Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12

Chapter 12: Saved

Masaya akong sinalubong ni Evette sa pagpasok ko. Kumunot ang noo ko nang ibigay niya sa akin ang hawak niyang sobre.

"Ano 'to? Schedule ng community service natin?" tanong ko.

Nakangiti siyang umiling at sinenyasan akong buksan na iyon. Kahit nagtataka, ginawa ko ang utos niya.

I hereby declare that 'The A Team' is now a legitimate school organization that strives to give hope to the young people of this generation. I'm extending my regards to Ms. Alora Carvajal and to her colleagues for creating such a big move to ignite change.

The school is surely in its best state with you. I am hoping to see you soon in person.

Sincerely yours,
George T. Carriego, Ed.D.
Headmaster, ENHS

Umawang ang bibig ko "P-paano nangyari 'to? A-ano..."

Mahinang natawa si Evette at tinapik ang aking balikat. "Vinyl offered us help. Hindi na namin tinanggihan dahil kailangan naman talaga natin niyon. Kaninang umaga, pumunta siya rito. Inabot niya 'yan sa akin," paliwanag niya.

"N-nasaan siya?"

Nagkibit-balikat siya. "Hindi siya pumasok. Bigla na lang siyang nawala... Tambay na lang tayo sa A Suite!"

Hinawakan niya ang braso ko at walang lingon-lingong hinigit. "T-teka! May klase tayo, ah?" pigil ko sa kaniya.

Hindi siya kumibo at nagpatuloy. Naabutan namin ang tatlo roon na may mga dalang balde ng pintura. Nilapitan kami ni Mendel.

"Huwag kang mag-alala, Alora. Hindi tayo magc-cutting. Sinabihan na ni Sir Julien ang lahat ng teachers nating mayroon tayong importanteng gagawin ngayon."

Nakahinga naman ako nang maluwag dahil doon. Ayoko nang mapahamak ang kahit sino sa amin. Natatakot ako sa posibleng mangyari pa sa hinaharap pero hanggang kasama ko sila, mananatili akong matatag at puno ng pag-asa. Dahil iyon naman talaga ang misyon ko sa buhay na ito.

Napaisip ako sa sinabi ni Mendel. "Ano namang importante ang gagawin natin?" tanong ko.

Itinaas niya ang bago pang roller na hawak at iwinagayway iyon sa aking harap. "This is Oplan: A Suite Makeover." Tinaas-baba niya ang kilay. "Ano? Game?"

Ngumisi ako at kinuha ang roller bilang sagot. Naroon na sa loob sina Thaxter at Atlas na abala sa paglalagay ng primer. Napansin ko ring may mga bago kaming gamit na nakaipon sa gitna katulad ng computer, printer at iba pang supplies.

"Bigay 'yan ng headmaster, father ni Vinyl. At itong building, exclusive na para sa atin. Sa dating senior building na lang daw ang office ng maintenance," si Evette na may hawak na camera.

Iniwas ko ang aking mukha ng itapat niya iyon sa akin. Pinahidan niya ako ng pintura sa pisngi. Nabigla ako kaya sinamantala niya iyon para isama ako sa documentation niya.

"This is Alora Carvajal, everyone. She is the founder of The A Team and the future president of the Philippines."

Tumawa ako hanggang sa hindi ko na namalayang tumulo na pala ang aking mga luha. Ngumiti ako kay Evette na tigalgal akong pinagmamasdan.

Pinunasan ko ang basang pisngi at pagak na natawa. "S-sana nga... P-pangarap ko 'yon, eh."

"Alora..." nahahabag na bulong ni Evette.

Umiling ako at tinapik ang kaniyang balikat. "H-halika na. Marami pa tayong gagawin."

Tumalikod ako at kunwaring may hinahanap sa loob ng kahon ng mga pintura pero patuloy ang paghagulgol ko. Naramdaman kong niyakap ako ni Evette mula sa likuran. Hindi nakatakas sa aking pandinig ang mga hikbi niya.

"B-bakit ka ba u-umiiyak? Nahawa tuloy ako sa 'yo."

Hinarap ko siya at nakita ang pamumula ng kaniyang mga mata. "Nagalit ka ba kasi pinahidan kita ng pintura? Sorry na kung gano'n. Kahit gusto kong lagyan ka sa buong mukha, pipigilan ko," bulong niya, nakayuko at hindi makatingin sa akin.

Mahina akong natawa at kinabig siya sa isang yakap. Nagkatinginan kami ni Atlas. Pabiro akong kumindat na ikinailing niya, nangingiti.

Napansin kami ni Thaxter kaya sumali rin siya sa yakapan. "Iyak pa kayo riyan. Yakap ko lang pala gusto ninyo."

Katulad ng inaasahan, agad siyang kinontra ni Evette. "Huwag ka muna magyabang. Hindi kita mabibigwasan dahil naipit ako sa inyo," gigil niyang turan.

Muntik na kaming matumba ng palundag na yumakap si Mendel. Pinahidan niya ng pintura sa noo sina Thaxter at Evette na hindi naman nagreklamo.

Bumaling kaming lahat kay Atlas na nakapamulsa kaming nilapitan. "Ayaw mong sumama?" tanong ko.

Ngumisi siya at nilagyan ng pintura ang sarili niya bago pumwesto gilid ko. "Matatanggihan ko ba 'to?" bulong niya sa akin.

"Aray! Natapakan mo ang paa ko, Del Prado! Lintik ka! Kalalaki mong tao, pinatay mo ang kuko ko!"

Natatawa kaming kumalas dahil sa reklamo ni Evette. Tumalon-talon siya at ininda ang natapakang paa. Matalim niyang tinignan si Thaxter na hawak ang camera niya at kinuhanan siya ng litrato.

"Hangal! Burahin mo 'yan!"

Ngumisi lamang si Thaxter at nagtago sa likod ko. Napailing ako at kinuha ang camera. Hinatak ko sina Mendel at Atlas para magkasya kami. Ika-ika naman kaming nilapitan ni Evette na nakangiwi.

I angled the camera and clicked the shutter. Pinagmasdan ko ang kinalabasan. "This is my favorite picture of us," sabi ko sa kanila.

Tinabihan ako ni Atlas. Itinaas niya ang kaniyang mga kamay at bumuo ng hugis parisukat na parang nagp-picture. Itinapat niya iyon sa akin.

"And this is my favorite..."

Magaan ang mga hakbang ko habang papalapit sa SSG Office. Hinigpitan ko ang pagkakapit sa strap ng aking bag. Nakita ako ng isang junior representative na ambang lalabas na. Binalikan niya ako.

"Sino po ang hanap ninyo?" tanong niya.

"N-nandiyan ba si Abigail?"

Tumango siya at itinuro ang dulong pinto. "Nasa loob po si President. Pumasok na lang po kayo."

Nagpasalamat ako at sinunod ang sinabi niya. Mahina akong kumatok na sinundan naman ng pagpihit ng seradura.

Maliit akong ngumiti nang masilayan si Abigail na pormal pa rin. "May kailangan ka, Carvajal?" bungad niya.

Napalunok ako at hindi maiwasang maalala ang pagtakas kahapon. Siguradong nakarating na rin sa kaniya ang balitang isa na kaming legal na grupo rito sa school. At batid kong alam niyang si Vinyl ang may kagagawan niyon.

Kung ako ang nasa posisyon niya ay magagalit ako dahil tinraydor ako ng matalik kong kaibigan para lamang sa mga taong lumabag sa patakaran ng eskwelahan.

Kaya hindi ko siya masisisi kung may sama siya ng loob sa amin. Maiintindihan ko kung paaalisin niya lamang ako rito ngayon.

Natauhan lamang ako ng bigla siyang magsalita. "Hindi ako galit."

Umawang ang bibig ko at bahagyang nanlaki ang mga mata. "H-huh?"

"I can see that you are underestimating my professionalism."

Mabilis akong umiling. "N-naku! Hindi naman sa ganoon!" pagtanggi ko.

"I'm cool with your team, Carvajal. Now, may I know why you are here?"

"A-alam mo ba kung nasaan si Vinyl?"

Bumuntong-hininga siya. "He's... waiting for you... kung saan kayo unang nagkita," sagot niya.

Una kong naisip ang waiting shed dahil doon niya ako inalok na ihahatid. Sana naroon pa siya ngayon. Bahagya akong yumuko at ngumiti. "Salamat. Aalis na ako."

Tumango lamang siya at hinayaan na ako. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at malalaki ang hakbang na tinungo ang shed. Halos takbuhin ko na iyon nang matanaw na naroon pa nga si Vinyl.

Napatayo siya nang makita akong papalapit. Bumagal ang lakad ko. Hindi siya naka-uniporme at may suot na cap. Kaswal siyang namulsa habang pinanonood akong kabahan.

"I thought you will look for me so..."

Napalunok ako. "T-thank you... for saving us."

Peke siyang ngumiti. "I wish I could save you, too."

Umiling ako at hinayaan na ang katahimikan ang sumagot sa mga tanong namin. Hinayaan ko ang sariling makuntento sa kung hanggang saan lang ang maaari at kaya kong ibigay sa kaniya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro