Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 3

Chapter 3: Entry

Hindi katulad kahapon at noong isang araw, sa labas ng Esperanza kami kumain ng lunch. Nag-aya si Evette dahil gusto niya raw mag-vlog kasama kaming lahat.

"Hello! This is Evette and I'm back with another vlog for you today!" panimula niya.

Nahihiyang yumuko kami ni Mendel dahil napatingin sa amin ang mga taong naroon. Si Thaxter naman ay ngiting-ngiti sa camera samantalang walang pakialam si Atlas na nakikinig sa kaniyang walkman.

"I'm with my friends! We belong to an organization which is called 'The A Team'."

Kinalabit ko si Mendel at inaya siya sa counter. Tiyak na mahuhuli kami sa klase kung hindi pa kami o-order. Naghanap ang tatlo ng mauupuan namin habang abala kami.

"So... how's your stay in the team?" tanong ko kay Mendel habang hinihintay namin na dumating ang mga orders.

Inayos niya ang kaniyang salamin bago sumagot. "H-honestly, I did not expect this. Masarap pala sa pakiramdam na ang makakasama mong mga tao ay totoo sa 'yo."

Napangiti ako at sinulyapan ang iba pang kaibigan. Bumalik na rin kami sa aming table nang makuha ang mga binili. Agad na itinapat ni Evette ang kaniyang camera sa pagkain namin kaya nagreklamo si Thaxter na gutom na.

"Takaw," bulong ni Evette na hindi nadinig ni Thaxter dahil busy na siya sa pagkain.

"Pag-usapan na natin ang mga programs and activities na gagawin natin?"

"Dapat iyong mga makabuluhan para maka-inspire tayo ng ibang kabataan na kahit sa murang edad, kaya nating makatulong sa sarili nating mga paraan," sunod sa akin ni Mendel.

Nagkatinginan kami at parehas na napangiti. Sa oras na iyon, naisip kong hindi mali ang desisyon kong piliin ang mga taong ito. Kung tutuusin, puwede silang mag-suggest ng kahit ano pero mas gusto nilang may kabuluhan ang gagawin.

"Ako ang magf-film ng lahat ng magiging agenda ng grupo natin."

Sumang-ayon kami sa suhestiyon ni Evette. Mas maganda nga iyon para hanggang sa pagtanda namin at kapag nagkaroon na ng sari-sariling buhay, mababalikan pa namin ang lahat ng pinagsamahan namin.

"Si Kuya Rolly," si Atlas iyon na nakikinig pala sa amin.

"May sakit ang anak niya at namatay ang asawa," pagpapatuloy niya.

Napatakip sa kaniyang bibig si Evette. "Iyon na lang ang unahin natin! Kailangan lang natin ng pondo para makabili ng gamot at grocery na rin."

"May contest sa school. May prize pero hindi gaanong kalaki. Lahat ng competition about sa Philippine Independence Day," imporma sa amin ni Thaxter.

Nagtaas ng kamay si Mendel nang madinig iyon. "Ako na sa Quiz Bee."

"Of course, talagang ikaw na 'yon! Kami naman ni Thaxter ang sa traditional dance."

"May Essay Writing Contest ba?"

Tumango si Evette sa akin. "Oo. Ikaw na lang do'n!"

Bumaling ako kay Atlas na tahimik na ulit. "Ikaw, Atlas?"

Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko alam."

Hindi na kami nagtagal pa dahil malapit nang mag-umpisa ang afternoon classes. Pagkadating namin ay siya namang pagpasok ng aming History teacher na si Miss Manzano.

"May dala akong listahan dito ng mga gaganaping contests para sa ating Independence Day Program. Isusulat niyo lamang ang inyong pangalan sa kung saan niyo gustong sumali," imporma nito.

Gaya ng napagkasunduan namin, sina Thaxter at Evette sa Traditional Dance Competition samantalang si Mendel namang ang sa Quiz Bee.

Hinintay kong makarating sa akin ang registration form para sa Essay Writing Contest pero tapos na ang lahat ngunit hindi pa ako nakakapagpalista.

Nagtaas ng kamay ang aming president na si Amore. "Ma'am, nasaan po ang form para sa essay?" tanong niya na ipinagtataka ko rin.

"May inihanda kasi ang committee na sorpresang premyo kaya nakiusap ang inyong adviser sa akin na salain kayo nang maigi. Magsusulat kayo ngayon ng essay with minimum of 500 words at about sa kalayaan ng ating bansa."

"Bakit hindi na lang po si Amore? Siya naman ang palaging nananalo sa mga ganyan," suhestiyon ng isa kong kaklase na kaibigan ni Amore. Ngumiti ang aming presidente at mukhang nagustuhan ang sinabi ng kasama.

Umiling si Miss Manzano. "Katulad nga ng pakiusap ng inyong adviser, magsusulat kayong lahat at pipili ako ng magiging representative ninyo. Maaari na kayong magsimula."

Lumingon sa akin si Evette at bumulong. "Galingan mo, ah? Kaya mo 'yan." Ngumisi ako.

Nag-angat ako ng tingin nang nadinig ang tikhim ni Miss Manzano. "May problema ba, Alquiza?"

Pagak na tumawa si Evette at pumunit sa yellow pad ko. "N-nanghihingi lang po ng papel," palusot niya.

Nakahinga ako nang maluwag nang tantanan na kami nito ng tingin. Sinimulan ko na rin ang isusulat. Maraming depinisyon ng kalayaan para sa akin kaya hindi lamang ang pagkakawala mula sa Espanyol ang isinama ko.

"Kumusta? Sana mapili iyong sa 'yo," si Mendel pagkatapos ng klase.

Nagkibit-balikat at ngumiti na lamang ako. Katulad ng nakagawian, pumunta muna kami sa waiting shed bago umuwi at... tinignan ulit ni Atlas ang bahay ko.

Kahit may parte sa aking kinakabahan, naging payapa ang tulog ko kaya kinabukasan ay maganda ang aking disposisyon.

"Sure na 'yan, Alora!"

Si Evette iyon habang papasok kami sa room para sa announcement ng results. Nakakatuwa na hindi lumipas ang isang oras na hindi nila pinapanatag ang loob ko.

Hanggang sa dumating si Miss Manzano, bumabaling sa akin sina Evette para i-cheer up ako. Natahimik lamang kami nang magsalita na siya.

"Nakapili na ako ng magiging representatives niyo para sa Essay Writing Contest bukas," panimula niya.

Napuno ng bulungan ang silid dahil sa pagbabago. "Dalawa? Hindi ba isa lang bawat section?"

Tumikhim si Miss Manzano kaya natigil ang lahat. "Amore Modrante," anunsyo niya sa napili.

Pumalakpak kaming lahat. Masayang kinuha ni Amore ang kaniyang entry mula sa aming teacher at nakangiting sinalubong ang kaniyang mga kaibigan na tuwang-tuwa rin para sa kaniya.

"Lagi naman," ungot ng iba naming kaklase.

"At ang huli, dahil sa kakaibang atake niya sa pagsusulat. Sobra akong nagandahan sa essay niya dahil hindi lamang sa Spanish Era siya nag-pokus. Nagkaroon siya ng iba't ibang interpretatsyon sa salitang 'kalayaan'... Alora Carvajal."

Nabunutan ako ng tinik nang madinig ang aking pangalan. Madaming nag-congratulate sa akin na ikinatuwa ko rin. Nasa labas kami ng room para umuwi na nang nadinig ko ang usapan ni Amore at ng kaniyang mga kaibigan.

"Bakit ka makungkot, Amore? Napili ka naman, ah?" tanong ng isang kasama niya.

Hindi siya sinagot ng kausap na nanatiling nakayuko. "Napili nga siya pero mas nagandahan si Miss Manzano sa entry ni Alora."

Sumulyap sa banda namin si Amore kaya nagkasalubong kami ng tingin. Siya ang unang nagbawi kaya nang tawagin ako ni Evette para umalis na, nagkibit-balikat na lamang ako at sumunod na sa kanila.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro