Chapter 13
Isang araw ang lumipas magmula nang makatanggap ako ng halik mula kay Xaviour. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. Habang lumalalim ang tulog ko ay unti-unting nagbago ang paligid. Mula sa madilim ay naging isang magandang tanawin.
Pagmulat ko ng aking mga mata ay nakaupo ako sa isang tree house habang pinagmamasdan ang buong bayan na tanaw mula dito sa kinauupuan ko. "Ang ganda ng tanawin, hindi ba?" Nagulat na lang ako nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Napalingon ako sa aking tabi at nakita roon ang isang binata ngunit tulad ng dati ay hindi ko pa rin magawang maaninag ang kanyang mukha.
Agad akong napatayo at lumingon-lingon sa pamilyar na paligid. Aalis na sana ako dahil hindi ko naman alam kung bakit ako naririto ngunit natigilan ako nang makitang muli ang isang dalaga na katabi ng binata kung saan ako nakaupo kanina. Nakita ko na sila noon sa panag-inip ko at kung panag-inip itong muli ay nais ko nang magising ngunit nais ko ring matuklasan kung ano ba ang mayroon. Naguguluhan na ako.
"Sana ganito na lang palagi. Tahimik at payapa ang paligid... habang kasama kita," tugon ng babae na dahilan nang pagngiti ng lalaki. Hindi ko man kilala kung sino sila at kung bakit lagi ko silang nakikita sa aking panag-inip ay nakakaramdam pa rin ako ng tuwa. Natutuwa ako sa kanila, para silang magkasintahan.
Maaari ko kaya silang makausap? Lalapitan ko na sana sila nang bigla akong mahulog sa kung saan. Wala akong ibang naramdaman sa pagkahulog ko ngunit sa aking pagmulat ay nasa panibagong lugar na naman ako. Hindi ko alam ang nararamdaman ko nang makita ang paligid. May duyan sa pagitan ng dalawang puno habang napapalibutan ito ng mga magagandang bulaklak at mga berdeng damo kasabay ng unti-unting pagkalaglag ng mga dilaw na dahon mula sa puno. Napangiti na lang ako at dinama ang masarap na simoy ng hangin na para bang wala ako sa aking panag-inip. Ibang-iba na ito sa ngayon. Marahil ay ganito ang itsura niya noon. Kung hindi ako nagkakamali ay ito ang pinuntahan namin ni Xaviour kamakailan lamang. May ibig bang sabihin ito?
Uupo sana ko sa duyan nang may marinig akong nagtatawanan. Napalingon ako sa likod ko at nakita ko ang nagtatakbuhan na lalaki at babae. At tama ako, sila 'yung kanina. Sila na naman. Waring nagpapaunahan silang makarating dito.
"Nauna ako. Hahaha!" Kitang-kita ang saya sa mukha ng babae nang mauna siyang makarating sa duyan, kahit malabo ito ay dama ko. "Kailangan mo akong ilibre ng empanada."
Nawala ang mga ngiti sa labi ko nang marinig 'yon. May kung anong alaala ang bumalik sa isipan ko. Noon ay mahilig akong magsuot ng mahahaba at asul na palda tulad ng babaeng 'yan, mahaba rin ang buhok ko na lagi kong nilalagyan ng palamuti, at may kaibigan rin ako na lagi kong kasama patungo sa lugar na ito at paborito namin ang empanada ngunit nakakalungkot dahil hindi ko na lubusang maalala ang kaibigan kong 'yon. Hindi ko na rin alam kung nasaan siya at kung ano ang nangyari sa kanya. Natatandaan ko na lang ay sa bayang ito rin sila nakatira pero hindi ko na rin alam kung saan dito.
Sa aking muling paglingon sa kanila ay nasilayan ko ang mukha ng babae at mariin akong napapikit.
Ngayon ay alam ko na. Ako... Ako ang babaeng 'yon. At ang lalaki naman ay ang matalik kong kaibigan na hindi ko na alam kung nasaan na ngayon.
Bakit lagi ko silang nasa panag-inip at alaala? Hanggang doon na lang ba?
Hindi ko namalayan na nasa panibagong lugar akong muli. Pinagmasdan ko ang paligid at nasa isang silid ako. Madilim sa loob ngunit maliwanag sa labas. Dumungaw ako sa bintana at nakita ko ang samo't saring kulay ng mga paputok sa kalangitan. Kay gandang pagmasdan, ngunit anong mayroon at ano naman ang ginagawa ko dito? Ilang minuto pa ay mas lumakas ang putukan at kasabay na nito ang ingay ng torotot at waring mga naghahagis ng barya. Ngayon ay alam ko na ang pagdiriwang na nagaganap. Bagong taon ngayon. Para akong naglalakbay sa iba't ibang panahon.
Ilang minuto akong nakatitig sa kalangitan nang biglang bumukas ang pintuan nitong silid at bumukas ang ilaw. Bumungad sa akin ang lalaki... A-ang kaibigan ko. Pabagsak siyang humiga sa kama ngunit agad rin itong bumangon at may kinuha sa kanyang kabinet. Inilabas niya mula roon ang kulay lilang kahon na may kulay pulang laso. Para saan ito?
"Sana magustuhan niya ito." aniya habang inaayos ang kahon. Lalapit sana ko upang basahin ang nakasulat na pangalan kung para kanino ito nang muli akong matigilan.
Isang malakas na putok ng baril mula sa kung saan ang narinig ko. Akala ko'y wala lamang ito ngunit halos tumigil ang mundo ko nang bumagsak sa aking harapan ang lalaki kasabay ng pagbasak ng kahong hawak niya. Tumagas ang dugo mula sa kanyang ulo habang bumabagsak naman ang mga luha ko. Nais ko siyang tulungan ngunit hindi ko alam kung paano hanggang sa unti-unti nang pumasok ang mga tao sa loob ng kwartong ito at agad na lumapit sa lalaki.
Wala akong magawa, sana... sana ligtas siya. Sana nakaligtas siya. Waring tumigil ang tibok ng puso ko habang pinagmamasdan ang walang malay na lalaki, nais ko siyang hawakan. Nais kong maaninag ang kanyang mukha.
Sa muling pagpatak ng aking mga luha ay muling naglaho ang lahat.
Nagising na lang ako nang marinig ang katok mula sa pinto ng aking silid.
"Ate, ate?!" boses 'yon ni Kit. "Ate, gising ka na ba?"
Akala ko'y si Xaviour ang bubungad sa akin. Napabuntong hininga na lang ako. "Oo, sandali lang." Dahan-dahan akong bumangon at nagtungo sa harap ng salamin. Medyo namumugto ang aking mga mata. Umiyak ba ako mula sa aking panag-inip hanggang sa reyalidad? Napakabigat na panag-inip. Totoo bang nangyari 'yon? Kung totoo ito ay sana ligtas ang lalaking 'yon. Siya man ang kaibigan ko o hindi.
Mabilis akong nag-ayos bago pagbuksan ng pinto si Kit. "Happy Birthday, ate!" masayang bati niya at agad akong niyakap. "Happy, happy birthday!" Mula sa mabigat na panag-inip, ngayon ay nakahinga ako ng maluwag. Kaarawan ko nga pala ngayon.
"Thank you, Kit!" Bumitaw na siya sa pagkakayakap at agad akong hinila patungo sa labas.
"Kit, sandali. Ano ba?!" Halos madapa na ako dahil sa pagtakbo namin.
"Bilisan mo, ate, bilis!" Bahagya pa akong napatingin sa labas at napagtantong tanghali na pala. Tumigil kami sa pagtakbo nang makarating kami sa ibaba.
Halu-halong emosyon ang muli kong naramdaman nang makita silang muli. Kay tagal din bago ko sila muling makita. Sapat na ito sa kaarawan ko.
Agad akong tumakbo patungo sa aking mga magulang at agad silang niyakap.
"Happy birthday, anak." Tumakbo rin si Kit patungo sa amin at agad kaming nagyakap. Minsan lang mabuo ang pamilya namin, at kahit ngayong araw lang ay masaya na ako.
Ang lungkot mula sa aking panaginip ay napalitan ng saya. Nakita ko si Xaviour sa tabi ni lola habang pinag mamasdan kami, at masasabi kong masaya rin siya para sa akin.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro