Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

PHASE 13


Tatlong-araw ng nakalipas ngunit naka confine pa rin si Chichi. At ako naman? Madalas, pagkatapos ko sa klase, nag-o-overtime ako sa pagsa-sideline sa Parlor nila Ate Barbs kahit medyo mahirap sa schedule ko, pinipilit na ipagkasya ko. Salitan kami ni Kuya sa pagbabantay kay Chichi sa ospital. And every other day, bumibisita rin sina Nanay at Tatay.

Pero madalas, umaga at sa gabi ang halos ako na ang nagbabantay dahil abala sina Nanay na patuloy pa rin sa paglalabada, at si Tatay naman, patuloy pa rin sa pamamasada hanggang alas onse na ng gabi. Uuwi lang siya ng tanghali at hapon para kumain, tapos diretsong pamamasada ulit. Minsan nga madaling araw na rin umuuwi si Tatay para raw makadoble, sabi nya kasi marami pa rin naman daw pasahero na naghahanap ng maghahatid dahil galing pa sa iba pang malalayong lugar.

Kakaunti lang namamasada sa oras na 'yon kaya nasosolo niya yung ibang pasahero na galing pa sa malalayong byahe. Mas nakakalaki raw siya ng pera roon dahil madalas maraming nagrerenta sa kanya para lang maihatid ang ilang pasahero kahit gaano man kalayo ang tirahan nila.

Si Kuya? Mas super busy yun ngayon dahil ang dami niyang nire-review dahil sa tambak ng mga sauluhin niyang nasa libro at modules 'pag dinadalaw ko siya sa kanyang kwarto.

Minsan nga nagugulat na ako na alas kwatro ng madaling araw ay gising pa rin siya at halos hindi pa rin natutulog. Nauunawaan ko naman kasi mahirap yung course niya. At kahit na gusto niyang magbantay kahit pagod siya, pinilit ko na lang na huwag na dahil sinigurado kong kaya ko naman kahit mag-isa. Hangga't kaya ko, ako na muna umaako.

Halos dito na ako manirahan sa ospital. Araw-araw gigising ako ng maaga, medyo may kalayuan kasi ang ospital na ito sa bahay at sa school na pinapasukan ko. Uuwi lang ako kapag maliligo, magluluto sa umaga, at maglilinis sa bahay. Tapos sa hapon hanggang gabi--ako pa rin ang nakatoka, minsan nagdadala na rin ako ng pamalit ng uniform para hindi ako ma-late kinabukasan. Madalas dun ko na rin nagagawa sa ospital ang mga assignments at projects ko, nagdadala na rin ako ng pagkain at dun ko na rin itinutuloy ang paggawa ng thesis namin habang binabantayan si Chichi. Hindi naman ako nahirapan dahil pinahihiram naman ako ng kaklase ko ng laptop dahil alam ko naman na ako lang ang pinaaasa nila.

Pasalamat sila at medyo magaling ako sa english, dahil kung hindi, ewan ko na lang talaga.

Mahirap man ay napilitan akong itigil muna ang pagpa-pageant. Kahit anong pilit ko kasing pagkasyahin sa oras ay hindi talaga kakayanin. Mas tuon ang pansin ko lalo na't ako ang madalas na nag-aasikaso kay Chichi. Dun pa lang sa pag-aalaga at pagbabantay, ay hindi kaya ng isang araw kung pagsasabayin ko ang pag-aaral, pagsa-sideline at asikaso sa bahay. Mabuti na lang at nauuwaan nila Ate Barbs 'yon at hindi ako pinilit kahit na may mga oras na may ibinabalita sila sakin kung saan may pageant.

Malaking halaga na sana kung gagawin ko iyon pero hindi ito ang tamang oras. Hindi ko rin kayang isantabi ang may sakit na kapatid ko kaysa sa nasa pageant. Hindi ko siya pwedeng iwanan mag-isa sa ospital lalo na't kabilin-bilinan ni Nanay na ako muna umasikaso sa bunso namin dahil abala rin sila.

Labis rin ang ikinalulungkot nila Ate Barbs ng malaman nila ang kalagayan naming pamilya. Ngunit hindi naman ako nagkamali ng pautangin nila ako ng pera bilang tulong sa pagbabayad ng mga kakailanganin bilhing gamot para sa bunsong kapatid ko.

Maliit man para sa kanila, ngunit malaking bagay na rin ito sa akin.. sa amin. Maaasahan talaga sila. Hindi ko na alam kung anong mangyayari sa amin kapag hindi ako nakahingi ng tulong sa kanila.

"Pasensya ka na Prina, ah? Iyan lang talaga ang kaya ko sa ngayon, eh. Kakabayad ko lang kasi sa upa ngayong buwan, tapos may pinautangan rin ako kaya medyo gipit ako ngayon. Kailangan kong bumawi ngayong linggo, medyo humihina kasi itong Parlor ko ngayon dahil may naging bagong bukas na parlor sa kabila. Imbyerna nga eh, naaagawan ako ng costumer!" sabay irap nito sa kawalan.

Tipid akong napangiti. Napatitig siya sakin at malungkot pa akong tiningnan.

"Hayaan mo kapag lumakas ulit itong Parlor ko, dadagdagan ko. Magsabi ka lang, wag kang mahiya." ani ni Ate Barbs habang abala pa rin sa mga nililista at ako naman ay abala sa paglilinis ng buhok at ilang kalat sa sahig.

Si Ate Kay naman ay naabutan rin niya ako ng pera kanina. Nung pumatak ang hapon ay hindi na rin siya nagtagal pa sa parlor dahil may dadaanan raw siyang malapit sa palengke, dun raw sa patahian.

Ngayon ko lang napansin sa labas, dahil fixed glass wall naman itong Parlor ni Ate Barbs. Gabi na pala at halos madilim na. Ni hindi ko man lang namalayan ang oras. Hindi sana ako makakatigil sa ginagawa ko at mapapansin kung hindi pa nagsalita si Ate Barbs. Ang mga ilaw ng mga dumadagasang sasakyan sa kalsada, maging ang mga buildings ay unti-unting nag-uultawan ang makukulay na ilaw. Nakakaaliw lang tingnan. Bagaman bayan ay marami pa ring mga taong naglalakad sa tabi, namamasyal at nagliliwaliw.

Mapait akong napangiti at natigilan sa pagmo-mop ng sahig sabay punas sa sariling pawis. Kahit kailan ay hindi ko pa naranasang magliwaliw kasama ang mga kaibigan at pamilya para pumunta sa lugar kung saan gustong puntahan.

At heto naman ako, abala para kumayod. Na kahit hindi sapat ang kinikita ko sa sideline ay pinagcha-tiyagaan ko. Kung susubok pa kasi ako ng ibang trabaho ay baka mahirapan lang ako, hindi lahat ng magiging boss ko ay katulad ni Ate Barbs na may konsiderasyon at malaking malasakit. Nagagawa ko naman kasi siyang pakiusapan kaya hindi ako makaalis sa Parlor niya, kaya naudlot rin ang plano kong magtrabaho ng iba pa.

Napanguso ako ng masilayan ko sa labas ang ilang kaklase ko. Mga naglilibot rin sa bayan para mamasyal sa mall o kahit saan man. Magaganda ang suot. Kilala ko sila kahit na mga hindi naka-uniform. Maswerte sila at na naaayon ang kagustuhan nila sa gusto nilang gawin sa buhay. Samantalang ako, walang oras para magliwaliw dahil may kinakaharap kaming problema. Nakikingiti na lang sa kasiyahan ng iba.

"Earth to Prina! Hellur?" untag ni Ate Barbs na ikinaalipungatan ko.

"A-Ano ka ba, Ate Barbs. Oo na. Nakakahiya nga at ang dami ko ng utang sa inyo. Pero salamat talaga sa tulong niyo ni Ate Kakay. Malaking tulong ito sa pagbabayad namin ng bill sa ospital ni Chichi." tugon ko. "Hayaan niyo. Babayaran ko rin kayo kapag nakaluwag-luwag kami."

"Walang anuman, meses. Hindi kita minamadaling magbayad. Ayoko rin naman na pagurin ang sarili mo kakakayod, no! Gusto mo pa yatang ikaw naman ang pumalit sa kapatid mo hanggang magkasakit ka, eh. Alagaan mo rin ang sarili mo. Mabuti pa ay umuwi ka na at gabi na. Malamang ay nag-aalala na sila sayo. Magsasara na rin naman ako,"

"Salamat talaga, Ate Barbs."

Tipid niya akong nginitian. "Walang anuman. Kahit kailan, Prina. Kahit anong oras."

"Hayaan mo babawi ako sa inyo pagdating ng araw."

Napairap siya at napangiti. "Chaka! Aba dapat lang no, kasi ibibili mo pa ako ng branded bags!"

Natawa naman ako at tumango. "Pangako iyan."

Nasa may pasilyo na ako ng ospital nang ma-receive ko ang text ni Kuya na pumunta na raw ako sa ospital. Nandun rin daw kasi sila Nanay at Tatay. Napangiti naman ako ng malaman kong kumpleto na naman kami at kanina pa daw nila ako hinihintay. Medyo gumagaling na rin si Chichi dahil sa mga tinuturok sa kanya at pagpapainom ng gamot. Pero sabi ng Doktor na kailangan pa munang pataasin ang platelet niya para masigurong tuluyan ng maging maayos ang kalagayan niya. Siniguro rin namin na kumpleto ang kain niya sa araw-araw at hindi rin siya nalilipasan ng gutom para bumalik ang kaniyang sigla.

Pagbukas ko ng pinto ay binati ko naman ang iilang pasyente. Sa ilang araw ko rito, halos may mga nakakausap rin naman ako rito sa loob ng kwarto. Hindi lang naman kami nag-iisa rito kaya medyo hindi rin ako nabo-bored kapag madalas matulog si Chichi at ako ang gising sa magdamag. At isa pa, mas makakamura kasi ang bayad namin kapag dito nai-confine si Chi-chi. Hindi naming kakayanin kung sa private pa namin siya dadalhin. Ang mga kasamahan ko naman ay halos ang case ng sakit nila, dengue rin o kaya yung iba-ibang karamdaman na kailangan ipa-opera. Hindi ko rin naman naiwasang mahabag sa kalagayan at kwento nila. Naisip ko na medyo masuwerte kami dahil hindi kami nagkakaroon ng malubhang sakit.

Nakakatuwa rin at may mga ilan ding magaganda ang loob na kusang nagbibigay ng pagkain sa amin.

Nang malapatan ko ng tingin sila Nanay na naroroon sa tabi ng bintana ay agad na ako'y lumapit. Napapakunot na ako'y naglalakad ng mapansin kong seryosong ang kanilang mukha habang nag-uusap sila roon. Kaya agad naman na binilisan ko ang lakad ko hanggang sa ako'y nakalapit. Ang unang nakapansin sa akin ay si Kuya.

Agad itong tumayo nang makita ako.

"Nay, Tay, nandito na siya..." dinig kong sabi niya.

"Oh, Kuya? Mabuti narito kayo. Kumain na ba kayo?" salubong ko agad sa kanila.

"P-Prina..."

"Alam mo ba, mabuti at may pinautang sakin si Ate Barbs at Ate Kay, pandagdag na rin daw natin. Bumili nga pala akong meryenda. Teka, gusto niyo bang—" hindi ko pa man natatapos ang aking sinabi ay isang malakas na lagapak ang naramdaman ko sa pisngi ko.

Sandali akong natigilan at nang lumingon ako sa kaliwa, napasinghap ako nang si Nanay ang sumalubong sa akin na mukhang galit na galit habang nanunubig at namumula ang kanyang mga matang nakapukol sa akin.

Malalim ang pagsinghap ko bago makapagsalita. "N-Nay?" tanong ko na nagtataka.

Ramdam ko pa rin ang pagkakalapat ng palad ng sampal niya sa akin. Mahapdi at nakakamanhid. Halos mabingi rin ako at nanahimik ang buong paligid. Hanggang sa naramdaman ko na lang na nag-init ang mukha ko... hindi sa kahihiyan kundi sa sakit ng nararamdaman at pati na rin sa mata ko sa lakas ng pagkakasampal niya.

"Bakit hindi mo sinabi sa amin, Prina?! Hanggang kailan mo ito itatago!?"

"E-Emma, huminahon ka... pakinggan mo muna ang anak mo." awat sa kanya bigla ni Tatay at agad na hinawakan ito sa kanyang balikat ngunit nagpumiglas pa rin ito at lalong lumapit sa akin.

Tumama ang mata ko kay Tatay ngunit nag-igting lang ang kaniyang panga at napatungo.

"Emma, pakiusap sa bahay na lang tayo mag-usap-usap ng anak natin... madaming tao nakakakita," pahabol pa na suway ni Tatay habang binubulungan si Nanay.

Umiling si Nanay na may halong pagkadisgusto. "Wala akong pakialam! Hindi ko kayang palampasin ito. Hindi ko rin maintindihan ang anak mo, Primo! Lumalaking sinungaling yang anak mo, eh! Sa tingin mo may paglalagyan pa kung hihinahon ako dahil sa nakita ko? Sumosobra na 'yang anak mo. Sumosobra na talaga!" sigaw sa kanya ni Nanay.

Halos marinig ko ang bulungan ng ilan sa amin. Ngunit hindi ko na pinansin iyon dahil nakatitig lang ako kay Nanay na wala akong ibang nakikita sa mga mata niya kundi galit. Na para bang may ginawa akong malaking kasalanan. Hindi ko maintindihan. Nagagalit ba siya dahil late ako nakarating sa ospital at gabi na rin ako nakadating? Pero bakit kailangan niya akong sampalin at magalit ng ganito?

Ano bang nagawa ko? Anong kasalanan ko?

"Nay? B-Bakit kayo galit sa akin? Bakit niyo po ako sinampal?" sabay haplos ko sa aking mukha upang mabawasan ang hapdi.

Tumawa ito ng sarkastiko at halos hindi makapaniwalang tumingin sa akin.

"Kasalanan? Tinatanong mo sa akin kung ano ang kasalanan mo? Hindi mo ba alam o talagang nagmamaang-maangan ka lang babae ka!?"

Tumalikod ito saglit at may kinuha.

"Hindi ko kayo maintindihan, Nay—" hindi pa ako natatapos ay sinampal muli ako nito sa mukha kasama ang hawak niya, kaya dumoble ang sakit sa aking pisngi. Hindi ko na rin naiwasang mapaigik.

Agad umusbong ang aking emosyon ngunit dagli rin na pinigilan ko kahit na napipirat na ang puso ko sa sakit kung paano niya akong tingnan at itrato ng ganito.

"Emma!" kastigo agad ni Tatay ngunit hindi niya mapigilan si Nanay dahil sa bilis ng kilos nito.

Ngunit unti-unting nanlaki ang mga mata ko ng matanto ko kung ano ang nasa sahig. Hindi... hindi maaari. Paano niya nakita ito!?

"Oh, ayan! Paano mo maipapaliwanag sa amin ito! Ano? Natulala ka? Nakakagulat ba? Wala ka bang balak sabihin sa amin ito ng Tatay mo? Hindi ako makapaniwala sayo! Napakasinungaling mo!"

Malalim akong napalunok at napailing. "B-Bakit ho nasa inyo ito?" tukoy ko sa mga nakakalat na makakapal at lilibuhing pera.

Kasama na rin dun yung report card ko na hindi ko maipakita-kita dahil sa nangyayari sa amin. Tinago ko muna, kasi ayoko ng dagdagan pa ng init ng ulo ni Nanay pero heto... nakita na nga niya. Balak ko sana muna palipasan ang mga araw kapag naka recover na si Chichi at maiuwi sa bahay, saka ako magpapaliwanag kay Nanay tungkol sa repord card ko at para mapirmahan na niya rin.

"Nakita ko sa mga gamit mo! Anong ibig sabihin nito, Prina? Paanong... paano ka nagkaroon ka ng ganitong kalaking halaga, ha? Paano mo rin hindi sinabi sakin tungkol sa report card mo? Bakit? Bakit hindi mo sinabi sakin na bagsak ka na naman?"

Napapikit ako ng mariin. Napatingin ako kay Kuya at Tatay na seryoso lang nakatingin sa akin. Nauunawaan ko kung hindi man nila maawat si Nanay lalo na't ganito ang reaksyon niya... naguguluhan at nagugulat.. dahil sa malaking halagang pera na nakita niya sa gamit ko na wala akong balak ipakita sa kanila pero nakita niya pa.

"Ano, Prina? Ano na namang palusot mong punyeta ka? Bakit hindi mo masabi? Bakit napakasinungaling at bobo mo? Ano? Hindi mo sinasabi dahil wala kang balak sabihin ito sa amin ng Tatay mo!?" singhal niya pa.

Napapikit ako ng mariin. Parang tinataga na naman ako sa mga sinisinghal niya sa akin ngunit kailangan kong indahin. "N-Nay, magpapaliwanag ako. Hindi ko kasi masabi sa inyo dahil sa naging problema natin—"

"Ano ka ba naman, Prina! Puro ka na lang pagpapalusot! Matagal mo na itong ginagawa, na kahit anong tago mo, nalalaman ko pa rin! Kilalang-kilala na kita! Sapul nung bata ka... sinungaling ka na!" napatalikod sa akin si Nanay saglit at napahilamos ito sa kanyang mukha.

Tama naman talaga si Nanay. Sinungaling nga ako. Palagi ko rin tinatago noon ang mga exam papers ko noon at card ko at hindi maisulit sa kanila dahil natatakot ako na baka magalit siya at paluin na naman ako. Palagi akong bugbog sarado mula sa kanya habang sinisigawan ako ng masasakit na salita. Lagi kong inililihim iyon dahil yun laging naiisip ko nung bata pa ako. para bang na-trauma na ako at ayaw ng maulit pa. Pero noon yon, hindi na ngayon. Nagbago na ako at pinipilit kong magpakaayos na sa pag-aaral. At kung tatanungin ako kung pagsisisihan ko bang hindi ko sinabi ang tungkol sa pera?

Hindi ko pagsisisihan iyon.

Dahil ang perang 'yon... sa oras na masabi ko, alam kong malaking kaguluhan ang abutin non sa pamilya namin.

"Nay..."

Nanlulumong lumingon muli siya sa akin. "Prina naman... Sinasabi ko sayo na tigil-tigilan mo na yang pagpa-pageant mo at walang magandang maidudulot 'yan sa pag-aaral mo! Tingnan mo na lang ang Kuya mo, puspusan sa pag-aaral gabi-gabi tapos ikaw... kung saan-saan ka pa naglilipana! Prina naman, mabuti sana kung matataas ang marka mo, eh babagsakin ka naman lagi. Palagi mo rin sinasabing babawi ka pero, ano 'to? Dinaig mo pa ang Kuya mo sa inaasta mo! Mag-isip-isip ka naman... mag-isip-isip ka naman!" sabay duro nitong paulit-ulit sa sentido ko gamit ang kanyang daliri.

Naluluha ang matang pumikit ako ng mariin kasabay ng paghigpit ng kagat ko sa aking labi para hindi kumuwala ang aking hikbi.

"N-Nay, pasensya na po..." unti-unti nanlabo ang paningin ko. Huminga ako ng malalim at tumingala huwag lamang bumagsak ang aking luha.

"Diyos ko... baon na nga tayo sa utang, huwag ka na namang dumagdag sa problema natin! At ano pang itong pera na ito? Saan mo nakuha ito?"

Bigla ako natahimik at hindi makapagsalita.

Hindi ko rin alam ang sasabihin ko. Lahat sila nakatitig sa akin at naghihintay sa isasagot ko. Pakiramdam ko, bumara ang lalamunan ko. Malikot ang aking mga mata at hindi ko kayang tumingin ng diretso sa kanila at baka mabisto ako. Dahil kung sasabihin ko ang totoo, ay baka lalo lamang siyang magalit. Mahirap na. Baka magkatotoo ang banta sa akin ni Mayor Juarez. Ayoko na lalong mahirapan ang buhay namin dahil lang don. Kung manggugulo man ulit siya, ako na lang sana... wala akong balak na idamay ang mga magulang ko, ang pamilya ko, sa katangahan na desisyong nagawa ko.

"Ano? Sumagot ka, Prina!" untag niya.

"Nay.."

"Ano? Saan galing ang perang ito?" natitimpi niyang tanong.

Kahit kailan, pagdating sa akin, hindi niya talaga magagawang kumalma.

Nung araw na iiwanan ko sana ang pera kung saan doon ako iniwan ng van nila Mayor Juarez ay bigla akong bumalik para kunin muli hindi para gastusin, hindi ko masisikmura iyon. Nagbago kasi ang isip ko. Naisip ko kasi na kapag dinala ko ito ay baka maging isa sa ebidensya ko ito kapag sinabi ko ito sa pulisya. Itinago ko ito sa cabinet ko at inakala kong walang makakaalam o makikialam non. Itinago ko dahil gusto kong... gusto kong makulong si Mayor Juarez! Alam kong hindi sapat itong pera para maniwala ang iba, pero nananalig ako na makakuha pa ng malakas na ebidensya lalo na sa pagtatangka niya sa buhay ko at nangyari dun sa bahay niya.

©piedraijada

Gusto kong magsumbong. Gustung-gusto kong magsumbong sa pulisya. Alam kong hindi magiging madali ngunit hindi ako makapapayag na manalo siya sa eleksyon at mabulag ang mga taong bayan na naniniwala sa kabutihan niya. Mali. Hindi ko hahayaan na mangyari yun sa kanya. Pero dahil sa nalaman ni Nanay dahil sa pera, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. At lalong hindi ko rin alam kung ano ang masasabi ko. Wag naman sana maging tama ang hinihinala ko...

"Prina! Bakit hindi ka makasagot? Sagutin mo ako! Saan mo nakuha ang perang ito?" ulit pa na tanong ni Nanay. Halos mamula ang mukha nito dahil sa pagtitimpi.

"Prina... tinatanong ka ng Nanay mo. Sagutin mo." mahinahon na sagot ni Tatay kahit mahihimigan ang pagpipigil sa iritang boses nito.

Nakita kong nakakunot si Kuya sa akin. Napalunok ako at napatungo.

"Hah! Huwag mong sabihin na inutang mo ang perang ito? At kanino ka naman nakautang ng ganitong kalaking halaga? At sa tingin mo kaya natin bayaran 'yan sa pinagkautangan mo? Eh dun pa nga lang sa ibang kautangan natin sa ilang tindahan, hindi natin agad mabayad-bayaran! Tapos eto? Nag-iisip ka ba, ha? Wala akong sinabing umutang ka, Prina!"

Huminga ako ng malalim at tumikhim. Nag-aalinlangan man ay kung wala akong sasabihin, hindi matatahimik si Nanay kakabulyaw at pamimilit sakin sa tanong na hindi ko kayang masagot ng katotohanan.

"H-Hindi ko po yan inutang... galing po yan sa sweldo ko." pagsisinungaling ko.

Napaamang siya, maging sina Tatay at Kuya.

Saglit din natigilan si Nanay. Naramdaman kong medyo kumalma ito sa pagtaas-baba ng kanyang dibdib sa paghingal dahil sa kakasigaw. Ngunit sa pagkakakunot niya ay ramdam kong hindi siya makapaniwala.

"Sweldo? At ano naman ang tinatrabaho mo para makakuha ng ganyang kalaking halaga?" nansusupetsya niyang tanong at mukhang hindi pa rin naniniwala.

"A-Ah... ano po.."

"Imposible naman yan sa pageant, 'diba? At lalong hindi rin galing sa sideline mo. Gasino't kakapiranggot lang naman ang kinikita mo don. Hindi ko alam kung magagawa kang pautangin rin ng mga kaibigan mo ng ganitong kalaki. Kaya tapatin mo ako, Prina. Saan ka nakakuha nito?" lihim akong napasinghap kapag seryoso akong tinatanong ni Nanay.

Kahit na ilang beses na niya akong napapagalitan o nabubulyawan, ang aking kabang nararamdaman ay hindi kailan man nababawasan.

"S-Sweldo ko po yan uh... K-Kasi nakuha po akong f-freelance model. May nag-offer lang po sakin kaya tinanggap ko na. Malaki nasweldo ko kaya nakaipon ako... ng ganyang halaga," napalunok ako. Halos manginig ang labi ko sa muntikang pagkautal ko.

Ilang segundo nila akong tinitigan ng mabuti. At kahit gusto kong umiwas ng tingin ay hindi ko na nagawa. Nanatiling nakapako.

"Sigurado ka ba?" paniniguro niya.

Tango na lamang ang aking naisagot kasabay ng pagtungo ko.

"Wow! Tingnan mo nga naman, papageant-pageant ka lang noon, ngayon nagmo-model ka na imbes na aral ang atupagin. Hanggang ngayon ay hindi ka pa rin marunong makinig. Hanggang ngayon ay mahilig ka pa rin sumuway sa bilin ko, no? Kailan pa? Kailan ka pang nagsimula sa ganyang trabaho? Mabuti sana kung may talino ka sa aral, ay nasasabayn mo rin sa pagtatrabaho mo," sarkastikong anito.

"N-Nakaraang buwan lang, Nay... Nag-iipon po kasi ako kaya... ayon po." maingat kong sinabi. Unti-unti siyang tumango at mukhang naniwala na.

Saglit naman akong nakahinga ng maluwag. Ngunit napasinghap rin ng makita ko isa-isang pinulot ni Nanay ang mga pera. Inakala kong iaabot niya sa akin ngunit nabigla ako ng isa-isa niyang binulsa ang mga iyon.

"N-Nay... anong ginagawa niyo?" kinurot ko ang kamay ko sa panginginig.

Tumayo siya matapos mapulot lahat saka siya tumingala sa akin.

"Makakatulong ito sa bayarin natin sa bill ni Chichi. Makakabayad na rin tayo sa mga utang kaya gagamitin ko muna itong pera mo." agad na saad niya.

Agad naman akong naalarma at hinawakan ang kamay niya kung saan nandun din ang pera. "T-Teka lang po, Nay. Hindi po p-pwede." natatarantang umiling pa ako sa kanya.

Napakunot siya. "Anong hindi pwede? Ang laking halaga nito, tandaan mo may sakit ang kapatid mo!"

"Nay..." mabilis akong umiling.

"Bitaw," pagbabanta nito.

Umiling ako at lalong napahigpit ang hawak ko sa kamay niya.

"Sabi ko bitaw!"

Aagawin ko sana ang ilang perang hawak niya ngunit mabilis niya itong iniiwas sa akin at tinulak ako.

"Hindi niyo naiintindihan, Nay..." napakagat ako sa sariling labi, natatakot na baka ako madulas at masabi ko ang totoo. "Nay, please. Wag..." naiiyak kong pakiusap.

Lalo siyang napakunot."Anong hindi ko naiitindihan? Naiintindihan ko. Pero naintindihan mo ba itong kalagayan natin, ha? Oh, ano? Diba sabi mo nga, gusto mong makatulong? Bakit hindi mo magawang ibigay ang pera? Akala ko ba gusto mong makatulong pero bakit parang gusto mong ipagkait ang perang 'to? Ano bang plano mo sa perang 'to, Prina, ha? Tapatin mo nga ako! Nagdadamot ka na!"

"H-Hindi naman po sa ganun, Nay. Nauunawaan ko rin naman po..." tama siya.

Gustung-gusto kong ipagdamot at hindi magastos. Gusto kong isungalngal sa mukha ang perang binigay ng gurang na ito sakin.

Sa isiping gagamitin ni Nanay nito ay halos mabuwal ako dahil hindi ko masikmura. Parang nilunok ko na rin ang dignidad ko 'pag nagkataon. Pakiramdam ko nabibili lang ako!

"Oh, eh bakit parang ayaw mo? Kung nauunawaan mo, hahayaan mo ako na gamitin ito. Maraming magagawa ang perang 'to sa atin. Masusulusyunan na rin mga problema natin kaya't sa ayaw at gusto mo, gagamitin ko ito. Gagamitin natin ito. Hahayaan kitang gawin ang bagay na 'yang trabaho mo. Pero huwag lang sa pagpa-pageant..." padabog niyang ibinigay at tumama sa dibdib ko ang report card na hawak niya. "...at bumawi ka sa pag-aaral mo!"

Nagsisi akong nagpalusot pa ako. Halos manghina ako. Gustuhin ko mang bawiin ang sinabi ko ay wala na akong magawa. Hindi. Hindi ko matanggap na itong perang gagamitin ni Nanay para sa pagamot kay Chichi ay galing pa sa taong may atraso sakin at kinasusuklaman ko. Hinding-hindi. 

P I E D R A I J A D A

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro