rin ang aming defense presentation para sa aming thesis. Kaya kailangan ko ng focus at maraming time at hindi pwedeng ma-distract ako. Baka lalong ikabagsak ko. Hindi rin ako makapaniwalang halos matularan ko na ang ginagawa ni Kuya gabi-gabi.

"Prina, pinatatawag ka sa office ni Ma'am De Chavez..." ani ng isa kong kaklase habang abala ako sa pagsususlat ng notes para sa magiging quiz namin mamaya sa susunod na subject.

"Bakit daw?" balik kong tanong habang hindi ito nililingon dahil tutok ako mata ko sa pagre-review.

Mahigit 30 mins na naming nalalasap ang break time. Isang oras kasi ang vacant namin kaya kung saan-saan naglilipana ang mga kaklase ko.

Ngayon ko lang na-realized na ang sarap pala mag-aral ng mabuti, lalo na yung pinag-aaralan ko ay alam ko sa sarili kong binuhos ko ang effort ko para lang maunawaan ang mga lessons. Dahil kampante na akong may maisasagot ako. Nung huli kasing surprise exam sa amin ng Major ay nakapasa ako. Isa ako sa mga nakakuha ng mataas na grade.

"Pumunta ka na lang daw at gusto ka raw kausapin." sabay dinig kong sinusupsop nito ang kinakain lollipop. "Siguro bagsak ka na naman, no?" pang-aasar niya.

Napabuntong-hininga ako saka nagdesisyong tumayo. Inayos ko muna ang mga gamit ko saka ko inilagay sa bag ko. At ang aking reviewer ay dala-dala ko pa rin papunta sa Dean's Office. Habang nakaupo ako sa Dean's Office ay hindi ko maiwasang maramdaman kung ano yung naramdaman ko nung huling punta ko rito.

Jusko! Nakaka-trauma naman kasi. Ano na naman kaya ang ibabalita sa akin ni Ma'am De Chavez? Hindi naman kaya... bagsak na naman ako!? O baka naman sasabihin niyang hindi ako makaka-gradute kasi gawa ng grades ko!?

Dinig kong napatikhim si Mrs. De Chavez.

Bumuntung-hininga ako ng malalim. "Ano pong sasabihin niyo s-sakin, Ma'am? May problema po ba sa grades ko? Hindi na po ba ako makaka-gradute?" wala pa rin siyang imik at nakatalikod lang ito habang may hawak na folder. "Ma'am, sorry po, please... kung bagsak man po ako, baka naman po makabawi pa ako? Gusto ko po maka-graduate. Gagawan ko po ng paraan para lang po makabawi ako—"

"Sino may sabi sayong bagsak ka, Ms. Malitaitai?" nagtataka niyang tanong sabay lingon sa akin at umupo.

Napaamang naman ako. "A-Ano pong ibig niyong sabihin?"

Napairap siya sa kawalan at mahinang napahalakhak ang ginang. "Ano bang akala mo, Ms. Malitaitai?"

"P-Pinatatawag niyo po kasi ako, eh.. Akala ko p-po bagsak na naman ako. Bagsak po ba ako?" kinakabahang tanong ko.

"Well... I want you to know na hindi ka bagsak, hija." unti-unti siyang ngumiti sa akin.

Agad naman nawala ang kabang naramdaman ko sa nadinig. Magsasalita pa sana ako ngunit nauna ito.

"We had a meeting of profs earlier. Coz we have to make it sure that the grades of the students are not failing. At nakita ko rin na... isa ka sa mga nakabawi, Ms. Malitaitai. They mentioned your names at ganun ang mga nakita nila sayo. Perfect attendance and high grades. Ang laki ng naging improvements mo sa mga subjects ngayong sem..." habang nagsasalita ito ay nakatingin ito sa folder. "Here."

Sabay tingin ko ng folder. Nakalagay roon ang pangalan ko at mga grades ko sa mga subjects ko. Napaamang ako ng makita kong ang laki ng itinaas ako! Oh my god! Totoo ba ito!? Hindi kaya binabangungot lang ako sa room habang tulog ako!?

"A-Akin po ba talaga ito, Ma'am?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kanya.

"Yes! At kaya kita pinatawag dahil malapit na ulit ang ating convocation. Maaari mong isama ang mga magulang mo para sabitan ka dahil mamaya na namin ibibigay sa inyo ang report card niyo."

"I-Ibig sabihin po ba niyan ay..." halos makapigil hininga kong tanong na hindi ko matuloy-tuloy.

Sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi kasabay ng pagtango niya sa akin.

"Congratulations, Ms. Malitaitai. Isa ka sa napabilang na with honors."

Halos hindi na yata mapuknat ang ngiti ko magmula ng makauwi ako sa bahay. Maaga kaming pinauwi at halos hindi rin matagtag ang tingin ko sa report card ko. Ganito pala ang pakiramdam, no? Na nagbunga yung paghihirap ko. Now I know na ganito rin ang nararamdaman ng mga matatalino at ilang masisipag mag-aral. Lalo na si Kuya! Kung ako, nagiging masaya sa achievements niya, pano pa kaya mismo sa sarili niya? Ganito pala ang pakiramdam... pakiramdam ko sasabog ang puso ko sa saya.

"Nakakatuwa ka naman, Prina. Hindi ako makapaniwalang magagawa mong mapasali sa with honors! Ipagpatuloy mo lang iyan." puri ni Tatay sabay pat niya sa ulo ko.

Kasalukuyan kaming kumakain ngayon ng hapunan. At lahat kami ay kumpleto kaya lalong tumaba ang puso ko sa saya. Na kahit tuyo lang ang inuulam namin at pritong itlog, tila parang ang sarap-sarap ng aming kinakain dahil sa balitang sinabi ko sa kanila. Hindi rin mapuknat ang ngiti nila at alam kong masaya sila para sa akin.

"Salamat, Tay. Maging ako, hindi rin makapaniwala."

Napalingon ako kay Kuya. Nakangiti rin siya sa akin at halos makita ko ang pantay-pantay nitong ngipin sa laki ng ngiti niya.

"Sabi ko naman sayo kaya mo iyan, Prina. Tiwala at pagcha-tiyaga. Tingnan mo at naabot mo din!" panggagatong pa sa pagpapapuri ni Kuya.

Natawa na lang ako. Halos pare-parehas sila ng reaksyon, gulat at tuwa. Napagawi ang tingin ko kay Nanay na nakatungo habang ngumunguya ng pagkain. Kanina pa itong walang imik at nakikinig lang sa amin. Hindi rin naman mukhang iritado, mukha lang siya kalmado habang nakain at abala sa pagsusubo ng pagkain kay Chichi.

Napatikhim naman ako. "Uh... may convocation nga po pala bukas sa school. Kailangan daw magulang ang magsabit sa akin."

"Aba! Kung gusto mo ay ako na!" pagpiprisinta agad ni Tatay.

Napangiti naman ako. "Oo naman, Tay. Pero g-gusto ko sana... si Nanay."

Napansin ko ang pagkatigil ng kamay nito ng sa pagsubo.

"Nay?" untag ko sa kanya.

Ni hindi ito umangat ng tingin. Napatungo ako. Ano kayang problema ni Nanay? Hindi ba siya natutuwa dahil napasama ako sa with honors? Na nakabawi ako? Hindi ba't ito naman ang gusto niya? Pero... bakit pakiramdam ko, hindi ko maramdaman ang saya niya para sa'kin? Kulang pa ba?

"Ah... haha, ako na lang siguro, Prina. Anong oras ba iyang convocation niyo? Baka wala akong byahe sa oras na iyon. Oh, kaya wag na lang muna ako mamasada bukas." untag agad ni Tatay pagkaraan ng ilang minutong hindi man lang nagsasalita si Nanay.

"Mabuti naman at nakabawi-bawi ka kahit papaano. Mas maganda siguro kung nataasan mo pa lalo katulad ng sa Kuya mo." ani Nanay.

Hindi ko alam kung magiging masaya ba ako kung anong klaseng puri iyon. Puri ba iyon o may halong pang-iinsulto?

Pakiramdam ko kulang na kulang pa sa kanya ang nagawa ko. Sabagay, si Kuya kasi, halos with high honors. Laging nangunguna. Laging nasa top. Hindi nararanasang mahuli o bumagsak. Kaya naman lahat ng teachers, estudyante, walang nakakalimot sa kanya. Kilala bilang matalino. Samantalang ako... Pakiramdam ko iniisip niya na baka naka tsamba lang ako kaya nakuha ko ang bagay na ito.

Kahit na ang totoo, ginagawa ko ang lahat. Ginagawa ko ang lahat maging sapat lang sa kanya ang ginagawa ko. Na balang araw, wala na siyang masasabi sa akin. Inaasahan ko pa naman na baka pag-uwi ko at naipakita ko ang grades ko sa kanya ay maging proud siya sakin... maiiyak sa tuwa at yayakapin ako. Na hihingi siya ng tawad dahil mali siya ng akala niya sakin. Na babawiin niya mga sinabi niyang masasakit na salita sa akin. Na wala na siyang masasabi at magbabago na ang turing niya sa akin. Na wala na akong maririnig na pagkukumpara. Pero ngayon...

"Nay..." mahinang suway naman ni Kuya. "Ang laki nga ng ibinawi niya sa grades niya. Nakita ko kung paano siya nag-aral ng maayos. Ang galing kaya ni, Prina. "

"Pero hindi kasing galing mo."

Agad na bumagsak ang tingin ko sa pinggan. Mapait akong napangiti at agad na sumubo ng pagkain kahit nawalan na ng gana. Para akong binatuhan ng bomba sa dibdib dahil sa sinabi ni Nanay. Napabuntong-hininga ako ng malalim. Wag mong sabihing iiyak ka sa harapan nila, Prina?

Prina! Para ka namang isip-bata! Ang mahalaga, masaya sayo sila Tatay. Hayaan mo, balang-araw, matutuwa rin si Nanay. Bawi lang ng bawi. Hindi man ngayon... malay mo bukas, 'diba? Marami pang next time! At sa next-time na iyon, kahit mag-college ako, sisiguraduhin kong bawing-bawi ako!

"K-Kukuha lang ho ako ng tubig." ani ko at agad na tumayo ng hindi sila tinitingnan.

Ramdam kong habol ang tingin sakin ni Tatay at Kuya. Kita ko ang pag-aalala sa kanilang mukha ng masulyapan ko sila saglit. Napatingala ako at huminga ng malalim.

"Kapag... maaga akong makatapos bukas sa paglalaba, baka makaabot ako sa convocation niyo." ani Nanay ng ikinapaamang ko pagkalingon ko sa kanya.

"P-Po?"

"Oo, ako magsasabit sayo."

Isa lang masasabi ko. Wala ng masasaya pa lalo rito sa kaisipang sasabitan ako... ni Nanay. 

P I E D R A I J A D A

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro